“As for Me and My House”: A Call to Family Worship

December 11, 2011  |  By Derick Parfan  Scripture: Joshua 24:14-15

Listen Now

[audio http://wpc.473a.edgecastcdn.net/80473A/spcdn/sermon_u002/pastorderick/audio/119773692_19480.mp3|titles=”As for Me and My House”: A Call to Family Worship|remaining=yes|animation=no|width=350]

Downloads

May Pag-asa ang Bawat Pamilya

“As for me and my house, we will serve the Lord.” Pamilyar na ito para sa marami sa atin. Pero napakahalagang ipaalala at tiyaking natutunan natin at naisasabuhay ang desisyon at commitment na ginawa ni Josue at ng kanyang pamilya na alam natin yun din ang klase ng commitment na gusto ng Diyos sa bawat isang pamilya dito. Sinasabi nating “May Pag-asa ang Bawat Pamilya” at sa Diyos talaga ang pag-asa natin, na may magandang mangyayari sa bawat pamilyang nandito, sa mga mag-asawa, at sa mga anak. Pero hindi ibig sabihing asa lang tayo nang asa na wala namang ginagawa. Meron tayong responsibilidad na dapat gawin para makita talaga natin ang katuparan ng mabuting pangako sa atin ng Diyos. Tulad ng ginawa ni Josue, at ng kanyang pamilya, at ng bawat pamilya sa kanyang henerasyon.

Patay na si Moises, ang kinikilalang lider ng mga Israelita, na siyang ginamit ng Diyos para iligtas ang kanyang bayang pinili mula sa 400-taong pagkaalipin sa Ehipto. Nangako ang Diyos na dadalhin sila sa lupang ipinangako niya simula pa sa mga ninuno nilang sina Abraham, Isaac at Jacob. Tinupad nga niya lahat ng mga pinangako niya (Joshua 23:14). Ginamit niya ang isang military leader na si Joshua para sakupin ang Canaan at pati mga nakatira ritong di sumasamba sa Diyos. Bawat tribo, bawat pamilya sa Israel ay meron nang sariling mga lupa at tirahan. Lahat ay kaloob galing sa Diyos.

Mula sa kina Adan at Eba, kay Abraham, at kay Moises, hanggang ngayon, nais ng Diyos na tugon sa kanyang kabutihan at kadakilaan ay ang pagsamba sa kanya lang, wala nang iba. Pero may problema, bagong henerasyon na ang pinamumunuan ni Josue, na karamihan ay di nakita ang makapangyarihang ginawa ni Yahweh sa Ehipto, na karamihan ay wala pa o bata pa nung nakipagkasundo ang mga tatay at lolo nila na si Yahweh lamang ang kanilang sasambahin at wala nang iba. Hindi lang iyon, naroon pa sila sa lupa na kung saan ang mga tao ay sumasamba kay Baal at sa iba pang mga diyus-diyosan.

Kaya tinipon ni Josue ang mga Israelita, lalo na ang mga pinunong bayan, mga tatay, at matatanda sa Shechem. Dito sa lugar na ito gumawa si Abraham ng altar para sambahin ang Panginoon (Gen. 12:6-7). Pati ang apo niyang si Jacob (na tinawag na Israel) dito rin gumawa ng altar para sambahin ang Panginoon (33:18-20). Dito ibinaon ni Jacob ang mga imahen ng mga dios-diosan ng pamilya ng kanyang asawang si Raquel (35:4). At dito rin sa lugar na ito sa panahon ni Josue nagkaroon ng renewal of covenant na wala silang ibang sasambahin maliban kay Yahweh. Nagtayo si Josue ng malaking bato dito bilang monumento ng mahalagang okasyon na ito (Jos. 24:26).

