May 22, 2011 | By Derick Parfan | Scripture: Matthew 23:1-12
Pagkatapos ay nagsalita si Jesus sa maraming tao at sa kanyang mga alagad, 2na sinasabi, “Ang mga eskriba at ang mga Fariseo ay umuupo sa upuan ni Moises. 3Kaya’t gawin at sundin ninyo ang lahat ng mga sinasabi nila sa inyo, ngunit huwag ninyong gawin ang mga ginagawa nila, sapagkat hindi nila ginagawa ang sinasabi nila. 4Nagtatali sila ng mabibigat na pasanin at mahihirap dalhin, at ipinapatong nila sa mga balikat ng mga tao; ngunit ayaw nila mismong galawin ang mga iyon ng kanilang daliri. 5Ginagawa nila ang lahat ng kanilang mga gawa upang makita ng mga tao; sapagkat pinalalapad nila ang kanilang mga pilakteria, at pinahahaba ang mga laylayan ng kanilang mga damit. 6Gustung-gusto nila ang mararangal na lugar sa mga handaan at ang mga pangunahing upuan sa mga sinagoga,7at ang pagbibigay-galang sa kanila sa mga pamilihan, at ang sila’y tawagin ng mga tao, “Rabi.” 8Ngunit hindi kayo dapat tawaging Rabi, sapagkat iisa ang inyong guro, at kayong lahat ay magkakapatid. 9At huwag ninyong tawaging inyong ama ang sinumang tao sa lupa, sapagkat iisa ang inyong ama, siya na nasa langit. 10Ni huwag kayong patawag na mga tagapagturo; sapagkat iisa ang inyong tagapagturo, ang Cristo. 11Ang pinakadakila sa inyo ang magiging lingkod ninyo. 12Sinumang nagmamataas ay ibababa at sinumang nagpapakababa ay itataas. (Ang Biblia)
BUNYAG AT PALIHIM NA PAGMAMALAKI (PRIDE)
Hanggang dito sa Pilipinas nakarating ang balitang magtatapos na ang mundo kahapon May 21. Pero hanggang ngayon narito pa rin tayo. Siyempre maling prediction na naman. Si Harold Camping, 89, ang nagpakalat nito. Isa siyang Christian broadcaster sa US at dating civil engineer (tulad ko!) bago naging evangelist. Ikinalat nila sa 2,200 billboards sa America ang balita na magkakaroon ng malawakang paglindol, kukuhanin ang mga believers sa langit, at maiiwan ang iba para danasin ang pagwasak sa mundo sa mga susunod na buwan. Noong 1994 ganun din naman pala ang sinabi niya. Pero hindi naman nagkatotoo. Sabi pa niya, “We know without any shadow of a doubt it is going to happen.” Ang mga volunteers niya nagpapamigay ng pamphlets na nagsasabing nag-iwan ang Diyos ng mga malilinaw na senyales na malapit na ang katapusan.
Obviously, mali sila. Pero bakit nila ginagawa ito? There are many possible reasons. One of the reasons is because of pride. Sa tingin nila may alam sila na sabi ng Diyos sa kanila na hindi alam ng iba. Gustong makilala, sumikat, sundin ng mga tao. Itong evangelist na ito, nagyayabang na alam niya, pero mali naman siya. Pero ang pride, tandaan natin, hindi lang iyong bunyag na pagmamalaki. Puwede niyong sabihing you don’t have a problem with pride. Pagyayabang, baka nga hindi. Kasi hindi naman kita ng tao. Pero yung puso na gustong naitataas ang sarili, kahit hindi bunyag, kahit palihim, pride din yun. Kahit hindi ka mayaman, kahit mahirap ka na kala mo you deserved na tulungan ka ng ibang tao. Kahit hindi wala ka sa leadership position, kahit ordinaryong manggagawa ka lang na inaakala mong “points” sa Diyos ang sakripisyong ginawa mo. At sinasabi ng Panginoon, kasalanan iyon na dapat nating labanan. Jesus is calling followers who will follow his example of humility, na hindi itinataas ang sarili kundi binababa.
