September 19, 2010 | By Derick Parfan | Scripture: Matthew 25:31-46
Downloads: audio | video | sermon notes | discussion guide
Then the King will say to those on his right, “Come, you who are blessed by my Father, inherit the kingdom prepared for you from the foundation of the world. For I was hungry and you gave me food, I was thirsty and you gave me drink, I was a stranger and you welcomed me, I was naked and you clothed me, I was sick and you visited me, I was in prison and you came to me.” Then the righteous will answer him, saying, “Lord, when did we see you hungry and feed you, or thirsty and give you drink? And when did we see you a stranger and welcome you, or naked and clothe you? And when did we see you sick or in prison and visit you?” And the King will answer them, “Truly, I say to you, as you did it to one of the least of these my brothers, you did it to me.” (Matt. 25:34-40)[1]
Nakatago ang Tunay na Kulay
Sa maniwala kayo’t sa hindi, kumanta ako kasama ang aking grupo sa dalawang worship services ng CCF Taytay. Akala siguro ng mga nakikinig ay kumakanta talaga ako pero hinihinaan ko lang para hindi pumangit ang kanta ng grupo namin. Malay ba nila kung singer ako o hindi. Sa maraming churches, maraming tao ang nagsasabing Cristiano sila at tagasunod ni Cristo. Malay ba nating mga nakakakita sa kanila kung totoo nga silang kay Cristo o sumasabay lang sa mga gawain ng church. Maraming nagsasabi na sila’y mga tagasunod ni Cristo ngunit hindi naman nakikita sa pamumuhay nila, lalo na sa relasyon nila sa ibang tao.
Hindi ko alam kung sino sa inyo ngayon ang tunay na Cristiano. Maaaring ang iba ay hindi bagamat nakikitang aktibo sa mga gawaing simbahan at alam ng marami na mga Cristiano. Sana naman hindi ganoon. Maaaring ang iba naman sa inyo ay panatag na sa pagiging Cristiano at hindi nagsisikap na ipamuhay ang pagiging Cristiano sa pakikitungo sa ibang tao. Totoong ngayon ay hindi natin masasabi kung sino ang tunay. Ngunit darating ang araw na itinakda ng Diyos na hindi na natin maitatago ang ating tunay na kulay dahil magiging lantad na ito sa lahat.
Ito ang itinuturo ni Cristo sa Mateo 25:31-46. Sa aklat ni Mateo, ito ang huling nakatalang itinuro ni Cristo sa kanyang mga alagad bago ang kanyang kamatayan. Bahagi ito ng panlimang mahahabang pagtuturo ni Jesus. At ang panlimang ito ay may kinalaman sa paghahanda sa mga disipulo na mamuhay sa kabila ng maraming naghihintay na paghihirap bago ang muling pagbabalik ni Jesus. Dito sa talatang ito, paano tayong mga Cristiano mamumuhay ngayon sa kabila ng mangyayaring paghuhukom sa huling araw?
Ang Darating na Paghatol ni Jesus
Tingnan ninyo ang verses 31-32. Sino ang tatayong Hukom? Walang iba kundi si Jesus, “ang Anak ng Tao” (v. 31). Siya’y “uupo sa trono” na nagpapakita na siya rin ang Hari. Sa lahat ng tao na namuhay sa mundo, siya ang pinakamataas at may karapatang hatulan ang lahat ng tao sapagkat siya rin ang Anak ng Diyos. Si Jesus na Tagapagligtas ngayon ang magiging makapangyarihang Hukom sa araw na iyon.
Kailan mangyayari ito? Mangyayari ito sa muling pagdating ni Jesus. Ang kanyang unang pagdating ay sa kapakumbabaan, ang pangalawa ay sa “kaluwalhatian.” Ang una ay kaunti lang ang nakakita, ang pangalawa ay masasaksihan ng lahat. Pero hindi natin alam kung kailan ang eksaktong petsa. Ang Ama lang ang nakakaalam. Hindi man natin alam, ang mahalaga ay alam nating mangyayari ito at kailangang paghandaan.
