Hindi dapat paniwalaan ang lahat ng nababasa mo. Alam natin ‘yan. So, bakit maaasahan ang Bible? Historically reliable ba ito?
Ang Pag-aaral ng History
Ang Christianity ay isang historical na relihiyon, hindi tulad ng ibang mga relihiyon sa mundo. Sa gitna ng pinanghahawakan ng Christianity ay isang paniniwala na mayroong naganap na di-pangkaraniwan sa paglipas ng panahon—ito ay mga bagay na kongkreto, totoo, at historical.
Sa Bible, sinasabi ng New Testament na si Jesus ay ipinanganak ng isang birhen. Sabi niya, siya raw ay Diyos. Gumawa siya ng mga himala—naglakad sa tubig, bumuhay ng mga patay. Siya ay ipinako sa krus ng mga Romano, pagkatapos ay muling nabuhay at umakyat sa langit upang mamahala bilang Hari ng lahat. Maaari ba tayong magkaroon ng kumpiyansa na sabihing totoo ang mga ito at hindi lang basta maniwala nang walang dahilan na ang Bible ay Salita ng Diyos?
Para magkaroon tayo ng kumpiyansa, i-approach natin ang New Testament bilang isang koleksyon ng mga historical na dokumento. Historically reliable nga ba talaga ang mga ito?
Para sagutin ‘yan, kailangang masagot ang ilan pang mga katanungan.
Accurate ba ang mga Bible Translations?
Ang pagsasalin mula sa mga sinaunang lenggwahe ay hindi madali at hindi simple. Pero ilang taon na itong pinag-aaralan ng mga scholars. Sa katunayan, talagang posibleng magkaroon ng tunay, tumpak, at tamang komunikasyon kahit sa pamamagitan ng isang translation.
Sa New Testament, napakaliit lamang ng porsyento ng mga salita ang hindi napagkakasunduan ng mga experts. Ito ay madalas na nakasulat sa mga footnotes (sa ibabang margin ng pahina ng Bible).
Higit pa rito, maaari nating masabi nang may katiyakan na walang primary doctrine sa Christianity ang nakadepende sa pinagtatalunan o hindi tiyak na pagsasalin ng mga orihinal na wika ng Bible. Alam natin kung ano ang talagang sinasabi ng Bible, at ano ang kahulugan nito.
Accurate ba ang Pagkakopya sa mga Orihinal?
Kagaya ng iba pang mga sinaunang libro, hindi na natin mahanap yung mismong orihinal at pisikal na “papel” na pinagsulatan ng mga New Testament writers. Pero meron tayong libu-libong mga sinaunang kasulatan (sa papyrus, vellum, at parchment) na naglalaman ng mga teksto na kinopya galing sa orihinal na wika ng bawat isang libro sa Bible. Pagdating sa New Testament, mayroong mga 5,400 na magkakaibang mga piraso ng manuscript. Ito ay galing pa sa third century o baka nga mas maaga pa. Dahil sa mga ito, maaari nating masuri nang mabuti at nang may mataas na katiyakan kung ano talaga ang sinasabi sa orihinal na dokumento. (Kung ikukumpara, ang Gallic Wars ni Julius Caesar ay mayroon lamang 9 o 10 na mga kopya na mababasa, at ang pinakamaagang manuscript ay 900 years makalipas ang pagsulat ng orihinal.)
Sa pamamagitan ng pagkukumpara ng mga sinaunang dokumento na available ngayon, mapapansin natin ang mataas na quality sa kasaysayan ng paggawa ng kopya. Merong ilang passages na may pagdududa sa orihinal na teksto at mayroon itong maraming mga variations. Pero ang karamihan ng mga variants ay napakaliit lang, kaya masasabing walang doktrina na naaapektuhan dahil dito.
Itong mga Orihinal nga ba ang Dapat na nasa Bible?
Ang mga librong nasa Bible nga ba ang tamang mga dokumento? Meron pa bang ibang mga “Gospels” na nagsasabi ng iba pero reliable din na kuwento tungkol kay Jesus?
Sa totoo lang, ang mga librong nasa New Testament lamang ang tiyak na isinulat noong first century. Karamihan pa sa mga ito ay na-recognize na ng mga Kristiyano na authoritative bago pa matapos ang first century.