Titingnan natin ngayon kung anu-anong anyo ang pride, at susuriin natin ang sarili natin baka nakikita ito sa atin ng Diyos. Titingnan din natin kung bakit delikado sa atin at bakit seryosong kasalanan ang pride. Tapos, sa susunod na Linggo, titingnan naman natin ang ilang mga portraits, illustrations or expressions ng humility.
MGA HINDI DAPAT PAMARISAN
Sa pagtuturo ni Jesus, nagbibigay siya ng mga positive illustrations o examples na dapat nating pamarisan bilang mga disciples. Pero minsan mas powerful ang teaching niya kapag gumagamit siya ng mga negative examples. Isipin ninyo na lang kung paanong panggagalaiti o galit ang nararamdaman ng mga Pharisees nang gawin silang negative example ng Panginoon. Tinitingala sila ng mga tao bilang religious leaders pero sinabi ni Jesus, “Huwag ninyo silang pamarisan. Huwag ninyong pangaraping maging tulad nila.”
Verses 2-3, “Ang mga eskriba at ang mga Fariseo ay umuupo sa upuan ni Moises. Kaya’t gawin at sundin ninyo ang lahat ng mga sinasabi nila sa inyo, ngunit huwag ninyong gawin ang mga ginagawa nila.” Ang mga Fariseo ay mas sikat na religious at political group kaysa mga Saduceo. Mas influential sila sa tao kasi mas rigid at mas elaborate ang interpretation nila ng Kautusan at may dagdag pang tradisyon ng mga elders. Ang mga eskriba ay iyong mga Fariseong na “experts in the law” (NET). Experts sila sa pagbibigay-paliwanag at pagtuturo ng mga ito. Tinatawag din silang “teachers of the law,” “lawyer,” at “rabbi.” Pag sinabing sila’y “umuupo sa upuan ni Moises,” nagpapakita ito ng authority o position of power na hinahawakan nila. Obviously, source of pride nila ito. Sila ang “kinikilalang tagapagpaliwanag ng Kautusan ni Moises” (MBB).
Oo nga’t ang ilan sa paliwanag at turo nila ay ayon sa Salita ng Diyos. Kung ganoon, papakinggan dapat sila. Pero sabi ni Jesus, ‘wag silang pamarisan. Ang buhay nila hindi magandang halimbawa. Base sa mga sasabihin ni Jesus sa mga susunod na talata, ipinapakita dito ang pagtataas nila sa sarili nila.
MGA ANYO NG PAGTATAAS NG SARILI (FORMS OF PRIDE)
Sinasabi ni Jesus, “Do not be like them, na itinataas ang sarili nila.” Ang mga sumusunod ay patunay kung bakit naroon ang pride sa kanila na di dapat parisan. Titingnan natin ito isa-isa at habang tinitingnan natin, alamin ninyo baka mayroong traces of this form of pride sa buhay niyo, sa puso niyo. Mag-ingat tayo na baka sabihin natin, “It’s not me.” Tandaan natin, ang ginawa niyang ilustrasyon ay iyong mga pinaka-religious noong panahon nila. You can be religious (like your pastor), and have pride in your heart. It’s a warning.
