Baptism and Union with the Risen Christ

By Derick Parfan

April 12, 2009 (Easter Sunday/Baptism Sunday)

Roma 6:1-11

Noong nakaraang Linggo ay nakita natin ang kahulugan ng bautismo. Ang bautismo ay ang minsanang paglulubog sa tubig at pag-aahon muli ng isang taong nananalig kay Cristo bilang pagpapahayag ng kanyang naganap nang pakikipag-isa kay Cristo sa kamatayan at bagong buhay. Upang ito ay lubos nating maunawaan ay nagbigay ako ng pitong puntos:

  1. Ang bautismo ay isinasagawa sa kabuuan ng kasaysayan ng Iglesia.
  2. Ang bautismo ay pagsunod sa utos ni Cristo.
  3. Ang bautismo ay isinasagawa sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig at pag-aahon mula dito.
  4. Ang bautismo ay pagpapahayag ng ating naganap nang pakikipag-isa sa kamatayan ni Cristo.
  5. Ang bautismo ay hindi paraan upang maligtas, ito’y larawan lamang ng kaligtasang naganap na.
  6. Ang bautismo ay isinasagawa para lamang sa mga nagpapahayag na sila ay nananalig kay Cristo, samakatuwid ay hindi para sa mga sanggol.
  7. Ang bautismo ay malinaw na nagpapaalala na tayo’y hindi na dapat mamuhay sa pagkakasala.

Ang pangwalong puntos ay tatalakayin natin ngayon. Ang bautismo ay pagpapahayag ng ating pakikipag-isa hindi lamang sa kamatayan ni Cristo kundi pati rin sa kanyang muling pagkabuhay upang tayo’y magkaroon ng bagong buhay. “Samakatuwid, tayo’y namatay na at nalibing na kasama niya sa pamamagitan ng bautismo upang kung paanong binuhay muli si Cristo sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Ama, tayo rin ay magkaroon ng panibagong buhay” (Roma 6:4). Mas malinaw itong makikita sa Colosas 2:12, “Nang kayo’y bautismuhan, nalibing kayong kasama ni Cristo at muling nabuhay na kasama niya.

Upang lubos natin itong maunawaan, sagutin natin ang tanong na “Ano ang ipinapahayag sa bautismo?” Natapos na nating tingnan ang aspeto ng pakikipag-isa natin kay Cristo noong nakaraang Linggo. Ngayon ay pagtutuunan natin ng pansin ang patungkol sa kanyang muling pagkabuhay. Ano ang ipinapahayag ng bautismo na may kinalaman sa muling pagkabuhay ni Cristo. 

1.   Si Cristo ay tunay na nabuhay na muli.

Ang mabuting balitang ipinapangaral natin ay ang katotohanan na si Cristo ay hindi lamang namatay at nalibing para sa atin, kundi siya rin ay muling nabuhay (1 Corinto 15:3-5). Maraming nakasaksi sa katotohanang ito at nagbuwis ng kanilang buhay para rito. Ito ang ipinagdiriwang natin ngayong araw na ito dahil ito ang isa sa pinakamahalagang araw sa kasaysayan ng sangkatauhan. Ang kaligtasang binili ni Cristo sa pamamagitan ng kanyang dugo ay naging tiyak at garantisado dahil sa kanyang muling pagkabuhay. Kung ikaw ay babautismuhan, naniniwala ka na si Cristo’y buhay.

2.   Tayo ay nakipag-isa na kay Cristo.

Walang kabuluhan ang muling pagkabuhay ni Cristo para sa maraming tayo dahil wala naman silang tunay na relasyon sa kanya. Ang kaligtasan ay para lamang sa mga sumasampalataya kay Cristo. At ang sumasampalataya ay nakipag-isa na kay Cristo. “Nang kayo’y bautismuhan, nalibing kayong kasama ni Cristo at muling nabuhay na kasama niya” (Colosas 2:12). Ang katagang “in Christ” (kay Cristo, kasama ni Cristo) ay 74 beses na ginamit sa Bagong Tipan. Karamihan dito ay tumutukoy sa pakikipag-isa natin kay Cristo.

Ang relasyong ito na mayroon tayo kay Cristo ay mahirap isalarawan. Kaya nga ang tawag ng iba dito ay mystical union, na ang ibig sabihin ay napakahiwaga ng pakikipag-isang ito na hindi kayang ipaliwanag ng lengwahe nating mga tao. Ang pinakamalapit na larawan dito ay ang pag-iisang dibdib ng isang lalaki at babae. Kung paanong ang mag-asawa ay maituturing na iisa bagamat dalawa sila, gayundin si Cristo at ang taga-sunod niya. Gusto kong makita ninyo at ma-appreciate na ang relasyong meron kayo ngayon kay Cristo ay hindi ordinaryong relasyon. Kung paanong ang isang kasalan ay dapat na ipagdiwang ay gayundin ang bautismo dahil ito ay pagpapahayag na tayo ay nakipagkaisa na kay Cristo.

