December 16, 2012 | By Derick Parfan | Scripture: 1 Peter 4:12-19
[sorry, no audio available for this sermon]
Pacquiao, Pablo, and Prison
“Na-knockout si Pacquiao.” Text sa kin iyan ng kapatid ko last Sunday. Ha? Nakakagulat naman. Oo, maraming nagulat. Pero nangyari na iyon. Ang tanong na lang. Ano ang naging reaksyon niya doon? Sinasabi niyang Cristiano na siya, paano ngayon niya tinanggap ang pagkatalo na iyon at ang batikos sa kanya ng maraming tao?
Bukod sa nangyari kay Pacquiao, may mas malalang nangyari sa mga kababayan natin sa Visayas at Mindanao na dulot ng bagyong Pablo. Ayon sa update ng NDRRMC (www.gmanetwork.com) noong Friday, 900 na ang patay, mahigit 900 ang nawawala, at 2,700 ang sugatan. Mahigit kalahating milyong pamilya apektado (5.5 million people) sa 2,000 barangay, 260 bayan, 40 cities, 32 provinces. 15 billion pesos ang damages, 61,000 na bahay ang nawasak, 89,000 na bahay ang may sira. Anong naging response ng mga taong nakaranas ng ganitong katinding paghihirap – nawalan ng bahay, nawalan ng mahal sa buhay, nawalan ng kabuhayan. Maraming Cristiano rin ang nandiyan, paano na sila?
May isang babaeng Cristiano sa Indonesia ang pangalan ay Ribur (www.persecution.com). Binugbog siya at ikinulong sa loob ng 60 araw dahil nagkukuwento siya tungkol kay Jesus. Pagkatapos niyang mag-aral sa Bible school, nagpunta siya sa isang village sa Aceh sa Sumatra para turuan sila ng mga agricultural methods. Nang magsimula siyang magkuwento tungkol kay Jesus sa isang babaeng ang pangalan ay Maria, may mga kapitbahay na nakaalam. Binugbog si Ribur at ang kanyang kaibigan. Gumagawa sila nang ayon sa kalooban ng Dios, kaya nangyari ang ganoon. Paano sila tutugon doon?
Hindi lang sila Pacquiao at ang pamilya niya, o ang mga nabiktima ng bagyo, o si Ribur ang kailangang sumagot ng tanong na ito. Lahat tayo ay may iba’t ibang sufferings na dinaranas sa buhay. Kahit Cristiano na tayo. Ang sufferings ay bahagi ng Story of God. Ang tanong sa atin ngayon, paano nais ng Dios tayong tumugon sa mga nangyayaring (o mangyayari) sufferings sa buhay natin? At ito ang isa sa pangunahing tanong na gustong sagutin ni Pedro sa mga Cristianong nakakalat sa iba’t ibang bansa na dumaranas ng iba’t ibang klaseng paghihirap.
Particularly sa text natin ngayon sa 1 Peter 4:12-19. Bago natin tingnan kung ano ang sagot ni Pedro sa tanong na iyon na siya ring nais ng Dios na tugon natin sa paghihirap sa buhay, dapat muna nating tingnan ang iba’t ibang klase ng paghihirap. May mga paghihirap na dulot ng sarili nating kasalanan. Ito ang naranasan ni Pacquiao noong lulong pa siya sa ilang mga kasalanan tulad ng sugal at pambababae. Cancer sa baga ang sasapitin ng mga inaabuso ang katawan nila sa paninigarilyo at pag-inom. Pag-aalala ang dulot ng di tamang paggamit natin sa pera. Hindi ito ang nais sagutin ni Pedro sa sulat na ito. Dahil sabi niya sa verse 15, “Huwag nawang mangyaring maparusahan (o magdusa) ang sinuman sa inyo dahil siya’y mamamatay-tao, magnanakaw, salarin o pakialamero.”
Ang sufferings na pag-uusapan natin ay may kaugnayan sa paghihirap na dulot ng pagsunod sa kalooban ng Dios. Ito yung binabanggit ni Pedro sa verse 16 na pagdurusa dahil Cristiano tayo, dahil dala natin ang pangalan ni Cristo. Ito ang naranasan ni apostol Pablo. Naranasan din ni Pedro. Ito ang naranasan ni Pacquiao sa pang-iinsulto sa kanya dahil sa kanyang pananampalataya sa Dios. Ito ang naranasan ni Ribur dahil sa kanyang pagpapatotoo tungkol kay Cristo. Ito ang naranasan ng isang tatay na nawalan ng trabaho dahil sa piniling sumunod sa Dios kaysa magkumpromiso sa palakad sa opisina.
