Suwabe ang Biyahe

May 1, 2011  |  By Derick Parfan  |  Scripture: Psalm 119:9-16

[audio http://cdn.sermonplayer.com/sermonplayers/pastorderick/audio/2674464_19480.mp3]

Downloads: audio  |  video

How can a young man keep his way pure?
     By guarding it according to your word.
With my whole heart I seek you;
     let me not wander from your commandments!
I have stored up your word in my heart,
     that I might not sin against you.
Blessed are you, O LORD;
    teach me your statutes!
With my lips I declare
    all the rules of your mouth.
In the way of your testimonies I delight
    as much as in all riches.
I will meditate on your precepts
    and fix my eyes on your ways.
I will delight in your statutes;
    I will not forget your word.

Mga Sagabal sa Biyaheng Cristiano

Ang buhay Cristiano ay isang mahabang biyahe. Ito ay nagsimula nang baguhin ng Panginoon ang puso natin, makakilala tayo kay Cristo, at magsimulang sumunod sa kanya. Ang tungo o destinasyon nito ay ang buhay na inilaan ng Diyos para sa atin kasama siya habang-buhay na magsisimula sa ating kamatayan at magaganap sa muling pagbabalik ni Cristo. Sa simula at dulo ng biyaheng ito ay ang isang mahabang paglalakbay natin dito sa mundo. Maaaring apat na taon lang para sa ibang Cristiano, sa iba naman ay 40 o 60. Pero lahat tayo ay bumibiyahe. Sa biyaheng ito ay dumadaan tayo sa proseso na tayo’y pinababanal ng Diyos at ginagawang kamukha ng kanyang Anak at ating Panginoong Jesus.

Kabataan ka man o mas nakatatanda, alam nating maraming sagabal sa biyaheng ito. Maraming bagay sa mundo na nagiging masamang impluwensiya sa atin, umaagaw ng atensiyon natin, at nakapaglalayo sa atin sa Diyos. Halimbawa na lang ay ang malaking impluwensiya ng media at entertainment sa isip, damdamin, at mga gawain natin. Sa halip na maging kawangis tayo ni Cristo, iniidolo at tinutularan natin ang mga popular na celebrities ngayon at mga cultural trends. Ang entertainment, media, at iba pang impluwensiya sa buhay natin ay maaaring maging malaking distractions o sagabal sa ating biyaheng dinisenyo ng Diyos para sa atin.

Paano nagiging sagabal? Ang mensaheng dala ng mundong ito ay maaaring maging dahilan para manatiling bulag ang isang tao sa katotohanan. Too much exposure on the lies of this world will make you blind to reality. Sa kanta ni Lady Gaga na Born This Way: “I’m beautiful in my way / ‘Cause God makes no mistakes / I’m on the right track, baby / I was born this way…No matter gay, straight or bi / Lesbian transgendered life / I’m on the right track, baby…” Right track? Sabi nga sa Proverbs, “There is a way that seems right to a man, but its end is death.”

Sa halip na Diyos ang hanapin at ibigin, inilalayo tayo ng mga ito sa Diyos at sa mga bagay tungkol sa Diyos. Sa bagong kanta ni Lady Gaga na ni-release noong Easter Sunday: “I’m in love with Judas, I’m in love with Judas…In the most Biblical sense, I am beyond repentance / Fame hooker, prostitute wench, vomits her mind…I wanna love you / But something’s pulling me away from you / Jesus is my virtue / Judas is the demon I cling to, I cling to.” Hindi lang sa mensahe ng mga ito, kundi pati dahil sa oras na sinasayang natin sa pakikinig at panonood sa kanila. That entertainment can give you joy is a lie.

Siguro sasabihin ninyo OA naman si pastor, pati music napapansin. Tingin ng iba maliit na bagay lang. Pero hindi ba’t ang kasalanan o paglayo sa Diyos nagsisimula sa maliit na bagay rin na unti-unting lumalaki kapag hindi nabantayan. Pag nagmamaneho ka sa expressway at pupunta ka ng Baliwag, malaking bagay kapag ilang segundo lang na nakalimutan mo at lumagpas ka ng Sta. Rita Exit. Malaking sagabal sa biyahe. Ganoon din sa music, sa Internet, sa TV, sa overtime sa trabaho, at iba pa. Gusto natin at gusto ng Diyos suwabe ang biyahe natin. Walang sagabal, walang sabit.

