May nangyayari sa maraming mga faithful churches ngayon na tila nakakabahala. Naipangangaral ang gospel mula sa pulpito, marami ang babad sa pananalangin, nabibigyan ng budget at schedule ang mga mission trips taun-taon. Gayunpaman, maraming mga miyembro ng iglesia ang hindi pa rin naibabahagi ang ebanghelyo sa mga taong wala pa kay Cristo—mga taong wala pang kaligtasan.
Hindi naman ito dahil sa hindi sila naniniwala sa evangelism. Natitiyak kong karamihan sa mga church members ay talagang nagnanais na ang kanilang mga kaibigan at kapitbahay ay makakilala rin kay Cristo. Pero kapag ibabahagi na nila ang gospel sa iba, napapatigil sila.
Ano ang pumipigil sa kanila? Narito ang ilan sa mga karaniwang hadlang.
- Takot ma-reject o maging awkward sa iba. Marami ang nag-aalala na baka mawala ang kanilang magandang relasyon sa iba kung pag-uusapan nila ang patungkol sa Panginoong Jesus.
- Pag-aalinlangan sa kung ano ang sasabihin. Marami ang nag-iisip na hindi nila kaya o hindi sila karapat-dapat na magbahagi ng gospel, lalo na kung ang taong kausap nila ay may mga mahihirap na tanong.
- Kawalan ng urgency o intentionality. Naisasantabi ang evangelism kapag nagiging sobrang busy sa buhay.
- Sobrang daming gawain sa church. Nakakatawa mang isipin, pero kung minsan sa sobrang dami ng magagandang gawain sa church—Bible studies, events, meetings—halos nawawalan na ng pagkakataon ang mga members na makihalubilo at bumuo ng relationship sa mga di-mananampalataya.
Ito ang mga totoong hamon na kinakaharap nila. Pero posible itong mapagtagumpayan. Sa katunayan, dinisenyo ng Diyos ang local church para tulungan ang mga mananampalataya na lumago sa katapangan, kalinawan, at katatagan na ibahagi ang ebanghelyo. At merong napakahalagang tungkuling dapat gampanan ang mga pastor sa paghubog ng kultura ng evangelism sa kanilang mga iglesia.
Heto ang apat na paraan kung paano mae-equip ng mga pastor ang kanilang iglesia na ipangaral si Cristo nang tapat at epektibo.
1. Malinaw at Palagiang Pagtuturo
Kung gusto nating mag-share ng gospel ang ating mga miyembro, kailangan natin silang tulungan na maunawaan at mahalin nila ito nang lubos. Nagsisimula ito sa malinaw at palagiang pagtuturo. Kaya . . .
- Ipangaral mo nang madalas ang ebanghelyo. Ang bawat sermon ay dapat tumutulong sa mga mananampalataya na tumimo sa kanilang mga puso ang mabuting balita ng kamatayan at muling pagkabuhay ni Cristo. Huwag mong isiping sawa na ang mga miyembro mo sa kakapakinig ng gospel. Karamihan sa kanila ay patuloy pa ring natututo kung paano isapamuhay ito—at ipahayag ito.
- Ituro mo ang theology of evangelism. Ano ba ang evangelism? Bakit ito mahalaga? Sino dapat ang gumawa nito? Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng isang matibay na biblical foundation ay lumalakas ang paninindigan. Ipakita mo sa ‘yong church na ang evangelism ay hindi isang espesyal na pagkatawag na para lamang sa mga gifted, kundi isang ordinaryong bahagi ng tapat na pagdidisipulo (Mat. 28:18–20; 2 Cor. 5:20).
Mahalagang ulit-ulitin ito—repetition is key. Ang isang iglesia na palaging pinag-uusapan ang evangelism—nang ayon sa Biblia, may kagalakan, at malinaw—ay magsisimulang magkaroon ng mga miyembrong handang humayo nang may matibay na paninindigan.
2. Ikaw Mismo ang Maging Modelo
Mas natututo ang mga tao sa pamamagitan ng panonood kaysa pakikinig. Kung gusto talaga ng mga pastor na mag-evangelize ang mga miyembro nila, sila mismo ang kailangang maging modelo nito.
- Ibahagi mo ang iyong mga pagsisikap—ito man ay tagumpay o kabiguan. Ikuwento mo ang naging pag-uusap ninyo ng isang barbero, barista, o kapitbahay—hindi para magmayabang, kundi para mas maunawaan nila kung paano mag-evangelize. Ipakita mo sa kanila kung paano maging tapat sa pagbabahagi ng ebanghelyo, kahit na medyo awkward o hindi agad nakikita ang bunga.
