You are Here: Home / Sermons / Ruth: Isang Kuwento ng Pag-asa / Anak (Chapter 4)
October 16, 2011 | By Derick Parfan | Scripture: Ruth 4:1-22
Listen Now
Downloads
Inaasahang Happy Ending
Sabi ko last week sa dulo ng sermon na lahat ng kuwento ng buhay ng mga anak ng Diyos ay merong happy ending. At hindi titigil ang Diyos hangga’t hindi tayo nadadala sa happy ending na iyon. Nakita ko sa inyo na may nakangiti habang sinasabi ko, ang iba nabuhayan at nagliwanag ang mukha. Kasi nga lahat naman tayo umaaasang may happy ending ang buhay natin, ang pamilya natin. Wala naman ditong nag-asawa na nangarap na magkahiwalay din sila after 10 years. Wala naman ditong ang pangarap sa buhay ay sirang pamilya. Wala naman ditong hindi naghahanap ng kasiyahan sa pamilya. Kaya naman napakasaya natin kapag may mag-asawang pagkatapos magkahiwalay ay nagkabalikan, kapag may tatay na umuwi galing sa abroad at muling nakasama ang asawa at mga anak. Nakapagbibigay sa atin ng pag-asa kapag nakikita nating maganda at happy ang ending ng kuwento ng buhay ng pamilya natin.
Pero ano nga ba ang isang happy ending? Maaaring iba ang iniisip nating happy ending sa iniisip ng Diyos. Maaaring ang ending na iniisip natin ay hindi pa ending sa Diyos. Maaaring ang sa tingin nating happy ay iba pala sa tingin ng Diyos. Kaya ngayon tingnan natin kung ano ang nangyari sa pagtatapos ng kuwento ng pamilya nina Naomi at Ruth – kung paanong gumagawa ang Diyos patungo sa isang happy ending, at kung kung ano ang kinalaman ng ending ng kuwento ng buhay nila sa ending ng kuwento din ng buhay natin.
Alam na nating sa kuwento ng buhay nina Ruth at Naomi, dalawa ang pangunahing problema. Ang unang problema ay pagkain. Umalis si Naomi kasama ng kanyang pamilya mula sa Bethlehem dahil walang makain. Pumunta sila sa Moab na umaasa sa isang masaganang buhay. Pero namatay ang asawa niya at ang dalawang anak niya, dalawang manugang na lang ang natira. Hirap na naman sa pagkain. Pero ibinalik siya ng Diyos sa Bethlehem (kasama ang manugang na si Ruth) sa panahon ng pagsisimula ng anihan, may pagkain na! Dinala ng Diyos si Ruth sa bukid ni Boaz para makapamulot ng natitirang mga ani at naging mabuti naman sa kanya si Boaz. First problem solved!
Pero may isa pang mas mabigat na problema, ang pamilya. Pareho silang walang asawa, wala ring anak. Mas mabigat na problema, kaya nga maraming mga nag-aabroad na nagsisisi bandang huli kasi nalutas nga nila ang problema sa pagkain at iba pang materyal na pangangailangan ng problema, mas mabigat naman ang inabot na problema dahil nasira ang relasyon ng mag-asawa at relasyon ng magulang sa anak. Si Naomi at Ruth, iniwan na rin ng kanilang mga asawa dahil nauna nang namatay. Di na umaasa si Naomi na makapag-asawa ulit kasi matanda na. Pero itong si Ruth may pag-asa pa. Dahil si Boaz ay isang malapit na kamag-anak, nagplano si Naomi na tulungan itong si Ruth na magpropose kay Boaz ng kasal, dahil siya ay isang redeemer.
Nangako si Boaz kay Ruth na gagampanan niya ang pagiging kinsman-redeemer para kay Ruth at papakasalan siya. Pero may isang problema pang dapat ayusin. May nearest relative na mas may karapatan at responsibilidad kay Ruth. Pero tiniyak ni Boaz si Ruth na aayusin niya ang lahat. Ito rin ang kumpiyansa ni Naomi kaya pinalakas niya ang loob ni Ruth, “Maghintay ka lang, anak, hanggang malaman mo kung ano ang mangyayari, dahil hindi hihinto si Boaz hanggang sa maisaayos niya sa araw na ito ang hinihiling mo sa kanya” (3:18 ASD). Ano kaya ang mangyayari?
