Sino ang Umaawit? (15:1a)

Sino ang kumakanta? Mahilig siyempreng kumanta ang mga Pinoy—mahilig sa videoke, kahit sa shower kumakanta, masaya, malungkot, kahit anong okasyon. Hindi ba kayo nagtataka kung bakit ang pagkanta ay bahagi ng ating pagsamba? Every Sunday, tuwing nagsasama-sama tayo sa pagsamba, hindi kailanman nawalan tayo ng kantahan. Hindi ito for cultural reasons lang, dahil mahilig kumanta ang mga Pilipino. Inutos ng Diyos na tayo ay kumanta nang sama-sama. “Ang salita ni Cristo’y hayaan ninyong lubusang manatili sa inyong puso. Turuan ninyo at paalalahanan ang isa’t isa nang may buong karunungan. Buong puso kayong umawit ng mga salmo, mga himno at mga awiting espirituwal, nang may pagpapasalamat sa Diyos” (Col. 3:16). Katunayan, isang buong libro sa Bible ang naglalaman ng 150 songs, the book of Psalms, na hindi lang “salita” ng Diyos, kundi “awit” ng mga anak ng Diyos para sa Diyos. Kakaiba ang Christianity sa ibang mga relihiyon sa buong mundo. Ours is a singing religion.

Umaawit tayo in response sa ginawa ng Diyos para sa atin. Ibig sabihin, kung isa ka sa mga iniligtas ng Diyos sa pamamagitan ng ginawa ni Cristo sa krus, aawit ka, umaawit ka, dapat kang umawit. Kapag ayaw mong kumanta, kapag ayaw mong makibahagi sa church sa pagkanta, baka hindi ka o hindi ka pa kabilang sa mga iniligtas ng Diyos. Do you sing like Moses and the people of Israel sa Exodus 15? Katatapos lang natin last week sa kuwento ng Exodus 14 kung saan natunghayan natin ang dakilang pagliligtas ng Diyos sa Israel nang sila ay makatawid sa dagat, kasabay ang dakilang paghatol ng Diyos sa mga tauhan ng hari ng Egipto nang sila ay malunod sa dagat. Pagkatapos makita ng mga Israelita ang ginawa ng Diyos na pagliligtas sa kanila, “nagkaroon sila ng takot sa kanya at sumampalataya sila sa kanya” (v. 31). Ano ang tamang tugon sa pagliligtas na ginawa ng Diyos? Nagbigay ako ng tatlo last week: pagtingin sa Diyos, pagkatakot sa Diyos, at pagtitiwala sa Diyos. Sinabi ko rin na meron pang pang-apat, at ito yung nasa Exodus 15—pag-awit sa Diyos. “Nang magkagayo’y inawit ni Moises at ng mga Israelita ang awit na ito sa Panginoon…” (v. 1 AB).

‌Ang awit na ito ay bahagi ng kuwento ng Exodus. Isa ito sa mga tugon ng mga taong iniligtas ng Diyos, nakasaksi sa dakilang kapangyarihan ng Diyos sa pagliligtas sa kanila at paghatol sa kanilang mga kaaway. So, sino ang umaawit? Ang mga taong iniligtas ng Diyos. Out of the overflow of the heart, the mouth speaks. Kung ang puso natin ay nag-uumapaw sa pagkamangha sa ginawa ng Diyos, walang makapipigil sa ‘yo sa pag-awit, at hindi ka na kailangang utusan at piliting umawit. Ito ang isa sa mga layunin ng Diyos kung bakit sila inilabas sa Egipto, para sila ay sumamba sa kanya. At kasama sa pagsambang ito ang pag-awit ng papuri sa kanya. Ang mga iniligtas ng Diyos ay umaawit sa Diyos.

