“Hindi Ako Tutulad sa Magulang Ko!”
Hindi perpekto ang tatay at nanay natin. Meron silang nagawa na di dmaganda, na di natin nagustuhan, na hindi naging magandang halimbawa sa atin. May mga kabataan ngayon na nalulong sa bisyo, napariwara, nag-commit ng sexual immorality, naglayas, kasi nagrerebelde sila sa magulang nila na pinabayaan sila, o kaya ay ganoon din ang ginawa dati. Oo nga’t may pagkukulang ang mga magulang natin, pero hindi natin sila dapat sisihin sa mga kasalanang ginawa natin o ginagawa pa rin ngayon.
Hindi natin pwedeng sabihing, “Si Daddy kasi, si Mommy kasi.” Ano mang pagrerebelde natin sa kanila ay pagrerebelde sa Dios. May pananagutan tayo sa Dios. Anumang bagay na di maganda na ginawa nila ay dapat magsilbing warning sa atin, na di natin tularan. At nagpapasalamat tayo sa Panginoon kasi nakilala natin si Cristo. Siguro ang iba sa inyo galing sa pamilyang lasenggero o drug addict o idol worshippers o walang inatupag kundi kumita ng pera, pero ngayon na-break ‘yung curse na iyon sa family n’yo dahil kay Cristo. Purihin mo ang Dios dahil doon.
At iyon din naman ang mensahe ng Dios para sa mga Israelita. Nakita natin last week sa story sa Numbers na God disciplines a faithless generation. Bagong henerasyon na ang nakikinig ng kuwentong ito. Pagkatapos nilang magpaikut-ikot sa disyerto nang 40 taon dahil ang buong henerasyong lumabas sa Egipto (maliban lang sa 20 taon pababa, at kina Josue at Caleb) ay paulit-ulit na nagrebelde sa Dios. Hinintay munang mamatay silang lahat bago pumasok nang Canaan. Thirty-eight years ago, nasa boundary na sila ng Promised Land. Nawala pa sa kanila, kasi di sila nagtiwala sa Dios. Pati nga si Moises at si Aaron di na rin pinayagang makapasok dahil sa isang insidenteng hindi nila naipakitang banal ang Dios at karapat-dapat sundin. Heto ang mensahe ng Dios sa bagong henerasyon ng mga Israelita, “Nakita n’yo ang mga ginawa ko sa kanila, kung paano akong nagalit sa kanila, kasi nagrebelde sila at hindi nagtiwala sa akin? Huwag n’yo silang tularan, kung ayaw n’yong matulad sa nangyari sa kanila!”
Di ba’t ganito din ang sinasabi ng ilan sa atin kapag di natin nagustuhan ang ginawa ng tatay, nanay, lolo, o lola natin, “Hindi ako tutulad sa kanila! Kapag nagkapamilya ako hindi ganoon ang gagawin ko.” Madaling sabihin. Kung sa sariling lakas lang natin tayo maninindigan, makikita nating nauulit lang din natin ang pagkakamali ng mga magulang natin. “Di na natuto…” May kaibigan ako, iniwan n’ya ang asawa niya (pero nagkabalikan din). Nasabi daw niya dati, “Hindi ko tutularan ang tatay kong babaero.” Pero nakita niyang naging tulad din siya ng tatay niya. May ilan siguro sa inyo sabi, “Hindi ko tutularan ang nanay ko. Puro trabaho na lang ang inasikaso, walang panahon sa amin! Pag nagkaanak na ako, sa bahay lang ako at aalagaan ko ang anak ko.” Pero nakita n’yo na naging adik din kayo sa trabaho at napabayaan ang mga anak. Tulad din ng mga Israelita, gagayahin lang natin ang pagkakamali nang nakaraang henerasyon maliban na lang kung ilalagay natin sa puso natin at panghahawakan ang mga pangako ng Dios, aalalahanin ang mga ginawa niya, at ilalaan ang buhay natin sa pagbibigay karangalan sa kanya.
