Hindi Sitwasyon ang Problema
Siguro narinig n’yo na ang mga excuses na ‘to, maaaring sa iba o kaya mismo ang nagsabi: “Kapag napromote na ‘ko at tumaas ang suweldo, magiging tapat na ko sa pagbibigay”; “Kapag malaki na ang mga anak ko, mas magiging involved na ako sa mga ministries”; “Kapag may kotse na kami, aagahan na namin ang dating sa pagsamba”; “Kapag hindi na busy sa trabaho, araw-araw na akong mag-quiet time”; “Kapag nabawas-bawasan na ang problema ko sa bahay, sisimulan ko nang ikuwento sa iba ang tungkol kay Cristo”; “Kapag nagbago na ang asawa ko, hindi na ako mambababae.”
Kung magbabago lang ang sitwasyon ko, makakasunod na ako at makapaglilingkod sa Dios. Ganoon ba iyon? Tingnan natin sa kuwento ng mga Israelita. 40 taon sila sa disyerto, mahirap, mainit, walang sariling bahay, hindi kumportable, nakakapagod, matagal. Pero excuse ba ang sitwasyon na iyon para hindi sila sumunod? Last week nakita natin ‘to: God gives his people victory. Nasa lupang pangako na sila sa pangunguna ni Josue. May sariling lupa na, may tirahan, may bunga ang mga pananim, tinatalo nila ang mga kaaway nila. Buong panahon ni Josue, at sa sumunod na henerasyon pagkamatay niya, naglingkod ang mga Israelita sa Dios. Tinupad nila ang bahagi ng kasunduan ng Dios sa kanila. Sumunod sila sa mga utos niya. Siguro nga kasi nagbago na ang sitwasyon nila. Pero sitwasyon ba talaga ang problema?
Paulit-ulit na Kasalanan
Story of Judges 1-3. Pagkamatay ni Josue, patuloy pa ring naglingkod ang mga Israelita sa Dios, hanggang buhay pa ang mga pinuno nilang nakakita ng mga kamangha-manghang bagay na ginawa ng Dios para sa kanila. Itinuloy nilang sakupin ang mga lupang di pa nila nasasakop at pinagtagumpay sila ng Dios. Pero hindi nila naitaboy ang ibang mga taga-Canaan dahil may mga karwahe silang yari sa bakal at dahil determinado silang huwag umalis sa lupain nila. Kaya nanirahan silang kasama ng mga Israelita. Ang iba sa kanila ay nag-asawa ng mga taga-roon.
Kaya tulad ng babala ng Dios, naging bitag sila para sa mga Israelita. Nang makalipas ang isang henerasyon, ang sumunod na henerasyon ay hindi na kumilala sa Dios, maging ang mga ginawa niya para sa Israel. Gumawa sila ng masama sa paningin ng Dios. Itinakwil nila ang Dios at sumamba sa mga dios-diosang sina Baal at Ashtoret. Galit na galit ang Dios sa kanila. Pinabayaan ng Dios na lusubin sila ng mga kaaway nila. Di nila maipagtanggol ang kanilang sarili dahil di nila kasama ang Dios. Hirap na hirap ang mga Israelita. Sa sobrang hirap na nararanasan nila, tumawag sila at humingi ng tulong sa Dios. Naawa ang Dios sa kanila at nagpadala siya ng mga pinuno (mga hukom) na nagliligtas sa kanila mula sa kanilang mga kaaway. Mahabang taon na nagkaroon ulit ng kapayapaan sa bansa nila. Pero hindi nagtagal iyon. Pagkamatay ng pinuno nila, muli na naman silang tumalikod sa Dios at sumamba sa mga dios-diosan. Mas masahol pa ang ginawa nila kaysa sa mga nakaraang henerasyon. Sa sobrang galit ng Dios, hindi na niya itinaboy ang mga taga-Canaan, at ginamit sila ng Dios para matuto silang lumaban at para subukin sila kung susunod sila o hindi sa mga utos niya sa kanila. Ito ang paulit-ulit na nangyari sa sumunod na 300 taon simula nang ibigay ng Dios sa kanila ang Lupang Pangako.
