“Numbers” – of Complaints!
Kapag ang baby namin – sinabihan ng “NO” tapos sinubo pa rin ang cellphone, medyo matatawa pa kami kasi cute. Pero kapag malaki na, hindi na cute, di na nakakatuwa. Kapag pinapakain ayaw kumain, kapag pinapauwi ayaw umuwi, kapag pinagrereview kasi may exam ayaw naman, kapag inutusan mo ayaw sumunod, nakakainis. Lalo na kapag paulit-ulit. Mas maiintindihan ng iba kung pinapabayaan naman ng magulang kaya nagkaganoon. Pero ang mas nakakainis ay yung kapag ginagawa mo ang lahat para maging malapit sa anak mo, para mabigyan ng kailangan niya. Tapos nagrebelde pa. Naglayas. Mas gusto pa sa kapitbahay kaysa sa inyo. Masakit iyon.
Sa pagpapatuloy natin sa The Story of God, nakikita nating gusto ng Dios na magkaroon siya ng relasyon sa Israel tulad ng isang magulang sa kanyang mga anak. At lahat gagawin ng Dios para tiyaking maganda ang kalagayan nila. Kaya nga pagkatapos ng 430 taong alipin sila sa Egipto, nakita natin kung paano sila pinalaya ng Dios sa Exodus 1-15 (God Rescues Slaves). He is mighty to save. Ganoon din sa atin ngayon, dati mga alipin tayo ng kasalanan na siyang naghihiwalay sa atin sa Dios. Pero ngayon dahil kay Cristo, nang manalig tayo sa kanya, pinalaya na tayo. Meron na tayong isang malapit na relasyon sa Dios.
Kasama sa pangako ng Dios kay Abraham na bibigyan ang lahi niya ng isang lupang magiging kanila. Kaya ang mga Israelita ay nagsimulang maglakbay tungo sa Canaan, ang Lupang Pangako. Katatawid pa lang nila ng dagat, at doon nakita nila ang kapangyarihan ng Dios nang hatiin niya ito, nasubok agad sila. Sa Mara, nagreklamo sila kasi mapait ang tubig (Exodus 15). Sa Elim, nagreklamo sila kasi wala silang makain (Exodus 16). Sa Rephidim, nagreklamo sila kasi wala na naman silang mainom (Exodus 17). Nasusbok agad ang pagtitiwala nila sa Dios, nasubok agad kung ano ang mas mahalaga sa kanila, kung pinahahalagahan ba nila ang ginawa sa kanila ng Dios o hindi. Hindi ba’t ganito rin sa buhay Cristiano natin? Araw-araw, sinusubok tayo sa pamamagitan ng mga nangyayari sa buhay natin kung nagtitiwala ba tayo sa kanya o hindi.
Kahit na nagrereklamo sila, pinakita pa rin ng Dios ang kagustuhan niyang lalong mapalapit sa kanya. Binibigyan niya sila ng maiinom, ng pagkain (mana at pugo), at lahat ng kailangan nila. Para matuto sila kung paano makikipagrelasyon sa kanya at sa kapwa nila Israelita, binigay niya ang kanyang mga utos, kasama ang pagpapagawa ng Tabernacle para ipakitang God desires to dwell with his people (Exodus 15-40). At nakita natin sa dami ng mga utos sa Leviticus that God forms a holy people. Merong tipan ang Dios sa kanila na gagawin niya ang lahat para sa kanila, para pagpalain sila, at sa mga utos niya dapat sumunod ng mga Israelita bilang bahagi ng kanilang kasunduan. Gagawin at ginagawa ng Dios ang lahat para matupad ang bahagi niya sa tipan nila, pero ang Israel kaya magiging tapat din kaya sa kanya, magtitiwala kaya sa kanya? Tingnan natin sa aklat ng Mga Bilang (Numbers) – bilang ng mga tao? O bilang ng mga reklamo ng mga tao?