Happy Ending ng Kuwento ni Ruth
(1-2) Meron kayang happy ending ang kuwento ng buhay ni Ruth? Tingnan natin kung paano nagtapos ang kuwento ni Ruth. Totoo sa kanyang pangako, di tulad ng ibang mga lalaking pinapaasa lang ang mga babae, si Boaz ang nag-initiate para maayos ang problema. Binigyan niya ng notice ang lalaking binanggit niya kay Ruth para mapag-usapan ang sitwasyon. Kaya pumunta si Boaz at naupo sa may pintuan ng bayan (town gate) at naghintay. Dito ginaganap ang kanilang mga legal at criminal proceedings, parang sa korte, para mapagtibay ang mga usapin. Siyempre kailangan din ng mga witnesses, kaya nandoon ang ilang mga kababaryo nila at lalo na ang mga pinunong-bayan. Heto na…dumating na ang lalaki, ni walang pangalan dito, Mr. No-Name, ‘di siya ang bida kaya walang starring role. Sabi ni Boaz, “Maupo ka, kaibigan.” Ganun din sa mga elders ng bayan. Simula na ng usapin. Inaabangan nina Ruth at Naomi kung ano ang kakahinatnan nito. Sino kaya ang magiging redeemer? Sino kaya ang mangangalaga kina Ruth at Naomi at hahango sa kanila mula sa trahedyang sinapit nila?
(3-6) Simula na ng hearing. Sabi niya sa pinakamalapit na kamag-anak, “Heto ang sitwasyon: Si Naomi, yung asawa ng kamag-anak nating si Elimelech, galing sa Moab at ulila na sa asawa, ulila pa sa mga anak. Kaya ipinagbibili niya ang lupa nila para makaahon sila sa kahirapan.” Sa utos na bigay ng Diyos sa Israel sa Leviticus 25:25, kapag ang isang Israelita ay hirap na hirap na sa buhay puwede niyang ipagbili ang kanyang lupa at ang may responsibilidad na tumulong sa kanya ay ang pinakamalapit na kamag-anak. Alang-alang kay Elimelech na kapamilya nila, may responsibilidad silang tulungan si Naomi. Sinabi ni Boaz sa kanilang kamag-anak ang sitwasyon dahil siya ang pinakamalapit, kaya kung tatanggi siya dapat niyang ipaalam kay Boaz agad para siya ang umako sa responsibilidad.
Umoo naman itong lalaking kamag-anak nila at pumayag na bilhin ang lupa. Pero alam na rin nating hindi lang pagkain o financial assistance ang kailangan nitong si Naomi at Ruth. Malaking problema din nila ang pagkakaroon ng pamilyang buo – may asawa at may mga anak. Ito ang gusto ni Naomi para kay Ruth, ito rin ang gusto ng Diyos. May nakasaad din sa kautusan ng Diyos sa Deuteronomy 25 na kapag namatay ang lalaki at naiwan ang asawang walang anak, ang kapatid ng lalaking ito o ang pinakamalapit na kamag-anak ay may responsibilidad na pakasalan ang babae para maipagpatuloy ang pangalan ng pamilya nila. Kaya bahagi ng pagtubos kina Naomi at Ruth mula sa kahirapan ay ang pagpapakasal din kay Ruth. Kaya sinabi ito ni Boaz sa lalaki, “Kung tutubusin mo ang lupa, tutubusin mo rin si Ruth mula sa pagkabiyuda at papakasalan mo siya.” Ang dahilan? Para maipagpatuloy ang pangalan ng namatay na kamag-anak (si Mahlon) sa pamamagitan ng pagkakaroon ng anak na bunga ng kanilang pagsasama.