Nang panahong iyon, wala hari sa Israel. Kaya ang bawat isa sa kanila ay gumagawa kung anong tama sa paningin nila, kahit anong gusto nilang gawin.
May Mga Bagay na Di Nagbabago
The Unchanging Pattern. Hindi naman sitwasyon ang problema nila. Noong nasa disyerto sila, paulit-ulit din na nangyari ito: (1) Nagrereklamo sila; (2) Nagagalit ang Dios at parurusahan sila; (3) Hihilingin nila kay Moises na mamagitan siya para sa kanila at sa Dios; (4) Makikiusap si Moises sa Dios; (5) Patitigilin ng Dios ang salot at patatawarin sila. Tapos magrereklamo na naman…Paulit-ulit lang. Noong nasa lupang pangako na sila, sa loob ng higit 300 taon, nakasulat sa Book of Judges (chaps. 3-16) ang pitong paulit-ulit na ganitong pangyayari (na ibinuod sa Judges 2-3): (1) Kapahingahan; (2) Pagtalikod sa Dios at pagsamba sa mga dios-diosan; (3) Parusa ng Dios sa Israelita; (4) Pagdaing ng mga Israelita sa Dios; (5) Pagpapadala ng mga hukom; (6) Pagliligtas ng Dios; (7) Kapahingahan ulit. Bakit ganito ang nangyayari?
The Unchanging Problem of Man. With Influence. May problema sa isip ang tao, kapag hinahayaang maimpluwensiyahan ng kasamaan sa mundo. Ganito nangyari sa mga Israelita. Hindi kasi nila itinaboy ang mga taga-Canaan. Hayaan tuloy, tulad ng babala ng Dios, nakompromiso sila. Nag-asawa sila ng ibang lahi, mga sumasamba sa dios-diosan. Nagustuhan nila ang kultura ng mga taga-Canaan. Ginaya nila. Samantalang dapat sila ang bansang kakaiba, banal, ibinukod. Sila pa ang naimpluwensiyahan at tumulad sa kanila. Di ba’t ganito pa rin ang problema natin ngayon? Sa paggamit ng pera, ng Facebook, ng oras, ang lifestyle ba ng mga Cristiano ay iba sa mga hindi Cristiano? Kapag walang pinagkaiba, malaking problema!
With Idols. Kung ano na ngayon ang mahalaga sa kanila, iyon na ang sinasamba nila. Si Baal na, hindi na si Yahweh. O si Yahweh pa rin pero may mga add-ons. Sila ay nilikha sa larawan ng Dios, pero ang nangyari sila pa ngayon ang lumilikha ng sarili nilang dios ayon sa kanilang larawan o kagustuhan. Hindi na nila kinilalang dios ang Dios. Nagkabaligtad ng posisyon. Dios-diosan ang anumang bagay na pumapalit sa Dios sa puso natin, na naglalayo sa atin sa kanya. Ayaw ito ng Dios, kaya nga ito ang first sa ten commandments.
With Immorality. Highly sexual ang orientation ng Canaanite religion. May mga rituals sila na may mga sexual immorality. Isa rin ito sa nakaakit sa Israel para yakapin ang relihiyon nila at tumalikod sa tunay na Dios. Kung ano ang “dios” na nakaupo sa trono ng puso natin, iyon ang susundin natin. Sila ginagawa nila kung ano ang mahiligan nila, ang tama sa paningin nila, dahil sarili nila ang dinidios nila. Totoo bang walang hari noong panahon nila? Walang human king, pero may divine king na hindi nga lang nila kinikilala at sinusunod. Iyon ang problema.Ang nakalulungkot dito, Israel ang gumagawa nito. Kung mga taga-Canaan, expected na iyon. But they were God’s chosen people, rescued from slavery, called to be holy. They were not living according to their identity.
