August 8, 2010 | By Derick Parfan | Scripture: John 14:1-11
Downloads: audio | sermon notes | discussion guide
Troubled Hearts
May isang tatay na kausap ang kanyang tatlong taong gulang na anak, “Anak, aalis muna ako ha, babalik din ako.” Tanong ng anak, “Saan po kayo pupunta? Babalik din ba kayo mamaya?” Sagot ng ama, “Medyo magtatagal nang konti. Pupunta lang ako sa ibang bansa para magtrabaho.” “Bakit kailangang doon kayo magtrabaho? Hindi ba puwede dito?” “E kasi malaki ang utang natin sa bangko, kailangan nating bayaran. Wag kang mag-alala babalik din ako. I love you. Bye.” Nalulungkot ang bata. Hindi niya naintindihan kung ano ang nangyayari.
Tulad ng batang ito, maaaring tayong mga Cristiano ay may mga bagay sa buhay natin na hindi natin naiintindihan. Maraming tanong, ngunit parang hindi sapat ang mga sagot. “Bakit nagkakaloko-loko ang buhay ko? Ano ba ang pagkukulang ko sa iyo, Panginoon?” “Bakit ang tagal mong sumagot sa panalangin ko? Hindi ba’t araw-araw naman akong dumudulog sa iyo at hinihiling na baguhin mo ang puso ng aking pamilya?” Maraming tanong, ngunit minsan parang wala tayong sagot na naririnig. Nasusubok ang pananampalataya natin sa Diyos, kung nagtitiwala tayo sa kanyang mga salita. Kung mas bibigat pa ang sitwasyon, parang bibigay na tayo. Konting banat na lang, parang mapipigtas na ang taling nagdudugtong sa atin sa Diyos.
Ganoon din ang nararanasan ng mga disipulo ni Cristo. Tatlong taon na nilang kasama si Jesus. Narinig ang kanyang mga turo. Nakita ang kanyang mga himala. Naranasan nila ang pagmamahal niya sa kanila (13:1). Pero sinabi niya sa kanila ilang araw na lang bago siya mamatay, “Aalis muna ako at hindi kayo puwedeng sumama sa pupuntahan ko ngayon.” Tanong ni Pedro, “Bakit hindi ako makakasunod sa iyo ngayon?” (13:37). Hindi nila maisip kung paano na sila kung wala si Cristo. Naguguluhan sila. May takot. Nababagabag. Kaya naman sabi ni Jesus, “Huwag mabagabag ang inyong puso” (14:1). Inulit pa niya ito, “Huwag mabagabag ang inyong puso, o matakot man” (14:27); “Lakasan ninyo ang inyong loob” (16:23).
Alam ni Jesus na sa mga susunod na araw ay ipagkakanulo siya ng isa sa mga alagad, ipapapako ng mga taong nakarinig sa kanya at nakakita ng kanyang mga himala, itatakwil ng kanyang sariling bayan, kaya’t siya rin ay “labis na nabagabag” (13:21 MBB). Ngunit siya pa ngayon ang nagbibigay kalakasan sa kanyang mga alagad. Kasi ayaw niyang mawalan sila ng pag-asa. Kapag nakita nilang nakapako sa krus si Cristo at hindi pa lubos na nauunawaan ang mga plano ng Diyos, panghihinaan sila ng loob, at magtatanong, “Ano itong nangyayari? Bakit nagkaganito?” Ayaw niyang mangyari iyon kaya naman ang chapters 14-16 ay sinabi ni Jesus sa kanila “upang huwag kayong mawalan ng pananalig sa akin” (16:1). Dahil iyan ang layunin niya na tumibay ang kanilang pananampalataya sa kanya at huwag bibitiw, sinabi niya, “Don’t let your hearts be troubled. Believe in God; believe also in me” (14:1). Nababagabag ang kanilang puso. Mababagabag pa iyan kapag nakita nilang nakahandusay na ang katawan ni Cristo sa krus. Kaya sinabi niyang sa halip na pagharian sila ng kabalisahan at takot at pag-aalinlangan, “Sumampalataya kayo sa akin.”
Never-Ending Trust in Jesus
Ano ang ibig sabihin ni Cristo nang sabihin niyang, “Sumampalataya kayo sa akin”? Anong klaseng pananampalataya ito? Babanggitin ko sa inyo ang apat na bagay tungkol sa pananampalatayang ito na nais ni Cristong lahat tayo ay mayroon. (1) Una, ang pananampalatayang ito ay nakatuon (kanino?) kay Cristo. “Believe in God; believe also in me.” “Sa akin” ang diin nito. Oo, naniniwala ang mga Judio sa Diyos. Marami ring tao ang nagsasabi ngayong naniniwala sila sa Diyos. Pero mas specific ang sinabi ni Cristo. Sumampalataya tayo sa kanya. Ang tunay na pananampalataya sa Diyos ay nakatuon kay Cristo. Kung wala si Cristo sa pananampalataya mo, sabihin mo mang naniniwala ka sa Diyos, hindi tunay iyon. Walang patutunguhan iyon dahil wala si Cristo.
