Madalas akong tanungin ng mga pastor ng, “Paano ba namin mahihikayat ang church namin sa pagbabago?” Maraming mga pastor ang naging kaaway ang kanilang church sa pagtatangka nila na baguhin ito. Ang ilan pa nga ay pinaalis na sa church.

Gayunpaman bilang mga pastol, kailangan nating pangunahan ang ating mga churches sa pagsasaayos nito, kahit na kadalasan ay magiging mahirap ito. Narito ang ilang mga suggestions tungkol sa paghikayat sa pagbabago: teach, stay, and love.

Teach to Change

Una, ang ating mga ideas para sa ating mga churches ay dapat na mula sa Bible. Nangangahulugan ito na ang pulpito ang pinaka-powerful tool sa pagdudulot ng pagbabago sa church. Ang regular na expositional preaching ng Bible ay karaniwang paraan kung paanong kumikilos ang Espiritu ng Diyos sa puso ng tao.

Ipanalangin mong sa pamamagitan ng iyong pangangaral ay tuturuan ng Diyos ang inyong church kung paano ito dapat magbago. Nakakagulat kung gaano kadalas na tayong mga pastor ay gustong ayusin agad ang mga problema, kahit hindi pa natin naipapaliwanag kung ano talaga ang mga problema!

Maraming pastor ang pinipilit ang pagbabago sa kanilang church—na madalas dine-defend bilang “leadership”—pero ang totoo, dapat muna nilang ipaalam at ipaintindi ito sa church. Mga kapatid, dapat nating pakainin ang mga tupang ipinagkatiwala sa atin, hindi saktan sila. Turuan natin sila.

At kahit tama ang pagbabagong nasa isip mo, kailangan mo pa ring tanungin kung nasa tamang panahon na ba ito. Ang pagiging tama ay hindi license para kumilos agad. At diyan papasok ang second point.

Stay to Change

Ang idea ng pag-commit sa isang lugar ay nawawala na sa workplace at sa tahanan. Para sa mga younger generations, ang model ay hindi na parang corporate ladder na may limitadong mga daanan, sa halip, parang mosaic ng internet ngayon—punô ng iba’t ibang pagpipilian na parang walang katapusan. Tinuturuan tayo ngayon na pahalagahan ang sari-saring experiences, habang tinitingnan ang mga ito bilang nagpapalago sa isa’t isa.

Tayong mga pastor ay kailangang mag-set ng ibang model sa ating mga churches. Kailangan natin silang turuan na mabuti ang commitment, ito man ay sa asawa at pamilya, sa ating mga kaibigan at sa ating pananampalataya, o sa ating church at sa ating mga kapitbahay. Sa pagtingin natin sa mga ito bilang long-term commitments (hindi lang bibilang ng ilang buwan, kundi mga dekada), matutulungan natin ang ating mga churches na makita kung ano talaga ang dapat nilang i-prioritize.

Bilang pastor, ang pinakamalaking impluwensya mo para sa pagbabago ng inyong congregation ay hindi ang iyong pagiging mapilit. Ito ay magmumula sa maraming taon ng matapat at matiyaga mong pagtuturo. Yung mga pagbabagong hindi nangyari this year, baka mangyari next year, o after ten years pa.

Kaya choose your battles wisely, maingat mong piliin kung alin ang uunahing pagbabago. Alin ba talaga ang kailangan nang baguhin ngayon? Alin ang puwedeng ipagpaliban muna? Kadalasan, kailangang matutunan ng mga pastor ang pag-iisip na mature at pangmatagalan.

Ang matagal na pagpapastor ay malaking tulong din para sa pastor mismo. Hindi yung parang dumating ka lang para magpa-impress ng ilang taon tapos aalis ka na. Habang mas tumatagal, mas magiging totoo tayo—at yun ang nakakabuti sa puso natin at sa mga taong pinaglilingkuran natin.

Ang susi sa pagbabago ay ang manatili sa isang church nang matagal—na sapat ang panahon para maturuan mo ang congregation. Kung wala ka naman planong magtagal, mag-ingat ka sa pagsisimula ng isang bagay na hindi mo naman maipagpapatuloy, at ipapasa mo lang sa susunod na magpapastor. Huwag mong iiwanan ang congregation na matigas ang puso laban sa ’yo, sa susunod na pastor, o sa mismong pagbabago.

Noong nag-aaral pa ako sa seminary, ginawa kong modelo ang tatlong Cambridge Anglican clergymen. Lahat sila ay may expositional ministries sa iba’t ibang lugar sa loob ng maraming taon—sina Richard Sibbes (naglingkod sa Cambridge at London ng 30 years), Charles Simeon (sa Cambridge ng higit 50 years), at John Stott (sa London ng higit 50 years). Dahil sa biyaya ng Diyos, napatibay nila ang church na kanilang pinagsilbihan at nakaimpluwensya sila sa mga susunod na henerasyon ng mga pastor dahil sa kanilang tapat na paglilingkod sa mahabang panahon.

Love to Change

Para naisin ang mga tamang pagbabago, para maituro ang mga ito, at para tumagal ka sa pinagpapastoran mo, kailangan mong magmahal. Kailangang mahalin mo ang Panginoon, at kailangang mahalin mo ang mga taong ipinakatiwala niya sa ‘yo.

Sabi ni Clement of Rome, “Si Cristo ay para sa may mapagpakumbabang puso, hindi para sa mga nagtataas ng sarili sa kanilang mga kawan.” Mula sa pag-ibig nanggagaling ang patient care—yung paulit-ulit na nagdadala ng congregation sa Salita ng Diyos.

Si Jonathan Edwards ay hindi nagkulang sa katapatan bilang pastor kahit tinanggal siya ng congregation niya. May ilan sa atin na nagpastor nang sandali at tapat. Pero hindi iyon ang concern ko dito. Ang gusto ko lang ipaisip sa iyo sa sinulat kong ito ay kung paano mo maaaring pangunahan ang iyong congregation—sa pamamagitan ng pagtuturo, pananatili, at pagmamahal—tungo sa tunay na pagbabago ayon sa Bible.


*Salin ni Galen Ezekiel Carlos mula sa 9Marks article ni Mark Dever na How to Change Your Church. Si Mark Dever ang senior pastor ng Capitol Hill Baptist Church sa Washington, D. C., at ang President Emeritus ng 9Marks.

Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)

Sign up to get your free pdf

By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

Leave a Reply