Are You Ready?
Kapag may importanteng bisita na darating o may mahalagang okasyon na ipagdiriwang pinaghahandaan. Kapag darating sa bahay ang kaibigan ko, ipaghahanda ko iyan ng kape. Medyo magwawalis at magliligpit (pero minsan kahit hindi na). Pero ibang paghahanda ang ginagawa natin kapag extraordinary na mga occasion tulad ng anniversary natin last month. Talagang iniayos lahat – magandang kurtina, malinis na worship hall, masarap na pagkain. Kasi espesyal na okasyon para sa Dios, tapos may mga bisita pa tayo. Isipin n’yo na lang kung anong klaseng paghahanda ang dapat nating gawin sa pinakaespesyal na bumisita sa mundong tinitirhan natin – nang magkatawang-tao ang Anak ng Dios – at napakaespesyal na okasyon sa kasaysayan – ang pagsilang ng Hari at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. Nakita natin iyan last wee – God sends Jesus the Redeemer-King. Pagkatapos ng matagal na panahong paghihintay sa katuparan ng pangako ng Dios – kay Abraham at kay David – sa wakas dumating na.
Dumating na siya. Pero ang tanong sa atin, “Are you ready?” Nakahanda ka ba sa pagdating niya? Nakahanda ba ang puso mo na aminin na makasalanan ka at kailangan mo siya at tanggaping siya ang Tagapagligtas mo? Nakahanda ka bang umalis sa tronong kinauupuan mo at sabihin sa kanya, “Ikaw ang Hari. Ikaw ang maupo dito.” Natural sa tao, hindi tayo handa. Tulad ni Herodes, hindi handang may pumalit sa kanya na hari. Kaya ang mga Judio, bagamat naghihintay sila, kailangan din silang ihanda sa pagdating ng kanilang Hari. Ito ang pinakamahalagang bahagi ng kanilang kasaysayan. Salamat sa Dios, makikita natin na bago pa man humarap si Jesus sa maraming tao at ibalita ang pagdating ng kaharian ng Dios, sa loob ng 30 taon, inihanda ng Dios ang kanyang bayan. At tingnan natin sa mga kuwentong sumunod kung paano rin tayo inihahanda ng Dios para sa kanyang Anak na si Jesus.
John the Baptizer
Ang mga kuwentong maririnig natin ngayon ay galing sa Matthew 3-4, pero mapapansin n’yong may galing din sa mga parallel accounts sa Mark, Luke at John tulad ng binabasa natin sa ating Chronological Bible Reading Plan. Ang unang kuwento ay galing sa Matt. 3:1-12 (Mark 1:2-8; Luke 3:2-17). Tungkol ito kay Juan na ang ministeryo ay katuparan ng propesiya ni Isaias: “May tagapagbalitang sumisigaw na nangangaral sa mga tao, ‘Ihanda ninyo ang daan sa ilang para sa Panginoon (Yahweh). Gawin ninyong matuwid ang daan na dadaanan ng ating Dios” (Isa. 40:3 ASD). Si Juan ang tagapagbalitang iyon, at si Jesus ang tinutukoy na Dios na dumating (Yahweh). At sasabihin niya sa atin kung sino itong si Jesus at bakit natin siya kailangan. Ganito ang nangyari:
Dumating ang panahon na si Juan ay nangaral sa mga Judio para ihanda sila sa pagdating ng Mesias. Si Juan ay pinsang makalawa ni Jesus, matanda lang ng anim na buwan kay Jesus. Matapang niyang hinahamon ang mga Judio, “‘Wag n’yo lang basta sabihing mahal n’yo ang Dios – patunayan n’yo ‘to sa buhay n’yo. Tumalikod na kayo sa mga kasalanan n’yo at magbalik-loob sa Dios! Huwag n’yong isiping makaliligtas kayo sa parusa ng Dios dahil lang galing kayo sa lahi ni Abraham.”
