Series: Prayer Rocks the World
June 28, 2009
Matthew 6:5-13 (ESV)
And when you pray, you must not be like the hypocrites. For they love to stand and pray in the synagogues and at the street corners, that they may be seen by others. Truly, I say to you, they have received their reward. But when you pray, go into your room and shut the door and pray to your Father who is in secret. And your Father who sees in secret will reward you. And when you pray, do not heap up empty phrases as the Gentiles do, for they think that they will be heard for their many words. Do not be like them, for your Father knows what you need before you ask him. Pray then like this: “Our Father in heaven, hallowed be your name. Your kingdom come, your will be done, on earth as it is in heaven. Give us this day our daily bread, and forgive us our debts, as we also have forgiven our debtors. And lead us not into temptation, but deliver us from evil.
[pagkatapos ipalabas ang video ng batang kumakanta ng Lord’s Prayer] Simula ngayon hanggang sa mga susunod na Linggo, pagtutuunan natin ng pansin ang mensahe ng The Lord’s Prayer. Kung titingnan natin ang isang dalawang-taong bata na umawit nito, may isang aspeto dito na hindi natin dapat tularan ang batang ito sa panalangin. Malamang ay hindi niya alam ang kanyang sinasabi. Tinuruan lang siya ng kanyang ina na awitin ito ngunit di nya talaga naiintindihan. Sa panalangin, ‘di tayo dapat katulad ng isang batang ‘di alam kung ano ang sinasabi niya.
May isang aspeto naman na dapat natin tularan ang batang ito. Nagsisimula pa lamang siyang matutong magsalita at umunawa. Ganun din sa panalangin, hindi natin matututunan ang panalangin kung hindi natin sisimulang gawin ito, hindi man natin lubos na nauunawaan ang lahat. We are all beginners pagdating sa prayer. The right way to learn about prayer is to pra and not just hear sermons on prayer. Dalangin ko na nagkaroon ng development sa inyong prayer life sa mga nagdaang linggo, hindi lang sa development sa pagkaunawa ninyo tungkol sa prayer.
Dalawang linggo na ang nakakaraan nang pag-aralan natin ang Mateo 6:5-6. Nakita natin dito ang kahalagaan ng isang personal na relasyon sa Diyos kung tayo’y nakikipag-usap sa kanya sa panalangin. Hindi tayo dapat tulad ng mga mapagpakunwari na parang artista lang kung manalangin. Mas mahalaga sa kanila na makita ng ibang tao ang kanilang pagiging relihiyoso. Ang gantimpala lang nila ay ang pagtanggap at papuri ng tao ngunit di sila dapat umasa sa pagtanggap ng Diyos. Ang tamang panalangin ay iyong panalanging iniaalay sa Diyos lamang, nag-iisa man o kasama ang iba sa panalangin. Diyos lamang ang kausap. Hindi nagpapasikat. Hindi ipinaparada ang prayer life. Praying with sincerity. ‘Yan ang panalanging binibigyan ng malaking gantimpala ng Panginoon.
Sa vv. 5-6, sinabihan ni Cristo ang mga taong nakikinig sa kanya na ‘wag tumulad sa mga mapagpanggap tulad na mga relihiyosong Judio at mga Fariseo. Sa vv. 7-8, ginawa naman niyang bad example ang Hentil (mga lahing hindi nakakakilala sa tunay na Diyos) sa panalangin dahil nagiging katulad na rin nila ang mga ito sa panalangin.
At sa pananalangin ay huwag kayong gumamit ng walang kabuluhang paulit-ulit, na tulad ng ginagawa ng mga Hentil, sapagkat inaakala nilang sila ay pakikinggan dahil sa marami nilang salita. Huwag nga kayong tumulad sa kanila, sapagkat alam na ng inyong Ama ang mga bagay na inyong kinakailangan, bago pa kayo humingi sa kanya. (Ang Biblia)
Sa vv. 5-6 nakita natin ang pagkakaiba ng hypocritical (mapagkunwari) prayer at sincere (tapat) prayer. Maikukumpara ito sa mga politikong tumutulong sa mga mahihirap para mapansin lamang ng mga botante ngunit hindi naman totoo at tapat ang kanilang ginagawa. Mahalaga sa panalangin ang tamang puso, tamang motibo. Ngayon naman ay titingnan natin ang pagkakaiba ng meaningless (walang kabuluhan) prayer at meaningful (makabuluhan) prayer. May kinalaman ito sa sinasabi natin sa prayer natin. Gayundin, may kinalaman din ito sa puso ng nananalangin. Prayer is more than the words we say; it reflects the attitude of the one praying.