Makalipas ang 100 years, saka pa lang lumitaw ang iba’t ibang mga libro na malayo ang itinuturo sa New Testament. Samantalang ang mga Kristiyano ay mayroong tama, makatwiran, at historical na mga dahilan sa pagpapaliwanag kung bakit ang bawat isang libro ng New Testament ay kasama sa Bible. Ang mga naunang dokumento ay tinanggap na maaasahang patotoo sa buhay at katuruan ni Jesus.
Kapani-paniwala ba ang mga Orihinal na Sumulat?
Ang mga isinulat ng mga New Testament authors ay merong kasamang mga detalye na totoong naganap sa history.
Kapag sinuring mabuti, malinaw na ang mga authors ay hindi nagsusulat ng fiction, o nagpapalaganap ng fake news, o may layuning manlinlang. Obvious na pinaniniwalaan nila na nangyari talaga ang isinulat nila.
Ang kanilang isinulat ay hindi nakakalito, contradictory, o punô ng kamalian. Maraming mga skeptics ang nagparatang sa mga kamalian daw sa Bible, pero ang bawat isang paratang ay may malinaw na kasagutan at posibleng mga solusyon kapag inaral nang mabuti.
Nagkamali ba ang mga Orihinal na Sumulat?
Ang Bible ay maaasahan na historical record ayon sa mga sumulat nito. Pero nangyari nga ba talaga ang mga ito?
Hindi ba’t maraming mga miracles sa Bible ang hindi naman naaayon sa science? Ang mga miracles sa Bible ay mahalaga para sa mensahe nito. Hindi ito kagaya ng ibang mga miracle stories sa mga gawa-gawang kuwento at alamat.
Ang pinakamahalagang miracle ay ang muling pagkabuhay ni Jesus. Kapag nagkamali ang mga Bible writers tungkol dito, malamang ay mali na rin ang ibang mga sinabi nila. Kapag si Jesus ay nanatiling patay, hindi siya ang “Cristo” na sinasabi ng Bible.
Ayon sa masusing pagsisiyasat sa historical evidence, ang muling pagkabuhay ni Jesus ay hindi isang scam, o panlilinlang, o guni-guni lamang ng kanyang mga disipulo. Iginigiit nila na nakita nila mismo na si Jesus ay nabuhay na muli at wala sa kanyang libingan. Iisa lang ang ibig sabihin kung bakit handang mamatay ang mga apostol dahil dito: talagang literal, pisikal, at historical na muling nabuhay si Jesus.
Dahilan para Magtiwala
Dahil sa muling pagkabuhay, naniniwala ang mga Kristiyano na maaasahan ang mga sinasabi ni Jesus. At dahil inendorso ni Jesus ang Old Testament at binigyan niya ng awtoridad ang New Testament, ang buong Bible ay talagang maaasahan at totoo.
Para sa mga Kristiyano, dahil sa muling pagkabuhay ni Jesus, lahat ng nakipag-isa sa kanya sa pamamagitan ng pananampalataya ay muli ring bubuhayin kagaya niya. Naniniwala sila na tinanggap ng Diyos Ama ang sakripisyo ni Jesus sa krus bilang sapat na kabayaran para sa mga kasalanan. Naniniwala sila na si Jesus ay nabubuhay para gabayan ang mga anak ng Diyos.
Ang Susunod na Tanong
Sa huli, ang tanong na “maaasahan ba ang Bible?” ay daan lamang para sa mas mahalagang tanong: Maaasahan ba si Jesus?
Sa mga hindi Kristiyano, pag-isipan mo ito: Sino ba talaga si Jesus? Saktong-sakto yung sinabi ni apostol Juan: “Ang mga nakasulat dito ay isinulat upang kayo’y sumampalataya na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos, at sa pagsampalatayang iyon ay magkaroon kayo ng buhay sa pamamagitan niya” (Juan 20:31).
©2023 Treasuring Christ PH. Salin sa Filipino ng Why Trust the Bible? tract ©2013 Good News Tracts. Hango sa libro ni Greg Gilbert, Bakit Maaasahan ang Bible? Bible references: MBB
Visit our online stores
Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)
Sign up to get your free pdf
By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