Nakilala siya na Juan na Tagapagbautismo dahil inilulubog niya sa tubig sa Ilog Jordan ang mga taong ipinagtatapat ang kanilang mga kasalanan. Sa panahong iyon, ang pagpapabautismo ay tanda ng pagtalikod sa kasalanan at pagpili sa isang bagong paraan ng pamumuhay. Nang tanungin si Juan ng mga tao kung siya ba ang Mesias, sagot niya, “Hindi ako! Pero may isang parating na higit na mas makapangyarihan kaysa sa akin – ni hindi nga ako karapat-dapat magkalag ng kanyang sandalyas o maging alipin man lang niya. Siya ang abangan n’yo…nagbabautismo ako sa tubig, pero siya’y magbabautismo sa Espiritu ng Dios at sa apoy! Tulad siya ng isang taong dala-dala ang kanyang gamit upang ihiwalay ang ipa sa butil ng trigo. Ilalagay niya ang mga trigo sa bodega, at ang ipa’y susunugin niya sa apoy na hindi mamamatay kailanman.”
Makikita natin na espesyal ang ministry na binigay ng Dios kay Juan. Gusto ng Dios na ihanda tayo sa pagdating ni Jesus sa pamamagitan ng pagpapaliwanag sa atin kung ano ang malaking problema natin at bakit natin kailangan si Jesus. We are all sinners. Kaya nga sinabi niyang tumalikod sila sa kanilang mga kasalanan, dahil hindi makakalapit sa Dios ang mga nagmamahal sa kasalanan. Kahit mga religious leaders, makasalanan din. Kahit mga taong nagsasabing mahal nila ang Dios pero hindi naman nakikita sa resulta ng buhay nila. Lahat ng tao ay hiwalay sa Dios. Mula pa nang magkasala sina Adan at Eba. Maging sa bayang pinili ng Dios – ang Israel – kitang-kita na sila rin ay makasalanan at nagrebelde sa Dios.
Dahil tayo ay makasalanan, we are all under God’s judgment. May sinabi si Juan sa dulo ng kuwentong ito na ang darating na Mesias – oo nga’t siya ang Tagapagligtas – pero sa siya rin ang Judge at the last day. Ihihiwalay niya ang ipa sa butil ng trigo (o sa atin ay “bigas”). Ang ipa susunugin, ang bigas itatabi. Lahat tayo ay mga ipa na susunugin. Pati mga relihiyosong Judio hindi makaliligtas sa parusa ng Dios sa huling araw. Kaya kailangan natin si Jesus, para mailipat tayo ng posisyon – mula sa ipang susunugin tungo sa mga butil ng bigas na itatabi sa kamalig.
Dahil doon, we really need Jesus. No one but God can save us. Sabi ni Juan sa kanila na hindi si Abraham ang magliligtas sa kanila. Hindi ang kanilang panlabas na relihiyon at pagsunod sa mga utos ni Moises. Hindi ang pagiging Israelita o ang relihiyon ng kanilang mga magulang ang magliligtas sa kanila. Hindi rin si Juan at ang kanyang bautismo. Hindi ba’t napakahalagang paalala sa atin, na hindi ang church na ito ang magliligtas sa atin, hindi ang water baptism natin, hindi ang card na pinirmahan mo o ang prayer na inulit mo para tanggapin si Jesus, hindi ang membership sa church, hindi ang perfect attendance sa worship.
Beloved Son
Si Jesus lang ang Tagapagligtas. Pero paano nga ba itong anak ni Maria, na lumaki sa Nazareth, na isang karpintero, at isang tao ang makapagliligtas sa atin? Sinabi din iyan ni Juan, na ang darating na Mesias ay higit na dakila kaysa sa kanya, dahil hindi lang siya basta ordinaryong tao. Katulad natin siya, pero hindi natin siya katulad. Makikita natin ito sa sumunod na bahagi ng kuwento sa Matt. 3:13-17 (Mark 1:9-11; Luke 3:21-22; John 1:32-34).