3.   Ang ating pakikipag-isa kay Cristo ay gawa ng Diyos.

Huwag nating iisipin na ang pakikipag-isang ito ay dahil sa ginawa natin. Ito ay malinaw na gawa ng Diyos. Tayo ay kanyang pinag-isa kay Cristo. Hindi natin pinag-isa ang sarili natin kay Cristo. Our union with Christ is wholly the work of God. It is only by his grace that we are united with Christ in his death and resurrection. Malinaw itong naipapakita sa bautismo. Sa Roma 6:3 ay ipinapahayag ni Pablo na tayo ay “nabautismuhan kay Cristo Jesus.” Ang “nabautismuhan” ay passive voice, ibig sabihin mayroong nagbautismo sa atin at hindi tayo ang nagbautismo sa sarili natin. May nakita na ba kayong binautismuhan ang kanyang sarili? Wala, dahil gusto ring ipakita ng Diyos na ito ay kanyang ginawa sa atin. Before we sing, “I have decided to follow Jesus,” we must meditate on the truth that God has first decided to make you a follower of his Son before you ever made the choice to follow him.

Kaya nga ngayon ang pakiramdam ko ay thrilled dahil gagamitin ako ng Diyos na sa pamamagitan ng pagbabautismo sa inyo ay maipahayag ko ang kanyang kahanga-hangang gawa sa ating mga iniligtas niya. At kung ito ay gawa ng Diyos, hindi ba dapat na palagian natin itong ipagpasalamat sa kanya? Magpasalamat na binuhay niyang muli si Cristo. Magpasalamat na tayo’y pinag-isa niya sa muling pagkabuhay ng kanyang Anak. Magpasalamat tayo dahil gawa ito ng Diyos. Kung gawa ito ng tao, magkakaroon ba tayo ng katiyakan na hindi na tayo muling mahihiwalay kay Cristo? Sa kasalan ay ipinapahayag ang “What God has joined together, let not man separate,” ngunit mayroon pa ring tao ang sumisira ng relasyong ito. Sa pakikipag-isa naman natin kay Cristo ay ipinapahayag, “What God has joined together, no man can separate.” May katiyakan tayo na walang divorce sa pagitan natin at ni Cristo.

4.   Sa atin na ang lahat ng biyayang kaloob ng Diyos dahil sa pakikipag-isa natin kay Cristo.

Dahil ito’y gawa ng Diyos, lahat ng biyayang kaloob ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo ay sa atin na dahil sa ating pakikipag-isa sa kanya. Ayon kay Wayne Grudem, bawat aspeto ng relasyon ng Diyos sa mga mananampalataya ay konektado sa ating relasyon kay Cristo. Mula sa pasimula ng kanyang mga gawa hanggang sa pakikipagsama natin sa Diyos sa langit, at kasama rin ang lahat ng aspeto ng ating relasyon sa Diyos sa kasalukuyang buhay na ito – lahat ng ito ay napasaatin dahil sa ating pakikipagkaisa kay Cristo.[1]

Anu-ano ang halimbawa ng biyayang ito? “Sa kanya nagmula ang buhay na taglay ninyo dahil sa pakikipag-isa ninyo kay Cristo Jesus na siyang ginawang karunungan natin. Sa pamamagitan din niya, tayo’y itinuring na matuwid, ginawang banal at iniligtas ng Diyos” (1 Corinto 1:30). Ang buhay na meron tayo ngayon ay dahil sa relasyon natin kay Cristo. Mayroon tayong karunungan na unawain ang mga ipinapahayag ng Diyos at kung paano tayo mamumuhay nang nakalulugod sa kanya dahil sa relasyong ito. Dahil sa kanya ay naranasan natin noong una ang ibilang na tayo’y matuwid bagamat makasalanan. Sa araw-araw ay nararanasan natin na baguhin tayo ng Diyos at gawing banal dahil din kay Cristo. At pagdating ng panahon, sa kanyang pagbabalik, ang buong kaligtasang pinakahihintay natin ay tiyak na mapasasaatin dahil kay Cristo. Hindi ba dapat lang na purihin ang Diyos dahil dito. Kagaya ni Pablo, “Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo! (Bakit?) Pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espirituwal at makalangit dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo” (Efeso 1:3).