Ang Basbas ni Balaam
Story of Numbers 21-36. Nagpatuloy sa paglalakbay ang mga Israelita. Ipinagtanggol sila ng Dios sa mga Amoreong sumalakay sa kanila at pinagpapatay nila ang mga ito. Pagdating nila sa kapatagan ng Moab, nagkampo muna sila doon. Natakot si Balak na hari ng Moab dahil nabalitaan niya ang ginawa ng mga Israelita sa mga Amoreo. Kaya nagpadala siya ng mga mensahero kay Balaam at ipinasabi, “Sumpain mo ang mga Israelita dahil mukhang mas makapangyarihan sila kaysa sa amin. Baka matalo namin sila, dahil alam naming ang isinusumpa mo ay nasusumpa.” Binalaan ng Dios si Balaan, “Huwag kang sasama sa kanila. At huwag mong isusumpa ang mga taong sinasabi nila, dahil pinagpala ko ang mga iyon.” Noong una, ayaw pang sumama ni Balaam, pero nang taasan na ang alok na gantimpala sa kanya ng hari, sumama na rin siya. Nagalit ang Dios sa inasal niya kaya hinarang siya ng isang anghel at pinagsalita pa niya ang asnong sinasakyan ni Balaam. Sinabi ng anghel, “Sige, sumama ka na sa kanila. Pero sabihin mo lang kung ano ang pinapasabi sa iyo ng Dios.”
Sinabi sa kanya ni Haring Balak, “Dali, sumpain mo na ang mga taong ito.” Sumagot si Balaam, “Paano ko susumpain ang mga taong pinagpala naman ng Dios? Ibinukod sila ng Dios para sa kanya. Ang bilang nila ay pinarami ng Dios tulad ng mga buhangin sa tabing dagat.” Naasar si Balak, “Ano ka ba? Sabi ko sumpain mo sila, binasbasan mo pa!” Nagpatuloy si Balaam, “Ang Dios ay di tulad ng mga taong sinungaling. Kapag sinabi niya, gagawin niya. Kapag nangako siya, tutuparin niya. Sinabi niyang basbasan ko sila, iyon nga ang ginawa ko. Kasama nila ang Dios na kanilang Hari. Inilabas sila ng Dios sa Egipto sa pamamagitan ng kanyang kamangha-manghang kapangyarihan.” Nagalit na si Balak, “Tumigil ka na nga!”
Pumasok kay Balaam ang Espiritu ng Dios at habang nakatingin siya sa kampo ng mga Israelita, sinabi niya ang mga salita ng Dios, “Umaapaw ang mga tubig sa kanilang mga lalagyan. Naging tanyag ang kanilang kaharian. Para silang leon na kahit matulog ay walang makapangahas na lumapit. Pagpapalain ang mga nagpapala sa kanila at susumpain ang mga sumusumpa sa kanila. Mamamahala ang isang hari sa Israel at ibabagsak niya ang Moab at ang Edom.”
Pagkatapos nito, umuwi na si Balaam pati na rin si Haring Balak at di na pinakialaman ang mga Israelita.
Habang nakakampo doon ang mga Israelita, marami sa kanilang mga lalaki ay kumuha ng mga asawang taga-Moab. Hinikayat sila ng mga babaeng ito na sumamba sa kanilang dios-diosang si Baal. Nahikayat naman ang mga Israelita, kaya nagalit nang matindi ang Dios sa kanila. Nagpadala ang Dios ng matinding salot na pumatay sa mga Israelita. Nakita ni Finehas – anak ni Eleazar at apo ni Aaron – na may isang lalaki na nagdala ng isang dayuhang babae sa kanyang tolda. Sinundan niya ito, kumuha ng sibat at pinatay ang dalawa. Pagkatapos, huminto na ang salot, pero 24,000 pa rin ang namatay dahil sa salot.