Dahil sa kundisyong ito, nagbago ang isip nitong lalaki. Ayaw niyang pakasalan si Ruth hindi dahil Moabita o dayuhan siya. Sabi niya kay Boaz, “Ikaw na lang ang tumubos. Itatransfer ko na sa iyo ang karapatan at responsibilidad ko. Dahil kung gagawin ko ito, baka masira ang aking mana.” Hindi ipinaliwanag kung bakit makakaapekto ito sa sarili niyang katayuan sa buhay o kayamanan. Basta ipinakita dito na tinanggihan niya. Ipinakita kung paanong ang Diyos ang may kontrol din sa sitwasyon para mauwi ang kuwento sa ending na gusto niya para kay Ruth. God is writing the love story of Boaz and Ruth. And it is always a beautiful story when we let God be the author of our love story. Hindi iyong ipipilit lang natin kung ano ang gusto natin, kung ano ang nararamdaman natin.
(7-8) Para ipakita ang transfer of right and responsibility para sa pagtubos kay Naomi mula sa kahirapan at kay Ruth mula sa pagkabiyuda, hindi puwedeng salita lang. Dapat legal at may kontrata. Dapat notarized. At sa kanilang panahon ipinaliwanag ng sumulat na ang ginagawa ay ito: “Ito ang kaugalian nang unang panahon sa Israel tungkol sa pagtubos at tungkol sa pagpapalitan upang pagtibayin ang lahat ng mga bagay. Hinuhubad ng isa ang kanyang panyapak at ibinibigay sa kanyang kapwa; at ito ang paraan ng pagpapatotoo sa Israel. Kaya’t nang sabihin ng malapit na kamag-anak kay Boaz, ‘Bilhin mo para sa iyo,’ ay hinubad niya ang kanyang panyapak” (Ruth 4:7-8 Ang Biblia). Ganito rin ang gagawin ayon sa Deuteronomy 25:7-10. Sinunod nila ang patakaran tungkol dito kaya kumpirmado na! Napagtibay nang wala na sa lalaking ito ang karapatan sa pagtubos. Si Boaz na ang kinsman-redeemer!
(9-10) Wala nang legal problem. Kaya puwede nang pakasalan ni Boaz si Ruth. Tulad din ng ipinangako niya. Para ifinalize ang usapan sinabi ni Boaz sa mga saksi, “Kayo ang saksi ko na binili ko kay Naomi ang lahat ng nasa pangalan ni Elimelec, at nina Quelion at Mahlon. Kasama sa bilihang ito ay magiging asawa ko si Ruth, ang Moabitang biyuda ni Mahlon, upang manatili sa angkan ng namatay ang mga ari-arian. Sa pamamagitan nito’y mananatiling buhay ang kanyang pangalan sa hanay ng kanyang kamag-anakan at sa kanyang bayan. Inuulit ko, saksi kayo sa bagay na ito” (Ruth 4:9-10 MBB). Hindi tayo masyadong pamilyar sa mga lenggwaheng ginagamit nila kaya ‘wag nating iisipin na ang pagpapakasal ni Boaz kay Ruth ay parang isang business transaction lang. Hindi ganoon! Obvious sa actions ni Boaz ang pag-ibig niya kay Ruth, ang kabutihan niya sa kanyang pamilya, ang katapatan niya sa kanyang pangako. Ginawa niya ito alang-alang kay Ruth at sa kanyang pamilya.
Nakita rin ng mga tao ang kamay ng Diyos na kumikilos sa buhay nina Boaz at Ruth. Kaya walang tumututol sa kasalan nila. Aprubado ng mga tao. Dahil may blessing ng Diyos, may blessing din ng mga tao. [Read Ruth 4:11-12.] Ang prayer nila para kay Ruth ay maging tulad siya nina Rachel at Leah. Sila ang asawa ni Jacob (Israel) na siyang naging haligi ng bayang Israel. Na kung paanong ang Diyos ang nagbukas ng sinapupunan nila ay siya ring magbukas sa sinapupunan ni Ruth para magkaroon siya ng anak. Alam nilang greater things are still to come sa mag-asawang Boaz at Ruth.
