Listen to Me

August 22, 2010 By Derick Parfan Scripture: Luke 10:38-42

Note: To download the audio (in mp3), click the “menu” button on the bottom right corner of the sermon player.

Downloads:sermon notes | discussion guide

Now as they went on their way, Jesus entered a village. And a woman named Martha welcomed him into her house. And she had a sister called Mary, who sat at the Lord’s feet and listened to his teaching. Martha was distracted with much serving. And she went up to him and said, “Lord, do you not care that my sister has left me to serve alone? Tell her then to help me.” But the Lord answered her, “Martha, Martha, you are anxious and troubled about many things, but one thing is necessary. Mary has chosen the good portion, which will not be taken away from her.”[1]

Too Busy?

“Napaka-busy mo, wala ka nang oras sa akin,” reklamo ni misis kay mister. “E, ginagawa ko naman ito para sa pamilya natin. Para may panggastos tayo sa araw-araw, may pambili ng gatas ni baby, may maipon para makapaghanda sa pag-aaral niya,” depensa naman ni mister. “Oo nga, para sa ating pamilya nga iyan. Okay lang naman magtrabaho ka at paminsan-minsan mag-overtime kung kailangan. Pero kung andito ka na sa bahay, ilaan mo naman nang buong-buo ang oras mo sa akin at sa anak mo. Noong hindi pa tayo kasal, halos linggo-linggo may date tayo. Pero ngayon, limang taon na ang huling date natin.”

Kahit hindi iyan sabihin ng asawa natin sa ating mga lalaki, minsan ganyan ang nararamdaman nila kapag sobrang abala tayo.  Kahit sabihin ng asawa ko na okay lang kung magpaalam ako na, “Pwede ba akong gumawa ng assignment ngayon?” sa loob-loob niyan, “Mas mainam siyempre kung may panahon tayong makapag-usap ngayon, maglakad-lakad sa labas.” Nakakalungkot sa ibang mga mag-asawa na magandang simula sa relasyon ngunit pagtagal ay nagkakaproblema dahil nababawasan na ang oras nilang mag-asawa, nakakalimutan na kung ano ang mas mahalaga.

Ganoon din sa relasyon natin kay Cristo. Noong una tayong naging Cristiano ang init-init ng relasyon natin sa kanya. Araw-araw nagbabasa ng Bibliya, nananalangin, nararamdaman nating parang napakalapit ni Jesus sa atin. Pero dumating ang mga kaabalahan sa araw-araw. Nagkatrabaho na. Nagmamadaling pumasok sa umaga, pag-uwi pagod na. Pagdating ng weekend, abala naman sa mga gawain sa church. Kahit sa oras ng pagsamba, abala pa rin. Sa pang-araw-araw man na gawain o sa gawain sa ministry sa church, sa sobrang pagiging abala natin, nakakalimutan natin na mayroong isang bagay na mahalaga, mas mahalaga kaysa sa lahat. Dahil dito apektado ang lagay ng relasyon natin kay Cristo, sa halip na lumago at lumalim ang pag-ibig natin sa kanya, nanlalamig pa at umuurong.

Ito ang naging problema ng isa sa mga tagasunod ni Jesus na si Marta sa Lucas 10:38-42. Naglalakbay noon si Jesus kasama ang kanyang mga alagad mula sa Galilea patungo sa Jerusalem. Sa paglalakbay nila dumaan siya sa isang nayon (hindi binanggit dito ni Lucas ang pangalan ngunit sa Juan 11:1 ay makikitang sa Betania ito dahil doon nakatira ang magkakapatid na Marta, Maria at Lazaro na muling binuhay ni Jesus). Sa lugar na ito ay malugod na tinanggap siya ng kanyang mga tagasunod doon at pinatuloy sa bahay ni Marta. Tulad sa isang mabuting pagtanggap sa natatanging bisita, marapat lang na ipaghanda ni Marta si Jesus ng makakain. Kailangan espesyal. Aba, minsan lang mangyari ito. Kaya takbo siya sa kusina at naghanda ng makakain. Samantalang ito namang si Maria ay naupo sa may paanan ni Jesus at hindi man lang kumukurap sa pakikinig sa mga sinasabi ng Panginoon.

