Jesus Declares the Kingdom of God

Preached by Derick Parfan on Oct.21, 2012 at Baliwag Bible Christian Church

Signs Useless for the Blind

Isipin mo kung isang araw, nagkaroon ka ng bisita sa bahay. Pero noon mo lang siya nakita. Sabi niya matagal mo na daw siyang hinihintay. Na walang saysay ang buhay mo kung hindi mo siya makikilala at patutuluyin sa bahay. Ha? Medyo nagtataka ka ngayon. Lalo na kung sabi niya sa iyo, kapag pinatuloy mo siya sa bahay, siya na ang may-ari, siya na ang masusunod kung ano ang ayos ng bahay. Ha? Parang nagdadalawang-isip ka na ngayon. May sira ata sa ulo to? Noong araw na iyon, malubha ang sakit ng anak mo, hinawakan niya ang kamay, tapos gumaling agad. Maya-maya, nabalitaan mong naaksidente ang asawa mo, pinuntahan n’yo sa ospital. Isang buwan na siya sa ospital. Tapos sa laki ng gastos ala na kayong natirang pera. Wala nang pambili ng pagkain. Pero laking gulat mo na dahil sa naging bisita mo, hindi nauubusan ng laman ang ref n’yo.

Tapos isang araw nabalitaan mong namatay na ang asawa mo. Sabi sa iyo noong lalaki, wag kang mag-alala. Sabi niya sa asawa mo pagpunta n’yo sa morgue, “Bumangon ka.” At nabuhay ang asawa mo. Ngayon tinanong mo siya, “Sino ka?” Sabi niya, “Matagal ko nang sinabi sa iyo, ayaw mo lang agad maniwala. Ako ang Dios mo. Ako ang Hari at Panginoon mo. Ako ang lumikha sa iyo at muling magbabalik ng buhay mo kung magtitiwala ka lang sa akin at hahayaang ako na ang masunod sa buhay mo.” Maniniwala ka ba sa kanya? Susunod ka ba sa kanya?

Ganito rin ang nakita ng mga Judio sa pagdating ni Jesus. Nakita na natin last week, Jesus displays kingdom power. Pinatunayan niya sa pamamagitan ng mga himala na siya ang Dios na nagkatawang tao, na siya ang ipinangakong Mesias at Tagapagligtas. Miracles were signs pointing to the identity of Jesus. Na siya ang pinanggagalingan ng buhay. Na siya ang makapagpapatawad ng kasalanan. Na siya ang may kapamahalaan sa lahat ng bagay. Naniwala ba ang lahat ng tao sa kanya? Hindi. Kasi ang mga senyales may kabuluhan lang kung makikita mo. Pero kung bulag ka, kahit iharap sa iyo iyon, balewala. O kung makita mo man, tapos sa ibang direksiyon ka naman pumunta, may tama na ang ulo mo.

Jesus Rejected by the Pharisees

Tingnan natin ang ilan sa mga pangyayari sa buhay ni Jesus kung saan makikita nating may mga taong tulad ng mga Pariseo na kahit malinaw na ang ebidensiya tungkol kay Jesus, patuloy na nagbubulag-bulagan at nagmamatigas. Galing ito sa Matthew 5 and 12.

Bagamat marami nang tao ang humahanga kay Jesus dahil sa kanyang husay sa pagtuturo ng salita ng Dios at may kasama pang mga himala, may mga tao ring kontra sa kanya at nagagalit tuwing maririnig at makikita siya. Pangunahin dito ang mga Pariseo, isang grupo ng mga relihiyosong Judio na istrikto sa pagsunod sa kautusan at marami pang ibang tradisyon.

Minsan kasi habang nagtuturo si Jesus, sabi niya, “Huwag n’yong tularan ang mga Pariseo at mga tagapagturo n’yo. Kung gusto n’yong makapasok sa kaharian ng Dios, dapat higitan n’yo ang kanilang katuwiran, na puro panlabas lang. Naparito ako hindi para balewalain ang kautusan kundi tuparing lahat ito.” Sa pagtuturo ni Jesus, ipinaliwanag niya ang tunay na kahulugan ng mga kautusan at kung paano mamuhay ang sinumang nasa ilalim ng paghahari ng Dios.  