Hindi nga nagtagal, dumating nga ang tinutukoy ni Juan na Mesias – walang iba kundi si Jesus. Pumunta si Jesus sa Ilog Jordan para magpabautismo kay Juan. Nang makita siya ni Juan, nagtaka siya, “Bakit ikaw ang magpapabautismo sa akin? Ako pa nga ang dapat magpabautismo sa iyo.” Pero sinabi ni Jesus, “Hayaan mong mangyari ito ngayon, dahil ito ang nararapat nating gawin upang matupad ang lahat ng kalooban ng Dios.” Kaya pumayag si Juan. Pag-ahon ni Jesus mula sa tubig, bumaba ang Espiritu ng Dios mula sa langit – para itong isang kalapating dumapo sa kanya. At may boses na narinig mula sa langit, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan.”
Para saan ba ang bautismo? Hindi ba’t para ipahayag ang mga kasalanan, ipakita ang pagtalikod sa kasalanan at ipahayag ang isang bagong buhay? Kaya nagpapabautismo ang mga Judio kay Juan dahil doon. Pero ang tanong, bakit nagpabautismo si Jesus? Wala naman siyang kasalanan kahit isa (Heb. 4:15). Kung ganoon, ano ang gustong ipakita sa atin dito ng Dios tungkol kay Jesus?
Jesus is God’s beloved Son. He was in a way like Israel. Hindi ba’t sabi ng Dios sa hari ng Egipto sa panahong alipin ang mga Israelita dito, “Israel is my firstborn son” (Exod. 4:22). Espesyal, natatangi. Sa paghahandang ginagawa ng Dios para sa ministeryo ng Panginoong Jesus, para bang ipinapakita niya sa Israel na itong mangyayari sa buhay ng Mesias ay tulad ng nangyari sa Israel. Pero malaki din ang pagkakaiba. Sabi ng Dios nang bautismuhan si Jesus, malakas na tinig na narinig ng marami na nagpapatotoo kung sino itong si Jesus, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan.” Oo nga’t ang Israel ang minamahal na anak ng Dios, pero hindi naman lubos na kinalulugdan dahil sa paulit-ulit nitong pagtalikod sa Dios. Ito ang kaibahan ni Jesus. Kaya siya ang kailangan nila. Kaya nga noong nagtaka si Juan na magpapabautismo si Jesus, sabi sa kanya, “Ito ang nararapat nating gawin upang matupad ang lahat ng kalooban ng Dios.” Ipinapakita nito kung bakit lubos talaga siyang kinalulugdan ng Dios. Dahil sa kanyang pagpapabautismo, ipinapakita niyang susunod siya sa lahat ng ipinapagawa ng Dios. Wala ni isa man sa atin ang nakasunod sa kalooban ng Dios. Pero naparito si Jesus para sunding lahat iyon para sa atin.
Ginawa niya iyon para sundin ang kalooban ng Dios para sa atin.Jesus wants to identify himself with sinners. Dito sa bautismo sa kanya, sinimulang ipakita ng Dios ang katuparan ng simbolo ng mga sacrifices na ginagawa ng mga Judio sa Old Testament. Tulad ng sa taun-taong Day of Atonement, kung saan ipinapatong nila ang kamay nila sa kambing (scape goat) para maging kahalili nila o magdala ng kasalanan nilang ilalayo sa presensiya ng Dios. Sinasabi ni Jesus sa atin, “Dumating ako para maging kahalili ninyo, para ibilang na isang makasalanan kahit na sumunod ako sa lahat ng utos ng Dios, para dalhin ang kasalanan ninyo, para akuin ang parusa ng Dios na nakaabang para sa inyo.”
