June 26, 2011 | By Derick Parfan | Scripture: Mark 9:42-50
[audio http://cdn.sermonplayer.com/sermon_u002/pastorderick/audio/2717886_19480.mp3]
Download: audio
Lahat ng ginagawa natin ay may consequences. Lahat. It can be good consequences or it can be bad. Una, sa sarili natin. At pangalawa, sa ibang tao rin. Halimbawa na lang ay ang paninigarilyo. Walang magsasabi na ang paninigarilyo ay nakakabuti, maliban na lang sa mga kumpanya na kumikita ng malaki habang unti-unting pinapatay ang mga smokers. Pero alam ng lahat na smoking is not good. It feels good, but it is not good. Pati nga ang gobyerno naglagay ng warning sa mga ads: “Government warning: Cigarette smoking is dangerous to your health.” Ang lulong sa paninigarilyo ay unti-unting nasisira ang katawan at maaaring mamatay sa sakit sa puso o sakit sa baga. Cancer ang dulot nito. Alam ito ng mga smokers kaya nga sa mga Call Centers ang smoking break nila “cancer break” ang tawag. Smoking is slow-motion suicide. Hindi lang para sa naninigarilyo, kundi kahit second-hand smoke ay makamamatay din.
Ganoon din ang tsismis. Para sa iba ang sarap ng feeling na pinag-uusapan ang ibang tao, lalo na yung mga negatibo sa kanila. Pero ang dulot naman nito kasiraan ng ibang tao, at kasiraan din ng taong tsismosa. Pati rin ang paggastos ng pera na hindi pinag-iisipan, sa mga bagay na hindi naman kailangan. May consequence sa sarili, at sa ibang tao din, lalo na sa pamilya.
Ang kasalanan, kahit anong kasalanan, may consequences. Kahit tayong mga Crsitiano na ay nagkakasala pa rin. Oo nga’t pinalaya na tayo sa kasalanan at sa hatol ng Diyos, pero araw-araw pa rin ang pakikipaglaban natin sa kasalanan. We may have different attitudes patungkol dito. Ang iba siguro hindi masyadong iniintindi, idadahilan lang, “Tao lang naman. Nobody’s perfect.” Ang iba naman may isang kasalanan na hirap na hirap siyang labanan. Sa una, medyo nararamdaman niya ang struggle. Pero parang kalyo na pagtagal, nagiging manhid na. Nasasanay na sa ginagawang kasalanan. Pero ang tunay na tagasunod ni Jesus ay nakikipaglaban sa kasalanan dahil alam niyang malaki ang nakasalalay. Tulad sa isang giyera, mahirap lumaban, pero gagawin mo kasi malaki ang nakasalalay, sariling buhay at buhay ng ibang tao lalo na ang mga mahal mo sa buhay.
NAKASALALAY ANG BUHAY NG IBANG TAO (9:42)
Labanan ang kasalanan dahil nakasalalay dito ang buhay ng ibang tao. Walang tao na independent sa ibang tao. Kaya dapat maingat tayo sa mga ginagawa natin. May babala ang Panginoong Jesus, “Ngunit ang sinumang magiging dahilan ng pagkakasala ng maliliit na batang ito na sumasampalataya sa akin ay mabuti pang talian sa leeg ng gilingang bato at itapon sa dagat” (9:42 ASD). Ang “maliliit na batang ito” ay tumutukoy sa lahat ng “sumasampalataya” sa Panginoong Jesus. Inihalintulad tayong mga disciples niya sa isang bata, na hindi pa mature para malaman kung ano ang tama o mali. Madaling maloko at maligaw. Ang mga unang disciples noon ay dumaranas ng matinding persecution dahil sa mga Romano. Para silang bata na madaling humina ang pananalig kay Cristo, madaling bumigay at matangay ng tukso ng mga kaaway.