Meaningless Prayer: Ritualistic and Mechanical
Walang kabuluhan ang panalanging ginagawa lamang dahil bahagi ng isang ritwal o kaya’y sinasabi lang bilang isang pormula sa isang tiyak na sagot sa panalangin. Walang kabuluhan yan. Sabi ni Jesus, “At sa pananalangin ay huwag kayong gumamit ng walang kabuluhang paulit-ulit.” Ang katagang “gumamit ng walang kabuluhang paulit-ulit” ay galing sa isang salitang Griyego na battalogeo (dito lamang ginamit sa Bagong Tipan) na ang kahulugan ay “magsalita sa paraang katulad ng isang nauutal o nabubulol sa pagsasalita.” Parang ganito yung kaibigan ko nung highschool. Kapag tatanungin ng teacher sa klase, paulit-ulit niyang sinasabi ang isang salita bago masabi yung susunod. Tumutukoy din ito sa “pagsasalita na ‘di iniisip ang kanyang sinasabi.” Maaari din itong tumukoy sa “pagsasalita na tulad ng isang sanggol” o “magsalita nang walang sense.” Hindi naiintindihan ang sinasabi. Sa panalangin, ito ay maaaring tumukoy sa paulit-ulit at mahabang panalangin. “Inaaakala nilang sila ay pakikinggan dahil sa marami nilang salita.” Maaaring ang mga sinasabi ay naiintindihan ng ibang tao ngunit wala itong kwenta sa pandinig ng Diyos dahil hindi galing sa puso at hindi alam ang sinasabi.
Ang panalanging ito ay “tulad ng ginagawa ng mga Hentil.” Natutunan ito ng mga Judio sa mga Hentil. Akala nila’y makatutulong ito sa prayer life nila. Ngunit nagkakamali sila. Ganito ang klase ng panalangin ng mga propeta ni Baal sa 1 Hari 18:25-29:
Pagkatapos ay sinabi ni Elias sa mga propeta ni Baal, “Pumili kayo ng isang baka para sa inyo, at una ninyong ihanda sapagkat kayo’y marami. Tawagin ninyo ang pangalan ng inyong diyos, ngunit huwag ninyong lagyan ng apoy.” Kanilang kinuha ang baka na ibinigay sa kanila, kanilang inihanda, at tumawag sa pangalan ni Baal mula umaga hanggang tanghaling tapat, na nagsasabi, “O Baal, dinggin mo kami.” Ngunit walang tinig at walang sumasagot. At sila’y lumukso sa palibot ng kanilang ginawang dambana. Nang tanghaling tapat na, nilibak sila ni Elias, na sinasabi, “Sumigaw kayo ng malakas, sapagkat siya’y isang diyos; baka siya’y nagmumuni-muni, o nananabi, o nasa paglalakbay, o baka siya’y natutulog at kailangang gisingin.” At sila’y nagsisigaw ng malakas, at sila’y naghiwa sa kanilang sarili ng tabak at mga patalim ayon sa kanilang kaugalian hanggang sa bumulwak ang dugo sa kanila. Nang makaraan ang tanghaling tapat, sila’y nagngangawa hanggang sa oras ng paghahandog ng alay sa hapon, ngunit wala kahit tinig, walang sumasagot, walang nakikinig.
Nang si Pablo ay nasa Efeso ay nagkaroon ng kaguluhan ang maraming mga tao doon. “Sa loob ng halos dalawang oras silang lahat ay nagsigawan na may isang tinig, ‘Dakila si Artemis ng mga taga-Efeso’” (Gawa 19:34)! Maraming Budista ang nagpapaikot ng mga “wheels” na may mga nakasulat na prayers, at naniniwalang bawat ikot ng “wheel” ay nagpapadala ng prayer sa kanilang diyos. Ang mga Romano Katoliko ay nagsisindi ng mga “prayer candles” sa paniniwalang ang kanilang kahilingan ay magpapatuloy na umakyat nang paulit-ulit sa Diyos hangga’t nakasindi ang kandila. Ang mga rosaryo ay ginagamit para paulit-ulit manalangin ng Hail Mary at Our Father. Ito ay galing sa ritwal ng mga Budista. Ang ilang mga “charismatic groups” sa panahon ngayon ay inuulit-ulit ang mga salita hanggang maging emosyonal na ang pagtitipon.[1]
Sila lang ba ang may ganitong problema? Di ba tayo din ay naimpluwensyahan ng maling paraan ng pananalangin. Ilan ba sa atin ang nananalangin bago kumain, pagkagising, bago matulog na parang kasama na sa ritwal natin ngunit malayo na ang puso natin sa ginagawa natin? Hindi ba’t bahagi ng ritwal natin ang pag-awit ng mga “worship” songs na hindi naman talaga nakaayos ang puso natin sa pagsamba at panalangin? Bawat program dapat may “opening prayer” at “closing prayer.” Bago magmeeting ganun din. Mag-ingat po tayo baka ganito na rin ang ugali natin sa prayer. Ritwal na lang. Mekanikal na lang. Pakinggan ang sabi ni Cristo, “Huwag nga kayong tumulad sa kanila.”
