The Spirit Sets the Church on Fire

November 18, 2012  |  By Derick Parfan  |  Scripture: Acts 3-14

[sorry, no audio available for this sermon]

Reproduction

Sa garden namin, may nahuhulog na mga buto ng papaya. May tumubong ilan. Tapos hindi pa lumalaki’t nagbubunga namamatay na. Nakakainis o frustrating o disappointing kung wala tayong nakikitang bunga. Lalo na kung matagal na kayong mag-asawa tapos wala pa rin kayong anak. Ginawa na ninyo lahat ng magagawa ninyo pero ala pa rin. Nagtataka kayo, “Bakit iyong mga walang asawa nagkakababy, tapos tayo hindi?” Ganoon din sa church natin, kapag 26 years na tapos makita nating parang hindi dumadami, lalo pa siguro kapag may nabalitaan tayong nabawas sa bilang natin.

Nararamdaman natin iyon kasi iyon naman ang purpose ng Dios sa buhay natin – para dumami, para mamunga, para lumago, para kumalat. We are frustrated kapag di nangyayari iyon. Nilikha tayo ng Dios ayon sa larawan niya, to reproduce his image and reflect it to the world. Ginulo niya ang mga tao sa Tore ng Babel dahil gusto niyang kumalat ang tao sa buong mundo. Tinawag niya si Abraham hindi lang para makabuo ng isang tanyag na bansa kundi para maikalat ang pagpapala ng Dios sa lahat ng mga bansa. Tinawag niya ang Israel para maging kingdom of priests, mga tagapamagitan niya sa mga bansa. But we failed to reproduce the image of God. Israel failed. We failed.

Kasalanan ang tawag ng Dios diyan. Kaya naparito si Jesus para akuin ang kasalanan natin. Because of sin, we can’t have life, how much more reproduce life. But because of the Spirit of Jesus in us, we now can. Nakita natin iyan last week – Jesus sends his Spirit for his Church. Nakita natin na dahil sa Espiritu, nagkaroon ng kapangyarihan ang unang iglesia na gawin ang nais ng Dios. This is clear in Acts 1:8, “But you will receive power when the Holy Spirit has come upon you, and you shall be my witnesses in Jerusalem, in all Judea and Samaria, and to the end of the earth.” Ito ang story ng Acts, kung paanong kumalat ang mga Cristiano, ang salita ng Dios, lumago ang iglesia mula Jerusalem hanggang Roma (end of the earth sa panahon nila). We will see as we go on in the story how God is bringing about his creation mandate, his promise to Abraham, and the calling of Israel which is now the Church’s calling.

Setting the Church on Fire in Jerusalem

At habang pinakikinggan natin ang mga sumunod na nangyari, tanungin natin ang sarili natin, “What is the Spirit doing here?” Or, “What is Jesus doing through his Spirit?” Malaking tulong kung buburahin n’yo sa title na “Acts of the Apostles” sa Bible n’yo ang salitang “apostles” at papalitan ng “Spirit.” Go ahead and do it. Hindi dahil walang ginagawa ang mga apostol kundi dahil pangunahin ang gawa ng Dios. Ganito ang sumunod na nangyari, galing ito Gawa 3-4:

Isang hapon, papunta sina Pedro at Juan sa templo. Sa labas nito ay may pulubing lumpo na namamalimos. Nang makita ng lalaking ito na tiningnan siya nina Pedro at Juan, akala niya ay bibigyan siya ng limos. Pero sabi ni Pedro, “Wala akong pilak o ginto. Pero meron akong ibibigay sa iyo…sa pangalan ni Jesus, lumakad ka!” At hinawakan ni Pedro ang kamay niya at pinatayo. Pagkatapos sumama siya kina Pedro at Juan papasok sa templo na nagtatalun-talon habang naglalakad at nagpupuri sa Dios. Lubos ang pagkamangha ng mga nakakakita sa nangyari.

