Ang preacher ay tumayo na sa entablado, taimtim siyang nakatitig sa kongregasyon. Oras na para sa kanyang lingguhang imbitasyon. Pinataas niya ang kanilang mga kamay. Wala ni isa ang nagtaas. Ngunit wala naman siyang kakayahan na malaman ito dahil siya ay nasa video screen lamang.
Ako’y nasa pinakamalapit na campus ng isang multi-site church para sa isang assignment na ibinigay ng pastor. Siya mismo ang kumuha sa akin kamakailan lang para gawin ang ilang freelance research work para sa kanya. Ang pagbisita sa isa sa mga remote worship services niya ay para matulungan sana ako na “makilala” ang kanyang ministry. At ito nga ang nangyari. Ngunit hindi ko maiwasang isipin na ang kanyang paraan ng pagmiministeryo ay hindi talaga makakatulong sa preacher na “makilala” ang kanyang kongregasyon.
Hindi ko alam kung ano ang tingin mo sa mga recorded o online services o sa multi-site na modelo ng church growth, pero ang karanasang ito ay nagbigay lang sa akin ng confirmation na ang ilan sa mga concerns ko tungkol sa diskoneksyon sa pagitan ng preacher at mga miyembro ay isa ngang problema na umuusbong sa lahat ng klase ng churches, malaki man o maliit.
Talaga ngang ang problemang ito ay hindi lamang limitado sa mga churches na multi-site, na may mga recorded o online services. Lahat ng pastor sa lahat ng lumalagong iglesya, malaki man o maliit, ay patuloy na makikipaglaban para mapanatili ang kanilang pagkakakilala sa kanilang kongregasyon. At ang tukso na bumukod, na maging mas isolated, ay lalo pang titindi habang dumarami ang mga kumplikadong bagay sa lumalaking church.
At siyempre naman, imposible para sa isang preacher kahit ng isang maliit na church na maging best friend ng lahat sa kanyang church, at imposible rin naman para sa mga preachers ng malalaking mga churches na makilala nang husto ang lahat. Ngunit ang preacher na ang ministeryo ay mas nakatuon sa preaching at kaunti lamang sa aktwal na pangangalaga sa mga miyembro, ang preacher na paunti nang paunti ang pakikisama sa kanyang kongregasyon, sa katunayan ay pinapahina ang gawaing lubos niyang pinaglalaanan ng oras! Ang good preaching ay nangangailangan ng actual shepherding.
Ang ministry ng preaching ay hindi pwedeng ihiwalay sa ministry ng soul care o pangangalaga sa mga kaluluwa; sa katunayan, ang preaching ay karugtong ng soul care. Napakaraming rason kung bakit napakahalaga para sa mga pastor na nais maging makabuluhan ang kanilang preaching na kilalanin ang kanilang mga miyembro sa abot ng kanilang makakaya, ngunit ito ang tatlo sa mga pinakamahalaga.
1. Makabuluhan ang preaching na isinasaisip ang mga idols ng mga tao.
Sa aking paglalakbay para mag-preach sa mga church services at mga conferences, isa sa mga unang tanong na karaniwang tinatanong ko sa pastor na nag-imbita sa akin ay “Anu-ano ang mga idols ng mga tao sa inyong kongregasyon?” Ayoko naman na pagdating ko dun ay basta ko na lang gagawin ang sarili kong diskarte. Sa halip ay gusto kong mapaglingkuran ang pastor na ito at ang kanyang kongregasyon sa pamamagitan ng pagsasalita sa abot ng aking makakaya sa mga nakikita niya na mga hangarin at pangarap ng mga tao sa kanyang church na hindi nakakabit kay Cristo bilang kanilang greatest satisfaction. Malungkot lang na may ilang mga pastor na hindi alam sagutin ang tanong na ito.
Nang si Pablo ay naglakad sa Athens, nakita niya na ang lungsod na ito ay puno ng mga diyus-diyosan (Gawa 17:16). Hindi ito tiningnan ni Pablo na problemang philosophical lang kundi isang problemang spiritual at ito’y nagdulot sa kanya ng matinding kalungkutan. At nung kanyang punahin ito, ginawa niya ‘yun sa direktang paraan, pinuna niya mismo ang kanilang debosyon “sa Diyos na hindi kilala” (17:23). At sa maraming pagkakataon na pinagsabihan ni Pablo ang mga churches sa kanyang mga sulat, makikita mo na specific siya sa lahat ng klase ng mga kasalanan at mga maling katuruan na kanyang pinuna. Hindi siya nagsalita sa paraang general o panlahatan. Alam niya kung anu-ano mismo ang mga nangyayari sa mga churches na ito.