Bakit walang kabuluhan ang ganitong klaseng panalangin?
1. Dahil hindi nakukuha sa dami ng salita ang atensyon ng Diyos. Sapagkat inaakala nilang sila ay pakikinggan dahil sa marami nilang salita. The longer, the better. Wala ‘yan sa haba ng panalangin. Nasa laman ‘yan ng panalangin. Akala nila’y madadaan sa magaganda at mahahabang salitaan ang Diyos. Nagkakamali sila. Hindi pwedeng bolahin ang Diyos. Hindi pwedeng pilipitin ang kamay para makuha kung ano ang gusto natin. Ilan sa atin ang naloko na ng mga mambobolang salesman na ang galing magpromote ng produkto nila pero nung nabili mo na at ginamit, hindi pala ganun. Hindi pwedeng daanin sa salita ang Diyos. Kung akala mong ganyan ang Diyos natin, iba ang kausap mo sa prayer mo. Hindi Diyos ng Biblia yun. Kaya walang kwenta ang panalangin mo.
Wag kang mag-alala kung hindi ka magaling magsalita. Di kailangan ng pagalingan sa prayer. Ang kailangan ay sabihin mo sa kanya ang laman ng puso mo. Di man maintindihan ng tao ang sinasabi mo, kung galing naman ito sa puso, maiintindihan ‘yan ng Diyos. Kung ma-assign ka na magpray in public wag kang matakot kasi hindi naman tao kakausapin mo, kundi ang Diyos. He doesn’t care about grammar and sentence construction. He cares about the language of our hearts, the simplicity of sincere prayers.
Masama ba ang paulit-ulit at mahabang panalangin? Hindi! Ang hindi nararapat ay manalanging paulit-ulit na nag-aakalang sasagutin ang panalangin dahil sa kakulitan o dami ng salita. Ang sagot sa dalangin ay hindi dahil sa paulit-ulit kundi dahil sa pusong nagtitiyaga sa panalangin. ‘Yan ang punto ng talinghaga ni Cristo sa Lukas 18:1-8, “kung paanong sila’y dapat manalangin at huwag manlupaypay” (18:1). Hindi masamang humiling sa isang bagay na paulit-ulit. Ang masama ang walang kwentang paulit-ulit. Tungkol sa “tinik sa laman” na ibinigay ng Diyos kay Pablo, sabi niya, “Tatlong ulit akong nanalangin sa Panginoon tungkol dito na lumayo sana ito sa akin” (2 Cor. 12:8). Nang manalangin si Cristo para sa kalooban ng Diyos bago siya ipako sa krus, siya ay “nanalangin sa ikatlong pagkakataon na sinasabi ang gayunding mga salita” (Mat. 26:44).
Ang panalangin ay parang nanliligaw. Bago sagutin ng isang babae ang lalaki, gusto niyang makita na matiyaga ito at tapat sa kanyang panliligaw. Kaya kung kailangang paulit-ulit na manuyo sa nililigawan gagawin ito ng lalaki. Kung seryoso siya sa ginagawa niya, maghihintay siya kahit paulit-ulit siyang humihiling. Gayundin sa panalangin. Paulit-ulit na may katiyagaan at kaseryosohan. Hindi isang pormula katulad ng pagsolve ng isang problem sa math na basta alam mo ang pormula makukuha mo na ang sagot. Dahil ang pinag-uusapan dito ay hindi tulad ng negosasyon sa isang negosyo o transaksyon sa bangko, kundi relasyon sa Diyos. What are you praying for today? Seryoso ka ba sa prayer mo? Matiyaga ka bang maghihintay na sagutin ito? Tandaan natin, hindi sa dami ng salita makukuha ang sagot sa dalangin. Kundi sa pamamagitan ng tapat na puso na nakaayon sa kalooban ng Diyos.