Bago iyon, ikinuwento niya ang salitang galing sa Panginoon sa verses 2-13: “Galing kayo sa ninuno niyong si Abraham na galing sa pamilyang sumasamba sa mga dios-diosan. Pero tinawag ko siya at pinapunta sa lugar na ito para sumamba sa akin at sa pamamagitan niya ang mga anak na susunod sa kanya ay sumamba at maglingkod sa akin. Ganun nga ang ginawa niya at ng kanyang anak na si Isaac at apong si Jacob. Nang maalipin ang mga magulang at ninuno ninyo sa Egipto, nakita nila ang kapangyarihan ko nang ilabas ko sila at gumawa ng maraming himala doon. Sa pakikipaglaban ninyo sa mga tao sa lupaing ito, pinagtagumpay ko kayo. Nang may gustong sumumpa sa inyo, pinagpala ko pa kayo. Binigyan ko kayo ng lupa at pagkaing di naman sa inyo. Nakita n’yo ang kapangyarihan at kabutihan ko.” Dugtong ni Josue:

Kaya ngayon (bilang tugon sa kadakilaan at kabutihan ng Diyos), igalang n’yo ang Panginoon at paglingkuran na may katapatan. Itakwil na ninyo ang mga dios-diosang sinasamba noon ng mga ninuno n’yo…at maglingkod kayo sa Panginoon. Pero kung ayaw n’yong maglingkod sa Panginoon, mamili kayo ngayon sa araw na ito kung sino ang paglilingkuran n’yo. Maglilingkod ba kayo sa mga dios na pinaglilingkuran ng mga ninuno n’yo…o ng mga dios ng mga Amoreo na ang lupain ay tinitirhan n’yo ngayon? Pero para sa akin at sa pamilya ko maglilingkod kami sa Panginoon (24:14-15).

Ang salitang “maglingkod” o “serve” ay ginamit nang 16 times sa chapter 24. Nagpapakita ito ng pagsamba at relasyon sa Diyos sa lahat ng bahagi ng buhay. Na igalang siya, mahalin, at sundin. Hindi lang ng bawat isang tao, kundi bawat pamilya. Totoo ngang worship is a way of life. Pero ang salitang ginamit dito ay tumutukoy din sa special times of worship ng buong pamilya. God is great, God is good. He is worthy to be worshiped by the Israelites in the OT and by Baliwag Bible Christian Church today. Not just personal, not just in church. But in every family. Lumalaki ang mga bata na di kilala at di alam ang mga kahanga-hangang gawa ng Diyos. Nakapaligid sa kanila at sa ating pamilya ang mga tao – sa school, sa trabaho, sa barangay, sa media – na hindi kumikilala sa Diyos. May pag-asa ang bawat pamilya kung magiging lifestyle natin ang family worship.

Maaaring bago ito sa marami sa atin, pero matagal na itong ginagawa sa kasaysayan ng Christian church. The Westminster Confession of Faith (1646) says, “God is to be worshiped everywhere, in spirit and truth; as in private families daily, and in secret, each one by himself; so more solemnly in the public assemblies, which are not carelessly or wilfully to be neglected, or forsaken, when God, by His Word or providence calls there unto” (21:6). Even the Catholic Church recognized the importance of family prayer, na siya namang kinakalimutan nating mga Evangelicals dahil sa misplaced emphasis natin sa “personal relationship with the Lord.”

The Christian family is the first place of education in prayer. Based on the sacrament of marriage, the family is the “domestic Church” where God’s children learn to pray “as the Chuch” and to persevere in prayer. For young children in particular, daily family prayer is the first witness of the Church’s living memory as awakened patiently by the Holy Spirit (Catechism of the Catholic Church, p. 708).

“Research has shown that the single biggest influence in the spiritual life of children is not school, it is neither the church nor society. It is parents. No one has more potential to influence a child’s relationship with God than his or her parents.” – Peter Tan Chi, Christ-Centered Family Devotions (pdf). Siyempre, hindi lang para sa mga anak ang family worship, para din ito sa mag-asawa, sa buong pamilya at para sa kasambahay na sa kalooban ng Diyos ay dinala sa inyong pamilya para makakilala rin at sumamba sa Diyos. Charles Spurgeon once said “If we want to bring up a godly family, who shall be a seed to serve God when are heads are under the clods of the valley, let us seek to train them up in the fear of God by meeting together as a family for worship” (C.H. Spurgeon, “A Pastoral Visit” 362-363).