Ang prayer naman nila para kay Boaz ay maging tanyag ang pangalan niya at ang kanilang sambahayan ay maging tulad ng kay Perez at Tamar. Nanggaling kay Perez ang lahi nila Boaz. Si Tamar naman ay isa ring di-Israelita at dayuhang tulad ni Ruth. Confident sila sa prayer nila na bagamat magkaibang lahi ay may gagawing maganda ang Diyos sa pagsasama nila. May blessing ng Diyos, may blessing ng buong bayan, at may isang lalaki at isang babaeng nagmamahalan at handang magcommit na magsasama habang-buhay, kaya…kasalan na!
Finally, we heard the wedding bells. Tantantanan…tantantanan…Ikinasal si Ruth kay Boaz. Ayon sa kalooban ng Diyos, iginagalang din ang tradisyon at kultura nila, at may blessing ng mga tao. May happy ending ang trahedyang sinapit ni Ruth. At ganito rin ang mangyayari sa love story natin kung we will let God take control of our story. Pero kung ipipilit natin ang sarili natin, hindi maganda ang mangyayari. “Ang pag-ibig nga naman, kapag pumasok sa puso ninuman, hahamakin ang lahat masunod ka lamang.” Hindi totoong pag-ibig iyon kapag hinahamak ang kalooban at utos ng Diyos (hal., premarital sex is not an expression of true love), kapag sinusuway ang magulang at hindi sumusunod sa batas ng bansa (pagsasama ng lalaki at babae na ‘di ayon sa batas, o pagtatanan), at walang blessing ng mga tao (kapag kayo lang ang may gustong makasal kayo at halos karamihan ay kontra sa pagsasama n’yo). Ang ending ng love story ni Ruth ay magandang paalala sa mga singles at pati sa mga mag-asawa.
Happy Ending ng Kuwento ni Naomi
Ang happy ending ng kuwento ni Ruth ay happy ending din para kay Naomi. Hindi na siya makakapag-asawa ulit, pero naiahon naman din siya sa kahirapan dahil sa kabutihan ni Boaz. At masaya siya siyempre para sa kanyang manugang na si Ruth, habang hinahatid niya sa altar itong si Ruth at ibigay kay Boaz para mapangasawa. Hindi lang iyon, happy ending ang kuwento niya dahil siya ay nagkaapo na itinuring din niyang sariling anak, bilang kapalit ng pait ng sinapit niya sa pagkamatay ng kanyang dalawang anak na lalaki.
Tulad ng panalangin ng mga tao sa verse 12, ang Diyos nga ang nagkakaloob ng anak. “Pinagdalang-tao siya ni Yahweh” (Ruth 4:13). Ang desisyon kung magkakaanak ang mag-asawa ay wala sa biology o medical technology kundi nasa pasya ng Panginoon. Kapag sinabi niyang magkakaanak kayo, maghintay man kayo ng ilang tao, tiyak iyon. Pero kung loloobin niyang hindi kayo magkaanak na galing sa iyong sinapupunan, pasya din ng Panginoon iyon. Nagpasya ang Diyos na magsilang si Ruth ng isang sanggol.
Blessing ito ng Diyos hindi lang sa mag-asawa kundi pati rin kay Naomi. Nakita ito ng mga tao kaya’t nagpuri sila sa Panginoon na siyang bumaligtad sa mapait na sitwasyon ni Naomi, ang pait naging pagpapala, ang lungkot naging kasiyahan, ang kakulangan naging kasaganaan. Sabi nila:
Purihin ang Panginoon na hindi ka pinabayaan sa araw na ito na mawalan ng isang malapit na kamag-anak. Maging bantog nawa ang kanyang pangalan sa Israel.
Siya sa iyo’y magiging tagapagpanumbalik ng buhay, at tagapag-alaga sa iyong katandaan; sapagkat ang iyong manugang na babae na nagmamahal sa iyo, na para sa iyo ay higit pa kaysa pitong anak na lalaki, ay nagsilang sa kanya (Ruth 4:14-15).
