“Huwag mong gawin.” ‘Yan ang unang sinasabi ko sa mga pastor kapag natuklasan nila na ang church discipline ay nasa Bibliya. Sabi ko, “Huwag mong gawin, at least huwag muna.” Bakit ganito ang payo ko?

Isipin natin kung ano ang nangyayari sa proseso ng pagkakadiskubre. Kapag unang naririnig ng mga pastor ang church discipline, madalas nilang iniisip na ang ideyang ito ay sobrang negatibo. Ito ay parang unloving, counterevangelistic, weird, controlling, legalistic, at mapanghusga. Siguradong hindi ito magagawa. Iniisip pa nga nila kung ilegal ba ito.

Binuksan Nila ang Kanilang mga Bibliya

Siguro kapag walang nakatingin, ang mga pastor na ito ay binabalikan ang kanilang mga Bibliya. Nakatagpo sila ng mga talata tulad ng 2 Thessalonians 3:6, o Galatians 6:1, o ang classic text tungkol sa disiplina, 1 Corinthians 5. Na-consider nila ang background ng excommunication sa Lumang Tipan, at naalala nila na laging layunin ng Diyos na ang kanyang bayan ay maging larawan ng kanyang sariling kabanalan (Deut. 17:7; Lev. 19:2; Isa. 52:11; 1 Pet. 1:16).

Pagkatapos, tiningnan naman nila ang turo ni Jesus, at natuklasan na, sa parehong chapter kung saan kinondena ni Jesus ang judgmentalism (tingnan sa Mat. 7:1), binalaan din niya ang mga disciples na maging maingat laban sa mga bulaang propeta at laban sa mga nagsasabing sumusunod sa kanya ngunit hindi sinusunod ang kanyang Salita (Mat. 7:15–20; 21–23). Sa huli, nakarating sila sa Matthew 18, kung saan inutusan ni Jesus ang kanyang mga tagasunod na ibukod ang makasalanang di-nagsisisi sa ilang mga sitwasyon (v. 17). Dapat nga sigurong gawin ng mga churches ang pagdidisiplina?

Ang bagay na sa huli ay nagtulak sa mga pastor na ito—na dating mababait, normal, well-adjusted, at sikat—na makumbinsi ay nang kanilang matuklasan na may ilang churches na talaga namang nagsasagawa ng church discipline. Hindi mga kakaiba, maladjusted churches, ngunit masaya, lumalago, malaki, at grace-oriented churches tulad ng Grace Community sa Sun Valley, California, o Tenth Presbyterian sa Philadelphia, o First Baptist sa Durham, North Carolina, o ang Village Church malapit sa Dallas.

Ngayon ang mga pastor na ito ay nasa alanganin. Na-realize nila na kailangan nilang maging masunurin. Naroon ang masidhing pagnanais na maging katulad ng biblikal na larawan ng isang banal, mapagmahal, at nagkakaisang church, isang church na nagpapakita sa nag-iisa, banal at mapagmahal na Diyos. Nauunawaan nila na ang kanilang kabiguan sa pagsasagawa ng disiplina ay nakakasakit sa kanilang church at sa patotoo nito sa mundo.

Sa puntong ito, parang lumilitaw ang isang desisyon. “Pamumunuan ko ang kongregasyong ito na maging biblikal sa puntong ito kahit ito man ang huling bagay na gagawin ko!” At, madalas, ay ganito nga.

Parang Kidlat mula sa Isang Payapang Kalangitan

Sa mapayapa at mabuting buhay ng isang inosente at Bible-believing congregation, tumama ang kidlat ng church discipline! Ito ay pwedeng sa isang sermon. Pwedeng sa isang pag-uusap sa pagitan ng pastor at isang deacon. Pwedeng ito ay sa isang minadaling binuong panukala sa isang members’ meeting. Pero may tinamaan ito, karaniwang kasama nito ang matinding kaseryosohan at sunud-sunod na pagbanggit ng mga Bible verses na sumusuporta sa church discipline.

At pagkatapos ay isinagawa na ang sincere action.