Napansin ni Marta ang kapatid niya na kanina pa niya hinihintay na tulungan man lamang siya dahil hindi siya makaugaga sa paghahanda ng mga kailangan. Noong una, medyo nagpapasensya pa siya, pero hindi na niya napigilan at sinabi kay Jesus, “Panginoon, wala ba kayong pakialam na walang ibang inaatupag ang kapatid ko at hindi man lamang ako tulungan dito? Alam ko may pakialam kayo diyan, kaya sabihan naman ninyo siya na pumunta rito at tulungan ako!” Medyo pangiti naman sinabihan ni Jesus si Marta, “Marta, Marta, masyado ka namang nag-aalala sa pag-aasikaso ng maraming bagay at nakalimutan mong isang bagay lang ang kailangan. Bakit ka maiinis sa kapatid mo samantalang pinili niya kung ano ang mas mainam para sa kanya. Hindi mo ito maaaring agawin sa kanya. Ganoon din sana ang ginawa mo sa kabila ng kaabalahan mo diyan sa kusina.”

Hindi naman lahat ng pinagkakaabalahan natin ay masama. Ang iba tulad ng trabaho at ministry sa church ay kailangan talaga. Pero minsan sa paggawa natin ng maraming bagay na akala nating ginagawa natin para sa Panginoon ay sa bandang huli ay nakakaligtaan pala natin ang relasyon natin sa kanya. Nakakalimutan natin ang binanggit ni Jesus kay Marta na “isang bagay lang ang kailangan” (v. 42). Ano ba itong “isang bagay” na kailangan at higit na mahalaga sa lahat – isang bagay na nakaligtaan ni Marta sa kanyang kaabalahan at nakita naman sa ginawa ni Maria? Mas masasagot natin iyan kung mas makikilala natin ang tatlo sa pangunahing tauhan sa kuwentong ito – ang Panginoong Jesus, si Marta, at ang kanyang kapatid na si Maria.

The Demanding Jesus

Mas malalaman natin kung ano ang “isang bagay” na ito kung makikilala natin kung sino si Jesus at kung ano ang nais niya para sa atin. Verse 38, “Sa pagpapatuloy nila sa kanilang lakad, pumasok siya sa isang nayon. Isang babaing ang pangalan ay Marta ang tumanggap kay Jesus sa kanyang bahay.” Mula 9:51 hanggang 19:44 isinalaysay ni Lucas ang mga nangyari at itinuro ni Jesus sa kanyang paglalakbay kasama ang kanyang mga alagad mula sa Galilea hanggang sa Jerusalem. Ang Galilea ang nakasaksi sa karamihan ng kanyang mga himala at nakarinig ng kanyang maraming turo. Sa lugar na ito naranasan ni Jesus ang tugatog ng kanyang popularidad. Sa Jerusalem naman ay natatanaw na niya ang lugar kung saan itatakwil siya ng bayang kanyang nais iligtas. Mula sa popularidad hanggang pagtakwil ng mga tao ang biyahe ni Jesus. Ito rin ang biyahe na nais niya sa lahat ng kanyang tinatawag na sumunod sa kanya. Nang pumasok siya sa isang nayon sa Samaria (9:53) hindi siya tinanggap doon. Ngunit dito sa Betania, mayroon ditong ilan sa mga tagasunod niya na hindi lamang siya tinanggap sa kanilang bahay kundi, higit na mahalaga, sa kanilang buhay. Kabilang dito sina Maria at Marta.

Saan man magpunta si Cristo. Sa tuwing makita ng mga tao ang kanyang himala at marinig ang kanyang tinig, hindi maaaring walang tugon na gagawin ang tao. You will take side, you will make a life-changing decision. You will either reject him or accept him. Ito ang panawagan ni Jesus sa lahat. Kung hindi ka panig sa kanya, ikaw ay laban sa kanya. Kaya kung naririnig mong nagsasalita si Jesus sa pamamagitan ng mga talatang ito, hindi puwedeng tulad din dati ang pag-iisip mo at damdamin tungkol kay Cristo. Kung hanggang ngayon ay kahit pumapasok ka sa bahay ng Panginoon ngunit wala pa naman talaga sa buhay mo ang Panginoon, mag-isip-isip ka kung gaano karaming oras ang sinasayang mo, kung bakit hanggang ngayon ay sinasayang mo pa rin ang buhay mo at namumuhay nang hiwalay sa Panginoon.