Israel Complains about the Journey, Food, and Leadership
Sa Sinai, ibinigay ng Dios sa mga Israelita ang mga utos niya na dapat nilang sundin. Bago sila umalis ng kampo, ipinabilang ng Dios sa kanila ang mga lalaking 20 taon pataas na kaya nang makipaglaban. Mahigit 600,000 lalaki ang nabilang nila. Hindi kasama dito ang galing sa lahi ni Levi, dahil sila ang inatasan ng Dios na maglingkod sa Tolda at manguna sa paghahandog. Bago sila umalis binilinan din ng Dios si Aaron na ganito ang sabihin sa pagbabasbas sa mga Israelita para maipakilala kung sino siya at pagpalain sila: “Pagpalain sana kayo ni Yahweh. Ipakita sana ni Yahweh ang kanyang kabutihan at awa sa inyo. At malugod sana si Yahweh sa inyo at bigyan kayo ng mabuting kalagayan.”
Nang araw na maitayo ang Tolda, binalot ito ng ulap ng presensiya ng Dios. Kapag gabi, ang ulap na ito ay parang nagliliyab na apoy. Habang nakabalot pa ang ulap, hindi muna sila aalis. Kapag pumaitaas na ang ulap saka pa lamang sila puwedeng umalis, at magkakampo sila kung saan ito titigil.
Rebellion 1 (Numbers 11:1-3). Pagkatapos ng halos isang taon na nagkampo sila sa Sinai, pumaitaas na ang ulap. Naghanda na sila at nagsimulang maglakbay. Hindi pa sila nakakalayo, nagreklamo agad ang mga Israelita sa hirap na dinanas nila. Nagalit ang Dios at nagpadala siya ng apoy na sumunog sa isang dulo ng kampo nila. Nanalangin si Moises sa Dios at namatay ang apoy.
Rebellion 2 (Numbers 11:4-35). Pagkatapos nito, nareklamo na naman ang bawat pamilya, “Wala naman tayong makaing karne dito. Buti pa sa Egipto, libre ang isda, may pipino, melon, sibuyas at bawang. Pero dito, puro mana lang ang kinakain natin.” Matindi ang galit ng Dios nang marinig ‘to. Nabahala na rin si Moises at sinabi sa Dios, “Bakit n’yo po ba ko binigyan ng ganitong problema? Mga anak ko ba ‘to? Bakit n’yo sinabi sa aking alagaan ko sila na parang yaya na karga-karga ang isang bata, at dalhin sila sa lupang ipinangako n’yo? Anong gagawin ko sa kanila? Hirap na hirap na ko. Masarap pa sigurong mamatay na lang.” Sagot ng Dios, “’Wag kang mag-alala, bibigyan kita ng mga taong tutulong sa iyo. Dahil nagreklamo kayo sa akin, bibigyan ko kayo bukas ng karne hanggang magsawa kayo at hindi na kayo makakain.” Tanong ni Moises, “Saan naman po kami kukuha nang karneng kakasya sa dami ng tao rito?” Sagot ng Dios, “May limitasyon ba ang kapangyarihan ko? Ngayon makikita mo kung mangyayari ba ang sinabi ko o hindi.”
Totoo nga, nagpadala ang Dios ng milyun-milyong mga pugo at ibinagsak sa kampo nila. Namulot ang bawat pamilya na di bababa sa tig-30 sako. Habang nginunguya nila ang karne, at hindi pa nalululon, nagpadala ang Dios ng salot dahil sa galit nila. Tinawag ang lugar na iyon na Kibrot Hatava, na ang ibig sabihin ay “libingan ng matatakaw.”
Rebellion 3 (Numbers 12:1-16). Kahit na si Moises ay walang katulad sa kanyang kababaang-loob, nakuha pa rin siyang siraan ng kanyang mga kapatid na sina Aaron at Mirian, “Kay Moises lang ba nagsasalita si Yahweh? Nakikipag-usap din siya sa amin.” Pinagsabihan sila ng Dios, “Nakikipag-usap ako kay Moises nang harapan at malinaw, di tulad ng sa panaginip lang o pangitain. Bakit ang lakas ng loob n’yong magsalita laban sa kanya?” Nagalit ang Dios sa kanila at tinubuan si Miriam ng malubhang sakit sa balat. Nagmakaawa si Aaron para sa kanyang kapatid. Hiniling ni Moises sa Dios na pagalingin si Miriam, at dininig naman ito ng Dios.