Dumating ang tugon. Ang resulta ay hindi pagkakaunawaan at nasaktang damdamin. Nagkaroon ng mga pagsalungat. Ang kasalanan ay inatake at ipinagtanggol. May tinawag na mga pangalan. Marami ang nakaramdam ng galit at sama ng loob! Ang pagkakaisa o symphony ng kongregasyon ay napalitan ng pagsasalungatan o cacophony ng mga argumento at akusasyon. Ang mga tao ay sumisigaw, “Saan ito hihinto?” at “Sa palagay mo ba ay perpekto ka?”

Church Discipline: Huwag Mong Gawin Iyan! Huwag Muna

Ano ba ang dapat gawin ng pastor? Ang payo ko ay, “Huwag mong ipasok ang iyong sarili sa ganitong sitwasyon sa una pa lang. Kapag natuklasan mo na ang corrective church discipline ay biblikal, ipagpaliban mo muna ang pagsasagawa nito.” (Ang church discipline ay parehong corrective at formative, ang huli ay tumutukoy sa gawain ng church ng pagtuturo o paghubog ng mga Kristiyano.)

Ngayon ay baka iniisip mo, “Mark, sinasabi mo ba sa amin na suwayin ang Bibliya?”

Siyempre hindi. Sinisikap kong tulungan kang gawin ang iniutos ni Jesus sa kanyang mga disciples na gawin (tingnan sa Luke 14:25–33): tingnan ang magiging kabayaran (count the cost) bago ka magsimula. Tiyaking sapat ang pagkaunawa at pagtanggap ng inyong kongregasyon sa turong ito ng Bibliya. Ang iyong layunin ay hindi agarang pagsunod na sinusundan ng isang pagsabog, kundi isang kongregasyon na binabago ng Salita ng Diyos. Gusto mo silang pumunta sa tamang direksyon. At nangangailang iyan ng matiyagang pagpapastol.

Paano Akayin ang Inyong Church tungo sa Disiplina

Una, hikayatin ang pagpapakumbaba. Tulungan mo ang mga tao na makita na maaaring mali sila tungkol sa kanilang sariling espirituwal na kalagayan. Tingnan ang halimbawa ng lalaki sa 1 Corinthians 5 gayundin ang mas malawak na panghihikayat ni Pablo sa mga Kristiyano na taga-Corinto sa 2 Corinthians 13:5. Inutusan tayo ni Pablo na suriin ang ating sarili kung nasa pananampalataya tayo. Nakikilala ba ng mga miyembro ng inyong church na dapat nilang tulungan ang isa’t isa na gawin iyan?

Pangalawa, siguraduhin na ang inyong kongregasyon ay may biblikal na pagkaunawa sa church membership. Hindi naiintindihan ng mga tao ang disiplina dahil hindi nila naiintindihan ang pagiging miyembro. Ang membership ay isang congregational relationship. Hindi ito ginagawa, pinananatili, o tinatapos sa pamamagitan lamang ng pagkilos ng isang tao; ang isang indibidwal ay hindi maaaring sumali sa isang church nang walang pahintulot ng kongregasyon. Gayundin, hindi maaaring magpatuloy ang isang indibidwal sa pagiging miyembro, o umalis sa pagiging miyembro ng isang partikular na kongregasyon, nang walang pahintulot ng kongregasyon (maliban na lang kung namatay na). Sa haba man ng sinabi ko, ang gusto ko lang iparating talaga ay ito: tungkulin ng church ang magdesisyon kung sino ang mga miyembro nito. At hindi basta-basta makakaalis ang mga miyembro kapag sila ay nasa pagkakasalang hindi pinagsisisihan.

Ang ganitong pagtingin sa membership, gayunpaman, ay dapat munang mapresenta nang positibo. Unawain n’yo ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa pagiging miyembro ng church. Tiyaking pamilyar ka sa ilang mahahalagang punto at mga talata sa Bibliya na maipapaalala mo sa mga miyembro kapag nagtanong sila. Maghanap ka ng mga pagkakataon sa iyong mga sermon upang magturo tungkol sa pagkakaiba sa pagitan ng church at ng mundo, at kung paano mahalaga ang pagkakaibang iyon para sa kung ano ang church at ano ang misyon nito. Tulungan mo ang iyong kongregasyon na bumuo ng ganitong larawan ng plano ng Diyos para sa kanyang iglesya upang makita ang mga balangkas ng disiplina sa pamamalakad ng inyong iglesya. Tandaan na dapat maunawaan ng mga miyembro ang membership at discipline dahil sila ang dapat magsagawa nito.