Bagamat warning ito sa mga kaaway ng mga Cristiano noon, makikita rin natin dito na may responsibilidad tayo sa isa’t isa. May pananagutan tayo kung ang kapatid natin ay nagkasala o tumalikod kay Cristo dahil sa ating kasalanan, dahil sa hindi natin magandang patotoo, dahil sa ating kapabayaan. Ang “dahilan ng pagkakasala” dito ay literal na “katitisuran,” galing sa salitang skandalizo (“bumagsak, mahulog, matisod”). Na siya ring ginamit sa vv. 43, 45 at 47. Sa halip na makatulong tayo sa iba nating kapatid, maaaring mapatid pa sila dahil sa atin. Mayroon ako minsang nakausap na kasama natin na nahihirapang maglingkod sa ministry dahil ang ilan sa mga kapatid natin dito ay hindi nagpapakita ng magandang patotoo, lalo na sa mga leaders. Nakakalungkot, pero nangyayari. Na posibleng ang iba ay wala ngayon dito dahil sa iba na nandito ngayon.
Mabigat na kasalanan ang maging dahilan ng pagkakasala ng iba. Hindi lang sarili mo ang ipinapahamak mo kundi pati ang ibang tao. Kaya nga sabi ni Jesus na iyong nagiging katitisuran ng iba, “mabuti pang talian sa leeg ng gilingang bato at itapon sa dagat.” Ang “gilingang-bato” na binabanggit dito ay hindi yung maliit lang na kayang paikutin ng isang babae, kundi iyong napakalaki na hayop (tulad ng asno) ang kayang makapagpaikot. At kapag tinapon sa dagat, ang nasa isip ng mga Judio ay iyong mabigat na parusa ng Dios. Dobleng-saklap na kamatayan ang inabot ng taong ito. Oo nga’t wala na sa atin ang parusa ng Dios dahil iniligtas na tayo ni Cristo. Pero para sa iba na hindi nakikita ang magandang patotoo at walang nakikitang pagbabago sa buhay, baka nasa ilalim pa ng parusa ng Dios. Warning ito sa atin. Pati na sa mga ligtas na, na may pananagutan pa rin tayo sa Dios. Binanggit din ito sa Lucas 17:2 pero bago iyon ay ipinaliwanag sa v. 1, “Hindi maiiwasan ang pagdating ng mga bagay na magiging dahilan ng pagkakasala (Gk. skandalon) ng tao. Ngunit nakakaawa ang taong magiging dahilan ng pagkakasala ng kanyang kapwa.”
Isipin natin: “Paano nakakaapekto sa mga kapatid ko sa church o mga kasama ko sa bahay ang ginagawa kong kasalanan?” “Kahit na hindi kasalanan sa tingin ko dahil gustung-gusto kong gawin tapos hindi ko ma-give-up, paano ito nakakaapekto sa mga anak ko?” Halimbawa na lang sa mga babae ay ang pagsusuot ng mga maiikling damit o mababa ang neckline. Para sa inyo siguro kumportable, pero paano kung hindi nagiging kumportable sa mga kapatid ninyong lalaki dito sa church o kahit sa mga nasa mall?” Please be aware that many men are struggling with lust in their eyes. Handa ba kayong magsakripisyo para sa aming mga lalaki? Sa susunod na may gagawin ka, pag-isipan mong mabuti. May masama o mabuti itong epekto sa ibang tao. Hindi puwedeng wala.
NAKASALALAY ANG SARILING BUHAY (9:43-49)
Hindi lang kapakanan ng iba ang nakasalalay. Nakasalalay din sa laban sa kasalanan ang sarili nating buhay. Halos dito naglaan ng maraming salita ang Panginoong Jesus sa verses 43-49. Nandito nakalagay kung ano ang utos niya sa atin at ang consequences kung susundin natin o susuwayin. Pero bago iyon tingnan muna natin ang kundisyon.
