Tila pabago-bago ang opinyon ng publiko tungkol sa same-sex marriage, tulad sa mga batas ng bansa. Siyempre ang pagbabagong ito ay isa lamang sa mas malawak pang saklaw. Ang mga pananaw ng ating bansa tungkol sa pamilya, pag-ibig, sekswalidad, tolerance, sa Diyos, at sa marami pang bagay ay tila pumupunta sa iba’t ibang direksyon, at ito ang dahilan kung bakit mas defensive ang mga Bible-believing Christians.
Napakadaling isipin na tayo ay mga “moral outlaws,” kung gagamitin yung sinabi ni Al Mohler. Ang patuloy na paninindigan sa mga makasaysayang Christian principles ay lalong magdudulot sa iyo ng problemang panlipunan, pang-ekonomiya at marahil ay dumating pa ang araw na ituring kang isang kriminal o lumabag sa batas. Nakakatawang isipin na sinasabihan ang mga Kristiyano na huwag ipilit ang mga pananaw nila sa iba, kahit pa humaharap na sila sa banta ng pagkawala ng trabaho o iba pang mga penalties dahil sa hindi nila pagsunod sa mga iniuutos ng nasa mataas na posisyon.
Sa lahat ng ito, natutukso ang mga Kristiyano na mataranta o maalarma. Ngunit kapag nagpatukso tayo at ginawa natin ‘yan, ipinapakita lang natin na niyakap na natin ang isang unbiblical at nominal na Kristiyanismo.
Narito, kung gayon, ang pitong prinsipyo para mapagtagumpayan ang mga pagbabago sa kultura na kasalukuyang dinaranas natin.
1. Tandaan na ang Trabaho ng mga Churches ay para sa Supernatural na Pagbabago
Ang buong pananampalatayang Kristiyano ay batay sa ideyang ito: kinukuha ng Diyos ang mga taong patay spiritually at binibigyan sila ng bagong buhay. Tuwing ginagawa natin ang evangelism, ibinabahagi natin ang gospel sa sementeryo.
Kailanman, sa anumang panahon o kultura, hindi natural ang magsisi sa mga kasalanan. Walang ganyang kultura, hindi pa nagkaroon ng ganyang kultura at hindi kailanman magkakaroon. Dapat maintindihang mabuti ng mga Kristiyano, mga churches, at ng mga pastor na ang trabaho natin, mula pa man noon, ay supernatural.
At mula sa pananaw na iyan, masasabi natin na ang mga pagbabago sa kultura natin ngayon ay hindi naman na nakakadagdag sa hirap ng ating trabaho.
2. Unawain na Normal lang na Dumanas ng Persecution
Nitong nakaraang mga buwan, ang preaching ko ay sa Gospel of John at maraming mga tao ang nagpasalamat sa akin sa pagtalakay sa tema ng pag-uusig. Ngunit hindi ako kumbinsido na kaya ‘yun nangyari ay dahil may nagbago sa aking pangangaral; sa tingin ko ang nagbago ay ang pandinig ng mga tao. Ang mga kaganapan sa lipunan kamakailan lang ang nagtulak sa mga tao na mag-alala sa kung ano ang kahaharapin ng mga Kristiyano. Pero kapag binalikan mo at pinakinggan ang mga dati kong sermon—halimbawa, isang series na ipinangaral noong 1990s sa 1 Pedro—matutuklasan mo na sa ordinary biblical exposition, paulit-ulit na tinatalakay ang paksa ng pag-uusig.
Pag-uusig ang kinakaharap ng mga Kristiyano sa makasalanang mundong ito. Ito ang ipinangako sa atin ni Jesus (hal., Juan 16).
Ngayon, maaaring sa providence ng Diyos ang ilang mga Kristiyano ay nasa mga lugar kung saan, kahit ilaan nila ang kanilang buhay sa pagsunod kay Jesus, hindi sila makakaranas ng matinding pang-iinsulto at pag-uusig. Pero huwag magpalinlang sa magagandang buildings kung saan nagtitipon ang maraming churches. Itong si Jesus na ating sinusunod ay pinatay bilang isang kriminal ng bayan.