‌But we don’t just sing individually. Oo, umawit si Moses. Malamang siya pa nga ang nag-compose ng awit na ‘to. Pagtawid nila sa dagat, ito ang ginawa niya. Pero hindi lang ito para sa kanya. Ito ay para sa buong Israel. “Moses and the people of Isreal sang this song to the Lord.” Oo, pwede naman tayong umawit nang mag-isa. But we are part of God’s redeemed people. Kaya nga nakikipag-isa tayo sa church natin every Sunday morning para sama-sama tayo sa pag-awit. Hindi ba’t mas masarap umawit kasama ang iba kaysa naman nag-iisa? Hindi ba’t ang sarap pakinggan, ang sarap sa pakiramdam na naririnig natin ang boses ng buong kongregasyon na sama-sama sa pag-awit sa Diyos? Try to imagine, dalawang milyong mga Israelita sabay-sabay na umaawit sa Diyos. Walang LCD projector. Walang nakaprint na worship bulletin. Walang mga upuan. Walang aircon. Walang gadgets ang mga bata. Umaawit sila for one single reason, naranasan nila ang dakilang pagliligtas sa kanila ng Diyos.

‌Ano ang Ating Inaawit? (15:1b-18)

Ano ang inaawit nila? Yun ang karamihan ng nasa teksto natin ngayon. Ang inaawit nila ay yung dahilan din ng pag-awit nila. Ang Diyos at ang ginawa ng Diyos ang dahilan. Ano ang laman ng awit nila? Ang Diyos din at ang ginawa ng Diyos. Ang Diyos ang bida sa istorya ng exodus. Ang Diyos din ang bida sa awit nila. More specifically, tungkol ito sa kadakilaan ng Diyos.

  • ‌“He has triumphed gloriously”; “dakilang tagumpay” (v. 1 MBB).
  • “Glorious in power”; “maluwalhati sa kapangyarihan” (v. 6 AB).
  • “Greatness of your majesty”; “sa dakila mong tagumpay” (v. 7 MBB).
  • “Majestic in holiness, awesome in glorious deeds”; “sa kabanala’y dakila at kamangha-mangha” (v. 11).
  • “the greatness of your arm”; “sa kadakilaan ng iyong bisig” (v. 16 AB).

Ang pag-awit sa Diyos ay pagtatanghal sa kung sino ang Diyos at kung ano ang ginawa niya. Hindi ito entertainment. Hindi ito pagtatangghal ng mga umaawit at mga tumutugtog. Ang layunin nito ay para ipahayag na wala nang hihigit pa sa Diyos na sinasamba natin. Tulad ng classic definition kung ano ang Diyos—siyang wala ka nang maiisip o makikita pa na hihigit sa kanya. Walang sinuman, walang anuman ang hihigit sa kadakilaan ng Diyos. Wala siyang katulad, “Ikaw Yahweh, sino sa mga diyos ang iyong kagaya?” (v. 12). Ang sagot? Wala. Wala naman talagang ibang diyos maliban sa kanya. Paanong nasabing walang ibang diyos maliban sa kanya, at wala siyang katulad? Ito ang laman ng awit ng Israel. Ano ang inaawit nila na dapat din nating awitin?

Ang Kadakilaan ng Diyos sa Kanyang Pagliligtas (vv. 1b-3)

Inaawit nila ang kadakilaan ng Diyos sa kanyang pagliligtas. Umaawit sila dahil walang katulad ang Diyos sa kanyang pagliligtas.

“Itong si Yahweh ay aking aawitan, sa kanyang kinamtang dakilang tagumpay; ang mga kabayo’t kawal ng kaaway, sa pusod ng dagat, lahat natabunan. Si Yahweh ang aking kapangyarihan at kalakasan, siya ang sa aki’y nagdulot ng kaligtasan. Siya’y aking Diyos na aking pupurihin, Diyos ng aking ama, aking dadakilain. Siya’y isang mandirigma; Yahweh ang kanyang pangalan. (vv. 1-3 MBB)

