The Enemies of the Kingdom
Mabagal po tayong maniwala, kahit na obvious na at malinaw na ang ebidensiya. Maraming mga tao ngayon ang hindi pa naniniwala at sumusunod kay Jesus, kahit obvious na obvious na na siya lang ang Panginoon at Tagapagligtas. At kahit sa atin din namang mga Cristiano na, we still have a faith problem. At naniniwala ako na mas titibay ang pananampalataya natin kay Cristo, mas lalapit tayo sa kanya, mas magiging buo ang loob natin sa pagsunod sa kanya, mas magiging matapang tayo sa pagbabahagi ng mabuting balita sa iba, kung mas makikilala natin siya. At ito ang panalangin ko sa bawat isa sa atin, na mas makita natin ng malinaw kung sino itong Jesus na naging sentro na ng buhay natin. Kung sa Old Testament, pinag-uusapan natin din si Jesus pero nakatago pa siya sa Old Testament, dito naman sa New Testament, obvious na obvious na kung sino siya. Bulag na lang ang hindi makakakita. So I pray that God will open our eyes to see the glory of the Lord Jesus Christ, and for us to be transformed as a result.
Two weeks ago, narinig natin ang kuwento tungkol sa kapanganakan ni Jesus at nakita natin ito: God sends the Redeemer-King.Last week naman, narinig natin ang kuwento tungkol sa paghahanda ng Dios sa pagharap ni Jesus sa mga tao – ang kanyang bautismo, pagtatagumpay sa tukso ni Satanas, at pagtawag sa unang mga tagasunod niya, at nakita natin ito: God prepares the way to his kingdom.Malinaw na sa atin ngayon na sa pagdating ni Jesus dumating din ang Kaharian ng Dios. Si Jesus ang Hari. Ibig sabihin kung siya ang Hari, pagharap niya sa mga tao lalo na sa bansang Israel ipapakita niya na meron siyang kapangyarihan para mamahala at maupo sa trono bilang hari. At this point, we are not yet talking about his physical reign (darating din iyon), but a spiritual reign in the hearts of God’s people.
Para makitang siya nga ang Hari, dapat maipakita niyang may kapangyarihan siyang gapiin ang anumang hadlang, balakid o kaaway ng Kahariang ito. Si Satanas at ang mga kampon nitong demonyo ay walang lugar sa kaharian ng Dios. May kapangyarihan kaya siyang talunin ito? Ang kasalanan o pagrerebelde ng tao ay walang puwang sa kaharian ng Dios na ang katangian ay katuwiran, kabanalan, at katarungan. May kapangyarihan kaya si Jesus na alisin ang kasalanan sa mundong ito – kasalanang humahadlang sa relasyon natin sa Dios? Hindi ayon sa disenyo ng Dios ang kaguluhan sa nilikha niya tulad ng bagyo, baha, lindol, sirang kalikasan. May kapangyarihan kaya si Jesus na ibalik ang nilikha ng Dios sa dating anyo nito noong unang likhain ito ng Dios nang masabing niyang lahat ay maganda? Hindi rin bahagi ng kaharian ng Dios ang kamatayan. May kapangyarihan kaya si Jesus na talunin ang kamatayan?
Nang una siyang mangaral sa mga tao, sabi niya, “Dumating na ang takdang panahon! Malapit na (o dumating na, o heto na) ang paghahari ng Dios. Pagsisihan na ninyo ang inyong mga kasalanan at maniwala kayo sa Magandang Balita” (Mark 1:15 ASD). Alam ni Jesus ang tao na hindi basta-basta maniniwala sa sasabihin niya. Kaya ang ginawa niya pagkatapos nito, sunud-sunod na mga himala ang ginawa niya para ipakita na heto na nga ang Kaharian.
Jesus’ Authority Over Satan
Unang-unang balakid sa kahariang ito ay ang pang-aagaw ng trono ni Satanas. Bago pa man magrebelde ang tao sa Dios, nauna na siya at isinama ang 1/3 ng mga anghel. Mula pa noon hanggang ngayon ang mundong ito ay inaangking pag-aari ni Satanas. Nauna na nating nakita last week kung paanong nagtagumpay si Jesus sa tukso niya at pinalayas niya ang Kaaway na ito. Pero ngayon, tingnan natin kung may kapangyarihan siyang palayain tayong mga taong inaalipin ni Satanas at sunud-sunuran sa mga gusto niya. Hango ito sa Mark 1:21-28:
Habang si Jesus ay nasa Capernaum, pagdating ng Araw ng Pamamahinga (tinatawag na Sabbath) pumunta sila sa bahay-sambahan ng mga Judio (tinatawag na sinagoga) at doon ay nangaral si Jesus. Namangha ang mga tao sa narinig nila kay Jesus dahil kung magturo siya ay may awtoridad, di tulad ng mga tagapagturo nila noon.
