God Perseveres to Rescue Us

Preached by Derick Parfan on Aug. 12, 2012 at Baliwag Bible Christian Church

Introduction

Ang iba sa atin natakot sa pagdating ng baha nitong nagdaang araw. Ang iba sa atin apektado, pero mas malala ang dinanas ng ibang tao. Kaya nang mabalitaan natin sa TV, nakakalungkot talaga. Pero sa panahong tulad nito, may ginagawa ba ang Dios? Tama ba ang ginagawa ng Dios? Last week, sa pag-aaral natin sa Habakkuk, nakita nating ang sagot diyan ay, “Oo!” God is at work 24/7. Isang nakita nating ginagawa niya ay ang pagpapadala niya ng mga rescuers sa mga nasalanta ng bagyo. Marami sa atin ang humanga at namangha sa ipinakita ng mga rescuers. Mahirap ang sitwasyon, delikado, pero sugod pa rin sila sa ulan at sa baha, mailigtas lang ang mga taong nangangailangan ng tulong. Mga taong nasa mahirap na sitwasyon, na wala nang makapagliligtas sa kanila. Gumawa ang Dios sa pamamagitan nila.

Lubog sa baha ang marami. Ganyan din ang kalagayan ng maraming tao ngayon na nakalubog sa hatol at parusa ng Dios dahil hiwalay sila kay Cristo (John 3:36). Pero tayong mga iniligtas na ng Dios ay binigyan ng napakahalagang tungkuling abutin ang mga taong nangangailangan ng tulong. May ginagawa ang Dios, may dapat din tayong gawin. Na kahit mahirap gawin, kahit mahirap ang sitwasyon, gagawin ang lahat alang-alang sa kaligtasan ng maraming tao (tulad ni Pablo sa 1 Cor. 9:22). Sasabihin sa kanila, ituturo sa kanila, ipapakita sa kanila kung paano magkakaroon ng buhay kay Cristo at paano mamumuhay para kay Cristo. Ang tanong sa atin ngayon, kahit mahirap, gagawin mo pa ba? Hindi ka ba susuko?

Kahit mahirap, hindi sumuko si Jeremiah. Tingnan natin ang aklat na isinulat niya na naglalaman ng mensahe na galing sa Dios at ng buhay na ipinamuhay niya, na siyang mahalagang mensahe din sa atin ngayon. Simula nang dumating sa kanya ang salita ng Dios (“the word of the Lord came,” 1:2) – at paulit-ulit itong dumadating sa kanya (makikita n’yo iyan kapag binasa n’yo ang 52 chapters nito) – hanggang sa mamatay siya, hindi siya sumuko. Kahit mahirap, ginawa niya ang pinapagawa ng Dios sa kanya. Mula sa panahon ni Haring Josiah hanggang tuluyan nang bumagsak ang Judah sa Babilonia – mahigit 40 taon – naging tapat siya sa ipinagawa sa kanya ng Dios (1:1-3). Kahit mahirap. Tingnan natin sa Jeremiah at sa historical background nito sa 2 Kings 23-25 kung paano ko nasabing ganoon.

Jeremiah Under King Josiah (627-609 BC)

Maaring isang taon pagkatapos ng reformation o revival sa panahon ni Haring Josiah, natanggap ni Jeremiah ang tawag sa kanya ng Dios. Gusto ng Dios na maging propeta si Jeremiah (1:5). Kung anong sabihin sa kanya ng Dios, iyon din ang sasabihin niya. “Let him who has my word speak my word faithfully” (23:28). “Say to them everything that I command you” (1:17). Medyo maganda pa ang nangyayari sa panahong ito. Kayang-kaya siguro ni Jeremiah ‘to. Kaso, madali sana kung may experience na siya at maabilidad na sa pagsasalita, pero sabi niya bata pa siya, siguro mga 20 yrs. old (1:6). Madali sana kung sa iilang tao lang siya magsasalita – kung sa pamilya lang at kabarkada – pero sa buong bansa ng Judah at sa iba pang mga bansa (“a prophet to the nations,” 1:5; “over nations and over kingdoms,” 1:10). Madali sana kung puro good news lang ang sasabihin niya, iyon bang masarap pakinggan ng mga tao. Pero karamihan bad news – ipamukha sa kanila ang kasalanan nila at paghatol ng Dios (“to pluck up and to break down, to destroy and to overthrow”) saka pa lang ang restoration (“to build and to plant,” 1:10).