Paano mangyayari iyon? Sa pamamagitan lang ng Salita ng Diyos! Dito sa Psalm 119:9-16 makikita nating hindi hinayaan ng sumulat ang anumang sagabal sa kanyang biyahe patungo sa isang mas malalim at malapit na relasyon sa Diyos. Ito ay dahil sa kanyang pagpapahalaga sa Salita ng Diyos. Bakit ganoon na lang ang pagpapahalaga niya sa Salita ng Diyos?

Tour Guide: Ang Salita ng Diyos ay GABAY

Bungad ng bahaging ito ng Awit 119, “How can a young man keep his way pure” (v. 9)? Bilang mga Cristiano tinawag tayo ng Diyos na mamuhay nang may kabanalan. Pero ilang mga kabataan ba ang nagtatanong ng ganito, “How can I keep my way pure?” Buti pa siguro kung ganito, “Kailan kaya magkakaboyfriend?”; “Kailan ko kaya siya masosolo nang magawa namin ang mga gusto naming gawin?” Maling mga tanong ang sinasagot natin sa buhay. Hindi lang ito sa mga kabataan. Pero siyempre kung habang bata pa ganito dapat agad ang tanong (cf. Ecc. 12:1). Kapag tumanda na, medyo mahirap nang linisin. Kapag matagal na sa biyahe pero mali-mali ang dinaanan, ang hirap nang ibalik o itama ang daan. Kaya habang bata pa, tanungin ninyo ang sarili ninyo, “Paano nga ba matitiyak na tama ang daan?” Maraming mga tao ngayon ang nadiskaril ang biyahe dahil hindi pinag-isipang mabuti ang sagot sa tanong na ito.

Lahat tayo may responsibilidad na alamin ang sagot. Doon sa tanong niya sa v. 9 na, “How can a young man keep his way pure?” ang sagot niya, “By guarding it according to your word.” Alam niyang ang Salita ng Diyos ay isang gabay, o isang tour guide na gumagabay sa ating mga bumibiyahe. Bilang isang gabay, tinitiyak ng Salita ng Diyos na tama ang dinadaanan natin. Ito ang nag-iingat sa atin sa daang dapat nating lakaran. Ito ang magsasabi sa atin kung saan tayo dapat magdaan. Ito rin ang magsasabi kung mali ang dinaraanan natin. Maraming signboards na makikita tayo sa biyahe natin na nakalagay na “turn right” or “turn left” na akala natin tama. Pero mag-iingat tayo. Sinungaling si Satanas. Marami sa mga media, sa TV at Internet, ang nagkakalat ng kasinungalingan. Minsan akala niyo harmless, pero harmful pala. Paano tayo makatitiyak na tama ang daan? Ang Salita ng Diyos ang gabay. Maraming naliligaw kasi ni hindi man lamang binabasa araw-araw ang Salita ng Diyos, ni hindi man lamang iniintindi at sinusunod ang mga iniuutos ng Diyos rito.

Bilang isang gabay, tinitiyak ng Salita ng Diyos na makakarating tayo sa destinasyon natin. Sabi niya sa verse 10, “With my whole heart I seek you.” Walang ibang ambisyon o hangarin ang umawit nito maliban sa makita, makilala, at makasama ang Diyos. Hinahanap-hanap niya ang Diyos na parang naghahanap ng kayamanan. Hindi sa pamamagitan ng relihiyon o ng iba’t ibang ritwal o tradisyon kundi may sincerity at buong pusong paghahanap. Gusto niya ng mas malalim na relasyon sa Diyos. At ito naman talaga ang layunin ng buhay Cristiano. At paano mangyayari ito? Sa pamamagitan ng Salita ng Diyos! Dahil ang Diyos ang ambisyon niya, gagawin niya ang lahat para ibabad ang kanyang sarili sa Salita ng Diyos at lumakad ayon dito. Kaya nga ang prayer niya, “Let me not wander from your commandments.” Panginoon, ayaw kong maligaw, ayaw kong magkasala laban sa iyo.” Alam niyang malaki ang impluwensiya ng mundo para mailigaw tayo. Alam niyang mahina siya, kaya nanalangin siya sa Diyos na makapangyarihan sa lahat.

