By Derick Parfan | December 27, 2009
Text: Psalm 139
Kilalanin Natin ang Ating Diyos
Apat na araw na lang at matatapos na ang taon. Ito ang araw para balikan natin ang nagdaang 365 araw kung saan ay ipinakilala ng Diyos ang kanyang sarili sa atin sa mga nangyari sa buhay natin, sa pamilya natin, at sa ating iglesia. Sa mga masasaya o malulungkot na pangyayari, sa tawanan at sa iyakan, sa kaginhawaan at sa kahirapan. Sa lahat ng pangyayari sa buhay natin – maganda man o hindi sa paningin natin – nais niyang ipakilala ang kanyang sarili sa atin. Ito ang araw na nananawagan ang Diyos para muli natin kilalanin kung sino ang Diyos na mayroon tayo.
Sa unang bahagi ng awit ni David, Psalm 139:1-16, makikita natin ang ilan sa mga reflections ni David tungkol sa kung sino ang Diyos. Ito ay kanyang isinulat pagkatapos ng ilan sa mga magagandang pangyayari sa kanyang buhay nang tawagin siyang maging hari ng bansang Israel at sa kabila din ng mga mahihirap na pangyayari na dulot ng mga kaaway ng kanyang kaharian. Ano ang pagkakakilala ni David sa Diyos? Paano nais ipakilala ng Diyos ang kanyang sarili sa atin sa mga nagdaang araw sa ating buhay?
Kilalang-Kilala Tayo ng Diyos
O Lord, you have searched me and known me! You know when I sit down and when I rise up; you discern my thoughts from afar. You search out my path and my lying down and are acquainted with all my ways. Even before a word is on my tongue, behold, O Lord, you know it altogether. You hem me in, behind and before, and lay your hand upon me. Such knowledge is too wonderful for me; it is high; I cannot attain it. (139:1-6)
Kilalang-kilala tayo ng Diyos dahil siya ang sumisiyasat sa atin at nakakaalam ng lahat ng bagay. “O LORD, you have searched me and known me!” (v. 1). Alam ng Diyos ang lahat-lahat sa atin. Siya mismo ang masusing sumasaliksik sa mga ginagawa natin, mga iniisip natin, at nararamdaman natin.
Alam niya ang lahat ng ginawa natin at ginagawa natin. “You know when I sit down and when I rise up” (v. 2a). Alam niya ang lahat ng daan na nilalakaran natin. “You search out my path and my lying down and are acquainted with all my ways” (v. 3). Alam niya ang mga panahon na namamahinga tayo at walang ginagawa. Alam niya ang mga oras na tayo naman ay pagod na pagod at hindi na makapagpahinga. Alam niya kung sinasayang lang natin ang oras natin. Alam niya ang mga paglilingkod na ginagawa natin sa iglesia.
Alam niya lahat ng ating iniisip. “You discern my thoughts from afar” (v. 2b). Alam ng Diyos ang mga panahong ang laman ng isip natin ay mga bagay na makalangit. Alam ng Diyos kung puno ang isip natin ng mga basurang kaisipan. Alam ng Diyos kung ano ang iniisip natin sa isa sa kapatid natin. Alam ng Diyos kahit na ang mga ginagawa nating mabuti na may maling motibo naman. Alam ng Diyos ang mga balak natin kahit pa ito ay hindi alam ng mga magulang natin o mga kaibigan.
Alam niya maging ang mga salitang gusto nating banggitin ngunit hindi natin masabi. Alam niya ang mga nararamdaman natin. “Even before a word is on my tongue, behold, O LORD, you know it altogether” (v. 4). Alam niya ang mga panahong gusto mong sabihan ang isang kapatid na nagkakasala ngunit hindi mo nasabi. Alam niya na nais mong murahin ang tindera sa palengke dahil sa sungit. Alam niya ang gusto mong sabihin sa panalangin kahit hindi mo mahanap ang salitang dapat bigkasin (Rom. 8:26).
Kilalang-kilala tayo ng Diyos kaya’t palagian ang kanyang paggabay at proteksiyon sa atin. Wala ni isa man sa atin ang makakatakas sa malawak na kaalaman ng Diyos. “You hem me in, behind and before, and lay your hand upon me” (v. 5). Napapaligiran tayo ng kaalaman ng Diyos. Walang bagay na malilimot niya. Napakalaking lakas ng loob ang dulot ng pagkakakilalang ito ng Diyos sa akin. Hindi ko man alam kung paano lulutasin ang problema ko, pero alam niya. Hindi ko man alam kung paano ko iingatan ang aking mga pananalita, isip o paningin, pero alam niya.