Dinumog sila ng mga tao at sinabi ni Pedro, “Mga kababayan kong mga Israelita, hindi kami ang maygawa nito kundi ang Dios ng ating mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob. Ginawa niya ito upang parangalan ang kanyang lingkod na si Jesus na pinatay n’yo ngunit muling binuhay ng Dios. Gumaling ang taong ito dahil sa pananampalataya kay Jesus.” Pagkatapos noon, ikinuwento ni Pedro sa kanila kung paanong natupad ang mga plano ng Dios noon pa sa pagdating ni Jesus.

Habang nagsasalita pa sina Pedro at Juan, nilapitan sila ng mga pari at mga opisyal at inaresto. Ikinulong sila hanggang sa kinaumagahan. Sa kabila nito, ang bilang ng mga lalaking sumampalataya ay 5,000. Kinabukasan, humarap sila sa mga pinunong Judio at inimbestigahan. Nagpatotoo sila tungkol sa pagkabuhay ni Jesus at sa katotohanang walang ibang paraan para maligtas ang tao maliban sa pangalan ni Jesus. Nagtaka sila kung paanong nakapagsasalita sila nang ganoon, samantalang wala naman silang pinag-aralan. At dahil sa takot nila sa mga tao, pinakawalan na nila sina Pedro at Juan, ngunit mahigpit na pinagbawalang mangaral.

Bumalik sina Pedro at Juan sa mga kasamahan nila at ibinalita kung ano ang nangyari. Nang marinig nila iyon, nanalangin sila sa Dios, “Panginoon, alam n’yo pong ngayon ay pinagbabantaan na kami. Tulungan n’yo kami na inyong mga lingkod na maging matapang sa pangangaral ng inyong salita. Ipakita n’yo ang inyong kapangyarihan. Loobin n’yong sa pamamagitan ng pangalan ni Jesus ay mapagaling namin ang mga maysakit at makagawa kami ng mga himala at mga kamangha-manghang bagay.” Pagkatapos nilang manalangin, nayanig ang bahay na kanilang pinagtitipunan. Silang lahat ay napuspos ng Banal na Espiritu at buong tapang na nangaral ng salita ng Dios.

Nagpatuloy ang pagkakaisa at pagtutulungan ng lahat ng mga mananampalataya. Kaya patuloy na kumalat ang salita ng Dios. Marami pang mga taga-Jerusalem ang naging tagasunod ni Jesus, at marami ring pari ang sumampalataya sa kanya.

The Fuel the Holy Spirit Uses

Obviously ang nangyari dito ay gawa ng Espiritu, hindi ni Pedro. Nangaral siya, 5,000 ang nadagdag na tagasunod ni Jesus. Mga lalaki pa lang ang bilang na iyon. Kahit na pagbawalan sila, lalo pang kumalat ang salita ng Dios. May mga pari pang naniwala sa kanila. Imbes na manlamig, at manghina lalo pang uminit at lumakas. The Holy Spirit sets the church on fire. Kapag sinindihan ang apoy na iyon, kakalat. At ang ginagawa ng Espiritu dito ay binubuhusan niya ng panggatong o gaas para lalong lumiyab. Let us see some of the fuel that the Holy Spirit uses to fulfill the church’s mission.

  1. Christ-centeredness in their proclamation. Hindi kakalat ang salita ng Dios kung hindi ito ipapangaral. At hindi lang basta pangangaral ang ginawa nina Pedro. Kundi tungkol kay Cristo, hindi tungkol sa kanila. Hindi lang basta salita ng Dios na may pansariling motibo na maitaas ang sarili, kundi ang maitaas si Cristo at maipahayag na wala nang ibang makapagliligtas sa tao maliban sa kanya.
  2. Boldness in the midst of persecution. Inaresto sila, ikinulong, at pinagbawalang mangaral. Pero mapapahinto ba noon ang apoy? Akala nila fire-extinguishing ang ginawa nila, pero parang binuhusan pa nga ng gaas. Maapula ang apoy na iyon kung maduduwag sila pero lalo pa silang tumapang. Kasi iyon naman ang hiniling nila.
  3. God-dependence in their prayers. Hindi sila matapang sa sarili nila, kundi dahil lang sa Espiritu, kaya iyon ang hiniling nila na patuloy silang puspusin. Ganito ang prayer meeting ng mga iglesiang nag-aapoy. Hindi ang mga prayer request ay tungkol lang sa paggaling ng sipon, o pagkatanggap sa trabaho, o pagpasa sa exam. Kundi ang “boldness” sa pangangaral ng Salita ng Dios. At kapag ganito tayong manalangin, obvious ang magiging sagot ng Dios.
  4. Evidence of the Spirit’s power. Nayanig ang lugar parang sinasabi ng Dios, “Nandito ako’t nakikinig sa inyo. No one can stop us. Let’s get it on!” Kapag kumilos ang Dios, makikita ng mga tao ang himalang gagawin niya. Ang lumpo nakalakad sa kapangyarihan ng pangalan ni Jesus. Pero higit pa sa himalang iyon, ang himalang mas nakakaakit sa mga taong maniwala kay Jesus ay ang miracle of changed lives.
  5. Increase in the Church’s purity. Mula sa pagiging makasarili, nagkakaroon sila ng iisang layunin. Nagtutulungan. Nagdadamayan. Kapag nakita ito ng mga di-Cristiano, magtataka sila sa selfless love and sacrifice na pinapakita ng mga Cristiano at gugustuhin din nilang mangyari sa kanila iyon kasi di nila makikita iyon sa mundo.