Pag-uusapan din natin ang mga sufferings na walang kinalaman sa pagsunod o pagsuway natin sa Dios. Ito yung binabanggit ni Pedro na mga “pagsubok” sa verse 12. Na mga bagay na nangyari sa atin o ginawa ng ibang tao sa atin na hinayaan ng Dios na mangyari kahit hindi maganda. Hindi naman dahil may nagawa tayong kasalanan o mabuti. Kundi dahil niloob ng Dios. Tulad ng nangyari kay Job. Tulad ng knockout kay Pacquiao. Tulad ng mga nasalanta ng bagyo. Tulad ng negosyo o investments mo na nalugi. Tulad ng pang-aaway sa iyo ng mga kamag-anak mo, wala ka namang nagawang masama sa kanila. Tulad ng pang-aabuso sa iyo ng isang taong malapit sa iyo.
Kung mangyari sa atin ang mga bagay na ito, may response tayo. Ang tanong sa atin ay tama ba ang response natin? O baka hindi tama? So ang prayer ko ngayon ay maihanda tayong lahat ng Dios sa pamamagitan ng kanyang salita kung paano magrespond sa sufferings natin ngayon. O kung hindi mo man nararamdamang para sa iyo ang mensahe na ito kasi everything is going well sa buhay mo, para maihanda ka ng Dios na harapin ito kapag dumating at matulungan kang sumunod sa kalooban niya, paghihirap man ang maging kapalit. That’s my prayer. Iyon din ang gusto ni Pedro kaya sabi niya sa simula, “Mga minamahal…” I am your pastor. I love this church. I want to prepare you not how to avoid sufferings, but how to face sufferings.
Rejoicing in God in Christian Sufferings
Isa sa mga maling tugon na nagagawa natin sa pagdating ng paghihirap ay magtaka. Bakit mali? Sabi sa verses 12-13:
Mga minamahal, huwag na kayong magtaka sa mabibigat na pagsubok na inyong dinaranas na para bang ito’y di pangkaraniwan. Sa halip, magalak kayo sa inyong pakikibahagi sa mga paghihirap ni Cristo upang maging lubos ang inyong kagalakan kapag nahayag na ang kanyang kadakilaan (MBB).
Nagtataka tayo kapag nangyari ang isang bagay na hindi natin inaasahan. “Bakit nangyayari sa akin ‘to? Hindi dapat mangyari sa akin ‘to! Cristiano ako. Sumusunod ako sa Dios.” Karaniwang ganito ang sinasabi ng nagtataka. Nagtataka tayo kasi mali ang theology natin ng sufferings. Kasi nakikinig tayo sa mga mangangaral na nagsasabing kung ikaw ay anak ng Dios, giginhawa na ang buhay mo, magiging mayaman ka, gagaling ka. Kalokohan! Hindi iyan pinangako ng Dios sa buhay na ito. Sabi ni Pedro, “pangkaraniwan” ang sufferings sa buhay Cristiano. Hindi ito abnormal, kundi normal Christian life. Kaya sabi niya sa 5:9, “Hindi lamang kayo ang nagtitiis ng ganitong kahirapan, kundi pati ang inyong mga kapatid sa buong daigdig.” Sabi din ni Pablo kay Timoteo, “Ang lahat ng nagnanais mamuhay nang matuwid bilang tagasunod ni Cristo Jesus ay daranas ng mga pag-uusig” (2 Tim. 3:12). Magtaka ka kung wala kang sufferings!