Walang Makasusumpa sa Pinagpala ng Dios
Kung tutuusin, lahat naman ng tao nasa ilalim ng sumpa dahil sa kasalanan na nagsimula pa sa una nating mga magulang na sina Adan at Eba. At ang sumpang ito ay ang pagkalayo sa presensiya ng Dios. Ang dahilan? Di kasi tayo nagtiwala sa kanya. Pinili natin ang sarili nating pamamaraan, kaysa gawin ang mga bagay na gusto ng Dios. Mas itinataas o pinahahalagahan natin ang sarili natin o ang ibang bagay kaysa sa Dios. Iyan din ang nangyari sa buong henerasyon ng mga pinalaya ng Dios mula sa pagkaalipin sa Egipto. Pinarusahan sila at pinatay ng Dios, at di nakapasok sa Lupang Pangako dahil di sila nagtiwala sa kanya.
Sa kabila noon, tapat pa rin ang Dios. Itinakda niyang pagpalain muli ang mga tao, ang bagong henerasyon, kung sila ay magtitiwala sa kanya at di tutulad sa kanilang mga magulang. Ang ibig sabihin ng pagpapalang ito – hindi lang materyal – kundi isang malapit uling relasyon sa Dios. Ganito rin naman ang pangako niya kay Abraham. Nagtiwala siya kaya naging tama ang relasyon niya sa Dios. Ganoon din kina Isaac at Jacob, na pinagmulan ng lahi ng Israel. Kapag nagpasya ang Dios na pagpapalain ang isang tao, walang makahahadlang sa pasyang iyon. Kaya nga kahit ipasumpa ni Haring Balak kay Balaam ang mga Israelita, naging basbas pa. Bakit? Kasi walang sinumang makahahadlang sa Dios. Sinabi din ni Balaam na di nagsisinungaling ang Dios. Di niya binabawi ang pangako niya. Kapag sinabi niya, iyon na iyon. Walang bawian. Walang sinumang tao ang maaaring umagaw ng pagpapalang inilaan na ng Dios sa atin dahil kay Cristo. Walang sinuman ang makakaagaw sa atin sa mga kamay ng Dios (Ephesians 1:3; Romans 8:1). We’re in good hands with God.
Ang sabi ng Dios, basta patuloy lang tayong magtiwala sa kanya. At huwag mamuhay sa sarili nating diskarte. Isang bagay lang ang makahahadlang sa atin para di natin makuha ang pagpapala ng Dios – ang sariling katigasan ng puso natin, kung patuloy tayong lalayo at di magtitiwala sa Dios. Ito ang nangyari sa mga lalaking nag-asawa ng mga Moabita, na sinabi naman ng Dios na ‘wag silang mag-aasawa ng mga taong sumasamba sa mga dios-diosan. Pinili nila ang isang babae para magpaligaya sa kanila, higit sa Dios, tinalikuran nila ang Dios. Tumalikod sila sa pagpapalang gusto ng Dios para sa kanila, kaya nalagay sila sa sumpa ng galit ng Dios. 24,000 ang namatay sa kanila noong araw na iyon.
Lahat sila may desisyong dapat gawin – kung magtitiwala sa Dios at tatanggap ng pagpapalang lalong maging malapit sa kanya o di magtitiwala sa Dios at tatanggap ng sumpang lalong mapalayo sa kanya. Pinili ng maraming Israelita ang sumpa at parusa ng Dios. Pinili ni Finehas ang pagpapala ng mabuting relasyon sa Dios. Pinatay niya ang isang lalaking ang lakas ng loob na nag-uwi ng dayuhang babae habang nagpapatuloy ang salot na galing sa Dios at nag-iiyakan ang maraming Israelita dahil marami sa mga kamag-anak nila ang namatay. Ang kapal ng mukha at lakas ng loob ng lalaking ito na sumuway sa Dios habang nakikita niya ang sasapitin niya kung gagawin niya iyon! Ang lakas din ng loob ni Finehas na tuparin ang utos ng Dios na patayin ang mga gumagawa noon. Pinili niyang sumunod, manindigan at ipakitang banal ang Dios at dapat igalang at sundin. Kaya nalugod ang Dios sa kanya at dahil nagtiwala siya, lalo pang pinagpala siya ng Dios pati ang kanyang pamilya.
