July 10, 2011 | By Derick Parfan | Scripture: Matthew 5:33-37
Download audio
“Again you have heard that it was said to those of old, ‘You shall not swear falsely, but shall perform to the Lord what you have sworn.’ But I say to you, Do not take an oath at all, either by heaven, for it is the throne of God, or by the earth, for it is his footstool, or by Jerusalem, for it is the city of the great King. And do not take an oath by your head, for you cannot make one hair white or black. Let what you say be simply ‘Yes’ or ‘No’; anything more than this comes from evil.” (ESV)
Ang isang tagasunod ni Jesus ay isang katiwala, isang mabuting katiwala. Kung naniniwala tayong siya ang Panginoon at ang buhay natin at ang lahat-lahat sa buhay natin – salita, pera, lakas, oras, mga ari-arian – ay ipinagkatiwala sa atin ng Panginoon at hindi talaga natin pag-aari, magiging maingat tayo sa paggamit ng mga ito. Hindi basta-basta. Dapat gamitin sa paraang nais ng Diyos at makapagbibigay ng karangalan sa kanya. Hindi kung umasta tayo, parang tayo ang may-ari at gagamitin natin sa paraang gusto natin.Halimbawa, mayroon kang isang katiwala sa bahay at iniwanan mo sa kanya ang bahay at anak mo dahil aalis ka ng ilang araw. Tapos nung habang wala ka, feeling nitong “katiwala” mo ay sa kanya na ang mga gamit doon. Kung gumamit ng kuryente, aksayado; ang anak mong lalaki, nilalagyan ng make-up; ang CR laging marumi; tapos dun pa siya natutulog sa kuwarto mo at laging naka-aircon; tapos ang ibang gamit mo ay ibinenta para laging makapasyal sa SM; ano kaya ang mararamdaman mo?
Pero aminin natin, na may mga bahagi ng buhay natin na hindi tayo nagiging mabuting katiwala, akala natin tayo ang may-ari kaya kung gamitin natin ang pera o oras natin, parang ganoon na lang. Iniligtas tayo, binigyan ng buhay, may kayamanan, may lakas, may salita para gamitin para sa Diyos. Ito ang magiging burden ng mga susunod na sermon natin sa series na Following Jesus the Lord of All.
Ngayon tingnan natin ang tungkol sa paggamit natin ng salita natin. Marami sa atin tiyak tatamaan dito. Araw-araw nagsasalita tayo, sumusulat, nagtetext, nagpapahayag ng damdamin. Pero minsan hindi natin iniisip mabuti ang sinasabi natin. May mga bagay na sa tingin natin ay hindi big deal. Halimbawa, may kausap ka sabi mo 2:00 pm kayo magkikita, tapos dumating ka ng 10 minutes late. Para sa iyo hindi siguro big deal, pero paano kaya sa kausap mo? O kaya may ipinangako ka sa asawa mong may date kayo bukas, tapos late ka na umuwi at pagod na sa trabaho, hindi mo na naisip ang ipinangako mo. Para sa iyo, pwede sigurong sa susunod na lang; pero paano si misis?
Hindi man big deal sa iyo, o kahit sa ibang tao baka palampasin lang. Pero ang pagsasabi ng totoo, ang pagtupad sa napag-usapan o ipinangako, ang paninidigan sa kung ano ang totoo, big deal sa Panginoong Jesus. Nais niyang maging sa salita natin, siya ang Panginoon, siya ang masusunod. Gusto niya totoo at tapat palagi.
Ang mga Pariseo at ang Panunumpa (v. 33)
Gusto ng Panginoon na mapagkakatiwalaan ang lahat ng salitang binibitiwan natin. Lahat. Kaya nga patuloy siya sa pagsermon sa mga tagasunod niyang nasanay sa pangit na halimbawa ng mga Pariseo. Verse 33, “Again you have heard that it was said to those of old, ‘You shall not swear falsely, but shall perform to the Lord what you have sworn.” Salin ng MBB, “Huwag kang susumpa nang walang katotohanan; sa halip, tuparin mo ang iyong sinumpaang panata sa Panginoon.” Galing ang mga binanggit dito ng Panginoon sa Old Testament – Lev. 19:11-12; Num. 30:2; Deut. 23:21-23; Ecc. 5:2-7.
