Walang Nag-iisa, Bawat Isa May Kaagapay

May 15, 2011  |  By Derick Parfan  |  Scripture: Romans 12:9-13

Downloads: audio

Maging tunay ang inyong pagmamahalan. Kasuklaman ninyo ang masama at pakaibigin ang mabuti. 10Magmahalan kayo bilang tunay na magkakapatid at pahalagahan ninyo ang iba nang higit sa pagpapahalaga nila sa inyo. 11Magpakasipag kayo at huwag maging tamad. Buong puso kayong maglingkod sa Panginoon. 12Magalak kayo dahil sa inyong pag-asa, magtiyaga kayo sa inyong kapighatian at palaging manalangin.13Tumulong kayo sa pangangailangan ng mga kapatiran at patuluyin ninyo ang mga taga-ibang lugar. (MBB)

Grace-Community

Ang church natin ay isang grace-community. Community dahil may isang bagay na nagbubuklod sa atin, para bang isang pamilya. Grace-community dahil ang isang bagay na ito ay ang grace ng Panginoon. Naranasan at nararanasan natin ito. Pero gusto rin nating maranasan ito ng ibang tao na hindi pa nakakakilala kay Cristo. Kasama sa vision natin ay makitang sila ay mga “genuinely saved.” Kaya nga last month ay hinikayat ko kayo na maging “Always Ready for the Harvest.” Kaya tayo may ipinapanalangin na tatlo sa loob ng 30 araw at sana ay higit pa. Nakita natin na unti-unting sumasagot ang Diyos sa panalangin natin. Sa mahigit 150 taong ipinapanalangin nating maligtas, may nagbubukas na ng kanilang tahanan para mag-aral ng Following Jesus. May nagbubukas na ng pintuan ng kanilang puso para tuluyan nang sumunod kay Cristo.

Siyempre ang epekto nito, dadami tayo. Mas lalaki ang ating lumalagong pamilya. Hindi bilang ang usapan dito, kundi ang buhay ng mga taong masasayang kung hindi nila makikilala si Cristo. We will grow big! Praise the Lord for that. Pero hindi lang iyon ang vision natin. Gusto rin natin na ang mga taong idinaragdag ng Panginoon, at tayo rin na matagal na dito, ay maranasan ang tunay na pagmamahalan sa church: “lovingly sharing our lives with one another.” Ito ang essence ng isang grace-community.

Nakikita natin na ang mga komunidad na ito, dahil mga tunay na tagasunod ni Cristo, ay nagmamahalan sa isa’t isa. Nagtutulungan sa paglago sa pananampalataya. Kapag may nangangailangan, may nakaagapay. Handang magsakripisyo alang-alang sa mga kapatid. Kapag may alitan, inaayos sa biblikal na paraan. Kapag may nagkakasala at naliligaw, itinutuwid sa diwa ng pag-ibig at kahinahunan. Walang tsismisan, kinakausap ang dapat kausapin. Nagsasama-sama upang manalangin, mag-aral, at magpalakasan. Hindi lamang tuwing may gawain ang iglesia, kundi kahit sa mga ordinaryong araw.

As we grow big, we also need to go small. Ibig kong sabihin, mahirap sa isang grace-community na maging konektado tayo sa isa’t isa at lumalim ang relasyon kung ganito karami. Kaya mayroon tayong mga Kaagapay Groups o K-Groups. Ano ba ‘to?

Ang isang Kaagapay ay grupo ng 4-10 tagasunod ni Cristo (disciples) na pinangungunahan ng isang leader (shepherd) at nagkasundong ilaan ang kanilang buhay sa isa’t isa upang sama-samang lumago sa pag-ibig sa Diyos at pagsunod kay Cristo (upward), sama-samang pagyamanin ang mga espirituwal na kaloob sa pag-ibig at paglilingkod (inward), at sama-samang abutin ang iba pa upang maging tagasunod din ni Cristo na magiging kaagapay din naman ng iba (outward).