Kilalang-kilala tayo ng Diyos kaya’t dapat na tayo’y mamangha sa lalim ng kanyang pagkakilala sa atin. “Such knowledge is too wonderful for me; it is high; I cannot attain it” (v. 6). Wala nang ibang nakakakilala sa atin gaya ng Diyos. Kilala ka nga ng mga magulang mo ngunit marami pa ring sikretong gawin ang ayaw mong ipaalam sa kanila, at baka sa iba pa nila malalaman. Kilala ka nga ng asawa mo ngunit may mga lihim pa rin na Diyos lang ang nakakaalam. Napakalalim ng kaalaman ng Diyos. Kaya naman ganoon na lamang ang pagkakilala sa atin ng Diyos ay dahil kasama natin siya palagi hindi tulad ng ibang tao, na kahit madalas nating kasama ay hindi naman palagi.
Kasama Natin Palagi ang Diyos
Where shall I go from your Spirit? Or where shall I flee from your presence? If I ascend to heaven, you are there! If I make my bed in Sheol, you are there! If I take the wings of the morning and dwell in the uttermost parts of the sea, even there your hand shall lead me, and your right hand shall hold me. If I say, “Surely the darkness shall cover me, and the light about me be night,” even the darkness is not dark to you; the night is bright as the day, for darkness is as light with you. (139:7-12)
Kasama natin palagi ang Diyos dahil walang makakatakas sa kanyang presensiya. “Where shall I go from your Spirit? Or where shall I flee from your presence” (v. 7)? Ang Diyos ay Espiritu, hindi siya nalilimitahan ng espasyo. Ang presensiya ng Diyos ay abot sa lahat ng dako. Magtangka man tayong tumakas sa kanya, tulad ni propeta Jonas, hindi natin magagawa. Lumayo man tayo, dahil tayo ay sa kanya at tinawag niya, aabutin at aabutin niya tayo.
Kasama natin palagi ang Diyos saan man tayo magpunta. “If I ascend to heaven, you are there! If I make my bed in Sheol, you are there” (v. 8)! Pumaroon ka man sa pinakamalayong bansa, kasama mo pa rin ang Diyos. Iwanan ka man ng iyong ama o asawa, kasama mo pa rin ang Diyos. Lalo na kung ikaw ay bawian ng buhay, tiyak na makakapiling mo ang Diyos kung ikaw ay nananalig kay Cristo. Kung hindi, sa kamatayan ay sasalubungin mo naman ang presensiya ng isang Hukom at Tagapaggawad ng parusa.
Kasama natin palagi ang Diyos mula sa paggising natin hanggang sa ating pagtulog. “If I take the wings of the morning and dwell in the uttermost parts of the sea” (v. 9). Lumipad man tayo singbilis ng takbo ng liwanag, abot pa rin tayo ng Diyos. Pumunta man tayo sa pinakamalayo, abot pa rin tayo ng Diyos. Sa paggising natin ay kasama natin ang Diyos. Sa buong maghapon ay kasama natin ang Diyos. Hanggang sa pagtulog natin ay kasama natin ang Diyos.
Kasama natin palagi ang Diyos upang gumabay sa ating mga lakad. “Even there your hand shall lead me, and your right hand shall hold me” (v. 10). Napakagandang pakinggan sa mga anak ng Diyos na ang kamay niya ay palaging nakahawak sa ating mga kamay para gabayan ang lahat ng lakad natin. Kapag nais nating bumitaw, hahawakan pa rin niya tayo para maramdaman nating nariyan siya sa tabi natin.
Kasama natin palagi ang Diyos kaya’t walang kasalanang maitatago tayo sa kanya. Maging sa pinakamababang bahagi ng buhay natin ay kasama natin siya. “If I say, ‘Surely the darkness shall cover me, and the light about me be night,’ even the darkness is not dark to you; the night is bright as the day, darkness is as light with you” (vv. 11-12). Ang akala nating lihim na kasalanan ay hayag sa kanya.
