August 5, 2012 | By Derick Parfan | Scripture: Habakkuk 1-3
Download
sermon audio
sermon notes
story guide
story graphics
[Sorry, no audio available for this sermon]
Introduction
May professor ako nung college na nainis talaga ko. Major subject pa naman iyon sa Civil Engineering – Water Resources Engineering. Sa tingin ko ang grade ko dapat doon mga 1.25 or 1.5 pero 2.75 ang binigay sa akin! Hindi naman kasi niya binabalik ang mga exams namin kaya di ko alam kung ano ang basehan niya doon. Sa loob-loob ko tuloy, parang di naman niya na-check yung exams namin, hinulaan lang ang grade. Parang walang ginawa. So, ang feeling ko noon, parang hindi tama ang ginawa niya. Kaya lumapit ako sa kanya at itinanong kung baka nagkamali lang siya ng bigay ng grade sa akin. Nagkamali nga daw, binalik sa akin ang classcard at 2.25 na ang grade ko! Akala niya siguro matutuwa ako doon. Bumalik ako ulit sa kanya at hiningi ang mga test papers ko. Puro dahilan na di daw niya dala, nasa bahay lang. Ayun, ganoon na talaga ang grade ko. Di na ko nagreklamo. Pero tingin ko pa rin hindi tama.
Sa relasyon natin sa Dios, may mga panahong parang ganoon din ang nararamdaman natin. Alam nating mabuti siya, hindi siya gagawa ng mali, sumasagot siya sa panalangin, mapagkakatiwalaan, tapat sa pangako, makapangyarihan. Alam natin iyon. Pero may mga nangyayari sa buhay natin na dinadala natin ang kabigatang iyon at gusto nating sabihin sa Dios, magreklamo sa Dios, na bakit ganoon ang nangyari. Matagal mo nang ipinagpepray ang asawa mo pero wala pa ring pagbabagong nangyayari. Sasabihin mo, “Lord, parang wala ka namang atang ginagawa?” O kaya may nabalitaan ko na nangyari sa Middle East na may sumabog na bomba, tapos may mga batang namatay, may church na nasunog at namatay ang mga Cristiano doon. Sasabihin mo, “Lord, parang hindi naman ata tama iyon? Bakit wala kang ginawa para pigilan iyon? Tama ba namang ganoon ang mangyari?” O kaya may lumapit sa iyo, humihingi ng tulong, pinahiram mo ng pera, pagkatapos kung anu-ano pa ang maririnig mo. “Lord, bakit ganoon?”
Ganoon din si propeta Habakkuk, may kabigatan siyang dinadala dahil sa mga nakikita niyang nangyayari sa bansa nila. Ito ang makikita natin ngayon sa pagpapatuloy natin sa ating series na “The Story of God.” Si Habakkuk ay isang propeta sa na ipinadala ng Dios sa Judah, ilang taon bago tuluyang sakupin ng Babylonia ang Judah. Kung matatandaan ninyo, sa panahong ito, nahati na ang kaharian ng Israel. Ang hilaga – tinawag na Israel – dahil sa lahat ng hari nila ay wala ni isa man ang gumawa ng mabuti sa paningin ng Dios (0 out of 20!), pinarusahan sila ng Dios. 722 BC nang sakupin sila ng Assyria at ipatapon kung saan-saan. Judah – ang timog na kaharian – na lang ang natira. Bagamat mas mainam sila nang kaunti (8 out of 20 kings ang naging mabuti sa paningin ng Dios), tulad din sila ng Israel na paparusahan ng Dios. Last week nakita natin na nagkaroon ng reformation sa panahon ni Josiah. Pero pagkamatay niya, balik na naman sa dati. Di na mapipigilan ang hatol ng Dios. Laganap na ang karahasan at kasamaan sa bansang Judah.