Isa pa sa ikinagagalit ng mga Pariseong ito ay ang pagpapagaling ni Jesus tuwing araw ng Sabbath o Pamamahinga. Nang pumasok si Jesus sa bahay-sambahan ng mga Judio, may isang lalaki roon na paralisado ang kamay. Tinanong siya ng mga Pariseo, “Ayon ba sa Kautusan na magpagaling ng sakit kapag Araw ng Pamamahinga?” Sinabi ni Jesus sa lalaking paralisado ang kamay, “Iunat mo ang kamay mo.” At gumaling nga ito. Lumabas naman ang mga Pariseo at nagplano kung paano nila ipapapatay si Jesus.

Minsan may dinala ang mga tao kay Jesus na isang lalaking bulag at pipi na sinasaniban ng masamang espiritu. Pinagaling siya ni Jesus at agad na nakakita at nakagpagsalita. Namangha ang lahat at sinabing, “Ito na nga kaya ang Anak ni David?” Pero ang mga Pariseo, sinabi nila, “Kay Satanas galing ang kapangyarihan niyang magpalayas ng masasamang espiritu!”

Simula noon, kahit pa humiling sa kanya ang ilang mga Pariseo at tagapagturo ng kautusan na magbigay siya ng tanda na magpapatunay na siya nga ang Mesias, sinabi niya sa kanila, “Wala nang himalang ipapakita sa inyong henerasyong masasama at mga hindi tapat sa Dios!”

Ang tugon ng mga Pariseo ay ang tipikal na magiging tugon ng buong Israel sa pagdating ni Jesus. Dahil sila ang mga leader, ang buong bansa ay sunud-sunuran din sa kanila. If the Pharisees reject the kingdom of Christ, the whole nation also rejected the kingdom. Except a few of his disciples. At ganito naman ang tugon ng tao simula’t simula pa. Sa panahon ni Moises, napakaraming himala ang nakita nila mula sa Dios. Sumunod ba sila at nagtiwala? Hindi di ba? Sa panahon ni propeta Elijah, maraming miracles din, pero di pa rin nagbalik-loob sa Dios ang mga tao.

Ito rin ang problema ng mga Pariseo. Pinaratangan si Jesus na lumalapastangan sa Dios samantalang siya mismo ang Dios. Na lumalabag sa kautusan gayong naparito siya para tuparin ang lahat ng utos ng Dios. Na ang kapangyarihan ni Satanas ang nasa kanya samantalang naparito siya para puksain ang gawa ng diyablo. Nabaligtad. Wala sa katotohanan. Humihingi pa ng tanda, samantalang nakita na nila ang tanda. Hindi lang naniwala. Dahil hindi nila matalikuran ang sarili nilang tradisyon, ang nakagawiang relihiyon, dahil di sila makapagpakumbaba at patuloy na nagmamataas at nagmamarunong.

Ito rin ang nananatiling problema marahil ng ilan sa inyo. Ilang ulit na ninyong naririnig ang mensahe ni Jesus. Hanggang ngayon, di pa rin n’yo maiwan ang nakalakihan n’yong relihiyon na alam na ninyo ngayong taliwas sa turo ni Jesus. Hanggang ngayon, pilit ang ilan sa inyo sa pagsusumikap na tuparin ang mga utos para maligtas samantalang sabi ni Jesus na siya ang gumawa na noon para sa atin. Na siya lang ang Tagapagligtas, hindi relihiyon o gawa natin.

Different Responses to the Kingdom

Bakit ganoon? Bakit religious naman itong mga Pharisees bakit di sila tanggap sa kaharian ng Dios? Bakit iba-iba ang tugon ng mga tao kahit pare-pareho naman ang narinig at nakita nila? Bakit ikaw narinig mo ang mensahe tungkol kay Jesus, naniwala ka agad. Pero ang kapitbahay mo o asawa mo, ilang beses nang naririnig, matigas pa rin. Ano ba talaga ang halaga nitong kaharian ng Dios? Bakit parang hindi masyadong nakikita ngayon ang paghahari ng Dios? Sana ang mga tanong na ‘to ay mabigyang linaw sa pamamagitan ng mga itinuro ni Jesus tungkol sa kaharian ng Dios. Galing ito sa Matthew 13:1-9:

Isang araw, lumabas si Jesus at naupo sa tabi ng lawa. Napakaraming tao ang nagtipon sa paligid niya. Marami siyang itinuro sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga (parables) tungkol sa kaharian ng Dios. Ang talinghaga ay isang pagtutulad ng katangian ng isang espirituwal na katotohanan sa isang bagay o pangyayaring pamilyar sa mga tao.