Bilang isang gabay, tinitiyak ng Salita ng Diyos na ligtas tayo sa mga delikadong bagay. Sinabi niya sa verse 11, “I have stored up your word in my heart.” Parang isang kayamanan na nakatago sa isang safe place na walang sinuman ang makakaagaw. Kung ang Salita ng Diyos ay nasa puso natin, hindi ito maaagaw ninuman. Para rin itong isang armas laban sa kaaway na maaaring hugutin sa mga panahong kailangan. Ang Salita ng Diyos ang sandata natin laban sa kasalanan na sumisira sa relasyon natin sa Diyos kung hindi natin pagsisisihan at tatalikuran. Ayaw niyang ganito ang mangyari. Inilalagay niya sa kanyang puso ang Salita ng Diyos sa ganitong layunin o intensiyon: “That I might not sin against you.” Ayaw niyang masuway ang Diyos. Ayaw niyang magkasala laban sa Diyos. Delikado ang kasalanan sa biyaheng Cristiano dahil ito ang naglalayo sa atin sa Diyos.

Gusto mong maging malapit ang relasyon sa Diyos? Talaga? Bakit ni hindi mo binubuklat ang iyong Bibliya? Ni hindi mo sinusubukang magmemorya ng ilang mga talata? Tapos kapag nahulog ka sa kasalanan, magugulat ka ba? Alam mo namang imposibleng mamuhay tayo nang may kabanalan at nakalulugod sa Diyos kung wala ang Salita ng Diyos sa isip, sa puso, at sa ginagawa natin. Bakit? Dahil ang Salita ng Diyos ang ating gabay sa pang-araw-araw na biyahe sa buhay Cristiano.

Teacher: Ang Salita ng Diyos ay GURO

Ang Salita ng Diyos ay hindi lang isang gabay na siyang umaalalay sa atin para tama ang daanan natin at makarating tayo sa paroroonan natin, kundi isa ring guro na siyang nagtuturo sa atin ng mga bagay tungkol sa Diyos at sa kanyang mga gawa sa buhay natin at ng ibang tao. Verses 12-13, “Blessed are you, O LORD; teach me your statutes! With my lips I declare all the rules of your mouth.” Dahil sa ipinapahayag ng Diyos ang kanyang kalooban at ang kanyang kadakilaan sa pamamagitan ng Kasulatan, naroon ang kanyang pagtugon: praises, prayers, and proclamation.

Praises. Ang Diyos ang tagapagturong dapat tumanggap ng ating pagpupuri. “Blessed are you, O LORD” (v. 12a). Dapat lang na tayo’y lumuhod sa Diyos dahil ipinakilala niya ang kanyang sarili sa atin. Dapat lang na tayo’y magpasalamat at sumamba dahil hindi niya itinago ang kanyang mga plano at layunin sa atin. Ipinahayag ng Diyos kanyang Salita hindi lang upang tumanggap tayo ng biyaya. Totoo iyon, pero hindi iyon ang pangunahin. Ang pangunahin ay ang pagtanggap ng Diyos ng papuri galing sa atin. Kailan ang huling beses na sinabi natin sa Panginoon, “Lord, salamat po sa inyong mga salita”?

Prayers. Ang Diyos ang tagapagturong lalapitan natin sa panalangin. Sabi ng umawit, “Teach me your statutes!” Makikita ang puso ng isang tao sa klase ng kanyang panalangin. Nakikitang mas mahalaga sa isang tao ang paggastos sa araw-araw (pangangailangan at kagustuhan) kung siya ay hingi nang hingi ng dagdag na income sa Diyos. Mas mahalaga sa umawit ang Salita ng Diyos kaysa pera dahil ang hiling niya ay hindi lang “Bigyan mo ako nito…” kundi “Ituro mo sa akin ang iyong Salita.” Inulit pa niya ito sa verses 26, 64, 68, 108, 124, 135, at 171. Ang parang “pautos” (imperative) na hiling ay isang bold request sa Panginoon na gawin ang lahat upang matulungan siyang matutunan ang Salita ng Diyos.

Siya ay tulad ng isang estudyanteng palaging pumapasok sa eskuwelahan para matuto, hindi tulad ng isang estudyanteng bulakbol na inaatupag pa ang barkada bago mag-aral. Kung hindi natin hinihiling sa Diyos na ituro sa atin ang kanyang Salita para rin tayong mga estudyante na hindi naman pumapasok sa eskuwelahan. Pero kung masasabik tayong hilingin sa Diyos na turuan tayo, ang Espiritu Santo mismo na sumulat ng Bibliya ang magtuturo sa atin at magpapaunawa nito, “When the Spirit of truth comes, he will guide you into all the truth, for he will not speak on his own authority, but whatever he hears he will speak, and he will declare to you the things that are to come” (John 16:13); “These things God has revealed to us through the Spirit. For the Spirit searches everything, even the depths of God” (1 Cor. 2:10). Kung hihilingin natin sa Diyos, lalo niyang ipapaunawa sa atin ang kanyang Salita. Ako naman, kapag bumibiyahe, kahit hindi ko alam ang pupuntahan, ayaw kong nagtatanong. Pero patungkol sa biyaheng Cristiano, bakit hindi tayo magtanong sa Diyos mismo?