Para naman sa karamihan sa atin, hindi rin tama na pagkatapos nito ay walang magbabago sa damdamin mo kay Cristo. Kung tagasunod ka ni Cristo, oo, mahal mo si Jesus. Ngunit nais niya na mas lumalim pa ang pag-ibig mo sa kanya. Sa pamamagitan lang nito saka lalalim din ang relasyon natin sa ibang tao at sa Diyos. Pansinin ninyo na ang kuwentong ito ay nasa pagitan ng itinuro ni Jesus na pag-ibig sa kapwa (The Parable of the Good Samaritan) sa 10:25-37 at pagtitiwala sa Diyos sa panalangin sa 11:1-13. Ipinapakita nito ang kaugnayan ng tamang relasyon kay Cristo sa tamang relasyon sa Diyos at sa tao. Kaya may desisyon rin tayo na dapat gawin. Mananatili ba tayo sa kalagayan ng relasyon natin kay Jesus ngayon na nanlalamig, o minsan mainit minsan malamig, minsan abala sa ibang bagay minsan may oras para kay Jesus. Hindi lang basta relasyon kay Jesus ang pinag-uusapan dito. Kung nag-asawa tayo hindi ito natatapos sa kasal. Sa araw-araw ay may kailangan tayong gawin para mapaunlad ang relasyong ito. Sa buhay Cristiano, hindi puwedeng, “Cristiano na ako, ayos na iyan!” Hindi ganoon. Nais ni Jesus na makita natin hindi lamang kung ano ang mahalaga, kundi kung ano ang mas mahalaga. Hindi lang kung ano ang mainam, kundi ano ang higit na mainam.

Tandaan ninyo na ang pagkukumpara kay Marta at Maria ay hindi pagkukumpara kung ano ang masama at ano ang mabuti, kung sino ang isang hindi nagmamahal kay Cristo at sino ang tunay nagmamahal sa kanya. Hindi! Pareho nilang mahal si Cristo. Pareho silang sumusunod sa kanya bilang Panginoon. Noong namatay ang kanilang kapatid na si Lazaro, ipinahayag ni Marta ang kanyang pananampalataya kay Cristo, “Sumasampalataya ako na ikaw ang Cristo, ang Anak ng Diyos, ang siyang darating sa sanlibutan” (John 11:27). Si Maria rin ay ipinakita ang kanyang pag-ibig kay Jesus nang pahiran niya ng mamahaling pabango ang kanyang paa sa isang pagkakataon (Juan 12:3; iba ito sa babae sa Luke 7:36-50). Sa pagkakataong ito, mayroong dapat matutunan si Marta mula sa kanyang kapatid na si Maria.

The Distracted Martha

Ibang-iba ang reaksiyon ni Marta sa pagdating ni Jesus kumpara kay Maria. Oo nga’t nais niyang pagsilbihan si Jesus at ipaggayak sila ng makakain. Ngunit may naging problema. Ano ito? Verse 40, “Ngunit si Marta ay naaabala (sa ESV ay “distracted”) sa maraming paglilingkod. Siya’y lumapit sa kanya at sinabi, ‘Panginoon, wala bang anuman sa iyo na pinabayaan ako ng aking kapatid na maglingkod na mag-isa? Sabihin mo nga sa kanya na tulungan ako.’” Anong problema dito? Hindi dahil abalang-abala si Marta. Hindi dahil sa kanyang “maraming paglilingkod” o maraming paghahanda na ginagawa sa kusina. Hindi problema ang pagiging busy, o pagiging active sa ministry. Mainam nga iyan kaysa sa mga taong tamad! Sa mga taong walang inatupad kundi ang mga bagay na walang kabuluhan. Hindi ibig sabihin nito na sa lahat ng pagkakataon ay katulad tayo ni Maria na mauupo na lang kapag Linggo at makikinig ng sermon at wala nang ibang involvement sa mga ministries. Hindi! Nais din ni Jesus na maglingkod tayo sa iba’t ibang paraan ayon sa kaloob sa atin ng Espiritu.