The Condition
“Kung ang kamay mo…kung ang paa mo…at kung ang mata mo ang dahilan ng iyong pagkakasala.” Ito ang kundisyon sa radikal na utos na kasunod. Kamay…paa…mata. Mahalaga sa atin ito. Ipinapakita dito na ang mismong mga bagay na mahalaga sa atin tulad ng bahagi ng katawan natin ay maaaring magamit sa pagkakasala. Dapat itong gamitin sa mabuti at pagsunod sa Dios pero nagiging dahilan din ng pagkakasala. Ang tatlong ito ay kumakatawan sa lahat ng maaaring maging dahilan ng pagkakasala. Sinasabi ni Jesus na condition sa susunod niyang utos ay ito: “kung meron mang bagay sa buhay natin, gaano man ito kahalaga sa atin, pero nagiging dahilan naman ng pagkakasala…” Sa literal ay present tense ang verb na ginamit dito, “nagiging dahilan” o “causes to sin.” Ibig sabihin, dapat lagi tayong nakabantay sa anumang tukso na palagiang nandyan at hinihintay tayong magkasala. Ang laban natin sa kasalanan ay araw-araw, 24-7. Hindi natutulog ang kasalanan. Hindi rin tayo dapat matulog sa laban.
The Command
Kung ganoon, ang utos niya ay, “Putulin mo…putulin mo…dukutin mo!” Siyempre, gumagamit dito si Jesus ng hyperbole o exaggerated metaphor. Hindi naman niya sinasabing literal na gawin iyon. Bakit hindi? The command is internal. Bakit isang kamay o isang paa lang ang binanggit ni Jesus na putulin bakit hindi dalawa para wala na talagang kasalanan? Kasi hindi naman iyon ang point niya. Hindi panlabas lang. Kasi kahit naman bulag, kahit walang kamay, kahit walang paa, maaaring magkasala pa rin.
Ang surgery na kailangan sa sakit ng tao ay hindi physical surgery, hindi panlabas lang kundi panloob, internal surgery of the heart. Kasi puso ang problema. Malinaw ito sa sinabi ni Jesus sa 7:21-23 na “sa puso ng tao nagmumula ang masamang pag-iisip…Ang lahat ng kasamaang ito ay nanggagaling sa puso ng tao, at siyang nagpaparumi sa kanya.
The command is radical. Hindi man literal ang gagawin, pero ang force ng illustration na ginamit ni Jesus ay radical. Bakit? Radical kasi masakit maputulan ng kamay, masakit sa ating mawala ang mga bagay na paborito na natin, kahit pa alam nating kasalanan. Radical kasi nakakahiya kung isa lang ang paa mo o mata mo, nakakahiya sa mga kabarkada kapag iniwanan mo na ang bisyo mo. Radical. Pero ito ang ibig sabihin ng discipleship. Sino ba namang tao ang puputulin ang kamay niya? Wala! Maliban na lang kung ang kamay na iyon ang magiging dahilan kanyang kamatayan. Kaya kahit radical, ito ang gustong ipagawa ni Jesus. Marami sa mga nagsasabing Cristiano sila at tagasunod ni Jesus parang hindi naman sineseryoso ang mga utos ni Jesus. Kahit pa radical ‘yan basta sinabi ni Jesus, sundin natin.
The command is urgent. Ang pagsunod hindi bukas, kundi ngayon na, impunto, ora mismo! Ang utos ni Jesus ay nagpapakita ng sense of urgency. Dapat ngayon na. Kung ang isang bagay ay nagiging dahilan para ikaw ay magkasala o malayo sa Dios, wag mo nang hayaan pang magtagal. Gawan mo agad ng paraan. Deal with it immediately. Hindi na dapat pag-isipan. Pag nakakakita ka ng konting sunog sa bahay, papatayin mo agad, ‘di ba? O hihintayin mo munang kalahati na ng bahay ang tupok ng apoy? Kahit pa yung mamahalin mong jacket gagamitin mo para pamatay ng sunog. Sabi ni J. C. Ryle, “The things that are as dear to us as eye, foot or hand are to be thrown away and given up if they injure our souls, whatever pain the sacrifice may cost us” (Mark, The Crossway Classic Commentaries [Wheaton, IL: Crossway, 1993], p. 139). Kasi mabigat ang nakasalalay, may consequences.