2. Dahil alam na ng Diyos ang iyong hihilingin bago mo pa man ito sabihin. “Huwag nga kayong tumulad sa kanila, sapagkat alam na ng inyong Ama ang mga bagay na inyong kinakailangan, bago pa kayo humingi sa kanya.” Hindi kailangan ng Diyos ang mga detalye sa panalangin natin. Hindi niya hinihingi ang opinyon natin. Ang gusto niyang marinig ay ang naisin ng puso natin, ang mga dalahin natin, ang mga daing natin, ang mga kahilingan natin. Alam na niya ang lahat, hindi kailangan ang maraming salita para kumbinsihin siya na tulungan tayo. “Bago pa man magkaroon ng salita sa dila ko, O Panginoon, lahat ng iyon ay alam mo” (Awit 139:4).
Kung alam na niya, bakit pa tayo mananalangin? Bakit hindi na lang ibigay niya ang kailangan natin, alam naman niya di ba? Sa totoo lang, hindi ko alam ang exact answer dyan. Mahiwaga pa rin ang panalangin kung paano ito nakapag-uudyok sa Diyos na kumilos bilang tugon dito, bagamat siya ang Diyos na “sovereign,” gagawin lahat ng naisin niya. Gayunpaman, alam natin na ang panalangin ang nais niyang gawin natin, bilang paraan ng pakikipag-ugnayan natin sa kanya. Siya ang ating Ama. Tayo ang kanyang mga anak. Tulad ng isang anak na lumalapit sa kanyang Ama, gayon ang nais ng Diyos na relasyon natin sa kanya. Prayer is not about getting what we want but going deeper in our relationship with God. Sabi ni John Stott, “The purpose of prayer is not to inform or persuade God, but to come before Him sincerely, purposely, consciously, and devotedly.”[2]
Nung pumunta ko sa doktor, kailangang sabihin ko sa kanya kung ano ang nararamdaman ko bago nya ako matulungan sa sakit ko. Kung anong tests ang gagawin, at kung anong gamot ang irereseta. Sa paglapit ko sa Diyos, kailangan ko lang sabihin sa kanya kung ano ang kahilingan ko. “Panginoon, pagalingin mo po ang nanay ko. Ipakita mo po ang iyong pag-ibig at iyong kapangyarihan sa kanya.” Hindi mo na kailangang sabihin kung gaano kagrabe ang sitwasyon. Alam na niya yun.
Tama ang popular na pastor mula sa England na si Martyn Lloyd-Jones, “Gusto ng Diyos na mapagtanto natin kung sino Siya, at mapagtanto ang ating lubos na pananangan sa Kanya. Hindi Niya kailangan ang ating mga opinyon at ating panlabas at mekanikal na mga gawa. Gusto Niya na tumawag tayo sa Kanya, na hanapin ang Kanyang kaligtasan.”[3]
Meaningful Prayer: The Lord’s Prayer
Ano ngayon ang makabuluhang panalangin? Sabi ni Jesus sa v. 9, “Manalangin nga kayo nang ganito…” Hindi ibig sabihin na ito na lang palagi ang ipapanalangin natin. Kung magkagayon baka maging ritualistic at mechanical ulit ang prayers natin. Ang panalangin natin dapat ay katulad nito. Maganda ring kabisaduhin at banggitin ito sa panalangin ngunit dapat tapat sa puso natin ang pagbigkas nito. Ito na ang tinatawag nating The Lord’s Prayer:
Ama naming nasa langit, sambahin nawa ang pangalan mo. 10Dumating nawa ang kaharian mo. Masunod nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayundin naman sa lupa. 11Bigyan mo kami ngayon ng aming pagkain sa araw-araw. 12At patawarin mo kami sa aming mga utang, gaya rin namin na nagpapatawad sa mga may utang sa amin. 13At huwag mo kaming dalhin sa tukso, kundi iligtas mo kami sa masama. (Mat. 6:9-13)
Dahil sa lawak ng panalanging ito, wala tayong panahon para pag-aralang lahat ito ngunit nais ko lang banggitin kung bakit sa pamamagitan ng panalanging ito ay magkakaroon ng kabuluhan ang panalangin natin. Dahil ito’y makabuluhan, sigurado tayong kalulugdan ito ng Diyos. What makes this prayer meaningful and, therefore, God-centered?