Bakit kailangang paghandaan? E sino ba ang hahatulan? Verse 32, “At titipunin sa harapan niya ang lahat ng mga bansa.” Lahat ng tao haharap sa kanya. Nakarinig man ng ebanghelyo o hindi, taga-US man o taga-Pilipinas, mahirap man o mayaman, Cristiano man o Muslim o Judio, lahat ng tao! No exemption. Walang makakatakas sa araw na iyon. Darating ang araw na iyon. Tiyak iyon. Ang tanong sa atin, nakahanda ba tayong humarap kay Jesus na maggagawad ng hatol sa atin? O wala kang pakialam? Ang sa iyo lang ay isipin kung ano ang problema mo ngayon o bukas?
Ang Pagbubukod
Paano ang gagawing paghatol? Sa hiwa-hiwalay na bansa ay titipunin sa isang lugar ang lahat ng tao, kasama ang mga patay na muling binuhay para humarap sa Diyos sa araw na iyon. Pag natipon na, ano ang gagawin? Verse 32, “at kanyang pagbubukud-bukurin ang mga tao na gaya ng pagbubukud-bukod ng pastol sa mga tupa at sa mga kambing.” Pipiliin ni Jesus kung ano ang sa kanya, ang tupa ay sa kanya bilang isang pastol. Ang kambing hindi sa kanya. Verse 33, “Ilalagay niya ang mga tupa sa kanyang kanan, subalit ang mga kambing ay sa kaliwa.” Sa ngayon, ang mga tupa ay nakahalo sa kambing. Ang tunay na Cristiano ay nahahaluan ng mga hindi Cristiano at nagpapanggap o nag-aakalang Cristiano sila – sa loob ng tahanan, sa isang barangay, sa isang church, sa Pilipinas na tinatawag na “Christian” nation. Halo-halo ngayon, pero hindi magtatagal iyon. Malalaman kung sino ang tunay. Mahalaga sa ating malaman kung saan tayo, tupa ba o kambing? Hindi mo pipiliin maging kabilang sa mga kambing. Panalangin nating maging kabilang tayo sa mga tunay na tupa. Kung alam mo lang kung ano ang naghihintay sa mga tupa, na ibang-iba sa sasapitin ng mga kambing…
Ang Pagbasa ng Hatol
Makikita natin kung sinu-sino ang mga tupa at kung ano ang naghihintay sa kanila sa verses 34-40. Ang mga kambing naman ay sa verses 41-45. Ngunit titingnan natin ito ng side-by-side at ipagkukumpara ang dalawa. Ang sa verses 34 at 41 ay pagbasa ng hatol. Sa mga nasa kanan ay sasabihin niya, “Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula sa pagkatatag ng sanlibutan” (v. 34). May napakalaking mana ang naghihintay sa lahat ng tunay na nananalig kay Cristo, ito ay ang makapiling si Jesus sa langit. Wala nang mas liligaya pa kaysa marinig ang boses ni Jesus na nagsasabi at nag-aanyaya, “Halikayo.” Sa mga nasa kaliwa ay sasabihin niya, “Lumayo kayo sa akin, kayong mga sinumpa. Doon kayo sa apoy na walang hanggan na inihanda sa diyablo at sa kanyang mga anghel” (v. 41). Terible ang naghihintay sa kanila, sa kanila na hindi nakinig kay Jesus nang sabihin niya, “Lumapit kayo sa akin…” (11:28). Hindi na nila ito maririnig, kundi ang boses na nagpapalayas sa kanila, “Lumayo kayo sa akin!” Ano’ng lugar na pipiliin mo? Ang lugar na kasama ang mga demonyo? O ang makapiling ang Diyos sa langit?
