Note: Ang mga reflections dito ay isinulat ko noon pang September 27, 2009, bilang tugon sa Typhoon Ondoy, na sinasabing halos kapareho ng Typhoon Carina sa dulot nitong pagbaha at iba pang pinsala sa Manila at mga katabing lugar nito. Originally ay nakasulat yun sa English. Heto ang Taglish version ng “The God of Manila”:
May mga pagkakataon na kailangan ng pastor na mag-preach ng sermon na walang title, walang outline, walang manuscript o sermon notes, at wala ang karaniwang sampung oras o higit pa na preparation. Nangyari ito nitong umaga ng Linggo sa aming church.
Magpi-preach dapat ako tungkol sa exhortation ni Paul kay Timothy na “preach the Word” mula sa 2 Timoteo 4:1–5. Iyon ang plano ko, pero may ibang plano ang Diyos. Ginabayan niya ako na mag-preach sa buong aklat ng Esther, at pangunahan ang church sa pagre-reflect sa Diyos na siyang kumikilos, kahit pa sa panahon ng mga kalamidad.
Mayroon akong sapat na dahilan para gawin ‘yan.
Kahapon, ang Manila at mga karatig lugar ay nagulantang ng tropical storm “Ondoy.” Ang anim na oras ng pag-ulan mula 8 am hanggang 2 pm ay ang pinakamalakas sa loob ng higit 40 taon. Nagkaroon ng matinding pagbaha sa napakaraming bayan. Sa oras na ito, 73 na ang namatay at halos 340,000 ang naapektuhan. Marami ang stranded. Maraming kabahayan ang nasira o kaya naman ay nakalubog sa baha. Talagang nakakabigla. Hindi pangkaraniwan ang weekend na ito sa Manila, talagang hindi pangkaraniwan.
Hindi ito isang ordinaryong sitwasyon. Wala pa sa kalahati ang umattend sa aming pananambahan ngayong umaga. Ang mga taong ito ay dumating na mayroong larawan ng mga pagbaha sa kanilang mga isipan. Pumunta sila na umaasa na mayroong sasabihin ang Diyos tungkol sa nangyari. Totoo naman, ang Diyos ay nagsasalita. Siya ay pangunahin at buong awtoridad na nagsasalita sa pamamagitan ng Bible. Pero nagsasalita rin siya sa pamamagitan ng mga pangyayari sa ating mga buhay. Sa pagkakataong ito, sumisigaw ang Diyos na tanging ang mga spiritually deaf ang hindi nakakarinig. Tama nga si C. S. Lewis na bumubulong ang Diyos sa ating mga kasiyahan ngunit sumisigaw siya gamit ang megaphone sa ating mga paghihirap. Ngunit anuman ang ipinapakita ng Diyos tungkol sa kanyang sarili at tungkol sa atin sa pamamagitan ng mga sitwasyon sa ating buhay ay dapat na tingnan gamit ang lens ng Banal na Kasulatan.
Kaya, heto ang ilan sa aking mga reflections mula sa Book of Esther (sana ay basahin mo ito sa isang upuan) at sa mga kaganapan sa kasalukuyan (pero hindi sa pagkakasunod-sunod na ito at hindi kasing organized).
Sa mga kalunos-lunos (ano bang salita ang tamang gamitin?) na panahon katulad nito…
Ang Diyos ay kumikilos ayon sa kanyang kapangyarihan at biyaya.