- Isama mo ang iyong mga members sa ‘yong paghayo. Kapag kasama mong mananghalian ang iyong kaibigang di-mananampalataya, isama mo rin ang church member mo. Kapag nasa labas ka, ugaliing tanungin ang kausap mo kung ano ang prayer request niya. Hikayatin ang mga tao na manood, matuto, at makibahagi sa gawain mo.
Ang pagpapakita ng halimbawa ay pagbibigay ng pahintulot. Nakakatulong ito upang maunawaan ng mga miyembro na ang evangelism ay hindi lamang para sa mga pastor. Maiisip nila, “Kaya ko rin palang gawin ‘yan.”
3. Magbigay ng Praktikal na Pagsasanay
Hindi kailangan ng degree sa seminary para sa evangelism, pero kailangan ng paghahanda. Marami sanang mga Kristiyano ang makakapag-share ng gospel kung meron lang silang mga tools na tutulong sa kanila para makapagsimula.
- Ituro ang simpleng mga tools. Ang isang maikling testimony, simpleng gospel outline, o ilang mga tanong ay magiging malaking tulong sa kanila.
- Magsagawa ng mga maiikling workshops o classes. Subukang mag-offer ng Sunday School class patungkol sa evangelism o ng training night minsan sa isang taon. Gumamit ng mga resources tulad ng Christianity Explored o Two Ways to Live para mas magkaroon ng kalinawan at kumpiyansa.1
- Tulungan ang mga tao na maging alisto sa pakikinig. Turuan sila kung paano magtanong nang mabuti, makinig nang may pagmamahal, at sumagot nang may biyaya at katotohanan. Ang evangelism ay hindi lamang patungkol sa pagsasalita—patungkol din ito sa pag-unawa sa taong kausap mo.
Ang goal ay hindi para maghubog ng mga eksperto sa evangelism, kundi ihanda ang karaniwang mga mananampalataya na maging tapat.
4. I-celebrate ang Katapatan, Hindi Lang ang Bunga
Isa sa mga di-kapansin-pansing paraan kung paano napapahina ng mga churches ang evangelism ay ang pag-celebrate lamang sa mga magagandang resulta ng evangelism. Madalas nating ibahagi yung mga kuwento ng mga buhay na nabago (purihin ang Diyos sa kanila!), pero bihira nating itampok yung mga conversations na tila walang nangyari—o wala pang nangyayari sa ngayon.
- Ibahagi ang mga kuwento ng katapatan. Hikayatin ang mga miyembro na i-share yung mga naging conversations nila sa iba, kahit na hindi interesado yung kausap nila.
- Bigyang-diin ang role ng Diyos sa kaligtasan. Laging ipaalala sa ‘yong church na tayo ang nagtatanim at nagdidilig, “subalit ang Diyos ang nagpapalago” (1 Cor. 3:6–7). Iniaalis nito sa atin ang pressure at pride.
- Gumawa ng culture of obedience. Kapag ang evangelism ay naging normal na bahagi ng tapat na pamumuhay ng Kristiyano—anuman ang maging resulta—ang tapang at katatagan ng mga miyembro ay lalago.
Ang Evangelism ay para sa Buong Church
Ang evangelism ay hindi dapat maging bihirang gawain o hayaan na lang sa mga “professionals.” Ito ay isang mahalagang marka ng isang healthy church. At ang markang ito ay nagsisimulang mahubog mula sa pulpito, sa classroom, sa simpleng usapan habang nagkakape, at sa mga maliliit at karaniwang pagtatapat ng mga pastor at mga miyembro.
Kapag ang mga pastor ay nagtuturo nang malinaw, nagpapakita ng sariling halimbawa, nagbibigay ng praktikal na pagsasanay, at nagse-celebrate ng katapatan, tinutulungan nila ang church na makita na ang evangelism ay hindi isang espesyal na pagkatawag para sa mga matatapang, kundi isang pangkaraniwang daloy at bunga ng isang buhay na nakaugnay kay Jesus.
Ganito natin hinihikayat ang mga di-kilalang ebanghelista. Hindi sa pamamagitan ng pamimilit o pakulo, kundi sa pagtulong sa ordinaryong miyembro na maniwala na maaari akong gamitin ng Diyos—kahit ako.
- Christianity Explored, The Good Book Company, https://www.thegoodbook.com/series/christianity-explored/; Two Ways to Live, Matthias Media, https://matthiasmedia.com/products/two-ways-to-live. ↩︎
Isinalin ni Mark Daniell S. Perico mula sa 9Marks article na “The Forgotten Evangelists: Mobilizing Ordinary Members in Everyday Evangelism” ni Michael Ruamthong. Si Michael Ruamthong ay naglilingkod bilang operations director sa Redeeming Grace Church sa Fairfax, Virginia.
Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)
Sign up to get your free pdf
By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