5.   Tayo ay namumuhay na at dapat mamuhay ayon sa isang bagong buhay, hindi na katulad ng dati.

Ang bagong buhay na ito ay inaasahan sa lahat ng tunay na taga-sunod ni Cristo. Walang taga-sunod ni Cristo ang walang pagbabago sa buhay. Hindi man ito biglaan para sa marami, ngunit nakikita ang bunga unti-unti. Pagkatapos mabautismuhan ang may tatlong libong katao noong araw ng Pentecoste sa pamamagitan ng pangangaral ni Pedro (Gawa 2:41), may pagbabagong nangyari sa buhay ng mga taga-sunod ni Cristo. “Nanatili sila sa itinuro ng mga apostol, sa pagsasama-sama bilang magkakapatid, sa pagpipira-piraso ng tinapay, at sa pananalangin” (v. 42). There is a change in their values. They became devoted to God’s Word, to fellowship, to worship and to prayer. Ito ang disenyo ng bautismo: upang ipakita na ang isang taga-sunod ni Cristo ay dapat magpatuloy sa isang bagong buhay.

Ang bagong buhay na ito ay buhay sa loob ng isang bagong pamilya – ang iglesia. “Tayong lahat ay binautismuhan sa iisang Espiritu upang maging isang katawan” (1 Corinto 12:13). Ang katawang ito ay ang iglesia kung saan ang bawat isa sa atin ay bahagi. Through baptism, we welcome you into God’s family, brothers and sisters in Christ. Kabilang ka na sa isang komunidad ng mga taga-sunod ni Cristo.

Ang bagong buhay na ito ay buhay na nagpapatuloy sa pananalig kay Cristo. “Namatay na akong kasama ni Cristo sa krus. Hindi na ako ang nabubuhay ngayon kundi si Cristo na ang nabubuhay sa akin. At habang ako’y nabubuhay pa sa katawang-lupa, mamumuhay ako sa pananalig sa Anak ng Diyos na umibig sa akin at naghandog ng kanyang buhay para sa akin” (Galacia 2:20). Ang pananalig kay Cristo ay hindi minsanan lang noong tayo’y mapawalang-sala. Ito ay dapat nagpapatuloy upang patuloy din ang pagbabago sa buhay natin. Faith is not just for our justification. It is also for our sanctification.

Ang bagong buhay na ito ay sumasaklaw sa lahat ng bahagi ng ating buhay. “…kung paanong binuhay muli si Cristo sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Ama, tayo rin ay magkaroon ng panibagong buhay” (Roma 6:4). Hindi lamang po ilang bahagi ng buhay natin ang binabanggit dito. It involves all of life. Kasama nito ang hindi na paglakad sa kasalanan. “Patuloy ba tayong magkakasala…? Hinding-hindi!” (6:2). Hindi na tayo dapat maalipin pa ng kasalanan (6:6). Kasama rin dito ang bagong perspektibo sa lahat ng ating buhay. “Binuhay kayong muli kasama ni Cristo, kaya’t ang pagtuunan ninyo ng isip ay ang mga bagay na nasa langit na kinaroroonan ni Cristo, na nakaupo sa kanan ng Diyos” (Colosas 3:1). Dapat ang buhay natin ay nakasentro na kay Cristo, kung paano siya mabibigyan ng karangalan. At ito’y hindi natin lilimatahan sa mga gawaing espirituwal lamang kundi maging sa panonood ng TV, paggamit ng ating salapi at oras, pati sa mga usaping pulitika, sa pakikitungo sa kapitbahay, sa pamilya, sa pagpapalaki sa mga anak, at sa pagtatrabaho. Nabuhay si Cristo upang ang ating buong pamumuhay ay ilaan lamang para sa kanya at hindi sa ating sarili.

Mga kapatid, ang bautismo ay isang paraan ng pagpapakilala sa inyo ng Diyos kung sino na ngayon kayo. Dapat ay kilalanin nating mabuti kung sino na tayo. If we know our identity in Christ, we must live according to our identity. “Kaya dapat din ninyong ituring ang inyong sarili bilang patay na sa kasalanan, ngunit buhay naman dahil sa Diyos, sapagkat kayo’y nakipag-isa na kay Cristo” (6:11). Ito ang panawagan ng Diyos sa ating mga Kristiyano. Ito ang panawagan ng bautismo. Ipagdiwang natin ang bautismo at makigalak sa mga kapatid nating babautismuhan ngayong araw.


[1]Wayne A. Grudem, Systematic Theology : An Introduction to Biblical Doctrine (Leicester, England; Grand Rapids: Inter-Varsity; Zondervan, 1994), 840.

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.