Pangatlo, ipanalangin na tulungan ka ng Diyos na maging modelo ng ministeryo sa iba pang mga Christians sa inyong church sa pamamagitan ng iyong pampublikong pagtuturo at sa iyong pribadong gawain sa mga pamilya at indibidwal. Magsikap ka tungo sa paglikha ng isang kultura ng discipleship at accountability sa inyong church, kung saan nauunawaan ng mga Kristiyano na ang isang pangunahing bahagi ng kanilang pagsunod kay Jesus ay ang pagtulong sa iba na sundin si Jesus (parehong sa pamamagitan ng evangelism at pagdi-disciple sa iba pang mga Kristiyano). Tulungan mo silang maunawaan ang mga espesyal na responsibilidad nila sa iba pang mga miyembro ng kanilang partikular na kongregasyon. Ituro mo sa kanila na ang buhay Kristiyano ay personal, ngunit hindi pribado.

Ikaapat, ihanda mo ang nakasulat na constitution at covenant ng inyong kongregasyon. Mabuting aralin ang ilang pangkalahatang legal na payo. Simulan mo ang pagtuturo ng mga membership classes kung saan ang mga bagay na may kinalaman sa pagiging miyembro at disiplina ay malinaw na itinuturo.

Ikalima, at panghuli, sa inyong ministeryo sa pulpito, huwag kang mapagod sa pagtuturo kung ano ang isang Kristiyano. Regular na bigyang-kahulugan ang gospel at conversion. Malinaw na ituro na ang isang church ay dapat na binubuo ng mga makasalanang nagsisisi habang nagtitiwala kay Cristo lamang, at nagbibigay ng mga mapagkakatiwalaang pahayag ng pagtitiwalang iyon. Ipanalangin na ikaw ay maging gospel-centered. Magdesisyon na, sa tulong ng Diyos, dahan-dahan ngunit patuloy mong aakayin ang iyong kongregasyon sa pagbabago. Ipanalangin na, sa halip na maging isang church kung saan di-pangkaraniwan na kumustahin ang espirituwal na kalagayan ng mga tao, kayo ay magiging isang church kung saan magsisimulang di-pangkaraniwan kung ang isang tao ay hindi nagtatanong tungkol sa iyong buhay.

Alam Mong Handa Ka na Kapag…

Alam mong ang inyong kongregasyon ay handa nang magsagawa ng church discipline kapag:

  • Naiintindihan ito ng inyong mga leaders, sumasang-ayon sila rito, at nakikita nila ang kahalagahan nito. (Ang mature leadership na pinagtutulungan ng ilang mga elders ay ang modelo ng leadership na pinakatugma sa Bibliya at lubos na nakatutulong sa pagtahak
    ng church sa mga maiinit at sensitibong usapin.)
  • Nagkakaisa ang inyong kongregasyon sa pag-unawa na ang gayong disiplina ay biblikal.
  • Karamihan sa inyong mga miyembro ay regular na nakikinig sa iyong mga sermon.
  • Dumating ang isang malinaw na sitwasyon kung saan ang inyong mga miyembro ay lubos na nagkakaisa na excommunication ang tamang hakbang. (Halimbawa, ang pagtitiwalag para sa pangangalunya ay mas malamang na pagkasunduan ng inyong mga miyembro kaysa sa pagtitiwalag dahil sa hindi pagdalo.)

Kaya, kaibigan kong pastor, bagama’t minsan mong naisip na ang ideya ng church discipline ay ridiculous, panalangin ko na tulungan ka ng Diyos na pangunahan ang inyong kongregasyon upang makita na ito ay isang mapagmahal, nakakapukaw, nakakaakit, natatangi, magalang, mapagbiyayang pagsunod at awa, at na ito ay tumutulong sa pagtatayo ng isang church na nagdadala ng kaluwalhatian sa Diyos.

Ngunit tandaan mo, kapag una kang nakumbinsi sa biblical case para sa church discipline, ang iyong malamang na unang hakbang sa isang established congregation ay ang magsimula sa pamamagitan ng hindi muna pagsasagawa ng disiplina, upang balang araw ay maisagawa mo na ito.


Mula sa Appendix 2 ng Siyam na Marka ng Healthy Church ni Mark Dever

Paperback copies available on:

Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)

Sign up to get your free pdf

By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

Leave a Reply