December 12, 2010 | By Derick Parfan | Scripture: Matthew 18:15-35
Downloads: audio | video | sermon notes | discussion guide
“If your brother sins against you, go and tell him his fault, between you and him alone. If he listens to you, you have gained your brother. But if he does not listen, take one or two others along with you, that every charge may be established by the evidence of two or three witnesses. If he refuses to listen to them, tell it to the church. And if he refuses to listen even to the church, let him be to you as a Gentile and a tax collector… Then Peter came up and said to him, “Lord, how often will my brother sin against me, and I forgive him? As many as seven times?” Jesus said to him, “I do not say to you seven times, but seventy times seven.”
Entrusting an Angry Heart to God
Ang isang maliit na apoy ay maaaring lumaki at makasunog ng buong kagubatan. Totoo ‘yan sa galit natin. Kapag kinimkim natin at nagtanim tayo ng galit sa kapwa natin, lalo na kung kapatid natin kay Cristo, maaari itong mapuno sa atin at makasira sa atin. Huwag mong sabihing maliit na bagay lang. Maaaring manganak iyan at dumami. Isang patak ng ulan kada araw ay maaaring makapuno sa isang baso na inilagay mo sa labas. Hindi lang ito makakasira sa sarili natin at sa relasyon natin sa Diyos, maaari pa itong makasira sa relasyon natin sa isa’t isa lalo na dito sa church. Maaaring isang pintas sa inihandang pagkain ang maging dahilan ng away. Maaaring ang 100 pisong utang na nakalimutang bayaran ang pagmulan ng hidwaan. Isang maliit na bagay ang pinagmulan ngunit nakasira ng relasyon. Dahil hinayaang ang galit sa isang tao ay hindi maayos na nasolusyonan. Ganyan ang peligrong maaari nating harapin kung ang galit natin ay hindi natin lalabanan sa paraang biblikal at makapagbibigay karangalan sa Diyos.
Isipin mong ang puso mo ay parang isang baso. Ang galit ay ang maruming tubig. Huwag mong sabihing maliit na bagay lang iyan. Dapat nating seryosohin iyan. Nakita natin ito noong nakaraang Linggo sa babala ng Panginoong Jesus, “Ang sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa hukuman, ang humahamak sa kanyang kapatid ay mananagot sa Sanedrin, at sinumang magsabi sa kanyang kapatid, ‘Ulol ka!’ ay nanganganib na maparusahan sa apoy ng impiyerno” (Matt. 5:22 MBB). Ang galit ay parang isang marumi at mabahong tubig na maaaring umapaw kapag naipon at umalingasaw ang amoy. Ang isang babaeng nagsisisigaw sa kanyang kapitbahay ay hindi naman basta nagalit. Naipon iyan at nagsimula sa mga maliliit na bagay na hindi nasolusyonan.
Ano ngayon ang solusyon? Nakita na natin ang tatlong hakbang na maaari nating gawin. Una, aminin nating may problema tayo na kailangang ayusin. Aminin mong may maruming tubig sa baso mo na kailangang itapon. Ikalawa, ipanalangin mo ang sarili mo na baguhin ng Diyos, na kumilos siya sa puso mo at tulungan kang tanggalin ang maruming tubig sa baso mo. Kailangan mong gawin dahil sa sarili mo hindi mo kayang basta-basta itapon ang galit. Ikatlo, magtiwala sa pangako ng Diyos na anumang kasalanan natin ay pinatawad na dahil kay Cristo. Magtiwala sa kapangyarihan ng Diyos na kumilos at hawakan ang lahat ng bagay. Ang maruming tubig na nasa baso natin ay isasalin natin sa baso ng Panginoon bilang pagkilala sa kanyang natapos nang ginawa sa krus kung saan inako niya ang lahat ng parusa sa kasalanan natin.
Mahalaga ang mga hakbang na ito dahil ang problema natin ay ang puso ng tao. Pero hindi diyan nagtatapos ang lahat. Ang galit na ipinagkatiwala natin sa Diyos ay dapat mapalitan ng laman. Ang maruming tubig upang maging pakinabang sa iinom ay dapat mapalitan ng malinis na tubig. Ang itinapong galit ay dapat mapalitan. Anong ipapalit at paano mangyayari ito?