Ang kanyang presensiya, bagamat dapat na magdulot ng takot kung tayo ay nagtatangkang gumawa ng kasalanan ay nagdudulot ng lakas ng loob sa lahat ng mga nagnanais na sumunod sa kanya. Anuman ang maranasan natin, tapat siya sa kanyang pangako, “Hindi kita iiwan ni pababayaan man” (Heb. 13:5). “Surely goodness and mercy shall follow (pursue, chase) me all the days of my life” (Ps. 23:6). Kasama natin ang Diyos, hindi ako matatakot…
Makapangyarihan ang mga Gawa ng Diyos sa Buhay Natin
For you formed my inward parts; you knitted me together in my mother’s womb. I praise you, for I am fearfully and wonderfully made. Wonderful are your works; my soul knows it very well. My frame was not hidden from you, when I was being made in secret, intricately woven in the depths of the earth. Your eyes saw my unformed substance; in your book were written, every one of them, the days that were formed for me, when as yet there were none of them. (139:13-16)
Dakila ang mga gawa ng Diyos dahil siya mismo ang humubog sa atin mula pa sa sinapupunan ng ating ina. “For you formed my inward parts; knitted me together in my mother’s womb” (v. 13). Hindi pa man nakikita sa ultrasound ang gender natin, itinalaga na ng Diyos kung tayo ay magiging babae o lalaki. Ang taas natin, ang korte ng katawan natin, ang pagkapango ng ilong natin ay gawa ng Diyos bago pa man tayo ipanganak ng ating ina.
Dakila ang mga gawa ng Diyos dahil ang pagkahubog sa atin ay maingat na maingat at ayon sa karunungan ng Diyos. Ang gawa niya sa atin ay hindi dapat ipagreklamo kundi dapat magdulot ng walang-hanggang papuri sa kanya. “I praise you, for I am fearfully and wonderfully made. Wonderful are your works; my soul knows it very well. My frame was not hidden from you, when I was being made in secret, intricately woven in the depths of the earth” (vv. 14-15). Ang Diyos ang lumikha sa iyo, at ang pagkagawa sa iyo ay mabuti. Naging mababa man ang tingin mo sa sarili mo dahil sa sinasabi ng ibang tao tungkol sa boses mo, sa pagiging maliit mo, o pango, o panot, tandaan mong ang iyong pisikal na katawan ay galing sa Diyos at disenyo ng pinakamarunong sa lahat.
Wala ka din namang dapat ipagmalaki sa kanya kung nilikha kang maganda, o maganda ang boses, o matangos ang ilong, o maputi, o maganda ang katawan. Hindi ikaw ang nagdisenyo niyan kundi ang Diyos. Huwag mong angkinin ang papuring sa Diyos lang nararapat.
Ang kamangha-manghang gawa ng Diyos ay hindi lamang sa ating pisikal na katawan kundi sa bawat araw ng buhay na itinakda niya sa atin. Dakila ang mga gawa ng Diyos dahil ang mga araw na pinagdaanan natin at pagdadaanan pa natin ay itinalaga na ayon sa plano ng Diyos. “Your eyes saw my unformed substance; in your book were written, every one of them, the days that were formed for me, when as yet there were none of them” (v. 16). Sino ba sa atin ang nagsabi kung kailan natin gusto tayong ipanganak, kailan tayo daranas ng pagsubok, kailan tayo makakaranas ng tagumpay, ano’ng pamilya ang kabibilangan natin, kailan tayo babawian ng buhay? Ang Diyos lang. Ang Diyos ang may hawak ng buhay natin. Ang bukas na ipinag-aalala natin ay alam na ng Diyos, naroon na ang Diyos, dahil ito ay nasa kanyang plano na.
Tumugon sa Pagkakilala sa Diyos
Kamangha-mangha ang pagkakakilala sa atin ng Diyos, ang pagsama sa atin ng Diyos, at ang mga gawa niya sa buhay natin. Ganyan dapat ang maging pagtingin natin sa bawat araw ng buhay natin. Sa nagdaan at sa haharapin pa natin. Ngunit dapat nating malaman na sa pagbabalik tanaw natin sa pagpapakilala ng Diyos sa atin, may sinasabi siyang dapat nating gawin, dapat nating baguhin, dapat nating isaalang-alang sa mga susunod na araw. Habang mas nakikilala natin ang Diyos na maylikha sa atin at gumagabay sa lahat ng ating mga araw, hindi maaaring walang magbabago sa buhay natin. Hindi maaaring ang taon natin ngayon ay maging katulad ng susunod na taon. May mga adjustments na dapat tayong gawin. Anu-ano itong pagtugon na binanggit ni David sa ikalawang bahagi ng awit sa Psalm 139:17-24 ayon sa kanyang pagkakakilala sa Diyos sa Psalm 139:1-16?
