May Kaagapay Ka na Ba?

Download mp3 | Download pdf

By Derick Parfan | March 21, 2010

Gawa 2:41-47

Kaya’t ang mga tumanggap sa sinabi [ni Pedro] ay nagpabautismo, at nadagdagan ang mga alagad ng may tatlong libong katao nang araw na iyon. Nanatili sila sa itinuro ng mga apostol, sa pagsasama-sama bilang magkakapatid, sa pagpipira-piraso ng tinapay, at sa pananalangin. Dahil sa maraming himala at kababalaghang nagagawa sa pamamagitan ng mga apostol, naghari sa lahat ang takot. Nagsasama-sama ang lahat ng sumasampalataya at ang kanilang mga ari-arian ay para sa kanilang lahat. Ipinagbibili nila ang kanilang mga ari-arian at ang napagbilhan ay ipinamamahagi sa bawat isa ayon sa kanyang pangangailangan. Araw-araw, sila’y nagkakatipon sa Templo, masayang nagpipira-piraso ng tinapay sa kanilang mga tahanan, at may malinis na kalooban. Nagpupuri sila sa Diyos, at kinalulugdan rin sila ng lahat ng tao. At bawat araw ay idinaragdag sa kanila ng Panginoon ang mga inililigtas. (MBB)

Hindi ka nag-iisa

May isang bata na pangwalo sa labindalawang magkakapatid. Sa dami nila sa pamilya, hindi niya maramdaman ang atensiyon, pangangalaga at pagmamahal ng kanyang mga magulang. Isang araw ay pinagalitan siya ng nanay niya. Sa sobrang pagtatampo niya ay naglayas at nakitira sa bahay ng kaklase niya. Ilang araw na ang nakakalipas, ni hindi man lang nagtext o tumawag sa kanya ang nanay niya, ni hindi man lang nag-alala o hinanap siya. Pagkatapos ng dalawang linggo, naisipan din niyang bumalik sa bahay. Naabutan niya ang nanay niyang nagdidilig ng halaman. Pagkakita sa kanya, sabi ng nanay niya, “O, andiyan ka na pala. Walisan mo nga ang bakuran.” Ano’ng mararamdaman mo kung ikaw ang batang iyon?

Ang BBCC ay isang pamilya para sa atin. Sa dami natin dito maaaring hindi natin mabigyan ng kaukulang atensiyon ang bawat isa. Maaaring naranasan na ninyo, o baka nararamdaman ng iba ngayon, na parang hindi siya kabahagi ng pamilya. Maaaring nagtampo ka noong nagkasakit ka ay hindi ka man lang dinalaw ng pastor. Maaaring sa panahong mabigat ang sitwasyon ninyo sa pamilya ay wala man lang dumamay sa inyo. Maaaring matagal ka nang Cristiano ngunit parang sa tingin mo ay wala ka pa ring kaagapay sa paglakad sa pagsunod kay Cristo, kaya tingin mo ay hindi ka lumalago sa iyong buhay espirituwal.

Ayaw nating ganyan ang mangyari sa ating iglesia. Kaya nga ang misyon natin ay magtaguyod ng mga “grace-communities of committed followers of Christ.” Ang isang grace-community ay mga taong nakaranas ng biyaya ng Diyos at ipinaparanas din naman ito sa pag-ibig at paglilingkod. Ang BBCC ay isang malaking grace-community.  Bahagi ng ating vision para sa isang grace-community ay makita ang ganitong katangian ng mga mananampalataya – “lovingly sharing their lives with one another.” Mahirap gawin ito sa isang komunidad ng mahigit 100 tao. Ngunit mas mararanasan natin ito sa mga maliliit na grace-communities. Ito ang tinatawag nating Kaagapay Groups. Nais natin sa ating iglesia na walang nag-iisa, dapat sama-sama. Lahat ng miyembro ng ating pamilya ay may kaagapay at lahat ay kaagapay din naman ng iba.

Ano ang isang Kaagapay Group?