Hindi kailanman nanahimik ang Diyos. Hindi siya kailanman naging absent o hindi matagpuan. Marami ang talagang binabalewala lang siya. Kung hindi ako nagkakamali, ang aklat ng Esther ang tanging aklat sa Bible kung saan ang pangalan na “Diyos” o “Panginoon” ay hindi nabanggit. Pero kung alam mo ang history ng Israel, hindi mo puwedeng balewalain ang katotohanan na ang sovereign at mapagbiyayang kamay ng Diyos ay matatagpuan sa bawat pahina ng aklat na ito. Nagkataon lang ba na ang isang Judio na si Esther ang naging reyna ng kaharian ng Persia para palitan ang reyna na si Vashti? Nagkataon lang ba na napakaganda ni Esther kaya siya ang napili ng hari sa isang grand “beauty pageant”? Nagkataon lang ba na narinig ng kanyang pinsan at guardian na si Mordecai ang plano na patayin ang hari? Nagkataon lang ba na isang gabi ay hindi makatulog ang hari? Nagkataon lang ba na ang maliliit na mga pangyayaring ito ang magiging dahilan ng ironic twist ng kuwento—ang pagkakabaligtad ng plano ni Haman na lipulin ang mga Judio? Nagkataon lang ba na ang bayang pinili ng Diyos ay iniligtas laban sa kamatayan sa isang bansang sila’y mga dayuhan?
Ang nangyayari sa paligid natin ngayon ay hindi isang aksidente o nagkataon lang. Ito ay dinisenyo ng Diyos para sa kanyang mabubuting layunin. Ang ilan sa mga ito—lalo na iyong mahihirap o masasakit—ay maaaring hindi natin maunawaan ngayon o sa buong buhay natin. Pero maaari tayong magtiwala na walang mga aksidente sa mundo ng Diyos. Ginagawa niya ang lahat ng naisin niya (Awit 115:3). At kung tayo ay isa sa kanyang mga anak (Juan 1:12), nakakasiguro tayo na “sa lahat ng bagay (kahit mga pagbaha) ay gumagawa ang Diyos para sa mabuti kasama ang mga nagmamahal sa kanya, silang mga tinawag ayon sa kanyang layunin” (Roma 8:28). Hindi passive ang Diyos. Siya ay aktibo at makapangyarihang kumikilos—sovereign. Ang Diyos ay hindi isang masama o walang pakialam na Diyos. Siya ang ating mahabaging Ama.
Mayroong malalaking mga dahilan para magpasalamat at sumamba sa isang dakilang Diyos.
Kahit sa mga panahon ng kasiyahan, dahil sa ating pagiging makasalanan, ay pinipili natin na balewalain ang Diyos. Ito ang kalikasan ng kasalanan, “Kahit na kilala nila ang Diyos, siya’y hindi nila pinarangalan bilang Diyos, ni pinasalamatan man (Roma 1:21). Kung totoo ito sa panahon ng kasiyahan, paano pa kaya na mas ninanais natin na lapastangin ang Diyos o hindi magpasalamat sa kanya sa panahon ng mga kalamidad?
Si Haman, isang opisyal sa kaharian na kasunod ng hari sa kapangyarihan, ay nagplano na patayin ang lahat ng Judio at nakumbinsi niya ang hari na gumawa ng kautusan. Dahil sa kinakaharap na matinding panganib, ang mga Judio sa pangunguna ni Mordecai at Esther ay nag-ayuno at nanalangin sa loob ng tatlong araw. Walang naitala na sinisi ng mga Judio ang Diyos o sinumpa nila ang Diyos dahil sa mangyayari sa kanila. Sa kanilang pananalangin at pag-aayuno, naniniwala akong naalala nila ang kanilang kasaysayan bilang bayan ng Diyos—kung paanong sa nakaraan ay gumawa siya para sa kaligtasan ng kanyang mga mamamayan.
Ang aklat ng Esther ay isinulat para ipaalala sa mga susunod na henerasyon ng mga Judio ang dahilan para sa kanilang Feast of Purim. Ito ay pagdiriwang ng ginawa ng Diyos para protektahan ang kanyang bayan sa lupaing sila’y mga dayuhan laban sa kanilang mga kaaway. Habang sila ay nagdiriwang at sumasamba, nalalaman at napaaalalahanan sila ng dahilan ng kanilang pagdiriwang. Ang Diyos ang dahilan.
