Daily Decision Making
Last year, ang plano sana namin sa taong ito ay makapagpatayo ng bahay. May naipon na rin naman kami. Nag-invest kami last year para madagdagan ang ipon namin. Pero bago magtapos ang 2011, nabalitaan naming nagkaloko-loko pala ang investment namin. Ngayon, di na kami makapagpapatayo ng bahay kasi kulang talaga pera namin. Tapos napag-usapan namin kamakailan lang ni Jodi na patuloy pa rin ang tithing namin at bukod doon, dagdagan ang binibigay namin sa missions. Sasabihin siguro ng iba, hindi wise, hindi practical, paano makakaipon ulit para makapagpatayo ng bahay. Pero tulad ng natutunan natin last week, God gives joy to kingdom givers. Alam namin iyon ang nais ng Dios na gawin namin. Malaking tulong din sa amin tungkol sa pera at pagbibigay ang book ni Randy Alcorn na Money, Possessions and Eternity. Recommended namin, basahin n’yo din. Sabi sa Proverbs, “Ang mga taong mapagbigay lalong yumayaman ngunit ang mga taong sakim mapupunta sa kahirapan. Ang taong mapagbigay ay luluwang lalo ang pamumuhay, ang taong tumutulong ay tiyak na tutulungan” (Prov. 11:24-25).
Ngayon, pag-usapan natin ang tungkol sa Proverbs at saan nanggaling ito sa bahagi ng Story of God. Mahalaga ito dahil lahat tayo kailangan natin ng tulong tungkol sa ano ang mainam o wise na gawin sa mga maraming desisyong ginagawa natin sa araw-araw – sa paghawak ng pera, pagtatrabaho, pagpapamilya, pagsasalita. Ang iba major decisions, ang iba minor. Pero kahit ano pa iyon, alam natin kailangan natin ng wisdom. Hindi lang basta knowledge at understanding, kundi wisdom. Maraming tao na mataas nga ang IQ at may Ph.D. pero kulang sa wisdom. Sobrang dami ng mga information ngayon, ang dami nang alam ng mga tao ngayon, pero kulang sa wisdom. Ang karunungan ay iyong abilidad o kakayahang mailapat sa buhay ang mga bagay na nalalaman at nauunawaan. Balewala ang kaalaman natin kung hindi naman natin nagagamit sa buhay.
Ganoon din kay Solomon, pumalit na hari sa tatay niyang si David. Bilang hari, marami siyang desisyong dapat gawin. Paano niya malalaman kung ano ang dapat? Kung ano ang tama? At kung alam niya ‘to paano niya ‘to magagawa? Tayo din naman sa araw-araw ganoon din. Gusto nating gumawa ng mga desisyong hindi natin pagsisisihan, iyong tama, iyong makakabuti sa atin. We all need wisdom. Where do we get it? How do we get it? Listen to this story from 1 Kings 2-4 (parallel with 2 Chronicles 1).
Solomon’s Wisdom
Nang malapit nang mamatay si David, naghabilin siya kay Solomon na kanyang anak. Sabi niya, “Malapit na akong mamatay. Magpakatatag ka at magpakatapang, at sundin mo lahat ng iniuutos ng Dios. Kung gagawin mo iyon, magtatagumpay ka sa lahat ng gagawin mo.” Pagkatapos 40 taong paghahari, namatay na si David. Pumalit sa kanya ang anak niyang si Solomon tulad ng ipinangako ng Dios, at naging matatag ang kaharian niya. Ipinakita niya ang pagmamahal niya sa Dios sa pamamagitan ng pagsamba sa kanya at pagsunod sa mga habilin ng kanyang ama.