The Consequences
Positibo ‘pag lumalaban – “may buhay na walang hanggan ka…may buhay na walang hanggan ka…kabilang ka sa kaharian ng Dios.” Seryoso ito kasi ang nakasalalay dito ay buhay na walang hanggan, na katumbas ng pagpasok sa kaharian ng Dios. Hindi loss of rewards ang pinag-uusapan dito, hindi pagiging kabilang sa lower class ng mga Cristiano, ang pinag-uusapan dito ay kaligtasan. Bakit ganoon? Ang kaligtasan ba ay nakadepende sa sariling effort natin sa pakikipaglaban sa kasalanan? Hindi! Ang kaligtasan ay sa biyaya lamang ng Dios at hindi sa gawa natin (Eph. 2:8-9). Ipinapakita dito na ang isang taong wala sa puso niyang supilin ang mga kasalanang nakakaapekto sa relasyon niya sa Dios ay walang tunay na pagkamuhi sa kasalanan at pag-ibig sa Dios. Para sa taong ito, mas mahalaga sa kanya ang kanyang sariling buhay, mga bagay na nakapagpapasaya sa kanya pansamantala, kaysa talikuran ito at buong kabanalang sumunod kay Jesus. Hindi ito ang tunay na Cristiano. Hindi seryoso sa laban sa kasalanan. Mabigat ang naghihintay.
Negatibo sa umaayaw sa laban – “sa impiyerno ka naman mapupunta, kung saan ang apoy ay hindi namamatay…itatapon ka naman sa impiyerno…itatapon ka naman sa impiyerno, at ang mga uod doon ay hindi namamatay at ang apoy ay hindi rin namamatay.” Ang impiyerno ay tumutukoy sa walang-hanggang parusa ng Dios sa mga makasalanan. Ang salitang ginamit dito ay Gehenna. Labindalawang beses itong ginamit sa NT, 11 beses ni Jesus (ang isa ay sa James 3:6). Tatlong beses dito sa passage na ito (vv. 43, 45, 47). At dito rin nagbigay si Jesus ng isa sa pinaka-graphic na illustration ng hell. Ang pangalang ito ay tumutukoy sa Valley of Hinnom (gehinnom sa Hebreo) na nasa south side ng labas ng Jerusalem. Dito dati sinasakripisyo ang mga bata sa diyus-diyosang si Molech (2 Kings 16:3; 21:6). Kay tinawag din itong Valley of Slaughter” (Jer. 7:32; cf. 19:6). Pero sa panahon ni Jesus ay ito na ang tambakan ng basura (kasama pati mga pinatay na kriminal) na sinusunog. Ang apoy dito ay tuluy-tuloy, 24/7. Kung tinutukoy ang final judgment ng Dios sa mga masasama, ito ang ginagawa nilang reference. Kaya binanggit ang galign sa last verse ng Isaiah, “Ang uod doon ay hindi namamatay,” na ang ibig sabihin ay ang kabulukan ng taong itinapon ng Dios doon para parusahan ay walang katapusan. Hindi matatapos ang paghihirap sa impiyerno. “At ang apoy ay hindi rin mamamatay.”
Sabi ni J. C. Ryle tungkol dito, “These are awful expressions. They call for reflection rather than exposition. They should be pondered, considered and remembered by all who claim to be Christians” (Mark, p. 140). Minsan pinagdebatehan sa theology class namin sa seminary ang iba’t ibang views tungkol sa hell. Ayos namang pag-usapan, pero dapat magkaroon tayo ng mas mahabang time na magreflect at damahin ang kakilakilabot na naghihintay sa sinumang hindi sineseryoso ang laban sa kasalanan. What difference will it make in your life if you really believe in hell with literal unending suffering? What difference will it make in your attitude against sin?
