Isang umaga, nakaupo ako sa paborito kong coffee shop, nagbabasa ng Bible at nagsusulat sa journal. Isang lalaki na dumaan sa table ko ang nakapansin na Bible ang binabasa ko at nagsimula siyang makipag-usap sa akin.
Ibinahagi niya na siya ay isang miyembro ng isang malaking church sa aming lugar (yung nagpi-preach ng prosperity “gospel”), at siya ay naniniwala na ang Bible ay isang libro tungkol sa intensyon ng Diyos na pagpalain tayo.
Sinabi ko na ang Bible ay isang libro tungkol sa kung sino ang Diyos, sino tayo, at ano ang ginawa ng Diyos para ipagkasundo tayo sa kanya. Nagsimula akong ibahagi ang gospel, at sinabi ko na ang mga Kristiyano ay pinangakuan ng paghihirap bilang bahagi ng pagsunod kay Jesus.
Sinabi niya na basta tayo ay may pananampalataya, pagpapalain tayo ng Diyos at ilalayo sa mga paghihirap. Tinukoy ko ang ilang mga talata kung saan ipinangako ng Diyos na ang mga mananampalataya ay magdurusa ng mga karaniwang pagsubok at ng mga partikular na pag-uusig. At sa puntong iyon ay itinaas na niya ang kanyang kamay at sinabi, “Hindi ko ‘yan tinatanggap para sa buhay ko.”
Nito lamang ay nakunan ang aking asawa, nawala ang ipinagbubuntis niya, at naramdaman ko na gusto kong ibahagi iyon sa kanya. Ipinaliwanag ko na kapag naranasan natin ang mga pagsubok katulad noon, hindi natin puwedeng sabihin na lang na, “Hindi ko ‘yan tinatanggap sa buhay ko,” at mapaalis na lang basta ang mga iyon. Sinabi ko na rin na napagtagumpayan na ni Jesus ang mundo, at ipinangako niya na hindi niya tayo iiwan o pababayan man sa ating mga pagdurusa—mga pangakong umaaliw sa atin sa ating mga paghihirap.
Naniniwala ako na ang aking pagiging bukás at ang bigat ng aking pinagdaanan ay hindi niya inaasahan, kaya nagpahayag siya ng pakikiramay at nagpaalam na. Pero ang buong karanasan ay nakapagpaisip sa akin: paano natin mas maihahanda ang ating sarili sa pag-eevangelize sa mga naniniwala sa prosperity “gospel”?
Bakit Napakahirap Nito?
Ang pagbabahagi ng gospel sa mga taong naniwala sa hindi biblikal na mensahe na si Jesus ay namatay para gawin tayong malusog, mayaman, at matagumpay ay challenging sa maraming kadahilanan, pero may dalawang pangunahin dito.
1. Ang mensahe ng kaginhawahan o prosperity ay nakakaakit sa laman.
Una, ang mensahe ng kaginhawahan ay nakakaakit sa laman. Sinasamantala ng prosperity “gospel” ang natural na pagnanais para sa kalusugan at kayamanan at ipinapangako kung ano ang ninanais ng ating makasalanang puso. Walang panawagan para magsisi sa kasalanan, walang panawagan na itakwil ang sarili, pasanin ang iyong krus at sumunod kay Jesus; walang panawagan na mamatay (Mar. 10:34-35).
Bilang resulta, kapag ibinahagi natin ang gospel sa sinumang naniniwala sa prosperity “gospel,” tinatawag natin siya na talikuran ang kanyang paniniwala sa isang mensaheng kaakit-akit sa laman para palitan ng isang paniniwala sa isang mensaheng hindi kaakit-akit.
2. Ginagamit nila ang parehong salita na ginagamit natin, pero may ibang pakahulugan.
Pangalawa, ang mga naniniwala sa prosperity “gospel” ay gumagamit ng parehong salita sa atin, pero may ibang pakahulugan. Halimbawa, kapag ginamit ko ang salitang pananampalataya, ang ibig kong sabihin ay isang regalo mula sa Diyos na ipinagkaloob sa akin para maniwala na totoo ang Salita niya at na ang kanyang Anak ay si Cristo (1 Cor. 2:14; Juan 6:44, 65). Kapag ginamit ng maraming naniniwala sa prosperity “gospel” ang salitang pananampalataya, ang ibig nilang pakahulugan ay isang gamit o instrumento para magkaroon ng pagkakautang sa atin ang Diyos. Ang pananampalataya ay isang paraan na ginagamit natin para makuha ang gusto natin mula sa Diyos.
Isa pang halimbawa, kapag ginamit ko ang salitang gospel, ang ibig kong sabihin ay iyong mabuting balita ng buhay, kamatayan, at muling pagkabuhay ni Jesus (1 Cor. 15:1–4; Gal. 2:10–14). Kapag ginamit ng maraming naniniwala sa prosperity “gospel” ang salitang gospel, ang ibig nilang sabihin sa “mabuting balita” ay ninanais ng Diyos na tayo ay maging malusog, mayaman, at masagana.
Limang Tips sa Pag-eevangelize sa mga Naniniwala sa Prosperity Gospel
Malinaw ang sinabi ni Pablo na lahat ng Kristiyano, lalo na ang mga pastor, ang dapat na nagbabahagi ng ebanghelyo at dapat tayong “maging handa na mangaral ng Salita ng Diyos napapanahon man o hindi” (2 Tim. 4:1–5). Paano ngayon natin ibabahagi ang ebanghelyo sa mga naniniwala sa prosperity “gospel”?