PURO SALITA, KULANG SA GAWA
Unang anyo ng pride na makikita sa mga Pharisees: puro salita kulang sa gawa. Sa dulo ng verse 3 sabi niya, “sapagkat hindi nila ginagawa ang sinasabi nila.” Ang mga itinuturo nila, puro galing lang sa isip at bibig nila, hindi sa puso. Magandang pakinggan pero hanggang doon lang. Akala mo mga banal at matuwid sila pero hindi naman isinasagawa ang itinuturo nila. Mga hipokrito! Ito yung mga preachers na sabi ni Matthew Henry sa kanyang komentaryo: “Kapag nasa pulpito sila, sobrang galing at ayaw mo na silang paalisin. Gusto mo mag-preach na lang sila. Kapag wala naman sila sa pulpito, kapangit ng buhay nila na ayaw mo nang pabalikin sa pulpito.” Heart check ito para sa akin: Am I preaching just to sound good without applying God’s Word to my life? Para din sa inyo na nagsasabi lang nga mga bagay-bagay, makapagmalaki lang, “Kung mayaman lang ako, ganito ang gagawin ko…”
AKALANG MAY “K” MAGMALAKI
Pangalawa, pride din yung akalang may ‘K’ magmalaki. Tingnan ninyo sa verse 4, “Nagtatali sila ng mabibigat na pasanin at mahihirap dalhin, at ipinapatong nila sa mga balikat ng mga tao.” Ang pagtuturo nila ng kautusan ay hindi sa paraang makakabuti sa mga tao. Legalismo ang pinaiiral nila, na kailangang sundin ang kautusan upang maging katanggap-tanggap sa Diyos. Puro panlabas na pagsunod, hindi pagsunod na nanggagaling sa pananampalataya at pag-ibig sa Diyos. Sa ganitong paraan, parang ang mga tao nagagapusan o natatalian ng mga mabibigat na pasanin, mga pasaning walang sinumang tao ang kayang magdala.
Pagmamataas ito dahil inaakala nila na they can deserve or earn God’s favor through external obedience to the law. Pag nagawa nila ang dapat gawin at binigyan sila ng blessing ng Panginoon, parang suweldo yun na puwedeng ipagmalaki ng tao na pinaghirapan niya. Pero hindi ganoon ang gusto ng Diyos. God wants us to be humble. Bakit? “God opposes the proud but gives grace to the humble” (James 4:6; 1 Pet 5:5; cf. Prov 3:34). To the proud the law is a burden too hard to bear. So we need the grace of God. Lahat ng tao naligtas dahil lang sa biyaya ng Diyos! Wala tayong karapatang magmalaki!
MAS INIINTINDI ANG SARILI, WALANG ‘PAKI’ SA IBA
Pangatlo, pride din kapag mas iniintindi ang sarili, at walang ‘paki’ sa iba. Ituloy natin ang verse 4, “Nagtatali sila ng mabibigat na pasanin at mahihirap dalhin, at ipinapatong nila sa mga balikat ng mga tao; ngunit ayaw nila mismong galawin ang mga iyon ng kanilang daliri.” Alam nilang ang pagsunod sa kautusan ay pasanin ng mga tao. Ang gusto nila para silang mga panginoon na ang mga tao ay inaalipin nila sa pamamagitan ng kanilang turo. Ang pagtuturo dapat nagbibigay kagaanan sa mga tao, hindi kabigatan. Alam naman nilang mabigat at hindi kaya ng mga tao, pero wala silang pakialam. Ni daliri nila ay ayaw nilang gamitin para matulungan ang mga tao sa pasanin nila. Ang kanilang pagmamataas ay nakikita sa klase ng pagtrato nila sa mga tao, walang pag-ibig at puro pansarili ang kanilang interes. Ibang-iba sa Panginoong Jesus, na gusto niyang pakinggan siya ng mga tao at matuto sa kanya dahil doon sila makakatagpo ng kapahingahan at tunay na kalayaan (11:28-30).