Habang nagtuturo si Jesus, may isang lalaki na sinaniban ng masamang espiritu ang biglang nagsisigaw, “Ano ang pakialam mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang puksain kami? Kilala kita. Ikaw ang Banal na sugo ng Dios!”
Sinaway ni Jesus ang masamang espiritu, “Tumahimik ka at lumabas sa kanya!” Pinangisay ng masamang espiritu ang lalaki, at pasigaw siyang lumabas sa kanya.
Namangha ang lahat ng nakakita at sinabi nila, “Ano ito? Isang bagong pangangaral na may kapangyarihan! Pati masasamang espiritu napapasunod niya!”
Dahil doon, mabilis na kumalat ang balita tungkol kay Jesus sa buong Galilea.
May kapangyarihan ba si Jesus na palayasin ang demonyo? Yes! Jesus has absolute authority over Satan and his kingdom. Ito ang gusto niyang patunayan dito. Nang marinig ng mga tao ang turo niya, ibang klase na ang nakita nilang karunungan. Pero higit pa dito ang gusto niyang ipakita. Nang makita siya ng masamang espiritu, nanginginig, nagsisisigaw, natatakot. Kasi nga, kilala nila si Jesus. Alam nila ang kapangyarihan nitong pumuksa sa kanila. At tama sila, darating nga ang araw na iyon na lahat sila ay pupuksain ni Jesus. Isang salita lang na galing sa kanya, sumunod sila na nangangatog sa takot.
Hanggan ngayon, ipinapakita ni Jesus ang kapangyarihan niya laban sa mga demonyo. Noong bata pa lang ako at bagong Cristiano, dalawa sa kasambahay namin ang sinaniban ng masamang espiritu. Gabi-gabi iyong nagwawala at nagsisisigaw. May mga pastor at mga members na pupunta sa bahay. At narinig kong sinasabi nila, “Sa pangalan ni Jesus, lumayas ka!” At nanginginig nga sila, natatakot. Bagamat hindi agad umalis, mga ilang araw din ang itinagal, nakita ko ang kapangyarihan ni Jesus. Gabi-gabi sa bahay, ito ang kinakanta namin: “In the name of Jesus, in the name of Jesus, we have the victory. In the name of Jesus, in the name of Jesus, Satan will have to flee. In the mighty name of Jesus, we have the victory.”
Jesus’ Authority Over Sin
Si Satanas ang dahilan kung bakit nakapasok ang kasalanan sa buhay ng tao. Sa anyong ahas, tinukso niya si Eba at nagkasala sila ni Adan laban sa Dios. Doon na nagsimula ang pagrerebelde ng tao sa Dios kaya nahatulan tayo ng kamatayan – pisikal at espirituwal na pagkakahiwalay sa Dios. Nakita ng mga Israelita na hindi sapat ang mga alay at handog nila para maalis ang kasalanan nila. Hindi rin natin kayang bayaran sa pamamagitan ng ating mabuting gawa. Ang pag-asa lang natin ay kung buburahin ito ng Dios o may magbabayad nito para sa atin. May kapangyarihan kaya si Jesus na alisin ang balakid na ito – ang kasalanan ng tao – sa kaharian ng Dios. Hango ito sa Mark 1:32-33; 2:1-12:
Nang mabalitaan ng mga tao ang mga himalang ginagawa ni Jesus, dinudumog na siya ng mga tao at dinadala sa kanya ang mga may sakit at mga sinasaniban ng masamang espiritu. Anumang klase ng sakit ay napapagaling ni Jesus. Kapag pinapalayas niya ang mga masamang espiritu, hindi niya sila pinapayagang magsalita tungkol sa kanya.
Pagkalipas ng ilang araw, bumalik si Jesus sa Capernaum at nabalitaan ng mga tao na nandoon siya. Nagpuntahan ang mga tao sa bahay na tinutuluyan niya. Ipinangaral niya sa kanila ang salita ng Dios. May mga taong dumating kasama ang isang paralitikong buhat-buhat ng apat na lalaki. Sa dami ng tao, hindi sila makalapit kay Jesus.