Ang problema dito ay dahil sa kaabalahan ni Marta, “distracted” na siya. Ang salitang ito ay dito lang ginamit sa Bagong Tipan. Sa literal na salin, ito ay parang hinihila o kinakaladkad si Marta, nawala na ang focus niya na dapat ay palaging niyang iniisip. Nakalimutan na niya kung ano ang mas importante sa ginagawa niya. Aligaga. Kaya nga sabi ni Jesus sa verse 41, “Marta, Marta, nag-aalala ka at nababagabag sa maraming bagay.” Sa kagustuhan nating gumawa ng maraming bagay, na maraming matapos, na magkaroon ng sense of accomplishment, nawawala na ang focus natin, nakakaladkad tayo ng kaabalahan palabas sa sentro ng dahilan kung bakit natin ginagawa ang mga bagay-bagay. Minsan akala natin na kapag busy tayo ay mas nagiging espiritwal tayo o kaya’y ginagawa natin ang kalooban ng Diyos.

Kung nagiging “distracted” tayo tulad ni Marta, maaaring dahil sa trabaho, sa barkada, o sa minstry, naaapektuhan din ang klase ng relasyon natin sa Diyos. Sabi niya sa verse 40, “Panginoon, wala bang anuman sa iyo na pinabayaan ako ng aking kapatid na maglingkod na mag-isa? Sabihin mo nga sa kanya na tulungan ako.” Oo, kinikilala niyang Panginoon si Jesus pero sa puntong ito, inakusahan pa niyang parang walang pakialam sa kanya at inutusan pa niya! Nadamay pa si Jesus sa kanilang “sibling rivalry”!

Isang babala ito sa lahat sa atin na suriin ang puso natin sa paglilingkod. Oo, nandoon ang desire natin na magpagamit sa Panginoon, naroon ang desire natin na maging responsable sa pamilya kaya tayo nagtatrabaho. Pero ang mga ito ba ay nagiging dahilan na mas nakikilala natin si Cristo at napapalapit sa kanya? O nagiging dahilan ito, tulad ni Marta, na “distracted” tayo at naaapektuhan ang relasyon natin kay Cristo? Kung gayon, hindi pa’t dapat lang na suriin natin ang puso natin at gumawa ng paraan o adjustments upang maging katulad ng ginawa ni Maria. Ano bang ginawa niya na nais ni Jesus na tularan rin natin?

The Devoted Mary

Lahat ng Marta sa lugar na ito ay makinig sa verse 39, “At [si Marta’y] may isang kapatid na tinatawag na Maria na naupo sa paanan ng Panginoon at nakinig sa kanyang salita.” Kahit sa panahon nilang hindi pinahihintulutan ang mga babae na maupo sa paanan ng tagapagturo dahil nakareserba lang ito para sa mga lalaki, ginawa ito ni Maria. Walang sinabing inutusan siya ni Jesus na gawin ito. Naroon ang kanyang initiative, kasabikang makinig kay Jesus, kasabikang matutunan ang sasabihin ng Panginoon at siyempre, gawin iyon. Sa sobrang pakikinig marahil hindi na niya napansin ang kanyang kapatid na siguro ay tinatawag din siyang tulungan siya sa kusina. She was so focused. Nakikinig siya na dire-diretso, walang “distraction.” She was so devoted to Christ. Iyon naman ang nakita niyang kailangan. Discipleship is not just about action but devotion. Not just what you do for Jesus, but who Jesus is for you and how you relate with him. Ito ang matututunan natin sa halimbawa ni Maria.

Bakit ganoon na lang ang kasabikan ni Maria? Dahil kilala niya si Jesus at alam niya na ang salitang pinapakinggan niya ay salita o turo ng Panginoon. Hindi lang ito turo ng isang tao. Oo, dinudumog ng maraming tao ang pagtuturo ni Jesus dahil sa kanyang mga himala. Pero si Maria, nakikinig dahil kinikilala niyang si Jesus ang Panginoon. Hindi tulad ng ibang tao na magagalit sa mabibigat na pananalita ni Jesus, si Maria ay malugod na tatanggapin ito dahil handa siya hindi lang makinig kundi malaman kung paano siya susunod sa kanyang Panginoon. Alam niya ang paanyaya ni Jesus, “He who has ears, let him hear” (8:8; 14:35). Alam niya na sa pagtanggap sa salita ni Jesus nakasalalay ang tunay na kaligtasan at kasiyahan sa buhay. Nais niyang maging tulad “mabuting lupa” sa talinghaga ni Jesus na panghahawakan at isasapuso ang kanyang mga salita at magbubunga sa kanyang buhay (8:11-15). Sa pamamagitan ni Maria, makikita nina Pedro, Juan at Santiago kung ano ang ibig sabihin ng sinabi ng Diyos Ama nang makita nilang nagbagong-anyo si Jesus sa isang bundok, “This is my Son, my Chosen One, listen to him!” (9:35). Alam ni Maria na mapalad o pinagpapala ang lahat ng nakikinig sa salita ng Diyos at isinasabuhay ito (11:28).