Setting the Church on Fire in Judea and Samaria

Kumalat na sa Jerusalem. Makakalabas kaya ang apoy? Ito ang nangyari sa Gawa 7-8:

Bukod sa mga apostol, isa si Esteban sa pinagkalooban ng Dios ng pambihirang kapangyarihan. Kaya maraming himala at kamangha-manghang ginawa niya ang nasaksihan ng mga tao. Pero ilan sa mga pinuno nila ang kumalaban sa kanya. Nang humarap siya sa kanila, nakita nilang nagliwanag ang mukha niya na parang anghel. Ikinuwento niya sa kanila ang tungkol sa mga ginawa ng Dios mula pa kay Abraham hanggang sa muling pagkabuhay ni Jesus. Sa dulo ng mensahe niya, sabi niya, “Matitigas talaga ang mga ulo n’yo! Lagi n’yong kinakalaban ang Banal na Espiritu at hindi sumusunod sa kautusan.”

Dahil dito, galit na galit sila kay Esteban. Nagngangalit ang kanilang mga ngipin sa tindi ng galit. Kinaladkad nila si Esteban palabas ng lungsod at binato hanggang sa mamatay.

Mula noon, nagsimula na ang matinding pag-uusig sa mga mananampalataya sa Jerusalem. Kaya nagkahiwa-hiwalay ang grupo ng mga mananampalataya at kumalat sa buong lalawigan ng Judea at Samaria. Ang mga apostol lang ang naiwan sa Jerusalem. Si Saulo ang nanguna sa pag-uusig na ito at nagsumikap na wasakin ang iglesia. Ipinadakip niya ang mga mananampalataya – lalaki man o babae – at dinala sa bilangguan.

Sa kabila nito, ang mga nangalat sa iba’t ibang lugar ay patuloy na nangaral ng Magandang Balita. Isa dito ay si Felipe. Pumunta siya sa isang lungsod sa Samaria at nangaral tungkol kay Cristo at gumawa ng mga himala. Nakinig silang mabuti sa kanya at dahil sa mga himalang ginawa niya, masayang-masaya sila. Marami sa kanila ang sumampalataya kay Cristo at nagpabautismo. Nang marinig ng mga apostol sa Jerusalem ang nangyari, ipinadala nila sina Pedro at Juan. Pagdating nila doon, ipinatong nila ang kanilang mga kamay sa mga mananampalataya, ipinanalangin at tinanggap nila ang Banal na Espiritu. Pagkatapos nito, bumalik na sila sa Jerusalem at patuloy na ipinangaral si Cristo sa mga madaanan nilang mga baryo sa Samaria.

Patuloy na kumalat ang salita ng Dios at lalo pang dumami ang mga mananampalataya sa Judea at Samaria, habang namumuhay sila nang matiwasay at may takot sa Panginoon.