After reading the Word, or listening to this Story, you have a choice. Magtitiwala ka ba at susunod sa Dios. O pipiliin mo ang sarili mong kagustuhan, di magtitiwala sa Dios, at susuway sa utos niya. Tandaan mo: it’s a choice between blessing and curse, between life and death. Tulad ng huling sermon ni Moises sa mga Israelita bago siya mamatay, at bago pumasok sa Lupang Pangako ang bagong henerasyon ng mga Israelita, habang sila ay nasa Plains of Moab. Makikita ito sa aklat ng Deuteronomy (“second law” or second giving or explanation of the same law given to Israel on Mt. Sinai).
Huling Sermon ni Moises
Story of Deuteronomy 1-34. Nang ika-40 taon mula nang umalis ang mga Israelita sa Egipto, namatay na ang lahat ng lumabas nang Egipto 20 taon pataas – isang buong henerasyon ng mga isinumpa ng Dios dahil sa kanilang pagrerebelde sa kanya. Sina Moises, Josue at Caleb na lang ang natira. Sinabi ni Moises sa buong kapulungan ng mga bagong henerasyon ng mga Israelita ang lahat ng ipinapasabi ng Dios sa kanila:
“Ibinibigay sa inyo ng Dios ang lupang ito na ipinangako niya sa inyong mga ninunong sina Abraham, Isaac, at Jacob. Alalahanin n’yo palagi kung paano niya kayo pinarami at pinagpala. Kahit na ibinalita sa inyong maganda ang lugar na ito, nagreklamo pa rin ang mga magulang n’yo at natakot. Pero ‘wag kayong kabahan sa mga taong nandoon. Nakita n’yo kung paano kayo inalagaan ng Dios tulad ng isang magulang sa kanyang anak. Pero di pa rin kayo nagtiwala sa kanya. Alalahanin n’yo ngayon kung paano kayo pinagpala ng Dios at sinamahan sa loob ng 40 taon simula nang ilabas niya kayo mula sa Egipto. Sinumpa ng Dios ang mga kaaway n’yo, pinarusahan sila at pinatay. Manginginig sa takot ang mga makakarinig ng tungkol sa inyo. Kaya ‘wag kayong matakot. Ang Dios ang bahala sa inyo. Siya ang sasama sa inyo sa pangunguna ni Josue. Di ko na kayo masasamahan kasi ayaw pumayag ng Dios na makarating ako doon, kahit makiusap pa ako sa kanya. Alalahanin n’yo palagi ang mga ginawa niya mula noon hanggang ngayon, ‘wag n’yong kalilimutan.
“Makinig kayong mabuti: Si Yahweh na ating Dios ang nag-iisang Dios. Mahalin n’yo siya nang buong puso, buong kaluluwa, at buong lakas. Igalang n’yo siya at pakinggan n’yong mabuti ang mga utos niya, sundin n’yong lahat, at wag kayong susuway kahit sa isang utos lang. Huwag n’yo itong dagdagan o bawasan. Ilagay n’yo ang mga ito sa puso n’yo. Buong puso n’yo itong sundin, para mabuhay kayo nang matagal sa lupang iyon at maging masagana ang buhay n’yo at ng inyong mga anak. Patuloy kayong pagpapalain kung susunod kayo. Pero kung susuway kayo at magrerebelde, mararanasan n’yo ang tindi ng sumpa ng Dios, mamamatay kayo, ikakalat kayo sa ibang mga bansa, at kaunti lang ang matitira sa inyo. Pero kung buong puso kayong magbabalik-loob sa kanya, masusumpungan n’yo siya dahil siya ay maawain at di kumakalimot sa mga pangako niya.