Ang Huling Hatol
Hindi ito isang usapan na puwede mong balewalain nang basta-basta. May kinalaman ang desisyon mong gagawin ngayon sa desisyon ng Diyos sa araw na iyon. Ang hatol na ito ay hindi na warning, this is the final judgment. Huling hatol na ito. Hindi na natin puwedeng baligtarin ang desisyon ng Diyos. Verse 46, “At ang mga ito’y (mga kambing) ay mapupunta sa walang hanggang kaparusahan, ngunit ang mga matuwid ay sa buhay na walang hanggan.” Pansinin ninyo ang salitang “walang hanggan.” Sabihin nga ninyo kung hindi mahalagang isaalang-alang iyan ngayon! Ang 30 o 75 taon mo dito sa lupa ang makapagsasabi kung saang panig mo gugugulin ang susunod na 300,000,000,000 na taong darating pa! Kung babalewalain mo ang sinasabi dito ng Panginoong Jesus, walang kang ibang dapat sisihin kundi ang sarili mo! Wala namang dapat ipagmalaki ang tatanggap ng buhay na walang hanggan dahil ito ay sa biyaya ng Diyos.
Ang Paglalatag ng Ebidensiya
Ano ang pagkakaiba ng dalawang grupong ito? Bakit ang isa ay tatanggap ng walang hanggang kagalakan at ang isa ay kapahamakan? Makikita ito sa verses 35-36 (para sa tupa) at verses 42-43 (para sa kambing). Pareho itong nagsisimula sa “sapagkat” na nagpapakita na ito ang dahilan bakit ganoon ang hatol na tatanggapin nila. Sa tupa:
Sapagkat ako’y nagutom at binigyan ninyo ako ng pagkain. Ako’y nauhaw, at binigyan ninyo ako ng inumin. Ako’y taga-ibang bayan, at ako’y inyong pinatuloy. Ako’y naging hubad at inyong dinamitan. Ako’y nagkasakit at ako’y inyong dinalaw. Ako’y nabilanggo at ako’y inyong pinuntahan.
Gutom, uhaw, taga-ibang bayan, hubad, nagkasakit, at nabilanggo. Ang mga tupa ay may ginawa bilang tugon doon. Ang mga kambing ay wala. Ipinapakita nito na ang mga maliligtas lamang ay iyong mga taong may tunay na relasyon kay Jesus na nakita sa kanilang paglilingkod na ginawa para sa kanya. Para sa mga kambing, hindi binanggit dito ang mga krimen o mga karumaldumal na kasalanang ginawa nila. Sa halip ay binigyang-pansin ni Jesus ang hindi nila ginawa. Wala silang ginawa para kay Jesus. Wala silang tunay na relasyon kay Cristo. Katulad ng isang kasabihan, “Only one life ‘twill soon be past, only what’s done for Christ will last.”
Ngayon pa lang ay lilinawin ko na ang kaligtasan ay hindi sa pamamagitan ng gawa. Ito ay sa biyaya, sa pamamagitan ng gawa ni Cristo, hindi ng ating sariling gawa. Ang pinag-uusapan dito ay tungkol sa paghatol, kaya ebidensiya ang pangunahing sinabi ni Jesus. Ang pinapakita rito ay ang ebidensiya na ang isang tao ay tunay na naligtas, ang ebidensiyang nakikita sa buhay ng isang taong tunay na may relasyon kay Jesus. Madaling sabihing iniibig mo si Cristo, ngunit mas mahirap na patunayan ito.
Ang Pagsusuri ng Ebidensiya
Parehong panig ay magtataka sa ebidensiyang inilatag ni Jesus. 37-39; 44. Hindi naman natin nakita nang pisikal si Jesus. Hindi naman siya nakulong. Hindi naman siya nagkasakit. Bakit niya sinasabi iyon? Sabi ng mga kambing sa kaliwa, “Panginoon, kailan ka namin nakitang gutom, o uhaw, o isang taga-ibang bayan, o hubad, o maysakit, o nasa bilangguan, at hindi ka namin pinaglingkuran” (v. 44)? Ang mga tupa ay gayon din ang itinanong. Sa puntong ito nais nilang malaman kung paano naging totoo ang ebidensiyang nilatag ni Jesus.
