Part 3 – Repent

July 18, 2010 By Derick Parfan Scripture: Matthew 4:12-17

Downloads: audio |  sermon notes |  discussion guide

Now when he heard that John had been arrested, he withdrew into Galilee. And leaving Nazareth he went and lived in Capernaum by the sea, in the territory of Zebulun and Naphtali, so that what was spoken by the prophet Isaiah might be fulfilled: “The land of Zebulun and the land of Naphtali, the way of the sea, beyond the Jordan, Galilee of the Gentiles—the people dwelling in darkness have seen a great light, and for those dwelling in the region and shadow of death, on them a light has dawned.” From that time Jesus began to preach, saying, “Repent, for the kingdom of heaven is at hand.”[1]

Callous Hearts

Mahirap ang sitwasyon naming mag-asawa ngayon. Hanggang September na lang kami sa tinitirhan namin, at kailangan na naming lumipat. Ilang araw na rin kaming maghahanap ng malilipatan. Mahirap para sa amin kasi kumportable na kami doon sa bahay namin ngayon, at hindi ganoon kadali ang maglipat. Mayroong ganoong epekto ang kasalanan sa buhay ng tao. Dahil lahat tayo ay ipinanganak na makasalanan, kumportable na tayo sa kasalanan. Kaya kung maririnig natin mula sa Panginoong Jesu-Cristo, “Magsisi kayo” (v. 17), hindi ganoon kadali sa tao. Dahil sinasabi niya na iwanan natin ang ating nakasanayang kalagayan at lumipat ng bagong matitirhan.

Mayroon sa loob natin na parang ayaw pakinggan at sabihing, “Nagawa ko na ‘yan. Hindi ko na kailangang marinig ‘yan.” O kaya, “Hindi para sa akin ‘yan, doon ‘yan sa mga kriminal na napapanood ko sa TV o kaya sa kapitbahay kong lasenggo at sugarol.” O kaya, “E ano naman ang kaso kung magkasala ako, e tao lang naman. To err is human, sabi nga. Lahat naman nagkakasala. Normal lang ‘yun.” Ang puso ng tao ngayon ay may kalyo na (callous) dahil sa kasalanan. Alam natin kung ano ang kalyo, maaaring dahil sa kapupukpok ng martilyo, nagkakalyo na sa kamay. Kaya kapag napukpok ulit hindi na nararamdaman.

Ganito rin ang mga Judio noong panahon ni Jesus, at hanggang ngayon. Mahigit apat na raang taon na nang huli silang makarinig ng propeta na galing sa Diyos. Dumating si Juan Bautista upang ihanda ang pagdating ni Jesus. Binautismuhan si Jesus ni Juan bilang pagpapakilala na narito na ang Anak ng Diyos, ang hinirang para maghari sa bawat tao. Nang matapos na ang ministeryo ni Juan at siya’y maaresto, panahon na upang simulan ang ministeryo ni Jesus sa Israel. Kagagaling lang niya sa disyerto sa Judea at 40 araw na napagtagumpayan ang mga tukso ni Satanas, pumunta siya sa Galilea. Sa kanyang kinalakihang bayan sa Nazareth (ayon sa Luke 4), nangaral siya sa kanilang sinagoga at sinabing siya ang katuparan ng propesiya na ipangaral ang mabuting balita, palayain ang mga naaapi at sa pamamagitan niya ay pagpapalain ang buong bayan. His message was uncomfortable for them. Sanay na sila sa sitwasyon nila, kaya ayaw nilang pakinggan. May kalyo na ang kanilang puso, kaya ayaw nilang magsisi.

Lumipat si Jesus sa Capernaum, sa may baybayin ng lawa ng Galilea (na tawag nila ay Sea of Galilee). Malaking bahagi ng kanyang ministeryo ay dito nakabase. Marami sa kanyang mga himala ay dito nangyari. Maraming mensahe ang kanyang naituro dito. Hindi madali ang mensaheng sasabihin ni Cristo. This is not a feel good, relaxing and entertaining message, na madalas siguro nating naririnig sa ibang mangangaral. Sinabi niya, “Repent!” Kapag narinig ng mga tao, naririnig nilang sinasabing mayroon silang problema sa kanilang sarili, mayroong malaking pagbabagong dapat mangyari. Hindi kumportableng pakinggan, tulad ng balitang mayroon kang kanser na parang wala nang lunas. Lalo namang hindi kumportableng sundin at gawin.