Mayroon nang mga ilan na nagsisimula at nagpapatuloy na K-Groups. Meron na ring mga leaders na nagcommit. Ang ilan sa inyo nagpakita na rin ng interes dahil nag-preach din ako tungkol dito last year. Pero ang iba nahihirapan pang magsimula. Ang iba hindi pa alam kung saan sasaling grupo. Ang ilan naghihintay na malapitan para maaya pero feel niya siguro hindi siya nalalapitan. Ang ilan siguro Ok lang na ganito, aattend kapag Linggo, pero sa pagitan noon ay wala na, ni walang nakakasalamuhang ibang Cristiano para mag-aral ng Bibliya at manalangin nang magkasama. Ang ilan sa inyo feeling niyo na tinatawag kayo ng Diyos na mag-lead ng isang grupo pero hindi niyo alam kung paano ang gagawin. Ang iba gusto pero tingin nila sobrang busy para dito.

May kasabihan nga, “Kung ayaw maraming dahilan, kung gusto may gagawin paraan.” Kaya gawan natin ito ng paraan para maayos. Pagtulung-tulungan natin. Nakikiusap ako na pagkatapos ng panambahan simula ngayon hanggang sa susunod na 4-8 Linggo ay maglaan tayo ng isa pang oras na mag-stay dito para makahanap kayo ng grupo na angkop sa inyo, at para makita ko rin ang ilan sa inyo na puwedeng tutukan para matrain sa K-Group leadership. Isang oras lang at makikita naman ninyong sulit kung makikita niyo rin ang ilan sa mga kahalagahan nito. Magbibigay ako ng anim na base sa Romans 12:9-13.

Maging tunay ang inyong pagmamahalan. Kasuklaman ninyo ang masama at pakaibigin ang mabuti. 10Magmahalan kayo bilang tunay na magkakapatid at pahalagahan ninyo ang iba nang higit sa pagpapahalaga nila sa inyo. 11Magpakasipag kayo at huwag maging tamad. Buong puso kayong maglingkod sa Panginoon. 12Magalak kayo dahil sa inyong pag-asa, magtiyaga kayo sa inyong kapighatian at palaging manalangin. 13Tumulong kayo sa pangangailangan ng mga kapatiran at patuluyin ninyo ang mga taga-ibang lugar. (MBB)

K-GROUP: Tunay na pagmamahalan

Una, sa K-Group natin mararanasan ang tunay na pagmamahalan. “Maging tunay ang inyong pagmamahalan” (v. 9). Lahat ng tao, walang exception, naghahangad ng pagmamahal – na may mamahalin at may magmamahal din naman. Mahalaga ito sa atin kaya nga ang sakit kapag niloko ka ng boyfriend o asawa mo. Kasi hindi lang love ang hanap natin, kundi genuine love. ‘Yung totoo, hindi peke. Ang dami sa mundo natin peke ang love. Pero sa church, totoong mga Cristiano, lang natin makikita ang totoong pag-ibig na galing din naman sa Diyos. “Walang pagkukunwari.” Hindi parang artista lang na pa-cute sa TV pero sa personal na buhay masungit pala. Hindi pakitang-tao lang.

Oo, nagngingitian tayo at nagbabatian kapag Linggo. At praise God kasi bihira na yung naririnig ko na nag-aaway na mga members ng church. Pero tulad nga ng sabi ni Thomas Schreiner sa kanyang komentaryo dito, “People can be externally kind and nice, yet lack genuine love and affection for others.” Hindi pinag-uusapan kung nice tayo sa iba, kundi kung totoo bang mahal natin sila. Ang emphasis dito ay hindi lang kung ano ang ginagawa natin kundi bakit natin ginagawa ang ginagawa natin. Hindi para sa isang business transaction o personal na interes, kundi dahil totoo ang pag-ibig natin.

Pero paano natin mamahalin ang isang taong hindi naman natin kilala? At paano mo makikilala kung tuwing Linggo lang kayo nagkikita? Oo, puwede kayong magbatian at magngitian pero hanggang doon lang siguro yun. Kapag may K-Group, magkikita kayo niyan sa kanya-kanyang bahay. Mas makikilala mo siya at ang kanyang pamilya. Malalaman mo ang katayuan niya sa buhay pati ang kanyang mga kabigatan. Kaya mas magiging totoo ang inyong pagmamahalan. Ang ilan sa inyo hanggang ngayon siguro iilan lang ang kilala niyo dito at hindi pa ganoon kalalim. Kaya sali na tayo sa K-Group!