Kaya gumawa sila ng butas sa bubong na nasa tapat ni Jesus at ibinaba ang kasama nilang paralitiko. Nakita ni Jesus ang kanilang pananampalataya sa kanya, kaya sinabi niya sa paralitiko, “Anak, pinatawad na ang mga kasalanan mo.”
Narinig ito ng mga tagapagturo ng Kautusan, at sinabi nila sa sarili nila, “Bakit siya ganyan magsalita? Paglapastangan iyan sa Dios! Dios lang ang makapagpapatawad ng kasalanan!”
Dahil alam ni Jesus ang nasa isip nila, pinatunayan niyang siya ay may kapangyarihang magpatawad ng kasalanan. Sinabi niya sa paralitiko, “Tumayo ka, buhatin mo ang higaan mo at umuwi ka na!” Tumayo nga ang lalaki, agad na binuhat ang kanyang higaan at lumabas habang nanlalaki ang matang nakatingin ang lahat. Namangha sila at nagpuri sa Dios. Sabi nila, “Pambihira, ngayon lang kami nakakita ng ganito!”
Lahat ng sakit kayang pagalingin ni Jesus. Lahat ng demonyo mapapasunod niya. Ang mga himalang ito na ginagawa ni Jesus ay hindi lang para mapa-“Wow!” ang mga tao. Ito ay para ipakita kung sino nga ba itong Jesus na Haring dumating…para ipakitang siya’y walang iba kundi ang Dios na nagkatawang-tao. Sa kuwentong ito, nagpagaling siya ng sakit, pero iyon ba ang pangunahing layunin niya? Hindi! Hindi nga tungkol doon ang una niyang sinabi, sabi niya sa paralitiko, “Anak, pinapatawad na ang kasalanan mo.” Ipinapakitang ang sakit ay secondary lang dahil pumasok naman ito dahil sa kasalanan. Ang kasalanan ang dapat maalis. Puwedeng maalis ang sakit, pero kung di naman maalis ang kasalanan, may kakila-kilabot na sakit ang aabutin natin sa kabilang-buhay. Ang tanong, may kapangyarihan ba si Jesus na maalis ang ating mga kasalanan? Yes! Dios lang ang makagagawa noon, kaya sabi ng mga ilang tagapagturo ng kautusan na inaangkin ni Jesus na siya ay Dios. Tama sila!
Jesus’ Authority Over All Creation
Nang pumasok ang kasalanan, nagdulot ito ng sumpa sa nilikha ng Dios. Kaya may kaguluhan sa nilikha ng Dios tulad ng bagyo, lindol, at sirang kalikasan. Imbes na mapamahalaan natin ito tulad ng ibinigay na responsibilidad sa atin ng Dios, tayo ang kinakalaban nito. Hindi ito bahagi ng “it is very good” na sinabi ng Dios sa kanyang mga nilikha. Something has gone bad in our world. Ang tanong sa atin, may kapangyarihan ba si Jesus para mapasunod ang kalikasan at maibalik ito sa napakagandang disenyo ng Dios? Bahagi ng sagot diyan ay makikita sa kuwentong ito galing sa Mark 4:35-41:
Isang araw, sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Tumawid tayo sa kabila ng lawa.” Kaya iniwan nila ang mga tao at sumakay sa bangka kasama si Jesus. May ilang bangka ring sumunod sa kanila.
Maya-maya, biglang lumakas ang hangin. Hinampas ng malalaking alon ang bangka nila at halos mapuno na ng tubig. Si Jesus naman ay nasa hulihan ng bangka at natutulog nang nakaunan. Ginising nila si Jesus, “Guro, malulunod na tayo! Balewala lang ba ito sa inyo?”
Kaya bumangon si Jesus at sinabi sa hangin at mga alon, “Tigil! Kumalma kayo!” Tumigil nga ang hangin at kumalma ang dagat.
Tinanong ni Jesus ang mga tagasunod niya, “Bakit kayo natatakot? Wala pa ba kayong pananampalataya sa akin?”
Takot na takot sila at nag-usap-usap, “Sino kaya ito? Kahit ang hangin at dagat ay sumusunod sa kanya!”