The Unchanging Patience of God. Oo nga’t nagpaparusa ang Dios dahil sa kasalanan. Pero ang haba ng pasensiya niya sa Israel. Kasi may pangako siya kay Abraham. At dahil sa tiyaga at pagtitiis ng Dios sa paulit-ulit na kasalanan nila, binibigyan niya sila ng pagkakataon na magsisi at nang maipakita niya ang pagliligtas na gagawin niya. Na makapangyarihan siya at hindi siya maikukumpara sa mga dios-diosang kinakapitan nila. Kaya nagpadala siya ng mga hukom (di tulad ng mga hukom ngayon, ang mga ito ay military leaders, warriors). Tulad ni Gideon…
Gideon
Story of Judges 6-8. Nang gumawa na naman ng kasamaan ang mga Israelita sa paningin ng Dios, ipinasakop sila ng Dios sa mga malulupit na Midianita sa loob ng pitong taon. Dahil sa kahabag-habag na kalagayan ng mga Israelita, nagmakaawa na sila sa Dios. Pinadalhan sila ng Dios ng isang propeta na pinasabi, “Alam n’yo lahat ng mga ginawa ko para sa inyo. Sinabihan ko na kayong ‘wag sasamba sa mga dios-diosan nila. Pero ang titigas ng mga ulo n’yo.”
Pagkatapos nito, nagpakita ang Dios kay Gideon at sinabi, “Ikaw na matapang at malakas, kasama mo ako. Hindi ko pa kayo pinababayaan. Gamitin mo ang lakas mo para iligtas ang Israel. Tutulungan kita.” Sumagot si Gideon, “Paano ko naman magagawa iyon? Pinakamahina ang pamilya ko sa lahi namin. At ako pa naman ang pinakawalang kwenta sa pamilya ko. Kung totoo nga ang sinasabi n’yo, bigyan n’yo ako ng palatandaan.” Kumuha si Gideon ng kambing at tinapay para ihandog sa Dios. Pagkalapag n’ya nito sa ibabaw ng bato, biglang may lumabas na apoy sa bato at sinunog ang handog. Napatunayan n’yang Dios ang nag-utos sa kanya.
Kaya ayon sa iniutos ng Dios, giniba niya ang altar ni Baal at ang posteng simbolo ng diosang si Ashera, at ginawa itong panggatong sa sinunog na handog para sa Dios. Ginawa n’ya ito nang gabi dahil natatakot siya sa pamilya n’ya at sa ibang mga tao roon.
Kinaumagahan, nakita ng mga tao roon na giba-giba na ang altar. Nalaman nilang si Gideon ang may gawa noon. Galit na galit sila at sinabi sa tatay ni Gideon, “Ilabas mo ang anak mo! Dapat siyang patayin sa ginawa niya!” Sumagot ang tatay ni Gideon, “Ipagtatanggol n’yo ba si Baal? Kung siya ang totoong makapangyarihang dios, hayaan n’yo siyang ipagtanggol ang sarili niya.” Mula noon, tinawag si Gideon na Jerubaal, na ang ibig sabihin ay “hayaang ipagtanggol ni Baal ang sarili niya.”
Ngayon, nagkaisa ang maraming kaaway ng mga Israelita para labanan sila. Ginabayan si Gideon ng Espiritu ng Dios. Sabi niya sa Dios, “Gusto ko pong malaman kung ako talaga ang gagamitin n’yo para iligtas ang Israel. Makatitiyak ako kung makikita kong mababasa ng hamog ang balahibo ng tupa na ilalapag ko sa tuyong lupa.” At ganoon nga ang nangyari. Sinabi ni Gideon, “Wag po kayong magalit. Hihiling po ulit ako. Ngayon naman po, hayaan n’yo pong mabasa ng hamog ang lupa pero tuyo naman po ang balahibo ng tupa.” At ganoon nga ang ginawa ng Dios.