Ang “pagsumpa nang walang katotohanan” ay galing sa isang salitang Griyego na epiorkeo na dito lang ginamit sa NT. Ang kahulugan nito ay “to fail to do what one has promised under oath” (BDAG, 376). Ito ay hindi pagsasagawa ng isang bagay na ipinangako at sinumpaang gagawin. Tulad halimbawa ng paglabag sa isang kontrata o kasunduan, tulad din ng paghihiwalay ng mag-asawa na nangakong magsasama habambuhay. Maaari din itong mangahulugan ng, “to swear that something is true when one knows it is false” (BDAG). Tulad ng isang “saksi” sa korte na nagsasabi ng kasinungalingan gayong nangakong magsasabi ng pawang katotohanan lamang. Perjury ang kaso nun. Ang “sinumpaang panata” naman ay galing sa salitang orkos na sa English ay “what you have sworn” or “oath.” Ang isang nagbitiw ng pangakong may sumpa ay may obligasyong tuparin ito. Ang pagbibitiw ng pangakong hindi naman tutuparin ay pagsisinungaling. Paglabag din ito sa isa sa Sampung Utos, “Wag kang magsisinungaling” o “Huwag kang sasaksi nang walang katotohanan laban sa iyong kapwa” (Exod. 20:16).
Bakit nakalagay doon? Kasi concerned ang Diyos sa paggamit ng pangalan niya. Leviticus 19:11-12, “You shall not swear by my name falsely, and so profane the name of your God: I am the Lord.” Isa din sa sampung utos, “You shall not take the name of the Lord your God in vain. Concern ang Diyos na anumang pangako o sumpa kailangang tuparin. Concern ang Diyos sa katotohanan at tapat na pananalita. Kaya merong utos tungkol sa pagsaksi at pagtupad sa sinumpaang panata. Ipinagbabawal sa Kautusan ang panunumpa nang hindi tama. Iniuutos na tuparin ang sinumpaang panata sa pangalan ng Panginoon.
So ano ang problema dito? Bakit niya sinabi sa verse 34 na “Ngunit sinasabi ko sa inyo na…” Kinokontra ba niya ang utos ng Diyos sa Old Testament? Siyempre hindi! Tandaan nating sinabi ni Jesus sa v. 17, “Do not think that I have come to abolish the Law or the Prophets; I have not come to abolish them but to fulfill them.” Ipinapaliwanag niya ang tunay na kahulugan at application nito dahil mali ang pagkaintindi nila at mababaw ang application nila dito. Ang panawagan ni Jesus ay ibang klaseng “righteousness,” yung pagsunod na higit sa klase ng pagsunod nitong mga Pariseo (v. 20).
Ano ngayon ang problema dito ng mga Pariseo tungkol sa panunumpa? Ang problema nila ay walang pakundangang paggamit ng mga “oaths” at paggamit ng mga salita o formula sa panunumpa para makaiwas sa salitang binitawan, para masabing hindi naman binding, OK lang na hindi sundin, para makalusot. Halimbawa sa vv. 34-36, binanggit ni Jesus ang tungkol sa paggamit ng langit, lupa, Jerusalem, sariling ulo sa panunumpa. Nagdadagdag sila ng kung anu-anong rules sa paggamit ng panunumpa. Ang panunumpa lang sa pangalan ng Diyos ang “binding” at OK lang na hindi tuparin ang ipinangakong hindi ginamit ang pangalan ng Diyos (John R. W. Stott, The Message of the Sermon on the Mount: Christian Counter-Culture, p. 100). Ang problema ng mga Pariseo ay hindi dahil sinusunod nila ang utos kundi inaabuso nila ito.
Tayo naman din. Para pagtibayin ang sinabi natin, dinadagdag natin ang salitang promise, cross my heart, hope to die, peksman mamatay man, mamatay man ang kapitbahay ko. Pero sa loob-loob naman natin, wala tayong balak tuparin ang ipinangako. Para paniwalaan lang tayo. O para makuha kung ano ang gusto natin. Parang mga nanalong government officials din na magbibitiw ng sumpa na ang kamay ay nasa ibabaw ng Bible at susumpa sa pangalan ng Diyos. Maganda nga pero nagiging seremonya lang.
Si Jesus at ang Panunumpa (vv. 34-36)
Ipinapaalala ni Jesus na wala naman sa formula o salitang ginagamit ang mahalaga. Kaya nga sinabi niya, “But I say to you, Do not take an oath at all, either by heaven, for it is the throne of God, or by the earth, for it is his footstool, or by Jerusalem, for it is the city of the great King. And do not take an oath by your head, for you cannot make one hair white or black” (vv. 34-36). Bakit ito sinabi ng Panginoon?