God’s Just Anger and Gracious Forgiveness
God desires to bless his people. Yun naman ang gusto ng Dios sa simula’t simula pa, kaya nga iniutos din niya kay Aaron na ganito ang prayer para sa mga tao, “The Lord bless you and keep you…” (Numbers 6:24-26). It is a prayer for a good relationship with God, na matupad ang pangako ng Dios kay Abraham, “I will surely bless you…” (Genesis 12:2). Kasama ang mga material blessings tulad ng lupa, pagkain, masaganang buhay. Pero more important to God is the blessing of his presence. Kaya nga may tabernacle, may mga utos na dapat sundin, may mga handog na dapat ialay para mapatawad ang kasalanan nila. Kaya nga nakikita nila ang simbolo ng presensiya ng Dios – ulap sa umaga, haligi ng apoy sa gabi. But they will not enjoy this blessing, this presence of God, kung magrerebelde sila, kung di sila magtitiwala sa kanya.
Israel’s complaints showing their faithlessness. Bawat reklamo ay pagpapakita ng hindi nila paniniwala sa Dios, o ng paniniwala ng mga kasinungalingan tungkol sa Dios. Hirap ng buhay – “Hindi ako naniniwalang gusto ng Dios na maging sagana ang buhay ko.” Pagkain – “Hindi ako naniniwalang kayang ibigay ng Dios ang mga kailangan ko.”; “Hindi ako naniniwalang sapat ang ibinibigay ng Dios sa akin.” Leader – “Hindi ako naniniwalang may karapatan ang taong iyan na pamunuan ako. Hindi ako naniniwalang binigyan siya ng Dios ng awtoridad.” Ang mga rebelde ay nagrereklamo. Ang mga reklamador ay nagrerebelde.
God’s just anger in response to their faithlessness. Hindi itatago ng Dios ang galit niya. Ipapakita niya sa kanila na hindi siya natutuwa sa karereklamo nila. Nagpadala siya ng apoy, ng sakit, at ng salot na ikinamatay ng ilan. Ang kabayaran ng kasalanan – pagrerebelde, pagrereklamo, di pagtitiwala sa kanya – ay kamatayan. At kahit sa karereklamo natin, hingi tayo nang hingi ng kailangan natin, God will sometimes give us what we want (as punishment) to show us what we really need. Halimbawa sa trabaho, reklamo nang reklamo kasi wala pa ring trabaho hanggang ngayon. Tapos nagkaroon ng trabaho na kumain naman sa oras sa pamilya at ministeryo, sa bandang huli di maganda ang naging resulta. Nakasama pa. Pinahintulutan ng Dios para ipakita na hindi pera ang kailangan natin – kundi isang malapit na relasyon sa kanya.
Moses’ prayer – his role as intercessor, mediator between God and man. Pinili ng Dios si Moises para maging tagapamagitan sa kanya at sa mga tao. Mapagpakumbaba siya, nakikipag-usapan nang harapan sa Dios. Sa kabila noon, nagreklamo pa rin ang kapatid niya sa kanya, nainggit. Bawat reklamo ng mga Israelita siya pa ang nananalangin para sa kanila para patawarin sila ng Dios. But Moses was imperfect. May panahong nagreklamo na siya sa Dios, “Lord, sobra na naman ‘tong mga tao na ‘to. Ayoko na. Bakit mo ba ako pinahihirapan nang ganito?” This past weeks, nasabi ko rin sa Panginoon iyon. May kailangang i-confront, pero mahirap, parang nakakasawa kasi paulit-ulit na lang. Pinakita ni Lord yung imperfection ko as a leader. Na hindi rin si Moises ang kailangan ng mga Israelita, hindi ako ang kailangan niyo. Si Cristo ang kailangan nating lahat – he is the perfect and only mediator between God and man (1 Timothy 2:5). Dahil sa kanya pinatawad tayo ng Dios – “Father, forgive them…” – sa krus hanggang ngayon, ‘yan ang panalangin n’ya para sa atin.
