Ang dokumentong ito ay orihinal na isinulat sa English nina Rev. Timoteo Gener, PhD, Rev. Jason V. Hallig, PhD, at Rev. Aldrin M. Peñamora, PhD, at nilagdaan noong October 30, 2024 nina Bishop Noel A. Pantoja, DMin (PCEC National Director), Rev. Timoteo D. Gener, PhD (Chairman, PCEC Theological Commission), at Rev. Aldrin M. Peñamora, PhD (Executive Director, PCEC Theological Commission). Ito ay isinalin sa Taglish o conversational Filipino ni Pastor Kerux Pascua at in-edit ni Pastor Derick Parfan. Mababasa ang original document dito:


Isa itong biblical at theological na sagot sa maling turo tungkol sa kalikasan ng Diyos Ama, kay Jesu-Cristo, at sa Kautusan at sa Gospel na kumalat online kamakailan.[1] Sa tatlong bahaging ‘yan nahahati ang dokumentong ito. Kahit na ang gusto lang sana nilang mangyari ay magsuri ng mga biblical truths, naapektuhan nito ang maraming churches na miyembro ng PCEC nang mag-viral ang teaching. Kaya naman, isinulat ang position paper na ito para gabayan ang ating Evangelical community.[2]

Kailangang pagtuunan ng seryosong pansin at malasakit ang mga isyu o sitwasyong tulad nito.[3] Sa isang banda, kailangan nating maging maingat at hindi agad mag-label na mali o heretic ang mga bagong pagsusuri o theological statements, lalo na kung iba ito sa pananaw natin. Hindi naman lahat ng hindi pagkakasunduan sa theology ay mali o heretic. Minsan, iba lang talaga ang emphasis o perspective. Sa kabilang banda, kailangan din nating maging alerto at mapanuri sa mga conclusion o pahayag na kumakalaban sa mga doctrines na itinuturo ng Bible. Importante na ang mga error at heresy ay matutukan at maitama, pero sa espiritu dapat ng pagmamahal. Tandaan na hindi pareho ang error at heresy.[4] Ang error ay isang maling pagkaintindi o pagkakamali sa theology na maaaring maitama sa wastong pagsusuri, Bible study, at interpretasyon. Samantalang ang heresy ay isang turo, paniniwala, at gawain na kumakalaban o nagbabalewala sa gospel ni Jesus Christ.[5] Tinutularan natin kung paano kinontra ng early church ang mga maling turo na lumihis mula sa turo ng mga apostol, gamit ang buong katuruan ng Diyos (1 Tim. 6:20; 2 Tim. 1:13, 14; Acts 20:26–30; Jude 3–4; 2 Pet. 2:1–2).

Kaya naman, isinulat ang position paper na ito sa espiritu ng pagmamahal—para suriin, pag-usapan, itama, at pagtibayin ang mga theological positions na umaayon sa tamang aral ng Bible at evangelical teachings. Bunga rin ito ng mga pag-uusap at pagkonsulta sa mga taong involved sa isyu, pati na rin sa mga pastor, mga bishops, at mga Bible and theology professors.

Ang Gospel ayon sa Bible

Ang gospel ay mula sa buong Bible; hindi ito dapat tingnan nang hiwa-hiwalay. Ganito ang sinasabi ng mga pangunahing dokumento ng mga evangelical.[6]  Kung gano’n, para sa mga evangelical, hindi basta-basta pwedeng gawing simpleng formula o proposal lang sa Bagong Tipan ang essence ng gospel. Ang magandang balita, o ang gawa ng pagliligtas ni Jesus Christ o yung Christ-event, ay nakaugat sa kuwento ng kaligtasan sa Lumang Tipan (1 Cor. 15:3–5). Sabi nga sa Lausanne Willowbank Report, isang evangelical document, ang puso ng ebanghelyo ay nagsisimula sa kuwento ng Old Testament papuntang New Testament, mula sa paglikha hanggang sa bagong paglikha. Sabi pa nga sa report, “Kinikilala namin na pangunahin ang mga tema tulad ng Diyos bilang Tagapaglikha, ang pagiging universal ng kasalanan, si Jesus bilang Anak ng Diyos, Panginoon ng lahat, at Tagapagligtas sa pamamagitan ng kanyang kamatayang nagbabayad-sala at muling pagkabuhay, ang kahalagahan ng pagbabalik-loob, ang pagdating ng Banal na Espiritu at ang kanyang kapangyarihang magbago, ang pagkakaisa at misyon ng Christian church, at ang pag-asa sa muling pagbabalik ni Cristo.”[7]