Jesus is concerned, passionate about the name of God, the truthfulness of God. Walang lusut-lusot sa salitang ginagamit natin. Sinasabi nilang kung sumumpa sa pangalan ng langit at lupa, puwedeng hindi tuparin ang sinabi. Pero sabi ni Jesus na ang langit ang trono ng Diyos at ang lupa ang tuntungan ng kanyang paa, maaaring galing sa Isaiah 66:1. Sa Diyos ang langit at lupa. Hindi pa rin makakaiwas sa Diyos. Ganoon din sa Jerusalem, ito ang lunsod ng dakilang hari, galing naman sa Psalm 48:1-2. Ganoon din sa paggamit ng “ulo” sa panunumpa. Wala pa ring lusot. Ni hindi nga natin kayang paputiin o paitimin ang buhok (kulayan siguro puwede!), Diyos lang ang may kontrol nun. Ang Diyos din ang may-ari nun.
Walang lusot sa pangalan ng Diyos ang ginagawa nila. Seryosong bagay ang gamitin ang pangalan ng Dios sa panunumpa. Para mo na ring sinasabi na sa kanya ka mananagot o ang Dios pa ang mananagot kapag hindi ka tumupad sa sumpa. Ang paggamit sa pangalan ng Dios sa ganitong bagay ay maaaring magresulta sa paglabag sa ikatlo sa Sampung Utos, “You shall not take the name of the Lord your God in vain, for the Lord will not hold him guiltless who takes his name in vain” (Exod. 20:7).
Kaya sinabi ni Jesus na hindi na dapat manumpa o gumawa ng panata. Do not take an oath at all! Ang pinakamahalaga ay ang pagsasabi ng totoo at pagtupad sa binitiwang pangako. Hindi na kailangang sumumpa pa ang isang taong tapat at totoo sa pananalita (Leon Morris, The Gospel According to Matthew, p. 124). Hindi na angkop sa mga tagasunod ni Jesus ang paggamit ng sumpa.
Absolute command ba ito? Bakit ang Diyos gumamit din ng panunumpa nang magbitiw siya ng pangako sa atin? Bakit si Jesus nagsasabi ng “Truly, truly I say to you”? Hindi dahil kulang sa integridad ang Dios o posible siyang sumira sa pangako. Ang problema ay kulang ang pananampalataya natin sa kanya kaya niya ginawa iyon. Kasi ang motive niya ay love for us. Ganoon din sa atin. Gagamit lang tayo ng panunumpa kung absolutely necessary. Sa korte halimbawa. Pero kung ang motive mo ay makuha lang ang gusto mo (sa pagrecruit halimbawa sa networking business) sa halip na pag-ibig sa kapwa, hindi na tama iyon. Kapag nangako ka sa anak mo para lang sundin niya ang iniuutos mo pero hindi mo naman tutuparin, hindi rin tama iyon.
Ang mga Cristiano at ang Pagsasabi ng Totoo (v. 37)
Ano ang nais ni Jesus para sa ating mga tagasunod niya? Hindi lang ito tungkol sa panunumpa o pagbibitiw ng pangako, kundi ang katapatan natin sa lahat ng sinasabi natin. Mga Cristianong may isang salita. “Let what you say be simply ‘Yes’ or ‘No’” (v. 37a). Oo kung oo, at hindi naman kung hindi. Natandaan ito ng kapatid sa lupa ng Panginoong Jesus na si Santiago (James) kaya sinabi din niya sa kanyang sulat, “But above all, my brothers, do not swear, either by heaven or by earth or by any other oath, but let your “yes” be yes and your “no” be no, so that you may not fall under condemnation” (Jas. 5:12). Jesus demands that we live a life of integrity. Minsan kasi problema din nating mga Pilipino na parang nahihiya tayong tumanggi. Kapag may nag-invite sa atin, “Sige” o kaya “Try ko.” Pero sa loob-loob naman ay “Ayoko nga.” Gusto lang hindi mapahiya yung kausap. Pero pagsisinungaling din, ‘di ba?
Nagbigay siya ng dahilan kung bakit dapat sabihin na lang na “Oo” kung oo at “Hindi” kung hindi, “dahil kung higit pa doon, galing na iyan sa masama.” Maaaring dalawa ang kahulugan nito. Ang isa ay ang kasinungalingan o panlolokong galing sa masamang pagnanasa ng tao, galing sa isang pusong makasalanan. Ang “pandaraya” o “deceit” ay isang uri ng masamang pagnanasa ng tao na nagmumula sa kanyang makasalanang puso (Mark 7:21-23).