Medyo iba ang pagkakasulat ng Habakkuk, di tulad ng ibang mga aklat ng propeta na diretsang kinakausap ang tao ng mensaheng galing sa Dios. Dito, mababasa natin ang pag-uusap nila ng Dios, may kuwentong nakapaloob, parang sa aklat ng Jonah. Pero mensahe pa rin sa mga taga-Judah, kasi nararamdaman ni Habakkuk ang nararamdaman din ng maraming tao noon. Meron siyang burden. 1:1, “The oracle (Heb. massa) that Habakkuk the prophet saw.” Hindi lang ito isang “mensahe” (ASD) kundi isa ding “burden” (KJV). Dahil nga naman ipinakita sa kanya ng Dios ang gagawin niyang paghatol hindi lang sa ibang mga bansang kaaway nila kundi maging sa sarili nilang bansa. Nakita na nila iyan sa Israel. May kabigatan. May tanong o complaint sa Dios na bakit ganoon. Ito rin ang nasa puso ng mga taga-Judah noon. Titingnan natin ngayon kung ano ang dalawang kabigatan sa puso niya na tinatanong niya sa Dios. Ang una ay ito: “Lord, parang wala kang ginagawa?” na makikita natin sa Hab. 1:2-4, na sasagutin ng Dios sa 1:5-11. Nang marinig niya ang sagot, itatanong naman niya sa 1:12-2:1, “Lord, parang hindi tama ang ginagawa mo?” na siyang sasagutin naman ng Dios sa 2:2-20.
“Lord, parang wala kang ginagawa?”
Ito ang isa sa kabigatang nasa puso ni Habakkuk na tinanong niya sa Dios, “O Lord, how long shall I cry for help, and you will not hear? Or cry to you “Violence!” and you will not save? Why do you make me see iniquity, and why do you idly look at wrong? Destruction and violence are before me; strife and contention arise. So the law is paralyzed, and justice never goes forth. For the wicked surround the righteous; so justice goes forth perverted.” (Habakkuk 1:2-4). Ito ay isang uri ng “lament” o pagdaing sa Dios dahil sa isang kabigatan. Marami rin sa Psalms ng katulad nito. Tulad ni Haring David, How long, O Lord? Will you forget me forever? How long will you hide your face from me?” (Psa. 13:1). “How long?” Hindi oras ang tinatanong niya dito na kapag sinabi ng Dios na dalawang buwan na lang, OK na kay Habakkuk. Ang sinasabi niya dito ay, “Parang hindi sumasagot ang Dios. Parang hindi siya nakikinig. O kung narinig man niya, parang deadma lang. Parang wala siyang ginagawa.” Naghahari ang karahasan sa bansa nila. “Kahit saan ay nakikita ko ang pagpapatayan, karahasan, hidwaan at pagtatalo. Kaya [parang] naging walang kabuluhan ang kautusan…at nababaluktot ang katarungan” (1:3-4). “Lord, nasaan ka, why are you not doing something about it?” Ano kaya ang sinagot sa kanya ng Dios?
Ang sagot ng Dios dito hindi lang para kay Habakkuk kundi sa buong bayan. Hindi niya sinabi, “Tingnan mo,” kundi, “Tingnan ninyo…” “Look among the nations, and see; wonder and be astounded. For I am doing a work in your days that you would not believe if told. For behold, I am raising up the Chaldeans (Babylonians), that bitter and hasty nation, who march through the breadth of the earth, to seize dwellings not their own.” (Habakkuk 1:5-6). “I am doing a work” or “I will do a work.” Pareho namang tama. Sinasabi ng Dios na kung makikita lang ni Habakkuk ang lahat ng nangyayari sa mga bansa at hindi lang siya titingin sa Judah, magugulat siya, hindi nga siya makakapaniwala. May ginagawa at may gagawin pa ang Dios sa paligid nila. Ang kaaway nila ay nasa kamay mismo ng Dios (“I am raising up…”). Sa panahong ito, pahina na nang pahina ang Assyria at umaangat na ang Babylonia, lalo na nang maging hari nito si Nabopolasar, na siyang ama ni Nebuchadnezzar (sounds familiar?). Pero wala silang magagawa liban na lang kung loloobin ng Dios. Inihahanda sila ng Dios sa takdang panahon at gagamitin ng Dios para parusahan ang Judah dahil din naman sa sarili nilang kasalanan. Sabi ng Dios sa kanya, “Tingnan mo, heto ang sagot ko sa panalangin mo, heto ang ginagawa ko.” God is at work 24/7. Non-stop. Walang tulugan. Hindi siya nagbibingi-bingihan. Hindi siya natutulog. Lagi siyang may ginagawa sa paligid natin. God is always at work around us.