The Fuel the Holy Spirit Uses

Nakita nating kumalat ang salita ng Dios mula Jerusalem, nakarating sa buong Judea at Samaria. Sino ang maygawa? Ang mga apostol? Hindi nga! Ayaw pa nga nilang lumabas ng Jerusalem. Ang Espiritu ang maygawa. The Spirit sets the church on fire. Paano niya ginawa? Walang pinagbago sa una nating nakita kanina.

  1. Christ-centeredness in their proclamation. Si Esteban, puspos ng Espiritu, anong ginawa niya? Nakipagtsismisan sa kapitbahay tungkol sa latest showbiz balita? Hindi! Ikinuwento ang Story of God sa mga Judio, kung paanong natupad ang mga plano at pangako ng Dios sa pagdating ni Cristo. Si Felipe ikinuwento ang Story of Christ sa Samaria, katabing probinsiya ng Judea. Teka, paano siya nakarating doon?
  2. Boldness in the midst of persecution. Dahil pa sa persecution, sa pangunguna ni Saulo. Lumabas ang mga believers mula sa Jerusalem. Yun naman ang gusto ng Dios na mangyari. Imbes na mapasama ang pagtatangka sa buhay ng mga mananampalataya, napabuti pa sa misyon ng Dios para sa iglesia.
  3. God-dependence in their prayers. Nang mabalitaan nina Pedro ang nangyari sa Samaria, pinuntahan nila at nanalangin sila para sa kanila. Pagkatapos noon, bumaba ang Espiritu at nagpatuloy na kumalat ang tungkol kay Cristo sa Judea at Samaria. Maeencourage ba ang mga believers doon kung marinig nilang sabihin nila Pedro, “Hmmm…bahala na lang kayo diyan. Busy kami dito sa Jerusalem.”
  4. Evidence of the Spirit’s power. Si Felipe – hindi naman siya isa sa mga apostol – pero nakagawa ng mga himala. Nakita ng mga tao. Hindi lang siya salita nang salita, pinatunayan ng Dios na totoo ang mabuting balita sa pamamagitan ng mga himala. Ganito ba ang mangyayari kung sabihin ni Felipe sa isang pilay, “Sa pangalan ni Jesus, lumakad ka! Lumakad ka!” Tapos walang nangyayari?
  5. Increase in the Church’s purity. Ano sabi sa dulo ng kuwento kung bakit kumalat ang mabuting balita sa Judea at Samaria? Dahil ang mga mananampalataya ay namuhay na may takot sa Panginoon. Iba ang klase ng buhay nila. Iba sa mga tao sa paligid nila. Mangyayari ba iyon kung mga mananampalataya pa ang nangunguna sa paggawa ng kasalanan, krimen o imoralidad?

Setting the Church on Fire to the End of the Earth

Mula Jerusalem (yes!) hanggang buong Judea at Samaria (yes!) at hanggang sa dulo ng daigdig (hmmm…mukhang mahirap yata iyon). Walang imposible sa Dios! Ganito ang sumunod na nangyari sa Gawa 9-14:

Naging matiwasay noon ang pamumuhay ng iglesia dahil ang pangunahing tagapag-usig nila na si Saulo ay naging isang tagasunod na rin ni Jesus. Minsan papunta siya sa Damascus para hulihin ang mga mananampalataya doon pero nagpakita sa kanya ang Panginoon at tinawag siya upang maging mensahero ni Cristo sa mga Hentil o sa mga di-Judio. Simula noon, matapang niyang ipinangaral si Cristo, kahit ang ilang mga kapatid ay nagtataka sa nangyari sa kanya.

Sa panahong ito, halos puro Judio pa lamang ang nakakarinig tungkol kay Cristo. Maging ang mga apostol ay hindi pa lubos na nauunawaan ang plano ng Dios tungkol sa mga Hentil. Isang tanghali, habang nananalangin si Pedro, nagpakita ang Dios ng pangitain sa kanya. May isang kumot na bumaba mula sa langit at may lamang mga pagkaing itinuturing na marumi ng mga Judio. Sinabi ng Dios, “Huwag mong ituring na marumi ang nilinis na ng Dios.” Paulit-ulit itong ipinakita ng Dios kay Pedro. At di lumaon napagtanto niya na ang tinutukoy ng Dios dito ay ang pangangaral ng salita ng Dios maging sa mga di-Judio.