K-GROUP: Tulungan sa pagsunod

Bakit ko nasabing sa K-Group ay mararanasan natin ang tunay na pagmamahalan? Pagkatapos banggitin ni Pablo na dapat tunay ang pagmamahalan natin, nagbanggit siya ng ilang mga utos na sumunod na nagpapakita rin naman kung ano ang ibig sabihin ng genuine love. Ang una niyang binanggit ay: “Kasuklaman ninyo ang masama at pakaibigin ang mabuti” (v. 9). Ang totoong pag-ibig ay siyang lumalayo sa masama at inilalayo sa masama ang taong minamahal. Siya din naman ay naghahangad o yumayakap sa kung ano ang mabuti at nakalulugod sa Diyos. Mahirap ito kung ikaw ay Cristianong nag-iisa. Kailangan mo ng K-Group, pangalawa, kasi sa grupong ito tulungan sa pagsunod kay Cristo.

Ang current series natin na itutuloy next week ay Following Jesus the Lord of All. Nagsisikap tayong pag-aralan at sundin ang mga utos ng Panginoong Jesus na nakasulat sa Gospels. Ang pagsunod mahirap kapag nag-iisa. Kapag sa bahay o office mo ikaw lang ang Cristiano at hindi pa alam ng iba, madaling bumigay sa tukso. Sa K-Group pag-uusapan din natin ang topic na tinalakay sa sermon, para mas mapagtulungan natin kung paano ito ia-apply sa buhay. May dalawang aktibo sa ministeryo sa church na nahulog sa tukso. Lumapit sa amin at hindi nahiyang magsisi sa kasalanan kasi nga kaagapay sa pagsunod. Tulung-tulong. Hindi rin takot na baka pagtsismisan kasi nandoon ang confidentiality sa isang K-Group.

K-GROUP: Isang pamilya ang turingan

Tulungan sa pagsunod kasi rin naman sa K-Group, pangatlo, isang pamilya ang turingan. “Show family affection to one another with brotherly love. Outdo one another in showing honor” (v. 11 HCSB). “Magmahalan kayo na may pag-ibig bilang magkakapatid; sa pagpaparangal sa iba ay mag-unahan kayo” (Ang Biblia). Ang salitang “magmahalan” dito (philostorgos) ay dito lang ginamit sa Bagong Tipan. Ito ay pag-ibig sa pamilya o sa isang grupo na may deep connection ka. Kaya nga ang translations sa HCSB ay “show family affection to one another.” Ganito sabi ni Pablo kay Timoteo, “Do not rebuke an older man but encourage him as you would a father, younger men as brothers, older women as mothers, younger women as sisters, in all purity” (1 Tim. 5:1-2). Ang pag-ibig na ito ay parang sa pamilya, pero higit pa sa isang biological family. Hindi dugo ang nagbubuklod sa atin, kundi biyaya ng Diyos.

Dahil isang pamilya, “Sa pagpaparangal sa iba ay mag-unahan kayo.” Sa isang kumpanya, kumpetisyon sa promotion, agawan ng puwesto na mas mataas. Pero sa church natin parang pamilya. Kapag yung kuya o ate nakakapagtrabaho na tutulungan ang kapatid na makatapos sa kolehiyo kahit siya hindi pa tapos. Ayos lang na mauna ang kapatid dahil para naman sa kanyang pamilya.

May isang member na wala nang pamilya ang nagsabi, “Dito sa BBCC natagpuan ko ang isang tunay na pamilya.” Maaaring hindi ninyo pa nasasabi iyan, pero ang challenge ko mag-join kayo ng K-Group at masasabi rin niyo yan.

K-GROUP: Painitan sa paglilingkod

Ika-apat, sa K-Group mararanasan ang painitan sa paglilingkod. “Do not lack diligence; be fervent in spirit; serve the Lord.” “Magpakasipag kayo at huwag maging tamad. Buong puso kayong maglingkod sa Panginoon” (v. 11). Si Cristo ang ating Panginoon, at tayo ay hindi lang basta mga lingkod na para bang tinutulungan natin siya sa kanyang mga ginagawa. Hindi! Tayo ay parang mga alipin na nasa ilalim niya. Kung ano ang sabihin niya, naroon ang pagsunod at walang kundisyon, walang angal, walay delay na paglilingkod sa kanya.

Pero dahil din sa mga kaabalahan sa buhay o mga kabigatang dinaranas, maaaring ang iba sa inyo ay nanlalamig sa paglilingkod, o kaya ay tinatamad. Mas gusto pang atupagin ang ibang bagay kaysa mainvolve sa mga ministries sa church. At kung nasa trabaho man ang iniisip ay sumuweldo at mapromote kaysa maipakita sa mga katrabaho o mga kliyente sa negosyo ang isang patotoong Cristiano bilang paglilingkod din naman.