Kapag makikita mo ang nagiging kaguluhan sa pagitan ng Philippines at China o mga riots, demonstrations, giyera sa Middle East, sinasabi ng Dios, “May ginagawa ako dito.” Isang ebidensiya nito ang nangyayari ngayon sa mga bansang Muslim. Dahil sa mga kaguluhang nangyayaring ito, they become disillusioned sa Islam, at niyayakap nila ang kapayapaang galing kay Cristo. Libu-libo na, kung hindi milyun-milyon, ang mga Muslim na lumalapit kay Cristo. God at work among the nations. He is sovereign over all nations.
At siyempre ganoon din sa personal na buhay natin. Ang nagiging problema kasi natin, masyado tayong nakafocus sa nangyayari sa buhay natin – walang trabaho, iniwan ng asawa, bumagsak sa exam, nabasted ng nililigawan – at dahil doon, hindi na natin nakikita ang ginagawa ng Dios sa paligdi natin. Kaya sabi niya, “Look…and see” (1:5). Isang dahilan bakit hindi nila nakikita ang ginagawa ng Dios ay dahil ang focus nila ay sa nangyayari lang sa bansa nila. Ang sabi ng Dios, tingnan n’yo, may ginagawa ako sa paligid niyo. Kung ibalita lang sa atin, baka sabihin natin, “Ow, di nga? Totoo ba iyan?” Gusto ng Dios tayo mismo ang makakita para masabi natin, “Oo nga, may ginagawa nga ang Dios.”
Anong magiging resulta? And we will “wonder and be astounded.” Puwedeng positive na pagkamangha ang effect nito. Puwede ring negative na mapapakamot ka pa sa ulo at sasabihing, “Nye, bakit ganoon?” Bakit nga? Ano ang description sa Babylon dito? Malupit at marahas (v. 6). Nakakatakot (v. 7). Mahuhusay ang mga kabayo at mga sundalo, walang panama ang mga kaaway nila (v. 8). Parang tuwang-tuwa sila na gumagawa ng karahasan at nangunguha ng mga bihag (v. 9). Pinagtatawanan lang nila ang ibang hari (v. 10). Kung sumalakay sila parang hangin lang na dumadaan, parang walang effort, kayang-kaya (v. 11). Tapos ang kinikilala pa nilang dios ay sarili nilang kakayahan (v. 11). Sabi ng Dios kay Habakkuk, ito ang sagot ko sa panalangin mo. Ha? Minsan kasi ang sagot ng Dios sa prayers natin unexpected. Gumagamit din siya ng mga tao o pangyayaring di natin aakalaing gagamitin niya para ituwid tayo, para marealize natin na mali tayo, na Dios lang pala ang kailangan natin. Pero di natin agad naiintindihan iyon. Tulad din ni Habakkuk.
“Lord, parang hindi tama ang ginagawa mo?”