The Comparison
Dalawang consequences, magkaiba kung makikipaglaban sa kasalanan at kung hindi. Ano ang pipiliin mo? Patuloy sa kasalanan pero ang kahahantungan naman ay kapahamakan? “Mas mabuti pang isa lang ang kamay (paa…mata) mo…kaysa sa dalawa ang kamay (paa…mata) mo…” Sinabi ni Jesus ang mga consequences ng attitude natin sa kasalanan. Sinabi niya ito para maipamukha sa atin na kailangan nating tingnan ang comparison ng dalawang consequences. Napakalaki ng diperensiya ng dalawa. Hindi ito pagkukumpara lang sa isang mabuti at sa mas mabuti, kundi ng masaklap at mahirap sa higit na mabuti. Hindi ng dalawang ice cream na magkaiba ang flavor, kundi isang ice cream (na 500 pesos) at isang dumi ng hayop (na libre). Ano ang pipiliin mo? Ang problema kasi sa ibang tao, nakafocus dun sa mga bagay na pansamantalang mawawala sa kanila, at hindi nakikita ang napakagandang bagay na ipapalit ng Dios na walang katapusan. Sa susunod na natutukso kang magkasala, tingnan mo ang consequences ng kasalanan at ng pagsunod, ikumpara mo kung ano ang mas mainam sa dalawa.
The Comfort
Oo nga’t minsan mahirap kasi may mawawala sa iyo na baka nakahiligan mo na, sa tingin mo nakapagpapasaya sa iyo. Pero may comfort na binibigay ang Dios dito, na anumang sakripisyo ang gawin natin sa laban sa kasalanan, hindi sayang, kundi nagiging mabangong handog sa Dios. Ang buhay nating hinuhubog sa kabanalan ay isang alay na pagsamba sa Dios. Sa tingin ko ay ito ang sinasabi sa v. 49, “Sapagkat ang lahat ay aasnan sa apoy” (v. 49). Napakaraming iba’t ibang interpretations dito. Pero kung titingnan natin, sa ibang manuscripts ay may dagdag dito na “at bawat handog ay aasnan ng asin” (note ng Ang Biblia). Sa ESV note, “and every sacrifice will be salted with fire.” Ito ay idinagdag lang ng mga tagasalin noon dahil nakita nilang may kaugnayan ang sinasabi ni Jesus na mahirap intindihin sa Lev. 2:13, “You shall season all your grain offerings with salt. You shall not let the salt of the covenant with your God be missing from your grain offering; with all your offerings you shall offer salt.” Isa ito sa mga susi para maintindihan ang mahirap na salitang ito ni Jesus na dito lang sa Mark nakarecord. Ang v. 49 (simula ay sapagkat) ay nagsisilbing dahilan na nagbibigay ng encouragement at comfort sa mga Cristianong daraan sa matinding pagsubok at paglaban sa mga tuksong tumalikod sa pananampalataya o tumigil na sa pakikipaglaban sa sariling kasalanan. Tulad ng handog na sinusunog, ang buhay nating dumaraan sa apoy ng pagsubok at pakikipaglaban sa kasalanan ay isang mabangong handog sa Panginoon.
Tandaan natin ito sa laban sa kasalanan. Tama ang sinasabi sa Christian rap song na Make War ng rapper na si Tedashii, bago ang kanta may intro si John Piper: “I hear so many Christians, murmuring about their imperfections, and their failures, and their addiction, and their shortcomings. And I see so little war! Murmur, murmur, murmur. Why am I this way? Make war!” Heto ang chorus: “I make war! Cause sin never sleeps…I make war! Man I beat my flesh, To the death, Every breath, Like i beat my chest, I make war, Sun up, I make war, Sun down, I make war, Time in, I make war, Time out, I make war, Against lust, Against pride, Against me, Until i die.”
