Ano ang ibig sabihin ng mga Kristiyano kapag sinabi nila ang tungkol sa “gospel ni Jesus”? Ang ibig sabihin ng salitang “gospel” ay “mabuting balita.” Kaya ang tinutukoy ng mga Kristiyano na gospel ay walang iba kundi ang mabuting balita tungkol kay Jesus! Ang mensahe ng Diyos ay ito, “Mabuting balita! Narito ang paraan kung paano ka maliligtas!” Iyan ay isang balita na hindi mo maaaring balewalain. Hindi lang dapat pakinggan. Kailangan din ng pagtugon.
Ano ang Mabuting Balitang Ito?
Noon pa man, ang mga naunang mga Kristiyano ay ipinahayag na ang mabuting balita ni Jesus bilang sagot sa mga tanong na ito:
- Sino ang lumikha sa atin, at kanino tayo mananagot? Sa Diyos.
- Ano ang problema natin? Ang kasalanan natin laban sa kanya.
- Ano ang solusyon ng Diyos sa problema natin? Ang kaligtasan sa pamamagitan ni Jesus.
- Paano ako makakasama sa kanyang solusyon? Sa pamamagitan ng pananampalataya at pagsisisi.
Isa-isahin natin ‘yan.
Ang Diyos
Ang unang dapat malaman tungkol sa mabuting balita ay ito: “nang pasimula ay nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa” (Genesis 1:1). Ang lahat ay diyan nagsimula, kaya kung mali ang pagkaunawa mo riyan, magiging mali na rin ang pagkaunawa mo sa mga kasunod pa. Dahil ang Diyos ang maylikha ng lahat, may karapatan siyang itakda kung paano tayo dapat mamuhay.
Ano ang pagkakilala mo sa Diyos? Mapagmahal at mabuti? Maawain at mapagpatawad? Totoo lahat ‘yan. Sinabi ng Diyos na siya’y “mahabagin at mapagmahal, hindi madaling magalit; patuloy na ipinadarama ang pag-ibig at nananatiling tapat…patuloy na ipinapatawad ang kasamaan, pagsuway at pagkakasala.” At idinagdag niya, “Ngunit hindi ko pinalalampas ang kasalanan” (Exodo 34:6–7). Ibang-iba ‘yan sa iniisip ng mga tao ngayon tungkol sa Diyos. Mapagmahal ang Diyos at hindi niya hahayaang hindi maparusahan ang nagkasala. Makikita nating talagang mabuti ang mabuting balita kung mauunawaan natin na ang Diyos ay banal at matuwid. Determinado siya na hindi balewalain ang mga kasalanan natin.
Ang Tao
Nang likhain ng Diyos sina Adan at Eba, itinakda niya na sila ay mamuhay na nasa ilalim ng kanyang matuwid na pamamahala at may perpektong kagalakan—sumusunod sa kanya at may magandang relasyon sa kanya. Nang suwayin ni Adan ang Diyos, at kainin ang bungang pinagbawal ng Diyos, nasira ang relasyong iyon. Higit pa riyan, nagrebelde sina Adan at Eba laban sa Diyos. Itinakwil nila ang awtoridad ng Diyos sa kanilang mga buhay.
Hindi lamang sina Adan at Eba ang nagkasala. Sinasabi ng Bibliya na “ang lahat ay nagkasala at walang nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos…walang matuwid, wala kahit isa” (Roma 3:23, 10). Ngunit, kadalasan ay iniisip natin na ang mga kasalanan natin ay parang paglabag lang sa mga batas trapiko sa langit. Kaya nagtataka tayo kung bakit galit ang Diyos sa kasalanan. Malala ang kasalanan dahil ito ay pagtanggi sa Diyos at sa kanyang awtoridad sa mga taong binigyan niya ng buhay.
Kapag naintindihan mo ang bigat ng kasalanan, maiintindihan mo rin kung bakit “ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan” (Roma 6:23). Hindi lamang iyon pisikal kundi espirituwal na kamatayan, ang pagkakahiwalay nating mga rebelde mula sa presensya ng Diyos magpakailanman. Itinuturo ng Bibliya na ang huling kahahantungan ng mga hindi nananampalataya ay walang hanggang kaparusahan sa isang lugar na tinatawag na “impyerno.”
Ito ang nakakatakot na hatol ng Bibliya: “Itinakda sa mga tao na minsan lamang mamatay at pagkatapos ay ang paghuhukom” (Hebreo 9:27). Lahat tayo ay mananagot sa Diyos. Nagbabala ang Bibliya na “hinatulan na ang hindi sumasampalataya, sapagkat hindi siya sumampalataya sa kaisa-isang Anak ng Diyos” (Juan 3:18).
Ngunit . . .
Si Jesu-Cristo
Ang kahulugan ng salitang “Cristo” ay “anointed one,” na tumutukoy sa paghirang sa isang hari sa pamamagitan ng pagpahid ng langis kapag siya ay nakoronahan na. Kaya kapag sinabi nating “Jesu-Cristo,” sinasabi nating si Jesus ay Hari!