Kinaumagahan, nagsama si Gideon ng 32,000 sundalo. Sinabi ng Dios, “Ang dami niyan. Ayokong isipin n’yong dahil sa sarili n’yong lakas kaya kayo nanalo. Pauwiin mo ang mga natatakot lumaban.” Kaya umuwi ang 22,000. Sabi ng Dios, “Marami pa rin iyan. Ililigtas ko kayo sa pamamagitan lang ng 300 tao.”
Pagdating ng hatinggabi pumunta sila sa kampo ng kalaban. Pinatunog nila ang mga trumpetang dala-dala nila at nagsisigaw, “Para sa Dios at para kay Gideon!” Nagsitakas ang mga kalaban nila at nagsisigaw. Habang tumutunog ang mga trumpeta pinaglaban-laban ng Dios ang mga Midianita. Pinagtagumpay sila ng Dios laban sa mga Midianita.
Sinabi ng mga Israelita kay Gideon, “Dahil ikaw ang nagligtas sa amin, ikaw na lang at ang mga angkan mo ang mamuno sa amin.” Sumagot si Gideon, “Ang Dios ang mamumuno sa inyo, hindi ako o ang mga angkan ko.” Sa kabila nito, nagpagawa si Gideon ng isang espesyal na damit yari sa ginto. Naging malaking bitag ito kay Gideon, sa pamilya niya at sa buong Israel. Mayroon siyang 70 mga anak dahil marami siyang asawa. Isa sa mga anak niya ay pinangalanan niyang Abimelec, na ang ibig sabihi’y, “Ang ama ko ang hari.” Pagkamatay ni Gideon, muling tumalikod ang mga Israelita sa Dios at sumamba sa dios-diosang si Baal.
Pagsira sa Mga Dios-diosan
Break down the idols of your heart. Sa kuwento ni Gideon at ng mga hukom, ito ang gustong mangyari ng Dios. Gusto niya wala siyang kakumpetensiya sa puso ng mga Israelita. Hindi ang pekeng dios na si Baal o diosang si Ashera. Pero matitigas ang ulo nila. Ayaw nilang makinig. Instead of breaking down the idols of their hearts, they were breaking God’s heart. Kaya nga tinawag ng Dios si Gideon, na pinangalanang Jerubbaal, “hayaang si Baal ang magtanggol sa sarili niya.” Gustong gawin ng Dios na katawa-tawa si Baal, na wala siyang magagawa dahil wala naman siya talagang existence. Gusto ng Dios na makita nila ang powerlessness ng mga dios-diosan nila.
Believe in the power of God and the powerlessness of idols. Nangako ang Dios na sasamahan siya. Sa kabila noon tiningnan pa ni Gideon ang kalagayan niya at ng pamilya niya. Humingi pa siya ng tanda. Ginabayan si Gideon ng Espiritu ng Dios. Pero sa kabila noon, humingi na naman siya ng tanda. Pinagbibigyan siya ng Dios kasi gusto niyang palakasin ang pagtitiwala ni Gideon sa kanya. Ganito rin ang gusto niyang makita ng bawat isang Israelita. Kaya nga 300 daan lang ang ginamit niyang sundalo (kahit nga wala kaya ng Dios!). Anumang dinidios natin ngayon, walang kapangyarihan iyan para iligtas tayo, para ibigay ang kailangan natin. Pero bulag tayo sa katotohanang iyon kapag pilit pa rin nating kinakapitan ang mga dios-diosan natin. Only the power of God can break us free from the bondage of idolatry.