Family Worship Guide

We will walk thru the family worship guide, and my prayer is that you will be convinced na kailangan ito sa bawat pamilya, at kung paano ito gagawin. Pero siyempre iba’t iba ang katayuan natin sa pamilya, kaya iba-iba rin ang magiging applications n’yo dito. Para sa mga tatay, pakinggan n’yong mabuti kasi nang sabihin ni Josue ang salita ng Diyos direkta ito sa mga household heads. Mga nanay, kapartner kayo ni tatay sa pag-implement nito sa bahay. Mga nanay na wala na ang asawa o di Cristiano ang asawa o madalas wala sa bahay ang asawa, kayo ang sasalo sa pangunguna sa family worship. Mga bata, kabataan at kasambahay, kapag nag-initiate ang parents n’yo ‘wag n’yong balewalain, cooperate, kahit sa simula parang “corny” kasi di kayo nasanay. Sa mga singles, magkakapamilya kayo, make a commitment ngayon pa lang. Sa mga wala nang pamilya, puwede rin itong i-apply sa personal worship o sa espirituwal na pamilya sa church, at pagpray din ninyo ang bawat pamilya na maisagawa ito.

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa family worship?

Hindi nga ito direktang iniuutos sa Bibliya, pero ang kahalagahan na magsimula sa tahanan ang pag-akay sa mga bata sa pagsunod kay Jesus (discipleship at home) ay madalas binabanggit sa Salita ng Diyos. Sa Lumang Tipan, iniuutos sa mga tatay, “Huwag ninyong kalilimutan ang mga utos na ito na ibinigay ko sa inyo ngayon. Ituro ninyo ito sa inyong mga anak. Sabihin ninyo ito kapag kayo’y nasa inyong mga bahay at kapag naglalakad kayo, kapag nakahiga kayo at kapag babangon kayo” (Deut. 6:6-7). Ganun din sa Awit 78:5-7, “Ibinigay niya ang kanyang mga katuruan…Iniutos niya sa ating mga ninuno na ituro ito sa kanilang mga anak, upang malaman din ito ng mga susunod na lahi at nang ituro rin nila ito sa kanilang mga anak. Sa ganitong paraan, magtitiwala sila sa Dios at hindi nila makakalimutan ang kanyang mga ginawa at susundin nila ang kanyang mga utos.”

Sa Bagong Tipan, ang mga tatay ay binigyan ng utos na palakihin ang kanilang mga anak ayon sa disiplina at katuruan ng Panginoon (Efeso 6:4). Si Timoteo, na itinuring ni Pablo na anak sa pananampalataya, ay unang tinuruan ng kanyang nanay na si Eunice at lolang si Lois (2 Tim. 1:5), na ginamit ng Panginoon para magpatuloy sa pananampalataya si Timoteo (2 Tim. 3:15).

Malinaw sa Luma at Bagong Tipan na ang pamilya ay nasa sentro ng plano ng Diyos kung paano ipapasa sa susunod na henerasyon ang pananampalataya sa Diyos. May responsibilidad ang mga magulang – lalo na ang mga tatay – para tiyaking malusog ang espirituwal na kalagayan ng kanilang pamilya. Malaki at mabigat ang tungkulin, pero karapat-dapat ang Diyos na dakila sa lahat, sapat ang kanyang biyaya, at nag-uumapaw ang kanyang gantimpala sa bawat pamilyang buong buhay ay alay sa kanya.

Anu-ano ang kahalagahan ng family worship?