Hindi niya kailangang gawin, pero ginawa niya para sa atin. Tayo ang may kailangan ng kanyang bautismo – bautismo sa Espiritu. Na sa pamamagitan ng pagkilos ng Espiritu sa puso natin, kilalanin natin siya bilang Tagapagligtas natin. At kung sinasabi natin sa sarili natin na nakipag-isa na tayo kay Cristo, gusto niya rin na magpabautismo tayo tulad ng halimbawang ipinakita niya. Sino sa inyo ang hindi pa nababautismuhan? Mga tatay? Mga nanay? Mga kabataan? Mga bata? Bakit hindi ka sumunod sa halimbawang ipinakita ni Jesus? Amining makasalanan ka at siya lang ang iyong Tagapagligtas.
Righteous
Sa bautismo ni Jesus, pinakita ng Dios kung sino si Jesus – Anak ng Dios na lubos niyang kinalulugdan – at handa siyang akuin ang ating kasalanan. Bukod doon, kung ililigtas niya tayo, dapat niya ring maranasan ang mga naranasan natin, dapat niyang patunayang kaya niyang labanan ang mga tukso at pag-atake ni Satanas. Natandaan n’yo ang sinabi ng Dios sa ahas sa Gen. 3:15? Na darating ang isang anak ng babae na dudurog sa ulo ng ahas? Heto na dumating na siya. Dapat niyang ipakita na kaya niyang labanan si Satanas at sa buong buhay niya ay sumunod sa Dios kung siya nga ang ating Tagapagligtas. At ito ang makikita nga natin sa sumunod na bahagi ng kuwento sa Matt. 4:1-11 (Mark 1:12-13 ; Luke 4:1-13).
Pagkatapos bautismuhan si Jesus, agad siyang dinala ng Espiritu ng Dios sa disyerto para tuksuhin ng diyablo sa loob ng 40 araw. Sa mga araw na iyon, nag-ayuno si Jesus. Pagkatapos ng 40 araw, nagutom siya. Sinubukang tuksuhin ni Satanas si Jesus para siya’y magkasala. Sabi niya, “Kung ikaw nga ang Anak ng Dios, bakit hindi mo gawing tinapay ang mga batong ito para may makain ka?” Sinagot siya ni Jesus, “Hindi! Nang magsalita ang Dios kay Moises sinabi niya, ‘Hindi lang pagkain ang kailangan ng tao para mabuhay – kailangan nilang mabuhay sa pamamagitan ng mga salita ng Dios.’”
Tapos, dinala ni Satanas si Jesus sa tuktok ng pinakamataas na gusali sa Jerusalem at sinabi, “Kung ikaw nga ang Anak ng Dios, tumalon ka nga! Di ba’t sinasabi sa inyong Banal na Kasulatan na, ‘Magpapadala ang Dios ng kanyang mga anghel para saluhin ka at hindi tumama sa lupa!’” Sumagot si Jesus, “Isinulat din ni Moises, ‘Huwag mong subukin ang Panginoon mong Dios.’”
Tapos, dinala naman siya ni Satanas sa tuktok ng isang mataas na bundok. Ipinakita niya sa kanya ang lahat ng mga kaharian sa mundo at ang mga kayamanan at kadakilaan ng mga nito. Sabi niya, “Ibibigay kong lahat ito sa iyo – kahit anong gusto mo – kung luluhod ka sa harap ko at sasamba sa akin.” Sumagot si Jesus, “Lumayas ka sa akin, Satanas! Ipinag-uutos ng Dios, ‘Pahalagahan mo ang Dios nang higit sa lahat at siya lang sasambahin mo!”
Pagkatapos, iniwan na siya ni Satanas at dumating ang mga anghel mula sa Dios para pagsilbihan si Jesus. Sa panahong ito, halos 30 taon na si Jesus. Sa buong buhay niya ni hindi man lang siya nagkasala o nagrebelde laban sa Dios. Lagi niyang pinipiling gawin kung ano ang mabuti, kung ano ang tama, at kung ano ang nakalulugod sa Dios.