Nakita din natin ito sa mga kuwento: God’s gracious forgiveness – in response to the mediator’s prayer. Puwede namang di na tayo pansinin ng Dios, layuan na, parusahan na…pero di niya ginawa…kasi mapagpatawad siya, mahabagin. Buti marami pang buhay sa mga Israelita! Oo, nagpapatawad ang Dios, pero may warning siya sa mga Israelita – may warning din siya sa atin. Mas consequences ang kasalanan, kahit nagpatawad na ang Dios, maaaring pagdusahan pa rin natin ang consequences ng ginawa nating kasalanan.
Israel Complains about Entering the Promised Land
Rebellion 4 (Numbers 13:1 – 14:38). Pagdating nila sa disyerto ng Paran, iniutos ng Dios kay Moises na magpadala ng 12 lalaki para mag-espiya sa Canaan – sa lupang ibibigay ng Dios sa Israel. Sinabihan sila ni Moises, “Tingnan n’yong mabuti kung ano ang itsura ng lupa, kung malakas ba at marami mga tao roon, kung napapalibutan ba sila ng pader, kung masagana ba ang lupa at maraming puno. Ibalita n’yo sa amin ang makikita n’yo.”
Pagkatapos ng 40 araw na pag-eespiya, bumalik sila sa kampo at ibinalita ang mga nakita nila. Sabi nila, “Maganda nga at sagana ang lupang iyon. Pero malalakas ng mga tao roon, malalaki ang lungsod nila at napapalibutan ng pader.” Pinakalma ni Josue at Caleb, kasama sa 12 espiya, ang mga tao, “Lalakad tayo at lulusubin natin sila. Siguradong makukuha natin ang lupa nila. Gagabayan tayo ng Dios at ibibigay niya ito sa atin. Huwag kayong magrebelde sa Dios, huwag kayong matakot, kaya natin silang talunin, dahil ang Dios ang tutulong sa atin.” Pero kinontra sila ng 10 kasama nilang nag-espiya, “Hindi natin kakayanin ang pagsalakay sa kanila dahil mas malakas sila sa atin.” Dahil dito, malakas na nag-iyakan ang mga tao at nagreklamo kay Moises at Aaron, “Mabuti pang namatay na lang tayo sa Egipto o dito sa disyerto! Bakit pa tayo dadalhin ng Dios sa lupaing iyon? Para lang mamatay tayo sa labanan at bihagin pa ang mga asawa’t anak natin?” Nag-usap-usap sila at sinabi, “Pumili tayo ng pinuno natin at bumalik na tayo sa Egipto!”
Babatuhin na sana sila ng mga Israelita, pero biglang nagpakita ang presensiya ng Dios. Sinabi niya kay Moises, “Sa kabila ng mga himalang ipinakita ko sa kanila, hanggang kailan pa ba nila ako itatakwil? Hanggang kailan pa ba sila hindi maniniwala sa akin? Papadalhan ko sila ng salot at papatayin ko sila!” Nakiusap si Moises, “’Wag po, alang-alang sa inyong pangalan. Ipakita n’yo po ang inyong kapangyarihan ayon sa sinabi n’yong mapagmahal kayo at nagpapatawad ng kasalanan. Patawarin po ulit n’yo sila gaya ng dati.” Sagot ng Dios, “Sige, papatawarin ko sila. Pero walang sinuman sa kanila ang makakapasok sa lupang ipinangako ko, dahil sa kabila ng mga nakita nilang ginawa ko ay sinubok nila ako at di sila nagtiwala sa akin. Sabihin mo sa kanila: Mamamatay kayo rito sa disyerto. Dahil sa karereklamo n’yo, wala ni isa man sa inyo na 20 taon pataas ang makakapasok sa lupang ipinangako ko – maliban kay Josue at Caleb. Magdurusa kayo – pati mga anak n’yo ay damay – nang 40 taon dito sa disyerto, at malalaman n’yo kung paano ako magalit sa mga taong kumakalaban sa akin.” Nang araw ding iyon ay namatay sa sakit ang mga espiya – maliban kay Josue at Caleb.