(2) Pangalawa, ang pananampalatayang ito ay naniniwala (sa ano?) sa mga katotohanan ng mga sinabi at ginawa ni Cristo. “Maniwala kayo sa akin; ako’y nasa Ama at ang Ama ay nasa akin. Kung ayaw ninyong maniwala sa sinasabi ko, maniwala kayo dahil sa mga ginagawa ko” (14:11). May mga sinabi si Cristo tungkol sa kanyang sarili na kung hindi natin paniniwalaan ay hindi tunay ang ating pananampalataya. Siya ang Anak ng Diyos, tunay na Diyos rin. Bagamat iisa ang Diyos, mayroong tatlong persona. Siya ang isinugo ng Diyos Ama upang iligtas tayo sa ating mga kasalanan. Para sa mga tao noong panahon ni Jesus parang ang hirap paniwalaan ng sinasabi ni Jesus, lalo pa’t naniniwala sila na iisa lang ang Diyos tapos sasabihin ni Jesus na siya at ang Ama ay iisa (10:30). Pero ano ang sabi niya? Kung hindi kayo naniniwala tingnan ninyo ang mga ginawa niyang himala kung hindi ito magpatunay na totoo nga ang sinasabi niya. Ang mga ito ay senyales na siya ay tunay na Diyos. Ang pananampalataya ay naniniwala sa sinabi at ginawa ni Cristo, ngunit hindi ito nananatili sa isip lang.
(3) Pangatlo, ang pananampalatayang ito ay (paano?) personal na paglalagak ng tiwala kay Cristo. Sabi niya, “Believe in me,” not just, “Believe me.” Ito ay personal na desisyon, hindi iba ang gagawa para kanila. May kalakip itong paglilipat ng tiwala mula sa sarili o sa ibang tao o sa relihiyon tungo kay Cristo. Hindi sa sarili, kundi kay Cristo. Hindi sa napagsanayan na nila o sa abilidad nila, kundi kay Cristo. Nang tumawag siya sa atin, “Lumapit kayo sa akin…” (Matt. 11:28), inaanyayahan niya tayong magsisi at talikuran ang ating mga kasalanan. Kasabay ng pagsisising ito ay ang pagbaling ng pagtitiwala natin kay Cristo. Ito ang tinatawag nating “conversion.” Mula sa kalagayan natin dati na hiwalay kay Cristo, tayo na ngayon ay nakadikit kay Cristo. Ito ang pananampalataya.
Sinasabi ba nito na sa minsan lang dapat tayong sumampalataya at magsisi? Hindi. (4) Pang-apat, ang pananampalatayang ito ay (kailan?) ay nagpapatuloy sa buong buhay Cristiano. Hindi lamang ito sa simula nang tawagin tayo ni Cristo. Hindi ito natatapos kapag nanalangin ka ng pagtanggap kay Cristo. Nagpapatuloy ito. Kapag sinabi niyang “Believe in me,” ibig sabihin, “Continue trusting in me. Don’t stop.” If you stop trusting me, you have not really trusted me from the beginning.” Kaya nga ang layunin ni Juan sa pagsulat ng kanyang Gospel ay: “so that you may believe that Jesus is the Christ, the Son of God, and that by believing you may have life in his name” (20:31). “For God so loved the world that he gave his only Son, that whoever believes in him should not perish but have eternal life” (3:16). Kung hindi magpatuloy, hindi tunay ang pananampalataya. Tulad ni Judas, bagamat kasama na ni Jesus sa simula pa ay tumalikod sa kanya. Nakakalungkot na kay raming Judas ngayon! Nagpapatuloy ang tunay na pananampalataya. Tulad ng 11 alagad ni Jesus. Bagamat nang mamatay si Cristo ay humiwalay sila gaya ni Pedrong ikinailang kilala niya si Cristo, ngunit bumalik din sila. Hindi sila tuluyang lumayo. Sa katunayan, lahat sila maliban lang kay Juan ang pinatay alang-alang sa kanilang pananampalataya kay Jesus. Ito ang tunay na pananampalataya.