Sino ang sinasabihan ni Jesus na magsisi?

Mayroon kayong maaaring gawin para iwasan ang sinasabi ni Jesus. Puwede ninyong sabihin sa sarili ninyo, “Hindi para sa akin ‘yan.” Sino ngayon ang sinasabihan dito ni Jesus na magsisi? Ang naging sentro ng ministeryo ni Jesus ay sa Galilea. Noong panahon ni Jesus nahahati ang Israel (tawag ay Palestine) sa ilang probinsiya  tulad ng Judea at Samaria. Noong panahon ng Lumang Tipan – nakapangalan ang mga lugar sa 12 tribo na kumakatawan sa mga anak ni Jacob. Ang Galilea ay sakop ng lupa ng Zebulun at Napthali. Sinabi ni Mateo na mayroong dahilan kung bakit dito sa Galilea ang naging sentro ng ministeryo ni Jesus sa halip na sa Jerusalem sa Judea, ang sentro ng relihiyon at gobyerno ng Israel. Ito ay bilang katuparan ng propesiya ni Isaias (9:1-2), “Ang lupain ni Zebulon at ang lupain ni Neftali, patungo sa dagat, sa ibayo ng Jordan, Galilea ng mga Hentil…” (Matt. 4:15).

Ayon sa Judges 1:30-33, hindi pinaalis ng Zebulun, Naphtali at Issachar ang mga Amorites at Hivites na nagapi nila, kaya’t nanirahan sila roon kasama ang mga Hentil. Tipikal ang pag-aaklas sa lugar na ito. Sinalakay sila ni Haring Ben-hadad ng Syria (1 Kings 15:20). Sila ay nagdusa sa panahon ni Haring Pekah ng Israel nang sila ay salakayin ni Haring Tiglath-pileser III ng Assyria noong 734 BC (2 Kings 15:29).[2] Hanggang sa panahon ni Jesus, naninirahan dito ang maraming mga Hentil at mga hindi ganap na Judio.

Narito sa lugar na ito ang mga rebelde at mga api, mga nagdusa at naghirap, hindi lamang mga Judio kundi mga Hentil din. Sa lugar na ito dumaraan ang iba pa na karatig bayan ng Israel. Pinili ito na lugar ng Panginoong Jesu-Cristo bilang pagtupad sa plano ng Diyos na ang mensahe ng kaligtasan, ang panawagan na magsisi ay ipaabot sa lahat ng bansa, sa lahat ng tao. Kaya nga sa katapusan ng Mateo ay may tagubilin si Jesus, “Make disciples of all nations” (28:19). Sa ilan sa mga alagad ipinaliwanag niya, “Ganyan ang nasusulat, na kailangang magdusa ang Cristo at muling mabuhay mula sa mga patay sa ikatlong araw; at ipangaral ang pagsisisi at pagpapatawad ng mga kasalanan sa kanyang pangalan sa lahat ng mga bansa (Luke 24:46-47).

Sino ka man, ang mensahe ni Cristo sa iyo ay, “Magsisi ka.” Ito ay utos ng Panginoon na kailangan mong sundin. Ito ay para sa asawa mong babaero, ito rin ay para sa iyo. Ito ay para sa kaklase mong nagrerebelde sa magulang, ito rin ay para sa iyo. Ito ay para sa mga Muslim at mga pagano sa ibang bansa, ito rin ay para sa iyo. Ito ay para para sa nakakulong sa Bilibid Prison, ito rin ay para sa iyo. Sino ang sinasabihan ni Cristo na magsisi? Sagot, lahat ng tao, sa lahat ng lahi, lahat ng relihiyon, lahat ng panahon, anuman ang edad, o edukasyon, o katayuan sa buhay.

Bakit kailangang magsisi?

Bakit lahat tayo ay kailangang magsisi? Kung hindi mo nakikita na kailangang magsisi, pakinggan mo ang sinabing dahilan ng Panginoong Jesus, “Magsisi kayo, sapagkat malapit na ang kaharian ng langit.” Ang “kaharian” o “kaharian ng Diyos” o “kaharian ng langit” ay mga salitang ginagamit ni Jesus upang ipakita ang paghahari ng Diyos, ang kanyang matuwid na pamamahala sa kanyang mga nilikha, lalo na sa mga tao. Sa isang banda, ang pagdating ni Jesus ay katibayan ng paghahari ng Diyos. Ngunit hindi pa ito ganap dahil marami pa hanggang ngayon ang nagrerebelde at ayaw magsisi. Nang sabihin niyang “malapit na ang kaharian,” anong dahilan ang binabanggit niya kung bakit dapat tayong magsisi? Tingnan natin ang negatibo at positibong bahagi nito.