Sabi niya, “May isang magsasakang naghasik ng binhi. May mga binhing nahulog sa tabi ng daan. May mga binhi namang nahulog sa mabatong lugar, kung saan walang gaanong lupa. Mabilis na tumubo ang binhi dahil mababaw ang lupa. Ngunit natuyo rin ito nang masikatan ng araw, at dahil hindi malalim ang ugat, namatay ito. May mga binhi namang nahulog sa lupang may matitinik na damo. Lumago ang mga damo at natakpan ang mga tumubong binhi. Ang iba nama’y nahulog sa mabuting lupa, lumago at namunga. Ang iba’y napakarami ng bunga; ang iba’y marami-rami, at ang iba nama’y katamtaman lang. Kayong mga nakikinig, dapat ninyo itong pag-isipan.”

Anong ibig sabihin nito? Buti na lang ipinaliwanag ito ni Jesus sa vv. 18-23. Hindi sa lahat. Sa mga disciples lang niya. Kasi wala namang pakialam ang iba sa ibig sabihin nito. Parable of the Soils dapat ang title nito hindi Parable of the Sower. Kasi pinakita dito ang apat na klase ng lupa na kumakatawan sa tugon ng puso ng tao sa pakikinig sa mensahe ng kaharian ng Dios (v. 19). Ang nahulog sa tabi ng daan ay iyong mga nakarinig pero inagaw agad ng diyablo at ni hindi pumasok sa isip niya (v. 19). Ang sa may mabatong lugar naman ay iyong nakarinig tapos makita mo na excited talaga siya at masayang-masaya. Pero noong makita niyang mahirap pala at may mga isasakripisyo at hindi magiging kumportable ang buhay na pinaghaharian ng Dios, bumalik din sa dati (vv. 20-21). Ang sa matinik naman ay nakarinig nga at maaaring patuloy na nakikinig pero hindi nagkakaroon ng bunga o pagbabago sa buhay niya kasi nananatiling mas mahalaga sa kanya ang pera, pagpapayaman, ambisyon sa buhay kaysa sa mga bagay na may kinalaman sa kaharian ng Dios (v. 22). Ang naunang tatlong ito ang kumakatawan sa tugon ng mga Pariseo na tumalikod kay Jesus, ng mga nagsasabing tagasunod niya pero nang usigin na sila ay bumalik ulit sa dati nilang relihiyon, nang mga taong mayaman at ambisyoso sa buhay na gusto ngang magkaroon ng buhay na walang hanggan ngunit di maiwan-iwan ang buhay mayaman.

Iba-iba ang tugon sa mensahe ng kaharian ng Dios.At nakaayon ito sa lagay ng puso ng tao. May pang-apat pa. Ito naman ang mabuting lupa. O pusong nakahanda sa pagtanggap sa kaharian ng Dios. Nakinig sila, naunawaan ang salita ng Dios, at nagkaroon ng bunga o pagbabago sa buhay nila. Pero may iba-iba ring dami ng bunga. Ibig sabihin, there are degrees of fruitfulness in the Christian life. Hindi mo puwedeng iexpect na kung ano ang nakikita mong pagbabago sa sarili mo, ipipilit mo na ganoon din sa asawa o kaibigan mo. Dahil nga iba-iba ang tugon ng tao, iba-iba ang kalagayan ng puso ng tao, iba-iba ang makikita nating bunga sa bawat Cristiano. At mahalaga itong maunawaan lalo na ako na nangangaral sa inyo linggu-linggo at kayo na mga nagbabahagi ng Story of God sa iba. Expect different responses. Hindi ito nakadepende sa husay ng nangangaral, kundi sa puso ng tao. Si Jesus nga, pinakamahusay na mangangaral, itinakwil ang kanyang mensahe ng halos buong bansang Israel.