Isa pang maaaring tukuyin ng salitang “masama” ay ang “evil one” o ang diyablo, ang kaaway ng Diyos. Sa tuwing hindi tayo nagiging totoo sa pananalita natin, ang tinutuluran natin ay si Satanas. Sa halip na maging salamin tayo ng Diyos na puno ng katotohanan, nagiging tulad tayo ng kaaway ng Diyos. Kaya nga sinabi niya sa mga Pariseo na ang ama nila ay ang diyablo. Si Satanas ang kapural ng mga sinungaling, siya ang ama ng mga sinungaling. “When he lies, he speaks out of his own character, for he is a liar and the father of lies” (John 8:44). Kitang-kita ito sa kanyang panloloko kina Adan at Eba (Gen. 3), pagtukso kay Jesus sa disyerto (Matt. 4), at paggamit kay Judas (John 6:70; 13:2). Nagiging tulad tayo ng diyablo kung hindi tayo namumuhay na may integridad, kung hindi natin pinaninidigan ang mga binitiwan nating salita.
Pagsasabi ng Totoo sa Lahat ng Bahagi ng Buhay
Sabi ko sa asawa ko noong ginagawa ko ang sermon na ito, “Patay tayo, lahat tayo tatamaan ng sermon na ‘to.” Oo nga. Kasi minsan nababalewala na natin ang paggamit ng salita natin. Kaya sikapin nating sa lahat ng bahagi ng buhay ay nakikita ang integridad nating mga Cristiano.
- Sa pera. Ano ang gagawin mo kapag nangutang ka o nanghiram ng credit card at nangakong sa isang linggo ay babayaran? Sasabihin mo bang “Christian naman ang inutangan ko maiintindihan naman niya siguro kung bakit hindi ako makabayad.” Pero Christian ka din, ‘di ba?
- Sa oras. Kung sinabi mo bang 9:00 am ka darating o napagkasunduang 9:00 am magkikita-kita, sasabihin mo bang, “OK lang sigurong late ng 15 minutes. Better late than never. ‘Yung iba nga isang oras late!” Malinaw naman ang pinag-usapan ‘di ba?
- Sa pagnenegosyo. Kung nagbebenta ka ng produkto o nagrerecruit sa isang pagkakakitaan, sasabihin mo ba ang totoo o iyong exaggerated tulad ng ginagawa ng maraming advertisements para lang kumita? Do you make empty promises, sasabihin mo bang tiyak na kikita sila gayong alam mong ang mga kumikita lang talaga ay iyong mga nasa “topline” o yung mga nauna?
- Sa pagdidisiplina ng anak. Sinabi mo sa anak mong ayaw gawin ang assignment, “Sige pag ginawa mo ang assignment mo, itreat kita sa Jollibee.” Natapos na niya ang assignment, ano ngayon ang gagawin mo?
- Sa paggamit ng Facebook. Nalulungkot ako minsan sa mga nababasa ko sa Facebook. Minsan hindi maingat sa paggamit ng mga salita. Ano ba ang kaibahan ng mga Cristiano sa hindi? Mga kabataan, alam niyo ba ang minimum age requirement sa Facebook o Friendster? Anong “age” ang nilagay mo?
- Sa pag-aaral. Nung high school ako usung-uso ang kopyahan kapag exam. Kapag hindi mo alam ang sagot, ano ang gagawin mo? E katabi mo valedictorian niyo? O sabi ng bestfriend mo, “Pakopya nga. Libre kita ng lunch mamaya.”
- Sa panalangin. Meron na bang nagrequest sa iyo ng prayer tapos sinabi mong, “I’ll pray for you” pero hindi mo naipanalangin? Sa akin ilang beses na. Nag-thank you pa kasi answered prayer daw. Kaya ang ginagawa ko na, ipagpepray ko agad pagkasabi pa lang. Para hindi na makalimutan. Para maging totoo sa salita.
- Sa paghahanap ng trabaho. May narinig ako sa radyo kahapon, nagtatanong kung makakalusot daw ba siya sa immigration kahit tourist visa ang dala niya pero magtatrabaho siya. Kung ikaw may tourist visa, ano dapat mong gawin pag punta mo ng Dubai o Hong Kong? Ano ba ibig sabihin ng “tourist” sa dictionary?