PASIKAT LANG SA PAGGAWA NG MABUTI
Pang-apat, form din ng pride ang pasikat lang sa paggawa ng mabuti. Tingnan ninyo ang verse 5, “Ginagawa nila ang lahat ng kanilang mga gawa upang makita ng mga tao; sapagkat pinalalapad nila ang kanilang mga pilakteria, at pinahahaba ang mga laylayan ng kanilang mga damit.” Gusto rin nilang ang mga ginagawa nilang kabutihan o pagiging relihiyoso ay nakikita ng iba. Matinding akusasyon ito ng Panginoong Jesus, “all their deeds.” Marami sa kanilang ginagawa ay pakitang tao lang. Hindi man sila gumagawa ng krimen o masasamang bagay, pero ang ginagawa nilang kabutihan o pagsunod sa Kautusan, o pagiging relihiyoso ay hindi totoo. Pagkukunwari lang.
Ang mga “pilakterya” ay mga “maliit na sisidlang balat na naglalaman ng mga pinagsulatan ng mga talata ng kasulatan na inilalagay sa kaliwang braso at sa noo” (mula sa notes ng Ang Biblia). Nakasulat dito ang tinatawag nilang Shema (“Love the Lord your God…” Deut. 6:4-5, 8). Hangga’t maaari gagawin nilang malaki ito para kitang-kita na relihiyoso sila. Akala ng mga tao isinasapuso nila ang Salita ng Diyos pero hanggang noo lang, hanggang isip lang, hindi naman isinasagawa. Ang mga “laylayan” naman ay ang mga inilalagay sa apat na sulok ng panlabas na kasuotan ng isang lalaki bilang pagsunod sa isinasaad ng Kautusan (Louw and Nida, 6.180). Hinahabaan nila ito para kitang-kita ng mga tao. Para bang yung masipag umattend sa Bible study, maglagay ng mga Bible verses sa bahay, para masabing “they love the Word of God” pero pasikat lang pala.
PANGARAP ANG PARANGAL NG TAO
Panglima, pride din kapag pinapangarap ang parangal o pagkilala ng tao. Makikita ito sa verses 6-7, “Gustung-gusto nila ang mararangal na lugar sa mga handaan at ang mga pangunahing upuan sa mga sinagoga, at ang pagbibigay-galang sa kanila sa mga pamilihan, at ang sila’y tawagin ng mga tao, ‘Rabi.’” Ang salitang “love” ay nagpapakita na ang ginagawa nilang ito ay pinakahahangad ng puso nila, gustung-gusto nila. Kung baga, sugapa sila sa matataas na puwesto, na makilala ng maraming tao na sila’y mga importanteng tao. Sa mga handaan, may tinatawag na “place of honor” na siyang upuan sa tabi ng host, “upuang pandangal.” Gusto nilang sila ang “guest of honor.” Sa mga sinagoga naman kung saan sila nagtitipon para sa panalangin at pag-aaral ng Kasulatan, gusto nila ang mga “best seats.” Kung baga, sila ang guest speaker o guest lecturer. Na gusto nilang inaabangan sila ng tao para pakinggan. Nasa kanila ang spotlight. Celebrity status, eka nga. Sikat, pinapalakpakan.
Ang mga “greetings” na binanggit sa verse 7 ay tumutukoy sa mga customary greetings na sinasabi sa mga eskriba kapag masasalubong sila ng mga tao (TDNT, 1:498). Ito ay tanda ng paggalang sa kanila, a sign of respect. Gustung-gusto nila “ang pagbibigay-galang sa kanila sa mga pamilihian.” Sa halip na pumunta sa mga pamilihan upang batiin ang iba, ang gusto nila ay marinig sa iba ang paggalang bilang tanda ng pagiging mataas na posisyon nila. Gusto nilang naririnig ang “Rabbi” na tawag sa kanila, to boost their ego. They desire for people to regard them with honor and respect. They believe they deserved it. Hindi man obvious na nagmamataas sila dahil customary naman sa kanila ang bigyang parangal o galang ng mga tao, alam pa rin ng Diyos ang puso nila na nagmamataas kasi gustung-gusto nila at pinakahahanap ang ganoong turing sa kanila ng mga tao. Parang tayo na nangangarap na sumikat at palakpakan ng tao, na maraming magcomments sa status update sa Facebook. Parang isang pastor na gustong maging malaki ang church para maraming tao ang makikinig sa kanya.