Bata pa siya nito. Malinaw na sa pagkakatawag pa lang niya na ang gusto ng Dios sumunod siya sa kanya – di tulad ng mga taga-Judah nang panahong iyon na di sumusunod. Na maging tapat siya sa pangangaral ng Salita ng Dios bilang isang propeta o mensahero ng Dios. Kahit na mahirap gawin ang mga dapat gawin. Kahit na mahirap sabihin ang mga dapat sabihin. Kahit na mahirap puntahan ang mga dapat puntahan.

Under Jehoahaz (609) and Jehoiakim (609-597)

(2 Kings 23:28-24:7) Sa panahon ni Josiah nabalik ang magandang pagsamba sa templo. Pero napatay siya sa pakikipaglaban sa Egipto. Pumalit si Jehoahaz na anak niya ngunit 3 buwan lang itong naghari dahil binihag siya ng hari ng Egipto, dinala sa Egipto at doon na namatay. Inilagay ng hari ng Egipto na hari ng Juda ang isa pang anak ni Josiah na si Jehoiakim. Sa panahong ito, napabagsak na ng Babilonia ang Assyria at Egipto. Kaya napasailalim si Jehoiakim kay Nebuchadnezzar, hari ng Babilonia. Pero nagrebelde siya rito kaya sa ika-4 na taon ng paghahari niya, sinalakay ng Babilonia ang Jerusalem at ang iba ay dinalang bihag sa Babilonia (605 BC).

Sa panahong ito, mahirap ang kalagayan ni Jeremiah dahil sa maling paniniwala ng mga tao. Naniniwala sila na hindi sila mapapahamak dahil nasa kanila ang templo ng Dios. Sinasabi pa nila “the temple of Yahweh, the temple of Yahweh, the temple of Yahweh” (7:4) na para bang magic charm na iyon na ang basis ng security nila. Mahirap kausapin ang mga taong sa sobrang pagkarelihiyoso, hindi makapaniwalang walang hanggang parusa sa impiyerno ang kahihinatnan nila. Tapos sasabihan pa siya ng Dios na mangaral sa kanila, “but they will not listen to you” (7:27). Ha? Para saan pa’t kakausapin mo ang mga taong di naman pala makikinig sa iyo? What’s the point, Lord? Tapos bago iyon sabi pa ng Dios na simula pa nang maging bansa sila, paulit-ulit nang nagpapadala ang Dios ng mga propeta pero wala naman sa kanila ang talagang pinakinggan ng mga tao (7:25-26). Ngayon, ano ang probability kung halimbawang may 20 na ang nauna sa iyo na mga propeta at zero ang pinakinggan ng mga tao, na papakinggan ka ngayon nila? Zero!

Dahil hindi sila nakinig, alam ni Jeremiah na sasalakayin sila ng Babilonia. Ang hirap ng ministeryo niya kasi alam naman niyang wala siyang magagawa para pigilan ito. Na huli na ang lahat, hindi sila maliligtas sa parusa ng Dios (8:20), na parang sugatan na hindi na nahilom, na parang may cancer na walang doktor na makagamot (8:21-22). Sobrang emotional para sa kanya, kasi kapamilya niya, kasi kababayan niya. Kaya nga iyak siya nang iyak para sa kanila. “My joy is gone; grief is upon me; my heart is sick within me” (8:18). “Oh that my head were waters, and my eyes a fountain of tears, that I might weep day and night for the slain of the daughter of my people” (9:1)! “But if you will not listen, my soul will weep in secret for your pride; my eyes will weep bitterly and run down with tears, because the Lord’s flock has been taken captive” (13:17). “You shall say to them this word: ‘Let my eyes run down with tears night and day, and let them not cease, for the virgin daughter of my people is shattered with a great wound, with a very grievous blow” (14:17).