Taking Steps to Reconciliation
Step 4: Makipag-usap para sa pakikipagkasundo. Ang galit ay dapat nating palitan ng pakikipagkasundo. Pakinggan ninyo ang sinasabi ng Panginoon ukol dito:
Kung magkasala sa iyo ang kapatid mo, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan tungkol sa kanyang kamalian. Kapag nakinig siya sa iyo, naibalik mo sa dati ang pagsasamahan ninyong magkapatid.Ngunit kung ayaw niyang makinig sa iyo, magsama ka pa ng isa o dalawang tao upang ang lahat ng pinag-usapan ninyo ay mapatunayan ng dalawa o tatlong saksi. Kung ayaw niyang makinig sa kanila, sabihin mo sa iglesya ang nangyari. At kung ayaw pa rin niyang makinig sa iglesya, ituring mo siyang parang Hentil o isang maniningil ng buwis (Matt. 18:15-17 MBB).
Ito ang karaniwang proseso na susundin natin sa church tuwing may aayusin tayong alitan o kaya’y may itutuwid na isang kapatid na nagkakasala. Ang kondisyon bago natin gawin ang sinasabi ng Panginoon: “Kung magkasala sa iyo ang kapatid mo…” (v. 15). Kung gayon, ang una nating gagawin ay ano? Ikukuwento ba natin agad sa iba at hahanap ng kakampi? Sasabihin ba agad natin sa pastor at magsusumbong? Maaari kayong lumapit sa akin kung hindi talaga ninyo alam ang gagawin ninyo at masyadong sensitibo ang sitwasyon. Pero karaniwang hindi naman ganoon. Lumapit man kayo sa akin, ito ang sasabihin ko, “Puntahan mo ang taong iyon at kausapin mo nang sarilinan.” Nakakalimutan mo ang wisdom ng utos ni Cristo kung sakaling ang una mong hakbang ay ikuwento agad sa iba ang pagkakamaling nagawa ng iba o pintas na nakita natin sa iba o isang bagay na ginawa nila na ikinagalit mo. Pero hindi ba’t ganyan ang karaniwang ginagawa nating mga Pilipino, kahit tayong mga Cristiano na?
Maaari ninyo akong tanungin, “Pastor, puwede bang hindi na makipag-usap sa taong nakasakit sa akin?” Depende iyan, kung maliit na kaso lang at puwede namang palampasin na lang, puwede mo nang hindi kausapin. Pero kung ipagsasabi mo rin sa iba ang nangyari, mas maganda pang kausapin mo ang kapatid mo kaysa naman siraan siya sa iba. Kung maliit lang naman at hindi makakaapekto sa iyong relasyon sa Diyos at sa taong iyon kung magkikita man kayo at mag-uusap, puwede mong palampasin. Ang tawag dito ay overlooking offense. May wisdom din dito. “Good sense makes one slow to anger (mabagal sa pagkagalit), and it is his glory to overlook an offense (‘di pansinin ang kamalian)” (Prov. 19:11).
Pero kung nakakaapekto sa iyong relasyon sa Diyos at sa taong iyon, dapat may pag-uusap kayong dalawa. Maaari lang mainvolve ang ibang tao tulad ng mga leaders ng church kung sa pag-uusap ay hindi nagkaayos. Pero bihirang mangyayaring kailangang malaman pa ng buong church at mapatalsik ang isang miyembro dahil hindi marunong humingi ng tawad o magsisi sa nagawang kasalanan. Karamihan ng kaso ay naaayos sa one-on-one pa lang. Karamihan ng kaso ay mas lalong lumalala kapag nilaktawan natin ang pakikipag-usap nang sarilinan.
Sino ngayon ang dapat gumawa ng unang hakbang? “A, siya dapat ang unang lumapit at humingi ng tawad. Siya kaya ang may kasalanan!” Hindi man ikaw ang may kasalanan, you should make the first move. “Kung magkasala laban sa iyo ang iyong kapatid, (sinabi ba niyang, “Hintayin mo siyang lumapit sa iyo”? Hindi!) pumaroon ka at sabihin mo sa kanya ang kanyang pagkakamali kapag kayong dalawa lamang. Kung pakinggan ka niya, ay napanumbalik mo ang iyong kapatid” (Matt. 18:15). Hindi natural sa atin ito, hindi tayo sanay rito, iba ito sa kultura natin, pero kung gusto nating sumunod sa Panginoon, mahirap man ay gagawin natin alang-alang sa pagkakasundo. “Ang poot ay malupit, at ang galit ay nakakapuno…Mas mabuti ang hayag na pagsaway, kaysa nakatagong pagmamahal” (Prov. 27:4-5).