Bago natin tingnan ang sagot ng Hukom at Hari, pansinin ninyong ang parehong grupo ng tao ay tinawag siyang “Panginoon.” Maiintindihan pa natin ito sa mga tupa, dahil sila ang mga talaga namang kumikilala kay Jesus bilang Panginoon at nakita sa klase ng kanilang buhay na totoo nga ang kanilang pananampalataya sa kanya. Pero itong mga kambing sa kaliwa, tinawag din siyang Panginoon! Bakit hindi sila tatanggap ng buhay na walang hanggan? Ang iba sa kanila ay maaaring nitong araw lang na ito nakilala si Jesus. Maaaring hindi nila narinig ang ebanghelyo o kung narinig man ay tinanggihan ito. Dahil kitang-kita na na siya talaga ang Hari ng lahat, hindi na nila maikakaila na siya ang “Panginoon.” Ang iba naman sa kanila ay mga taong nagsasabing Cristiano sila, nagsisimba, nabaustimuhan, members ng isang church, umaawit sa kanya, nagbabasa ng Bibliya, ngunit hindi pala totoo ang pakilalala nila kay Jesus bilang Panginoon. Sa salita lang. Babala ito sa atin, tulad ng sinabi ng Panginoong Jesus sa Mateo 7:21, “Hindi lahat ng nagsasabi sa akin ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.”
Ang Pagpapatibay ng Ebidensiya
Paano nasabi ni Jesus na ang mga nasa kanan lamang ang tunay na kumikilala sa kanya at ang mga nasa kaliwa ay hindi? “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, yamang ginawa ninyo ito sa isa sa pinakamaliit (o pinakamababa) sa mga kapatid kong ito, ay sa akin ninyo ginawa” (v. 40). Sa kaliwa naman ay sinabi niya, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, yamang hindi ninyo ito ginawa sa isa sa pinakamaliliit na ito, ay hindi ninyo ito ginawa sa akin” (v. 45).
Ang tinutukoy ni Jesus noong una pa man ay hindi ang kanyang sarili na nagkasakit o nabilanggo kundi ang mga “kapatid” niyang lubos nangangailangan. Katibayan ng tunay na relasyon kay Jesus ang klase ng relasyon na mayroon tayo sa iba nating kapatid kay Cristo, lalo na sa mga dumaranas ng paghihirap. Ang mga nasa kaliwa ay hindi nila ipinakita ang tunay na pag-ibig sa mga Cristianong dumanas ng mga mabibigat sa buhay. Pero siyempre hindi lang mga Cristiano ang pagtutuunan natin ng pag-ibig, kundi lahat ng taong nangangailangan. Alam ba natin kung sino ang tunay na Cristiano? Malay ba natin na ang batang palabuy-laboy lang sa kalye ay magiging “kapatid” din ni Cristo?
Bakit mga mahihirap at mga api ang naririto sa listahan? Bakit hindi mayaman, malulusog, mga politiko? Dahil ang tunay na pag-ibig ay mas mapapatunayan kung ipinapakita natin ito sa mga taong maaaring hindi tayo komportable, o sa mga taong hindi mababayaran ang ginawa nating kabutihan.
Ang mga disipulo noong panahon ni Jesus ay literal na sumusunod sa kanya. Pero ngayon, following Jesus is not physical anymore. Hindi natin siya nakikita o nahahawakan o nadirinig ang kanyang boses. Pero puwede nating ipakita ang ating pag-ibig sa kanya sa pamamagitan ng pag-ibig natin sa kapwa. Kung natatandaan ninyo ang mga nakaraan nating tinalakay sa seryeng ito, nakita natin na ang isang tagasunod ni Cristo ay siyang may tunay na relasyon sa kanya. Ngayon nakikita natin ang koneksiyon ng relasyon kay Cristo sa klase ng relasyon natin sa iba. Sinasabi mong born again ka, nagsisi, sumampalataya, lumapit sa kanya, sumusunod sa kanya, nakikinig sa kanya, napapatunayan ba iyan sa buhay mo na handang tumulong sa mga taong nangangailangan ng anumang bagay na ipinagkaloob sa iyo ng Diyos?
Hindi Mauubos ang mga Oportunidad
Oo, naipapakita natin ang pag-ibig natin sa mga kasama natin sa church o sa pamilya natin pero paano ang mga taong wala masyadong pumapansin? Hanggang saan ang pagpapakita natin ng pag-ibig? Napakaraming paraan para maipakita natin ang tunay na pag-ibig kay Jesus sa pamamagitan ng pagtulong sa mga taong nangangailangan. Hindi tayo mauubusan.