Ang mga elemento ng magandang balita tungkol kay Jesus Christ ay galing sa salvation story ng Bible. Ibig sabihin, ang kuwento ng Scripture ang nagde-determine sa anyo at nilalaman ng gospel, hindi yung mga doktrina na pinipili lang mula sa mga Bible verses na walang koneksyon sa kabuuang gospel story.  Ang susunod na bahagi ay ang pananaw ng mga evangelical tungkol sa Diyos, na nakabase sa salvation story ng Bible, at nire-reject ang idea na may kadiliman at kasamaan kay Yahweh (1 Jn. 1:5), pati na rin ang theological na paglilinaw tungkol sa kung ano ang kinalaman ng Kautusan kay Jesus Christ at sa kanyang katuruan.

Ang Banal na Pag-ibig ng Diyos

Sa simula, nandiyan na ang hindi matawarang Author ng Mabuting Balita, ang Diyos na siyang pag-ibig (1 John 4:8). Ito ang Diyos na tinawag ni Jesus na “Abba” sa kanyang mga dasal, bilang isang anak na kausap ang tatay niya. At gusto niya na makipag-usap rin tayo sa Diyos sa parehong paraan. Dahil ang Diyos na Lumikha, o ang Diyos Ama na ipinakilala sa First Testament, ay nag-uumapaw sa kanyang pag-ibig sa kanyang mga nilikha. Hindi siya malayo o walang pakialam (Gen. 1–2).[8] Sa madaling salita, ang pag-ibig ang essence ng Diyos. Ipinapakita ng Bibliya ang klase ng pag-ibig na hindi lang para sa sarili kundi para sa iba, batay sa relationship na nakapaloob sa Godhead (John 15:26, 17:21–23). Ito yung tinatawag na coinherence at perichoresis, na tungkol sa pag-ibig na pinagsasaluhan ng Tatlong Persona ng Diyos.[9] Ipinapakita niya ang pag-ibig na ‘yan sa pamamagitan ng kanyang relasyon sa atin. Kakampi natin ang Diyos at hindi kalaban (Rom. 8:31); Siya ang Immanuel, “Diyos na kasama natin” (Isa. 7:17; Matt. 1:23). Sabi nga ni Thomas F. Torrance, “Sa galaw ng Kanyang walang hanggang Pag-ibig, naparito mismo ang Diyos, naging tulad natin, at nakipag-isa sa atin sa pamamagitan ng kanyang minamahal na Anak para i-reconcile tayo sa kanya at i-share sa atin ang Fellowship of Love na meron siya sa kanyang Triune Life.”[10] Talaga ngang ibinibigay ng Diyos ang kanyang sarili sa atin at tinatawag tayo sa isang relasyon para maranasan ang yaman ng kanyang kalikasan at kaluwalhatian.[11]