Delayed but Certain Judgment to those who Reject the Kingdom

Sa panahon ni Jesus, marami ring sumusunod sa kanya, pero hindi lahat ay masasabing tunay na mga tagasunod. Ganoon din ngayon, napakaraming nagsasabing Cristiano dito sa Pilipinas, pero hindi mo naman malalaman kung sino talaga ang tunay na kabilang sa kaharian ng Dios. Bakit ganoon? At ano dapat ang dapat nating marealize dito. Tingnan n’yo ang sumunod na parable galing sa Matthew 13:24-30:

“Ang paghahari ng Dios ay maitutulad sa kuwentong ito: May isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kanyang bukid. Pero kinagabihan, habang natutulog ang mga tao, dumating ang kanyang kaaway at naghasik ng masasamang damo. Nakita ito ng mga alipin n’yo kaya nagtaka sila at nagtanong, ‘Gusto po ba ninyong bunutin namin ang masasamang damo?’ Sumagot siya, ‘Huwag, baka mabunot din ninyo pati ang trigo. Hayaan na lang muna ninyong lumago pareho hanggang sa anihan. Pagdating ng anihan, una kong ipapabunot ang masasamang damo para itapon at sunugin. Pagkatapos, ipapaani ko sa kanila ang trigo at ipaiimbak sa aking bodega.’”

Anong ibig sabihin nito? May paliwanag din ang Panginoon sa vv. 36-43. Ang mabuting binhi ay ang mga tunay na kabilang sa kaharian ni Jesus (v. 38). Ang masamang damo naman ay ang mga sakop ng kaharian ni Satanas. Ang tinutukoy na masasamang damo dito ay hindi yung mga obvious na mga taong laban sa Dios o mga kriminal o mga rapist o mamamatay-tao. Kundi iyong mga damo na parang mga trigo din. Na kung sa unang sibol, unang tingin, parang wala halos pinagkaiba. Kaya nga sa mga churches, kahit may baptism and membership tayo, di pa rin natin masasabi kung sino talaga ang nasa kaharian ng Dios. Kasi puwedeng ang dalawang tao na nasa music team – ang isa ay nasa kaharian ng Dios, ang isa ay wala. Sometimes we treat each other as brothers and sisters pero meron pa lang iba na hindi totoong kapatid kay Cristo.

Ang application dito ay hindi para tukuyin natin kung sino ang nasa kaharian ng Dios at sino ang kay Satanas, “Sa Dios ka. Ah, ikaw kay Satanas.” Di mo nga kasi masasabi agad iyon. Pero ang warning sa lahat, may paghatol na magaganap. Ito yung sa pagbabalik ni Jesus – sa anihan. Ang mga anghel niya ang magbubukod sa mga tao. At makikita nang malinaw kung sino talaga ang nasa kaharian ng Dios at sino ang hindi. Hanggang hindi pa dumarating ang araw na iyon, sa halip na husgahan natin ang mga tao kung Cristiano ba sila o hindi, siyasatin natin ang sarili natin kung tayo nga ba ay nasa kaharian na ng Dios o baka wala pa.

Transforming Presence of the Kingdom

Oo nga’t ngayon ay hindi pa masyadong nakikita ang mga ebidensiya ng kaharian ng Dios. May mga lugar na para bang walang-wala talaga. Pero itinuro din ni Jesus ang tungkol dito. Na bahagi ito ng mystery of the kingdom. Akala mo wala pa pero nandyan na pala. Pakinggan n’yo ‘to galing sa Matthew 13:31-33:

“Ang kaharian ng Dios ay katulad ng isang buto ng mustasa na itinanim ng isang tao sa kanyang bukid. Ito ang pinakamaliit sa lahat ng buto. Ngunit kapag tumubo at lumaki na, nagiging mas mataas ito kaysa sa ibang mga halamang gulay, na parang punongkahoy ang taas, at pinupugaran ng mga ibon ang mga sanga nito.”

“Ang kaharian ng Dios ay katulad din ng pampaalsang inihalo ng babae sa isang malaking planggana ng harina, at napaalsa nito ang buong masa ng harina.”