Habang nagpupuri tayo sa Diyos dahil sa kanyang Salita, at habang hinihiling natin sa Diyos na ipaunawa ito sa atin at tinutugon naman niya, hindi mapipigilang mag-umapaw ang puso natin at sabihin din natin sa iba ang tungkol sa kanyang Salita. Tulad ng isang gripong naiwang bukas, pinupuno ang timba hanggang umapaw at umagos.

Proclamation. Ang Diyos ang tagapagturong nais makita ang ating pagtuturo din sa iba. “With my lips I declare all the rules of your mouth” (v. 13). Ang natuto ng mga bagay-bagay tungkol sa Diyos ay dapat ring itinuturo ito sa iba. Ang isang bumiyahe sa Boracay at nagustuhan, ilalagay ang mga pictures sa Facebook at sasabihin din sa iba, “Tara, biyahe tayo sa Boracay.” Ang isang taong naging malapit sa Diyos dahil sa kanyang mga Salita, ibabahagi din ito sa iba upang maging malapit din ang maraming tao sa Diyos. Sa MBB, “Ang lahat mong mga utos na sa aki’y ibinigay, palagi kong babanggitin, malakas kong isisigaw.” May ibinigay sa iyo ang Diyos sa pamamagitan ng kanyang Salita. Ibinigay ito sa iyo hindi para ikaw lang ang makakain, kundi para ang maraming tao rin na gutom sa mga katotohanan ay makakilala din sa Diyos. Sana maging katulad tayo ni Ezra, “For Ezra had set his heart to study the Law of the Lord, and to do it and to teach his statutes and rules in Israel” (Ezra 7:10). Maraming tao ang hindi pa nakakaalam kung ano ang totoo, kung anong klaseng buhay ang dapat nilang ipamuhay para hindi masayang ang kanilang buhay. Marami pang tao ang ligaw, lito, at hindi alam kung ano ang daan. Pero ikaw alam mo. Pero ikaw bakit hindi mo ibinabahagi sa iba? Basahin natin at unawain ang Salita ng Diyos, ilagay sa puso, at ipahayag sa iba kung sino ang Diyos at kung ano ang kanyang ginawa.

Ito ang biyaheng Cristiano. Ang Diyos ang nagtuturo sa pamamagitan ng kanyang Salita ng mga bagay na dapat nating malaman at isabuhay. Dahil diyan, dapat siyang purihin, dapat hilingin sa kanya na patuloy tayong turuan, at dapat ipahayag din sa iba ang mga natutunan natin. Sa biyaheng Cristiano, hindi lang tour guide ang kailangan natin. Kailangan din natin ang isang teacher, na nagtuturo sa atin kung sino ang Diyos at paano lalalim ang relasyon natin sa kanya. Bilang gabay at bilang guro, ang Salita rin ng Diyos ang nagdadala sa atin sa tunay na ginto.

Treasure: Ang Salita ng Diyos ay GINTO

Sabi ng mang-aawit sa verse 14, “In the way of your testimonies I delight as much as in all riches.” Ang pagpapahalaga niya sa Salita ng Diyos ay tulad ng isang kayamanan. Pero para rin sa kanya, hindi rin maihahambing ang halaga ng Salita ng Diyos sa ginto, kundi higit pa sa lahat ng kayamanan sa mundo. “Blessed is the one who finds wisdom, and the one who gets understanding, for the gain from her is better than gain from silver and her profit better than gold. She is more precious than jewels, and nothing you desire can compare with her” (Prov. 3:13-15). Ang Salita ng Diyos, na higit pa sa kayamanan sa mundo, ay hahanap-hanapin hanggang masumpungan. Paano natin ito dapat hanapin?