Pero kahit hindi nagbabago ang pag-ibig ng Diyos sa kanyang kalikasan (Isa. 40:28; Ps. 102:25–27; Heb. 13:8), nagkakaroon ng ibang anyo o hugis ang pagpapakita niya ng pag-ibig, lalo na sa kanyang pakikitungo sa kanyang nilikha at dahil na rin sa pagkakaroon ng kasalanan. Sa relasyon ng Lumikha at nilikha, ang pag-ibig ng Diyos ay konektado sa kanyang kabanalan (Isa. 6:1-5; 1 Sam. 2:2; Rev. 4:8). Ibig sabihin, ang pag-ibig ng Diyos ay banal na pag-ibig (holy love), na naglalaman ng poot, paninibugho o jealousy, pagdidisiplina, pagpaparusa, at galit (Ps. 78:49–50; Prov. 3:11–12; Rom. 1:18). Kasama sa holy love ng Diyos ang kanyang masidhing pagnanais (zeal) na protektahan ang relasyon niya sa mga anak niya, pagpalain sila kapag tinutupad nila ang covenant, at disiplinahin sila kapag nilalabag nila ito (Gen. 3:13–24; Lev. 26:23–25; Jer. 11:9–11).[12] Kaya’t ang pag-ibig ng Diyos ay hindi tulad ng simpleng sentimiyento ng mga tao o romantic na uri ng pag-ibig. Ayon sa Bibliya, ang pag-unawa sa pag-ibig ng Diyos ay nakasalalay sa relasyon niya sa kanyang mga anak at sa kanyang kabanalan. Kaya naman, sa pagtingin sa mga “love commands” ni Jesus sa Matthew 22, “Love the Lord your God with all your heart and with all your soul and with all your mind” (v. 37), at “Love your neighbor as yourself” (v. 39), na kinuha sa Leviticus 19, kailangang maintindihan ito sa konteksto ng heading ng chapter, kung saan sa verse 2, sinabi ni YHWH, “Maging banal kayo dahil ako, ang Panginoon ninyong Diyos, ay banal.”

Ang Diyos Ama: Si YHWH ba o El Elyon?

Ang Diyos Ama ang Diyos ng Israel, at ipinakilala niya ang kanyang sarili sa pamamagitan ng kanyang piniling bayan. Ang paraan ng pagpapakilala ng Diyos sa sarili niya sa Old Testament ay progressive, mula kay Abraham, tapos kay Moses, at nagpatuloy pa sa mga propeta at mga poets. Ang progression na ito ay nagsimula kay Abraham, kung saan ipinakita ng Diyos ang kanyang identity bilang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob. Bawat patriarch ay nakatanggap ng mga revelation na nagpapatibay sa covenant ng Diyos kay Abraham. (tingnan sa Gen. 26:24 para kay Isaac at Gen. 28:13–15 para kay Jacob; Ex. 3:6 para kay Moses).

Ipinakilala ng Diyos ang kanyang sarili kay Moses gamit ang isang personal na pangalan bilang tugon sa matinding pagtatanong nito: “Sinabi ng Diyos, “Ako’y si Ako Nga. Sabihin mo sa mga Israelita na sinugo ka ng Diyos na ang pangalan ay ‘Ako Nga.’ Sabihin mo sa kanila na sinugo ka ni Yahweh, ng Diyos ng inyong mga ninuno, ang Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob. At ito ang pangalang itatawag nila sa akin magpakailanman” (Ex. 3:14). Sa pamamagitan ng personal na pagpapakilalang ito, in-establish ni YHWH ang relationship niya sa Israel bilang kanilang Diyos.

Tandaan na ang pag-unawa sa pangalang YHWH, na kilala bilang “tetragrammaton” (yung salitang apat na letra), ay medyo kumplikado kasi hindi natin alam ang orihinal na pagbigkas nito. For centuries, sinulat ang Hebrew nang walang mga vowels, habang sobrang naging sagrado na ang pangalan ng Diyos kaya hindi na ito binibigkas ng mga Israelita. Instead, ginagamit nila ang salitang “adonay,” na ang ibig sabihin ay “Panginoon,” bilang pamalit sa YHWH. Ang mga vowels ng ‘adonay’ ay inilipat sa YHWH kaya’t naging “Jehovah.” Yung pagbigkas na “YaHWeH” ay galing sa isang sinaunang paraan ng pagsasalin sa Greek, kasama ang ilang pagsasaalang-alang sa grammar ng Exodus 3:13–15. Ang term na “El,” na nangangahulugang “Diyos,” ay nagpapahayag ng iba’t ibang katangian, gaya ng El Elyon (ang Kataas-taasang Diyos, Ps. 57:2) at El Shaddai (ang Makapangyarihang Diyos, Gen. 17:1; 28:3; 35:11; 43:14; 48:3). Parehong “El” at “Elohim” (plural form) ay mga generic na salita para sa “diyos” o “mga diyos” at tumutukoy sa Diyos nina Abraham, Isaac, at Jacob o YHWH. Makikita ang paggamit ng mga terminong Elohim/El at YHWH sa mga mas naunang kuwento sa Bible (halimbawa, Gen. 4:1; 5:29; 9:26; 14:22; 15:2, 7–8; 28:16) na nagbibigay-diin sa tuloy-tuloy na koneksyon ng mga nauna at sumunod na kapahayagan ng Diyos.[13]