Jesus is tempted in every way – just like us. Ipinapakita dito ng Dios na ang dumating na Tagapagligtas ay tulad din natin na dumaan sa maraming tukso. Hindi kasalanan ang humarap sa tukso. Pinapakita nito na totoong tao siya at naranasan ang mga kabigatang nararanasan natin dahil sa gawa ni Satanas. Simula’t simula pa sa Story of God – sa panahon nina Adan at Eba – iyon na ang ginagawa niya. At pati ang Panginoong Jesus naranasan ito. Encouragement ito sa atin na araw-araw na humaharap sa tukso. “For we do not have a high priest who is unable to sympathize with our weaknesses, but one who in every respect has been tempted as we are…” (Heb. 4:15). Alam ni Jesus ang mga tuksong pinagdaraanan natin kasi siya naranasan niyang lahat iyon. Hindi lang siya tatlong beses tinukso, araw-araw sa loob ng 40 araw na iyon, at maging hanggang sa araw na siya’y ipapako na sa krus patuloy pa rin ang pagtukso ni Satanas. Naranasan ni Jesus na tuksuhin tungkol sa pagkain (kung pahahalaganan ang pisikal na pagkain sa espirituwal na pagkain), tungkol sa sex (malamang din kasi lalaki siya), tungkol sa kapangyarihan sa mundo, tungkol sa popularidad, tungkol sa kayamanan, tungkol sa pag-iwas sa sufferings na kailangan niyang maranasan. Anong tukso ang hinaharap mo ngayon? Wag kang mag-alala, alam ni Jesus lahat iyan.
Tinukso siyang tulad natin. Pero may ipinagkaiba siya sa atin. “For we do not have a high priest who is unable to sympathize with our weaknesses, but one who in every respect has been tempted as we are, yet without sin” (Heb. 4:15). Jesus overcame every temptation – not like us. Para tayong marupok na mga rubber bands, isang hatak lang ni Satanas, bumigay agad tayo. Parang si Adan at Eba, nalinlang ng diyablo, naniwala agad at pinagdudahan ang pangako ng Dios. Parang mga Israelita din. Ang 40 araw ni Jesus sa disyerto ay kumakatawan sa 40 taong paikut-ikot sila sa disyerto at sinusubok ng Dios. Pero bumigay sila at pinagdudahan ang mga salita ng Dios. Di tulad ni Jesus. Bawat tukso sa kanya ni Satanas, pagtitiwala sa salita ng Dios ang ibinabato niya. Lahat galing sa Deuteronomy, ang aklat na naglalaman ng sermon ni Moises pagkatapos ng 40 taon nila sa disyerto.
This is not primarily a lesson on how to overcome temptation in our life. May lesson tayong matututunan dito, for sure. Pero dapat marealize natin kung paanong paulit-ulit tayong nahulog sa tukso at nagkasala sa Dios. There’s someone who overcame Satan’s temptation and he did it for us. God wants to exchange your broken rubber bands with the strong rubber bands of Jesus. He came to take our place. And in the process, destroy the works of the Enemy. Nilayasan siya ng diyablo, at kung tayo nakay Cristo, Satan will have to flee.
Preparing the Way
Now, what did we see so far in these stories? God already prepared the way to his kingdom. Paano niya ginawa iyon? (1) By showing us that we desperately need a Savior. Malinaw natin itong nakita sa mensahe ni Juan; (2) By showing us that God appoints Jesus to be our Savior. Narinig natin ito sa Dios na nagsalita pagkatapos bautismuhan si Jesus; and (3) By showing us that Jesus is willing and is able to be our Savior. Nakita nating gusto niyang iligtas tayo nang kusang-loob siyang nagpabautismo. Nakita nating kaya niyang iligtas tayo nang talunin niya ang mga tukso ni Satanas sa kanya.
Follow Jesus
Parang sa paghahanda sa paglipad papuntang ibang bansa. Bayad na ang tiket mo. May bumili na. May nag-ayos na ng Visa mo. Nakahanda na ang bahay na titirhan mo. Nakagayak na lahat. Wala ka nang iintindihin. Ang kailangan na lang ay magtiwala ka sa naghanda noon para sa iyo at sumipot sa oras ng departure at sumakay sa eroplano. Kung inihanda na ng Dios ang daan tungo sa kanyang kaharian, wala na tayong ibang dapat gawin kung magdesisyon kung lalakad tayo sa daan na iyon o hindi. It is a crucial decision. That is the most important decision you will make in your entire life. And that is the decision you have to make even every single day of your life.