Kaya tuloy, tanong naman ni Habakkuk, “Lord, parang hindi naman yata tama iyang ginagawa mo? Bakit ganoon? Di hamak na mas masama naman sila kaysa sa amin dito sa Judah. Tapos sila pa gagamitin mo para parusahan kami. Parang hindi ata iyon swak sa character mo.” He’s really struggling to understand what’s going on here. “Are you not from everlasting, O Lord my God, my Holy One? We shall not die. O Lord, you have ordained them as a judgment, and you, O Rock, have established them for reproof. You who are of purer eyes than to see evil and cannot look at wrong, why do you idly look at traitors and remain silent when the wicked swallows up the man more righteous than he?” (1:12-13). Hindi ba’t laban ang Dios sa kasamaan, pero bakit parang lalo pang maghahari ang kasamaan kung isang masamang bansa ang gagamitin ng Dios para parusahan ang Judah? Ano kaya ang sagot ng Dios dito? Obviously, sasabihin niya, “Tama ang ginagawa ko. Tama ang gagawin ko. Heto pakinggan mo ‘to…”
Tama ang gagawin ang Dios laban sa mga nagtitiwala sa kanilang sarili. Ito ang kasalanan ng Babylonia – pride. Ito rin ang ugat ng kasalanan ng lahat ng tao. “Wala silang kinikilalang dios kundi ang kanilang sariling kakayahan” (1:11; also v. 16). God pronounced five “woes” (2:6-20) against them. Paghamak ito, pagkutwa, pagtatawa sa kanila. “Nakakaawa naman kayo…” (2:6, 9, 12, 15, 19 ASD). Sa MBB, “Mapapahamak kayo…” Sa Ang Biblia, “Kahabag-habag siya…” But this is not a pronouncement of mercy, but of judgment. Limang beses nilait dito ang mga hambog. They will suffer the loss of their possessions. Ang mga nagmamataas ay ibabagsak ng Dios. Dahil pinagnakawan nila ang ibang mga tao, darating ang araw na kukuhanin din sa kanila ang kanilang mga ari-arian (2:6-8). They will suffer the loss of their security. Dahil ang mga ninakaw nilang ito ay ginamit nila para maging security nila sa buhay, darating ang araw na papatayin sila at wawasakin ang kanilang itinuturing na security (2:9-11). They will suffer the loss of significance. Dahil sa kanilang kalupitan maitanyag lang ang sarili nila, darating ang araw na mawawalang kabuluhan lahat ng pinagpaguran nila (2:12-14). They will suffer the loss of dignity. Dahil hiniya nila ang ibang mga bansa na parang hinubaran, darating ang araw na sila rin ang huhubaran at masasadlak sa kahihiyan (2:15-17). More importantly, they will suffer the loss of God. Dahil ang sinasamba nila ay mga dios-diosan, darating ang araw na di na nila masisilayan ang presensiya ng Dios (2:18-20).
Tama bang gawin niya iyon? Tama lang! Ganito rin naman ang prinsipyong itinuturo sa New Testament, “He will render to each one according to his works” (Rom. 2:6). Warning din po ito sa mga taong nagtitiwala sa kanilang sarili, na pera ang dinidiyos, na walang inatupag sa buhay kundi ang para sa kanilang kaginhawahan, na malayo ang Dios sa isip nila. Sa halip na sabihin sa Dios na parang hindi tama ang ginagawa niya, dapat sabihin natin sa sarili natin, “Tama kaya ang ginagawa ko?”
Tama ang gagawin ang Dios para sa mga nagtitiwala sa kanya. Ito ang gagawin ng Dios – pagtanggap o pagiging matuwid sa harapan ng Dios sa mga namumuhay na may pagtitiwala sa kanya at sa kanyang mga pangako. “Behold, his soul is puffed up; it is not upright within him, but the righteous shall live by his faith” (2:4). Tatlong beses itong binanggit sa New Testament (Rom. 1:17; Gal. 3:11; Heb. 10:38). Dito sa Habakkuk, pinapakita ng Dios na ang intensiyon niyang mangyari para sa mga taong magtitiwala sa kanya ay magkaroon ng tunay na buhay. Na siya lang ang kapitan. At kung magkagayon ililigtas sila ng Dios. Na parang mga taong nalulunod at iaabot ng Dios ang kanyang kamay, ang gagawin lang ay kumapit. Ito ang gagawin ng Dios. Tama bang gawin iyon ng Dios? Tama! Salamat sa Dios!