Hindi man ikaw ang may galit ngunit may nasaktan ka naman at nagalit sa iyo, hindi ibig sabihing wala kang gagawin. Kaya’t kung maghahandog ka ng iyong kaloob sa dambana, at doon ay naalala mo na ang iyong kapatid ay mayroong anumang laban sa iyo…humayo ka; makipagkasundo ka muna sa iyong kapatid…” (Matt. 5:23-24). Hindi sinabi ritong huwag ka munang dumalo sa worship service sa church at hintayin mo siyang makipag-usap sa iyo. Kausapin mo agad! Kung pagsasamahin natin ang Matthew 5 at 18, wala tayong lusot. Ikaw man ang nasaktan o nakasakit, ikaw pa rin ang gumawa ng unang hakbang. Pride may keep us from doing these. Kaya dapat nating ipanalangin muna at magtiwala sa gagawin ng Diyos.
Sa pakikipag-usap, ano dapat ang layunin? Ang layunin ay ang pakikipagkasundo, ang maibalik ang maayos na relasyon. “Makipagkasundo ka muna sa iyong kapatid” (5:24). “Kung pakinggan ka niya, ay napanumbalik mo ang iyong kapatid” (18:15b). Maaaring hindi mangyari ito sa ibang kaso. Pero huwag mo agad sabihing, “Baka hindi naman siya makinig sa akin.” Basta sikapin mong makipagkasundo. You win when there is reconciliation. Makikipag-usap hindi para patunayang ikaw ang tama at siya ay mali. You can win arguments but you can lose a brother. The goal is always to gain our brother or sister in Christ.
Forgiving from the Heart
Step 5: Magpatawaran. Palitan natin ang pusong may galit ng pusong nagpapatawad. Bago magpatawad, tingnan mo rin muna kung ikaw ay kailangang humingi ng tawad sa kanya. Humingi ka ng tawad dahil nagtanim ka ng galit. Humingi ka ng tawad dahil nag-isip ka ng masama tungkol sa kanya. Humingi ka ng tawad dahil pinagdudahan mo ang motibo niya sa ginawa niya. Kapag na-realize niya rin ang pagkakamali niya, hihingi din siya ng tawad. Sasabihin mo sa kanya, “Pinapatawad na kita.”
Ilang beses ako dapat magpatawad? Ito rin ang tanong ni Pedro, “Panginoon, ilang beses ko po bang patatawarin ang kapatid kong paulit-ulit na nagkakasala sa akin? Pitong beses po ba?” Sinagot siya ni Jesus, “Hindi ko sinasabing pitong beses, kundi pitumpung ulit na pito” (sa ibang salin ay 77 beses) (18:21-22). Hindi ibig sabihin na may bilangan tayo sa bahay at kapag lumagpas na sa bilang ay hindi na tayo magpapatawad. Ang punto dito: Walang limitasyon ang pagpapatawad! “Pero, baka naman abusin…Baka naman…Pero…” Bago tayo mag-object sa sinasabi ng Panginoon (hindi ako ang nagsabi, kundi ang Panginoon), pakinggan ninyo ito:
Kaya’t ang kaharian ng langit ay maihahambing sa isang hari, na nagnais na makipag-ayos sa kanyang mga alipin tungkol sa kanilang mga utang. Nang pasimulan na niya ang pagkukuwenta, iniharap sa kanya ang isang nagkakautang sa kanya ng sampung libong talento (sa MBB ay “milyun-milyong piso”; 1 talento = 20 taong suweldo; 10,000 talento = 200,000 taong suweldo!; Napakalaki ng utang natin sa Diyos! Hindi kayang bayaran!). Palibhasa’y wala siyang maibayad, ipinag-utos ng panginoon niya na siya’y ipagbili, pati ang kanyang asawa at mga anak, at ang lahat ng kanyang ari-arian upang sila’y makabayad. Dahil dito’y nanikluhod ang alipin, na nagsasabi, “Panginoon, pagpasensyahan mo ako, at babayaran kong lahat sa iyo.” (Siyempre, hindi rin naman niya kayang bayaran.) Dahil sa habag ng panginoon sa aliping iyon, siya ay pinalaya at pinatawad sa kanyang utang (Hindi ba’t ganyan tayong pinatawad ng Diyos!).