Maliit ang buto ng mustasa. Kapag ibinaon sa lupa at itinanim, hindi mo na makikita. Parang wala. Pero paglipas ng ilang panahon, makikita mong unti-unting lumalaki. Ang pampaalsa ganoon din, nakatago, parang wala. Pero makikita mo ang epekto nito sa tinapay. Alam mo ang tinapay kapag walang pampaalsa. Ganoon ang kaharian ng Dios. Maliit at tago ang simula. Si Jesus di pansinin nang ipanganak sa sabsaban sa Bethlehem. Ang mga tagasunod niya noon ay iilan lang. Nagsimula sa 12, tingnan mo kung saan-saan na nakarating ngayon! Oo nga’t sa panahon natin ngayon, parang nakatago pa ang paghahari ng Dios. Kasi nga hindi pa kitang-kita. Parang ibang sistema pa ang namamayani sa lipunan natin. Ang katotohanan ng kaharian ay nasa puso ng mga taong sumusunod kay Cristo. Pero hindi puwedeng walang pagbabagong maganap. May epekto sa buhay natin ang kaharian ng Dios. Kahit mag-isa ka sa pamilya o opisina na Cristiano, hindi puwedeng maitago ang epekto ng kaharian ng Dios, makikita ang liwanag sa gitna ng kadiliman. At darating ang araw na lahat na ng bansa sa buong mundo – lahat ng lahi, ng wika, ng tribo – ay paghaharian ni Cristo. Nagsimula sa maliit, pero may malaking dulot na pagbabago, ngayon hanggang sa pagbabalik ni Jesus.

Incomparable Worth of the Kingdom

At dahil sa mga nauna nang mga katotohanang ito tungkol sa kaharian, you are a fool if you don’t want anything to do with the kingdom of God – kung hanggang ngayon pipiliin mo pa ring sundin ang sariling hilig mo, abutin ang sariling pangarap mo, at kapitan ang limpak-limpak na kayamanan mo sa bangko o kahit nasa isip mo pa lang. Bakit nga hindi, kung ang kaharian ng Dios ay tulad ng sinabi ni Jesus sa Matthew 13:44-46:

“Ang kaharian ng Dios ay katulad ng kayamanang nakabaon sa isang bukid. Nang mahukay ito ng isang tao, itinago niya itong muli. At sa tuwa niya’y umuwi siya at ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian, at binili niya ang bukid na iyon.”

“Ang kaharian ng Dios ay katulad din ng isang negosyante na naghahanap ng magagandang perlas. Nang makatagpo siya ng isang mamahaling perlas, ipinagbili niya ang lahat ng kanyang ari-arian at binili ang perlas na iyon.”

Parang isang kayamanan, parang isang mamahaling perlas, walang katumbas ang halaga ng kaharian ng Dios. Kaya kahit lahat ng pag-aari mo, ipagpapalit mo para lang makuha iyon. Hindi rin sakripisyo ang iwan ang lahat para sa kaharian ng Dios kung alam mo kung gaano ito kahalaga. Kung hingan kita ng 1,000 ngayon tapos ang kapalit ay 100,000, balewala ang 1,000 mo, hindi ka magdadalawang isip na ibigay, sabik ka pa ngang gawin. Hindi ko sinasabing mabibili natin ang kaharian ng Dios. Wala ngang katumbas iyon. Pero bago mapasaatin iyon, dapat may iiwanan tayo. Hindi puwedeng kapit pa rin ang isang kamay natin sa mundo at sa kasalanan habang ang isa ay nakakapit sa kaharian ng Dios.

Responding Rightly to the Kingdom

Ito ang ilan sa mga itinuro ng Panginoon tungkol sa kaharian. Ang tanong, kung narinig mo ito, ano ang magiging tugon mo? May dalawa kang pamimilian tulad ng dalawang klase ng tao sa sumunod na nangyari sa Matthew 13:10-13, 55-58:

Pagkatapos mangaral ni Jesus, tinanong siya ng mga tagasunod niya kung bakit siya gumagamit ng talinghaga. Sabi niya, “Ipinagkaloob sa inyo ng Dios na malaman n’yo ang mga lihim tungkol sa paghahari ng Dios. Kung susundin n’yo ang aral na ito, bibigyan pa kayo ng higit na pang-unawa. Pero kung hindi, kahit ang kaunti n’yong nauunawaan ay kukunin pa sa inyo.” Pagkatapos nito, ipinaliwanag niya sa kanyang mga tagasunod ang kahulugan ng ilan sa mga talinghagang ito.