Tama ang gagawin ng Dios para sa buong mundo. At hindi lang ito para sa iilan. Ang paghatol at pagliligtas ng Dios ay para sa lahat. Para makilala siya ng lahat. “The earth will be filled with the knowledge of the glory of the Lord as the waters cover the sea” (2:13-14) Sinabi din ito ni Propeta Isaias (Isa. 11:9). Dito sa Habakkuk, pinapakita ng Dios na bagamat aangat ang kapangyarihan at impluwensiya ng Babilonia, hindi ito magtatagal, mauuwi lang din sa wala. Ang kapangyarihan nila ay limitado. Pero ang Dios? Siya ang makapangyarihan sa lahat. At dahil sa kapangyarihan niya, ang buong mundo ay kikilala sa kanya bilang Dios na makapangyarihan. Buong mundo! Hindi lang ilang bahagi ng mundo, kundi tulad ng tubig na pumupuno sa dagat. Meron bang bahagi ng dagat na walang tubig? Wala! That’s the picture. At ito ang tama lang na gagawin ng Dios dahil simula’t simula pa ito na ang plano niya. Hindi pa nangyayari hanggang ngayon, dahil marami pa ang hindi kumikilala sa kanya tulad ng maraming Judio ngayon, ng mga Muslim, ng mga Budista, at ng mga taong nagsasabing Cristiano sila pero hindi naman tunay na nagtitiwala kay Cristo. Pero pangako ng Dios – mangyayari ito. Ang ebanghelyo ni Cristo ay maiaabot sa lahat ng sulok ng mundo (Matt. 24:14) at sa pagdating niya, bawat lahi, bansa, wika, tribo ay sasamba sa kanyang harapan (Rev. 5:9; 7:9). Tama bang ganito ang gagawin ng Dios? Tamang-tama!
God is always at work around us. Palaging may ginagawa ang Dios sa paligid natin. At tamang lahat ang gagawin niya. Hindi pa natin nakikita sa ngayong ganoon nga, pero dapat maghintay sa tamang panahon ng Dios na tatapusin ang lahat ng kanyang balak at plano.
Tingnan ang Ginawa ni Cristo
At isa sa tamang panahong ito ng paghatol at pagliligtas ng Dios ay malinaw na makikita sa pagdating ng Panginoong Jesus. Maging siya ay dumaing sa Panginoon nang siya ay nakapako sa krus dahil sa bigat ng nararamdaman niya, “Dios ko, Dios ko, bakit mo ako pinabayaan?” Sa mga oras na iyon, kaya naman siyang iligtas ng Dios para hindi siya magdanas ng ganoong hirap. Para bang walang ginawa ang Dios at hinayaang mangyari ang karumaldumal na pagpatay sa Anak ng Dios ng mga masasamang tao. Ipinagkanulo pa siya ng isa sa kanyang 12 alagad. Itinakwil siya maging ng mga Judio at hinayaang ipako ng mga Romano. Maging sa trial niya, niloko-loko lang, a mockery of justice ang nangyari. Para bang ang plano ni Satanas ang nangyayari. Para bang hindi tama ang ginagawa ng Dios. Kaya nga hanggang ngayon hindi makapaniwala ang mga Judio na si Jesus ang Mesias, ang Haring Tagapagligtas, dahil sa sinapit niya sa krus. Pero tayo, tayong mga Cristiano, ipinaunawa sa atin ng Dios ngayon, na sa mga panahong iyon, na para bang wala siyang ginagawa, na para bang hindi tama ang nangyayari, naroon ang Dios gumagawa para sa kaligtasan ng mga makasalanan hindi lang sa iisang bansa, kundi sa buong mundo. May ginawa ba ang Dios? Meron! Tama ba ang ginawa niya? Tamang-tama!
Sabi ni Tullian Tchividjian, “The gospel frees us from the burden of trying to rescue people. Jesus alone can rescue. Wait on him.” Yun bang bigat na para bang walang nangyayari sa mga ginagawa natin para sa ibang tao, mawawala iyon at mapapalitan kung titingnan natin kung ano na ang ginawa ni Cristo para sa atin. Ang tugon natin? “Wait on him!” Ito rin ang natutunan ni Habakkuk.