Pero hindi dapat ganito. “Do not lack diligence.” Hindi dapat tamad, o parelax o pa-easy-easy lang sa paglilingkod. Kung kilala lang natin ang ating Panginoon! Sabi ni Pablo, “Magpakasipag kayo at huwag maging tamad!” Hindi angkop sa buhay Cristiano ang pagiging tamad, sa trabaho man, sa pamilya, o paglilingkod sa iba’t ibang ministeryo. “Be fervent in spirit.” Ang be fervent ay galing sa salitang Griyego na zeo na ang literal na kahulugan ay “nag-iinit, kumukulo, umaapoy, nagniningas.” This is a metaphor for zeal or passion in doing something. Ang mga Cristiano hindi tamad, kundi nag-aapoy dapat sa paglilingkod sa Panginoon.

Nakita natin ito sa nakaraang DVBS. Mahigit 20 ang teachers at volunteers. Meron ding mga nag-contribute para sa pagkain ng mga bata at mga teachers. Meron ding mga nanalanagin. Ang iba hinintay talaga ang ganitong pagkakataon para makapaglingkod. May nagtanong sa akin noon kung kelan ang DVBS kasi gusto daw nilang tumulong. May ilan pa nga sa mga volunteers na hindi pa members pero sabik nang maglingkod.  Nagmeeting ang mga volunteers kahapon at nagpasalamat sa Diyos. Naencourage din ang bawat isa na magpatuloy sa leadership at service. Ganito ang gusto nating mangyari sa church natin. Hindi lang taun-taon. Kundi sa buong taon. Mangyayari ito kung ang bawat isa ay bahagi ng K-Group. Painitan sa paglilingkod. Malalaman niyo kung ano ang inyong mga spiritual gifts. Magtutulungan na masanay ang iba na balang-araw ay mag-lead na rin ng kanilang K-Groups. Kung tinatawag tayo ng Diyos na maglingkod, tinatawag din tayo ng Diyos na sumali sa K-Group.

K-GROUP: Damayan sa mga kabigatan

Panglima, sa K-Group mararanasan natin ang damayan sa mga kabigatan sa buhay. “Magalak kayo dahil sa inyong pag-asa, magtiyaga kayo sa inyong kapighatian at palaging manalangin” (v. 12). “Rejoice in hope.” Maraming bagay sa buhay Cristiano ang nakahahadlang para maranasan natin ang tunay na kagalakan. Maraming nagiging dahilan para malungkot at mawalan ng pag-asa. Pero sinasabi dito ni Pablo na isang dahilan na dapat tayong patuloy na magalak at huwag panghinaan ng loob ay dahil sa pag-asa na nasa atin. Alam nating pansamantala lang ang mga paghihirap natin. May sapat tayong dahilan para ipagdiwang ang buhay kahit sa panahon ng kahirapan. At sino ang magpapaalala sa atin nun? Hindi ba ang kapatid din natin sa pananampalataya? Hindi ba sa pamamagitan din ng sama-samang pag-aaral ng mga pangako ng Diyos sa Bibliya? Hindi ba sa pamamagitan din ng pakikinig natin sa ginagawa ng Diyos sa buhay ng mga kapatid natin kay Cristo?

“Be patient in affliction; be persistent in prayer.” Sa buhay Cristiano, kahit mahirap, hindi dapat huminto sa pagtitiwala sa Diyos. Dapat nagpapatuloy sa panalangin at hindi nagsasawa. Pero hindi ba’t may mga panahong bigat na bigat na tayo at gusto na nating bumigay? Hindi ba’t may panahong sawa na tayong manalangin kasi parang wala namang nangyayaring pagbabago? Sino ngayon ang magpapaalala sa atin at magbibigay ng lakas ng loob? Sino ngayon ang karamay natin sa panalangin? Sino ngayon ang matatakbuhan natin kapag feeling natin nag-iisa na tayo sa buhay? Walang iba kundi ang mga kaagapay natin.