PANGANIB NG PAGMAMALAKI (DANGERS OF PRIDE)
Lahat ng kasalanan mapanganib. Malinaw ang utos ni Cristo, “You are not to be called rabbi…Call no man your father on earth…Neither be called instructors…” (vv. 8-10). Hindi naman ibig sabihing kasalanan na ang pagkakaroon ng posisyon tulad ng teacher o pastor. Pero ang masama ay iyong nagiging source of pride yun. Yun ang dangerous. At bakit siya naging dangerous? Verse 12, “Ang nagpapakataas ng kanyang sarili ay ibababa ng Dios” (ASD). God opposes the proud. With pride comes destruction. Ayaw na ayaw ng Diyos ng nagpapakataas. Pride keeps someone from the kingdom of God. Bakit ganoon kaseryoso ang Diyos dito? Kasi inaangkin natin ang isang bagay na hindi naman sa atin ngayon. Kapag may ninakaw kang isang kotse at sinabi mong “It’s mine!” alam mong you’ll be in trouble. Ganoon din sa pride. Pride is dangerous because it claims honor none of us deserve.
Sa pride, inaangkin natin ang karangalang dapat sa Diyos. Sabi sa verses 8-10, huwag nating hangarin ang makilala bilang guro kasi isa lang ang Guro natin, walang iba kundi si Cristo. Hindi tayo mga panginoon, si Cristo lang ang Panginoon. Siya ang sumasakop sa atin. Kapag iniaangat natin ang sarili natin, inaagawan natin ng karangalan ang Diyos. Siya lang ang may karapatang magmalaki at magmataas. Because he alone is worthy. Siya lang ang ating Ama na dapat tumanggap ng pinakamataas na karangalan. Sabi ng Diyos ayon kay prophet Jeremiah na ang dapat lang nating ipagmalaki ay ang relasyon at pagkakilala natin sa Diyos, hindi ang dunong, kayamanan, o kapangyarihan na meron tayo. Kahit pa pinaghirapan natin ang isang bagay kaya tayo napromote, tumaas ang suweldo, nakabili ng magandang kotse, o malaking LCD na TV, hindi dapat ipagmalaki. Galing din yan sa Diyos.
Sa pride din, inaangkin natin ang karangalang dapat sa ibang tao natin ibinibigay. Sabi ni Cristo sa verse 8, lahat tayo magkakapatid. May kuya man o bunsa, tayong lahat na tagasunod ni Cristo ay pantay-pantay sa paningin ng Diyos. Pare-pareho tayong mga anak ng Diyos. Walang pataasan ng posisyon, pantay-pantay lang. Ito ang naging pagkakamali ng nanay ng magkapatid na James at John na hiniling kay Jesus ang dalawa sa pinakamataas na posisyon sa kaharian ng Diyos, na siyang ikinagalit naman sa dalawang magkapatid ng iba pang alagad ni Jesus (20:20-24). Ang posisyon o titulo ay hindi dapat maging dahilan ng pagmamataas dahil pantay-pantay lang tayo at tayong lahat ay nasa ilalim ng ating Panginoon. Sa halip na hanapin natin ang pansariling karangalan natin, ibigay natin ito sa iba. “Outdo one another in showing honor” (Rom. 12:10 ESV). “Magpakumbaba kayo sa isa’t isa at ituring na mas mabuti ang iba kaysa sa inyo. Huwag lang sarili ninyong kapakanan ang isipin n’yo kundi ang kapakanan din ng iba” (Phil. 2:3-4 ASD).