Why Continue Trusting in Jesus
Bakit kailangan tayong magpatuloy na sumampalataya o magtiwala kay Cristo? Tingnan natin ang tatlong sagot sa tanong na iyan at sa bawat sagot ay tingnan natin kung ano ang itinuturo ni Cristo sa atin tungkol sa tunay na pananampalataya, pananampalatayang nagtatagumpay sa anumang sitwasyon sa buhay. Unang dahilan:
Sa bahay ng aking Ama ay maraming silid. Kung hindi ito totoo, sasabihin ko ba sa inyong pupunta ako roon upang ipaghanda ko kayo ng inyong matitirhan? At kapag naipaghanda ko na kayo ng matitirhan, ako’y babalik at isasama ko kayo upang kayo’y makapiling ko kung saan ako naroroon (14:2-3 MBB).
Hope of Eternity With God
Ipinapakita rito na sa lahat ng nagpapatuloy sa pagtitiwala kay Cristo, mayroong katiyakang walang-hanggang nasa piling ng Diyos sa langit. Ang bahay dito ay kumakatawan sa langit. At doon ay “maraming silid” na nagpapakita na hindi tayo mauubusan. Bawat isang nagtitiwala kay Cristo ay may paglalagyan doon, nakalaan na sa atin, nakahanda na. Isang napakalaking bahay. Isang napakalaking pamilya. Lahat nararanasan ang presensiya ng Diyos. The gold and countless treasures in heaven is no other than God himself. At ito ang “future” na inihahanda sa atin ni Cristo.
Sinabi niya na aalis siya at iiwan ang mga alagad. Ito ay dahil kailangan siyang ipako sa krus at mamatay para sa atin. Ito ang ginawa niyang “paghahanda” sa lugar na nakalaan sa atin sa langit. Nabuhay siyang muli. Umakyat sa langit. Ngunit muling magbabalik para lahat tayong sumasampalataya sa kanya ay isama roon. Kung kakalimutan nating ito ang nakalaan sa atin, kapag may mabigat na pagsubok na dumating sa iyo ngayon maaaring bumigay ang pananampalataya mo. Ngunit kung naiisip mo ang walang hanggang kapiling mo ang Diyos sa langit, ano na lang ang ilang taong paghihirap natin dito sa lupa? Hindi tayo tagarito sa lupa. Hindi rin tayo magtatagal rito. May nakalaang buhay na walang hanggan para lamang sa mga sumasampalataya kay Cristo (3:16). Ang tunay na pananampalataya ay nagtitiwala kay Jesus at tinatanggap siya bilang Tagapagligtas, na dahil sa kanyang kamatayan sa krus at muling pagkabuhay ay tiyak ang lugar natin sa langit. We trust Christ and look forward to eternity with him.
No Other Way
(2) Ikalawa, kaya tayo patuloy na magtitiwala kay Cristo ay dahil wala nang iba pang daan patungo sa Diyos sa langit maliban kay Jesus. Alam nila ito sabi ni Jesus, “At alam na ninyo ang daan papunta sa pupuntahan ko” (v. 4). Kontra naman itong si Tomas, “Panginoon, hindi po namin alam kung saan kayo pupunta, paano naming malalaman ang daan?” Para bang, “Hindi mo nga sinasabi kung sa Baguio ka pupunta o sa Palawan paano naming malalaman kung paano pupunta doon?” Kaya nilinaw niya kung saan pupunta at paano pumunta. “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko” (v. 6). Parang sabi niya, “Pupunta ako sa Ama sa langit. Babalik ako doon. Pagbalik ko sa inyo, gusto ko rin kayong isama roon. Gusto kong maranasan ninyo ang nararanasan ko. Ngunit wala kayong ibang dapat pagkatiwalaan maliban sa akin. Walang ibang makapagbibigay ng tunay na buhay sa inyo. Walang ibang makapagsasabi sa inyo ng katotohanan tungkol sa Diyos. Walang ibang tulay patungo sa Ama. Maliban sa akin.”
Ang buhay Cristiano hindi parang namimili ka sa SM Supermarket. Kung bibili ka ng gatas, ikukumpara mo ang presyo at kalidad ng Alaska, Nestle, Magnolia, o Nido. Kung ano ang mas pabor sa iyo, iyon ang bibilhin mo. E kay Cristo, may pagkukumparahan ka ba para may ibang choices? Hindi ang boyfriend mo o asawa mo o kaibigan mo o pamilya mo o trabaho mo o pera mo o lupain mo o anupang pag-aari mo. Walang iba maipagpapalit kay Cristo. Kaya ang tunay na pananampalataya ay paglalagak ng tiwala kay Cristo na nagsasabing wala nang ibang Tagapagligtas at Panginoong dapat sundin maliban sa kanya. Trusting Christ is trusting no one else besides him.