(16-17) Dahil “ang mga apo ay korona ng mga matatanda” (Prov. 17:6 Ang Biblia), tuwang-tuwa si Naomi nang makita ang kanyang apo. Kinarga at may tears of joy na pumapatak sa kanyang mga mata na naramdamang ang hawak niya ay parang kanyang sariling anak. Ang ipinalit ng Diyos kay Naomi ay higit pa sa nawala niyang asawa at dalawang anak. Nakita ito ng mga tao kaya nasabi nilang parang nagkaroon ng sariling anak si Naomi. Yes, there is a happy ending sa kuwento ng buhay ni Naomi.
Ganoon din sa lahat ng mga mag-asawang hanggang ngayon ay wala pa ring anak. Sa mga mag-asawang iniwan na ng kanilang mga anak. Sa mga biyuda, biyudo o mga single parents. Sa lahat ng nakakaramdam ng kakulangan sa inyong pamilya, hindi pa tapos ang Diyos. Merong happy ending. Paano tayo makatitiyak dun? Bakit natin masasabing hindi lang ito basta “thinking positive” o “wishful thinking”? Paano tayo makatitiyak na may pag-asa, may happy ending sa buhay ng lahat ng mga anak ng Diyos?
Happy Ending ng Kuwento ng Israel
Dahil ito rin ang nakita ng mga unang bumasa ng kuwentong ito, ilampung taon pagkatapos na mangyari ang kuwento ng Ruth, sa panahong may hari na sa Israel, sa panahong nakita nila ang paghahari ng Diyos sa Israel sa pamamagitan ni Haring David, “the man after God’s own heart.” Hindi natin basta puwedeng laktawan lang o hindi pansinin ang mga huling talata sa Book of Ruth. Ito ang susi para malaman natin ang isa sa pinakamahalagang layunin bakit ito isinulat:
At tinawag nila ang pangalan niya na Obed. Siya ang ama ni Jesse na ama ni David. Ito ang mga salinlahi ni Perez: naging anak ni Perez si Hesron; naging anak ni Hesron si Ram, naging anak ni Ram si Aminadab; naging anak ni Aminadab si Naashon, naging anak ni Naashon si Salmon: naging anak ni Salmon si Boaz, naging anak ni Boaz si Obed; naging anak ni Obed si Jesse, at naging anak ni Jesse si David. (Ruth 4:17b-22 Ang Biblia)
Meron bang happy ending ang bansang Israel sa panahon ng mga judges? Meron. Nakita ng mga Israelita na ang kuwento ng bansang Israel ay hindi nagtapos sa panahon ng mga judges. The darkest period in their nation’s history was followed by one of the brightest sa pagdating ni Haring David. Naging secured ang bansa nila, pinagpala ng Diyos, inilapit sa kanya sa pamamagitan ng totoong pagsamba, at maganda ang naging epekto sa bawat pamilya. Nangyari ito dahil sa pagkilos ng Diyos kay Haring David, dahil sa pagkilos ng Diyos sa great-grandparents ni David na sina Ruth at Boaz. God’s concern in the book of Ruth ay hindi lang happy ending ng kuwento ng isang pamilya, kundi ng buong bansa.
Pero siyempre alam din nating hindi kay David ang happy ending ng story ng bansa nila. Kundi sa “anak ni David” na dumating paglipas ng isanlibong taon. Nagsimula ang Bagong Tipan sa aklat ni Mateo, ang Mateo sa “genealogy” ni Cristo (1:1-17), “Ito ang aklat ng lahi ni Jesu-Cristo, na anak ni David, na anak ni Abraham” (1:1). Jesus is the Son of David, the true kinsman-redeemer. Tunay na Diyos pero nagkatawang tao at namuhay bilang isang Israelita, isang malapit na kamag-anak. Malinis at perpekto ang pagsunod sa kalooban ng Diyos, nagmamahal sa kapakanan ng mga Israelita, tumupad sa kanyang pangako. Na siyang tutubos at hahango sa bansang Israel kung sila ay sasampalataya at makikipag-isa sa kanya tulad ng pag-iisang dibdib ng mag-asawa.