Syempre naman, hindi ito nangangahulugan na dapat ipahiya o ibunyag mo ang mga tao mula sa pulpito. Kundi ito’y nangangahulugan na dapat involved ka sa buhay ng iyong kongregasyon para makapagsalita ka sa preaching sa paraang pamilyar sa kanila.
Hangga’t walang quality time ang pastor sa mga tao sa kanyang kongregasyon, ang mga idols na nilalabanan ng gospel sa kanyang pangangaral ay mananatiling haka-haka lamang sa isip nila. Lahat ng tao sa buong mundo ay may ilang mga idols na common sa lahat. Pero may mga specific idols at mga kasalanang nakasanayan ang mga komunidad na kinabibilangan ng mga churches, ang mga kongregasyon mismo na may sariling kultura, at maging ang mga grupo ng mga tao na may iba’t ibang interes na kabilang sa mga kongregasyong ito.
Ang malaman mo personally ang mga maling pananaw nila pagdating sa pera, trabaho, at pamilya ay makakatulong sa ‘yo na maunawaan kung paano ka dapat mangaral sa kanila. Matutulungan ka nitong piliin ang mga tamang teksto at mga tamang points sa pagpapaliwanag ng mga tekstong ito. Sa ganitong paraan, ang preaching ay nagiging isang ministry, hindi pagganap lang sa tungkulin.
2. Makabuluhan ang preaching na isinasapuso ang mga pagdurusang pinagdaraanan ng mga tao.
Masasabi ko sa ‘yong nagbago ang preaching ko simula nung nahawakan ko ang mga kamay ng mga taong pumapanaw at narinig ang mga puso ng maraming tao habang sila’y umiiyak. Maaaring maging excellent at passionate ang preaching mo, ngunit hangga’t hindi mo lubusang naririnig ang mga kasalanan at mga kinakatakutan at mga alalahanin at mga sugat ng mga tao, hindi magiging ganoon kalaki ang impact nito—na parang patuloy na nangungusap sa kanila.
Mabuti na maraming preachers ang dala-dala ang bigat ng Salita ng Diyos sa pulpito. Ang pasanin ang seryosong obligasyon na mangaral para sa kaluwalhatian ni Cristo, at ipahayag ang kabutihang-loob ng Panginoon sa gospel ay isang marangal, napakahalaga, at kahanga-hangang gawain. Pero dapat madama rin ng preacher ang mga pasanin ng kanyang kongregasyon habang siya’y nasa pulpito. Sa kanyang pag-akyat para mangaral, dapat siyang magmula sa ibaba kasama nila. May bahid dapat ng mga luha ng kanyang kongregasyon ang kanyang manuscript.
Maiiwasan ng preacher ang pagiging manhid kapag palagian niyang nalalaman ang mga pagdurusang kinakaharap ng kanyang kongregasyon. Hindi siya magbibiro nang wala sa lugar. Makakaapekto rin iyon sa mga klase ng illustrations na kanyang ginagamit, sa mga istoryang kanyang kinukuwento, at—ang pinakamahalaga—kung paano niya tinatrato ang Salita ng Diyos. Marami na akong nakitang mga preachers na ginagawang biro ang mga struggles ng mga tao sa kanilang kongregasyon. At naging ganun din ako. Tayo dapat ang nagpapagaan sa mga pasanin nila, pero dahil hindi tayo maingat sa pagsasalita ay nakakadagdag pa tayo.
Ikaw, Preacher, mayroon ka bang genuine heart para sa iyong kongregasyon? Hindi ko tinatanong kung “People person ka ba?” Ang ibig kong sabihin ay kung nalalaman mo ba kung anu-ano ang mga nangyayari sa buhay ng iyong kongregasyon, at naaapektuhan ka ba nito, nagdudulot ba ito ng lungkot sa iyo? Ikaw ba’y nakasama na nilang lumuha? Kung hindi pa, ito’y lalabas sa iyong preaching paglipas ng panahon.