Hindi sumuko si Jeremiah. Kahit na mahirap kausapin ang mga dapat kausapin. Kahit na mahirap solusyunan ang mga dapat solusyunan. Kahit na mahirap iyakan ang mga dapat iyakan.

Iyak na walang tigil na para bang ulan nitong nakaraang mga araw na parang walang tigil sa pagpatak. Malamang siya sumulat ng Lamentations. Tawag sa kanya, “the weeping prophet.” Pero parang hindi angkop na iyon ang itawag sa kanya, kasi baka akala nang iba iyakin siya, na mahina emotionally, na hindi matibay, na madaling sumuko. Pero obvious sa kuwento ng buhay niya na mas angkop na tawagin siyang “persevering prophet.” Sa kabila ng hirap na dinanas niya, nagpatuloy pa rin siya, hindi pa rin siya sumuko.

Hindi ba’t ganito rin ang mararamdaman mo kapag, halimbawa, ibinabagi mo ang gospel (Story of God) sa asawa mo o sa tatay mo, tapos 20 taon na wala pa ring nangyayari. Tapos nagkasakit siya, namatay, ni hindi mo alam kung “rest in peace” ba talaga siya. Iyak ka nang iyak. Pero kahit ganoon ang nangyari, hindi ka pa rin susuko, patuloy mong ibabahagi si Cristo sa iba.

Ganoon ang hirap na dinanas ni Jeremias. Nagsasabwatan pa ang mga tao at parang sinasabi, “Tara, magkaisa tayo na ‘wag siyang pakinggan, tapos humanap tayo ng pagkakataon para tuluyan na siya” (18:18). Feeling niya na itong mga taong ito ay gumawa ng hukay para patibong sa kanya (18:20).

Taga-saan si Jeremiah? Taga-Anathoth (1:1), 5 km northeast of Jerusalem. Kung hindi man siguro makinig ang mga tao sa kanya, siguro itong mga kamag-anak niya at mga kabarangay, siguro naman papakisamahan siya. Ano sa tingin n’yo? Pero hindi ganoon ang nangyari. Hindi lang sila basta hindi nakinig, pinagtangkaan pa ang buhay niya. Sabi nila, “Tumigil ka na sa pangangaral mo, kung hindi, papatayin ka namin” (11:21). Feeling tuloy niya para siyang isang hayop na nakagapos at ipinapasok sa slaughterhouse (11:19).

Feeling ni Jeremiah nag-iisa lang siya. Wala pa siyang ka-partner sa ministry. Ang Dios pa nagsabi sa kanya na ‘wag siyang mag-aasawa, kaya di siya magkakaroon ng sariling pamilya (16:2). Malungkot mag-isa. Buti sana kung may-asawa siya, malamang iyon ieencourage siya, maniniwala sa kanya. Ang hirap nito, pati mga “close friends” niya itinatakwil na siya at inaabangan ang pagbagsak niya (20:10).

Pero kahit ganoon, tuloy pa rin siyang mangaral. Pagkatapos niyang magsalita laban sa Judah sa may paligid ng templo, narinig siya ng isang pari na “chief officer” sa templo (20:1). Binugbog siya nito, iginapos at ikinulong sa kulungan sa templo na nakareserba para sa mga “false prophets” (20:2). Feeling niya tuloy parang niloloko na siya ng Dios (20:7), na ang salita ng Dios ay walang idinulot sa kanya kundi puro perwisyo (20:8). Para sa kanya, sana nga di na siya ipinanganak kung ganito lang pala ang sasapitin (20:18). Kinabukasan, pinakawalan din siya (20:3). At ano kaya ang gagawin niya? Uuwi na lang sa bahay at manonood ng TV? Hindi! Tuloy pa rin siya sa pangangaral ng salita ng Dios. Wala siyang pakialam kung ano man sabihin o isipin ng ibang tao. Kahit ano pa ang gawin sa kanya, tuloy pa rin.