Ang negatibong tinutukoy ng “kaharian ng langit” ay ang kapahamakang sasapitin ng lahat ng patuloy na sa puso nila ay nagrerebelde sa Diyos. Ayon sa propesiya ni Isaias, ang mga taga-Galilea ay “ang mga taong nasa kadiliman…mga nakatira sa lilim ng kamatayan” (v. 16, MBB). Lahat ng tao, dahil sa kasalanan, ay nasa dilim at kasamaan. Nasa ilalim tayo ng hatol ng Diyos, espirituwal na pagkakahiwalay sa kanya. Lahat tayo ganito na noong ipanganak pa lang tayo. Huwag nating iisipin na dahil ipinanganak tayo sa pamilyang Cristiano ay ligtas na tayo. Sagot ni Jesus sa mga taong nag-aakala na ang ibang tao lamang ang makasalanan at sila’y mas matuwid at hindi kailangang magsisi, “Hindi! Subalit malibang kayo’y magsisi, mapapahamak din kayong lahat tulad nila” (Luke 13:3, 5). Nawa’y magsilbi itong babala sa atin na parating nakakarinig ng Salita ng Diyos, parating nararanasan ang biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng ating iglesia, parating nasasaksihan ang mga himalang ginagawa ng Diyos sa buhay ng bawat isa. Kung babalewalain mo ang mga ito at hindi pa rin magsisisi, may babala:

Kaya’t pinasimulan niyang sumbatan ang mga lunsod na ginawan niya ng karamihan sa kanyang mga makapangyarihang gawa sapagkat hindi sila nagsisi…“Ikaw, Capernaum, itataas ka ba hanggang sa langit? Ibababa ka hanggang sa Hades. Sapagkat kung sa Sodoma ginawa ang mga makapangyarihang gawa na ginawa sa iyo, nanatili sana iyon hanggang sa araw na ito. Ngunit sinasabi ko sa inyo, higit pang mapapagtiisan sa araw ng paghuhukom ang lupain ng Sodoma kaysa inyo” (Matt. 11:20, 23-24).

Ang pagdating ng kaharian ng Diyos ay nangangahulungang kapahamakan sa sinumang hindi nagsisisi. Ngunit sa sinumang magsisi at tumalikod sa kanilang sariling makasalanan at lumapit sa Diyos, positibo ang kahulugan nito. Pansinin ninyo ang kabuuan ng plano ng Diyos sa mga taga-Galilea na natupad sa pagdating ni Cristo: “Ang mga taong nasa kadiliman ay nakakita ng maningning na ilaw! Sa mga nakatira sa lilim ng kamatayan ay sumikat ang liwanag” (v. 16, MBB). Jesus is the light of the world! He is the true light (John 1:9). At kung nasa iyo ang ilaw at liwanag, ang katumbas nito ay tunay na buhay na walang hanggan. “In him was life, and the life was the light of all men” (v. 4). Iyan ang pagpasok sa kaharian ng Diyos – may liwanag, may buhay.

Magsisi kayo, at magpabautismo ang bawat isa sa inyo sa pangalan ni Jesu-Cristo upang mapatawad ang inyong mga kasalanan; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo” (Acts 2:38). Tatanggapin tayo ng Diyos, ipagkakaloob ng Diyos ang kanyang sarili mismo. Manginig ka sa takot sa kapahamakang naghihintay sa iyo kung hindi ka magsisisi. Lumundag ka sa tuwa sa kanyang pangakong patawad at pagtanggap sa lahat ng nagsisisi.

Huwag tayong tumulad sa ilang mga taong binaha dahil sa bagyong Ondoy na kahit alam nila ang pahamak na naghihintay sa kanila ay pinili pa ring manatili sa lugar nila kasi mas kumportable sila. Kahit pa ialok ang isang lugar na puwedeng lipatan na mas ligtas at mas maganda, ayaw pa ring lumipat. May sapat na dahil upang magsisi. Kung hindi ka magsisisi, at sa bandang huli ay mapahamak, wala kang ibang dapat sisihin.