Bilang pagsunod sa Dios, ipinangaral ni Pedro ang tungkol kay Cristo sa isang Hentil na si Cornelio kasama ang kanyang buong sambahayan. Nanampalataya sila kay Cristo at napuspos din sila ng Espiritu.

Nang mabalitaan ito ng mga kapatid sa Judea, nagalit sila kay Pedro at sinabi, “Bakit ka nakituloy sa bahay ng mga di-Judio?” Kaya ipinaliwanag ni Pedro ang nangyari, “Ang nangyari sa kanila ay nagpapatunay na ibinigay din ng Dios sa mga Hentil ang ibinigay niya sa ating mga Judio. At kung ganoon ang gusto ng Dios, sino ba ako para hadlangan siya?” Nang marinig nila ang sinabi ni Pedro, natuwa sila at nagpuri sila sa Dios.

Samantala, sa iglesia sa Antioch, habang sila ay sumasamba sa Dios at nag-aayuno, nagsalita ang Espirit, “Ibukod ninyo para sa akin sina Saulo at Bernabe para sa misyong ipapagawa ko sa kanila.” Pagkatapos nilang manalangin, pinatungan nila ng kamay ang dalawa at pinalakad na.

Mula sa Antioch ay naglakbay sila patungong Seleucia, hanggang makarating sila sa isla ng Cyprus. Una nilang pinuntahan ang mga bahay-sambahan ng mga Judio doon at ipinangaral si Cristo. Pagkatapos ay nagpunta naman sila sa Antioch na sakop ng Pisidia. Noong una, naging maganda ang pagtanggap sa kanila ng mga kapwa nila Judio na naroon. Pero nang mga sumunod na linggo, naiinggit sa kanila ang mga pinunong Judio, nagsabwatan sila at sinalungat si Pablo (bagong pangalan ni Saulo). Sumagot si Pablo, “Dahil tinanggihan n’yo ang mensaheng ito, hindi kayo karapat-dapat sa buhay na walang haggan. Simula ngayon, sa mga Hentil na kami mangangaral ng Magandang Balita.”

Nang marinig iyon ng mga di-Judio, natuwa sila at sinabi, “Kahanga-hanga ang salita ng Panginoon.” At ang lahat ng itinalaga para sa buhay na walang hanggan ay naging mananampalataya. Kaya kumalat ang salita ng Panginoon sa lugar na iyon.

Patuloy silang pinag-usig sa lugar na iyon at pinalayas sila. Kaya nagpunta sila Iconium, sa Lystra at sa Derbe. Patuloy nilang ipinangaral si Cristo sa lugar na iyon at patuloy din na gumawa ang Dios ng mga himala sa pamamagitan nila.

The Fuel the Holy Spirit Uses

Anong nangyari dito? Hindi ito gawa nina Pedro o ni Pablo. Si Pedro at mga Judio, wala naman sa isip nila na pumunta sa mga Hentil kasi para sa kanila marurumi ang mga hindi Judio. Pero ang Dios ang nagpaliwanag sa kanya tungkol sa plano niya. Si Pablo? Pinapapatay pa nga niya ang mga tagasunod ni Jesus. Pero si Jesus mismo ang nagpakita sa kanya at tinawag siyang ipangaral ang mabuting balita sa mga Hentil. The Spirit sets the church on fire. Anong ginamit ng Espiritu? Ganoon pa rin.

