Natuto akong magbasa nung 18 or 19 years old ako. Totoong nagbabasa talaga. Pero bago yun, ang pagbabasa ko ay limitado lang sa menu sa isang restaurant o sa resulta ng football sa TV. Pero may nabasa akong isang libro at na-discover kong sobrang nagustuhan ko ang pagbabasa. Doon ko naisip na baka maganda namang idea itong pagbabasa ng libro. 

May nagregalo sa akin ng isang maliit na librong isinulat ng napakatalinong lalaki na ang pangalan ay John Owen (kilala rin sa leather boots niyang hanggang tuhod at paggamit ng maraming wax sa buhok). Tinapos ko yung basahin agad-agad. Pagkatapos, bumisita ako sa isang local Christian book shop para tingnan kung may mga libro sila na isinulat ng author na ‘to. Nakahanap ako ng isa na may pamagat na The Death of Death in the Death of Christ, kaya binili ko yun at inuwi sa bahay.  

Nabasa ko ito sa pinakaunang pahina:

Sa Mambabasa—kung ikaw ay nagnanais magpatuloy (hindi magandang simula ‘to—mahirap unawain ang mga lumang salita), ipinamamanhik kong ikaw ay manatili muna rito sandali. Kung ikaw, katulad ng karamihan sa mapagpanggap na panahong ito, ay iyong tipong tumititig lamang sa anyo o pamagat ng mga aklat, at lumalapit sa mga libro upang agad ding lumisan—nakuha mo na ang hinahanap mo; sige na, paalam!

I-paraphrase natin: “Kung, sa scale ng pagiging mangmang sa pagiging professor, nasa bandang dulo ka ng pagiging mangmang sa spectrum, ibaba mo na itong libro nang dahan-dahan, at pwede ka nang umalis.” Isang page, isang sentence, isang linya, at sinabihan ako ng, “Nakuha mo na ang trip mo. Sige, paalam!” Parang naririnig ko yung boses ni Owen mula sa daan-daang taon para sabihing, Andy, sumuko ka na; walang pictures sa librong ito, masyado ‘tong mahirap para sa ‘yo, at hindi mo ‘to kayang intindihin. Bumalik ka na sa TV. Kaya sinarado ko yung libro at hindi na binasa mula noon. 

Ngayon, ito yung tanong ko: Ganito rin ba ang Bibliya? Ang Bibliya ba ay para lang sa mga professors, experts, akademiko, at mga nerd? Para lang ba ito kay John Owen at hindi kay Andy Prime? Para lang ba ito sa mga preachers at hindi sa mga church members? Para lang ba ito sa mga maykaya sa buhay? Pwede ba ito para sa mga tao sa pabahay sa amin o mga squatters sa inyo? Masyado ba itong mahirap? Hindi ba ito arok ng mga normal na tao, at para lamang ito sa mga piling tao?

Ang Salita ng Buhay

Tingnan mo ang salita ng Diyos mula sa Deuteronomy 30:14—“Napakalapit ng kautusan sa inyo . . .” (MBB)

Dito sa passage sa Deuteronomy, nakatayo si Moises sa harap ng bayan ng Diyos, humihinga nang malalim matapos niyang ipahayag ang napakabibigat na mga sermon. Walang duda na ang mga tao ay nabigatan sa mga sermon. Ngunit, pansinin mo na tinapos ni Moises ang mga sermon niya sa climax na naglalaman ng four negatives sa verses 11–14. Ang salita ng buhay ay: 

  • Hindi napakahirap unawain.
  • Hindi lagpas ng arok mo. 
  • Hindi nasa langit.
  • Hindi lagpas sa dagat. 

Sinasabi ng Diyos na ang Salita niya ay hindi sobrang komplikado para sa ‘yo. Ito ay available sa lahat, ito ay praktikal, ito ay posibleng maintindihan, ito ay para sa lahat, at hindi lang para sa pastor mo. Para makilala ang Diyos at maintindihan ang kanyang Salita, hindi mo kailangang maging isang spiritual superhuman. Ang kahulugan ng kanyang Salita ay hindi nakatago sa karamihan, na para bang matutuklasan lang nung mga sobrang matatalino at nagbabasa ng daan-daang mga libro.  