Ano ngayon ang tamang tugon? Magalak sa Dios. Sabi niya sa verse 13, “Sa halip, magalak kayo…” Hindi ibig sabihin na masamang malungkot o umiyak. Pero ang sinasabi niya, ang nangingibabaw at ang magpapatuloy na damdamin natin ay kagalakan. Nagagalak tayo kapag may nangyari sa atin na magandang bagay. Sa panahon ng paghihirap, nagagalak tayo kung nakikita natin na kahit masama ang nangyari o nangyayari, alam natin may magandang idudulot, may pinatutunayang maganda, may magandang ginagawa ang Dios. Kaya nasabi din ni Pablo sa mga taga-Filipos, “Magalak kayong lagi sa Panginoon. Inuulit ko, magalak kayo” (Fil. 3:4)! Bakit lagi? Dahil ang mga paghihirap na dinaranas natin bilang mga tagasunod ni Jesus ay…
Paghahasa sa ating pananampalataya. Kaya ito ay tinatawag na pagsubok (v. 12). Sa Griyego, peirasmos. Puwedeng salin ay tukso o pagsubok, depende sa konteksto. Depende rin sa perspektibo. Sa pananaw ni Satanas, tukso para ibagsak ang pananampalataya natin. Sa plano ng Dios, pagsubok, hindi lang para patunayang totoo ang pananampalataya natin, kundi para hasain ito, para patibayin ito. Kaya sabi ni Pedro sa 1:6-7, “Ito’y dapat ninyong ikagalak, kahit na maaaring magdanas muna kayo ng iba’t ibang pagsubok sa loob ng maikling panahon. Ang gintong nasisira ay pinaparaan sa apoy upang malaman kung talagang dalisay. Gayundin naman, ang inyong pananampalataya, na higit na mahalaga kaysa ginto, ay pinaparaan sa pagsubok upang malaman kung ito’y talagang tapat” (MBB). Alin ang mas maganda? Ang lumago at tumibay ang pananampalataya natin o ang bumagsak at humina ito? Kung sa pamamagitan ng pagsubok napapatibay ito, dapat ngang tayo’y magalak!
Pakikibahagi sa paghihirap na dinanas ni Jesus. Verse 13, “Magalak kayo sa inyong pakikibahagi sa mga paghihirap ni Cristo.” Ipinapakita dito ni Pedro na ituring nating ang paghihirap na dinaranas natin ay pakikibahagi sa mga paghihirap ni Cristo. Sinasabi niyang magalak tayo dahil may bahagi tayo kay Cristo, dahil nakipag-isa tayo sa kanya, may ugnayan tayo sa kanya. “Ang pagtitiis ng hirap ay bahagi ng pagkatawag sa inyo ng Diyos, sapagkat nang si Cristo ay magtiis para sa inyo, binigyan niya kayo ng isang halimbawang dapat tularan” (2:21). Na yakapin natin ang paghihirap bilang bahagi ng buhay Cristiano. If you don’t want sufferings in your life and you want only comfort, you don’t know the meaning of the cross. Kung wala ang krus ni Cristo, hindi rin tayo mailalapit sa Dios. Siya’y namatay para “ilapit tayo sa Dios” (3:18). Kung ito ang paraan para malapit tayo sa Dios, hindi ba’t isang kagalakan sa atin iyon? O pipiliin mo pang maging convenient at comfortable ang buhay mo kahit malayo ka sa Dios? Kung masaya kang ganoon, siguro’y tamang sabihing wala ka kay Cristo!
Paghahanda sa lubos na kagalakan sa pagbabalik ni Jesus. Verse 13, “Magalak kayo…upang maging lubos ang inyong kagalakan kapag nahayag na ang kanyang kadakilaan.” Hindi ba’t tiniis ni Jesus ang hirap dahil alam niya ang lubos na kagalakang naghihintay sa kanya (Heb. 12:2)? Alin ang nauna? Ang muling pagkabuhay ni Jesus o ang kanyang kamatayan? Obvious ang sagot. Pero maraming Cristiano gusto short-cut, ang karangalan at katanyagan agad. Pero sabi ng Dios, darating iyon. Ngayon magtitiis muna tayo nang sandali. Sandali lang! Kung ikukumpara sa bilyung-bilyong taong naghihintay sa atin! “Pagkatapos ninyong magtiis sa loob ng maikling panahon, ang Diyos, na siyang pinanggagalingan ng lahat ng pagpapala, ang siyang magbibigay sa inyo ng kaganapan, katatagan, at lakas ng loob at isang pundasyong di matitinag. Siya ang tumawag sa inyo upang makibahagi kayo sa kanyang walang hanggang kaluwalhatian, kasama ni Cristo” (5:10). Kung papipiliin ka, 60 taong kaginhawaan dito sa lupa at pagkatapos naman ay 600 bilyong taong paghihirap na hiwalay sa Dios o 60 taong paghihirap dito sa lupa at pagkatapos naman ay 600 bilyong taong kagalakan sa piling ng Dios, anong pipiliin mo? So, rejoice in your sufferings!