Ayon sa ilang scholars tulad nina Albrecht Alt, William Albright, at Mark Smith, may koneksyon daw ang YHWH sa mga Canaanite gods na sina El at El Elyon. Sinasabi nila na ang monotheistic faith ng Israel ay nag-evolve (ayon kay Albright) o nag-progress (ayon kay Smith) dahil sa mga religious interactions sa pagitan ng mga Canaanite at Hebrew beliefs. Pero hindi sang-ayon ang mga evangelical teachers at scholars dito; sinasabi nila na ang YHWH, El, at Elohim ay ibang-iba sa mga Canaanite gods.[14] Ang YHWH, halimbawa, ay tumutukoy sa personal na Diyos ng Bibliya na nagpakilala ng sarili, samantalang ang El at Elohim ay ginagamit para sa mga mythological gods ng Canaanites. Ang YHWH na inilarawan sa Exodus 3 ay isang buháy at personal na Diyos, samantalang ang ibang diyos ay mga pangalan lang para sa mga bagay na nilikha. Hindi lang sa pangalan nakikilala ang isang tao o Diyos; ang kanilang karakter at mga gawa ang nagpapakilala sa kanila na ibang-iba sa mga kapangalan nila. [15] Kaya, hindi maituturing na pareho ang Elohim/El o YHWH sa mga Canaanite gods.

Kabaligtaran ng mga maling turo ngayon, ang YHWH ay hindi isang masamang diyos na iba sa Diyos ng Bagong Tipan, na tinukoy ni Jesus bilang kanyang Ama (Exodus 34:6). Sinabi ni Jesus na iisa sila sa John 10:30–38. Pareho ang Diyos ng Old at New Testaments sa kanyang kalikasan at katangian—mapagmahal (Ps. 17:7; 36:7), maawain (Ps. 103:8–11), at mapagpala (Ps. 145:8). Katulad ng nabanggit kanina, ang galit at katarungan ng Diyos ay nagpapakita ng kanyang banal na pagmamahal. Sa pamamagitan nito, ipinapakita niya ang pagiging mas mataas (transcendence) at malapit (immanence) sa atin sa paghuhusga ng kasalanan at pagrerebelde (Deut. 4:24; 6:15; 32:16), ngayon at pati na rin sa paparating na Araw ng Panginoon (Ps. 110:5; Isa. 13:9–13; Zeph. 1:15; 2:2). Bukod pa rito, ang Diyos sa Old Testament, kilala bilang YHWH o El/Elohim, ay pareho sa Ama ni Jesus sa New Testament. Sa Greek translation ng Old Testament, na tinatawag na Septuagint, ang pangalang YHWH ay isinasalin sa “kurios” (“Lord” sa English). Ang salitang “kurios” ay ginagamit din sa titulo na “Jesus Christ our Lord.” Sa mga Gospel books, ang “kurios” ay karaniwang tumutukoy kay YHWH. Habang lumalalim ang pagkaunawa ng mga disciple kay Jesus bilang Messiah, lalo na nung pagkatapos ng resurrection, nagsimulang gamitin ang “kurios” para kay Jesus.[16] Tinukoy niya ang Diyos ng mga Judio, ang Diyos sa Lumang Tipan, bilang kanyang Ama sa Lord’s Prayer, na ipinapahayag na siya at ang Ama ay iisa, kaya’t inakusahan siya ng blasphemy ng mga Jewish leaders (John 10:30–32).