No Greater Satisfaction
(3) Ikatlo, patuloy tayong magtitiwala kay Cristo dahil wala nang iba pang makapagbibigay ng lubos na kasiyahan sa atin maliban sa kanya. Walang ibang karanasang papantay sa makilala natin ang tunay na Diyos. Sabi ni Jesus, “Kung ako’y kilala ninyo, kilala na rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon ay kilala na ninyo siya at inyo nang nakita” (14:7). Kung personal na kilala mo si Jesus, kilala mo na rin ang Diyos. Kung sa pamamagitan ng pananampalataya ay nakita mo si Jesus, nakita mo na rin ang Diyos. Ito ang tunay na buhay, ang makilala ang Diyos at si Cristo (17:3). Walang saysay ang buhay ng isang tao kung hindi niya kilala si Cristo. Sa linaw ng sinabi ni Jesus, parang malabo pa rin kay Felipe, “Panginoon, ipakita po ninyo sa amin ang Ama at masisiyahan na kami” (14:8). Magandang kahilingan, tulad ng kahilingan ni Moises na makita niya ang kaluwalhatian ng Diyos. Ngunit maging si Moises ay likuran lang ng Diyos ang nakita. Ngunit gustong ituro sa kanila ni Jesus na dahil nakita nila si Jesus ay nakita na rin nila ang Diyos. Wala na silang ibang hahanapin pa.
Sumagot si Jesus, “Felipe, kaytagal na ninyo akong kasama, hanggang ngayo’y hindi mo pa ako kilala? Ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama. Bakit mo sinasabing ‘Ipakita mo sa amin ang Ama’? Hindi ka ba naniniwalang ako’y nasa Ama at ang Ama ay nasa akin? Hindi sa akin galing ang sinasabi ko sa inyo. Ngunit ang Ama na nasa akin ang siyang gumaganap ng kanyang gawain” (14:9-10 MBB).
Ganito ang natutunan ko sa tunay na pagtitiwala kay Cristo. Ito ay ang pagtingin sa kanya na Diyos mismo ang nakikita natin, at dahil nakita natin ang Diyos sa kanya, wala na tayong ibang hahanapin pa. Trusting Christ is being satisfied in God. Nagpaplano kami ng grupo namin sa seminaryo na pumunta sa Sierra Madre sa September para magministeryo sa mga Dumagat ng ilang araw. Pero napalitan ang plano. Kasi marami daw NPA doon, delikado. Sabi ko sa grupo, “Oo nga, ‘wag na tayong tumuloy, gusto ko pang makita ang baby namin.” Sabi ng kagrupo namin, “Ako, maliit pa ang anak namin.” Sabi ng kasama ko, “Ako nga single pa.” Sabi pa ng isa, “Ako din.” Kahit pabiro, nakita ko na sa puso natin, minsan may hinahanap pa tayo o hinihintay pa tayo para masabi nating “fulfilled” na tayo bago tayo mamatay. Ngunit itinuturo ni Cristo na kung siya ay nasa atin na dahil nagtitiwala tayo sa kanya, nasa atin na ang lahat ng bagay. Ganito ba ang klase ng pananampalataya natin sa kanya?
Where Else Can We Go?
Maraming tao noong panahon ni Jesus ang nagsasabing sila’y mga mga tagasunod niya. Pero dumating ang panahon na nahirapan na silang pakinggan ang mga salita ni Cristo. Nagkagipitan na, kaya “marami sa kanyang mga alagad (hindi tunay na alagad!) ay tumalikod at hindi na sumama sa kanya” (John 6:66). Parang sinasabi nila, “Ayoko na. Hanggang dito na lang ako.” Darating sa buhay natin na masusubok kung sino talaga ang sinasampalatayanan natin. May magsasabi sa iyo, “Umayaw ka na. Hindi naman mapagkakatiwalaan si Cristo.”
Tinanong ni Jesus ang labindalawa, “Kayo, aalis din ba kayo?” Iyan din ang tanong sa atin sa mga panahong naiipit na ang pananampalataya natin, “Aalis ka ba? Tatalikod? Babalik sa dati mong pinanggalingan?” Ano’ng isasagot natin?
Dalangin ko na ganito ang maging sagot natin, tulad ng sabi ni Pedro, “Panginoon, kanino kami pupunta? Ikaw ang may mga salita ng buhay na walang hanggan. Kami’y sumasampalataya at nalalaman namin na ikaw ang Banal ng Diyos” (6:68-69). Ito ang tunay na nagtitiwala kay Cristo. Hindi bumibitiw. Anuman ang mangyari. Kasi alam natin, wala naman tayong ibang pupuntahan. Wala.
[1] Unless otherwise indicated, Scripture quotations are from the English Standard Version (Wheaton, IL: Crossway, 2001) and Ang Biblia (Philippine Bible Society, 2001). Scripture quotations marked by MBB are from Magandang Balita Biblia (Philippine Bible Society, 2005).