Siguro ay hindi mo pa talaga napag-iisipan kung sino si Jesus, o kung may kinalaman sa buhay mo ang mga sinabi niya tungkol sa kanyang sarili. Kasi nga naman ay noong unang siglo pa siya ipinanganak, at ang pamilyang pinagmulan niya ay mga karpenterong Judio na hindi naman kilala. Pinaniniwalaan ng karamihan ang mga basic facts tungkol sa kanyang buhay—kung saan at kailan siya nabuhay, at kung paano siya namatay. Pero ano ba ang kahalagahan ng kanyang buhay at kamatayan? Siya ba ay isang propeta? Guro?Anak ng Diyos? O gifted lang talaga? At kaugnay nito, sino siya sa palagay niya? Sa kabila man ng mga tanong na ito, tila nagkakasundo ang lahat sa isang bagay: si Jesus ay isang pambihirang tao.

Isang Pambihirang Tao

Walang duda na mayroong katangian si Jesus na nakatawag-pansin sa mga tao noong panahon niya. Paulit-ulit niyang sinabi ang mga bagay na ikinamangha nila dahil sa kanyang karunungan, at kinumpronta sila sa mga paraang naiwan silang nangangapa kung paano uunawain ang lahat ng iyon (Mateo 22:22).

“Maraming tao ang nakarinig sa kanya at sa kanilang pagkamangha’y nagtanungan sila, ‘Saan niya natutunan ang lahat ng iyan?’…‘Paano siya nakakagawa ng mga himala’”? (Marcos 6:2)

At naroon pa ang mga himalang ginawa niya. Daan-daang mga tao ang nakakita sa mga ginawa ni Jesus na hindi magagawa ng sinumang tao. Pinagaling niya ang mga tao sa kanilang sakit; sa isang saglit ay ginawa niyang masarap na alak ang tubig; napalakad niya ang mga pilay; sa salita niya ay napatahimik niya ang dagat; tinawag niya ang isang lalaking apat na araw nang patay—narinig siya ng lalaki, tumayo iyon, at lumabas sa libingan (Mateo 8:24–27; 9:6–7; Juan 2:1–11; 11:38–44).

Sa bawat himala at bawat sermon na kanyang ginawa ay ipinapahayag at pinatutunayan niya ang kanyang pahayag tungkol sa kanyang sarili, isang pahayag na wala pang sinuman ang gumawa noon—mga pahayag na siya ay Diyos.

Diyos

Sa ilang pagkakataon, ginamit ni Jesus ang isang pangalan na ginagamit para sa Diyos lamang, ang “Ako Nga” (Juan 8:48–58), na nagpaalala sa sinauna at tanyag na pangalan ng makapangyarihang Diyos ng Israel (Exodo 3:14).

Ang mga propesiyang tinupad ni Jesus ay nagpapatunay rin sa kanyang pagiging Diyos. Inabangan ng mga Israelita ang pagdating ng hari na uupo sa trono na ilang daang taon nang bakante. Isang propeta ang nagsalarawan sa Haring ito na “Kahanga-hangang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang Hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan. Magiging malawak ang kanyang kapangyarihan at walang katapusang kapayapaan ang ipagkakaloob sa trono ni David at sa kanyang kaharian” (Isaias 9:6–7). Para sa mga tao noong panahong iyon, ang ipinangakong Hari ay hindi basta katulad ng isang lalaking uupo sa trono nang sandaling panahon at pagkatapos ay mamamatay. Narinig nila ang kanilang Diyos na nangakong siya mismo ang darating para maging kanilang Hari.

Ipinakilala rin ni Jesus ang kanyang sarili bilang “Anak ng Diyos.” Hindi iyon isang royal title lang; iyon din ay pagpapahayag na si Jesus ay kapantay ng Diyos sa katayuan at karakter at karangalan. Ipinaliwanag ni Juan: “Lalo namang pinagsikapan ng mga Judio na ipapatay siya, sapagkat… sinasabi pa niyang ang Diyos ang kanyang Ama, at sa gayon ay ipinapantay ang kanyang sarili sa Diyos” (Juan 5:18).