Umaawit silang lahat, congregational singing yun. At yun din naman ang iniutos sa atin na gawin natin as a church (Col. 3:16; Eph. 5:19). Pero hindi yung nakikisabay lang tayo. Merong personal resolve at determination ang pag-awit, “Itong si Yahweh ay aking aawitan…aking pupurihin…aking dadakilain” (Ex. 15:1, 2). Bakit? Dahil naranasan nila ang pagliligtas ng Diyos sa kanila, yung “dakilang tagumpay,” “he has triumphed gloriously” (v. 1). Hindi ito parang basketball na isa lang ang lamang, at overtime pa. O boxing na umabot sa twelve rounds, at decision lang ng mga judges ang pagkapanalo. Tambak. Knockout. Nilampaso ang kalaban. “…ang mga kabayo’t kawal ng kaaway, sa pusod ng dagat, lahat natabunan.” Ganyan ang nangyari nang lusubin nila ang mga Israelita na tumatawid sa tuyong dagat, “…nanumbalik sa dati ang dagat. Ang mga Egipcio’y nagsikap makatakas ngunit pinalakas ni Yahweh ang pagdagsa ng tubig kaya’t nalunod silang lahat. Nang bumalik sa dati ang dagat, natabunan ang mga karwahe’t kabayo ng Faraon, pati ang kanyang buong hukbo at wala ni isa mang natira” (14:27-28 MBB).

‌Umaawit sila kay Yahweh hindi lang dahil nakita nila ang ginawa ng Diyos na para bang spectator lang. Ito ay ginawa ng Diyos para sa kanila. “The Lord is my strength and my song, and he has become my salvation; this is my God, and I will praise him, my father’s God, and I will exalt him” (v. 2).

  • ‌“my strength”—mahina sila kung sa sarili lang, at kung ikukumpara sa lakas ng kalaban. Wala silang kalaban-laban. Pero si Yahweh ang kanilang kalakasan. God’s almighty, omnipotent power is with them. “God is the strength of my heart and my portion forever” (Psa. 73:26).
  • “my song”—Ang mga reklamo nila ay napalitan ng awit. Hindi lang nagbigay ang Diyos ng awit, ang Diyos mismo ang kanilang awit. Hindi lang sila umaawit sa Diyos. Ang Diyos mismo ang laman ng kanilang awit. God is our joy and our highest joy! “In your presence there is fullness of joy; at your right hand are pleasures forevermore” (Psa. 16:11).
  • ‌“my salvation”— Ang takot na mamatay, napalitan ng kasiyahan dahil sa pagliligtas ng Diyos.
  • “my God”—Hindi mga diyos-diyosan ng Egypt ang sinasamba nila. Si Yahweh ang nag-iisang Diyos.
  • “my father’s God”—Hindi lang personal, kundi buong pamilya ang pagsamba. Hindi rin nakikisabay lang dahil sa parents, kundi may personal ownership, personal faith, “my God.” Ang pagsamba nila ay nakakabit din sa pananampalataya ng kanilang mga ninuno na sina Abraham, Isaac, at Jacob.

Verse 3, “Siya’y isang mandirigma; Yahweh ang kanyang pangalan.” Sa dami-dami ng mga mandirigma na nasa kampo ng hari ng Egipto, sa Israel ay isa lang ang miyembro ng army. He is the Divine Warrior (not warriors) of Israel. Ano ang sabi ni Moises sa kanila nang natatakot na sila sa paglusob ng mga kaaway? “The Lord will fight for you” (Ex. 14:14). Na-recognize ng mga kalaban nila na si Yahweh nga ang nakikipaglaban para sa kanila (v. 25). Ito rin ang na-recognize nila kaya sila umaawit. Psalm 24:8, “Who is this King of glory? The Lord, strong and mighty, the Lord, mighty in battle!” Ano ang pangalan niya? Yahweh. Ito ang pakilala ng Diyos kay Moises na pangalan na ipapakilala rin niya sa Israel. Ang awit nila ay pagkilala na walang ibang Diyos na makagagawa ng pagliligtas na ginawa sa kanila ng Diyos, walang iba kundi si Yahweh. Ito ang dahilan bakit inaawit natin, “The Lord is my salvation.” Sino ang ating Tagapagligtas? Ang pangalan niya ay Jesus. That is why we sing to Jesus. That is why we sing about Jesus and what he has done.