Happy Ending ng Kuwento ng Buong Mundo
At siyempre alam nating hindi lang ito magiging happy ending sa bansang Israel, kundi sa buong mundo rin. Meron bang happy ending ang buong mundo? Oo, meron. Jesus Christ is the redeemer not just of Israel, but also of the whole world. Pansinin ninyo sina Ruth at Tamar na nasa lahi ni Cristo (Matt. 1:3, 5) – pareho silang babaeng di-Israelita. Sa simula pa lang bahagi na ng plano na Diyos na kasali ang mga di-Israelita na tutubusin ng Panginoong Jesus. Jesus will not just save his people from their sins (Matt. 1:21), he is also the Lamb of God who takes away the sins of the world (John 1:29).
Happy Ending ng Kuwento ng Buhay Natin
Hindi nga tayo Israelita, pero kasama tayo sa “the world” na ililigtas ng Panginoong Jesus. And that’s the happy ending na gusto ng Diyos na maranasan natin – ang kaligtasang galing kay Cristo. Kaya kung tatanungin natin, meron bang happy ending ang buhay ng bawat isa sa atin, tiyak natin ang sagot kung tayo ay kabilang sa mga iniligtas at ililigtas ni Jesus.
Isa sa masayang karanasan ng pagpapastor ay ang makita, makausap, makakuwentuhan ang mga taong nakaranas man ng trahedya sa pamilya ay meron din happy ending. Meron sa inyo ngayon na masayang-masaya kasi muntik na kayong iwan ng asawa n’yong nasa abroad at ipagpalit sa iba pero nakita n’yong hindi iyon ang ending ng pagsasama n’yo. God heals marriages! Ang iba sa inyo iniwan na ninyo ang asawa n’yo pero binalikan pa rin. Some of you have a happy ending now sa pamilya ninyo.
Pero hindi lahat. You can stay single for the rest of your life. Maaaring ang asawa mong iniwan ka para sa ibang babae ay hindi na bumalik. Maaaring ang ipinapanalangin n’yong anak ay hindi ibigay ng Diyos. Maaaring ang pinapangarap mong aruga ng nanay at gabay ng tatay ay hindi mo na maranasan. Maaaring ang anak mo ay manatiling rebelde at lulong sa bisyo kahit anong gawin mong panalangin. Ibig sabihin ba na mali pala ang inaasahan natin, na binigo tayo ng Diyos, na gusto ng Diyos na masira ang pamilya natin? Hindi! Sinasabi niyang iba ang happy ending na nasa isip niya kaysa sa iiniisip mo. He has the happiest ending for you. Your best life is not now, but later. He will show himself through the tragedies of life. Ipapakita n’yang ang happy ending natin hindi makikita sa asawa, anak o mga bagay dito sa mundo. Our happy ending is God himself, at kapag dumating muli si Jesus makikita natin ‘to. This is our hope.
Sa Ruth chapter 1 nakita nating gumagawa ang Diyos sa buhay natin kahit sa panahon ng trahedya o problema sa pamilya. Sa chapter 2 nakita nating sagana ang kabutihan ng Diyos sa lahat ng oras. Sa chapter 3 nakita nating mapanghahawakan natin ang mga pangako ng Diyos. Dito naman sa chapter 4 at sa koneksiyon nito sa plano ng Diyos sa kasaysayan, nakita nating ang layunin ng Diyos na ilapit tayo sa kanyang Anak na si Jesus. Ang nais sabihin sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng Ruth ay ito: Panghawakan natin ang pangako ng Diyos na siya’y patuloy na gumagawa para sa ikabubuti ng kanyang mga anak – at ang pinakamabuti sa lahat ay ilapit tayo sa kanyang Anak na si Jesus. Ito ang ating pag-asa. Ito ang pag-asa ng bawat pamilya. Ito ang pinakahihintay natin. Tulad nga ng sabi ni Pablo sa Romans 8:25, 28-29 (ESV):
If we hope for what we do not see, we wait for it with patience…we know that for those who love God all things work together for good, for those who are called according to his purpose…(What good? What purpose?) to be conformed to the image of his Son.
1 Comment