Maaaring ang iba sa atin kapag naririnig ang Kaagapay Group o small group ay ang unang pumapasok sa isip ay isang Bible study group. Hindi lamang tayo mag-aaral ng Bibliya sa Kaagapay, bagamat mahalagang sangkap iyan. Hindi rin ito isang therapy group na kailangan mo lang kapag may problema ka o kaya’y nangangailangan ng iiyakan. Hindi lang ito isang social gathering para magkuwentuhan ng mga buhay-buhay. Hindi lang ito isang religious group kung saan pinag-uusapan ang mga espirituwal na bagay. Ang isang tunay at biblikal na Kaagapay Group ay higit pa sa mga iyon. Ano ngayon ito?

Ang isang Kaagapay ay grupo ng 4-10 tagasunod ni Cristo (disciples) na pinangungunahan ng isang leader (shepherd) at nagkasundong ilaan ang kanilang buhay sa isa’t isa upang sama-samang lumago sa pag-ibig sa Diyos at pagsunod kay Cristo (upward), sama-samang pagyamanin ang mga espirituwal na kaloob sa pag-ibig at paglilingkod (inward), at sama-samang abutin ang iba pa upang maging tagasunod din ni Cristo na magiging kaagapay din naman ng iba (outward).

Bakit mahalaga para sa atin ang mga Kaagapay Groups?

Ang maging bahagi ng isang Kaagapay ay hindi optional; it is essential. Napakaraming ebidensiya sa Bibliya at sa pang-araw-araw na buhay ang makikita nating ito talaga ay kailangan natin. Nilikha ng Diyos ang tao na nakadepende ang buhay sa kanya at sa ibang tao rin. Ang Diyos ang nagdisenyo ng pag-aasawa at ng pamilya. Tinubos tayo ng Diyos hindi upang dalhin diretso sa kanyang kalangitan kundi upang mamuhay sa mundong ito kaagapay ang mga kapatid sa iglesia. Nais ng Diyos na magkaroon ng totoong transformation sa buhay natin. Huwag nating iisiping kaya natin ito nang nag-iisa.

Tama ang isinulat nina Bill Donahue at Russ Robinson sa Building a Church of Small Groups: You cannot pursue a life of transformation on your own. Personal prayer, Scripture reading, and memorizing, solitude, and other spiritual practices are essential, but pursued apart from community they fall short in producing the degree of transformation Christ intends.” Bakit kailangan natin ng Kaagapay? Narito ang pito sa maraming dahilan:

Kaagapay sa pagsunod kay Cristo. Tinawag tayo upang maging mga tagasunod ni Cristo. Ngunit hindi natin kailangan gawin ito nang nag-iisa. Sino sa atin ang mas pipiliing bumiyahe nang nag-iisa? Ang mga unang Cristiano ay hindi naman naghiwa-hiwalay ng landas pagkatapos matanggap ang kaligtasan kay Cristo. Ano’ng ginawa nila? “Nanatili sila sa mga itinuro ng mga apostol, sa pagsasama-sama bilang magkakapatid” (Gawa 2:42). Hindi sapat ang pakikinig natin ng sermon tuwing Linggo o pang-araw-araw na pagbabasa ng Bibliya. Dapat natin itong isabuhay. Ang tagubilin ni Cristo bago siya bumalik sa Diyos Ama ay hindi lamang turuan ang mga disipulo ng mga utos ni Cristo kundi “turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo” (Mat. 28:20 MBB). At sino ang makakatulong sa atin upang matiyak na sumusunod tayo sa Diyos at hindi nalilihis ng landas? Ang Kaagapay!
Kaagapay sa pagpapainit ng pag-ibig sa isa’t isa. Sinabi ni Pablo sa mga taga-Galacia na hindi ang mga seremonya o ritwal na panrelihiyon ang mahalaga kundi ang “pananampalataya na gumagawa sa pamamagitan ng pag-ibig” (Gal. 5:6). Marka ng isang tunay na disipulo ang pag-ibig sa mga kapatid kay Cristo (Juan 13:34-35). May mga panahong ang pag-ibig na ito ay nanlalamig at nanghihina kaya naman iniutos sa atin, “At ating isaalang-alang kung papaano gigisingin ang isa’t isa sa pag-ibig at sa mabubuting gawa, na huwag nating pabayaan ang ating pagtitipon, gaya ng ugali ng iba, kundi palakasin ang loob ng isa’t isa, lalung-lalo na kapag inyong nakikita na papalapit na ang Araw” (Heb. 10:24-25).  Ang isang baga na nauubusan na ng ningas ay kailangang idikit sa iba pang baga upang magliyab. Hindi ba’t mas nararanasan din natin ang pag-ibig sa isa’t isa hindi sa isang konsiyerto kundi sa isang salu-salo sa Jollibee kasama ang ating pamilya? Kaya naman, saan nga ba natin mas mararanasan ang pag-ibig ng mga kapatid natin at mas maipadadama ito sa iba – sa isang Worship Service ba o sa isang Kaagapay Group?