Kaya nga, sa Christian theology ay matibay na pinaniniwalaan na ang Diyos sa Old Testament ay siya ring Diyos at Ama na tinukoy ni Jesus sa kanyang buhay at ministeryo. Binanggit ni Jesus ang relasyon niya sa Diyos (Matt. 3:17) at ang kanilang pagiging iisa (John 10:30–32). Ayon sa mga New Testament authors, ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay mapagmahal (John 3:16), mapagpatawad (Matt. 6:14–15), mahabagin (Eph. 2:4–5), at maawain (1 Pet. 5:10). Pero siya ay banal sa kanyang pag-ibig, na nagde-demand ng buong-pusong pagsunod (Luke 14:15–24; 18:18–30; 19:11–27) at ganap na pagtalikod sa kasalanan (Luke 15:11–32).

Si Jesus Christ at ang Kautusan

Isa pang malaking isyu sa maling teaching na tinatalakay natin ay yung relasyon ni Jesus sa Mosaic Law. Ayon sa pananaw na ito, yung Law o Old Testament ay ibinigay lang sa mga Israelites, kaya’t hindi obligasyon ng mga Kristiyano na sundin ito. Karaniwan, ang Law ay tinitingnan bilang mga utos na “malupit” at “walang pag-ibig,” kaya’t ang pakinabang nito para sa mga Kristiyano ay limitado lang sa mga bahagi na umaayon o dumaraan sa prinsipyo o filter ng pag-ibig, batay sa ipinakita at itinuro ni Jesus at ng New Testament.[17] Ang teaching na ‘to, tulad ng nakita natin kanina, ay naglalagay kay YHWH at El Elyon sa magkabilang panig, at mukhang sumasalamin sa isang pangunahing paniniwala ng Marcionism na ni-reject ng mga early Church Fathers—na ang Diyos ng Old Testament ay punô ng galit at hindi compatible sa mapagmahal at maawain na Diyos ng New Testament na nagsugo kay Jesus.[18] Dahil dito, naibababa ang halaga at awtoridad ng Old Testament sa kaugnayan nito sa Church. Ayon dito, dumating si Cristo para sirain ang Kautusan.

May mga pagkakataon na pinupuna ni Jesus at ng mga New Testament writers ang ilang bahagi ng Kautusan. For example, lumabag si Jesus sa Sabbath law nang pagalingin niya ang isang tao sa araw ng Sabbath (Matt. 12:1–14). Hindi niya sinunod ang mga purity laws nang hawakan niya ang isang ketongin (Mk. 1:40–43; tingnan ang Lev. 13–14) at makipag-ugnayan sa isang babaeng may pagdurugo (Matt. 9:20-22; tingnan ang Lev. 15:25–27). Sa Sermon on the Mount, anim na beses (Matt. 5:22, 28, 32, 34, 39, at 44) sinabi ni Jesus ang mga salitang, “But I say unto you” (KJV) bilang pagpapakilala ng mga utos na parang sumasalungat sa Mosaic Law. Pero, nilinaw ni Jesus sa pagkakataong ito na hindi siya naparito “upang ipawalang-bisa ang Kautusan at ang mga Propeta…kundi upang tuparin” (Matt. 5:17).