Delight. Ang Salita ng Diyos ay kayamanang dapat nating hanapin nang may kasiyahan (with delight). “In the way of your testimonies I delight as much as in all riches” (v. 14). Sa klase ng pamumuhay na itinuturo ng Salita ng Diyos, ito ang ikinasisiya niyang hanapin. Hindi tulad ng maraming tao ngayon na ang hanap ay maging tulad ng pamumuhay ng kanyang mga kabarkada. Hindi dapat ganito. Ang iba ikinasisiyang makamtan ang kayamanang mamanahin sa magulang, pero ang umawit ng Psalm 119, “Your testimonies are my heritage forever, for they are the joy of my heart” (v. 111). Dahil sa hirap ng buhay, ang iba (kahit Cristiano na) ang pangarap tumama sa lotto, pero ang mang-aawit, “I rejoice at your word like one who finds great spoil” (v. 162). It gives so much joy because it is better that silver and gold; it yields much better return than all the riches of the world. The Word of God brings us to God himself, brings us closer to our Lord Jesus. That is why it is a treasure, because it leads us to our true treasure. Tapos sasabihin mo boring ang Salita ng Diyos? Tapos sasabihin mong hindi mo lang talaga hilig magbasa kaya hindi mo binabasa ang Bible? Hindi ba’t ‘pag may diyamanteng nakabaon sa ilalim ng bakuran mo, hindi mo naman sasabihing, “Hindi ko lang talagang hilig maghukay. Ayaw kong madumihan ang aking kamay”?

Devotion. Ang Salita ng Diyos ay kayamanang dapat nating hanapin nang may kaseryosohan (with devotion). “I will meditate on your precepts and fix my eyes on your ways” (v. 15). Hindi lang natutuwa siyang hanapin ang Salita ng Diyos, seryoso din siya. Ang verse 15 ay isang resolution o determination on his part na gagawin niya anuman ang mangyari. Ang “meditate” ay nagpapakita ng seryoso at mas mahabang pag-iisip tungkol sa Salita ng Diyos. Ang “fix my eyes” ay tulad ng isang taong nakatingin sa mapa at inuusisa ang dapat daanan para makarating sa paroroonan. May “focus” ang kanyang paghahanap sa Diyos. Ang mga tao ngayon, hindi na sanay sa focus. Maikli na ang attention span. Ni hindi nga nakakatapos ng isang book ang marami sa inyo. Noong Prayer Retreat natin, sabi ng ibang youth sobrang haba daw ng pinabasa kong John 13-21 kaya hindi nila natapos! Pero ang 3 oras sa computer games, bitin pa! What’s wrong?

Discipline. Ang Salita ng Diyos ay kayamanang dapat nating hanapin nang may katiyagaan  (with discipline). “I will delight in your statutes; I will not forget your word” (v. 16). Ang salitang ginamit dito ay nangangahulugang, “Magpapatuloy akong magalak at aalalahanin palagi ang Salita ng Diyos.” Maraming bagay na maaaring sagabal sa pagbabasa natin ng Bibliya, kaya dapat may disiplina at tiyaga. May kasabihan tayo, “Kapag may tiyaga, may nilaga.” Kelangan pa ba ng tiyaga para magka-nilaga? Dapat, “Kapag may tiyaga, may ginto.” Huwag tayo agad padadala sa mga distractions sa paligid natin. Tiyagaan natin ang salita ng Diyos. Wag tayong hihinto. Kahit nakarating ka na sa Leviticus, wag kang hihinto. Paalala ito na dapat tayong mamuhay nang may lubos na kabanalan sa harapan ng Diyos. Twenty minutes a day for one year mababasa mo na ang buong Bibliya.Kung may sagabal tulad ng 4 hours sa TV, anong gagawin mo? Kapag naghuhukay ka ba ng ginto, hihinto ka ba dahil natatagalan ka na at napapagod at manonood na lang ng TV?

Ang buhay Cristiano ay isang mahabang biyahe. Sa haba ng biyaheng ito, kailangan natin ng gabay na mag-aakay sa atin sa tamang daan at ibabalik tayo kung tayo’y naliligaw. Kailangan din natin ng guro na magtuturo sa atin ng mga kailangan nating malaman sa biyaheng ito. Walang iba kundi ang Salita ng Diyos. Ito ang ating gabay at guro sa pamumuhay nang ayon sa kalooban ng Diyos. Ang halaga nito ay higit pa sa ginto na dapat nating hanap-hanapin. Maraming sagabal sa biyaheng Cristiano, pero kung nasa puso mo ang Salita ng Diyos, sigurado kang suwabe ang magiging biyahe mo hanggang marating mo ang napakagandang bagay na inilaan na ng Diyos para sa iyo. Please read your Bible daily because you need it in your daily journey.

2 Comments

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.