1. Itinutuon nito ang pansin natin sa Diyos na siya lamang dapat kausap sa panalangin. “Ama naming nasa langit.” Ang Diyos ang kausap natin sa panalangin. Hindi ang mga tao. It is personal communion with God, not a public display of our religion.
2. Nagbibigay ito ng mataas na pagtingin sa Diyos. “Ama naming nasa langit.” Siya ang ating Ama. Napakalaki ng pag-ibig at pagmamahal niya sa kanyang mga anak. Siya ay “nasa langit” at siyang makapangyarihang tagapamahala ng sanlibutan. Sa kanya tayo humihiling. Siya ang tumutugon sa dalangin natin.
3. Ipinapaalam nito sa atin ang mga bagay na dapat ipanalangin. Hindi kung anu-ano lang. Tinatawag ko itong 6 GPs ayon sa anim na kahilingan sa panalanging ito.
a) Pray for God’s grand purpose: “Sambahin nawa ang pangalan mo.”
b) Pray for God’s global program: “Dumating nawa ang kaharian mo.”
c) Pray for God’s good pleasures: “Masunod nawa ang kalooban mo.”
d) Pray for God’s generous provisions: “Bigyan mo kami ngayon ng aming pagkain sa araw-araw.”
e) Pray for God’s gracious pardon: “Patawarin mo kami sa aming mga utang.”
f) Pray for God’s guaranteed protection: “Iligtas mo kami sa masama.”
4. Ipinapakita nito ang tamang prayoridad sa panalangin. Ang para sa Diyos muna bago ang para sa atin. Hindi lang hingi nang hingi nang kung anu-ano para sa sariling kagustuhan, kundi ayon sa kagustuhan ng Diyos. Ang unang tatlong hiling ay may kinalaman sa mga bagay na para sa Diyos: “Pangalan mo…kaharian mo…kalooban mo.” Ang huling tatlo ay may kinalaman naman sa pansariling mga pangangailangan natin: “Bigyan mo kami…patawarin mo kami…Iligtas mo kami…”
5. Binibigyan tayo nito ng mas malawak na pananaw sa malaking plano ng Diyos sa buong mundo. “…kung paano sa langit, gayundin naman sa lupa.” Hinihiling natin ang biyaya ng langit na ibuhos sa buong mundo. Madalas kasi’y maliit lamang ang sakop ng panalangin natin.
6. Tinatanggal nito ang pagkamakasarili sa panalangin. Ito ay panalangin hindi lamang para sa sarili kundi para din naman sa iba. “Ama namin…bigyan mo kami… patawarin mo kami…Iligtas mo kami…” Hindi “Ama ko…bigyan mo ako…patawarin mo ako…Iligtas mo ako…”
Kapag naririnig natin ang Lord’s Prayer na nirerecite sa mga simbahan o ng ibang tao, hinuhusgahan agad natin na hindi dapat ganun ang prayer. Totoong hindi dapat paulit-ulit na ritwal at wala sa puso. Ngunit mali naman tayo kung sasabihin nating hindi natin dapat gamitin ang panalanging ito. We also need to memorize it like any other part of Scriptures. At kung ipapanalangin natin ito, gagawin natin na may sincerity.
Mahalagang matutunan natin ang The Lord’s Prayer dahil ito ang magbibigay kahulugan sa ating panalangin. Ito ay nakalulugod sa Diyos. At kung ito ay nakalulugod sa Diyos, mararanasan natin ang kapangyarihan ng Diyos sa sagot niya sa ating mga panalangin. Simulan nating ipanalangin ito kahit hindi pa man natin lubos na nauunawaan ang kahulugan nito. Gaya ng isang sanggol na nag-aaral pa lamang magsalita, simulan natin itong pag-aralang ipanalangin at darating ang araw magiging sanay na tayo sa panalanging itinuturo ni Cristo.
[1] John A. Broadus, Matthew (Valley Forge, PA: Judson, 1886), 130.
[2] John Stott, Christian Counter-Culture: The Message of the Sermon on the Mount [Downers Grove, IL: InterVarsity, 1978), 145.
[3] Martyn Lloyd-Jones, Seeking the Face of God: Nine Reflections on the Psalms (Wheaton, IL: Crossway, 2005), 41.