Ang Kadakilaan ng Diyos sa Kanyang Paghatol (vv. 4-10)

‌Kakabit ng kadakilaan ng Diyos sa kanyang pagliligtas ay ito namang kadakilaan niya sa kanyang paghatol laban sa kanyang mga kaaway at sa mga kaaway ng kanyang mga iniligtas. Umaawit ang Israel sa Diyos dahil walang katulad ang kanyang paghatol at pagpaparusa sa mga kaaway nila. Ano ang nangyari sa mga kaaway nila? Yun ang inawit nila:

“Mga karwahe’t kawal ni Faraon, sa dagat ay kanyang itinapon, sa Dagat na Pula nailibing, mga pinunong Egipcio na pawang magagaling. Sa malalim na dagat sila’y natabunan, tulad nila’y batong lumubog sa kailaliman. (vv. 4-5 MBB)

The best of the best ang kalaban nila. Best warriors ng Egypt. Best chariots ng Egypt (14:6-7). Pero walang natira kahit isa. Lahat sila ay nalunod at namatay (14:28). Paano nagpapakilala ang Diyos sa kanyang ginawang ito?

Ang kanang kamay mo, Yahweh’y makapangyarihan, dinudurog nito ang mga kaaway. Sa dakila mong tagumpay, nilulupig ang kaaway; sa matinding init ng iyong poot, para silang dayaming tinutupok. Nang hipan mo ang dagat, tubig ay tumaas, parang pader na tumayo, kailalima’y tumigas. (vv. 6-8 MBB)

Bagamat kamay ni Moises ang iniunat para bumalik ang tubig ng dagat para matabunan ang mga kaaway, siya ay instrumento lang. Ang lahat ng ito ay gawa ng kamay ng Diyos. Ang “kanang kamay” niya ay tumutukoy sa kanyang kapangyarihan, awtoridad, kapamahalaan na higit sa lahat. Tinutukoy rin dito ang “matinding init” ng “poot” ng Diyos, indicating na hindi inosente ang mga namatay. Ito ay hatol ng Diyos sa kanila. Matindi ang galit at poot ng Diyos sa mga kumakalaban sa kanya. “Ang mabuti at masama ay kanyang sinusuri; sa taong suwail siya’y lubos na namumuhi. Pinauulanan niya ng apoy at asupre ang masasamang tao; at sa mainit na hangin sila’y kanyang pinapaso” (Psa. 11:5-6). Ang matinding parusa ng Diyos ang katapusan ng kahambugan ng tao.

Wika ng kaaway, ‘hahabulin ko sila’t huhulihin, kayamanan nila’y aking sasamsamin, at sa tabak kong hawak, sila’y lilipulin.’ 10 Ngunit sa isang hinga mo Yahweh, sila’y nangalunod, parang tinggang sa malalim na tubig ay nagsilubog. (vv. 9-10 MBB)

Sa kahambugan ng mga kaaway nila, akala nila’y magtatagumpay ang plano nila. “I will…I will…I will” sabi nila. Pero anumang plano nila, balewalang lahat sa isang hininga lang ng Diyos. Walang makakatakas sa pagpaparusa ng Diyos. Walang sinumang makagagawa ng paraan para mailigtas ang kanyang sarili sa matinding poot ng Diyos. Kaya nagpupuri tayo sa Diyos dahil ipinadala niya si Jesus na siyang umako ng parusang nararapat para sa atin, na siyang tinupok ng apoy ng poot ng Diyos, na siyang nilunod sa dagat ng bagsik ng galit ng Diyos nang siya’y mamatay sa krus para sa atin. Iniligtas tayo nang akuin ni Cristo ang hatol ng Diyos. Sa krus ay itinuring siyang makasalanan, kaaway ng Diyos, para tayo’y maituring na matuwid, at mapabilang sa pamilya ng Diyos. Kaya inaawit natin,

The mystery of the cross I cannot comprehend
The agonies of Calvary
You the perfect Holy One, crushed Your Son
Who drank the bitter cup reserved for me

Your blood has washed away my sin
Jesus, thank You
The Father’s wrath completely satisfied
Jesus, thank You
Once Your enemy, now seated at Your table
Jesus, thank You

‌By Your perfect sacrifice I’ve been brought near
Your enemy You’ve made Your friend
Pouring out the riches of Your glorious grace
Your mercy and Your kindness know no end