Hindi pa ba sapat na dalhin ko ang aking pamilya sa pagsamba tuwing Linggo? Hindi ba sapat na ipaubaya ko na lang sa mga Sunday School Teachers ang pagtuturo sa anak ko? Hindi layunin ng pagsambang pampamilya na palitan ang ginagawa natin kapag Linggo, kundi pag-ibayuhin pa nga mahalagang pagtitipon ‘pag Linggo. Magiging natural ang pagsamba kapag Linggo kung ito ay magiging overflow ng regular na pagsambang ginagawa sa bahay. Ilan sa mga kahalagan nito ay ang mga sumusunod:

Nagbibigay ito ng karangalan sa Diyos. Nabibigyan ng higit na karangalan ang Diyos kapag ang mga anak niya ay nagpapahalaga sa kanya ng higit sa lahat ng bagay. Ang pagsamba sa loob ng bahay ay malinaw na nagpapaalala sa lahat na ang Diyos ay karapat-dapat sa oras, atensiyon, at damdamin natin. Nagbibigay ito ng karangalan sa Diyos habang tayo ay unti-unting binabago upang maging tulad ng kanyang Anak at ating Panginoong Jesus.

Nagbibigay ito ng kagalakan sa pamilya. Ang kagalakang dala ni Jesus sa bawat tao ay kanya ring dinadala sa mga pamilyang nasasabik at nasisiyahan sa sama-samang pagsamba sa kanya. Ang pag-ibig ni Cristo ay mas madaling mag-uumapaw sa tahanang nakasentro sa pagsamba sa Diyos. Habang umiinit at lumalalim ang pag-ibig natin kay Cristo sa pamamagitan ng pagsamba, nagdudulot ito ng di-matapos na kagalakan sa pagitan ng mag-asawa at ng mga magulang at kanilang mga anak, kasama rin ang mga kamag-anak at kasambahay.

Nagiging daan ito sa malaking pagbabago sa mundo. May short-term at long-term impact ang pagsambang pampamilya. Nalulugod ang Diyos na kumilos sa pamamagitan ng mga panalangin ng isang pamilyang nananalangin gabi-gabi para sa pangangailangan ng ibang mga tao – sa malapit man o malayo, kakilala man o hindi. Pinapakinggan at sinasagot ng Diyos ang panalangin ng isang batang apat na taong gulang pa lang, na humihiling na lumaganap ang Magandang Balita sa isang unreached people group. Sa makapangyarihang tugon ng Diyos, maraming misyonero ang maipadadala, maisasalin ang Bibliya sa iba’t ibang wika, maraming iglesia ang mapapasimulan – lahat ito ay dahil desidido ang Diyos na gamitin ang mga kahilingang idinulog sa kanya sa loob ng isang bahay ng isang pamilyang regular na sumasamba sa kanya.

Hindi lang iyon, isipin mo rin ang kahalagahan ng pagsambang pampamilya sa buhay ng mga anak mo kapag lumaki na sila. Daan-daang talata na sa Bibliya ang nabasa nila, napakinggan at naipaliwanag, nakita nila ang sagot ng Diyos sa maraming panalangin nila, umawit sila ng maraming awit na nakapagpapatibay ng pananampalataya, at nakapagsaulo ng higit na maraming talata sa Bibliya kaysa ibang mga Cristiano sa kanilang buong buhay. Ito ay isang matibay na pundasyon na hindi matitinag ng panahon at magbubunga ng kaligtasan at mabubuting gawa ng paglilingkod sa susunod pang mga henerasyon.

Anu-ano ang kailangang gawin sa family worship?