Nang si Solomon ay nasa Gibeon para maghandog, nagpakita sa kanya ang Dios isang gabi sa kanyang panaginip. Sinabi ng Dios sa kanya, “Humingi ka ng kahit ano at ibibigay ko sa iyo.” Sagot ni Solomon, “Napakabuti n’yo po sa ama kong si David. Binigyan n’yo pa siya ng anak na papalit sa kanya bilang hari ngayon. O Yahweh, kahit bata pa ako at hindi pa marunong mamahala, ginawa n’yo na akong hari. Bukod pa doon, narito ang inyong mga piniling mapabilang sa kaharian n’yo – hindi mabilang sa sobrang dami! Kaya bigyan n’yo po ako ng karunugan para pangunahan sila, para malaman ko kung ano ang mabuti o di mabuting gawin.”
Natuwa ang Dios sa hiningi ni Solomon. Sabi ng Dios sa kanya, “Dahil ito ang hiningi mo at hindi mahabang buhay o kayamanan o kamatayan ng iyong mga kaaway, ibibigay ko ang kahilingan mo. Bibigyan kita ng karunungan at pang-unawa na hindi pa naaangkin ng kahit sino noon at sa darating na panahon. At kahit hindi mo hiniling, ibibigay ko rin sa iyo ang kayamanan at karangalan para walang ibang haring makapantay sa iyo. Bibigyan din kita ng mahabang buhay kung susunod ka sa akin, tulad ng ginawa ng ama mong si David.”
Pagbalik ni Solomon sa Jerusalem, dalawang babaeng bayaran ang inihirap sa kanya. Sabi ng isa, “Mahal na Hari, nakatira po kaming dalawa sa isang bahay. Halos magkasunod lang po kami nang nanganak. Isang gabi, nadaganan niya ang anak niya at namatay. Tapos ipinalit niya iyon sa anak ko habang natutulog ako. Paggising ko akala ko patay na ang anak ko, pero nakita kong hindi pala iyon ang anak ko.” Sumagot naman ang isa, “Sinungaling! Sa akin ang buhay na sanggol!” Sabi naman ng isa, “Ikaw ang sinungaling!” Kaya nagsagutan sila sa harap ng hari.
Dahil dito, iniutos ni Solomon na bigyan siya ng espada. Inutos niya, “Para walang nang away, hatiin ang buhay na sanggol na iyan. Ibigay ang bawat kalahati sa kanilang dalawa.” Sabi ng totoong ina ng buhay na sanggol, “Maawa po kayo sa sanggol. ‘Wag n’yo na pong patayin. Ibigay n’yo na lang sa kanya.” Pero sabi ng isa, “Sige, mabuti pa ngang hatiin ang sanggol na iyan para walang away.” Pagkatapos sinabi ni Solomon, “Huwag n’yong hatiin ang sanggol. Ibigay ito sa babaeng nagmamakaawa. Siya ang tunay na ina.” Nang mabalitaan ng Israel ang hatol na ginawa ni Solomon, lalo silang namangha sa kanya, dahil nakita nilang may karunungan siyang mula sa Dios. Dahil dito naging masaya ang mga Israelita.
Binigyan ng Dios si Solomon ng pambihirang karunungan, pang-unawa at kaalamang di masukat – higit pa sa lahat ng matatalino sa ibang bansa. Sumulat siya ng 3,000 salawikain at 1,000 awit. Nabalitaan ng lahat ng hari sa mundo ang karunungan niya, kaya nagpadala sila ng mga tao para makinig sa kanyang karunungan.
Wisdom from Above
Nakita natin dito na may karunungan si Solomon. Ibig sabihin, meron siyang kakayahang gumawa ng tamang desisyon na batay sa nalalaman niya at nauunawaan na galing sa Dios. Ito ang totoong karunungan. Malinaw sa kuwentong ito kung ano ang gustong ituro sa atin ng Dios tungkol dito.
