Ano nga ba ang church membership?
Ang membership sa isang church ay ang paraan kung paano natin kinikilala formally ang mga members. Ito rin ang proseso kung saan tayo ay nagko-commit sa isa’t isa bilang magkakapatid sa pananampalataya kay Cristo. Pinapatunayan ngayon ng pagsunod natin sa ordinances (baptism at Lord’s Supper) ang ating church membership. Ang definition na magagamit natin ay ito—ang church membership ay ang pagpapatunay ng isang church sa pananampalataya ng isang Kristiyano, gayundin ang pangangasiwa ng church sa discipleship ng nasabing Kristiyano. Kalakip din nito ang pagpapasakop niya sa pagpapatunay at pangangasiwa ng nasabing church.
Yung salitang nagpapasakop ay medyo nakakatakot, lalo na kung iisipin mo ito sa picture ng isang church na hindi mo naman mga kadugo. Pero kailangan itong sabihin at maging malinaw sa lahat ng mga sasali sa isang church. Kapag ikaw ay naging miyembro ng isang church, hindi ka lang nagpapasakop sa mga leaders ng isang “institution”—na kung katulad sa isang gobyerno ang iisipin natin ay usually medyo malabo ‘yan at hindi talaga iniintindi ng mga tao. Ang pagpapasakop sa church ay pagpapasakop sa isang pamilya at sa lahat ng miyembro ng pamilyang ito. Parang ganito ang sinasabi mo: “Itong mga taong ito mismo ang mga Kristiyanong pinipili kong papasukin sa buhay ko at hinahayaang maging accountable sa akin para sa patuloy kong pagsunod kay Cristo. Binibigyan ko sila ng responsibilidad na bantayan ang aking buhay Kristiyano. Kapag ako ay discouraged, responsibilidad nila na bigyan ako ng encouragement. Kapag ako ay lumihis ng landas, responsibilidad nila na itama ako. Kapag ako ay hirap sa pera at naghihikahos sa buhay, responsibilidad nila na alalayan ako.”
Pero isipin din natin na ang commitment na ito ay kailangan mo ring ibigay sa kanila. Habang binibigyan mo ng responsibilidad ang church na ito na alagaan ka, ikaw rin ay may responsibilidad na alagaan sila—silang lahat. Miyembro ka na rin ng church, at may trabaho ka na rin sa pagpapatunay at pangangasiwa sa pananampalataya at discipleship nila. Babalikan natin ang puntong ito maya-maya lang.
Ang isang bagay na dapat maging malinaw na malinaw sa atin pagkatapos nating pag-usapan lahat iyan ay ito—na ang baptism, Lord’s Supper, at church membership ay magkakalakip at hindi puwedeng paghiwa-hiwalayin. Maaaring may mga exception, pero halos lahat ng mga church ay ganito—ang baptism ay para sa pagpasok sa membership, at ang Lord’s Supper ay isang pribilehiyo para sa mga members, ito man ay sa sarili niyang church o kung bibisita siya sa ibang church. Bakit ganito? Kasi ang tatlong bagay na ito ay basically iisa ang ginagawa—ang pagpapatunay at pagmamarka kung sino ba ang mga tunay na mananampalataya. Itong tatlong bagay na ito ang nagpapahayag sa lahat ng mga bansa sa mundo, “Narito ang mga mamamayan ng kaharian ng Diyos.”
Hindi pa ba Sapat na Kasali na Ako sa Universal Church?
May mga taong nagsasabi na, “Hindi ko na kailangang sumali sa isang local church. Kasali na naman ako sa universal church ni Cristo.” (Ang tinutukoy na universal church ay yung kabuuan ng katawan ni Cristo sa buong mundo, sa buong kasaysayan—lahat ng tunay na Kristiyano, basically.) Tama ba ito? Okay lang ba na kalimutan na natin ang local church dahil kasali na naman tayo sa universal church simula nung tayo ay naging Kristiyano?
Sa madaling salita, ang sagot diyan ay, “Hindi.” Totoo ngang hindi mo kailangang sumali sa church para maligtas. Ang kaligtasan natin—o membership sa universal church—ay biyaya sa atin ng Diyos (Ef. 2:11–22), kung paanong ang kapatawaran ng kasalanan natin at ang pananampalataya natin ay pawang grasya lang din ng Diyos. Pero para masunod ang Salita ng Diyos, kailangan mong sumali sa isang local church. Kung ang pananampalataya natin ay napapatunayan ng ating mga gawa (Col. 3:10, 12; San. 2:14–16), ang pagsali sa local church ang nagpapatunay naman ng membership natin sa universal church. Hindi puwedeng manatiling “idea” lang ang kaligtasan natin. Kung totoo nga na ligtas tayo, mapapatunayan dapat ito hindi lang sa isipan kundi dahil kasama ka rin sa isang tunay na kapatiran—sa isang tunay na pagtitipon, kasama ang mga tunay na taong makikilala mo sa mga pangalang tulad nina Mang Raul, Aling Linda, Kuya John, at Ate Myra.