What then does Jesus desire of us as followers? That we may be men and women of truth who love the God of truth and are being changed by the Word of Truth that all people may know Jesus the Truth. Men and women of truth. Ibig sabihin tayo ay maingat sa mga binibitiwan nating salita. Nakikita sa ating totoo ang sinasabi natin, tinutupad natin ang pangako natin, at pinaninindigan nating totoo ang pinaniniwalaan natin. At bakit tayo nag-iingat? Tulad nga ng sabi ni apostle James, “so that you may not fall under condemnation” (James 5:12). Alam nating makikita sa salita natin ang kaibahan natin sa mga taong wala sa katotohanan. Kung walang mangyayaring pagbabago sa pananalita natin, tulad pa rin noong hindi pa tayo Cristiano, dapat pakinggan natin ang warning sa atin ng Panginoon, “I tell you, on the day of judgment people will give account for every careless word they speak, for by your words you will be justified, and by your words you will be condemned” (Matt. 12:36-37).
Maingat tayo sa pagsasalita kasi hangga’t dumadami ang salita, mas malaki ang posibilidad na magkasala. “When words are many, transgression is not lacking” (Prov. 10:19). At kung magkasala man – nakapagsinungaling at hindi naging maingat sa pananalita, aamining nagkasala. Hihingi ng tawad sa Diyos. “People will give account for every careless word.” Kelan tayo humingi ng tawad sa Diyos sa padalus-dalos nating pananalita? At siyempre pati sa anak na pinangakuan tapos hindi natupad, hihingi din dapat ng tawad. ‘Yan ang people of truth. Maingat sa pagsasalita ng katotohanan.
Paano tayo magiging ganyan? Una, love the God of truth. We are men and women of truth who love the God of truth. Kailangang makilala natin ang Diyos at kung sino siya. Kung kilala natin siya, iibigin natin siya nang mas malalim at nanaising maging tulad niya. God delights in truth (Ps. 51:6) and hates lies. Ganoon din ang Panginoong Jesus. Sinabi niyang siya ang katotohanan (John 14:6), siya ay “tapat at hindi nagsisinungaling” (7:18), kahit pawang katotohanan ang sinasabi niya ayaw maniwala ang mga Pariseo (8:45). He is full of grace and truth (1:14).
Ikalawa, be changed by the Word of truth. We are men and women of truth who love the God of truth and are being changed by the Word of truth. “Be transformed by the renewing of your mind” (Rom. 12:2). Paano mababago ang isip natin? Sa pamamagitan ng Salita ng Diyos! Naparito si Jesus para ipahayag ang katotohanan at nananawagan siyang kung gusto nating malaman ang totoo, dapat makinig tayo sa kanya (18:37). At siyempre, tutulungan tayo ng Espiritu ng katotohanan, na maunawaan ang mga salita ng Diyos, kung sino talaga si Cristo (15:26). Panalangin niya para sa ating mga Cristiano, “Ibukod mo sila upang maging iyo sa pamamagitan ng katotohanan; ang salita mo ay katotohanan” (17:17).
Ipinapakita ng mga talatang ito na magiging tulad lang tayo ng Diyos kung hahayaan natin ang mga salita niyang bumago sa pananalita natin, kung kinikilala natin si Jesus na totoong Diyos at Tagapagligtas, at napupuspos tayo ng Espiritu sa araw-araw. Kung hahayaan nating kumilos ang Diyos para patuloy tayong baguhin ayon sa larawan niya. Paano tayo magiging men and women of truth kung babad tayo sa mga kasinungalingan sa tsismisan sa TV at basura lang ang laman ng isip natin? Samantalang nandyan palagi ang Bibliya para buklatin at pag-aralan ang katotohanan ng Diyos.
Ano ang dapat nating isiping magiging resulta kung namumuhay tayo sa katotohanan? So that all people may know Jesus the truth. We are men and women of truth who love the God of truth and are being changed by the Word of truth so that all people may know Jesus the truth. Magsikap tayong palaging magsalita ng totoo para malaman ng mga tao ang Katotohanan ng Salita ng Diyos. Bulag ang mga tao sa katotohanan ng Salita ng Diyos (2 Cor. 4:4; Eph. 4:18). Pero tayo nasa atin na ang katotohanan. Kilala natin si Jesus, ang katotohanan at ang buhay. Kailangan nilang malaman ito. Itinuturo natin si Jesus sa kanila at sinasabi nating mali ang pinaniniwalaan nila at si Jesus lang ang daan para maligtas ang tao. Pero paano nila paniniwalaan iyon kung sa mga ordinaryong araw ay nakikita nilang hindi tayo nagsasabi ng totoo, kung ang ipinangako natin ay hindi natin tinutupad, kung ang paniniwala natin ay hindi natin pinaninindigan kapag nagkakagipitan na? Jesus is calling us to say what we mean and mean what we say. We must be people of one word, may isang salita. Sinasabing “Oo” kung oo at “Hindi” kung hindi.