May kapangyarihan ba si Jesus na mapasunod ang kalikasan? Yes! Bumabagyo nga, tulog na tulog siya. Relax na relax. Parang sabi niya, “Everything is under my control.” Kaya noong ginising siya ng mga alagad niya, ano ang ginawa niya? Sinabihan lang ang malakas na hangin at alon, “Tumigil kayo!” At huminto nga! Kaya sabi ng mga disciples niya, “Kahit ang hangin at dagat ay sumusunod sa kanya!” Bakit nga hindi? Hindi ba’t sa kanyang salita rin ay nalikha ang lahat ng bagay? Hindi ba’t sa salita niya nananatiling nasa ayos ang mga planeta sa kalawakan at hindi nagkakaumpug-umpugan? Hindi ba’t siya ay walang iba kundi ang Dios? Alam natin iyon! Tanong ng mga disciples, “Sino kaya ito?” Alam natin ang sagot doon.
Jesus’ Authority Over Death
The last enemy to be destroyed is death, sabi nga ni apostol Pablo sa isa sa mga sulat niya. Ang kamatayan ay hindi bahagi ng orihinal na intensiyon ng Dios sa kanyang magandang nilikha. Nais ng Dios na huwag kumain ang tao sa punong magdudulot ng kamatayan sa kanila, kundi doon sa isang puno na nagbibigay buhay. Pero pinili ng taong magrebelde sa Dios. Dahil doon, pinili ng tao ang kamatayan kaysa buhay. Nahiwalay tayo sa Dios. Balang araw lahat tayo ay malalagutan din ng hininga. At kung hiwalay tayo kay Cristo, kahit buhay pa tayo, para na ring patay dahil walang kahulugan ang buhay, walang patutunguhan. Ang tanong ngayon, may kapangyarihan ba si Jesus para talunin ang kamatayan? Hango ito sa Mark 5:21-43:
Pagbalik ni Jesus sa kabila ng lawa, dinumog na naman siya ng napakaraming tao. Nandoon din si Jairus, isang pinuno sa sinagoga, isang bahay-sambahan ng mga Judio. Nakita niya si Jesus at nagmamakaawa siyang lumuhod sa harapan nito, “Agaw-buhay po ang anak kong dalagita. Kung puwede po sana, sumama kayo sa akin at ipatong ninyo ang inyong kamay sa kanya, para gumaling siya at mabuhay!”
Sumama sa kanya si Jesus. Habang naglalakbay sila, dumating ang ilang tao mula sa bahay ni Jairus at sinabi sa kanya, “Patay na po ang anak n’yo. Huwag n’yo nang istorbohin ang guro.”
Pero sinabi ni Jesus kay Jairus, “Huwag kang matakot. Manampalataya ka lang.”
Pagdating ni Jesus sa bahay, nakita ni Jesus na nagkakagulo ang mga tao, may mga humahagulgol sa iyak. Sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo nag-iiyakan? Hindi patay ang bata. Natutulog lang siya.” Pinagtawanan siya ng mga tao.
Kaya pinalabas niya lahat ng mga tao maliban sa magulang ng bata at sa tatlo niyang tagasunod. Pumasok sila sa kuwartong kinaroroonan ng bata. Hinawakan niya ang kamay ng bata at sinabi, “Nene, bumangon ka.” Bumangon naman agad ang bata at naglakad. Manghang-mangha ang mga tao sa nangyari. Pagkatapos, sinabihan sila ni Jesus na bigyan ng makakain ang bata.
May kapangyarihan ba si Jesus para mapagtagumpayan ang kamatayan at maibalik ang buhay sa tao? Yes! Iyon ang misyon bakit siya naparito sa lupa. Kaya nga noong nilapitan siya ni Jairus, sige agad. Kahit pa may nagsabi sa kanyang wag na siyang istorbohin dahil patay na ang bata, hindi siya natinag. He was on a mission as our life-giver. Na dumating ang panahong hindi na natin katatakutan ang kamatayan. Na mawawala na ang iyakan at hinagpis dahil wala nang kamatayan. Paano niya ginawa iyon sa kuwento? Nagsalita lang siya, “Nene, bumangon ka.” Maririnig ba siya noon? Patay nga iyon! Ang salita natin walang kapangyarihang bumuhay ng patay. Minsan nga pinagpray ko ang maysakit, maya-maya lang namatay na. Kahit anong teknolohiya sa mundo, hindi magagawa iyon. Dios lang ang makagagawa noon. Si Jesus lang na sa kanyang salita nalikha ang lahat at nagkaroon ng buhay ang tao, siya rin ang makapagbibigay-buhay sa patay.