Kung sumasaiyo ang Banal na Espiritu, gugustuhin mong sumali sa katawan ni Cristo. Hindi mo mapipigilan ang sarili mo. Ang tunay na kaligtasan (membership sa universal church) ay dadalhin ka patungo sa local church membership. At gaya ng napag-usapan na natin, ang local church naman din ang nagpapatunay ng iyong universal church membership, o kaligtasan kumbaga.
Malamang nagkaroon ka na rin ng mga kaibigan na inisip nilang kaya nilang maging Kristiyano kahit hindi sila kasali sa isang local church. Alam na natin ang nangyayari sa ganyan, na dahan-dahang nasisira at nabubulok ang kanilang pananampalataya, at minsan nga’y nawawala na nang tuluyan. May isang kaibigan ako na inimbita kong sumali na sa church namin kasi uma-attend naman siya nang ilang buwan na. Tinanggihan niya ako dahil ayaw niya na may nakikialam sa buhay niya. Ang hindi ko alam, nalululong na rin pala siya sa malalim na kasalanan. So hindi na ako nagulat nang minsan ay sinabi niya sa akin habang nagkakape kami, “Jonathan, hindi na ako Kristiyano. At least, hindi na ako katulad ng definition mo ng isang Kristiyano.”
Ang church membership ay nagbibigay ng kapanatagan sa mga tulad nating tupa, dahil si Cristo ang Mabuting Pastol. Binibigyan tayo nito ng sustansya na parang bahagi ng katawan, kung saan si Cristo ang Ulo. Nararanasan natin ang pagmamahal ng isang pamilya, kung saan si Cristo ang Panganay sa maraming magkakapatid. Binibigyan tayo nito ng obligasyon at responsibilidad bilang mamamayan sa isang bansang pinili para maging banal, kung saan si Cristo ang Hari.
Nasa Bible ba ang Church Membership?
Isang palagi ring tinatanong ng mga tao ay kung biblical ba ang church membership. Baka ikaw rin, naitanong mo na ito minsan.
Kung maikli lang ang oras para sagutin ang tanong na iyan, maaaring ituro namin kayo sa Mateo 18:17 at 1 Corinto 5:2, kung saan sinabi ni Jesus at ni Pablo ang tungkol sa pagtanggal ng isang tao sa kapatiran, o ang sinasabi ni Pablo sa pagiging “nasa loob” ng iglesya (1 Cor. 5:12). O puwede ring ipakita namin sa ‘yo ang Gawa 2, kung saan sinabi ni Lucas na tatlong libo ang “nadagdag” sa church sa Jerusalem (v. 41). O puwede rin naman sa chapter 6 na sinabing “tinipon nila ang buong kapulungan ng mga mananampalataya” (v. 2). Hindi nga ginagamit yung terminong “church membership” sa Bible, pero kitang-kita naman ito sa halos bawat talata sa New Testament na nabanggit ang church o iglesya. Pakinggan mo ang sinabi ni Lucas, “Subalit ang iglesya ay taimtim na nanalangin sa Diyos para sa kaniya” (12:5), o ang pagsulat ni Pablo “sa mga iglesya sa Galacia” (Gal. 1:2). Wala silang mga kagamitan o proseso na ginagawa natin ngayon—membership classes, membership documents, o database ng mga pangalan ng members—pero kilala nila ang isa’t isa, alam nila ang pangalan ng bawat isang kasama sa kapatiran.