Bakit maiinis si Marta sa ginagawa ni Maria samantalang ayon kay Jesus sa verse 41, “Pinili ni Maria ang mabuting bahagi na hindi kukunin sa kanya.” Alam ni Maria kung ano ang mas mahalaga sa kanya. Sa kaabalahan ni Marta sa paghahanda ng maraming pagkain, alam ni Maria na isang pagkain lang ang kailangan niya – ang salita ng Panginoong Jesu-Cristo. Oo, mahalaga ang kanin at ulam, pero mas mahalaga ang Salita ng Diyos. Mahalagang alagaan ang ating katawan, ngunit mas mahalagang pakainin ang ating espiritu. Oo, mahalagang maglingkod para kay Jesus, pero mas mahalagang sa paglilingkod ay kasama si Jesus. Araw-araw, ang daming choices na haharapin tayo, tulad ng isang kainan na ang daming nakahaing putahe. Pero sa buhay Cristiano, isa lang ang dapat nating piliin. Sa kabila ng kaabalahan sa buhay, dapat nating piliin ang “isang bagay na kailangan.” Ano iyon? Walang iba kundi ang ipinakitang halimbawa ni Maria – ang prayoridad ng mas malapit na ugnayan o relasyon kay Jesus.

The Challenge of Jesus

Ang sinagot ni Jesus kay Marta sa verses 41-42 ay isang challenge para sa atin. ‘Marta, Marta, nag-aalala ka at nababagabag tungkol sa maraming bagay; subalit isang bagay ang kailangan. Pinili ni Maria ang mabuting bahagi na hindi kukunin sa kanya.’” Oo, maraming kaabalahan sa buhay ngunit hindi iyon dahilan upang maging distracted tayo tulad ni Marta, na mawala ang focus natin sa bagay na higit na mahalaga. Panawagan ito ni Cristo sa lahat ng kanyang mga alagad na maging devoted sa kanya tulad ni Maria. Sabi niya, “Isang bagay ang kailangan.” Sa kabila ng mga alalahanin at mga maraming gawain sa araw-araw, itong isang bagay na ito ang huwag nating kalilimutan. Nananawagan si Jesus sa lahat sa atin na matuto tayong palaging makinig sa kanya at, sa pamamagitan noon, ay mas maging malapit ang relasyon sa kanya.

Nais ng Panginoon na tayo ay maging mga tagasunod niya na devoted o nakatuon lamang sa isang bagay, ang mapalapit sa kanya sa pamamagitan ng pakikinig sa kanyang mga salita at mga gawa sa buhay natin. Challenge ito sa atin lalo na sa magulo at mabilis na takbo ng buhay ngayon. Ang mga salitang “Lord, I’m busy, I don’t have time for you” ay hindi dapat marinig at makita sa puso ng isang tunay na tagasunod ni Jesus. Maaaring sa sitwasyon ninyo ngayon mahirap talaga, pero hindi naman natin ito gagawin sa sariling lakas natin. Hihilingan natin palagi ang Espiritu na bigyan tayo ng taingang handa palaging makinig, ng pusong nakalaan lamang palagi kay Jesus. Kung sa sarili lang natin, e di wala rin naman mangyayari.