Kaagapay sa pagdadala ng mga pasanin sa buhay. Likas sa tao ang kapag may problema ay nais na may malalapitan, may balikat na masasandalan, may taingang makikinig, may kaibigang maiiyakan. Ganyan ang nais nating maranasan sa mga Kaagapay. Ipapamuhay natin ang sinasabi ni Pablo sa Galacia 6:1-2, “Mga kapatid, kung may makagawa ng kasalanan, kayong pinapatnubayan ng Espiritu ang magtuwid sa kanya…Magtulungan kayo sa pagdadala ng pasanin ng bawat isa, sa gayong paraan ay matutupad ninyo ang utos ni Cristo.” Ganito na ang ginagawa ng unang mga disipulo, “Ipinagbibili nila ang kanilang mga ari-arian at ang napagbilhan ay ipinamamahagi sa bawat isa ayon sa kanyang pangangailangan” (Gawa 2:45).

Sa pagdala ng pasanin sa buhay, huwag mong piliing nag-iisa ka lang. Dapat may kaagapay. “Ang dalawa ay mabuti kaysa isa; mas marami ang bunga ng anumang gagawin nila. Kapag nabuwal ang isa, maitatayo siya ng kanyang kasama. Kawawa ang nag-iisa sapagkat walang tutulong sa kanya kapag siya ay nabuwal” (Ecc. 4:9-10 MBB).

Kaagapay sa paglilingkod sa buong iglesia. Ang iglesia ay Katawan ni Cristo. Tayo ay iba’t ibang bahagi na binigyan ng kaloob upang gamitin sa paglilingkod sa bawat isa. Sa Kaagapay, hindi lang mayroon kang kaagapay sa buhay, kundi ikaw rin naman ay kaagapay ng iba. “Kung paanong ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi, at magkakaiba ng gawain ang bawat isa, gayundin naman, kahit na tayo’y marami, nabubuo tayo sa iisang katawan ni Cristo, at tayong lahat ay bahagi ng isa’t isa” (Roma 12:4-5 MBB). Sa pamamagitan ng Kaagapay maipamumuhay natin ang tagubilin ni Pablo sa mga taga-Galacia na ipamuhay ang kalayaang tinanggap nila: “maglingkod kayo sa isa’t isa sa diwa ng pag-ibig” (Gal. 5:13 MBB). Sa salin ng Ang Biblia: “Sa pamamagitan ng pag-ibig ay maging alipin kayo ng isa’t isa.” Sa mga Kaagapay malilinang ang ating mga espirituwal na kaloob.

“Higit sa lahat, magmahalan kayo nang tapat, sapagkat ang pagmamahal ay pumapawi ng maraming kasalanan. Huwag maging mabigat sa inyong loob ang pagtanggap sa inyong mga kapatid sa inyong bahay. Bilang mabubuting katiwala ng iba’t ibang kaloob ng Diyos, gamitin ninyo ang kakayahang tinanggap ninyo sa ikakapakinabang ng lahat(1 Pedro 4:8-10 MBB).