Binigyang linaw rin ni Paul ang tungkol sa mga kakulangan ang Kautusan—na ito’y nagpapagising ng makasalanang pagnanasa at nagiging dahilan ng pagkaalipin (Rom. 7:4–6) at hindi nito kayang gawing matuwid (justify) ang tao sa harap ng Diyos (Rom. 8:3; Gal. 2:16, 3:11). Kaya’t isinantabi na ni Cristo ang Kautusan (2 Cor. 3:14–16; Ef. 2:15) at tinubos niya tayo mula sa sumpa nito (Gal. 3:13). Pero hindi ibig sabihin na puro negative ang tingin ni Pablo sa Law. Tinuturing niya rin itong banal, matuwid, mabuti, at espiritwal (Rom. 7:12, 14), at sinasabi niyang hindi binabalewala ng faith ang Law, kundi pinapalakas pa ito (Rom. 3:31). Katulad ng sinabi ni Jesus sa Matthew 5:17, sinabi ni Pablo sa sulat sa mga taga-Roma, “si Cristo ang kaganapan ng Kautusan, upang ituring na matuwid ng Diyos ang sinumang sumasampalataya sa kanya” (Rom. 10:4).

Sa ilang saglit, maiintindihan natin kung paano nauugnay sa mga kasalukuyang isyu ang sinasabi ng Bibliya tungkol kay Jesus bilang tumupad at kaganapan ng Kautusan.

Gaya ng nabanggit kanina, may dalawang importanteng punto na tungkol sa kung bakit hindi kailangan ng Church ang Old Testament. Una, sinasabi nila na ang Old Testament ay para lang sa mga Judio at hindi naman ito para sa iba. Hindi nito kino-consider na sa simula pa lang, nire-recognize na ng early church sa New Testament ang authority ng Luma at Bagong Tipan, kahit na ang Bagong Tipan ay isinusulat pa lang noon (2 Pet. 3:15–16). Kaya naman, ginamit ng mga New Testament writers ang Old Testament sa pagtingin sa mga nangyari kay Cristo, lalo na sa pagpapaliwanag nila ng mga Old Testament prophecies tungkol kay Jesus (halimbawa, Mat. 1:22–23, tingnan ang Is. 7:14; Mk. 1:2–3, tingnan ang Mal. 3:1, Is. 40:3), at sa paggawa at pagtatanggol nila ng mga turo para gabayan ang mga gawain ng growing church (halimbawa, Acts 15:16–18, tingnan ang Amos 9:11–12; Heb. 3:7–11, tingnan ang Ps. 95:7–11).[19] Sabi nga ni Apostle Paul, ang Bibliya bilang salita ng Diyos ay mahalaga para sa Church sa iba’t ibang paraan,  “sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagsaway sa kamalian, sa pagtutuwid sa likong gawain at sa pagsasanay para sa matuwid na pamumuhay” (2 Tim. 3:16). Dahil mahalaga pa rin ang Old Testament para sa mga Christians, tinawag ng scholar na si John Goldingay ang Old Testament na “First Testament” kasi ang salitang “Old” ay parang nagpapahiwatig na hindi na ito ganun kaimportante at hindi na kagamit-gamit.[20]

Isa pang problema sa maling turo na ito ay ang paraan ng paglalarawan nila sa Old Testament, kung saan naka-focus sila sa mga utos na parang walang pag-ibig at malupit. Oo, totoo na may mga harsh, violent, at tila unloving na mga utos sa Lumang Tipan, tulad ng utos ni Yahweh kay Saul na patayin ang mga Amalekita (1 Sam. 15:1–4). Pero, kung magfo-focus lang tayo sa mga “unloving” na utos, nakakalimutan natin ang dalawang mahalagang bagay. Una, hindi lang basta koleksyon ng mga batas, utos, alituntunin, o ritwal ang Lumang Tipan, o yung tinatawag ding Kautusan. Ang salitang tôrâ ay mula sa Hebrew verb na yārâ na nangangahulugang “ihagis o tamaan” (“to throw or shoot”). Kaya, ang ibig sabihin ng tôrâ ay “turuan, ipakita ang tamang direksyon.” Hindi lang ang pagsunod sa mga batas ang mahalaga, kundi ang paggabay na ibinibigay nito para matulungan ang mga tao na mamuhay ayon sa kalooban ng Diyos. At sa gitna ng mga utos na ito, ang pinakaimportante ay pananampalataya (Gen. 15:6; Exod. 4:5; Num. 20:12). Ibig sabihin, ang pagsunod sa Law ay hindi lang basta paggawa ng mga legal na bagay; kailangan din ng paniniwala o pananampalataya.[21]