Sinabihan siya ng Dios na tumayo sa may templo at sabihin lahat ng pinapasabi niya, huwag babawasan (26:2). Ganoon nga ang ginawa niya. Kaya nagalit ang mga pari, mga propeta nila, at lahat ng mga tao. Sinunggaban siya at sinabing, “You shall die” (26:8)! Napagkasunduan nilang sentensiyahan siya ng kamatayan (26:11), ngunit dahil sa pagkilos ng Dios, nakaligtas si Jeremiah (26:12-24).

Heto pa. Sabi ng Dios na isulat ni Jeremiah lahat ng pinapasabi niya laban sa Judah, mula pa noong tinawag siya (36:2). Hirap na ngang magsalita, isusulat pa! Buti na lang may secretary siya, si Baruch. Ito lang siguro ang nakikinig sa mensahe niya! One (or probably two, makikita natin mamaya ang isa pa) convert in 40 years of ministry! So, sinulat ni Baruch, idinikta ni Jeremiah. Dahil “banned” (persona non-grata) si Jeremiah sa templo (26:5), inutusan niya si Baruch na siya ang magdala noon at basahin sa harap ng mga tao (26:6). Ganoon nga ang ginawa niya. May isang opisyal ng hari ang nakarinig nito, at ibinalita sa hari. Ipinakuha ang scroll na dala ni Baruch at binasa ito sa harap ng hari. Di man lang natakot ang hari. Pinasunog niya ito. At naglabas ng utos na dakpin sina Jeremiah at Baruch. Pero itinago sila ng Dios (36:26). At sinabi ng Dios na gumawa ng panibagong scroll at isulat ulit ang dating isinulat doon at dadagdagan pa ng Dios. Ganoon nga ang ginawa niya. Ang tiyaga! Buti na lang matiyaga siya, meron tuloy tayong kopya ng mensahe ni Jeremiah at siyang naririnig natin ngayon.

Hindi sumuko si Jeremiah. Kahit na mahirap iwanan ang mga dapat iwanan. Kahit na mahirap maranasan ang mga dapat maranasan. Kahit na mahirap ulit-ulitin ang mga dapat ulit-ulitin. Hindi ba’t ganito rin ang ginagawa ng mga rescuers ng mga nasalanta ng baha. Mahirap iwanan ang pamilya nila sa bahay, pero gagawin nila alang-alang sa mga taong mas matindi ang pangangailangan. Mahirap itaya ang buhay sa pagligtas ng ibang tao, pero gagawin nila. Mahirap ulit-ulitin iyon, lalo na kapag itong mga tao ay matigas ang ulo at ayaw makinig sa iyo, ayaw pang umalis sa lugar nila kahit na mapapahamak sila.

Under Jehoiachin (597) and Zedekiah (597-586)

(2 Kings 24:8-20) Pagkamatay ni Haring Jehoiakim, pumalit sa kanya ang kanyang anak na si Jehoiachin. Tatlong buwan pa lang siyang namumuno, sumalakay na naman (pangalawang pagsalakay na ‘to!) ang mga sundalo ng Babilonia sa Jerusalem (597 BC). Pati si Nebuchadnezzar ay pumunta sa Jerusalem, ginawang bihag si Jehoiachin at ang pamilya niya, kinuha ang mga kayamanan sa templo, dinala ang 10,000 bihag papuntang Babilonia, at iniwan lang ang mga mahihirap sa Jerusalem. Inilagay niya na hari ng Judah ang tito ni Jehoiachin, na si Zedekiah, isa din sa mga anak ni Josiah. Nangyari ang lahat ng ito ayon sa sinabi ng Dios sa pamamagitan ng mga propeta.