Magpuri sa Kadakilaan ng Diyos
How precious to me are your thoughts, O God! How vast is the sum of them! If I would count them, they are more than the sand. I awake, and I am still with you. (139:17-18)
Ilista mo lahat ng mga nangyari sa buhay mo at tingnan mo kung ano ang mga nangyari dahil dito. Kahit sa pinakamabibigat na sitwasyon ay doon mo naranasan kung sino ang Diyos. Mula sa paggising sa umaga pagbulay-bulayan mo na ang mga kamangha-manghang gawa ng Diyos. Hanggang sa pagtulog sa gabi alalahanin ang kanyang mga gawa at magpasalamat at magpuri sa kanya. Kahit ang mga hindi magagandang pangyayari sa buhay mo alalahanin mo kung paano ginamit ng Diyos upang hubugin ka ayon sa larawan ng Panginoong Jesu-Cristo.
Layuan ang mga Kinamumuhian ng Diyos
Oh that you would slay the wicked, O God! O men of blood, depart from me! They speak against you with malicious intent; your enemies take your name in vain! Do I not hate those who hate you, O Lord? And do I not loathe those who rise up against you? I hate them with complete hatred; I count them my enemies. (139:19-22)
Totoo ngang maging sa mga kasalanan natin ay nagtatagumpay ang Diyos at ginagamit ng Diyos sa kanyang magandang layunin. Ngunit hindi ibig sabihin nito ay hindi na tayo gagawa upang layuan ang mga ito. Ang kasalanan ay kasuklam-suklam sa Diyos, dahil ito ay isang pagrerebelde sa kanya at paglapastangan sa kanyang pangalan. Ano’ng kasalanan ang naging dahilan ng paglayo mo sa Diyos? Bakit hindi mo italaga ngayon na layuan sinumang tao na nagiging dahilan ng paglayo mo sa Diyos? Kung kamangha-mangha ang Diyos, magiging kasuklam-suklam ang kasalanan. Kung gusto mong lumapit sa Diyos, lalayo ka sa anumang kinamumuhian niya.
Magpasuri at Magpatuwid sa Diyos
Search me, O God, and know my heart! Try me and know my thoughts! And see if there be any grievous way in me… (139:23-24a)
Ngunit hindi lahat sa atin ay maaaring nakikita ang kasalanan sa buhay niya. Maaring may mga kasalanang akala natin ay ayos lang, ngunit ayaw pala ng Diyos. Hilingin natin sa kanyang suriin tayo sa pamamagitan ng Espiritu at ng salamin ng kanyang mga salita upang makita natin ang ating karumihang dapat ipalinis sa Diyos. Kung may nakita man tayong kalikuan, lumapit tayo sa Diyos at humingi ng tawad at magpatuwid sa kanya (1 John 1:9).
Hayaang ang Diyos ang Manguna
and lead me in the way everlasting! (139:24b)
At sa paghingi natin ng tawad, at pagtanggap ng pagtutuwid ng Diyos, hayaan na ngayong siya ang manguna sa ating pang-araw-araw na buhay.
Sa patuloy na paglakad kasama ang Diyos, malaki ang maitutulong ng pang-araw-araw na Quiet Time, sa pagbabasa ng Bibliya at pananalangin, sa pakikinig sa Diyos at pakikipag-usap sa kanya. Sa pamamagitan nito mas magiging malalim ang pagkamangha mo sa Diyos dahil lalo mo siyang makikilala. Sa pamamagitan nito, mas magkakaroon ka ng pagnanais na lumayo sa anumang bagay na hindi nakalulugod sa kanya. Sa pamamagitan nito, mas makikita mo ang pagsisiyasat ng Diyos dahil makikita mo ang iyong sarili sa salamin ng salita ng Diyos. Sa pamamagitan nito, sinasabi mo sa Diyos na kailangan mo ang kanyang pangunguna kaya sa paggising mo pa lang sa umaga ay salita na niya ang nais mong pakinggan upang gumabay sa iyo sa araw-araw.
Kung mayroon mang isang resolution ang gagawin mo para sa Bagong Taon, tiyakin mo na ito ay biblikal, sang-ayon sa kalooban ng Diyos, at makapagdudulot ng mas malalim na pagkakilala sa Diyos at paglakad sa daang nais niyang lakaran mo. Make a commitment to spend time each day to commune with the wonderful God.