Sinabi ni Moises sa 30:14, “Napakalapit ng kautusan sa inyo.” Ang pahayag na ‘yan ay kasing simple ng pagiging maikli nito. Ang Salita ng Diyos ay malinaw dahil inilapit niya ito sa atin. Ang pagiging malapit nito ay sapat upang makita, marinig, mahawakan, at maunawaan. “Nasa inyong mga labi at nasa inyong mga puso.”  

Hindi ito ang unang beses na makikita natin sa Deuteronomy ang salitang “malapit.” Mababasa rin natin ito sa Deuteronomy 4:5–8:

“Itinuturo ko sa inyo ang mga utos at mga tuntunin na ibinigay sa akin ng Panginoon na aking Dios para inyong sundin pagdating ninyo sa lupaing pupuntahan ninyo at titirhan. Sundin ninyo ito nang buong tapat, dahil sa pamamagitan nitoʼy maipapakita ninyo ang inyong kaalaman at pang-unawa sa ibang mga bansa. Kung maririnig nilang lahat ang tuntuning ito, sasabihin nila, ‘Totoo nga na marunong at may pang-unawa ang mga tao ng makapangyarihang bansang ito.’ Wala nang iba pang makapangyarihang bansa na may dios na malapit sa kanila gaya ng Panginoon na ating Dios na malapit sa atin sa mga panahong tumatawag tayo sa kanya. At wala nang iba pang makapangyarihang bansa na may mga utos at tuntunin na katulad ng itinuro ko sa inyo ngayon.” (ASD)

Ang pagiging malapit ng Diyos ay nagpapakita ng kanyang kadakilaan at kagandahang-loob. Ang Diyos na walang-hanggan ay nagpakilala sa mga taong mortal. Ang Diyos ng karunungan ay nagbigay ng mabuting kautusan sa mga taong mangmang. Ang Diyos ng buong sansinukob ay pumili ng mga taong maliliit at walang halaga upang kainggitan ng lahat ng mga bansa. Ang banal na Diyos ay lumapit sa mga taong makasalanan.

Makikita sa konteksto ng Deuteronomy na alam ni Moises na mabibigo ang mga tao. Ito ay expected na; hindi dahil hindi nila maintindihan ang mga utos ng Diyos, kundi dahil hindi nila sinusunod ang mga ito. Pero kasabay ng inaasahang pagkabigo, ipinapakita rin ng konteksto ang pagsilang ng isang pangako. Ayon sa Deuteronomy 30:6, “Babaguhin ng Panginoon na inyong Diyos ang mga puso ninyo at ang mga puso ng inyong lahi upang mahalin ninyo siya nang buong pusoʼt kaluluwa, at mabubuhay kayo nang matagal” (ASD). Ang karapat-dapat na tugon sa Kautusan ng Diyos ay hindi basta masugid na pagsunod sa Kautusan. Sa halip, ang buhay ng mananampalataya ay dapat na nakaangkla sa pagtitiwala sa mga pangako ng Diyos sa hinaharap. Ang pagpili ng buhay na ito ay pagtitiwala na lumapit ang Diyos sa pamamagitan ng mga pangako niya. 

Ang Salita ni Cristo

Fast forward sa mga pahina ng Bibliya mo, at sa paglipas ng mga taon sa kasaysayan ng pagliligtas ng Diyos, makikita mo ang katuparan ng pangakong iyon sa Romans 10. Makikita mong ginamit ni Pablo ang parehas na lenggwahe para ihayag ang halos pareho ngunit mas malalim na punto. Mula sa kalinawan ng salita ng Diyos patungo sa kalinawan patungkol kay Cristo at sa kaligtasan. Binanggit ni Pablo ang Deuteronomy 30 para ibuod ang mabuting balita. Kung paanong hindi lang pang-Superman ang Kautusang nasa labi mo at nasa puso mo ayon sa Deuteronomy 30, ganoon din ang kaligtasan, hindi ito para lang sa mga may superhuman abilities, ayon sa Romans 10. 