Iba ba ito sa ngayon? Dapat ba nating abandonahin ang pagsamba at kalimutan na pasalamatan ang Diyos sa bawat magandang bagay na ginawa niya sa ating buhay? Heto ang ilan sa aking mga rason para sumamba sa Diyos ngayon kasama ng aking mga kapatid sa church:
- Iningatan ng Diyos ang aking nakababatang kapatid nang maglakad siya ng higit 7 km para makauwi sa bahay namin sa Quezon City. Purihin ang Diyos na mayroon siyang bahay na masisilungan para sa gabing yun. Hindi siya makakauwi sa bahay namin sa Bulacan (40 km ang layo) dahil hindi na nadaraanan ang mga kalsada.
- Iningatan ng Diyos ang isa ko pang kapatid na na-stranded sa sasakyan ng katrabaho niya sa isang lugar sa Manila sa loob ng mahigit 16 na oras.
- Mahigit 40 na katao ang dumalo sa aming church upang sumamba ngayong umaga. O, anong kagalakan para sa isang pastor na makita ang mga anak ng Diyos na sumasamba sa kanya sa ganitong mga pagkakataon!
- Pinagdiwang namin ang ika–23 anibersaryo ng aming church noong nakaraang Linggo. Dapat ay ngayong Linggo namin ito gaganapin pero ni-reschedule namin dahil sa conflict sa schedule ng aming guest speaker.
- Dumating ako nang sakto para sa preaching sa aming worship service. Mahirap pa rin na bumiyahe nang umagang iyon, pero nakarating kami noong sila ay nag-aawitan na.
Marami pa. Sa tingin ko ay marami ka ring mga dahilan para umawit ng papuri sa Diyos. Ilista mo na ang mga iyon ngayon at lumuhod ka at sumamba sa kanya!
Dapat nating alalahanin kung ano ang ginawa ni Cristo para sa hindi karapat-dapat at hindi marunong magpasalamat na makasalanang sangkatauhan.
Ang feast of Purim para sa mga Jews ay isang panahon ng pag-alala sa ginawa ng Diyos. Sa aking pag-alala sa kabutihan ng Diyos at paglista ng mga dahilan na meron ako para sambahin siya, hindi ko naman nililimitahan ang sarili ko sa mga ibinigay kong dahilan sa itaas. Magiging myopic o near-sighted naman kung hindi ako babalik sa nangyari 2,000 taon na ang nakaraan sa Kalbaryo. Si Jesu-Cristo ay namatay sa krus para bayaran ang kaparusahan na nararapat sa ating mga kasalanan at upang tayo ay maging malayang sumamba sa Diyos at luwalhatiin siya bilang ating pinaka-satisfying na Kayamanan sa buong mundo. “Sapagkat si Cristo na walang kasalanan ay namatay nang minsan para sa inyo na mga makasalanan, upang iharap kayo sa Diyos. Siya’y pinatay sa laman, at muling binuhay sa espiritu” (1 Ped. 3:18).
Akala natin ay nararapat tayo sa kabutihan ng Diyos at proteksyon mula sa kalamidad. Hindi. Akala natin ay karapat-dapat tayo sa pag-ibig niya. Hindi. Ang lahat ng mabubuting bagay na ating tinatamasa ngayon ay mga regalo na binayaran para sa atin sa krus ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Dapat natin ‘yang tandaan. Dapat nating alalahanin ang walang hanggang kahatulan na nararapat sa atin. Dapat nating tandaan kung paano nabaligtad ang kaparusahang iyon noong ilagak natin ang ating pananampalataya kay Cristo. Ang guilty ay idineklarang not guilty. What a great reversal! “Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan. Ngunit ang hindi sumusunod sa Anak ay hindi magkakaroon ng buhay. Sa halip, mananatili sa kanya ang poot ng Diyos” (Juan 3:36).
Nag-iisa lamang ang maaari at nararapat nating pagtiwalaan bilang ating seguridad.
Ang mga uncertainties sa paligid natin ang nagiging dahilan para pag-isipan natin muli ang mga basehan ng ating seguridad. Ang biglaang pagkawala ng mga buhay, bahay, kotse, at iba pang ari-arian ay nagtutulak sa atin na suriin kung saan ba natin inaasa ang ating seguridad. Tunay nga, ang seguridad natin ay wala sa ating bank accounts o insurances o position. Inilalantad ng ganitong mga pangyayari ang kahangalan ng pagtitiwala sa mga materyal at panandaliang bagay.