Upang makasanayan ang pagsambang pampamilya, gawin ito nang simple lang. ‘Wag itong gawing tulad ng Sunday Worship Service. ‘Di ito dapat ikabahala o ikabalisa ng mga magulang. Ngunit kahit simple, may paghahandang gagawin sa pagsasagawa ng apat na simpleng bahagi ng family worship:

Read (Magbasa). Sama-samang magbasa ng maikling bahagi ng Salita ng Diyos. Puwedeng chapter-by-chapter o pumili ng ilang talata sa personal Bible reading plan o ayon sa suggestion sa isang devotional guide. Kung may mga bata, malaking tulong sa kanila kung hahayaan silang magbasa. Ipaliwanag (sa pamamagitan ng kuwento o ilustrasyon) ang mga salita o ideyang mahirap unawain ng bata. Pagkatapos basahin ang Salita ng Diyos, gamitin ang simpleng proseso sa pagsisiyasat ng nabasa. Una, ano ang sinasabi ng talata sa mga orihinal na tumanggap nito? Pangalawa, ano ang kahulugan ng talata para sa lahat ng panahon? Pangatlo, paano natin isasabuhay ang talatang ito sa personal na buhay, sa pamilya, sa iglesia, at sa mundong ginagalawan natin?

Pray (Manalangin). Malaya ang bawat pamilya kung paano isasagawa ang panalangin. Kung meron kayong gabay ng mga kailangang ipanalangin, puwedeng sundan iyon. O kaya naman, puwedeng gamitin ang A-C-T-S: Adoration (pagpupuri), Confession (paghingi ng tawad), Thanksgiving (pasasalamat), Supplication (paghiling). Puwede ring sundan ang itinuro ni Jesus sa The Lord’s Prayer (Mateo 6:9-13). Subukang isama ang lahat ng miyembro  sa panalangin at hikayatin silang manalangin din. Puwede ring meron kayong isang family prayer journal kung saan ninyo isusulat ang mga prayer requests ninyo at kung paano din sumagot ang Diyos sa mga panalanging iyon.

Sing (Mag-awitan). Masayang mag-awitan kung buong pamilya. Puwedeng umawit ng kantang nakalagay sa devotional guide, o pumili ng ayon sa gusto ninyo. Kung ang ilan sa pamilya ay sanay tumugtog, puwede nilang pag-aralan ang mga kanta para sa family worship. Puwede ring gumamit ng Worship Songbook, music CDs, o music videos sa YouTube. Puwede ring a cappella.

Memorize (Magsaulo). May suggested man na talatang isasaulo o pinili lang ng isa sa inyo, sikaping kabisaduhin ito ng lahat (pati tatay at nanay!). Sa simula ng linggo, puwedeng gamitin sa pag-unawa at pagkabisado ng talata. Sa pagtatapos ng linggo, puwedeng hilingan bawat isa sa pamilya na sabihin nang malakas ang sinaulong talata. Kapag marami nang nakakabisado, puwedeng balikan ang mga nakaraang memory verses para ma-review.

Mga karaniwang tanong tungkol sa family worship

Paano kung hindi naman Cristiano ang tatay? Ipinapalagay ng mga utos sa Bibliya tungkol sa family discipleship na mananampalataya ang tatay. Pero hindi laging ganito ang kaso. Kung gayon, ang nanay ang sasalo ng tungkuling pangunahan ang family worship. Ganunpaman, dapat gawin ito ng nanay sa paraang hindi nakaka-offend at may pagrespeto pa rin sa awtoridad ng tatay sa bahay.

Paano kung nasa ibang bansa o madalas wala ang tatay sa bahay dahil sa trabaho? Kung Cristiano man ang tatay pero madalas naman wala sa bahay dahil sa trabaho, kailangan ding saluhin ng nanay ang pangunguna sa family worship. Pero hindi ito excuse sa tatay na balewalain ang kanyang responsibilidad sa pagtuturo at pag-akay sa buong pamilya sa pagsamba sa Diyos. Dapat niyang ipanalangin ang mga kailangang adjustments na gawin tungkol sa trabaho para maisagawa ang nais ng Diyos sa kanyang pamilya. Hindi man ideal, puwedeng gamitin ang Internet para kasama pa rin ang tatay sa family worship at nakakausap ang kanyang pamilya tungkol sa espirituwal na mga bagay.