Kaagapay sa pagpapatibay ng iglesia bilang Katawan ni Cristo. At kapag sa ating iglesia, bawat bahagi ay kumikilos ayon sa nais ng Diyos, nagiging malusog ang katawan ni Cristo. Tulad ng isang sasakyang bawat bahagi ay maayos, tatakbo ng maayos ang ating iglesia upang matupad ang misyong ibinigay sa atin ng Diyos. Even if there are conflicts, these are resolved in a biblical and loving way. Marami nga tayo, ngunit sa mga Kaagapay ay mas mararanasan natin ang pagiging isa. At ito ang nagiging dahilan ng ikakatibay ng iglesia. “At binigyan niya ang ilan ng kaloob upang maging mga apostol, ang iba nama’y mga propeta, ang iba’y ebanghelista, at ang iba’y pastor at guro. Ginawa niya ito upang ihanda sa paglilingkod ang lahat ng mga banal, para sa ikatitibay ng katawan ni Cristo, ang iglesya” (Efeso 4:11-12).

Kaagapay sa pag-abot sa mga naliligaw. Isang malaking bahagi ang ginagampanan ng pagsasama-sama ng unang mga disipulo upang ipangaral ang ebanghelyo sa iba. Kaya naman, “At bawat araw ay idinaragdag sa kanila ng Panginoon ang mga inililigtas” (Gawa 2:47). Alam kong nais ninyong makakilala kay Cristo ang mga kamag-anak at mga kaibigan ninyo upang maranasan ang buhay na nararanasan ninyo. Hindi ninyo ito kailangang gawin nang kanya-kanya. Tulung-tulong tayo dito. Sabi ni Cristo matapos makita ang maraming mga taong kahabag-habag dahil parang mga tupang walang pastol, “Napakarami nang aanihin, ngunit kakaunti ang mag-aani. Idalangin ninyo sa may-ari ng aanihin na magpadala ng mga mag-aani” (Mat. 9:36-38 MBB). Sa pamamagitan ng Kaagapay, pagtutulung-tulungan natin ang pag-ani.

Kaagapay sa pagbibigay karangalan sa Diyos. Ito ang higit sa lahat. Nilikha tayong lahat upang sambahin ang Diyos, at upang sa lahat ng ating gagawin ay siya ang mabigyan ng karangalan (1 Cor. 10:31). Ang mga unang disipulo ay sama-sama nananalangin at nagpupuri sa Diyos (Acts 2:42, 47). Bukod sa sama-samang pagsamba (na ginagawa din naman natin sa ating Sunday Worship Celebration), ang ating mga Kaagapay ay magiging salamin o larawan ng katangian ng Diyos. Ang Diyos natin ay tatlong persona (Ama, Anak, Espiritu Santo) sa iisang Diyos. Ang ating mga Kaagapay ay sasalamin sa pagkakaagapayan ng Ama at Anak at Espiritu Santo. Sa pamamagitan ng Kaagapay ay mararanasan natin ang pagiging isa bagamat marami gaya ng pagiging isa ng Ama at ng Anak (at ng Espiritu din) tulad ng panalangin ni Jesus. Para sa karangalan ng Diyos ang sagot sa dalangin ni Cristo para sa iglesia:

Gayunma’y hindi lamang sila ang idinadalangin ko, kundi sila rin naman na mga sumasampalataya sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita, upang silang lahat ay maging isa. Gaya mo, Ama, na nasa akin at ako’y sa iyo, sana sila’y manatili sa atin, upang ang sanlibutan ay sumampalataya na ako’y sinugo mo. At ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila, upang sila’y maging isa, na gaya naman natin na iisa. Ako’y nasa kanila at ikaw ay nasa akin, upang sila’y maging ganap na isa upang malaman ng sanlibutan na ikaw ang nagsugo sa akin at sila’y iyong minahal kung paanong ako’y iyong minahal (Juan 17:20-23 Ang Biblia).

Nakita nating ang isang Kaagapay ay mahalaga para sa paglago ng isang Cristiano, sa pagsulong ng ating iglesia, sa kaligtasan ng marami pang taong patungo sa kapahamakan, at higit sa lahat, para sa karangalan ng Diyos. Kung mayroon tayong Kaagapay Group, mayroon tayong:

  1. Kaagapay sa pagsunod kay Cristo.
  2. Kaagapay sa pagpapainit ng pag-ibig sa isa’t isa.
  3. Kaagapay sa mga pasanin sa buhay.
  4. Kaagapay sa paglilingkod para sa buong iglesia.
  5. Kaagapay sa pagpapatibay ng iglesia bilang Katawan ni Cristo.
  6. Kaagapay sa pag-abot sa mga naliligaw.
  7. Kaagapay sa pagbibigay karangalan sa Diyos.