Rebellion No. 5 (Numbers 14:39-45). Pagkatapos nito ay binilinan sila ng Dios na bumalik na sa disyerto. Pero sabi ng mga Israelita, “Napag-isip-isip namin na nagkasala kami. Ngayon ay handa na kaming sumalakay sa lugar na ipinangako ng Dios.” Sabi ni Moises, “Bakit sumusuway pa rin kayo sa utos ng Dios? Kapag sumalakay kayo, di kayo sasamahan ng Dios. Matatalo lang kayo.” Di sila nakinig kay Moises at sumalakay pa rin sila papunta sa Canaan. Natalo sila ng mga Amalekita at mga Cananeo, dahil hindi nila kasama ang Dios.
The Consequences of Rebellion
Maliwanag sa kuwento na nagrerebelde na ang mga Israelita. Di na sila naniniwalang sasamahan sila ng Dios, na may magandang intensiyon ang Dios, na makapangyarihan ang Dios, na tumutupad sa pangako ang Dios. Nagrerebelde ang mga reklamador. Nagrereklamo ang mga rebelde. Oo nga’t pinatawad ng Dios ang pagrerebelde nila. Pero ang laki ng nawala sa kanila. Sabi nila, “Sana mamatay na lang kami sa disyerto, kaysa pumunta dun sa lupa na iyon…” Binigay nga ng Dios ang hiling nila. Hindi sila makakapasok – 20 taon pataas – sa Lupang Pangako. Sa disyerto sila mamamatay. Kaya 40 taon pa silang magpapaikut-ikot sa disyerto. Ayun na sila sa lupang pinangako ng Dios, nawala pa sa kanila. Kasi matigas ulo nila. This is a warning for us. Wag nating abusuhin ang kahabagan at pagpapatawad ng Dios. Oo nga’t patatawarin ng Dios (kung hihingi tayo ng tawad) ang pre-marital sex, ang masasakit na pananalita, ang materialism, ang pag-aaksaya ng oras, ang pagpapabaya sa katawan natin – pero may consequences yun. Maaaring hindi natin makamit ang pinangakong pagpapala ng Dios dahil doon – hindi lang sa sarili natin – pati ibang tao (lalo na ang pamilya natin) damay.
Israel Complains Again and Again and Again
Rebellion No. 6 (Numbers 16:1-40). Isang araw, nagrebelde naman ang mga Levitang sina Kora, Datan, at Abiram – kasama ang 250 iba pa – laban kay Moises. Sabi nila, “Sobra na kayo. Hindi lamang kayo ang banal. Ang buong bayan ay banal at nasa amin din ang presensiya ng Dios. Bakit n’yo ginagawang mataas ang sarili n’yo sa amin?” Galit na sumagot si Moises, “Kayong mga Levita ang sumosobra na! Hindi pa ba kayo nakuntentong pinili kayo ng Dios para maglingkod sa kanya, at ngayon inambisyon n’yo pang maging pari?” Nagalit din ang Dios at gustong parusahan ang mga tao. Nakiusap si Moises na ‘wag idamay lahat. Nakinig ang Dios at sinabi, “Lumayo kayo sa tolda nina Kora, Datan at Abiram.” Nabiyak ang lupang kinalalagyan ng mga tolda nila, nilamon sila ng lupa at namatay silang lahat kasama ang kanilang pamilya. Pinaulanan din ng Dios ng apoy ang 250 tagasunod ni Kora.
Rebellion No. 7 (Numbers 16:41-50). Nang sumunod na araw, nagkaisang nagreklamo na naman sila kina Moises at Aaron at sinabi, “Pinagpapatay n’yo ang mga tao.” Nagpakita ang Dios at sinabi kay Moises, “Lumayo kayo sa mga taong iyan at ibabagsak ko sila ngayon din.” Nagsimula na ang salot galing sa Dios, pero si Moises at Aaron ay lumuhod sa Dios. Naghandog si Aaron sa Dios para mapatawad ang mga kasalanan ng mga tao. Tumayo sila at tumigil na ang salot, pero nakita nilang halos 15,000 ang namatay.