Ano ang tunay na pagsisisi?

Alam nating dapat tayong lahat na magsisi, dahil sa gagawin ng Diyos para sa atin kung magsisi tayo at laban sa atin kung hindi. Dapat ding maging malinaw sa atin kung ano ang tunay na pagsisisi. Baka ang iba sa atin ay akalaing nagsisi na sila, iyon pala ay hindi pa. Mayroong dalawang klase ng false repentance. Ang isa ay pagkalungkot o paghihinagpis dahil lamang sa takot sa parusa. Alam ito ng mga nanay, na kapag papaluin na ang anak dahil nahuling kumupit sa pitaka ng tatay ay iiyak ang bata. Maling pagsisisi ang iiyak lang sa Diyos at lalapit sa kanya dahil sa takot sa parusa sa impiyerno. Ganito rin ang iba na kahit Cristiano na ay umiiyak dahil sa “consequence” ng kasalanan. Hindi ito ang tunay na pagsisisi. Ang isa pang false repentance ay ang pagpapakita ng pagbabago sa panlabas lang o kaya’y nagkaroon ng improvement ang mga ginagawa, tulad ng isang lalaking nangakong hindi na makikipagkita sa ibang babae ngunit ang nasa isip at puso pa rin ay ang iba liban sa kanyang asawa. Ang pagsisisi ay hindi panlabas lang. Hindi ito pagbabago lang ng ginagawa. It is more radical than that.

John Piper said that true repentance is “an internal change of mind and heart rather than mere sorrow for sin or mere improvement of behavior.”[3] Para patunayan na ang pagsisisi ay “internal change” nagbigay siya ng dalawang ebidensiya.  Ang una ay ayon sa mensahe ni Juan Bautista. Ang mensahe ni Cristo ay siya ring naunang mensahe ni Juan Bautista bilang paghahanda sa ministeryo ng Panginoon, “Magsisi kayo sapagkat malapit na ang kaharian ng langit” (3:2). Ipinaliwanag niya sa sumunod na ang pagsisising ito ay may bungang pagbabago sa kanilang pamumuhay, “Mamunga kayo nang nararapat sa pagsisisi” (3:8). Ang pagsisisi ay may bunga. Ito ang nakikita nang pagbabago. Kaya naman ang bunga ay nakikita sa labas, ang ugat nito ay ang pagsisisi na nanggagaling sa pagbabago sa loob at damdamin ng isang tao sa kasalanan.

Makikita rin ito, pangalawa, sa kahulugan ng “pagsisisi” sa orihinal na salita (metanoia), galing sa dalawang salitang kapag pinagsama ay nangangahulugang “change of mind.” Ngunit hindi lang ito “intellectual change” tulad ng pagbabago ng opinyon ng isang tao sa isang bagay. Naroon din ang pagbabago ng ugali, o layunin, o damdamin. Apektado nito ang direksiyon ng buhay. Repentance is a lifestyle. Kung patungkol sa kasalanan, naroon ang pagbabago sa pagtingin dito. Dati gusto natin at panatag tayo sa pagkakasala, ngayon nakikita natin ito tulad ng pagtingin ng Diyos. Dapat kasuklaman, dapat itakwil. Nakasisira, hindi nakabubuti. Nakamamatay, sa halip na nakapagpapaligaya.

Kaya sa salin ng Magandang Balita Biblia sa verse 17 ay dinagdagan nila upang mas maging malinaw, “Magsisi na kayo at talikuran ang inyong mga kasalanan sapagkat malapit nang dumating ang kaharian ng langit.” Sa Lesson 5 (“Ano ang Tunay na Cristiano? Nagsisisi”) ng Following Jesus, napag-aralan natin na ang pagsisisi ay “pagtalikod sa kasalanan at pagsusuko ng sarili sa karapatang ibinigay ng Diyos kay Jesus na maghari o mamahala sa buhay natin.” Sa tuwing kayo ay lalapit sa Diyos at magsisisi, ganito ba ang damdaming ipinapahayag ninyo?

Kailan dapat magsisi?