Di nagtagal, nakita ni Juan na lumalapit si Jesus papunta sa kanya at sumigaw siya, “Tingnan n’yo! Narito ang Tupang Ihahandog para sa Dios – siya ang mag-aalis sa mga kasalanan ng mga tao sa mundo!” Habang naglalakad si Jesus sa tabi ng dagat, sinabi niya sa ilan sa mga tagasunod ni Juan, “Halikayo at sumunod kayo sa akin!” Agad nilang iniwan ang lahat at sumunod kay Jesus.
Mula noon, laging kasama ni Jesus ang ilan sa kanyang malalapit na mga tagasunod, na tinatawag na disipulo (o alagad), at ipinapakita sa kanila kung paano mamuhay nang ayon sa kalooban ng Dios. Naglalakbay si Jesus kasama ang kanyang mga disipulo sa mga lugar kung nasaan ang mga tao tulad ng palengke, mga bahay, at bahay-sambahan (sinagoga) ng mga Judio, at doo’y itinuturo sa kanila ang kalooban ng Dios. Nagdala siya ng bagong mensahe sa kanila at sinasabing, “Dumating na ang Kaharian ng Dios – ngayon ay tumalikod na kayo sa inyong mga kasalanan, maniwala sa magandang balitang ito, at magsimulang lumapit sa Dios!”
Kung si Jesus ay tulad ng sinasabi ni Juan ang tupang ihahandog sa Dios para maalis ang ating mga kasalanan, at wala nang ibang paraan para tayo ay maligtas, may iba pa ba tayong option? Magdadalawang-isip ka pa ba sa desisyong gagawin mo? Kung siya na ang haring dumating at sa pagdating ng kaharian ng Dios, hindi tayo mapapabilang doon kung hiwalay tayo kay Cristo, anong gagawin mo ngayon? Repent. Ibig sabihin, amining ikaw ay makasalanan at kailangan mo ng Tagapagligtas, magdesisyong talikuran ang kasalanan at anumang bagay na hadlang sa pagpasok sa kaharian ng Dios at pagsunod sa kanya. Believe in Jesus and his gospel. Mabuting balita ang pagdating niya kung paniniwalaan mo. Magtiwala ka sa kanya. Ilagak mo ang buhay mo sa kanya. Follow him everyday ‘til the day you die. Kung ano sinabi niya, wala nang isip-isip pa o pag-aalinlangan, sundin agad. “Yes, Lord” palagi ang sagot.
God already prepared the way to his kingdom. Kaya ang mga tinawag ni Jesus na sumunod sa kanya, iniwan lahat. Ikaw, ano pa ang hindi mo maiwan? Oras na ng departure ng eroplano, di ka pa makasakay kasi may iniisip kang maiiwan mo. Ano iyon? Kung hindi ka pa sumusunod kay Cristo hanggang ngayon, isipin mo kung ano ang bagay na iyon na humahadlang sa iyo. Sulit bang panghawakan mo pa iyon? Sa mga Cristiano na, araw-araw na ganito pa rin ang desisyon natin. Meron ka pa ring hindi maiwan kaya hindi ka lubos na makasunod sa kanya? Tandaan mo, wala nang mas mahalaga pa kundi ang mapabilang sa kaharian ng Dios at wala nang mas masaya pa kaysa sa buhay na nakaayon sa kalooban niya. Naranasan ito ni Jesus. At mararanasan din natin sa tulong ng Banal na Espiritu na nanguna at gumabay kay Jesus sa kanyang kapanganakan, pagsunod sa bautismo, pagharap sa tukso, at pagtawag ng mga tagasunod niya. Ito rin ang Espiritu na nasa atin ngayon.
1 Comment