Being Disciples Devoted to Only One Thing

Anu-ano ang dapat nating tandaan ukol dito? Maglaan ng sapat na oras na walang ibang gagawin kundi makinig sa kanya. Bago pa man tayo sumabak sa pagkakaabalahan sa araw-araw, tiyakin natin na may personal na oras tayong makinig sa kanya. Buksan mo ang Bibliya mo sa umaga at hilinging mangusap sa iyo ang Diyos. Paggising ko sa umaga, pagkatimpla ng kape, babasahin ko ang naka-schedule sa Bible Reading Plan. Nitong mga nakakaraang araw, napapansin ko na naiiwanan ko rin yung mga nabasa ko kapag nagsimula na ang mga gawain sa maghapon. Kaya naisip ko na simula sa darating na linggo maglalaan ako ng mga ilang minuto sa tanghali at sa hapon at sa gabi para balikan o pagbulayan ang salita ng Diyos, para matiyak na palagiang nasasanay ako sa pakikinig sa Salita ng Diyos. We need to make adjustments kung nakikita nating mahalaga. Hindi puwedeng pagkatapos mong marinig ito, ganoon pa rin.

Pero hindi lang scheduling ang pinag-uusapan dito, kundi kailangang maging sensitibo rin tayo sa pakikinig sa kanyang salita sa mga pangyayari sa buhay – ordinaryo man o kakaiba. Kapag biglang may dumating na bisita sa umaga, ano kaya ang sinasabi ng Diyos doon? Kapag bumagsak sa isang exam, anong salita ng Diyos ang nagpapaalala sa iyo na maging tugon mo sa nangyari. Noong Linggo, papunta sina Jona and Marvin sa pamilya ng namatay sa aksidenteng nadamay sila para magkaroon ng maayos na usapan. Habang nasa sasakyan sila, naalala nila ang sermon noong nakaraang August 1, “Paralyzed with Fear,” na nakita nila ang sarili nila sa naranasan ni Jacob sa pakikipagtagpo kay Esau. Naalala nila ang sinabi ko noon, “We faced our fears by seeking the face of God.” Ganoon ang pakikinig, na hindi natatapos sa sermon ngayong linggo o sa Quiet Time sa umaga, kundi nagpapatuloy sa anumang mga gawain natin sa buhay.

Huling paalala: sa mga gawain sa church, huwag kalimutang pinakamahalaga ang makinig sa Salita ng Diyos. Kaya nga narito kayo ngayon. Maraming tao ngayon ang busy kahit na Linggo, wala nang panahong makinig sa Salita ng Diyos. Pero babala sa atin na kahit na “active” tayo sa ministry sa church, maaaring maging “non-active” tayo sa relasyon sa Diyos. Pwede kayong maging pastor tulad ko, o usher, o Sunday School teacher, pero hindi nagiging malapit ang relasyon ninyo sa Diyos dahil nakakalimutang makinig. Isang paalala rin ito sa akin. Kaya naman naging malaking bagay sa akin ang halimbawang ginawa ni John Piper. Pastor siya sa Bethlehem Baptist Church sa U.S., mahigit 20 taon na. Kilalang author, theologian, at Bible teacher. May popular na ministry. Pero ngayon ay nasa 8-month leave siya para makapaglaan ng oras na mas mapainit ang relasyon nilang mag-asawa at higit sa lahat, masiyasat ang kanyang puso, marinig ang sinasabi ng Diyos na maaaring hindi niya marinig sa kabila ng mga demands sa ministry. Umaasa siya na panibagong sigla ang dala-dala niya pagbalik dahil sa naging prayoridad niya ang relasyon sa Diyos higit pa sa ministry sa church o popularity.

Lahat ng mga nagsasabing sila’y mga tagasunod ng Panginoong Jesus Cristo – si Maria man o si Marta, si Pastor Derick man o sina Marvin at Jona, si John Piper man o lahat ng mga taong sumusubaybay sa kanyang ministeryo, abala man tayo sa mga ministries sa church o sa pang-araw-araw na gawain sa bahay o sa trabaho – ang nais ni Jesus ay matuto tayong lahat na palagiang nakikinig sa kanyang salita sapagkat sa pamamagitan nito’y ipinapakita natin kung gaano kahalaga si Cristo sa buhay natin. Habang natutunan natin iyan, mas lumalalim ang pagkakilala natin sa kanya, mas lumalapit ang relasyon natin sa kanya. Ito ang dapat na mithiin ng lahat ng Cristiano. Wala nang iba.


[1] Unless otherwise indicated, Scripture quotations are from the English Standard Version (Wheaton, IL: Crossway, 2001) and Ang Biblia (Philippine Bible Society, 2001). Scripture quotations marked by MBB are from Magandang Balita Biblia (Philippine Bible Society, 2005).

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.