Rebellion No. 8 (Numbers 20:2-13). Nakalipas na ang 40 taon simula nang lumabas sila mula sa Egipto at nagpaikut-ikot sa disyerto. Halos patay na lahat ang henerasyong isinumpa ng Dios na di makakapasok sa lupang pangako. Pagdating ng mga Israelita sa disyerto ng Zin, nagkampo sila sa Kadesh. Dahil walang tubig doon, nagkaisa na naman silang magreklamo kina Moises at Aaron, “Dinala n’yo ba kami dito sa disyerto para patayin? Walang kuwenta ang lugar na ito, ni walang tubig na mainom.”
Lumuhod sina Moises at Aaron sa Dios para manalangin. Sinabi ng Dios, “Kunin mo ang baston mo. Tipunin mo ang mga tao, at habang nakatingin sila, utusan mo ang bato na maglabas ng tubig at aagos dito ang tubig.” Kinuha ni Moises ang baston, tinipon ang mga tao sa harap ng bato, at sinabi ni Moises, “Makinig kayong mga rebelde kayo. Anong karapatan n’yong uminom ng tubig mula sa batong ito?” Itinaas ni Moises ang baston at pinalo nang dalawang beses ang bato, at bumulwak ang tubig. Pero sinabi ng Dios sa dalawa, “Dahil hindi kayo naniwala sa akin, at hindi n’yo naipakita ang kabanalan ko sa harap ng mga taong ito, hindi rin kayo makakapasok sa lupang ipinangako ko.”
Rebellion No. 9 (Numbers 21:4-9). Pag-alis ng mga Israelita sa Kadesh, nagkampo sila sa Bundok ng Hor. At doon na namatay si Aaron, at pinalitan siya ng kanyang anak na si Eleazar para maging punong pari. Pag-alis dito ng mga Israelita, umikot sila sa lupain ng Edom (galing sa lahi ni Esau, na kapatid ni Jacob-Israel) dahil ayaw silang paraanin dito ng kanilang hari. Nagsawa na ang mga tao sa paglalakbay kaya nagreklamo sila sa Dios at kay Moises. Sabi nila, “Papatayin mo lang ba kami dito sa disyerto? Walang makain, walang mainom! Nakakasawa na ang pagkaing ‘to!” Nagpadala ang Dios ng mga ahas, kinagat sila at marami ang namatay. Dahil din sa hiling ng mga tao, lumapit si Moises sa Dios at hiniling na tanggalin ang mga ahas. Sabi ng Dios kay Moises, “Gumawa ka ng tansong hugis ahas, tukuran mo ito at itaas, at sinumang tumingin dito ay mabubuhay.” Ganoon nga ang ginawa ni Moises, at sinumang nakagat ng ahas na tumingin doon ay hindi gumaling at hindi namatay.
A Warning and An Invitation
Di ba kayo nagsasawa? Nakakainis na ‘no?…bakit? Parang gusto natin silang sabihan, “Di ba kayo matututo? Bulag ba kayo? Di n’yo ba nakita ang kapangyarihan ng Dios? Bingi ba kayo? Di n’yo ba narinig ang pangako at utos ng Dios?” Alam n’yo bakit nakakainis? Kasi para tayong nakaharap sa salamin habang nakikinig sa kuwento, nakikita rin natin ang sarili natin. Reklamo sila nang reklamo, tayo rin. Faithless sila, tayo rin. Nakakairita kasi sarili mo ang nakikita mo. Parang kinakantahan ka pa ng “Di Na Natuto” – Nandyan ka na naman, tinutukso-tukso ang aking puso. Ilang ulit na bang iniiwasan ka, di na natuto.