Isang Personal na Patotoo

Kahit na anong lebel ng isang Cristiano sa kanyang buhay pananampalataya, kailangan niya ng isang small group tulad ng Kaagapay. Sa aming seminaryo (IGSL) ay meron kaming ISGs (Iron Sharpening Groups). Nagkikita-kita kami minsan sa isang linggo upang magpalakasan. Magkakasama din kami sa Ministry Week at sa Day with the Lord. Noong nakaraang buwan ay nagsimula kami nina Ptr. Chito Ramos kasama ang ilang mga young pastors ng ABCCOP para bumuo ng isang mentoring group. Mayroon din akong prayer partner sa seminary. Tuwing Miyerkules bago ang Prayer Meeting ay nag-uusap kami ni JC at Meldrin upang magkumustahan sa espirituwal na kalagayan at ipanalangin ang bawat isa. Nakita ko na sa pamamagitan ng mga ito ay kumikilos sa akin ang Diyos upang palakasin at patatagin ako.

Kaya naman nais ko ring maranasan ito ng bawat isa sa atin. Nais kong makapanguna ng dalawang Kaagapay Groups – isa para sa mga leaders ng youth Kaagapay Groups at isa para sa ibang Kaagapay leaders. Sa pamamagitan nito ay masasanay ang mga leaders upang manguna ng mga Kaagapay kapag naranasan nila kung ano ang tunay na Kaagapay. Kailangan ko ang panalangin ninyo ukol dito.

Anong dapat mong gawin?

Dalangin ko na makita ninyong ang pagkakaroon ng isang Kaagapay Group ay hindi optional kundi essential. Kung ikaw ay wala pang Kaagapay Group ipanalangin na dalhin ka ng Diyos sa nais niya para sa iyo. Tutulungan namin kayong magkaroon ng Kaagapay. Kung hanggang ngayon ay hindi ka pa kumbinsido na mahalaga ito, subukan mo muna sa loob ng tatlong buwan at pagkaraan ay i-evaluate mo kung ano ang tulong nito sa iyo at ano naman ang malaking naitutulong mo sa iba.

Kung ikaw ay mayroon nang Kaagapay Group, tingnan nating mabuti kung nangyayari ba sa grupo ang tunay na pagkakaagapayan. Kung hindi, anu-ano ang mga kailangan nating baguhin?

Kung ikaw naman ay tinatawag ng Diyos na maging leader ng Kaagapay, pakinggan mo ang tawag ng Diyos. Napakalaki ng plano niya para sa iyo at sa buhay ng mga kapatid natin kay Cristo na titibay sa kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng iyong pangunguna bilang isang Kaagapay leader o shepherd. Huwag mong tingnan ang kakulangan mo sa kakayahan, malaki ang nais gawin ng Diyos. Siya ang magpapalakas sa iyo. Gaya ng payo ni Pablo kay Timoteo, “Be strengthened by the grace that is in Christ Jesus” (2 Tim. 2:1).

Mga kapatid, kailangan natin ng Kaagapay dahil dito mangyayari ang nais ng Diyos na sama-sama nating maranasan ang biyaya ng Diyos, iparanas ang biyayang ito sa ibang mga kapatid natin, at ikalat ang biyaya ng ebanghelyo sa mga mahal natin sa buhay at sa buong mundo. Nawa’y ang awit na ito ay maging totoo sa bawat isa sa atin:

Welcome to the family
We’re glad that you have come
to share your life with us
as we grow in love and may we always be to you
what God would have us be a family always there
to be strong and to lean on.
 
May we learn to love each other
more with each new day
May words of love be on our lips in ev’rything we say
May the Spirit melt our hearts
and teach us how to pray
that we might be a true family

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.