Kung minsan, ang mga pastor ay nakakagawa ng mga pagkakamali pagdating sa pagsasagawa ng formal church discipline, gaya ng mga sumusunod.
- Hindi nila naituturo sa kanilang congregation kung ano ba ang church discipline at bakit nila ito dapat gawin.
- Hindi nila naisasagawa ang makabuluhang membership sa church, kasama na rito ang (1) pagtuturo sa mga tao, bago sila maging member, kung ano ang kaakibat ng pagiging miyembro ng iglesya; (2) paghikayat sa mga casual attenders na maging member; (3) masusing pag-interview sa sinumang gustong maging member; (4) palagiang paggabay sa buong kawan; at (5) pagpapanatili ng malinaw at updated list ng mga members na tumutugma sa kung sino talaga ang dumadalo sa lingguhang pagtitipon.
- Hindi nila naituturo sa kanilang congregation ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa conversion, lalo na ang kahalagahan ng tunay na pagsisisi.
- Hindi nila naituturo sa mga bagong miyembrong kakapasok pa lang sa church ang tungkol sa posibilidad ng church discipline, at hindi pwedeng basta na lang sila aalis ng church para maiwasan ito.
- Hindi nila tinitiyak kung nakasaad ba sa mga pampublikong dokumento ng iglesya (bylaws, constitution, articles of incorporation, atbp.) ang proseso ng church discipline, kaya nailalagay nila ang iglesya sa alanganin pagdating sa usaping legal.
- Hindi nila nasusunod ang mga hakbang na itinuturo ng Matthew 18 o ng 1 Corinthians 5, depende sa sitwasyon. Halimbawa, sa kondisyon ng Matthew 18, hindi nila sinisimulan ang proseso sa pamamagitan ng pribadong pagtutuwid ng kasalanan.
- Hindi sila sigurado kung gaano kabilis dapat magtungo sa pormal na pagdidisiplina—minsan ay masyado silang mabagal umaksyon, minsan naman ay padalus-dalos sila sa pagpataw ng hatol.
- Hindi nila naituturo at naipapaliwanag nang mabuti sa congregation kung bakit kinakailangang gawin ang isang specific na pagdidisiplina.
- Masyado nilang nailalahad sa congregation ang mga detalye ng partikular na kasalanan ng isang miyembro na sasailalim sa church discipline, na nagbibigay ng kahihiyan sa pamilya at nagiging dahilan ng pagkatisod ng mahihinang miyembro.
- Itinuturing nila ang proseso ng church discipline bilang isang legal na proseso, na halos nakalimutan na nila na dapat din nilang paglingkuran at alagaan ang puso ng miyembrong hindi nagsisisi.
- Hindi nila halos nabibigyang-pansin ang pagkakaiba-iba ng mga makasalanan at kung paano ito nakakaapekto sa kung gaano dapat katagal magtitiyaga ang iglesya sa nakagawiang kasalanan bago magtungo sa susunod na hakbang ng pagdidisiplina (tingnan ang 1 Tes. 5:14).
- Nakakalimutan nila na sila man ay nabubuhay rin sa awa ng Diyos na dulot ng gospel. Dahil dito, isinasagawa nila ang church discipline mula sa pusong mapagmataas—nagiging self-righteous sila! Mula sa ganitong uri ng puso ay lumilitaw ang iba pang pagkakamali, tulad ng malupit na pagsasalita at pagiging mailap.
- Hindi nila tunay na iniibig ang taong nagkasala . . . sapagkat hindi nila taimtim na idinadalangin sa Panginoon ang kanyang pagsisisi.
- Masyado silang nagdi-demand sa isang miyembrong mahina spiritually. Sa madaling salita, masyadong mataas yung kondisyon na hinihingi nila sa pagsisisi ng isang taong lubos na alipin ng kasalanan.
- Hindi nila naituturo nang wasto sa congregation kung paano dapat makitungo sa mga miyembrong patuloy na namumuhay sa kasalanan—gaya ng kung paano siya kakausapin sa mga gatherings, at paano siya hihikayatin na manumbalik.
- Hindi nila inaanyayahan ang miyembrong dinisiplina na patuloy na dumalo sa mga church services upang patuloy niyang marinig ang Salita ng Diyos (kung walang banta ng paggawa ng krimen). Gayundin, hindi nila pinaalalahanan ang church na dapat nilang i-expect na patuloy na dadalo sa mga gawain ang kanilang kapatid na dinisiplina.
- Inilalagay nila ang buong responsibilidad ng pangunguna sa proseso ng pagdidisiplina sa iisang tao lamang, sa senior pastor, kaya tuloy natutukso ang mga tao sa church na akusahan ang senior pastor ng pagiging mapaghiganti sa miyembrong dinisiplina.
- Hindi masyadong nagiging involve ang mga elders sa buhay ng congregation, kaya hindi sila aware sa tunay na kalalagayan ng mga tupa. Ang pagkukulang sa pagdi-disciple sa mga miyembro ay nauuwi sa paghina ng kakayahan ng iglesya na magsagawa ng corrective discipline nang maayos.
- Hindi nila naituturo ang Salita ng Diyos linggo-linggo.
- Hinahayaan nila ang congregation na maging judgmental sa kaso ng miyembrong dinisiplina, sa halip na turuan silang maging mapagmahal at balaan ang kapatid nilang iyon na hindi nagsisisi tungkol sa tunay na paghuhukom ng Diyos na paparating.
- Isinasagawa nila ang church discipline maging sa mga bagay na walang malinaw na katuruan ang Bibliya (tulad ng paglalaro ng baraha, pagsasayaw, atbp.).
- Isinasagawa nila ang church discipline sa anumang kadahilanan maliban sa ikabubuti ng taong dinisiplina, ikabubuti ng iglesya, ikabubuti ng mga taong nakakakita, at sa ikaluluwalhati ni Cristo.
Isinalin ni Mark Daniell S. Perico mula sa original article ng 9Marks na 22 Mistakes Pastors Make in Practicing Church Discipline, hango sa libro ni Jonathan Leeman na Church Membership: How the World Knows Who Represents Jesus.
Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)
Sign up to get your free pdf
By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