Kamakailan lang napansin ng isa sa mga kapwa ko pastor na, sa kasaysayan ng pag-uusig ng mga Kristiyano, kadalasan mga secondary issues—hindi ang gospel—ang dahilan ng pag-uusig. Hindi sinasabi ng mga persecutors na, “Naniniwala ka sa gospel ni Jesu-Cristo, kaya uusigin kita ngayon.”
Sa halip, kinokontra kasi ng ilan sa mga paniniwala o mga gawain na pinapanatili natin bilang mga Kristiyano yung gusto ng mga tao at hinahamon ang kanilang paraan ng pagtingin sa mundo. Kaya nila tayo tinututulan.
Muli, kapag ang tugon natin sa mga pagbabago sa kultura natin ay pag-aalala o pagkaalarma, sinasalungat natin ang katuruan ng Bibliya tungkol sa ordinary Christian discipleship. Ipinapakita nito na itinuring na natin na normal ang nominalism.
Ang mga pastor ang lalong dapat magpakita ng halimbawa sa kanilang pagtuturo sa kanilang kongregasyon na huwag ituring ang mga sarili na biktima. Dapat nating pagyamanin pa ang ating regular na pangangaral at pagdarasal sa katotohanang normal lang ang pag-uusig. Trabaho ng mga leaders na ihanda ang mga churches para sa kung paano natin masusunod si Jesus, kahit na maraming criticisms, o matanggalan ng pribilehiyo, o makatanggap ng mga penalties, o makasuhan man.
3. Iwasan ang Utopianism
Ang mga Kristiyano ay dapat mga tao na nagtataguyod ng pag-ibig at katarungan, at nangangahulugan ito na dapat nating sikapin lagi na gawing mas maganda o mas mabuti ang ating paligid kaysa sa kung paano natin ito nadatnan, maging iyan man ay isang silid-aralan sa kindergarten o isang kaharian. Ngunit kahit nagsisikap tayo para sa kapakanan ng pag-ibig at katarungan, dapat nating tandaan na hindi natin gagawing kaharian ni Cristo ang mundong ito.
Hindi tayo inatasan ng Diyos na gawing perpekto ang mundong ito; inatasan niya tayo na ituro ang mundo sa Kanya na balang-araw ay gagawin itong perpekto, kahit na iukol natin ang ating buhay sa pagmamahal at paggawa ng mabuti. Kung natutukso ka sa utopianism, nakikiusap ako na pansinin mo na hindi ito pinapayagan ng Kasulatan, at ang kasaysayan ng utopianism ay may track record ng panggugulo at panlilinlang sa kahit pinakamasisigasig na mga tagasunod ni Cristo.
Mabuti ang makaramdam ng kalungkutan sa lumalaking approval sa kasalanan sa ating panahon. Ngunit isa sa mga dahilan kung bakit maraming Kristiyano ang nakakaramdam ng pagkadismaya sa kasalukuyang mga pagbabago sa kultura ay dahil medyo utopian tayo sa ating mga pag-asa. Muli, kapag ikaw ay nag-iisip at nagsasalita bilang isang taong mahilig mang-alarma, ipinapakita mo na ang motivation mo ay mga utopian assumptions pala.
4. Gamitin ang ating Democratic Stewardship
Malulungkot ako kapag may nagsabi batay sa aking mga comments na hindi mahalaga kung ano ang ginagawa ng mga Kristiyano publicly o sa bansa. Sinasabi sa atin ni Pablo na magpasakop sa bansa. Ngunit sa ating demokratikong konteksto, bahagi ng pagpapasakop sa bansa ay yung pagkakaroon ng bahagi sa awtoridad nito. At kung may bahagi tayo sa awtoridad nito, maaaring magkaroon tayo, sa ilang paraan, ng bahagi sa kanyang pagmamalupit. Ang pagbalewala sa demokratikong proseso, hangga’t nasa atin itong mga kamay, ay pagbalewala sa stewardship.
Hindi tayo makakalikha ng Utopia, ngunit hindi ito nangangahulugan na hindi na tayo magiging mabuting katiwala ng kung ano ang mayroon tayo, o hindi na natin gagamitin ang mga demokratikong proseso para pagpalain ang iba. Para sa kapakanan ng pag-ibig at katarungan, gamitin natin nang mabuti ang mga demokratikong proseso at maging mabuting katiwala tayo nito.