Ang kadakilaan at kagandahang-loob ng Diyos ay nakikita sa kanyang Salita dahil dito natin nakikita ang Tagapagligtas, na siyang katuparan ng mga pangako ng Diyos sa nakaraan. Sa Romans 10, ang camera ay naging sobrang focused kay Jesus. Hindi mo kailangang umakyat ng langit para makilala ang Diyos dahil bumaba siya sa katauhan ng kanyang Anak. Ganoon siya kalapit noong dumating. Hindi mo rin kailangang bumaba sa kalaliman upang maligtas dahil ang Diyos, sa pamamagitan ni Jesus, ay pumasok sa libingan upang muling mabuhay at magbigay ng buhay. Ganoon ito kalinaw. 

Ang point ni Pablo ay ito: hindi natin nakakamtan ang kaligtasan sa masugid nating pagsunod sa Kautusan. Napakahirap noon para sa atin. Sa halip, matatagpuan ito sa kagandahang-loob ng Diyos. Hindi tayo superhuman—at hindi natin kailangang maging superhuman. Lumapit ang Diyos sa atin sa pamamagitan ng tunay na Diyos-at-Taong si Jesus, na ating Panginoon. Si Jesus, na siyang sumunod sa kabila ng pagsuway mo, ay namatay na isinumpa dahil sa pagsuway natin, upang tayo’y mabuhay sa pagpapala ng pagsunod niya. Kay Cristo, ang kaligtasan ay lumapit, ito’y abot-kamay na natin, at ito’y available sa lahat nang walang pagtatangi. Ang kahalagahan ng pagiging malinaw ng Bibliya ay mas malinaw nating nakikita ang Tagapagligtas. Ang kahandahan ng pagiging malinaw ng Salita ng Diyos ay ang katotohanang malapit sa atin ang Tagapagligtas. 

Bakit Ito Importante

Bakit importante ang doktrinang ito sa ministry? Karamihan sa mga tao sa community mo ay maaaring mas nagbabasa kaysa sa iyo o sa akin. Pero maaaring ang ilan ay illiterate o hindi marunong magsulat at magbasa. Ganun pa man, hindi natin maikakaila na inihayag ng Diyos ang sarili niya—nang perpekto at kumpleto—sa isang libro.

Kaya nga, sa pakikisalamuha natin sa mga taong hindi pa sanay o hindi mahilig magbasa, yung mga taong wala pang experience o desire sa pagbabasa ng Bibliya, mayroon tayong total confidence na sa pagbubukas natin ng mga pahina nito, ang Diyos ay malapit sa atin at si Jesus ay malinaw nating makikita. Totoo namang may mga bagay na hindi nila—at natin—lubos na mauunawaan. Sabi nga sa Westminster Confession, “Hindi lahat ng bagay sa Kasulatan ay pantay‐pantay ang kalinawan”; ibig sabihin, ang ilang bahagi ay mas mahirap maunawaan kaysa sa ibang bahagi. Si apostol Pedro man ay umamin ng gayundin tungkol sa mga sulat ni Pablo; mahirap itong maintindihan, ngunit hindi imposible; ito ay abot-kamay. 

Kaya nga, ang ministry natin ay Word ministry. Ang trabaho natin ay ipangaral at ipahayag ang Salita ng Diyos para ang Diyos mismo ang magbubukas ng mga bulag na mata, mag-aalis ng takip, at magtatanggal ng mga balakid sa paningin ng ating mga tagapakinig—sa pamamagitan ng Banal na Espiritu.


*Salin ni Jheddilyn Rucio mula sa 9Marks article ni Andy Prime na Is the Bible Too Complicated for Those Who Struggle to Read?. Si Andy Prime ay isang church planter sa 20 Schemes ministry sa Gracemount, Edinburgh.

Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)

Sign up to get your free pdf

By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

Leave a Reply