“Huwag n’yong kalilimutan lahat ng sinabi ng Dios. Ituro n’yo ito sa inyong mga anak – kapag nasa bahay, o naglalakad, o nakahiga, o nakabangon. Maglagay kayo ng tanda sa inyong katawan at sa inyong bahay para maalala n’yo ito palagi. Pagdating n’yo sa lupang iyon at naging masagana na ang buhay n’yo, siguraduhin n’yong di n’yo kakalimutan ang Dios na nagpala sa inyo. Kapag dumating ang panahong magtanong ang anak n’yo kung ano ang ibig sabihin ng mga utos na ito, sabihin n’yo, ‘Mga alipin kami noon sa Egipto, pero inilabas kami ng Dios sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Nakita namin ang mga dakilang ginawa n’ya at ito ang mga iniutos niya sa amin para maging sagana ang buhay natin at maging maayos ang relasyon natin sa kanya.’
“Pagdating n’yo sa lupang iyon, patayin n’yo lahat ng tao roon. ‘Wag kayong magtitira, ‘wag kayong mag-aasawa sa kanila. Magiging bitag sila sa inyo at ilalayo kayo sa Dios para sumamba sa mga dios nila. Mag-ingat kayo. Pinili kayo ng Dios, ibinukod, espesyal, hindi dahil mas marami kayo o mas mabuti kaysa sa iba, kundi dahil sa pag-ibig niya sa inyo at bilang pagtupad sa pangako niya sa mga ninuno n’yo. Pinili kayo ng Dios hindi dahil matuwid kayo at tapat sa kanya. Ang totoo pa nga, ang titigas ng ulo n’yo! Alalahanin n’yo kung paano dinisiplina ng Dios ang inyong mga magulang, na parang isang ama na dumidisiplina sa kanyang mga anak. Kaya ‘wag kayong magkakaroon ng ibang dios maliban sa kanya. Siya lang ang sambahin n’yo, at sinumang sasamba sa ibang dios ay patayin n’yo – kahit pa mga kamag-anak n’yo. Baguhin n’yo ang mga puso n’yo at huwag nang patigasin ang ulo n’yo. Siya lang ang mahalin n’yo at paglingkuran nang buong puso.
“Abangan n’yo ‘to, magpapadala ang Dios ng isang propeta na katulad kong mula rin sa inyo. Dapat kayong makinig sa lahat ng sinasabi ng Dios sa pamamagitan niya. Kung hindi paparusahan niya kayo.”
Pagkatapos nito, inulit at ipinaliwanag ni Moises ang Sampung Utos na nauna nang ibinigay ng Dios sa Bundok ng Sinai sa mga magulang nila. Tulad nito: “Kung may isang taong may anak na rebelde, matigas ang ulo at ayaw sumunod sa disiplina ng magulang, dadalhin ito sa pintuan ng lungsod at babatuhin hanggang mamatay. Kung ang isang tao ay pinarusahan ng kamatayan dahil sa ginawa niyang krimen, at ibinitin ang bangkay niya sa puno, hindi dapat umabot hanggang umaga ang bangkay niya roon. Ilibing n’yo ito agad, dahil isinumpa ng Dios ang sinumang ibinitin sa puno.”
Lahat ng ito ay isinulat ni Moises at ibinilin sa mga kanila, “Ilagay n’yo ang aklat ng kautusang ito sa tabi ng Kahon ng Kasunduan (Ark of the Covenant). Ito, pati ang langit at ang lupa, ang saksi laban sa inyo, dahil alam ko kung gaano katigas ang ulo n’yo tulad din ng mga magulang n’yo. Pumili kayo ngayon – buhay o kamatayan, pagsunod o pagsuway. Hindi mahirap ang pagsunod sa Dios kung ilalagay n’yo sa puso n’yo ang mga ito. Pagdating n’yo sa lupang ipinangako ng Dios titipunin n’yo ang mga tao – lalaki, babae, bata at dayuhan – at basahin n’yo ito sa kanila para mapakinggan nila at matuto silang gumalang sa Dios at sumunod sa lahat ng kanyang utos. Gawin n’yo rin ito para sa mga magiging mga anak n’yo.”