We need wisdom more than money, health, and power. Anong kailangang gawin ni Solomon para maging tama ang pasya doon sa dalawang prostitutes na lumapit sa kanya? E ano kung marami siyang pera, di naman makakatulong iyon sa pagdedesisyon niya. E ano kung malakas siya at masigla, makakatulong din ba iyon? Kailangan may karunungan siya! Ito iyong karunungang maisagawa ang kalooban ng Dios. May plano ang Dios kung bakit si Solomon ang ipinalit kay David. Kaya sabi ni David sa kanya bago siya mamatay, hindi “heto na ang ipapamana ko sa iyong mga kayamanan para maging masaya ka,” kundi “sundin mo ang mga utos ng Dios para magtagumpay ka.” Iyon din ang kailangan natin. May plano ang Dios sa ating mga Cristiano, at siya rin ang nagbigay at magbibigay sa atin ng karunungang kailangan natin (Eph. 1:8-10).
We need wisdom from above, not the wisdom of this world. Sa panahon ni Solomon, marami rin namang matatalino, pero higit ang karunungan niya dahil ito ay galing sa Dios. Malaki ang pagkakaiba ng “wisdom from above” at “wisdom that is not from above” (James 3:13-18). Sabi ng mundo, “Kung ano ang nasa puso mo, sundin mo.” Sabi ng Salita ng Dios, “Bantayan mo ang puso mo. Mapanlinlang ang puso ng tao.” Sabi ng mundo, “Kapag marami kang pera, mas magiging masaya ka.” Sabi ng Salita ng Dios, “Kahit konti ang pera, kung nasa iyo ang Dios, iyon ang mas masaya.”
We need to ask God for wisdom from above. “If any of you lacks wisdom, let him ask God…” (James 1:5). Ganoon nga ang ginawa ni Solomon. Sabi ng Dios, “Hingin mo ano ang gusto mo, ibibigay ko sa iyo…” Kung tayo kaya iyon ano ang hihingin natin? Pero si Solomon humingi ng karunungan. Kasi alam niya iyon ang kailangan niya, iyon ang mas mahalaga kaysa pera o lakas. When was the last time we prayed for wisdom? Baka kaya mali-mali ang nagagawa nating desisyon ay dahil kung anu-ano naman ang hinihingi natin sa Dios, at kinalimutan nating hingin ang mahalaga? At kung hingin natin iyon…
When we ask for it, God grants wisdom from above. “If any of you lacks wisdom, let him ask God, who gives generously to all without reproach, and it will be given him.” (James 1:5). Ask and it shall be given unto you, seek and you will find. Binigay ng Dios ang hiling niya, tulad ng pangako niya. At higit pa doon, binigyan pa siya ng mas maraming kayamanan at naging matatag ang kaharian niya. Hahaba pa ang buhay niya kung magpapatuloy siya sa pagsunod sa Dios. Humingi siya, ibinigay sa kanya. Humingi tayo, ibibigay sa atin.
When our life displays wisdom from above, God is glorified. Nabalitaan ng Israel ang hatol ni Solomon, humanga sila. Namangha kasi nakita nila na hindi ito galing sa tao kundi galing sa Dios. Pati mga hari ng ibang bansa nabalitaan ang pambihirang karunungan niya. Bumibisita sa Israel para marinig si Solomon. Nalaman nilang may Dios sa Israel, Dios na marunong sa lahat, Dios na pinanggagalingan ng karunungan. Kapag namuhay tayo ayon sa karunungan ng Dios, iba sa takbo ng mundong ito, makikita ng mga tao na merong iba sa buhay natin. Sasabihin nila, “Pambihira, ibang klase ‘to. Ano kaya ang meron sa kanya?” Pagkakataon itong ibalita sa kanila kung sino ang Dios na nagbigay sa atin ng karunungan. Ang tanong ngayon, “Paano kaya mangyayari din sa atin ang nangyari sa buhay ni Solomon?”