Pagkatapos, umalis na siya at bumalik sa kanyang bayan sa Nazareth at nangaral sa kanilang bahay-sambahan. Nagtaka ang mga kababayan niya, “Saan kaya niya nakuha ang karunungan niya at kapangyarihan niyang gumawa ng mga himala?” Ayaw nilang manampalataya sa kanya. Kaya hindi na gumawa si Jesus ng maraming himala roon dahil sa kawalan nila ng pananampalataya sa kanya.

Puwedeng maging desisyon mo ay tulad ng mga Pariseo kanina at dito naman ay ang mga kababayan ni Jesus na tanggihan ang kaharian ng Dios. Ibig sabihin, hindi manampalataya kay Jesus. Pero isipin mong mabuti kung ano ang consequences ng ganyang desisyon. Isipin mo ang naghihintay na hatol sa iyo sa pagbabalik ng Panginoong Jesus. At sana lahat tayo ganito ang desisyon: tanggapin ang kaharian ng Dios. Ibig sabihin, tulad ng mga disciples niya, hindi lang nakapakinig, kundi inunawa at sumunod sa kanya. Kung tinatanggap mo ito…

Sikaping makapasok sa kaharian ng Dios. Di tulad ng mga Pariseo. Di tulad ng mga kababayan ni Jesus. Tulad ng mga tagasunod niya na iniwan ang lahat alang-alang sa kaharian ng Dios. Siyasatin natin ang ating mga sarili kung paano tayo tumutugon sa salita ng Dios. Kung anong klase ng lupa ang puso nating nataniman ng salita ng Dios.

Sipagang manalangin para sa pagdating ng kaharian ng Dios. Pray, “Your kingdom come, your will be done on earth as it is in heaven!” (Matt. 6:9). Bago pa, “Give us this day our daily bread.” Dapat ito ang masidhing panalangin natin. Ang magpadala ang Dios ng marami pang maghahasik ng salita ng Dios. Na kapag nahasik ang salitang ito, hindi ito maagaw ng kaaway, na mawala ang tinik sa puso ng tao, na madurog ang pusong bato ng tao para sumibol ang binhi ng salita ng Dios at magkaroon ng bunga. At ang salitang ito ay makarating sa lahat ng dako ng mundo, at muli nang bumalik ang Panginoong Jesus! Come, Lord Jesus!

Saganang magbigay para sa paglaganap ng kaharian ng Dios. Siyempre hindi lang mananalangin. Kailangan ding maging bahagi tayo sa pagtustos ng mga kailangang gastos para maabot ang mga tao ng mabuting balita ni Cristo. Hindi barya-barya ang bigay. Kung alam natin kung gaano kahalaga ang kahariang ito, hindi lang 10% ng kayamanan natin ang ibibigay kundi lahat-lahat ay gagamitin para sa paglaganap ng kaharian ng Dios.

Sabik na mangaral tungkol sa mensahe ng kaharian ng Dios. Nananalangin ka sa Dios na magpadala ng maraming manggagawa, dapat handa ka na tanggapin ang sagot ng Dios kapag sinabi niya, “Ikaw ang sagot ko sa panalangin mo. Humayo ka!” Yes, Lord! Kasi alam natin na ang lubos na pagdating ng kaharian ng Dios ay nakadepende kung ang “gospel of the kingdom” ay naipangaral na sa lahat ng dako ng mundo (Matt. 24:14).

Kaya sabik tayong ikakalat ang mensaheng ito, kasi sabik tayo sa kaharian ng Dios. Iyon ang pinapangarap natin. Wala nang iba. Hindi na ang pamilya ang pinakamahalaga, hindi na ang ambisyon, hindi na ang pera, hindi na ang buhay natin, kundi ang maranasan nang lubos ang kaharian ng Dios. We are God’s kingdom people who are passionate for kingdom preaching, kingdom praying, and kingdom giving.

3 Comments

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.