August 4, 2026

Ano’ng Dapat Sabihin sa mga Members na Gusto nang Umalis

By Jonathan Leeman

Note: Sabihin na natin—hindi madali kapag may kapamilya sa church na aalis na, lalo na kung pakiramdam mo, “hindi tama yung dahilan niya.” Sa artikulong ito, tinutulungan tayo ni Jonathan Leeman na makita ang pagkakaiba ng magandang dahilan sa pag-alis (gaya ng paglipat ng lugar na tinitirhan) at ng di-magandang dahilan (gaya ng sama ng loob o “ayaw ko lang sa style ng church”), at paano tayo dapat tumugon nang may pusong pastoral pero matapat pa rin sa Salita ng Diyos. Relevant na relevant ito sa atin dito sa Pilipinas—normal na kasi ang “church-hopping” o pagpalit ng church dahil lang sa personal preference o konting tampuhan, kaya kailangan natin ng malinaw na gabay: paano tayo tutugon kapag nabalitaan natin na ang isang member ay nagpaplano nang umalis nang hindi tayo basta na lang nananahimik, pero hindi rin naman basta pipilitin lang sila na mag-stay sa church.

*****

Maging totoo tayo rito: mayroong tama at hindi tamang dahilan ng pag-alis sa isang church. Lilipat ka ba sa ibang city? Reasonable naman kung yan ang dahilan mo. Meron ka bang sama ng loob sa isa sa church na naka-offend sa’yo? Hindi magandang dahilan yan. Pinababayaan ba ng church ang pagpi-preach ng mga biblikal na mensahe linggo-linggo? Isang magandang dahilan. Hindi mo ba gusto yung style ng church? Malamang, hindi tamang dahilan yan.

Eto ang tanong, paano ka magre-respond sa kasama mong miyembro na aalis sa church dahil sa isang reason na sa tingin mo ay hindi tama o nararapat?

Ang tanong na ito’y nagbubukas ng maraming mahihirap na theological issues, tulad ng kung hanggang saan ba ang authority ng church, o gaano ang bigat na ibinibigay sa cultural preferences. Meron ding mahihirap na pastoral issues tulad kung paano makikilala ang pagkakaiba ng isang sugatang puso at isang hangal.

Pero susubukan ko ritong ilapat ang teolohiya sa anyo ng praktikal na payo. Narito ang ilang maling paraan ng pagtugon na sinamahan ng mas mabuting tugon:

Hindi magandang response: “Oh.” Ito yung tugon na walang laman na parang “Wala naman akong pakialam” o “Basta kailangan okay tayong dalawa kaya tatahimik na lang ako.” Hindi ko sinasabi na palaging mali na tumahimik na lang. Ang sinasabi ko lang, hindi ang takot sa tao o kabiguang magmahal ang dapat na mag-motivate sa iyo na hindi magsalita.

Mas mainam na response: “Bakit ka aalis? Puwede ba kitang tulungan na pag-isipan ito?” May malasakit ang pag-ibig at nagtatanong ito. Kinikilala ng pag-ibig na responsable tayo sa discipleship ng ating mga kasamang miyembro, at nagsisiyasat ito. Ang pag-ibig ay hindi natatakot na hindi magustuhan ng iba. Handa itong magtanong ng awkward o mahirap na tanong o magbigay ng risky counsel para sa kanilang ikabubuti.

Hindi magandang response: “Hindi ka puwedeng umalis.” Hindi binigyan ni Jesus ng authority ang church para pigilan ang sinuman na umalis at lumipat ng ibang church. Binigyan niya sila ng authority na disiplinahin ang isang professing Christian sa kanilang kasalanang hindi pinagsisisihan, pero maliban na handa kayong magdisiplina, hindi ko nakikita ang authority ng church para igiit na manatili sila. Gayunman, sa tingin ko ay makatwiran na tanggihan ang isang resignation kung walang plano ang isang tao na makibahagi sa ibang church. ‘Yan ay halimbawa ng paglakad patungo sa kasalanang hindi pinagsisisihan.

Mas mainam na Response: “Maliban na lang kung ang church ay may hakbang na ginagawa para disiplinahin ka, malaya kang umalis.” Hindi mo kailangang sabihin na matalino ang sinuman na aalis dahil sa maling dahilan. Pero dapat nating tandaan na ito ay pinahihintulutan.