Paulit-ulit ang nangyayari sa kuwento, kasi ayaw ng Dios na ma-miss natin ang sinasabi niya, God disciplines a faithless generation. God disciplines because he is faithful. He remains faithful, even when we are faithless. “If we are faithless, he remains faithful – for he cannot deny himself” (2 Timothy 2:13). May dalawang bahagi dito ang pagiging faithful ng Dios:
Faithful to fulfill his threats. Nakita na natin ang makatarungang galit ng Dios…dapat magsilbing warning ito sa atin. Don’t be faithless like them. Bagong generation na yung papasok sa promised land. Pero natuto ba sila? Hindi rin. Like father like son. “Sa kabila nito (salvation, provision, protection), karamihan sa kanila ay gumawa ng hindi kalugud-lugod sa Dios, at dahil dito, nagkalat ang kanilang mga bangkay sa ilang…Ang mga bagay na ito’y nangyari bilang halimbawa sa atin, at isinulat upang magsilbing babala sa ating mga nabubuhay sa panahong nalalapit na ang katapusan ng lahat” (1 Corinthians 10:5, 11).
Don’t assume you won’t fail. “Therefore let anyone who thinks that he stands take heed lest he fall” (1 Cor. 10:12). Ganito ang nangyari kay Moises at Aaron. Doon sa kuwento sa Exodus, pinahampas sa kanya ng Dios ang bato para magkatubig. Pero dito gusto ng Dios utusan lang niya. Pero hinampas niya – dalawang beses pa. God is serious about his holiness. Natangay si Moises ng galit niya sa mga tao, hindi niya naipakita sa kanila ang kabanalan ng Dios. Kaya di sila pinayagan din ng Dios na makapasok sa Promised Land. Sayang, andun na sila, nawala pa. Mag-ingat din tayo, lalo na mga leaders at mga nasa ministry. ‘Wag nating isiping di tayo mahuhulog sa tukso. Mas higit pa nga ang accountability natin kasi pinangungunahan natin ang mga taong ito.
Faithful to fulfill his promises. “God is faithful…” (1 Cor. 10:13) – yun naman ang mapanghahawakan natin sa panahon na nandyan ang tukso na umaakit sa ating di magtiwala sa Dios. “Kaya maliwanag na hindi nila nakamtan ang kapahingahan dahil sa kawalan ng pananampalataya sa Dios. Ngunit kahit na ganoon ang nangyari sa kanila, nanatili pa rin ang pangako ng Dios na makakamtan natin ang kapahingahang mula sa kanya. Kaya mag-ingat tayo at baka mayroon sa atin na hindi magkakamit ng pangakong ito” (Hebrews 3:19, 4:1).
Because of God’s gracious forgiveness…there’s an invitation. Tinuklaw ng mga ahas ang mga rebeldeng Israelita. Pero gumawa ang Dios ng paraan para mabuhay sila. Tumingin lang sila sa tansong hugis ahas na ginawa ni Moises, nagpapakita ng pagtitiwala nila at pagsisisi. Ganoon din sa atin ngayon. Look to Jesus. Believe in Jesus. “Kung paanong itinaas ni Moises ang ahas na tanso sa ilang ay ganoon din naman, ako na anak ng tao ay dapat ding itaas (kamatayan sa krus at muling pagkabuhay) upang ang sinumang sumampalataya (tumingin!) sa akin ay magkaroon ng buhay na walang hanggan“ (John 3:14-15). Kung saan-saan ka pa tumitingin para magkaroon ng kagalingin ang puso mong sugatan, nandyan ang Panginoong Jesus, sa kanya ka lang tumingin – hindi sa asawa mo o sa boyfriend mo o sa mga kaibigan mo o sa pera mo o sa ambisyon mo – kasi in the end, makikita mong kulang, magrereklamo ka lang.
At habang nakatingin ka kay Jesus, ‘wag kang kukurap. Tingin ka lang, ‘wag kang lilingon-lingon, ‘wag kang pipikit, ‘wag kang matutulog. Continue believing in Jesus. Don’t give up. Finish the race.
Therefore, since we are surrounded by so great a cloud of witnesses, let us also lay aside every weight, and sin which clings so closely, and let us run with endurance the race that is set before us, looking to Jesus, the founder and perfecter of our faith, who for the joy that was set before him endured the cross, despising the shame, and is seated at the right hand of the throne of God. (Hebrews 12:1-2)
Merong pangakong laan ang Dios sa ating lahat – makakamit natin dahil tapat siya sa kanyang mga pangako – makakamit natin kung magtitiwala tayo at patuloy na magtitiwala sa kanya.