Ngunit ang alipin ding iyon, sa kanyang paglabas, ay natagpuan ang isa sa mga kapwa niya alipin na nagkautang sa kanya ng isandaang denario (sa MBB “ilang daang piso”; 1 denaryo = isang araw na suweldo; 100 denaryo = 100 araw na suweldo; Barya lang ang kasalanang nagawa sa atin ng kapatid natin kumpara sa kabundok na kasalanang ipinatawad sa atin ng Diyos!) . Sinunggaban niya ito, sinakal, at sinabihan, “Bayaran mo ang utang mo.” Kaya’t nanikluhod ang kanyang kapwa alipin at nakiusap sa kanya, na nagsasabi, “Pagpasensyahan mo ako, at babayaran kita.” Ngunit ayaw niya. Siya’y umalis at ipinabilanggo ang kapwa alipin hanggang sa mabayaran nito ang utang. Nang makita ng mga kapwa alipin ang nangyari, sila ay labis na nabahala. Umalis sila at isinumbong sa kanilang panginoon ang lahat ng nangyari. Kaya’t ipinatawag siya ng kanyang panginoon, at sinabi sa kanya, “Ikaw na masamang alipin! Ipinatawad ko sa iyo ang lahat ng utang na iyon, sapagkat nakiusap ka sa akin. 33Hindi ba dapat kang nahabag sa iyong kapwa alipin, kung paanong nahabag ako sa iyo?” At sa galit ng kanyang panginoon, ibinigay siya sa mga tagapagparusa hanggang sa magbayad siya sa lahat ng kanyang utang. Gayundin naman ang gagawin sa bawat isa sa inyo ng aking Ama na nasa langit kung hindi ninyo taos-pusong patatawarin ang inyong kapatid (18:21-35).
Ano ang tunay na pagpapatawad? Tulad ng pagbura sa listahan ng utang ang pagpapatawad. Kapag nagpatawad tayo, sinasabi natin sa taong iyon na wala na siyang pananagutan sa atin. Hindi na natin ibibilang ang kanilang ginawa laban sa kanila. Ganoon ang ginawa ng Diyos sa atin sa pamamagitan ni Cristo. Ganoon din ang nais niyang gawin natin sa mga nagkakasala sa atin. Kaya nga itinuro niya sa atin ang ganitong panalangin, “Patawarin mo kami sa aming mga utang, gaya rin namin na nagpapatawad sa mga may utang sa amin” (6:12).
Paano ako magpapatawad? Inaasahan ng Diyos Ama sa ating mga tagasunod ni Cristo na ang pagpapatawad natin ay taos sa puso (“taos-pusong patatawarin ang inyong kapatid,” v. 35). Hindi puwedeng daanin sa pakitang-tao lang o pagsasalita ng, “Pinapatawad na kita.” Pero sa loob-loob, “May araw ka rin.” Hindi makukuha sa ngiti lang, kung ang puso naman ay nagmamaktol. Forgiveness must be sincere.
Gaano dapat kalaki ang aking pagpapatawad? Ang pagpapatawad ay hindi lang pagbibigay ng discount. May utang siyang 100, gagawin mo na lang na 50. Ang pagpapatawad ay gagawin mong 0 na ang kanyang utang! “Pinatawad kita sa utang mo sapagkat nagmakaawa ka sa akin. Naawa ako sa iyo. Hindi ba’t dapat ka rin sanang nahabag sa kapwa mo” (18:33 MBB)? Kung paanong pinatawad tayo ng Diyos, ganoon din tayo sa kapwa natin. “Kung ang sinuman ay may reklamo laban sa kanino man, magpatawaran kayo sa isa’t isa, kung paanong pinatawad kayo ng Panginoon, ay gayundin naman ang inyong gawin” (Col. 3:13). Kung hindi buo ang pagpapatawad mo sa iyong kapatid, para mo na ring sinasabi na hindi lubos ang pagpapatawad sa iyo ng Diyos.
Paano kung hindi ko kayang magpatawad? Isipin mo ang babala sa iyo ng Panginoong Jesus. “Gayundin ang gagawin sa inyo ng aking Ama na nasa langit kung hindi ninyo patatawarin nang buong puso ang inyong mga kapatid” (Matt. 18:35). Hindi ibig sabihin na ang kaligtasan ay sa pamamagitan ng gawa (tulad ng pagpapatawad sa iba). Hindi rin ibig sabihing nawawala ang kaligtasan o pagpapatawad ng Diyos. Maraming talata sa Bibliya ang makapagpapatunay rito (halimbawa, Eph. 2:8-9; Rom. 8:28-39). Hindi lahat ng detalye ng isang parable ay maaaring gawan natin ng doktrina. Malinaw naman na ang main point nito ay ang walang-katapusan at lubusang pagpapatawad tulad ng naranasan natin sa Diyos.