Sa simula ng kanyang public ministry, sinabi ni Jesus, “Malapit nang maghari ang Diyos! Kaya magsisi na kayo’t talikuran ang inyong mga kasalanan. Paniwalaan ninyo ang Magandang Balita” (Marcos 1:15)! Ilang daang taon bago ito, nangako ang Diyos na siya ay paparito bilang isang dakilang Hari para iligtas ang kanyang bayan mula sa kanilang mga kasalanan. At narito na nga si Jesus na nagsasabing, “Ang kaharian ng Diyos ay narito na…ngayon! Ako nga ang dakilang Haring iyon!”
Sa bandang huli ay naisip din ng mga tagasunod ni Jesus na ang misyon niya ay dalhin ang mga makasalanan sa kahariang iyon. Naparito si Jesus upang mamatay bilang kahalili nila, para akuin ang parusang nararapat sa kanilang pagrerebelde laban sa Diyos. Sa pagkamatay ni Jesus sa krus, ang bigat ng lahat ng mga kasalanan natin ay pinasan niya. Ang hatol na kamatayan laban sa mga rebeldeng makasalanan ay naigawad na. At namatay nga si Jesus. Para sa iyo at para sa akin!
Pero hindi diyan nagtapos ang kuwento. Si Jesus na Ipinako ay hindi nanatiling patay. Sinabi ng Bibliya na siya ay nabuhay muli. Siya ang Hari na Ipinako at Muling Nabuhay! Ang muling pagkabuhay ni Jesus ang paraan ng Diyos para sabihing, “Totoo ang lahat ng sinabi ni Jesus tungkol sa kanyang sarili!”
Ang Ating Pagtugon
Ano ang nais ng Diyos na gawin natin ngayong alam na nating si Jesus ay namatay bilang kahalili natin? Nais niyang tayo ay tumugon na may pagsisisi at pananampalataya.
Ang pagsisisi sa mga kasalanan natin ay pagtalikod sa pagrerebelde natin laban sa Diyos. Hindi ibig sabihin na hindi na tayo magkakasala. Ang ibig sabihin lamang nito ay hindi na tayo kailanman magiging panatag na magpatuloy sa pagkakasala.
Hindi lamang ‘yan, kundi dapat din tayong lumapit sa Diyos na may pananampalataya. Ang pananampalataya ay pagtitiwala. Ito ay pagtitiwala na nakabatay sa pangako ni Jesus na muling nabuhay na maliligtas ka mula sa mga kasalanan mo. “Sinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulan ng parusa ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya. Hindi hinahatulan ng parusa ang sumasampalataya sa Anak…Sa kanyang pagkamatay sa krus, pinasan niya ang ating mga kasalanan…si Cristo na walang kasalanan ay namatay nang minsan para sa inyo na mga makasalanan, upang iharap kayo sa Diyos” (Juan 3:17–18; 1 Pedro 2:24; 3:18).
Kung tayo ay ibibilang na matuwid ng Diyos, kailangan niya itong gawin batay sa record ng siyang may karapatan na tumayo bilang kahalili natin. At iyon ang nangyayari kapag ang isang tao ay iniligtas ni Jesus: ang lahat ng ating kasalanan ay ibinilang kay Jesus na siya nang umako ng kaparusahan para sa mga iyon, at ang perpektong katuwiran ni Jesus ay napasaatin nang ilagak natin ang tiwala natin sa kanyang ginawa para sa atin! Iyan ang ibig sabihin ng pananampalataya—ang umasa kay Jesus at magtiwala lamang sa kanya bilang kahalili natin para tayo’y maituring na matuwid sa harap ng Diyos!
Naniniwala ka ba na nagrebelde ka laban sa Diyos at nararapat lamang na tumanggap ng kanyang poot?
Na si Jesu-Cristo ang Anak ng Diyos na inako ang kamatayan na nararapat sa ‘yo dahil sa mga kasalanan mo? Na siya ay nabuhay muli upang maging Kahalili at Tagapagligtas mo? Kung buong puso mo itong pinaniniwalaan, maaari mo itong sabihin sa kanya sa pamamagitan nito…
Panginoong Jesus, alam kong hindi ko kayang iligtas ang aking sarili, at alam ko rin na nangako kang ililigtas ang mga nagsisi at nanampalataya sa iyo lamang. Nagtitiwala ako na patatawarin mo ang mga kasalanan ko at pagkakalooban ako ng buhay na walang hanggan. Salamat na inialay mo ang buhay mo para sa kaligtasan ko.
Kung nagawa mo na ‘yan, mararanasan mo ang isang buong buhay ng pagkilala kay Jesus, simula ngayon! Mas marami ka pang matututunan mula sa Espiritu ng Diyos na siyang nananahan sa mga nagtitiwala kay Jesus!
©2023 Treasuring Christ PH. Salin sa Filipino ng What is the Gospel? tract ©2013 Good News Tracts. Hango sa libro ni Greg Gilbert, Ano ang Gospel? Bible references: MBB
Visit our online stores
Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)
Sign up to get your free pdf
By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