Paano kung sobrang bata pa ang mga anak? Tandaan na ang layunin ng family worship para sa bawat bata ay hindi pare-pareho. Kung sobrang bata pa ng mga anak, ang layunin ay hindi para maunawaan agad nila ang mga doktrina sa Bibliya, ngunit para mailagay na sa puso nila habang bata pa lang ang kahalagahan ng family worship (at ng Diyos, siyempre!).

Paano magiging interesado lahat sa family worship kung magkakalayo ang edad ng mga anak ko? Para sa mga bata pa, subukang isama sila hangga’t maaari para masanay na. Lahat ng miyembro ng pamilya ay puwede nang manalangin at kumanta. Kung nakakabasa na ang bata, hayaan siyang magbasa. Kapag malaki na ang anak, puwede na silang bigyan ng bahagi sa pagpapaliwanag at pagsasabuhay ng binasang Salita ng Diyos. Puwede na ring manguna sa panalangin at pagpapaawit. Puwede rin silang katulungin sa pagpapaliwanag ng mga katuruan sa Bibliya sa nakababata nilang kapatid.

Tuwing kailan at anong oras ang mainam para sa family worship? Mas mainam kung araw-araw. Pero kung bago pa lang ay kahit isa o dalawang beses sa isang linggo. Ang mahalaga ay regular. Ang iba ay sa umaga mainam ilagay ang family worship. Ang iba ay sa gabi, bago o pagkatapos maghapunan. Ang mahalaga ay mapag-usapan at mapagkasunduan ito ng buong pamilya. Dapat maging consistent, pahalagahan ang oras na ito at hindi ipagpalit sa ibang gawain tulad ng TV o Internet.

A Call for Covenant Commitment

Bakit di natin simulan ngayong Christmas season? Let’s worship with our family sa Noche Buena at sa Media Noche. Tapos by next year, tuluy-tuloy na, pagtulung-tulungan natin. Commitment ng parents, commitment ng church na tulungan ang mga parents. Pagkatapos sabihin ni Josue ang commitment niya, sumunod ang mga tao sa example niya, Tatlong beses nilang sinabi, “Maglilingkod din kami sa Panginoon, dahil siya ang Dios namin.” Di lang sa salita, ginawa nila at naging maganda ang resulta sa bansang Israel, “Naglingkod sila sa Panginoon habang nabubuhay si Josue. At kahit namatay siya, patuloy pa rin silang naglingkod sa Panginoon habang nabubuhay ang mga namamahala sa Israel na nakakita ng lahat ng ginawa ng Panginoon para sa Israel (Judges 2:7).

Tulad ng bawat desisyong gagawin natin, dapat di lang short-term, dapat long-term ang pag-iisip natin. Dapat maging matiyaga tayo. Ang nangyari sa panahon ni Josue, isa at dalawang henerasyon lang ang naglingkod sa Panginoon:

Nang mamatay ang mga tao sa henerasyong iyon, ang sumunod na salinlahi ay hindi nakikilala ang Panginoon, maging ang mga ginawa niya para sa Israel. Gumawa ng kasamaan ang mga Israelita sa paningin ng Panginoon at naglingkod sa mga imahen ni Baal. Itinakwil nila ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno, na siyang naglabas sa kanila sa Egipto. Sinunod nila at sinamba ang iba’t ibang dios ng mga tao sa paligid nila (Jos. 2:10-12).

Kaya ang prayer natin ay para sa ating mag-asawa, sa ating mga anak, mga apo, at mga apo sa tuhod.

Panginoon, kayo’y makapangyarihan at karapat-dapat na purihin. Ang inyong kadakilaan ay hindi kayang unawain. Ang bawat salinlahi (ang bawat pamilya) ay magsasabi sa susunod na salinlahi (sa mga anak nila at magiging anak ng mga anak nila at magiging anak ng mga apo nila…) tungkol sa inyong makapangyarihang gawa (Psa. 145:3-4 ASD). 

1 Comment

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.