Sa panahong ito, napagbintangan si Jeremiah ng mga opisyal ng Judah na tatakas at papanig sa Babilonia. Sabi niya, “Hindi totoo iyan!” (Jer. 37:14). Pero hindi sila naniwala sa kanya, nagalit sila, binugbog siya at ikinulong nang ilang araw (37:15-16). Nang ipatawag na siya ni Haring Zedekiah at tanungin kunwari kung may salita ng Dios para sa kanya, sinabi niyang, “Meron. Mapapasakamay ka rin ng hari ng Babilonia.” Nagpatuloy siyang magsalita sa kanila tungkol sa parusa ng Dios. Kaya ipinaubaya na siya ng hari sa kanyang mga opisyal. Pagkatapos noon, inihulog siya sa isang balon, walang makain at mainom, at nakalubog pa sa putik (38:6). Nang malaman ito ni Ebed-melech, isang Ethiopian na nagsisilbi sa hari, nagmakaawa siya sa hari para kay Jeremiah. (Ito siguro ang isa pa, bukod kay Baruch, na nakikinig sa mensahe niya!). Kaya pinagtulungan nilang iahon si Jeremiah mula sa balon.

Hindi sumuko si Jeremiah. Kahit na mahirap maranasan ang mga dapat maranasan.

After the Fall of Jerusalem (586)

(2 Kings 25) Labing-isang taong naghari si Zedekiah sa Judah. Pero siya rin nagrebelde rin sa Babilonia. Kaya sa pangatlong pagkakataon, sinalakay ulit ng Babilonia ang Jerusalem (586 BC). Dahil dito, nagkaroon ng taggutom sa lupain nila. Wala na silang makain. Tatakas sana si Haring Zedekiah pero nahuli siya. Pinatay nila ang mga anak niya sa harapan niya, dinukit ang mga mata niya at iginapos siya at dinala sa Babilonia. Sinunog nila ang templo, ang palasyo ng hari, at lahat ng mga bahay sa Jerusalem ay naging abo na lang. Lahat ng mga taga-Judah ay dinala bilang bihag sa Babilonia, maliban na lang sa pinaka-mahihirap para sila ang mangalaga sa mga lupa.

Sa panahong ito, may mga taong nagmamatigas pa at ayaw sumama sa Babilonia. Lumapit sila kay Jeremiah (Jer. 42) at nagtanong kung ano ang pinapasabi ng Dios sa kanila . Hinintay niya ang sasabihin ng Dios. Pagkatapos ng 10 araw, ito ang pinapasabi ng Dios, “Huwag kayong matakot sa hari ng Babilonia, kasama n’yo ako at ililigtas ko kayo sa kamay niya” (42:11). “Huwag kayong pumunta sa Egipto, sumama na kayo sa Babilonia” (42:19). Sa halip na magpasalamat sa salita ng Dios, sinabi pa nilang, “Sinungaling ka! Gusto mo lang kaming mapahamak at mamatay sa Babilonia” (43:2-3). Kaya ayun, itong mga taong ito isinama pa sa Egypt si Jeremiah at si Baruch. Sa halip na sumunod sa sinasabi ng Dios, sinunod kung ano naman ang gusto nilang mangyari (43:4-7).

Hindi sumuko si Jeremiah. Kahit na mahirap pagsabihan ang mga dapat pagsabihan. Hindi ba’t naexperience n’yo na iyan. Kapag may nagpacounsel sa inyo, halimbawa isang kabataan na may boyfriend na hindi naman Cristiano. Humihingi ng guidance sa desisyon na dapat gawin, paano solusyunan ang problema nila. Tapos pinagpray n’yong mabuti. Pinag-aralan n’yo ang salita ng Dios. Tapos malinaw na nakita n’yo na ang kalooban ng Dios ay hindi dapat mag-asawa ng non-believer ang mga Cristiano. Malinaw na sinabi mo sa kanya iyon. Alam naman niya. Tapos hindi nakinig. Huwag sumuko kahit mahirap pagsabihan ang mga dapat pagsabihan.