Glorifying God in Christian Sufferings
Meron pa tayong isang maling tugon sa paghihirap bilang mga Cristiano: mahiya. Verses 15-18,
Huwag nawang mangyaring maparusahan ang sinuman sa inyo dahil siya’y mamamatay-tao, magnanakaw, salarin o pakialamero. Ngunit kung kayo’y magdusa dahil sa pagiging Cristiano, huwag ninyong ikahiya ito; sa halip, magpasalamat (“glorify” o “magpuri”) kayo sa Diyos sapagkat taglay ninyo ang pangalan ni Cristo. Dumating na ang panahon ng paghuhukom, at ito’y magsisimula sa mga bayan ng Diyos. At kung sa atin ito magsisimula, ano kaya ang magiging wakas ng mga hindi sumusunod sa Magandang Balita ng Diyos? Tulad ng sinasabi ng kasulatan, “Kung ang taong matuwid ay napakahirap maligtas, ang di kumikilala sa Diyos, paano pa maliligtas” (MBB)?
Maling tugon ang mahiya. Nahihiya tayo kasi mahalaga sa atin ang reputasyon natin, ang sasabihin ng ibang tao tungkol sa atin. Maling ikahiya ang paghihirap na dinaranas natin sa pagiging Cristiano kasi kapag ganoon, magtatago ka sa halip na ipakita sa mga tao kung sino ka, tatahimik ka sa halip magsalita tungkol kay Cristo, matatakot kang humarap sa mga tao, you will feel bad about yourself. Ganyan ang nangyari kay Pedro noong dakpin ang Panginoong Jesus, tatlong beses siyang tinanong kung kilala niya si Jesus, itinanggi niya, ikinahiya niya. Noon iyon, pero hindi na ngayon. Si Pablo din hindi niya ikinahihiya ang paghihirap niya alang-alang kay Cristo, kaya sinabihan din niya si Timoteo na huwag mahiya (2 Tim. 1:8, 12). Kahit na siya ay nakakulong, sinabi niya nais niya na hindi niya ikahiya iyon kundi maging okasyon para mabigyang karangalan ang Dios sa harap ng maraming tao (Fil. 1:20).
Ang tamang tugon ay ang magpuri sa Dios. Ang salin sa Tagalog ay “magpasalamat” pero sa English ay “glorify.” So ang sense nito ay hindi lang iyong kausapin siya at sabihing pinupuri kita, Panginoon, kundi iyong ipakita sa mga tao ang dangal at kabutihan ng, “Tingnan ninyo ang paghihirap ko, tingnan ninyo ang Dios na meron ako.” Iyon ang calling natin, kahit sa paghihirap, “that we may declare the praises of him who called us out of darkness into his marvelous light” (1 Pet. 2:10). Ang layunin natin sa anumang paghihirap na dinaranas natin ay maipakilala kung gaano kalaki ang kapangyarihan, kadakilaan, biyaya, pag-ibig, at awa ng Dios. Dahil ang mga paghihirap na dinaranas natin bilang mga tagasunod ni Jesus ay…
Para maitanyag ang pangalan ni Jesus. Ang pagdurusang dinaranas natin, ayon sa verse 16, ay dahil sa pagiging Cristiano natin, dahil taglay natin ang pangalan ni Cristo. Ang mga Cristiano noon, kapag tinawag silang “Cristiano” ng mga di mananampalataya, panlilibak iyon, pang-iinsulto (v. 14). Pero sa kabila noon, sinasabi ng Dios na huwag natin ikahiya ang pangalang iyon, kahit ano pa sabihin ng mga tao. Kundi mas sabik at matapang na dalhin ang pangalan ni Cristo. Iniiwasan kasi natin ang mga paghihirap o ang mga masasakit na sasabihin ng mga tao kung mas mahalaga sa atin ang pangalan natin. Pero kung mas mahalaga sa iyo ang pangalang Cristo, kahit duraan ka pa ng mga tao, hindi ka mahihiya kundi patuloy na ipapangaral ang pangalan niya.