Medyo nahihirapan kami sa desisyon na lumipat ng bahay kaya naisip ko na mag-apela kung puwedeng magkaroon kami ng tatlong buwan na extension. Ngunit sa tanong na, “Kailan dapat magsisi?” hindi puwede ang extension. Dapat ngayon na. “Magsisi na kayo” (v. 17 MBB). There is a sense of urgency. “Malapit na ang kaharian ng langit.” The call to repent is as urgent today as it is in the time of Christ. Pakinggan mo ang sinasabi ni Cristo, “I have come not to call the righteous but sinners to repentance. Tama na ang pagkukunwari. Huwag mong lokohin ang sarili mo na relihiyoso ka o mas mabuti ka naman sa iba. Kilalaning ikaw ay makasalanan, tulad din ng pinakakarumal-dumal na mamamatay-tao o magnanakaw. Tingnan ang kasalanan bilang isang damdaming nagrerebelde sa Diyos. Humingi ng tawad, magtiwala sa pangako ng Diyos na nakay Cristo at isuko ang buhay sa Panginoong Jesus.

“Cristiano na ako, hindi ba’t nagsisi na ako noong una pa lang at pinatawad na ang lahat ng aking mga kasalanan?” Oo nga, ngunit ang tunay na nagsisi ay nagpapatuloy sa pagsisisi dahil nagkakasala pa rin tayo. Kailan tayo ngayon dapat magsisi? Araw-araw! Kaya nga tinuruan tayo ni Cristo sa tinatawag nating Lord’s Prayer na manalangin, “Forgive us our sins…” Sa oras na ipakita sa iyo ng Espiritu at ng Salita ng Diyos ang iyong karumihan at pagsuway sa kanya, lumapit ka sa Diyos at humingi ng tawad. Bago matulog, bukod sa pagpapasalamat sa Diyos sa natapos na araw, balikan mo ang mga bagay na inisip mo, o sinabi, o ginawa, o motibo na hindi nakalulugod sa Diyos. Banggitin mo sa kanya ang iyong kasalanan, humingi ka ng tawad, hilingin ang paglilinis sa iyong puso, at magpasakop sa kanyang kalooban.

Will You Repent?

Si Jesus ang Panginoon ng lahat. Kung ano ang sabihin niya, iyon ang kailangang sundin. Iyon ang makakabuti sa atin at makapagbibigay karangalan sa Diyos. Ayon kay Jesus, dapat magsisi: (Sino?) ang lahat ng tao, walang exception, lahat tayo; (Bakit?) upang maranasan ang kaharian ng Diyos sa halip na kapahamakan; (Paano?) na may pagtakwil sa kasalanan, paglapit kay Cristo, at patuloy na pagsunod sa kanya; at (Kailan?) simula ngayon, at sa araw-araw, hanggang sa ating kamatayan o sa muling pagparito ni Cristo. Sa panahong iyon wala nang kasalanan at wala na ring pagsisisi, sapagkat ganap nating mararanasan ang paghahari ni Cristo hindi lamang sa buhay natin kundi sa buong sanlibutan.

Ang pagsisisi ay hindi madali. Hindi ito kumportable sa atin. Mahirap ito. Ngunit hindi lang mahirap; para sa ating mga may kalyo na ang puso dahil sa kasalanan, imposible. Pero alam nating kailangan. Para sa atin din. Alam natin ang mga pangako ng Diyos. Alam nating sa pamamagitan ng Espiritung bumabago sa puso natin, makalalapit tayo sa Diyos na may mababang puso at dudulog sa kanya na nagsisisi tulad ni David:

Have mercy on me, O God, according to your steadfast love; according to your abundant mercy blot out my transgressions. Wash me thoroughly from my iniquity, and cleanse me from my sin!…Create in me a clean heart, O God, and renew a right spirit within me (Psalm 51:1-2, 10).


[1] Unless otherwise indicated, Scripture quotations are from the English Standard Version (Wheaton, IL: Crossway, 2001) and Ang Biblia (Philippine Bible Society, 2001). Scripture quotations marked by MBB are from Magandang Balita Biblia (Philippine Bible Society, 2005).

[2] Allen C. Myers, The Eerdmans Bible Dictionary, rev., Translation of Bijbelse Encyclopedie, rev. ed. 1975 (Grand Rapids: Eerdmans, 1987), 399.

[3] John Piper, What Jesus Demands from the World (Wheaton, IL: Crossway, 2006), p. 40.

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.