Proverbs of Solomon – Guidelines for Living
Ito ang dahilan bakit ibinigay sa atin ng Dios ang Book of Proverbs. Kawikaan, kasabihan o salawikain. Mga maiikling salita ito na napatunayang totoo sa karanasan, “time-tested truths”. Maikli, madaling kabisaduhin. Meron din tayong ganyan na mga Pilipino. Salawikain, mga kasabihang alam nating totoo, na napagsalin-salin sa iba’t ibang henerasyon. Tulad ng mga ito: “Aanhin mo ang palasyo kung ang nakatira ay kuwago; mabuti pa ang bahay kubo ang nakatira ay tao”; “Aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo?”; “Ang mabigat ay gumagaan kung pinagtutulungan”; “Ang naniniwala sa sabi-sabi ay walang bait sa sarili”; “Ang taong naglalakad ng matulin, may tinataguan.”
Hindi natin alam kung saan o kanino o kailan nagsimula ang mga kasabihang ito. Pero ang Book of Proverbs alam natin, sigurado tayong totoo dahil galing sa Dios. Karamihang sumulat nito si Solomon. Meron ding iba tulad nina Agur (chap. 30) at Lemuel (chap. 31). Sa chapters 1-9 binigyang diin ang kahalagahan ng karunungan. Kaya nga sabi sa Proverbs 2, na pagsikapan nating matamo ito na parang naghuhukay tayo para may makuhang ginto. Higit pa sa ginto ang halaga nito. Tapos sa chapters 10-24, makikita natin ang 375 proverbs ni Solomon. This is good for at least one daily for a year. Bago kayo mag-almusal, magandang basahin isa man lang na proverb para mapag-usapan kung paano ito gagamitin sa araw-araw.
Pero dapat alam din natin kung paano babasahin ito para di tayo magkamali. Proverbs are not promises, but principles. Halimbawa, “Train up a child in the way he should go; even when he is old he will not depart from it” (22:6). Ito ay prinsipyo tungkol sa kahalagan at inaasahang resulta ng tamang pagsasanay at pagtuturo sa anak. Pero hindi ipinangako ng Dios na ganito lagi ang mangyayari. May sariling pasya at likas na matigas ang ulo ng mga bata. Kaya ang iba, kahit anak na ng pastor o ng magulang na matiyaga sa pagdidisiplina, nagrerebelde pa rin ang anak. Also, proverbs are not guarantees, but guidelines. Halimbawa may nabasa ka tungkol sa pagtatrabaho, na kapag masipag ka sasagana ang buhay mo. Guideline iyon para sipagan natin ang pagtatrabaho pero hindi garantiya. May mga masipag na mababa pa rin ang suweldo at hindi man lang napromote. May mga tamad naman na sila pa ang yumaman. Totoo ang mga nakasulat sa Proverbs, pero totoo sa kanya-kanyang situation o circumstances sa buhay.
Proverbs of Solomon – Some Examples
Tingnan natin kung gaano kapraktikal ang mga ito at paano makakatulong sa mga araw-araw na desisyong ginagawa natin. Remember that this book is a collection. It is not arranged topically, no storyline. Kaya makakatulong kung ililista mo ang mga nababasa mo sa iba’t ibang kategorya, para may madukot sa panahong kailangan. Tulad ng mga ito:
Family – marriage, parenting, discipline. Kung gusto mong malaman ang maaaring dahilan kung bakit ang asawa mo ay laging nasa barkada niya’t nakikipag-inuman kaysa pumirmi sa bahay, at kung ano ang puwede mong gawin tungkol doon: “Mas mabuti pang tumirang mag-isa sa bubungan ng bahay kaysa sa loob ng bahay na kasama’y asawang palaaway…Mas mabuti pang manirahan sa disyerto kaysa sa manirahan kasama ang asawang magagalitin at palaaway” (21:9, 19).
Kapag matigas ang ulo ng anak mo, at di mo alam kung tama bang paluin siya: “Likas sa mga bata ang pagiging pilyo ngunit kung papaluin sila’y matututo” (22:15). “Ang pagpalo at pagsaway ay para sa ikatututo niya. Ngunit kapag ang bata’y pinabayaan, maghahatid siya ng kahihiyan sa magulang” (29:15).