Believe that God has the right to rule your heart – not you or others. Kung ano ang dinidios natin, siya ang naghahari at kumokontrol sa buhay natin. Kahit na sumunod si Gideon sa Dios at sinira ang altar ni Baal, naghahari pa rin ang takot sa kanya, kaya nga gabi niya ginawa. Tapos may hesitations pa siya kaya nga nanghihingi siya ng confirmations sa Dios. Di ba’t ganoon din tayo? Hihingi pa tayo ng signs ng calling natin para abutin ang ibang tao, para magpatuloy sa laban sa kasalanan, samantalang malinaw naman ang gusto ng Dios. Araw-araw nga dami nating ginagawa – TV, trabaho, Internet, relationships – hindi naman tayo nagtatanong kung iyon ang will ni God na gawin natin. Kasi nga gusto natin tayo ang naghahari sa sarili natin. Hindi naman si Baal ang dinidios nila. Sarili nila! Pati nga si Gideon, noong una, sabi pa niya na ayaw niyang maging hari at Dios ang dapat maghari sa kanila. Pero gumawa naman siya ng damit na panghari, marami siyang asawa, pinangalanan pa niyang Abimelec (“ang ama ko ang hari”) ang anak niya. Action speaks louder than words. Puwede nating sinasabi na “Jesus is my King” pero iba naman ang nakikita sa mga ginagawa natin. Ang mga “judges” nila ay karaniwang hindi good example. Kahit si Gideon. Lalo na si Samson…
Samson
Story of Judges 13-17 and Numbers 6. Muling gumawa ng kasamaan ang mga Israelita sa paningin ng Dios, kaya ipinasakop sila ng Dios sa mga Filisteo sa loob ng 40 taon. Inihanda ng Dios si Samson para pamunuan ang Israel sa pagliligtas mula sa mga Filisteo. Bago pa lang siya ipanganak sinabi na ng Dios sa kanyang mga magulang, “Ang magiging anak n’yo ay itatalaga sa Dios bilang isang Nazareo, mula sa kanyang pagsilang hanggang mamatay siya. Hindi siya kakain ng anumang mula sa ubas. Hindi siya iinom ng inuming nakakalasing, o kakain ng anumang itinuturing na marumi.” Bukod dito, bawal din sa isang Nazareo ang magpagupit ng buhok at humipo sa patay. Pagkapanganak kay Samson, pinagpala ng Dios sa kanyang paglaki, at kumilos ang Espiritu ng Dios sa kanya.
Isang araw, pag-uwi ni Samson sa bahay, ikinuwento niya sa mga magulang niya, “May nakita po akong isang babaeng Filisteo. Siya ang gusto kong mapangasawa.” Tumutol ang mga magulang niya, “Bakit isang Filisteo pa na di kumikilala sa Dios ang nagustuhan mo? Wala ka bang mapili sa isa sa mga kababayan natin?” Sumagot si Samson, “Ah basta, siya ang babaeng sa tingin kong tama para sa akin. Siya ang gusto kong mapangasawa.” Hindi pa alam ng mga magulang niya na ang pasyang iyon ay pinahintulutan ng Dios para labanan ang mga Filisteo.
Nang pinuntahan niya ang babae para pakasalan, nakita niyang may naipong mga pulot-pukyutan (honey) sa bangkay ng leong pinatay niya ilang araw na ang nakakalipas. Kumuha siya nito, kinain sa biyahe at binigyan ang mga magulang niya pag-uwi sa bahay. Pero hindi niya sinabing galing ito sa bangkay ng leon.
Nang dalawin ni Samson ang asawa niya pagkatapos ng ilang araw na pagbabakasyon sa bahay ng kanyang mga magulang, nabalitaan niyang ipinakasal pa ito ng kanyang biyenan sa abay sa kanilang kasal. Galit na galit si Samson. Sabi ng biyenan niya, “Akala ko kasi ayaw mo na sa kanya. Gusto mo, nandiyan naman ang kapatid niyang mas maganda pa sa kanya.” Sa galit ni Samson, sinunog niya ang mga bukirin ng mga Filisteo. Nang malaman ng mga Filisteo na si Samson ang may gawa nito dahil sa galit niya sa biyenan niya, hinanap nila ang babae at ang kanyang ama at pinasunog sila. Lalong nagalit si Samson, at 1,000 Filisteo ang pinagpapatay niya nang araw na iyon.