Lover of my soul
I want to live for You

Ang Kadakilaan ng Diyos sa Kanyang Pagmamahal (vv. 11-13)

“Lover of my soul.” Inawit ng Israel, at inaawit pa rin natin hanggang ngayon, ang kadakilaan ng Diyos sa kanyang pagmamahal sa atin. Umaawit tayo dahil walang kapantay, walang kagaya, walang katulad, walang makahihigit sa pagmamahal ng Diyos. Verse 11,

Ikaw Yahweh, sino sa mga diyos ang iyong kagaya? (sagot? wala!) Sa kabanala’y dakila at kamangha-mangha, sa mga himala’y di mapantayan, sa kababalaghan ay di matularan?

Nakita na natin kanina na walang kapantay ang kadakilaan ng Diyos sa kanyang paghatol o pagpaparusa sa kanilang kaaway. Sinabi na naman sa verse 12 kung ano ang nangyari, they were singing God’s story of salvation over and over again.

Nang iyong iunat ang kanan mong kamay, nilamon ng lupa ang aming mga kaaway.

Kanang kamay ng Diyos, hindi kamay ni Moises. Ang kapangyarihan ng Diyos na naghagis sa kanilang mga kalaban para malunod sa dagat ay dakilang kapangyarihan. “Nilamon” sila ng lupa, ang ibig sabihin ay tuluyang namatay. Ang lahat ng ito ay ebidensiya hindi lang ng paghatol ng Diyos, kundi pagliligtas sa Israel. At ang pagliligtas na ito ay dahil saan? Dahil ba mas matuwid ang Israel kaysa sa Egipto? Dahil ba mas karapat-dapat sila sa pagliligtas ng Diyos? No. Ito ay dahil lamang sa pagmamahal ng Diyos sa kanila. Verse 13,

Iyong pinatnubayan sa iyong wagas na pag-ibig ang iyong tinubos na bayan, sa iyong kalakasan ay inihatid mo sila sa banal mong tahanan. (AB)

Ang salitang “wagas na pag-ibig” (sa MBB, “katapatan”; sa ASD, “walang tigil n’yong pagmamahal”; sa ESV, “steadfast love”) ay galing sa salitang hesed na tumutukoy sa katapatan ng Diyos na mahalin ang Israel ayon sa kanyang tipan, particularly kay Abraham. This is God’s covenant love and faithfulness. Ang bagsik ng pagpaparusa ng Diyos sa Egipto at ang kapangyarihan ng Diyos sa pagliligtas sa Israel ay bunsod ng kanyang dakilang pagmamahal sa Israel bilang katuparan ng kanyang pangako kay Abraham. Tapat ang Diyos na naglabas sa kanila sa Egipto. Sila’y “bayang tinubos” o “redeemed.” Mula sa pagkaalipin, pinalaya sila ng Diyos. Mula sa kamatayan, nagkaroon sila ng buhay sa pamamagitan ng dugo ng tupa. At mananatiling tapat ang Diyos sa pagmamahal sa kanila hanggang makarating sila sa lupang ipinangako ng Diyos, “sa iyong kalakasan ay inihatid mo sila sa banal mong tahanan.” Yung “banal mong tahana” ay maaaring tumukoy sa promised land, o di kaya’y sa Mt. Sinai. Pero kahit ano pa man yun, dapat sana’y “ihahatid mo sila” kasi future pa yun, katatawid pa lang nila sa dagat. Pero ang awit nila, “inihatid mo sila.” Tinatawag ito ni Douglas Stuart na “prophetic perfect.” Ibig sabihin, future pa, pero parang nangyari na, dahil tiyak na mangyayari. This is the kind of confidence na meron ang sinumang ang tiwala ay nasa kapangyarihan ng pag-ibig ng Diyos na tapusin kung ano ang sinimulan niya. Tapat siya sa kanyang pagmamahal at mananatiling tapat. He cannot be unfaithful sa covenant na sinumpaan niya. He cannot fail to accomplish his purposes for the people he loves.