Ganoon ba talaga ang buhay Cristiano? Dapat laging nasa baba? Hindi naman. Darating ang araw na itataas din tayo ng Diyos. Pero hindi ngayon. Sa darating na kaharian ng Diyos kung saan maghahari tayong kasama ni Cristo sa lahat ng kanyang nilikha. Pag may pride tayo, ang problema, nagmamadali tayo. Inaangkin natin ngayon na ang karangalang nakahandang ibigay ng Diyos. Tingnan ninyo ang second half ng verse 12, “Ang nagpapakababa ay itataas ng Dios” (ASD). Itataas, ibig sabihin future pa. Hihintayin natin. Hindi ngayon. Ang mga naiinip sa layunin ng Diyos, yun ang mga nagmamalaki. “Kaya magpasakop kayo sa kapangyarihan ng Dios dahil darating ang araw na pararangalan niya kayo” (1 Pet. 5:6 ASD).
Itataas ng Dios. Bagamat wala sa orihinal ang “ng Dios” iyon ang sense nito. “Magpakumbaba kayo sa harapan ng Panginoon, at itataas niya kayo” (Jas. 4:10 ASD). Ang aral dito, hindi tayo dapat ang nagtataas sa sarili natin. Hayaan nating Diyos ang gumawa noon. Ang pagtataas ay hindi sa paraang tulad ng sa mundo – kayamanan, kapangyarihan, karunungan – kundi sa paraan ng Diyos. Ang utos sa atin ni Cristo ay magpakababa. Nasa posisyon man tayo na iginagalang ng mga tao, hindi dapat iyon maging source of pride. Dapat nating irecognize na iyon ay biyaya din ng Diyos. Mapanganib ang pride dahil ito ay paglaban sa itinakdang layunin ng Diyos. Nakakita na ba kayo ng valedictorian na sa simula pa lang ng pasukan ay sinabitan na ng medalya at makapal pa ang mukhang siya ang magsabit sa sarili niya?
MASINSINANG PAGSUSURI ANG KAILANGAN
Pag pride ang pinag-uusapan natin, ang dali sa ating ibang tao ang naiisip. Akala natin wala tayong ganitong sakit. Para bang ikaw na kinakausap ng doktor tapos ang iniisip mo naman ay ang ibang tao na may sakit. Sinabi na niya sa iyo ang mga symptoms at ang maaaring panganib kung hindi ka makikinig sa sinasabi niya tapos ganun pa rin. Hindi kasi ganoon kadaling makita sa atin ang pride. Itinatago natin ito. Kaya kailangan ng thorough examination. Ang hirap pa naman sa ibang maysakit na hindi nila alam, ayaw magpa-checkup baka daw malamang may sakit! Yun nga ang point! Paano kung stage 4 na na cancer? Pano kung malala na ang sakit natin sa puso? Kaya hangga’t maaga kailangang magamot na. Ipasuri natin kay Cristo.
Tingnan ninyo ang puso ninyo ngayon? Ano diyan ang mga traces of pride na makikita niyo. Kung hindi niyo makita sabihin niyo sa Diyos na ipakita sa inyo. Baka nabubulagan kayo. Sa mga hanggang ngayon ay hindi pa nagpapasakop sa paghahari at pagliligtas ni Cristo – baka sa tingin niyo sa pagiging relihiyoso ninyo at sa mabuting gawa at makakalapit kayo sa Diyos. O kung Cristiano ka na, baka naman ang pera mo ang source of pride? O posisyon sa trabaho? O bagong kotse o LCD TV? O yung pinag-iipunan pa lang na bibilin? O yung leadership position mo sa church? O yung pagsacrifice mo, Pastor Derick, na iniwan ang pagiging civil engineer para maging pastor? O yung mas marami kang nadala kay Cristo? O yung talent mo sa music?
Ang unang hakbang para matalikuran ang mga pagmamataas na ito ay magsisi, lumuhod sa Diyos at humingi ng tawad. Gawin natin ngayon at sa susunod ay tingnan naman natin kung paano tayo patuloy na makapamumuhay na tulad ni Cristo na may kababaang-loob.
1 Comment