Pagkatapos nito, may nagustuhan naman siyang isang babaeng bayaran at sumiping siya dito. Isang araw, nagkagusto naman siya sa isa pang Filisteo na ang pangalan ay Delaila. Pinuntahan si Delaila ng mga pinuno nila at sinabi, “Kumbinsihin mo siya na aminin sa iyo ang sikreto ng lakas niya, para maigapos namin siya. Kung gagawin mo ‘to, bibigyan ka namin ng 5,000 pilak.” Dahil dito paulit-ulit na nilambing ni Delaila si Samson. Noong una, tatlong beses pa siyang niloko ni Samson at ayaw pang ipagtapat ang sikreto niya. Pero noong huli, napilitan din siya dahil sa pangungulit ni Delaila, “Akala ko ba mahal mo ako, pero bakit ayaw mo pa ring sabihin ang sikreto mo?” Sumagot si Samson, “Kung magugupitan ang buhok ko, magiging katulad na lang ng karaniwang tao ang lakas ko.”
Habang natutulog si Samson, pinagupitan ni Delaila ang buhok niya. Dinakip siya ng mga Filisteo at walang nagawa si Samson dahil iniwanan na siya ng Dios. Dinukot ng mga Filisteo ang kanyang mga mata, iginapos siya ng kadena, at ginawang alipin sa loob ng kulungan.
Habang tumatagal, unti-unti na ulit na tumutubo ang mga buhok niya. Nang nagtipon ang maraming mga Filisteo para magdiwang at maghandog sa dios nilang si Dagon, nag-awitan sila, “Pinagtagumpay tayo ng dios natin sa ating kalaban!” Dinala nila si Samson para aliwin sila. Pinatayo nila sa gitna ng dalawang haligi at ginawang katatawanan. Nanalangin si Samson, “O Dios ko, kung maaari po ibalik n’yo ang lakas ko para makaganti ako sa kanila.” Pagkatapos ay tinulak niya ang dalawang haligi nang buong lakas, gumuho ang templo at namatay si Samson at ang lahat ng tao roon na higit 3,000 ang bilang, higit pa sa napatay niya noong nabubuhay pa siya.
Dalawampung taong namuno si Samson sa Israel. Nang panahong iyon, walang hari sa Israel, kay ang bawat isa ay gumagawa kung ano ang tama sa paningin nila, kahit anong gusto nilang gawin.
May Katapusan Ba?
Obvious namang hindi good example si Samson. Bagamat kasama sa “Heroes of Faith” si Gideon at Samson (Hebrews 11), in general they were not worthy of emulation. They were reflection of the heart of the people. Kung ano ang leader, ganoon din ang mga tao. Gusto ng Dios na wasakin ang mga dios-diosan. Si Dagon ng mga Filisteo at ang mga Filisteo na nakakaimpluwensiya kay Samson at sa Israel. Binigyan niya ng pambihirang lakas si Samson para magawa ang layunin niya, pero sa halip na magtiwala sa Dios, sa sariling lakas niya siya nagtiwala. At ginamit pa niya ang lakas niya para makuha ang gusto niya. Kung sino ang gusto niyang babae, yun ang kinukuha niya. Sa halip na masunod ang gusto ng Dios (sa pamamagitan ng magulang niya), sinabi pa rin niya, “Basta, siya ang gusto kong mapangasawa.” Babae ang naging dios ni Samson. At sa halip na maging malakas siya, naging sanhi pa ng kahinaan niya at pagbagsak niya. Oo nga’t gagamitin din iyon ng Dios para sa bandang huli maipakita ang pagliligtas at kapangyarihan niya, pero hindi naging maganda para kay Samson ang nangyari. Kasi ang layunin ng Dios sa kanya maging isang Nazareo, nakabukod para sa kanya. Pero binalewala niya iyon. Basta makuha ang gusto niya. Kahit nga sa huli, pansariling paghihiganti pa rin ang nasa isip niya. Makikita sa buhay ni Samson ang paulit-ulit na pagkakasala at pagrerebelde ng mga tao sa Dios. May katapusan pa ba ‘to?