“Lord, ito ngayon ang gagawin ko…”
Dumaing at maghintay – kahit parang walang nangyayari (parang walang ginagawa ang Dios). Narinig na natin ang tungkol sa pagdaing niya. Ok lang bang magreklamo o dumaing sa Dios? Oo at hindi. Oo, kasi pinakikinggan niya iyon. He is patient toward us. Siyempre gusto niya na ganap ang tiwala natin sa kanya pero hindi naman natin naiintindihan lahat, hindi naman natin nakikita lahat ng nakikita ng Dios. Kaya nararamdaman natin ang mga ganoong kabigatan. Alam ng Dios iyon. Alam naman niya, di ba’t mas mainam kung tapat nating sasabihin sa kanya?
Sa pagdaing ni Habakkuk, ito ang ang sabi sa kanya ng Dios, “For still the vision awaits its appointed time; it hastens to the end—it will not lie. If it seems slow, wait for it; it will surely come; it will not delay.” (2:3). Hihintayin niya ang oras ng paghatol at pagliligtas ng Dios. Kaya tama lang na sa Chapter 3 ay nanalangin siya at nagpuri sa Dios at gusto niyang buong Judah ay ganoon din ang maging damdamin tulad niya, “O Lord, I have heard the report of you, and your work, O Lord, do I fear. In the midst of the years revive it; in the midst of the years make it known; in wrath remember mercy” (3:2); “You went out for the salvation of your people, for the salvation of your anointed. You crushed the head of the house of the wicked, laying him bare from thigh to neck” (3:13); “I hear, and my body trembles; my lips quiver at the sound; rottenness enters into my bones; my legs tremble beneath me. Yet I will quietly wait for the day of trouble to come upon people who invade us” (3:16).
Magtiwala at magsaya – kahit parang hindi pabor sa atin ang nangyayari (kahit parang hindi pabor sa atin ang ginagawa ng Dios). “Behold, his soul is puffed up; it is not upright within him, but the righteous shall live by his faith” (2:4). Hindi lang sa NT ang salvation through faith kundi sa OT din. Ang akala ng mga Judio ang kaligtasan ay sa pamamagitan ng sariling gawa, tulad din ng pag-iisip ng maraming tao ngayon (lahat ng relihiyon, maliban lang sa biblical Christianity). Kapag may sinabi ang Dios na gagawin siya, ang tugon natin ay hindi para gawin ang sarili nating paraan para maitama ang mga hindi tama sa buhay natin. Halimbawa may malaki kang utang. Tapos nangako akong babayaran ko lahat ng utang mo para abswelto ka na. Akong bahala. Sasabihin mo ba sa akin, “Magtatrabaho muna ko at kapag kumita ibigay ko sa iyo para pandagdag sa pambayad?” Sabi ng Dios, “Ako na ang bahala.” Ang gusto niyang tugon natin, “Sige, may tiwala ako sa inyo, di ko naman kayang iligtas ang sarili ko.” Hindi lang ito sa pasimula ng kaligtasan natin kundi sa araw-araw ng buhay natin. The Christian life is a life of faith – lalo na sa panahong parang hindi tama ang mga nangyayari.
At kung may pagtitiwala sa Dios, kakabit nito ang kasiyahan at kagalakang hindi nakadepende sa mga nangyayari sa buhay kundi nakaugat sa pagkakilala sa Dios. “Though the fig tree should not blossom, nor fruit be on the vines, the produce of the olive fail and the fields yield no food, the flock be cut off from the fold and there be no herd in the stalls, yet I will rejoice in the Lord; I will take joy in the God of my salvation. God, the Lord, is my strength; he makes my feet like the deer’s; he makes me tread on my high places (3:17-19). Alam niyang mas malala pa ang mangyayari bukas. Things will get worse as Babylon prepares to attack them. Pero anuman ang mangyari, alam niyang ito ay nasa kamay ng Dios at tulad ng isang usa na kahit na ang mga nilalakaran o tinatakbuhan ay matataas, batu-bato at delikado, hindi siya mahuhulog dahil ang Dios ang lakas niya at kaligtasan at siya ang lagi niyang kakapitan. Anumang kabigatan ay mapapalitan ng kagalakan kung maghihintay at magtitiwala sa Panginoon.