1. Buong pagpapakumbabang kilalanin mo na kung wala ang biyaya ng Diyos, tayo man ay maniniwala sa hindi totoong gospel.
Buong pagpapakumbabang kilalanin mo na kung wala ang biyaya ng Diyos, tayo man ay maniniwala sa hindi totoong gospel. Kung totoo na ang prosperity “gospel” ay nakakaakit sa laman at tayo ay ipinanganak na patay sa kasalanan (Efe. 2:1), ang biyaya lamang ng Diyos kung ganoon ang tanging dahilan kaya nakikilala natin ito bilang false gospel. Dapat tayong dalhin nito sa mapagpakumbabang pakikipag-usap sa mga naniniwala sa kasinungalingan ng prosperity “gospel.”
2. Kilalanin o i-affirm mo kung ano ang totoo sa prosperity “gospel”
Hayaan mo akong linawin ito: ang prosperity “gospel” ay isang counterfeit o pekeng gospel. Pero ang mga counterfeits ay kailangang maging kamukha ng totoo para maging kapani-paniwala. Kaya kilalanin o i-affirm mo kung ano ang totoo sa prosperity gospel.
Ang prosperity “gospel” ay base sa isang theistic worldview. Tama ito sa pagsasabi na mayroong pagpapala sa pagsunod kay Jesus—kahit sa buhay na ito (Mar. 10:29–30). Ito ay base sa matibay na paniniwala na nakikinig at sumasagot sa panalangin ang Diyos (San. 5:16), at kinikilala nito ang katotohanan na ginagantimpalaan ng Diyos ang pananampalataya (Mat. 9:29).
Ang prosperity “gospel” ay hindi ganap na walang katotohanan, at hindi tama ni nakakatulong sa evangelism ang magpanggap nang kabaligtaran.
3. Kumprontahin mo ang mga kasinungalingan at pagkakamali ng prosperity “gospel.”
Kumprontahin mo ang mga kasinungalingan at pagkakamali ng prosperity “gospel.” Ang isa sa mapanganib na kasinungalingan ng prosperity “gospel” ay ito: ang laki o dami ng iyong pananampalataya ang nagdedetermina ng iyong matatanggap mula sa Diyos. Subalit, malinaw ang Bible na ang object ng ating pananampalataya, hindi ang laki o dami ng ating pananampalataya, ang mahalaga. Kung tayo ay may malaking pananampalataya sa mga diyus-diyosan, hindi nila tayo ililigtas; kung tayo ay may kahit maliit na pananampalataya kay Jesus, ililigtas niya tayo (Juan 14:1–14).
Ang isang malaking pagkakamali ng prosperity “gospel” ay ito: wala itong ibinibigay na tulong kapag dumating ang paghihirap (Juan 16:33). Kung naniniwala tayo na ang ating pananampalataya ay mag-aalis sa atin mula sa mga paghihirap, mapipilitan tayong maniwala na nagsinungaling ang Diyos sa atin, na wala talagang Diyos, o na wala tayong sapat na pananampalataya—at walang totoo sa mga ito.
4. Panghawakan mo ang pag-asa ng biblical gospel.
Panghawakan mo ang pag-asa ng biblical gospel. Sinasabi sa atin ng gospel na walang mabuting bagay ang karapat-dapat nating tanggapin mula sa Diyos. Dapat tayong parusahan nang walang hanggan dahil sa ating mga kasalanan. Ngunit ang Diyos, na mayaman sa awa, ay itinuring tayong matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesus, pananampalataya sa kung sino siya at ano ang ginawa niya.
Tumanggap man tayo ng maraming pagpapala o hindi sa buhay na ito, ang mabuting balita ay ito: sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, ang mga kasalanan natin ay napatawad na at tayo ay naibilang na sa pamilya ng Diyos. Ang kaalamang iyon ay maglalayo sa atin sa pagsamba sa mga mabubuting bagay o kaya ay sa pagiging discouraged kapag hindi natin natanggap ang mga mabubuting bagay sa buhay na ito.
5. Ipamuhay mo ang isang generous life na nagpapakita na ang ating pinakadakilang kagalakan ay natagpuan natin sa Diyos, hindi sa mga materyal na bagay na ibinibigay ng Diyos.
Panghuli, ipamuhay mo ang isang generous life na nagpapakita na ang ating pinakadakilang kagalakan ay natagpuan natin sa Diyos, hindi sa mga materyal na bagay na ibinibigay ng Diyos. Kung sinasalungat natin ang prosperity “gospel” mula sa Bibliya ngunit nabubuhay naman na nagkakamkam ng pera at ari-arian, napapawalang-saysay natin sa ating pamumuhay ang anumang nagawa natin sa ating mga labi.
Kapag tayo ay nabubuhay nang bukas-palad, ipinamamahagi ang kasaganaan na ibinigay sa atin ng Diyos, lumilikha tayo ng oportunidad para ibahagi ang biblical gospel. Isinulat ni Pablo, “Hindi kaila sa inyo ang kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na kahit na mayaman ay naging dukha upang maging mayaman kayo sa pamamagitan ng kanyang pagiging dukha” (2 Cor. 8:9).
Ang pagbibigay nang bukas-palad ay nagpapakita sa iba na si Cristo ang ating pinakadakilang kayamanan, at pinapahalagahan natin siya at ang kanyang ginawa alang-alang sa atin higit sa ano pa man na ipagkakaloob sa atin ng Diyos.
Salin sa Filipino/Taglish ng “Evangelizing Prosperity Gospel Adherents” na isinulat ni Allen Duty; isinalin ni Marie Manahan.
Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)
Sign up to get your free pdf
By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