Kapag nahihirapan ka naman sa relasyon mo sa magulang mo, “Ang anak na kumukutya at sinusuway ang kanyang magulang ay tutukain ng uwak ang mga mata at ang bangkay niya’y kakainin ng mga agila” (30:17).
Friends and enemies. Kapag nagdadalawang isip ka kung sasabihin mo ang totoo sa kaibigan mo pero alam mong masasaktan siya, “Mas mabuti ang pagsaway na hayagan, kaysa sa pag-ibig na hindi ipinapaalam. Ang masakit na pagsaway ng isang kaibigan ay may katuturan ngunit ang halik ng kaaway ay hindi maaasahan” (27:5-6).
Kung may nagawang kasalanan ang kaibigan mo sa iyo, “Kung pinapatawad mo ang kasalanan ng iba, samahan ninyo ay lalong gaganda. Ngunit kung sa iba’y ipagsabi mo ito, masisira ang pagkakaibigan ninyo” (17:9).
Kung di mo alam kung ano gagawin mo sa taong umaaway sa iyo (asawa mo, halimbawa!), “Kapag nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo at kapag nauuhaw, siya’y painumin mo. Kapag ginawa mo ito mahihiya siya sa iyo at ang Panginoon ang magpapala sa iyo” (25:21-22).
Words. Kapag nagsalita ng masakit ang asawa mo sa iyo o ang nanay mo, “Ang malumanay na sagot nakakapawi ng poot ngunit ang salitang masakit lalong nakakapagpagalit” (15:1).
Kapag salita ka naman ng salita, “Ang taong masalita, malamang magkasala. Ang tao namang marunong, pinipigilan ang kanyang dila” (10:19).
Kapag may lumapit sa iyo at nagsimulang magtsismis, “Ang taong masalita nagbubunyag ng sikreto, kaya iwasan mo ang ganyang uri ng tao” (20:19).
Work. Kapag may nag-alok sa iyo ng pagkakakitaan na “get rich quick” o may “scam,” “Ang kayamanang nakuha sa pandaraya (o, sa madalian tulad ng ibang multi-level marketing schemes at lottery) ay madaling mawawala, ngunit ang kayamanang pinaghirapan ay pinagpapala” (13:11).
Kapag natutukso kang suhulan ang pulis o tumanggap ng suhol mula sa isang contractor, “Ang taong masama tumatanggap ng suhol upang ipagkait ang makatarungang hatol” (17:23).
Kapag tinatamad kang magtrabaho, “Kayong mga tamad, tingnan ninyo at pag-aralan ang pamumuhay ng mga langgam upang matuto kayo sa kanila. Kahit na walang namumuno at nag-uutos sa kanila, nag-iipon sila ng pagkain kapag tag-araw at panahon ng anihan, upang may makain sila pagdating ng tag-ulan. Kayong mga tamad, matutulog lang ba kayo nang matutulog? Kailan kayo gigising? Ang kaunting tulog, kaunting pahinga at ang minsanang paghalukipkip ng mga kamay ay magdadala sa inyo ng kahirapan, walang matitira sa inyo na para kayong ninakawan” (6:6-11).
Wealth. Kapag nalulungkot ka kasi di mo man lang maitreat sa Jollibee ang mga anak mo, “Mas mabuti pang maging mahirap na may takot sa Panginoon kaysa maging mayaman na ang buhay ay puno ng kaguluhan. Mas mabuti pa ang mag-ulam ng gulay lamang pero may pagmamahalan, kaysa sa mag-ulam ng karne pero may pag-aawayan” (15:16-17).
Kapag mayaman ka naman at nagiging kampante na ang buhay mo, “Mabibigo ang taong nagtitiwala sa kanyang kayamanan, ngunit ang taong matuwid ay lalago na parang sariwang halaman” (11:28).