Pero kung titingnan natin, may mas malalim na kuwento na mahalagang makita natin para maintindihan ang gustong gawin ng Diyos sa mga local church natin. Sa kabuuan ng Bible,
palaging minamarkahan ng Diyos ang mga boundary palibot sa kaniyang mga anak. Ang Garden of Eden ay may labas at loob. Yung ark ni Noah ay may labas at loob. At noong nasa Egypt pa ang mga Israelites, sila ay nasa loob ng probinsya ng Goshen—may labas din at loob. Isipin na lang natin yung mga salot na ibinaba ng Diyos. May ilan doon na para lang talaga sa mga Egyptians, at hindi sa mga Israelites. Ang sabi ng Diyos,
Ngunit ililigtas ko ang lupain ng Goshen, ang tirahan ng mga Israelita. Hindi ko sila padadalhan ni isa mang langaw para malaman niyang akong si Yahweh ang siyang makapangyarihan sa lupaing ito. Sa pamamagitan ng kababalaghang gagawin ko bukas, ipapakita ko na iba ang pagtingin ko sa aking bayan at sa kaniyang bayan. (Ex. 8:22–23)
Langaw! Isipin mo ‘yon—langaw ang ginamit ng Diyos para ipakita kung sino ang bansang pinili ng Diyos. Pagkatapos, nagpunta ang mga Israelita sa disyerto, at binigyan din sila ng Diyos ng mga kautusang susundin ukol sa kalinisan, para malaman ng mga tao ang loob at labas ng kanilang kampo. Ang mga maruruming tao ay kailangang doon muna sa labas mamalagi. At sa bandang huli, dinala sila ng Diyos sa lupang pangako, na mayroon din namang labas at loob.
Minamarkahan ng Diyos kung sinu-sino ang sa kaniya para maipakita sila sa mundo para sa kaniyang karangalan. Gusto niya na nakikita at napapansin ang mga “embassy” na ito. Kaya
hindi na tayo dapat magulat na si Pablo ay ganito rin magsalita at magsulat:
Huwag kayong makisama sa mga di-sumasampalataya na para bang kapareho ninyo sila. Maaari bang magsama ang katuwiran at ang kalikuan? O kaya’y ang liwanag at ang kadiliman? Maaari bang magkasundo si Cristo at ang Diyablo? Ano ang kaugnayan ng sumasampalataya sa di- sumasampalataya? O di kaya’y ng templo ng Diyos sa diyus-diyosan? Hindi ba’t tayo ang templo ng Diyos na buháy? Siya na rin ang maysabi,
“Mananahan ako
at mamumuhay sa piling nila.
Ako ang magiging Diyos nila,
at sila’y magiging bayan ko.
Kaya’t lumayo kayo sa kanila,
humiwalay kayo sa kanila,” sabi ng Panginoon.
“Iwasan ninyo ang anumang marumi,
at tatanggapin ko kayo.
Ako ang magiging ama ninyo,
at kayo’y magiging mga anak ko,”
sabi ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat.
(2 Cor. 6:14–18)
Kapag nagtatanong ang mga tao kung ang church membership ba ay nasa Bible, ang hinahanap nilang picture ay parang membership sa isang gym o sa isang club. Hindi mo nga mahahanap ang ganyan sa Bible. Tanggalin na natin sa isip natin ang mga ganyang ideas. Ang intindihin natin ay kung paano maging “templo ng Diyos na buháy,” kasi ito yung picture na ipinapaliwanag sa atin ni apostol Pablo. Ang templong ito ay hindi puwedeng “makisama” o “makipagkasundo” sa mga hindi mananampalataya. Bakit ganoon? Kasi ang Diyos mismo ang naninirahan sa templong ito. Ipinapakita niya na ang templong ito ay sa kaniya lamang. Oo naman, kailangan pa rin nating imbitahan ang mga hindi Kristiyano sa mga pagtitipon natin (1 Cor. 14:24–25). Pero kailangang maliwanag na ipinapakita ng church kung sino ang kasali dito at sino ang hindi, para maintindihan ng mga nakatingin sa atin kung para saan ba talaga ang church. Gusto ng Diyos na makita tayo ng mundo at maintindihan nila ang pagkakaiba natin sa kanila, para maipaliwanag natin nang lubos ang kagandahan ng ating pananampalataya.
Kaya nga kahit hindi man nabanggit ang term na “church membership” sa mga sulat sa New Testament, ito ay isang realidad na nasa likod ng bawat pahina nito. Medyo iba nga lang ang mga salitang ginamit, pero maiintindhan natin na church membership ang pinag-uusapan nila. Ang membership sa church ay membership sa isang pamilya. Sa isang pamilya, tayo ay may mga obligasyon. Ang membership sa church ay pagiging bahagi ng isang katawan. Kailangang konektado tayo palagi sa lahat ng bahagi nito. Sa mga ganitong description sa Bible, naiintindihan natin ang church membership. Lahat ng mga description at pictures na ito ay kailangan nating maintindihan, dahil walang anumang bagay sa mundo ang katulad ng church.
Ang article na ito ay hango sa Filipino/Taglish ng Rediscover Church: Why the Body of Christ is Essential ni Collin Hansen at Jonathan Leeman; translated by John Hofileña
Paperback available on Shopee and Lazada.

Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)
Sign up to get your free pdf
By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