Naranasan na natin ito noong nakaraang taon nang nagtulung-tulong tayong abutin ang mga kababayan nating nasalanta ng bagyong Ondoy. Ngunit huwag na nating hintayin pa ang susunod na Ondoy upang makatulong sa iba. Nitong nakaraang linggo lang ay ipinakita sa akin ng Diyos ang ministeryong ginagawa ng mga kapatid natin sa CCF (Christ’s Commission Fellowship) Taytay, na nagpaalala sa akin tungkol sa pagkatawag sa atin ng Diyos upang abuting ang mga taong walang umaabot. Mayroon silang ministry sa Rizal Provincial Jail na ang pangalan ay BIYAHE (BInigyang LaYA ni HEsus). Tumulong ang team namin galing sa IGSL sa kanilang weekly fellowship. Nakipag-usap ako sa ibang mga inmates na parang isang Kaagapay Group. Mayroon din silang ministeryo para sa mga street children, GALA (GAbay ng LAndas). Tinutulungan nila ang mga batang ito na sa halip na mag-rugby ay makinig ng Salita ng Diyos, maglaro, magdrawing, maligo, at balang-araw ay makapag-aral din at mabago ang buhay. Tinutulungan silang matupad ang kanilang mga pangarap.
Ano Ngayon ang Dapat Nating Gawin?
Paano tayong mga Cristiano mamumuhay ngayon sa kabila ng mangyayaring paghuhukom sa huling araw?
- Live out your faith in Jesus. ‘Wag kang Cristiano sa salita lang. Napakarami nang ganyan. Huwag mo nang dagdagan. “Faith apart from works is dead.” Sinasabi mong nagtitiwala ka kay Cristo, ipamuhay natin ito, lalo na sa pag-ibig natin sa ibang tao. Pero hindi lang basta sa mga mahal natin sa buhay o sa mga taong gusto nating makasama…
- Love even those people with whom we are uncomfortable. Si Jesus naparito para makasama ang mga taong itinatakwil ng lipunan. Namatay din si Jesus sa mga taong katulad nila. Jesus loves them. If we are followers of Christ, we must love them, too. Ang problema natin, iba ang tingin natin sa mga taong katulad nila. Kaya naman…
- Look to those who are poor and oppressed as looking to Jesus. Sa susunod na makita ang mabahong bata sa lansangan, sa susunod na masakay ka sa isang tricycle driver na sobra kung maningil, sa susunod na may mabahaginan ka na isang convicted rapist o kaya’y drug addict, tingnan mo sila at tratuhin na para bang si Jesus ang nasa harapan mo. Kung wala kang nakikitang bunga sa ginagawa mo kahit pa magsikap ka na abutin sila…
- Look forward to God’s future rewards. Walang anumang mabuting gawa ang masasayang, gaano man kaliit, kapag ito ay inialay kay Cristo.
Tamang-tama rin ito sa tema ng 24th anniversary ng church natin sa darating na Linggo: Jesus – Lord Beyond Church Walls. Sa mga susunod na araw, tatanggapin natin, kakausapin at dadalawin ang lahat ng nagiging bisita natin, mayaman o mahirap. Babalikan natin ang mga bahay na napuntahan na natin sa mga squatter areas sa Little Baguio o sa Daang Bakal. Ang mga estudyante ay aabutin ang mga estudyanteng nangangailangan din kay Cristo. Ang mga mag-asawa ay dadamayan ang ibang mag-asawang dumaraan sa matinding problema. Ang mga tricycle drivers ay magiging kaibigan natin. Sinasabi ng Panginoong Jesu-Cristo, “Do this for me.” Kung tunay kang taga-sunod ni Jesus, papakinggan mo ang sinasabi niya. Kung hindi, babalewalain mo lang ito.
[1] Unless otherwise indicated, Scripture quotations are from the English Standard Version (Wheaton, IL: Crossway, 2001) and Ang Biblia (Philippine Bible Society, 2001). Scripture quotations marked by MBB are from Magandang Balita Biblia (Philippine Bible Society, 2005).