[youtube http://www.youtube.com/watch?v=RZoSiDDja0Y&feature=related]
NAKASALALAY ANG LAYUNIN NG DIOS (9:50)
“Mabuti ang asin, pero kung mawalan ng lasa, wala nang magagawa upang ibalik ang lasa nito. Dapat maging tulad kayo sa asin na nakakatulong sa tao. Tulungan ninyo ang isa’t isa upang maging mapayapa ang pagsasamahan n’yo” (v. 50). Ang patuloy na reference dito sa asin ay hawig din sa Mat. 5:13 kung saan ikinumpara ang mga disciples ni Jesus na asin ng sanlibutan. Mainam lang ang asin kung may alat. Ganoon din ang mga Cristiano. Kaya nga sinabi ni Jesus na, “Have salt in yourselves.” Tiyakin nating nakikita ng mga tao ang pagbabago sa pamumuhay natin, ang pagtatagumpay natin sa kasalanan, na ang buhay natin ay nakafocus sa pagsunod kay Jesus anumang sakripisyo ang kapalit nito. Mag-ingat tayo palagi sa ating pamumuhay. May layunin ang Dios sa buhay natin, sa buhay ng ibang tao sa pamamagitan natin. Kasama dito ay mapagtagumpayan natin ang laban sa kasalanan upang maraming tao ang makakita sa kapangyarihan ng Dios at sila rin ay tumalikod sa kasalanan at magsimulang sumunod kay Cristo.
Malaki ang nakasalalay sa laban natin sa kasalanan. Ilan sa mga praktikal na hakbang na puwede nating gawin upang magtagumpay dito, ayon na rin sa mga tinalakay natin kanina, ay tulad din ng sinulat ni John MacArthur sa Vanishing Conscience ([Dallas, TX: Word, 1994], pp. 206-208): (1) Huwag ismolin ang kaseryosohan ng kasalanan; (2) Panindigang labanan lahat ng kasalanan; (3) Huwag isiping OK na ang iyong buhay espirituwal. (4) Labanan agad ang kasalanan sa simula pa lang; (5) Pagbulayan ang Salita ng Diyos at ang Ebanghelyo; (6) Pagsisihan agad ang kasalanang nagawa; (7) Palagiang magbantay at manalangin; (8) Maging bahagi ng isang church para may kaagapay sa paglaban sa kasalanan.
Ang pelikulang 127 Hours ay istorya ng isang turning point sa buhay ni Aron Ralston, isang mountaineer. Mahilig siyang mag-isa lang sa pag-akyat sa bundok. Noong April 25, 2003, sa isang rocky mountain sa Utah, nahulog siya at naipit ang kanang kamay sa isang malaking bato. Kahit anong gawin niya hindi matanggal. Naubos na ang dala niyang pagkain at inumin. Pagkaraan ng limang araw, 127 hours, unti-unti niyang sinubukang putulin ang kanyang braso. Masakit! Pero wala nang ibang paraan para mabuhay. He’s looking forward to his life after that. Sabi niya minsan sa isang speech niya na “he did not lose his hand, but gained his life back” (http://en.wikipedia. org/wiki/Aron_Ralston; accessed June 25, 2011).
Handa ba nating gawin lahat ng dapat gawin, kahit mawala pa ang isang bagay o isang tao na mahalaga sa atin, upang labanan ang kasalanan? Paalala nga ni John Owen, “Be killing sin, or it will be killing you.” Hindi lang ikaw, kundi pati ibang tao damay. Malaki ang nakasalalay sa laban natin sa kasalanan. Para sa iyo, para sa ibang tao, at para sa layunin ng Dios sa buhay mo. “Every second counts.”
1 Comment