Ipinasa ni Moises kay Josue ang tungkuling pamunuan ang Israel, ayon sa utos ng Dios. Nagpuri sila sa Dios, binasbasan ni Moises ang mga tao, tinanaw ang lupang pangako ng Dios, at saka namatay. Mula noon, wala pang propeta na katulad ni Moises na sobrang lapit ang relasyon sa Dios at nakagawa ng mga kamangha-manghang bagay tulad ng mga ginawa niya.
Dati nang Utos para sa Bagong Henerasyon
May alok na pagpapala ang Dios. Pangako niya iyon. We have a choice to make – reject that blessing or receive that blessing. We receive it by faith, we reject it by faithlessness. Blessing is not a result of what we do, but what God promised. It is always by grace. Kitang-kita naman iyan sa Israel, titigas nga ng ulo nila, bakit marami pa rin sa kanila ang pinagpapala ng Dios? Sabi ni Moises, “Pumili kayo ngayon – buhay o kamatayan, pagsunod o pagsuway.” Inulit-ulit ang mensahe ng Dios kasi alam niyang matigas ang ulo nila tulad din ng mga magulang nila. So we have a choice to make!
Remember the Story of God (or not). Paulit-ulit sinabi ni Moises na alalahanin n’yo ang ginawa ng Dios, ‘wag n’yong kakalimutan. Gawin n’yo lahat ng magagawa n’yo para laging maalala n’yo. Ganoon din sa atin. We remember the Story of God in the Bible. Kaya nga ginagawa natin sa church ay pinapakinggan ang story kapag Sunday, pinag-uusapan sa mga K-Groups, ginagamit din sa prayer meetings, pinagkukuwentuhan sa mga conversations natin, at binabasa araw-araw. You have a choice to make. Kung dadalo ka ba o hindi. Kung sasali ka sa K-Group o hindi. Kung magbabasa ka araw-araw o hindi.
We remember the story of God in our life. Unti-unti nating nakikita ngayon na hindi na natin puwedeng ihiwalay ang buhay natin sa kuwento ng Biblia. Nasa ilalim tayo nito, kung ayaw nating mapasailalim sa kuwento ng mundong ito. Kaya binabalik-balikan din natin ang ginawa na ng Dios sa buhay natin. Kung paano siyang tumawag sa atin para makakilala kay Cristo, kung paano niyang pinagpala tayo, at iningatan. May isang nag-share sa group namin na isa sa dahilan kung bakit ang tibay ng pananampalataya niya sa Dios ay dahil hindi siya nakakalimot sa mga himalang ginawa na ng Dios sa buhay niya.
Love the God of this Story (or not). Hindi lang sa isip ang concern natin dito. Kundi sa puso. Kaya nga lagi ring sinabi ni Moises, “Love the Lord your God with all your heart…” (Deut. 6:4-5). The more we remember the Story, the more we fall in love with the God of the Story. Kaya nga sinasabi namin sa mga magpapakasal sa pre-marriage counseling na ‘wag n’yong kalimutan ang love story n’yo, kapag nangyari iyon malalayo din kayo sa isa’t isa. Maghahanap ng iba. Ayaw na mangyari ng Dios iyon. Kaya nga bago sabihin iyong “Love the Lord…” binanggit muna, “The Lord is one!” We love God above everything. Siya lang ang Dios wala nang iba. Galit ang Dios kung may mga dios-diosan tayo, o sumasamba sa Dios gamit ang mga larawan o rebulto. Kasi gusto niya walang karibal.