Para ihanda tayo sa pagliligtas ng Dios. Ang paghihirap natin ay isang uri ng judgment sa atin ng Dios, ayon sa verse 17. Pero judgment ito hindi para parusahan tayo ng Dios kundi para mas maging dalisay ang puso natin para sa kanya, para maging handa tayo sa lubos na pagliligtas na gagawin ng Dios. Oo nga’t naligtas na tayo (past), pero ngayon ay patuloy pa rin tayong inililigtas ng Dios (present). Sufferings are necessary part of our sanctification. Hindi dapat ikahiya. Kundi dapat purihin ang Dios dahil bahagi tayo ng kanyang pamilya. Sa paghihirap mo ngayon, sinasanay ka ng Dios sa buhay na nakalaan na para sa iyo. Ang mga di mananampalataya nga ang dapat mahiya sa ginagawa nila na patuloy na pagtalikod sa Dios. Kung tayo nga inililigtas ng Dios sa pamamagitan ng mga paghihirap, isipin na lang ninyo kung gaano katinding paghihirap ang sasapitin ng mga taong wala kay Cristo!
Trusting God in Christian Sufferings
Isa pang maling tugon ng ibang Cristiano ay ang magsawa. Verse 19, “Kaya nga, ang mga naghihirap dahil sa kalooban ng Diyos ay dapat magtiwala sa Lumikha, at magpatuloy sa paggawa ng mabuti. Ang Diyos ay laging tapat sa kanyang pangako.” Sinabi niyang “magpatuloy” dahil ang iba ay nagsasawa dahil sa kahirapang dulot ng pagsunod sa Dios. Kung ang kapalit nga naman ng pagiging tapat mo sa Dios ay ang demotion o pagpapatalsik sa iyo sa trabaho dahil ayaw mong gawin ang pandaraya na iniuutos sa iyo ng boss mo, baka magsawa ka na. Baka sa halip na tiiisin mo ang hirap ng pagiging Cristiano, ikumpromiso mo na ang pananampalataya mo.
Kaya ang tamang tugon dapat ay ang magtiwala sa Dios. “Ang mga naghihirap dahil sa kalooban ng Diyos ay dapat magtiwala sa Lumikha.” Magpapatuloy ka lang at hindi magsasawa kung nagtitiwala ka sa Dios. Kung patuloy kang nakakapit sa kanya, kung hindi ka bibitaw kay Cristo, kung palaging mong inaalala at pinaniniwalaa ang mga salita niya, kung sa kabila ng mga nararanasan mo naniniwala ka na mabuti ang Dios, na makapangyarihan ang Dios, na maganda ang plano ng Dios. Magtiwala tayo sa Dios dahil ang mga paghihirap na dinaranas natin bilang mga tagasunod ni Jesus ay…
Nasa kamay ng Dios na makapangyayari ng lahat ng kanyang kalooban. Ang paghihirap natin ay dahil sa kalooban ng Dios. Ibig sabihin, siya ang nagtakda na maranasan natin ito. Kaya niyang pigilan, pero hindi niya ginawa. Ibig sabihin, kasama sa plano niya ito sa buhay natin. Hindi si Satanas ang nagplano nito. Hindi ang mga taong uminsulto, nanakit o umabuso sa atin ang nagplano nito. Kasama ito sa plano ng Dios bago pa niya likhain ang mundo. Siya ang ating Lumikha. Ibig sabihin, kung anong kapangyarihan niya sa paglikha sa mundo, gayundin sa mga nangyayari sa buhay natin. Walang nakalusot na sakit na naranasan natin na nalingap o napikit ang Dios. Lahat alam niya, lahat bahagi ng plano niya para sa atin. At dahil diyan, mapagkakatiwalaan natin siya dahil alam niya ang ginagawa niya, at may kapangyarihan siyang ang lahat ng bagay (masama man o mabuti) ay magkalakip-lakip para sa ikabubuti ng umiibig sa kanya at lahat ng tinawag ayon sa kanyang layunin (Rom. 8:28).