End of God’s patience. Oo nga’t matiyaga ang Dios, pero may limit ang patience ng Dios. Ang mga Filisteo, di pa rin nagsisi sa bandang huli, kaya pinarusahan ng Dios. Ganoon din ang mangyayari sa Israel kung magpapatuloy sila sa kasalanan nila. “Hindi nagpapabaya ang Panginoon sa pagtupad sa pangako niya, gaya ng inaakala ng ilan. Ang totoo, binibigyan lang niya ng pagkakataong magsisi ang lahat sa kasalanan nila, dahil ayaw niyang mapahamak ang sinuman” (2 Peter 3:9). Mga kapatid, hangga’t may pagkakataon pa, nananawagan ang Dios na magsisi na tayo sa mga kasalanan natin. Darating ang araw, sasarado na ang pinto at wala na tayong pagkakataon pa. May warning ang Dios, “Pero dahil sa matigas ang ulo mo at ayaw mong magsisi, pinabibigat mo ang parusa ng Dios sa iyo sa araw na ihahayag ang kanyang poot at makatarungang paghatol” (Romans 2:5).
Sinusubok mo ba ang pasensiya ng Dios? Inaabuso mo ba ang awa at pagpapatawad ng Dios?
End of man’s problem. Ang ilan sa atin nakikita nating parang paulit-ulit ang nangyayari sa buhay – magkakasala, hihingi ng tawad, magkakasala na naman…Paulit-ulit ang problema ng tao, pero may katapusan ito. The power of God is unlimited. He is mighty to forgive, to save. God rescues rebels again and again. Inaalok ng Dios ang kapatawaran sa atin, nananawagan siya ng totoong pagsisisi. Ang mga Israelita, magsisisi lang kung nahihirapan na. Lalapit lang sa Dios kung wala nang ibang choice, para guminhawa ulit ang buhay. Pero karaniwan, superficial lang. Babalik na naman sila sa kasalanan nila. Paano mapapalaya sa kasalanan ang isang taong di naman totoo ang pagsisisi?
Isang dahilan kaya kitang-kita sa Judges ang mga imperfections at weaknesses nila ay para ituro tayo sa isang perfect and mighty savior and deliverer. Yun ang kailangan natin para mapalaya tayo sa bondage natin sa idolatry. We need a perfect deliverer. Yung maasahan. Yung hindi nanghihina. Yung ginagawa ang kalooban ng Dios. Yung totoong Nazareo, na nakabukod sa Dios. Walang iba kundi ang Panginoong Jesus! Nang namatay si Gideon, bumalik na naman sa kasalanan ang mga Israelita. Nang namatay si Samson, oo nga’t nailigtas niya sa mga Filisteo ang mga Israelita, pero di lumaon bumalik na naman sa pagkakasala. Nang namatay ang Panginoong Jesus, pinalaya na tayo sa kasalanan natin. Bakit pa tayo babalik? Bakit pa tayo paulit-ulit na magkakasala? Hindi ba’t pinalaya na nga tayo?
Do you really want to break the pattern of sin in your life? Do you want to be free? O kuntento ka sa kinalalagyan mo ngayon? Sa tingin mo OK na. Kung gusto mo talagang makalaya, at magpatuloy sa pagsunod sa Dios, lumapit ka kay Cristo. Siya lang ang Hari, wala nang iba.
HAPPY BIBLE READING
LikeLike