Umaawit tayo dahil sa dakilang pag-ibig ng Diyos sa atin. Pag-ibig ng Diyos ang nagbunsod sa Diyos para ipadala si Cristo. John 3:16, “For God so loved the world, that he gave his only Son, that whoever believes in him should not perish but have eternal life.” Pag-ibig ng Diyos ang dahilan kung bakit namatay si Cristo sa krus para sa ating mga makasalanan. Romans 5:8, “God shows his love for us in that while we were still sinners, Christ died for us.” At nakatitiyak tayo na walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos (Rom. 8:39). The love of Christ moves us to sing. Pag-ibig din ng Diyos ang nangingibabaw sa mga inaawit natin. At habang mas lalo nating inaawit ang tungkol sa dakilang katapatan at dakilang pagmamahal ng Diyos, mas tumitibay rin ang pananampalataya natin na tatapusin ng Diyos ang pagliligtas na sinimulan niyang gawin sa buhay natin.

Ang Kadakilaan ng Diyos sa Kanyang Paghahari (vv. 14-18)

Ang huling bahagi ng awit ng Israel ay nagpapahiwatig na si Yahweh ay hindi lang Diyos at Hari ng Israel. Pinakita rin niya ang kapangyarihan niya bilang Hari na dapat sana’y itong hari ng Egipto ay lumuhod at magpasakop sa kanya. Pero hindi lang ito tungkol sa Israel at sa Egypt. Inaawit din nila ang kadakilaan ng Diyos sa kanyang paghahari—paghahari hindi lang sa isa o dalawang lahi o bansa, kundi sa buong mundo; paghahari hindi lang sa ilampung taon kundi magpakailanman. Umaawit sila dahil walang hangganan at walang katapusan ang paghahari ng Diyos.

Bilang Hari, nais ng Diyos na ang balita ng ginawa niya sa Egypt ay makarating sa ibang mga bansa. Pupunta sila sa Canaan, makakalaban nila ang mga tao doon. Makakalaban din nila ang mga Philistines. Daraan din muna sila sa lupain ng Edom at Moab.

Maraming bansa ang dito’y nakarinig, at sa takot sila’y nagsipanginig; doon sa lupain ng mga Filisteo, nasindak ang lahat ng mga tao. 15 Mga pinuno ng Edom ay nangagimbal; matatapang sa Moab sa takot ay sinakmal, mga nakatira sa lupain ng Canaan, lahat sila’y naubusan ng katapangan. 16 Takot at sindak ang sa kanila’y dumatal, para silang bato na hindi makagalaw, nang kapangyarihan mo’y kanilang namalas, nang dumaan sa harap nila ang bayang iyong iniligtas. (vv. 14-16 MBB)

Ano ang epekto sa kanila ng balita ng kadakilaan ng Diyos sa pagliligtas sa Israel at paghatol sa Egypt? Takot, panginginig, pagkagimbal, kaduwagan, sindak, parang bato na hindi makagalaw. Bagamat lalabanan din sila ng mga bansang ito, pero ang kumpiyansa ng Israel ay nasa Diyos na makapangyarihan sa lahat. Walang katulad ang kadakilaan ng Diyos bilang Hari na namamahala sa lahat ng mga bansa. Ganyan din ang sabi ni propeta Isaiah:

Para sa Panginoon, ang mga bansa ay para lamang isang patak ng tubig sa timba o alikabok sa timbangan. Sa Dios, ang mga pulo ay parang kasinggaan lamang ng alikabok.Ang lahat ng bansa ay balewala kung ihahambing sa kanya. At para sa kanya walang halaga ang mga bansa. Kaya kanino ninyo maihahambing ang Dios? O saan ninyo siya maitutulad? (Isa. 40:15, 17-18 ASD)

Sagot: Wala. Wala siyang katulad. Nang dumating si Cristo, ipinangaral niya ang mabuting balita, “the gospel of God.” Ang sabi niya, “The time is fulfilled, and the kingdom of God is at hand; repent and believe in the gospel” (Mark 1:14). Ang “gospel of the kingdom” ay ipapangaral sa lahat ng mga bansa dahil ang Diyos ang Hari ng buong mundo (Matt. 24:14). Ang gospel ay “good news” pero hindi “good news” ang paghahari ng Diyos sa mga taong nananatiling rebelde sa pamamahala ng Diyos. You cannot sing to the King kung ikaw ang nanatiling hari ng buhay mo. Pero kung si Cristo ang kinikilala mong Panginoon at Tagapagligtas, the kingdom of God is really “good news of great joy” (Luke 2:10). Wala tayong dapat ikatakot. Anuman ang mangyaring kaguluhan sa buhay natin, sa paligid natin, at sa buong mundo, we can sing confidently tulad ng mga Israelita:

Sila’y dadalhin mo, Yahweh, sa sarili mong bundok. Sa dakong pinili mo upang maging iyong lubos, doon sa santuwaryong ikaw ang nagtayo at tumapos. (v. 17 MBB)

Confidently kasi alam nating tutuparin ng Diyos ang kanyang layunin para sa atin at walang makapipigil sa kanya. Siya ang Hari na nais na magkaroon ng malapit na ugnayan sa atin—intimacy, communion. Kaya ipapagawa niya ang “tabernacle” later on, para maging santuwaryong titirhan niya para makapiling niya ang Israel, that he might dwell among them. Siguradong mangyayari ang lahat ng ito kaya nga “prophetic perfect” na naman yung ginamit tungkol sa itatayong sanctuary, “ikaw ang nagtayo at tumapos.” Anumang mangyayari sa hinaharap ay tiyak na mangyayari—parang nakaraan na kung ang Diyos na “eternal” ang pinag-uusapan natin. Ang paghahari niya ay walang-hangganan, sa lahat ng dako, sa lahat ng panahon. Kaya ang katapusan ng awit ay ito:

Ikaw, Yahweh, ay maghahari magpakailanpaman.” (v. 18 MBB)

Mula sa Genesis, ang Diyos ang Hari. Sa Exodus, ang Diyos ang Hari. Pagdating ni Cristo, ang Diyos ang Hari. Ngayon, ang Diyos ang Hari. Sa pagbabalik ni Cristo, ang Diyos ang Hari. Siya ang Hari magpakailanman, kaya ang awit natin sa kanya ay walang katapusan. Ganito ang vision na nakita ni apostle John sa mga huling araw:

And they sing the song of Moses, the servant of God, and the song of the Lamb, saying, “Great and amazing are your deeds, O Lord God the Almighty! Just and true are your ways, O King of the nations! Who will not fear, O Lord, and glorify your name? For you alone are holy. All nations will come and worship you, for your righteous acts have been revealed.” ​(Revelation 15:3–4 ESV)

Patuloy na aawitin natin ang kadakilaan ng Diyos sa kanyang pagliligtas, sa kanyang paghatol, sa kanyang pagmamahal, at sa kanyang paghahari dahil walang katulad, walang kapantay, walang makahihigit sa kanyang pagliligtas, paghatol, pagmamahal at paghahari. So…

‌Church, Let Us Sing the Gospel!

Ito ang dahilan kung bakit umaawit tayo at paulit-ulit na inaawit ang gospel, the good news of the kingdom of God, the good news of what Christ has done for us. We don’t just preach the gospel, we sing the gospel. Ito ang ikinalulungkot ko kapag napupunta ako sa ibang church para mag-preach. Masyadong naimpluwensiyahan ng “contemporary worship movement” ang maraming mga churches. Marami sa mga kanta ay sobrang ikli lang, paulit-ulit lang, at ang highlight ay kung ano ang nararamdaman ng tao at ano ang ginagawa natin: “Pinupuri kita. Sinasamba kita. Minamahal kita.” Wala namang masamang ulit-ulitin, siyempre. Wala namang masamang sabihin kung ano ang nararamdaman natin sa pagsamba. Pero hindi yun ang dapat na focus. Ang dapat na focus ay kung bakit mo ba siya pinupuri, bakit mo ba siya sinasamba, dapat sabihin yun sa pagkanta. Dapat ang focus ay kung sino ang Diyos—Ama, Anak at Espiritu—at kung ano ang ginawa niya nang iligtas tayo ni Cristo. Kaya pinipili nating mabuti ang mga kinakanta natin. Kaya meron tayong mga kinakanta dati na hindi na natin kinakanta ngayon. Kaya binabalik natin at pinagsasanayang kantahin yung mga hymns. Kaya ine-encourage natin at pinagpe-pray na makapagcompose pa ng maraming mga Tagalog gospel-centered worship songs.