Nasa kamay ng Dios na tapat sa kanyang pangako. Mapagkakatiwalaan ang Dios dahil perfect ang track record niya sa pagtupad ng kanyang mga pangako. Ang tagal na natin sa Story of God at wala nang dahilan para pagdudahan natin iyan. Kapag sinabi niya, tutuparin niya. Sabi niya hindi ka pababayaan sa panahon ng pagsubok, tutuparin niya iyon. Sabi niya na lahat iyan ay para sa ikabubuti mo, tutuparin niya iyon. Hindi siya nagsisinungaling. Hindi siya sumisira sa pangako niya. “Wala pang pagsubok na dumating sa inyo na hindi nararanasan ng lahat ng tao. Tapat ang Diyos, at hindi niya ipapahintulot na kayo’y subukin nang higit sa inyong makakaya. Sa halip, pagdating ng pagsubok, bibigyan niya kayo ng lakas upang mapagtagumpayan iyon” (1 Cor. 10:13).
The Holy Spirit and Our Sufferings
Si Pedro at ang mga kasama niyang mga apostol, dinampot ng mga opisyal. Pinagbawalang mangaral sa pangalan ni Jesus. Ikinulong. Nang mapakawalan, “sila’y galak na galak sapagkat minarapat ng Diyos na sila’y magdanas ng panlalait alang-alang sa pangalan ni Jesus” (Acts 5:42). Hindi tumigil sa pangangaral, lalo pang nagpursigi.
Bago pa lang Cristiano si Pacquiao pero sa tingin ko alam niya itong mga salita ng Dios tungkol sa sufferings. Sabi niya pagkatapos niyang matalo sa laban: “Pwede ka bang pumunta sa larangan ng isang paligsahan na walang matatalo, puro panalo? Dumarating yung panahon na natalo ka, dumarating din yung panahon na nananalo ka. Kailangan pagdumating yung panahon na talo ka, buong puso mo ring tanggapin dahil pinasok mo yang trabaho na yan eh. Karamihan kasi sa mga tao yung faith nila sa Panginoon ay pang good times lang. Pero pag bad times katulad ng nangyari sa akin yung faith nila nababawasan, at nawawala pa minsan. Pero ako, lalong nadagdagan.”
Nang dinampot si Ribur ng mga opisyal, tinanong siya, “Why did you bring Jesus to Aceh?” Sasagot pa lang siya, sinampal at hinampas na agad siya. Ang panlalait sa kanya at pambubugbog ay tumagal ng halos isang oras pa. Sugat-sugat na ang mukha niya, at dumudugo ang bibig niya. May isa pang gumamit ng stapler para hampasin ang ulo niya. Paano niya natiis lahat ng ito? At nang palayain siya ay tuloy pa rin siya sa church planting?
Si Pedro at ang mga apostol tama ang tugon sa paghihirap na dinanas nila. Si Pacquiao ganoon din. Si Ribur ganoon din. Tayo, kaya ba natin iyon? Na sa kabila ng paghihirap na dinaranas at mararanasan pa natin, mananatili tayong masaya sa Panginoon, nagpupuri at nagtitiwala sa kanya? Oo naman. Verse 14, “Mapalad kayo kung kayo’y kinukutya dahil kay Cristo, sapagkat sumasainyo ang Espiritu ng kaluwalhatian, ang Espiritu ng Diyos” (MBB). Yun ang susi. You cannot respond well in sufferings if you don’t have the Spirit. The Spirit helps us respond well in sufferings. Kaya kahit pinahirapan sina Pedro, masaya pa rin sila. “Ribur prayed that the Holy Spirit would give her the strength to stand strong and testify to the truth” (www.persecution.com). Kung si Pacquiao ay Cristiano, nasa kanya ang Espiritu. Kung kayo ay sumusunod kay Jesus nasa inyo ang Espiritu. Siya ang tutulong sa atin, magpapalakas sa atin, kakapit sa atin.
Sino sa lahat ng tao na nabuhay sa buong mundo ang dumanas nang pinakamatinding paghihirap? Hindi ba’t ang Panginoong Jesus nang itakwil siya, pahirapan, at ipako sa kahiya-hiya at karumaldumal na krus? We sing “Joy to the World” not just on Christmas, pero dapat din sa Good Friday! Kaya nga “Good Friday” ang tawag. But how did Christ endure that kind of suffering? Kasi mula pa sa simula hanggang sa dulo, the Spirit rests upon him. Nasa inyo na ba ang Espiritu? Yes? That’s good news in times of sufferings because the Spirit helps us respond well in sufferings – rejoicing in God, glorifying God, and trusting in God.