Isa sa Atin

“Incarnation” o pagkakatawang-tao ang tawag ng mga Kristiyano sa katotohanang ang Diyos ay naging tao. Sinasabi ng Bibliya na si Jesus ay nagutom, nauhaw, napagod, at inantok din. Ginawa niya ang mga bagay na may malalim na habag, awa, at pag-ibig (Mateo 15:32; Marcos 6:34; Juan 11:33–36). Hindi lang siya tao; ipinakita niya sa atin kung ano talaga ang disenyo ng Diyos sa sangkatauhan.

Si Jesus ay naging katulad natin, naging kaisa natin upang siya ang kumatawan sa atin sa buhay at kamatayan. Noong si Adan, ang unang lalaki, ay nagkasala, ginawa niya iyon bilang kinatawan ng lahat ng mga kasunod niya (Genesis 3:1–15). “Ang pagsuway ng isang tao ay nagdulot ng kaparusahan sa lahat” (Roma 5:18). Hinayaan ni Jesus na ipataw ng Diyos sa kanya ang parusang kamatayan—ang makatuwirang poot ng Diyos sa mga makasalanan. Kaya hinayaan ni Jesus ang isa sa kanyang sariling tagasunod na ipagkanulo siya sa mga tagapamunong Romano na nagpataw sa kanya ng parusang kamatayan sa krus. Sa kanyang kamatayan, inako ni Jesus ang lahat ng kasalanan ng mga taong kabilang sa Diyos. Namatay si Jesus para sa kanila. Namatay siya bilang kahalili nila.

Isang bagay lang ang mag-uudyok sa Anak ng Diyos para gawin ito: ang kanyang malalim na pag-ibig sa atin. “Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya’t ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan” (Juan 3:16).
Pero hindi nanatiling patay si Jesus. Nang pumasok ang ilang tagasunod ni Jesus sa kanyang libingan pagkalipas ng dalawang araw, “may nakita silang isang binatang nakasuot ng mahaba at maputing damit, at nakaupo sa gawing kanan. At sila’y natakot. Ngunit sinabi nito sa kanila, ‘Huwag kayong matakot. Hinahanap ninyo si Jesus na taga-Nazaret na ipinako sa krus. Wala na siya rito; siya’y binuhay ng Diyos’” (Marcos 16:5–6)!

Buháy

Sa pagkabuhay ni Jesus mula sa mga patay, isang pambihira’t makapigil-hiningang bagay ang nangyari. Napatotohanan ang lahat ng kanyang pahayag tungkol sa kanyang sarili. Pero kung hindi siya muling nabuhay, balewala ang lahat (1 Corinto 15:14–19).

Ang pagkabuhay ni Jesus lamang ang may kapangyarihang baguhin ang kanyang mga tagasunod—mga duwag at mapagdudang mga lalaki—na maging mga martir at saksi na handang itaya ang lahat para sa kanya para lamang sabihin sa mundo, “Itong si Jesus ay pinatay sa krus, ngunit ngayon ay buháy!”

Ang pagkabuhay ni Jesus ang pinakamahalagang katotohanan sa Kristiyanismo. Ito ang pundasyon kung saan nakasalig ang lahat, ang pinakamahalagang pangyayari na humahawak at nagbubuklod sa Kristiyanismo.

Sino Siya para sa Iyo?

Maaaring hindi ka pa handang paniwalaan ang mga pahayag niya. Ano’ng pumipigil sa ‘yo? ‘Wag mo lang balewalain ang mga iyon. Pag-aralan mo. Suriin mo. Alamin mo ang mga sagot. Huwag mong ipagpaliban. Ito ang pinakamahalagang tanong na dapat mong sagutin!
Maaaring handa ka nang sabihing, “Sa tingin ko’y si Jesus nga ang Anak ng Diyos. Alam kong ako’y isang makasalanan at rebelde laban sa Diyos. Alam kong nararapat akong mamatay dahil sa aking pagrerebelde, at alam kong kaya akong iligtas ni Jesus.” Kung gayon, talikuran mo ang kasalanan at magtiwala ka kay Jesus. Magtiwala ka sa kanya para maligtas ka. Pagkatapos ay sabihin mo sa mundo: Ito si Jesus. Siya ang nagliligtas sa mga taong katulad ko, at katulad mo!

©2023 Treasuring Christ PH. Salin sa Filipino ng Who is Jesus? tract ©2013 Good News Tracts. Hango sa libro ni Greg Gilbert, Sino si Jesus? Bible references: MBB


Visit our online stores

Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)

Sign up to get your free pdf

By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

One thought on “Sino si Jesus?

Leave a Reply