Jeremiah and Jesus

Kahit na mahirap ang sitwasyon niya, kahit na mahirap sa panahon nila noon, kahit na mahirap ang pinapagawa ng Dios, kahit na mahirap pakinggan at paniwalaan ang mensaheng pinapasabi ng Dios, kahit na mahirap kausap ang mga taong kakausapin niya, kahit na mahirap ang sasapitin niya, nanatiling tapat si Jeremiah sa pangangaral ng salita ng Dios. Walang ibang propeta sa Old Testament ang malaki ang pagkakatulad sa sinapit ng Panginoong Jesus, maliban kay Jeremiah. Sinugo ng Dios si Jesus para ipangaral ang mabuting balita ng kaligtasan. Tulad ni Jeremiah, hindi rin siya pinakinggan ng sarili niyang mga kababayan. Pati pamilya niya noong una ay hindi naniniwala sa kanya. Pero nagpatuloy siya. Iniyakan niya din ang Jerusalem dahil alam niya ang sasapitin nito. Inakusahan pa siyang lumalapastangan sa Dios. Isa sa kanyang 12 alagad, ibinenta siya. Ipinadakip siya ng mga kababayan niya sa mga dayuhang Romano. Dinuraan, hinagupit, at ipinako sa krus. Pero nanatili siyang tapat sa Salita ng Dios. Kasi ito ang misyong ibinigay sa kanya ng Dios, ang iligtas ang mga makasalanan.

Kaya nandito tayo ngayon. Kaya naligtas tayo nang sumampalataya tayo sa kanya. Kaya kung paanong sinugo ng Dios si Jeremias na propeta sa mga bansa, at ang Panginoong Jesus para iligtas ang mga makasalanan, tayo rin ay isinusugo ng Dios sa mundong itong kailangang-kailangang marinig ang mensahe ng Dios. Ang Dios ang nagsugo sa atin, hindi tayo dapat sumuko. Kahit mahirap. Tulad ni Jeremiah. Tulad ng Panginoong Jesus.

Jeremiah and God’s Word

Baka sabihin ng iba, “Hindi naman ako magiging katulad ni Jeremiah. Iba naman siya. Ako, ordinaryong miyembro lang.” Hindi naman ito nakadepende kay Jeremiah. Kundi sa Salita ng Dios, at sa Dios na nagbigay ng kanyang Salita. “The word of the Lord came…” (1:2). Hindi si Jeremiah ang nagvolunteer at lumapit sa Dios. Dahil alam niya kung ano ang salitang hindi, kaya di siya sumuko.

Ano ba ang Salita ng Dios para Jeremiah? Hindi ba’t ito rin ang Salita ng Dios para sa atin? The word of God for Jeremiah is like food. “Your words were found, and I ate them, and your words became to me a joy and the delight of my heart, for I am called by your name, O Lord, God of hosts” (15:16). Hindi siya tatagal nang walang pagkain. Malungkot, nakapanghihina. Bago pa man niya ibahagi ang pagkaing ito sa iba, siya muna ang kakain. At malamang, kaya hindi natin naibabahagi ang salita ng Dios sa iba ay dahil hindi natin ito tinitikman sa araw-araw. Hindi naman kakulangan sa oras ang problema natin. Nitong nakaraang Linggo walang pasok, nadagdagan ba ang oras natin sa pagbabasa ng Salita ng Dios?

The word of God for Jeremiah is like fire. “For whenever I speak, I cry out, I shout, ‘Violence and destruction!’ For the word of the Lord has become for me a reproach and derision all day long. If I say, ‘I will not mention him, or speak any more in his name,’ there is in my heart as it were a burning fire shut up in my bones, and I am weary with holding it in, and I cannot.” (20:8-9). Yun bang kapag nasa atin na, kapag natikman na natin, parang nagiging apoy ang salita ng Dios na nagpapaliyab sa puso natin, at hindi natin mapigilan na hindi ilabas. Hindi ba’t ganoon ang nararamdaman natin kapag may nangyaring napakaganda sa buhay natin na hindi natin kayang isikreto lang sa iba. Ganoon ang Salita ng Dios.