Ipinapakita ng warning na ito ni Cristo na maaaring ikaw na hindi nagpapatawad ay hindi pa talaga nakakaranas na patawarin ng Diyos. Ang pagpapatawad ng Diyos sa atin ay nagbubunga ng pusong handa ring magpatawad sa iba. A forgiven heart is a forgiving heart. Pero siyempre kahit tayo’y Cristiano na, may kasalanang hindi talaga natin kayang patawarin. Sa mga panahong ito, bakit hindi mo alalahanin kung paano ka pinatawad ng Diyos. “Magpatawad kayo sa isa’t isa tulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos dahil kay Cristo” (Eph. 4:32 MBB). Kung ang Diyos nga nagpatawad sa atin, tayo pa kaya ay hindi magpapatawad sa kapatid natin? Sasabihin mo, “Hindi naman ako Diyos.” Hindi ko kaya ang ginawa niya! ‘Yun nga, hindi ka nga Diyos kaya wala kang karapatang magtanim ng galit sa kapwa mo. Ikumpara mo nga ang laki ng kasalanan mo sa banal at dakilang Diyos na pinatawad niya sa iyo at ang liit ng kasalanang nagawa laban sa iyo ng kapatid mo.
Showing Mercy and Love
Step 6: Magpakita ng awa at pag-ibig. “Hindi ba dapat kang nahabag sa iyong kapwa alipin, kung paanong nahabag ako sa iyo” (Matt. 18:33)? Dapat nating palitan ang galit ng bagong relasyon sa may pagkakautang sa atin. Sa halip na sabihin lang na pinapatawad mo na siya ngunit pagkatapos naman noon ay ayaw mo na siyang makita at maka-usap, baka hindi totoo ang pagpapatawad mo. Kung nakapagtanim ka ng galit sa iyong kapatid, subukan mo namang magtanim ng pag-ibig sa puso niya. “Kaya kayo’y tumulad sa Diyos, gaya ng mga anak na minamahal, at lumakad kayo sa pag-ibig, gaya ng pag-ibig ni Cristo sa atin at ibinigay ang kanyang sarili para sa atin bilang handog at alay sa Diyos” (Eph. 5:1-2). Maaaring ang isang mangkok na ulam na iabot mo sa kapitbahay ay makapagsabi sa kanya na talagang pinatawad mo na siya. Ang Diyos hindi lamang tayo pinatawad sa kasalanan natin, ibinuhos pa niya ang kanyang pag-ibig sa atin sa pamamagitan ng maraming pagpapalang tinatanggap natin sa kanya sa araw-araw. Gayon din ang nais niyang gawin natin sa mga nakagalit natin.
Ang galit natin, upang tuluyan natin maitapon, ay papalitan natin ng pakikipagkasundo (reconciliation), pagpapatawad (forgiveness), at awa’t pag-ibig (mercy and love). Iyan din naman ang dapat nating matutunan ngayong Pasko, ‘di ba? Wala ni isa man sa atin ang dapat tumanggap ng habag ng Diyos. Katunayan nga, dapat lang na magalit siya (at siya lang ang may karapatang magalit!) dahil makasalanan tayo. Pero sino ang gumawa ng unang hakbang? Hindi ba kapag nakita natin ang isinilang na sanggol sa Bethlehem, patunay ito na hindi niya hinintay ang tayo na lumapit sa kanya. Siya ang unang lumapit sa atin. Dahil sa laki ng pag-ibig niya, hinayaan niya ang kanyang Anak na si Jesus ang tumanggap ng galit niya para sa atin nang siya’y mamatay sa krus. Hindi ba’t kitang-kita natin ang kanyang pag-ibig nang si Cristo’y mamatay sa krus at bigyang tayo ng buhay na walang-hanggan (Rom. 5:8; 6:23)?
Napakalaki ng regalong tinanggap natin sa Diyos. Kahit ilang bahagi lang ba ng regalong iyan ay hindi natin kayang ibahagi sa mga taong nakasakit at nakagalit natin? Kapag Pasko inaalala natin kung anu-anong regalo ang bibilhin natin. Pero mas isipin muna natin kung paano natin maibibigay ang regalo ng pakikipagkasundo, regalo ng pagpapatawad, regalo ng awa’t pag-ibig sa iba. Maaaring mas madaling gumastos at magbalot ng regalo kaysa makipag-usap at magpatawad. Pero hindi ba’t ito rin ang ginawa ng Diyos para sa atin? Kaya’t palitan natin ang galit natin ng pakikipagkasundo, pagpapatawad, at pag-ibig. Ito ang aral para sa atin hindi lang kapag Pasko. Sa iba siguro pang-Pasko lang ito. Para sa ating Cristiano, araw-araw.