Kasi, when we sing the gospel, God is glorified. Kasi siya ang focus hindi ang tao. When we sing the gospel, our faith is strengthened. Kasi naaalala natin ang mga kamangha-manghang gawa ng Diyos na nagdudulot sa atin ng kumpiyansa na anuman ang nangyayari sa mundo ngayon, tatapusin ng Diyos ang sinimulan niya. When we sing the gospel, mas lalong umiiinit ang puso natin, we become more passionate to proclaim the glory of God to the nations and the next generation.

‌Paano Tayo Dapat Umawit? (15:19-21)

We sing the gospel. Paano? Paulit-ulit. Habang naglalakbay tayo sa mundong ito, we will sing the gospel. And I believe, yun ang point ng verses 19-21. Bakit? Tingnan n’yo ang verse 19, “Ang mga Israelita’y hinabol nga ng mga kawal ng Faraon sakay ng mga kabayo at mga karwahe. Nang ang mga kawal ay nasa gitna na ng dagat, muling pinaagos ni Yahweh ang tubig at natabunan ng alon ang mga kawal ng Faraon. Samantala, ang mga Israelita’y tumawid sa tuyong lupa.” Oh, yun din ang kuwento ng Exodus 14. Ni-rehearse lang, inulit lang. That is why we keep preaching the gospel over and over again. Tapos, yung verses 20-21:

Pagkatapos, kumuha ng tamburin si Miriam, ang babaing propeta na kapatid ni Aaron. Tinugtog niya ito at nagsayawan ang mga babae na mayroon ding mga tamburin. Habang sila’y nagsasayaw, ganito ang inaawit ni Miriam: “Purihin (o, awitan) si Yahweh sa kanyang dakilang tagumpay; itinapon niya sa dagat ang mga karwahe’t ang nakasakay.”

Pansinin n’yo na ang awit na ito ni Miriam ay pareho din sa verse 1. Ang difference lang ay yung simula. Dito, “Sing to the Lord…” So, panawagan ito sa pag-awit sa Diyos. Sa verse 1, “I will sing to the Lord…” Ang point ay hindi sabihing ganito lang kaikli ang song ni Miriam. But to point out na itong awit na isinulat malamang ni Moises ay nilapatan ng tono, tinugtugan ng musika, itinuro sa iba, hindi lang mga lalaki, pati mga babae rin. Hindi ito spontaneous lang. Merong paghahanda. Bagamat ipinakilala si Miriam na “babaeng propeta,” hindi ibig sabihing pwede nang magpreach sa worship service natin ang mga babae. Hindi dahil may mga tambourine dancers dito ay pwede na rin ang mga tambourine dancers sa worship service natin. Remember, ang focus ng sama-sama nating pagsamba ay kung ano ang sinabi ng Diyos sa atin na maging focus ng pagsamba natin. Ang pinakamahalaga ay yung naririnig natin ang gospel nang paulit-ulit as we read the Word, as we sing the Word, as we pray the Word, as we listen to the Word na siyang ginagawa natin every Sunday morning.

So, ang effort na ie-exert natin ay yung siguraduhin na we are singing the gospel over and over again. Ang mga elders n’yo pinagpaplanuhang mabuti ‘yan. Ang mga nasa music ministry team, pinag-eensayuhang mabuti ‘yan para mapangunahan kayo. Kayo naman, ano ang gagawin n’yo? Pagsanayan n’yo na rin ang mga kantang kakantahin natin bago pa dumating kapag Linggo. And make sure na hindi ka aabsent kapag Sunday service. At kapag kakanta na, sing with all your might. Kahit hindi gaanong nakatono ang boses mo, basta ang puso mo ay nakatono sa kung sino ang Diyos at kung ano ang ginawa ni Cristo sa krus para sa atin. Church, let us sing the gospel…over and over again.

Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)

Sign up to get your free pdf

By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

Leave a Reply