Isipin mo kung paanong nalungkot si Moises sa pagkakasala ng mga taong ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos (Exodo 32:32). O kaya ang napakaraming luha ni Pablo (Gawa 20:31, 2 Corinto 2:4, Filipos 3:18, 2 Timoteo 1:4). Isipin mo rin ang awa ni Cristo, habang nakikita niya ang mga nilalaman ng puso ng mga tao (Mateo 9:36). Maaaring isipin mo na pwede mo namang madama ang mga bagay na ito kahit hindi mo lubusang nakikilala ang iyong kongregasyon, ngunit ibang-iba ‘yun sa tunay na pagkakakilala, lalo na para sa kanila. Ibang-iba ‘yun para sa kanila, kung paanong ang mga inspirational words mula sa isang role model ay naiiba sa mga inspirational words na mula sa iyong ama. Preacher, huwag mong ipangaral ang teksto nang hindi dinadala sa iyong puso ang mga tunay na kabigatan ng iyong kongregasyon.
3. Makabuluhan ang preaching na idinadalangin ang mga partikular na mga tao sa kongregasyon.
Ipinapanalangin ng bawat faithful preacher ang kanilang sermon. Dalangin nila na nawa ang Salita ng Diyos ay hindi babalik na walang bunga (Isaias 55:11). Dalangin nila na maging bukas sa pakikinig ang kanilang kongregasyon. Dalangin nila na maligtas ang mga kaluluwa at magbago ang kanilang mga buhay. Ito ay magagandang mga panalangin. Pero mas maganda ang sermon na may mga panalanging nakahanda para kay Rey Santos at kay Maira dela Cruz at sa pamilya Bautista na galing sa labi mismo ng preacher. Mas mainam ang sermon na sumasamo at dumudulog para sa kaligtasan ni Amang Perez at sa repentance ni Bing Garcia at sa kagalingan ni Anna May.
Paulit-ulit na sinasabi ni Pablo sa mga taong nasa ilalim ng pangangalaga niya na sila’y inaalala niya sa kanyang mga panalangin (Efeso 1:6, 2 Timoteo 1:3, Filemon 1:4). At dahil madalas siyang magbanggit ng pangalan, alam natin na hindi niya basta tinutukoy lang silang lahat sa general na paraan. At kahit na walang direktang pinagpastoran si Pablo na isang kongregasyon, sa halip ay naglingkod siya sa marami bilang isang missionary church planter, pinagsikapan niyang mabuti na makilala ang mga taong kanyang pinaglingkuran mula sa malayo at hinangad pa niyang mabisita sila nang madalas. Paano pa kaya ang pastor ng isang local church, na dapat ay bumuo ng relasyon sa mga taong nasa ilalim ng kanyang pangangalaga! Alam niya dapat ang kanilang mga pangalan at dapat naidudulog niya sa langit ang kanilang mga pangalan sa pamamagitan ng panalangin.
Mahalaga na kilala mo ang mga pinangangaralan mo. Mahalaga na alam mo na hindi gusto ni kapatid na nanay ang preaching mo. Mahalaga na alam mo na gustong-gusto naman ito ni kapatid na kuya na madalas pumuri sa ‘yo. Mahalaga na alam mo na ‘yung lalaking nasa likod na nakahalukipkip at nakakunot ang noo ay hindi talaga galit sa ’yo—ganun lang talaga siya makinig. Mahalaga na alam mo na ‘yung babaeng palangiti at tango nang tango malapit sa harap ay madalas na walang maalala sa mga sinabi mo. Kapag alam mo ang mga bagay na ito, maipapanalangin mo ang iyong kongregasyon nang malalim, mas personal, at sa paraang mas pastoral. At ang preaching mo ay magiging mas mabuti. Ito ay magiging mas totoo. Hindi lamang ito manggagaling sa iyong utak at bibig, kundi magmumula rin sa iyong puso, sa iyong kaluluwa, sa iyong loob.
Ina-assume ng lahat ng ito na ikaw ay interesado sa ganitong klase ng preaching. Pero kung ang tingin mo sa preaching ay simpleng pagbibigay ng “spiritual resource” o espiritwal na mga kaalaman para sa mga interesadong isipan, o isang pep talk para sa mga relihiyoso, at hindi pagpapahayag ng mensaheng mula sa Salita ng Diyos sa puso ng mga tao, pwede mo nang balewalain lahat ng puntos na nabanggit sa itaas.
Salin sa Filipino/Taglish ng “Why Knowing Your Flock is Critical to Meaningful Preaching” Mula sa 9Marks. Isinulat ni Jared Wilson. Translated by Luis Ruiz.
Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)
Sign up to get your free pdf
By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