Foretaste of the Kingdom – More to Come
Sa mga kuwento natin ngayon, naipakita ba ni Jesus ang kaharian ng Dios at kanyang kapangyarihan laban kay Satanas? Yes! Sa kasalanan? Yes! Sa kaguluhan ng nilikha? Yes! Sa kamatayan? Yes! Jesus displays kingdom power. Sa kanyang mga himalang pinakita, at ilan lang ito sa marami pang ginawa niya – sample pa lang ‘to – nakita kung sino si Jesus at ano ang kapangyarihan at misyon ng Dios. Pero, patikim pa lang ito. Ibig sabihin, may mas engrande pang darating. Parang movie trailer lang ito, hindi pa ito ang buong pelikula. May mga magagandang eksena pa tayong aabangan. Nananatili pa rin ang gawa ni Satanas hanggang ngayon, meron pa ring kasalanan, may kaguluhan pa rin, at may kamatayan pa rin. Pero sa muling pagbabalik ni Jesus, malulubos ang paghahari ng Dios. Wala na si Satanas! Wala nang kasalanan! Wala nang kaguluhan! Wala nang kamatayan! Sa paghahari ng Dios, lubos ang magiging paghahari ng Panginoong Jesus, ganap ang katuwiran at kabanalan, maayos na ulit ang buong nilikha ng Dios, at mararanasan ng lahat – maliban sa di kumilalang si Jesus ang Hari – ang buhay ayon sa kasaganaang nais ng Dios mula pa sa Garden of Eden.
While Waiting?
Oo nga’t hindi pa dumarating ang lubos na paghahari ni Cristo. Pero alam nating dumating na iyon sa puso at buhay ng mga taong kumikilala sa kanya at ipinamumuhay ang kaharian ng Dios sa araw-araw. This is the “already-not yet” reality of the kingdom of God. Dumating na pero darating pa. At habang naghihintay tayo doon, ano na ngayon? Ang ibang tao nakita ang mga himala ni Jesus, pero binalewala lang. Ang iba naman namangha pero hanggang pagiging “fans” lang. Hindi lang basta nalaman natin ang mga bagay na ito at humanga. Ang mga demonyo nga kilala si Jesus, nanginginig pa. Nais ng Dios ang higit pa sa mga iyon.
Dahil si Jesus ang Tagapagligtas, nagtitiwala tayo sa kanya. Bawat salitang binibitawan niya, pinaniniwalaan natin. Kung sinabi niyang pinatawad na niya tayo, tulad ng paralitiko, aangkinin natin iyon. Kung sinabi niyang huwag tayong matakot, kundi manalig lang sa kanya, papaniwalaan natin iyon, tulad ni Jairus. Hindi pagtatawanan, hindi mag-aalinlangan.
Heto mas specific pa doon: Dahil si Jesus ang Tulong, nananalangin tayo sa pangalan niya. Di tulad ng mga disciples niya na natakot at inakusahan pa si Jesus na walang pakialam sa kanilang buhay. Kundi tulad ng mga kaibigan ng paralitiko, tulad ni Jairus din, na dahil sa matinding pangangailangan at alam na walang ibang solusyon, si Jesus ang lalapitan. At kung ano ang ninais nilang mangyari, ginawa ni Jesus para sa kanila. Kung nais n’yong magbigay para sa renovation project natin, naniniwala ba kayo na kapag ipinanalangin n’yo sa pangalan ng makapangyarihang si Jesus ay maibibigay ng Dios sa inyo, kahit parang imposible?
Dahil si Jesus ang Panginoon, sumusunod tayo sa kanya. Ang masamang espiritu sumunod na nanginginig pa. Ang hangin at alon, sumunod sa utos ni Jesus. Ang paralitiko at ang babaeng patay, bumangon sa utos ni Jesus. Do you also recognize the authority of his word? Na kung anong sabihin niya sa iyo, susundin mo? O daig ka pa ng mga demonyo?
Heto ang mas specific na application: Dahil si Jesus ang Nagsugo, hahayo tayo sa kanyang pangalan. Matthew 28:18-19, “All authority in heaven and on earth has been given to me. Therefore, go…” Ang mga demonyo pinagbawalang magsalita. Ang mga nakakita ng himala niya ipinagkakalat sa iba. Hindi pa sila inuutusan noon. Tayo inuutusan nang ipamalita sa iba. Anong ginagawa natin?
Ang panalangin ko sa bawat isa sa atin, mas makilala natin si Jesus. Para lalong tayong magtiwala sa kanya. Para lalo tayong lumapit at kumapit sa kanya. Para lalo tayong sumunod sa kanya. Para lalo tayong maging masigasig sa pagpapahayag ng mga kamangha-manghang ginawa ni Jesus sa mga taong hanggang ngayon ay binabalewala ang Panginoong Jesus.
2 Comments