Hindi maaaring ilagay ng mga Judio ang kanilang pagtitiwala sa kahit ano na meron sila noong panahong iyon—kahit pa kay Queen Esther. Tanging sa Diyos lamang! Nagpadala si Mordecai ng mga mensahero kay Esther para sabihin ito, “Huwag mong aakalaing dahil nakatira ka sa palasyo ay ikaw lamang ang makakaligtas sa lahat ng mga Judio. Kapag ipinagwalang-bahala mo ang pangyayaring ito, tiyak na may magliligtas din sa mga Judio, ngunit malilipol ka at ang iyong angkan. Anong malay mo? Baka nga napunta ka riyan para maging kasangkapan sa ganitong pagkakataon!” (4:13–14). Hindi maaaring ilagay ni Esther ang kanyang pagtitiwala sa kanyang posisyon bilang reyna para sa kanyang kaligtasan. Nagtitiwala si Mordecai na magpapadala ang Diyos ng “tulong at pagliligtas” sa anumang paraang nanaisin niya.
“Mayroong umaasa sa karwaheng pandigma, at mayroon ding sa kabayo nagtitiwala;
ngunit sa kapangyarihan ni Yahweh na aming Diyos, nananalig kami at umaasang lubos” (Awit 20:7).
Tinatawag tayo ng Diyos na kumilos kung saan man niya tayo inilagay.
Striking ang mga salita ni Mordecai kay Esther, “Anong malay mo? Baka nga napunta ka riyan para maging kasangkapan sa ganitong pagkakataon!” Tinatawagan niya si Esther na suriin kung bakit siya inilagay ng Diyos sa ganoong posisyon. Inilagay siya ng Diyos doon para may gawin para sa bayan ng Diyos, kahit ibig sabihin niyon ay malagay sa panganib ang kanyang buhay. Ang paglapit sa hari para humiling ay nararapat sa kaparusahan na kamatayan maliban na lamang kung siya ay kalugdan ng hari. Isa itong risk para kay Esther. Ang sinabi niya ay nagpapakita ng uri ng pananampalataya na inaasahan ng Diyos mula sa atin bilang tugon sa mga nangyayari sa paligid natin, “Tipunin mo ang lahat ng Judio rito sa Susa at ipag-ayuno ninyo ako. Huwag kayong kakain o iinom sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi. Mag-aayuno rin kami ng aking mga katulong na babae. Pagkatapos, pupunta ako sa hari kahit ito’y labag sa batas, at kung dapat akong mamatay, ako nga ay mamamatay” (4:16).
Maraming mga tao ang nagdurusa ngayon. Hindi maaaring magpapasalamat lang tayo sa Diyos sa safety na tinatamasa ng marami sa atin at pagkatapos ay wala nang gawin. Nais ng Diyos na may gawin tayo tungkol dito. Lumuhod ka at hilingin sa Diyos na magpadala ng “tulong at pagliligtas” sa mga taong nagdurusa ngayon. Huwag ka lang basta manatili sa bahay mo bukas o sa susunod na araw. Lumabas ka at tulungan ang mga nangangailangan. Kausapin mo ang mga nangangailangan ng encouragement, comfort, at hope. Inilagay ka ng Diyos kung nasaan ka man ngayon para tumulong. Maaari kang gamitin ng Diyos para magdala ng liwanag at init ng araw sa mga taong nalulunod sa malaking baha ng kawalang pag-asa.
Kaya nga, “dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harap ng mga tao upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at papurihan ang inyong Ama na nasa langit” (Mateo 5:16).
Dala-dala ang mga katotohanang ito sa aking isipan, masasabi ko na ang Diyos sa aklat ng Esther ay ang Diyos ng Manila. Wala nang iba. Siya ang Diyos noon. Siya ang parehong Diyos ngayon. Nagbabago ang mga sitwasyon, pero hindi kailanman nagbabago ang Diyos.
Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)
Sign up to get your free pdf
By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