Kagabi iyak nang iyak si Daniel. Hindi normal na iyak na puwedeng iwanan lang at hayaang makatulog ulit. Kinuha ko. May bara pala sa ilong niya at nahihirapang huminga. Kaya pinagtulungan naming mag-asawa. Noong una napakalakas ng iyak pero pagkatapos sobra naman ang ngiti. Alam ni Daniel meron siyang pamilya, puwede siyang umiyak at pagkatapos ay makakangiti na. Sa kaagapay group, may maiiyakan tayo, puwede nating ilabas ang ating mga kabigatan at sama ng loob. Nakita ko iyan sa K-Group ng asawa ko. Tapos kung may mga dapat namang i-celebrate, sama-sama din sila sa tawanan at pasalamat sa Diyos. “Rejoice with those who rejoice, weep with those who weep” (v. 15). Hindi natin magagawa yan in a consistent basis kung wala tayong K-Group.

K-GROUP: Sigasig sa pag-abot sa iba

Pang-anim, sa K-Group mararanasan ang sigasig sa pag-abot sa iba. Sabi ni Pablo sa verse 13, “Tumulong kayo sa pangangailangan ng mga kapatiran at patuluyin ninyo ang mga taga-ibang lugar.” Ang salitang “tumulong” ay sa literal ay “makibahagi.” Ipadama natin sa mga nangangailangan na hindi sila nag-iisa. Ang “patuluyin” naman ay sa literal “pursue hospitality.” Hindi yung katulad ng may dumalaw sa bahay ninyo ay ipapakita mo ang hospitality. Kundi yung ikaw mismo ang nag-iimbita at gumagawa ng paraan para makatulong sa iba, hindi naghihintay lang.

Siyempre talagang mapa-practice natin ito sa K-Group kung saan malugod nating tinatanggap sa bahay ang mga kasama natin sa grupo at nagdadamayan sa pangangailangan – spiritual man o physical. Pero hindi lang sa loob ng K-Group. Ang “hospitality” sa verse na ito ay nangangahulugang “love to strangers.” Sa church natin makikita ito sa pag-imbita natin sa mga kapitbahay para sa DVBS – mga bata at kanilang mga magulang. Pati sa ushering o welcoming ministry sa pagtanggap natin sa mga bisita. Pero mas mangyayari ito sa K-Group. Yung tatlong ipinapanalangin ninyo, pagtutulung-tulungan para maimbita sa K-Group meeting o ayain na mag-aral ng Following Jesus. Ganito ang ginawa ng dalawa sa inyo nang imbitahan akong magturo sa kanilang mga kamag-anak. Noong Martes, Lesson 1 ng FJ, 16 ang dumalo. May bata, kabataan at matanda. Sabi ko sa mag-asawa, “Tutulungan ko kayo. Pero mag-aral din kayo at ipanalangin ninyo sila, at iencourage. At sa susunod kaya na ninyong magturo.” Ganito ang mangyayari sa mga K-Groups – naroon ang sigasig sa pag-abot iba.

Final Words

Siguro kung ngayon ka lang nakadalo sa BBCC o kaya’y hindi ka pa member, parang naaasiwa ka na makipagkilala at maging part ng isang K-Group. Pero ito ang sasabihin ko sa iyo. Hindi ko alam kung ano ang karanasan mo sa relasyon sa pamilya o sa ibang tao. Maaaring ok lang o maaaring hindi maganda. Hindi ko rin alam kung anong klase ang relasyon mo sa Diyos. Pero ito ang sigurado ako, kung sasali ka sa isang K-Group doon mo mararanasan ang tunay na pamilya at tunay na pagmamahalan dahil doon mo rin mararanasan ang tunay na pag-ibig ng Diyos na nakikita sa buhay at relasyon ng bawat isa.

Lalo naman kung member ka na at matagal nang dumadalo rito. I highly encourage all members to be part of a K-Group. Isang pamilya tayo dito. Sana maipamuhay nga natin iyon at magdamayan tayo bilang isang pamilya. Mas mangyayari ito sa Kaagapay. At kung nararamdaman mong tinatawag ka ng Diyos na manguna sa isang grupo pero hindi ka sigurado kung ano ang gagawin o paano sisimulan, nangangako ako at ang inyong mga leaders sa tulong ng Diyos na gagawin namin lahat ng aming makakaya para tulungan ka. Narito kami para tulungan kayo na maipamuhay ang isang tunay na buhay Cristiano – lumalago at lumalalim sa pag-ibig sa Diyos, sa isa’t isa, at sa mga taong hanggang ngayon ay nasasayang ang buhay.

1 Comment

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.