Ganito din ang sabi ni Haring David pagkatapos siyang dumaing sa Dios (How long, O Lord?), “But I have trusted in your steadfast love; my heart shall rejoice in your salvation” (Psa. 13:5). Trust and joy in God are inseparable. Magkadikit iyan. Nawawala ang kasiyahan sa puso (kasama na ang mga pag-aalala, pagkabalisa, o pagkatakot) natin kapag nakafocus tayo sa mga di magandang nangyayari. Charles Stanley, “Worrying focuses our attention on our circumstances; God wants our attention focused on Him” (Handle with Prayer, p. 59). Pero kung ang focus natin ay sa Dios at sa mga magagawa at gagawin niya (tulad ng ipinangako niya) mag-uumapaw sa puso natin ang kasiyahan – kahit pa ang mga nangyayari sa paligid natin ay parang hindi pabor sa atin.
Ganito ang nakita naming ginawa ng Dios sa aming mag-asawa nang mawala ang malaking investment namin last year. Nawala ang malaking pera, nawala ang planong magpatayo ng bahay this year. Parang hindi tama ang nangyari. Tinatanong din namin si Lord na bakit ganoon. Pero kahit pa sabihin ng mga tao sa aming, “Ibabalik din ng Dios iyan sa inyo.” Hindi iyon ang pinapakinggan namin. Pinapakinggan namin kung paano nagpapakilala ang Dios sa amin at tinitingnan namin kung ano ang ginagawa niya sa puso namin. Na ang kasiyahan namin ay nakabase sa Panginoon, hindi sa mga bagay na nawala at mawawala sa amin. God is always at work not just around us but in our hearts as well. Palaging may ginagawa ang Dios sa puso natin. God is always at work – around us and in our hearts.
Conclusion
Siguro nabalitaan n’yo ang nakakagulat na nangyari sa isang boxing match sa Olympics sa London nitong nakaraang araw lang. Japan vs Azerbaijan. Sa last round, limang beses pinabagsak ng boksingerong Hapon ang kalaban niya. Pagkatapos ng laban, ang idineklarang panalo ay ang kalaban niya. Gulat na gulat ang mga nanonood. Maraming nag-“Boo!” Sabi ng Hapon, “I was shocked by the final scores. He fell down so many times. Why didn’t I win? I don’t understand.” Para kasing hindi naman tama ang desisyon ng mga judges. Parang may anomalyang nangyari. Umapela sila sa Committee. Naghintay sila. Meron kayang gagawin ang awtoridad dito para ayusin ang nangyari? Ni-review nila ang nangyari at napatunayang may pagkakamali ang referee na hindi pa tinigil ang laban. At ang mga judges din tulad ng referee ay pinatalsik sa Olympics. Iginawad ang panalo sa boksingerong Hapon.
That’s a happy ending, right? At ganoon din ang maaasahan natin sa mga nangyayari sa buhay natin na bagamat parang maraming nangyayaring hindi tama, puwede tayong dumaing sa Dios at hintayin ang sasabihin niya at gagawin niya para sa atin. Mapagkakatiwalaan ang Dios at anumang kabigatan sa puso natin ay papalitan niya ng kagalakan – kung sa kanya lang tayo titingin. Ikaw, anong kabigatan ang nararamdaman mo ngayon – sa buhay mo, sa pamilya, sa ministry, o sa paligid mo? Saan ka nakatingin ngayon? Saan ang focus mo? Sa mga bagay na nangyayari? Sa mga bagay na pilit mong gustong unawain na di mo naman talaga maiintindihan? O sa Dios na palaging gumagawa at gagawa ng tama at kung ano ang mabuti – sa paligid natin at sa puso natin. God is at work 24/7. Around us. In our hearts. Iyon ang panghawakan natin. Iyon ang kagalakan natin.
2 Comments