Kapag may lumapit sa iyo para maging “guarantor” ng utang ng iba o naiisip mong mangutang o gumamit o magpagamit ng credit card, “Huwag kang managot ng utang ng iba, kapag hindi ka nakabayad baka pati higaan mo’y kunin nila” (22:26). “Delikado ang mangakong managot sa utang ng iba, kaya iwasan itong gawin upang hindi ka magkaproblema” (11:15). “Ang mahihirap ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng mayayaman at ang nangungutang ay alipin ng nagpapautang” (22:7).
Christ Our Wisdom
Nakita nating sobrang praktikal sa pang-araw-araw na desisyong ginagawa natin ang mga sinasabi sa Proverbs. Pero bakit napapansin nating marami pa rin tayong maling desisyong ginagawa? Bakit parang mahirap magkaroon ng karunungan kahit na humingi tayo nito sa Dios? Paano natin ito masusumpungan? Tandaan natin ‘to…
Wisdom from above begins and continues with a right relationship with God. Reverential trust ni God. “Ang paggalang sa Panginoon ang simula ng karunungan” (1:7; 9:10). “Magtiwala ka nang buong puso sa Panginoon…” (3:5). Ito ang naging problema nina Adan at Eba kaya nahiwalay sila sa Dios at sa karunungang mamuhay nang tama. Kinain nila ang prutas na ipinagbabawal ng Dios, sa Tree of the Knowledge of Good and Evil. Ginusto nilang maging marunong nang hiwalay sa utos ng Dios. Sila ang nagpasya kung ano ang tama at mabuti, at nakinig sa sinabi ng ahas. Kaya bilin ni David kay Solomon, na maging tapat siya sa Dios, makinig lagi sa mga utos niya. Nagkaroon si Solomon ng karunungan sa pamamagitan ng isang magandang relasyon sa Dios. Sa dulo ng kanyang buhay (makikita natin two weeks from now), nang magsimula siyang tumalikod sa Dios, unti-unting nawala ang karunungan niya at napariwara ang kanyang buhay.
Ngayon, paano naman tayo? Posible bang maging sindunong din tayo ni Solomon? Maaaring hindi. Di ba’t siya na ang pinakamarunong sa lahat? Oo, pero bago dumating ang siyang higit pa sa kanya. Sabi ni Jesus tungkol sa sarili niya, “Narito ang higit pa kay Solomon” (Matt. 12:42; Luke 11:31). At kung nasa atin si Jesus, at patuloy tayong namumuhay na may magandang relasyon sa kanya, magkakaroon tayo ng karunungang tulad ni Solomon. Because in Christ “are hidden all the treasures of wisdom and knowledge” (Col. 2:3). “Si Cristo ang karunungan ng Dios para sa atin” (1 Cor. 1:30). Dahil sa kanya, nagkaroon tayo ulit ng magandang relasyon sa Dios. Kung mananatili tayo sa kanya, patuloy tayong mamumuhay na malapit sa Dios at lumalakad ayon sa kanyang kalooban, may karunungan.
Kaya sa halip na mataranta tayo o matakot baka magkamali ang desisyong gagawin natin, sa kanya tayo magfocus. Sa halip na tanong tayo nang tanong, “Anong gagawin ko ngayon? Anong mainam gawin?” Itanong natin, “Paano mabibigyang karangalan ang Panginoon dito? Paano ko siya mas makikilala? Paano mas lalalim ang relasyon ko sa kanya?” Iyon naman ang ibig sabihin ng karunungan – hindi basta magandang takbo ng pamilya, ng negosyo, o maraming kaibigan, o magandang takbo ng buhay – kundi ang makilala si Jesus at maranasan ang kanyang pagsama sa atin. Kahit sa panahong palpak ang naging desisyon natin, may kamay na hahawak sa atin, at tutulungan tayong tumayo. Sasabihin niya, “Wag kang mag-alala, kasama mo ako.” Kaya masaya pa rin kami ngayon kahit nagkaroon kami ng maling desisyon sa investment namin. Ito ang karunungan, ang mamuhay na kasama si Jesus sa lahat ng bahagi ng buhay.
1 Comment