Hindi magandang response: “Immature naman yung mga dahilan mo sa pag-alis.” Again, hindi ko sasabihin na hindi mo ito kailanman puwedeng sabihin. Pero generally speaking, mas mainam na tulungan ang isang tao na magkaroon ng mas mabuting pagkaunawa sa kung ano ang dapat pahalagahan sa isang church kaysa pagalitan siya dahil sa maling pagpapahalaga.

Mas mainam na response: “Sa pagtingin mo sa Salita ng Diyos, paano ka natulungan nito na pag-isipan kung ano ang dapat mong hanapin sa isang church?” Tulungan mo sila na makita na binibigyang prayoridad ng Salita ng Diyos ang mga bagay tulad ng pangangaral ng Salita ng Diyos, pagsentro ng lahat sa mabuting balita ni Cristo, at matalino at mapagmahal na pamumuno. Tulungan mo rin sila na makita na ang ating mga churches ay mga pamilya, kung saan tayo’y may pananagutan sa isa’t isa sa pagdi-disciple kay Cristo. Hindi country clubs ang mga ito na puwede tayong basta pumasok at lumabas para sa mga benepisyong makukuha natin dito.

Hindi magandang response: “Well, hindi naman lahat ay magiging kaibigan mo.” Kapag nalaman mo na meron silang hindi naayos na mga relasyon o matanggal nang kinikimkim na sama ng loob, hindi mo gugustuhin na tulungan silang takpan na lang ang mga iyon. Mahalagang bagay ang mga ito at dapat na bigyang pansin at harapin. Hindi naman ibig sabihin na puwedeng maayos lahat ng mga nasirang relasyon sa panahong ito. Maaaring na-determine ng isang tao na hindi puwede o hindi kayang ayusin ang isang particular relationship. Pero hindi rin dapat takasan ang problema. 

Mas mainam na response: “Lubos kitang hinihikayat na ayusin ang mga relationships na iyon bago ka magdesisyon kung aalis ka o hindi.”

Hindi magandang response: “Ano ang puwede naming i-adjust sa church para sa ‘yo?” Minsan, hindi talaga magugustuhan ng mga tao ang church n’yo. Minsan, talagang maiinis o baka magalit pa sila dahil sa pinakamaliit na bagay. At hindi trabaho ng church, o ng pastor, na i-pacify ang bawat reklamo. Hindi natin top priority na magustuhan tayo ng iba. Hindi ganyan nagwo-work ang biblikal na pamumuno. Sa isang antas, kailangang maintindihan ng pastor na okay lang umalis ang mga tao, at na huwag matakot sa posibilidad na ito. Kung pakiramdam niya’y isang personal na pag-atake kapag may sinuman na gustong umalis o lumipat, dapat niyang siyasatin ang kanyang puso.

Mas mainam na response: “Siguro nga, magiging mas magandang lugar ang ibang church para sa iyong paglago.” At maaaring totoo ito! Purihin ang Diyos na marami pa siyang churches sa inyong lugar bukod sa church n’yo! Kung aalis ang mga tao dahil sa immature reasons, puwede mo silang i-encourage na pag-isipan ito ulit; pero puwede mo ring i-affirm ang pag-ibig mo sa kanila, sabihin na bukás pa rin ang pinto kung gusto nilang bumalik, at pagpalain sila sa kanilang pag-alis.

*****

Salin (ni Marie Manahan) mula sa article na isinulat ni Jonathan Leeman sa 9Marks website, “What to Say to Church Members Leaving for Poor Reasons,” noong August 21, 2014. Si Jonathan ay naglilingkod bilang President ng 9Marks. Siya rin ang sumulat ng higit sa dalawampung libro at nagtuturo sa ilang mga seminaries. Meron siyang M.Div. mula sa Southern Seminary at isang Ph.D. sa theology mula sa University of Wales. Nakatira siya kasama ang kanyang asawa at mga anak na babae sa isang Maryland suburb sa Washington, DC, at naglilingkod bilang isang elder sa Cheverly Baptist Church.

Share this Post

Facebook
Email

RELATED ARTICLES