We love God with all our heart. Buong puso. Walang kahati. Binigyan tayo ng Dios ng isang puso para lang sa kanya, hindi dalawa. Love him with all that you are, nothing less. Sino ang karibal ng Dios sa puso mo ngayon? Makipag-break ka na sa kanya. Ano ang karibal ng Dios sa puso mo ngayon? Itigil mo na. You have a choice to make. Alam mo namang walang kahahantungan ang pagpapahalaga sa isang bagay nang higit sa Dios. Wag mong kalimutan ang mga nangyari sa Kuwento nang ipagpalit nila ang Dios, o sabay nilang sambahin ang Dios kasama ang ibang dios-diosan.
Obey the God of this Story (or not). Ito ang test o proof kung mahal talaga natin ang Dios – susunod tayo sa mga utos niya. Sa tuwing sumusuway tayo sa kanya, may minamahal tayo nang higit s sa kanya. Hindi lang ito basta pagsunod sa sinasabi niya. Posible kasi na magawa natin ang utos niya, na makapaglingkod halimbawa, pero wala naman doon ang puso natin. We obey God from the heart. Balewala ang ginagawa nating pagsunod, paglilingkod kung ang puso naman natin ay malayo sa Dios. Balewala kung bigyan natin ng bulaklak ang isang babae kung ang isip naman at puso natin ay nasa ibang babae.
We obey God in everything. Nothing less. Mahilig kasi tayong mamili kung ano ang susundin natin. Kapag komportable sa atin, gagawin natin. Kapag mas may gusto tayong iba, o kailangan nang magsakripisyo, hindi na tayo susunod. That’s not true obedience. Sabi ni Moises, ‘wag tayong susuway kahit sa isa man lang sa mga utos ng Dios. Hindi naman mahirap sumunod kung nasa puso natin ang Dios. Mahirap kung malayo ang puso natin sa Dios. We have a choice to make – a change of heart! Kasi ang pagpapala ng Dios ay dumadaloy sa isang taong buong pusong sumusunod sa kanya. Sabi ni Pablo, “Ang nagnanais mabuhay sa pamamagitan ng Kautusan ay kailangang sumunod sa lahat ng iniuutos nito” (Gal. 3:12; Lev. 18:5).
Pero kung hindi tayo susunod, nandoon ang sumpa ng Dios (Gal. 3:13). Ang sinuman daw na sumuway kahit sa isa man lang sa utos ng Dios ay nasa ilalim ng sumpa. Naalala n’yo ang anak na binato dahil sa pagsuway sa magulang? Iyon ngayon ang problema natin. Hindi nga lang isa ang sinuway natin, lahat ng sampung utos niya sinuway natin. At di natin siya minahal nang buong puso.
Pero iyon ang dahilan kung bakit dumating si Jesus. Siya yung haring sinabi ni Balaam na darating at maghahari sa Israel. Siya ang propetang sinasabi ni Moises na darating na katulad niya at dapat pakinggan ng mga Israelita. Si Jesus ang nagdala ng sumpa natin para lahat tayo mapagpala ng Dios kung magtitiwala tayo sa kanya. Naalala n’yo yung sinabi ni Moises na sumpain ang sinumang nakabitin sa puno? “Pero ngayon, tinubos na tayo ni Cristo sa sumpang ito. Sinumpa siya alang-alang sa atin, dahil sinasabi sa Kasulatan, ‘Isinusumpa ang sinumang binibitay sa puno’” (Gal. 3:13; Deut. 21:23). Pinagpala tayo dahil kay Cristo.
Tell this Story to Others (or not). Hindi puwedeng tayo lang ang pinagpala ng Dios. Let us all tell this Story to others – our family and to other nations. Ito rin ang paalala ni Moises sa kanila. Bakit? That they too would be blessed. Next week, ito lang ang pag-usapan natin kung paano.
1 Comment