  1. Christ-centeredness in their proclamation. Ganoon ang ginawa ni Pedro. Ganoon din ang ginawa ni Pablo. It’s all about Christ – from Jerusalem to the end of the earth. All nations belong to him! He is Lord of heaven and earth and Philippines and Cambodia. Ang ipinapahayag natin sa tao – sa salita at sa gawa natin ay si Cristo. I pray that you get that now. Hindi lalago at kakalat ang iglesia kung ang bukambibig natin ay sports, cars, gadgets, showbiz, fashion, celebrities.
  2. Boldness in the midst of persecution. Naranasan ito ni Pablo maging sa mga kapatid niya kay Cristo. Pero hindi siya nadiscouraged. Basta siya susunod sa ipinapagawa ng Dios sa kanya, kahit hindi traditional, kahit counter-cultural, kahit hindi popular. Ganoon din kay Pablo. Dati siya ang umuusig, ngayon siya na ang uusigin dahil kay Cristo. Pero kapag pinalayas siya sa isang lugar, punta siya sa kung saan siya dadalhin ng Espiritu. Wala namang pumipigil sa ating pumunta sa ibang bansa para ipangaral si Cristo, di ba?
  3. God-dependence in their prayers. Kailan ba nagpakita ng vision ang Dios kay Pedro na pumunta na siya sa mga Hentil? Hindi ba’t habang nananalangin siya? Kailan ba nagsalita ang Espiritu sa kanila para sabihin ang misyon para kay Pablo at Bernabe? Hindi ba’t habang nananalangin sila? When we don’t pray, how can we know where he is leading us? When we pray, expect that he will speak and tell us what to do.
  4. Evidence of the Spirit’s power. Bumaba din ang Espiritu sa mga Hentil. Si Pablo nakakagawa din ng himala.
  5. Increase in the Church’s purity. Noong una akala nila marumi ang mga Hentil, pero ang pag-iisip pala nila ang marumi na dapat linisin ng Dios. Marumi kasi hindi sang-ayon sa plano at misyon ng Dios. So, nagkaroon ng changes sa pag-iisip nila. Don’t expect much change to happen in your life and in this church if we will not change the way we think about church, about mission, about the purpose of our existence.

Setting Baliwag Bible Christian Church on Fire

The Spirit sets the New Testament Church on fire. From Jerusalem to the end of the earth! Hanggang Acts 28 ganoon ang story. Pagdating ng Acts 29 (open your Bible there…wala doon), ganoon pa rin ang kuwento. Hindi pa tapos ang Espiritu. Hindi pa tapos ang misyon ng church hangga’t meron pang bansa o lahi o lenggwahe o tribo ang di pa nakakarinig ng pangalan ni Cristo. Ang ginawa niya sa Acts, gagawin din ba niya ito sa BBCC? Yes! Magiging saksi tayo ni Jesus – mula sa Baliwag at Bulacan, hanggang Luzon, hanggang Mindanao at Cambodia. Kaya merong “local and global” sa mission statement natin.

Kapag filled tayo ng Spirit, inevitable na magkakaroon tayo ng impact sa global purposes ng Dios. Dahil dito hindi mo na puwedeng sabihing, A ako dito lang sa Baliwag. Sila siguro pang global ako panglocal lang. Kung ganoon pa rin tayo mag-isip, individualistic pa rin ang approach natin sa church at pagiging Christian. Nakalimutan natin na ang church ay family of God. When we become a member of the church, we forego our own ambition and embrace the local and global mission of the church. To be a blessing to the nations. Kaya ang tanong natin ngayon, Paano ako magiging bahagi ng misyon ng church? Anong mga adjustments ang gagawin mo sa pagsasalita o pagkukuwento mo? Sa kumportableng lifestyle mo ngayon? Sa prayer life mo? Sa pinupuntahan ng pera mo (o, perang ipinagkatiwala sa iyo ng Dios)?

Ang nais ng Dios sa iglesia ay dumami at kumalat, hindi dumumi at magkalat. Kung makita nating nangyayari iyan at nakikibahagi tayo, hindi frustration, hindi disappointment, hindi discouragement ang mararamdaman n’yo. Kundi joy, much joy, katulad ng nangyari sa unang mga iglesia. Napangiti ako may nakita akong papayang tumubo sa garden namin ay may isang bunga na! Hindi ba’t mapapatalon din sa tuwa kayong mag-asawang matagal nang nananalanging magkaanak kung malaman n’yong triplet ang magiging anak n’yo. Masayang-masaya tayo kapag nababalitaan nating ang Story of God ay nakakarating na sa iba’t ibang dako. Sa Candelaria at sa Cambodia next year, Lord willing. I’m telling you all this because I want all of you to be happy, to rejoice that God has called you to be part of his mission – local and global. The Holy Spirit sets Baliwag Bible Christian Church (everyone of you!) on fire. Don’t ever try to put that fire away.

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.