Jeremiah and His God

Dahil kilala din niya kung sino ang Dios na nagbigay ng salita sa kanya, kaya hindi siya sumuko. Sino ba ang Dios ni Jeremiah? Hindi ba’t siya rin ang Dios na nagsugo sa atin? Tinawag ng Dios si Jeremiah na “prophet to the nations.” Tayo rin sabi ng Panginoong Jesus sa atin, “Make disciples of all nations” (Matt. 28:19).

Nakay Jeremiah ang kapangyarihan o awtoridad ng Dios (power of God). Sabi niya noong tinawag siya, “I send you…” Haharap ka sa mga tao ayon sa awtoridad ko. Kahit sino pa ang harapin niya Jeremiah – o harapin natin – hindi tayo susuko. Kasi alam nating, presidente man o mayor ang kaharap natin, we speak in the name of the King of the universe. Kahit pa amo o boss ang kaharap natin, we speak in the name of the Lord of lords. Kahit pa mayaman o edukado ang kaharap natin, we speak in the name of the God Almighty. Kahit pa i-reject tayo o hindi pansinin ng kakausapin natin, we speak in the name of the Judge of all the earth. Hindi ba’t iyan din ang nakalagay sa Great Commission, “All authority in heaven and on earth has been given to me. Go therefore…”

Nakay Jeremiah din ang presensiya ng Dios (the presence of God). Sabi din ng Dios sa kanya, “I am with you…” (1:8; tingnan din ang 1:18-19; 15:20-21). Sinasabi ng Dios sa kanya, “Hangga’t kasama mo ako, para kang napapaligiran ng mga pader na di magigiba, parang may suot ka na pananggalang na di kayang tablan ng bala, may proteksiyon kang kahit anong puwersa ng kaaway di ka babagsak. Basta’t kasama mo ako.” E bakit nga tayo susuko kung ganoon pala? Di ba’t ganoon din sabi ng Panginoong Jesus sa atin pagkatapos niyang sabihin ang Great Commission, “I am with you always to the end of the age” (Matt. 28:20).

God Perseveres

Hindi sumuko si Jeremiah. Alam n’yo kung bakit? Kasi ang Dios di rin sumusuko. Puwede naman niyang sabihin kay Jeremiah, “Sige, tama na, wag mo na silang kausapin. Bahala na sila.” Pero hindi niya ginawa iyon. Kasi sa buhay ni Jeremiah, sa bansang Israel at Judah, mula pa nang magkasala ang tao, hanggang ngayon, makikita nating God perseveres to rescue us. Hindi sumusuko ang Dios sa pagliligtas sa atin. In the end, it is not about Jeremiah’s (or our) persevering in sharing God’s Word. It is God persevering in telling us his Word.

Isa sa kumalat na picture sa Facebook ay ang dalawang sundalong rescuer na niligtas ang dalawang matanda. Sino tayo sa picture na iyon? Hindi ang rescuer. Kundi tayo muna ang ni-rescue. Dapat muna nating ma-realize na nandyan ang Dios laging tumatawag sa atin, inaabot tayo. Tapos, kapag naranasan na natin iyon, tayo ang tatawag sa Dios para mailapit ang Dios sa mga taong nangangailangan sa kanya. Hindi tayo ang rescuer, ang Dios ang gagawa noon sa pamamagitan ng Salita niya. Ang gagawin lang natin, sabihin sa mga tao na may Rescuer. Kahit mahirap, gagawin mo ba? Hindi ka ba susuko? Hindi sumuko ang Dios. Hindi rin tayo susuko. Ang iba sa inyo, di pa nasisimulang ibahagi sa iba, sumusuko na. Ang iba naman baka pinanghihinaan, wag kayong susuko.

Bakit ko sinabing hindi sumusuko ang Dios sa pagliligtas sa kanyang bayan, samantalang sa dulo ng kuwento, hindi namin pagliligtas ang nakita natin kundi pagpapalayas ng Dios sa kanila? Kasi hindi pa tapos ang kuwento. May sinabi ang Dios sa pamamagitan ni Jeremias na gagawin niya para sa Israel. Titingnan natin iyan sa susunod na Linggo.

1 Comment

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.