5. Magtiwala sa Panginoon, hindi sa Kalagayan ng mga Tao
Hindi kailanman nagkaroon ng sitwasyon na hindi mapagkakatiwalaan ng mga Kristiyano ang Diyos. Nakita natin ang magandang pagtitiwala ni Jesus sa Ama sa pamamagitan ng krus dahil “sa kagalakang naghihintay sa kaniya” (Heb 12:2). Wala tayong anumang haharapin na makakatumbas sa paghihirap na kinailangang pagdaanan ng ating Hari.
Mapagkakatiwalaan natin ang Diyos. Siya ay tunay na mapagkakatiwalaan sa lahat ng bagay na maaari nating tiisin. At habang nagtitiwala tayo sa kanya, magbubunga tayo ng magandang testimony sa kabutihan at kapangyarihan ng Diyos, at mabibigyan natin siya ng kaluwalhatian.
6. Tandaan na Lahat ng Mayroon Tayo ay Biyaya ng Diyos.
Dapat nating tandaan na ang anumang bagay na natatanggap natin ay dahilan para magdiwang para sa atin na mga Kristiyano. Tama, di ba? Lahat ng mayroon ang isang Kristiyano ay pawang biyaya. Kailangan nating panatilihin ang pananaw na iyan para hindi tayo matuksong maging masyadong bitter sa ating mga employers, mga kaibigan, mga kapamilya, at sa ating gobyerno kapag tinututulan nila tayo.
Paano nagawang umawit ni Pablo sa bilangguan? Alam niyang pinatawad na siya. Alam niya ang kaluwalhatiang naghihintay sa kanya. Nakita at pinahalagahan niya ang mas malalaking mga katotohanang ito.
7. Magpahinga sa Katiyakan ng Tagumpay ni Cristo
Ang mga pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa iglesya ni Jesu-Cristo. Hindi tayo dapat matakot at manginig na para bang sa wakas, pagkatapos ng libo-libong taon, ay nagwagi na si Satanas sa kanyang pagsalungat sa Diyos sa pamamagitan ng same-sex marriage.
“Ah, baka dito na tayo matalo!” Hindi, hindi ‘yan kailanman mangyayari.
Ang mga tao sa buong mundo ngayon at sa buong kasaysayan ay nagdusa nang higit pa kaysa sa nararanasan ng mga Kristiyano sa ating bansa sa kasalukuyan. At hindi naman natin ipinapalagay na si Satanas na ang nanalo doon, ‘di ba?
Ang bawat bansa at panahon ay may natatanging paraan ng pagpapahayag ng kanyang kasamaan, bilang pagsalungat sa Diyos. Ngunit wala nang magtatagumpay nang higit pa sa pagtatagumpay ng krus nung talunin nito si Jesus. Oo, namatay siya. Ngunit makalipas ang tatlong araw ay bumangon siya mula sa mga patay.
Ang kaharian ni Cristo ay hindi nanganganib na mabigo. Muli, dapat malaman at maintindihan itong mabuti ng mga Kristiyano, ng mga churches, at lalo na ng mga pastor. Nangyari na ang pinakamahalagang araw. Oras na ngayon ng paglilinis. Wala ni isang taong pinili ng Diyos upang iligtas ang hindi maliligtas dahil tila parang “nananalo” ang sekular na agenda sa ating panahon at lugar. Hindi dapat tayo mabalisa o mawalan ng pag-asa.
Maaaring hindi tayo manalo sa maraming arguments. Maaaring hindi natin mahikayat ang maraming tao sa pamamagitan ng ating mga books at mga articles. Ngunit maaari natin silang mahalin sa pamamagitan ng supernatural na pagmamahal na ipinakita sa atin ng Diyos kay Cristo. At maipapaalam natin sa lahat ang kanyang Salita ngayon—nang may kapakumbabaan, kapanatagan, at kagalakan.
Salin sa Filipino/Taglish ng How to Survive a Cultural Crisis. Mula sa 9Marks. Isinulat ni Mark Dever.
Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)
Sign up to get your free pdf
By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