Pangalawa, kung magfo-focus lang tayo sa mga “unloving” na utos, hindi natin makikita ang marami pang bahagi ng Lumang Tipan na nagpapakita ng pag-ibig ng Diyos. Kahit na basahin natin ito sa tamang konteksto, makikita pa rin ang pag-ibig, habag, at awa ng Diyos. Gaya ng sinabi sa Exodus 34:6–7: “Akong si Yahweh ay mahabagin at mapagmahal. Hindi ako madaling magalit; patuloy kong ipinadarama ang aking pag-ibig at ako’y nananatiling tapat. Tinutupad ko ang aking pangako maging sa libu-libo, at patuloy kong ipinapatawad ang kanilang kasamaan, pagsuway at pagkakasala” (tingnan din ang Ps. 103:8–14; Jer. 31:3, 20; Hos. 11). Kapag nakita natin ang pag-ibig ng Diyos sa buong Old Testament, maiintindihan natin na ang Kautusan ay nakabatay sa karakter ng Diyos bilang mapagmahal at banal na Diyos.[22] Sa kabilang banda, kung titignan lang natin ang New Testament bilang Diyos ng pag-ibig, hindi natin makikita na ang galit at paghuhukom ng Diyos laban sa kasamaan at kawalang katuwiran ay bahagi rin ng mensahe nito (Rom. 1:18-2:16; 1 Pet. 4:17; Heb. 10:26–31).[23] Kung paanong ang pag-ibig ng Diyos ay nakabatay sa kanyang kabanalan, at ang kabanalan niya ay nakatayo sa kanyang pag-ibig, ganoon din ang relasyon ng Lumang Tipan at Bagong Tipan. Mas nauunawaan natin ang Old Testament kapag tiningnan ito sa konteksto ng New Testament, at mas malinaw ang New Testament kapag tiningnan sa konteksto ng Old Testament.

Punta tayo sa huling punto ng section na ito. Habang may nagsasabi na magkasalungat at magkahiwalay (one of antithesis and discontinuity) si Jesus at ang Kautusan, pinaninindigan namin ang biblikal na katuruan na tinupad ni Jesus ang Kautusan (Matt. 5:17). Sabi ni Pablo, si Cristo ang katuparan ng Kautusan (Rom. 10:4). Ang mga salitang “tinupad” (Gk. plērōsai) at “katuparan” (Gr. telos) ay may parehong ibig sabihin—dinala ni Cristo ang Kautusan sa pinakamataas na kaganapan at layunin nito. Pagkatapos sabihin ni Jesus na ang Law ay may nagpapatuloy na kahalagahan “hanggang mawala ang langit at lupa” (Matt. 5:18), nagbigay siya ng anim na halimbawa. Ibig sabihin ng pagtupad sa Kautusan ay hindi lang basta pagsunod sa mga mahigpit na patakaran ng mga Pharisee (Matt. 5:20) o maling pagkaintindi sa tunay na layunin ng Diyos sa Kautusan. Sa sinabi ni Pablo, ang telos ay tumutukoy sa layunin ng Kautusan mula pa noong panahon ni Abraham (Rom. 4:1; Gal. 3:9), at ang layunin ng Kautusan ay para sumampalataya kay Cristo. Kagaya ng sinabi kanina, laging mahalaga ang pananampalataya sa Kautusan, isang bagay na hindi nakita ng mga Judio nung nag-focus sila sa paghahanap ng katuwiran sa pamamagitan ng mga gawa (Rom. 9:31–32). Sa mga halimbawa sa Matthew 5 at Romans 10, hindi tinanggal o winasak ang Kautusan, kundi dinala ito ni Cristo sa pinaka-kahulugan at pinaka-layunin nito.

Pastoral na Paalala

Kaya, bilang tugon sa mga nabanggit, ine-encourage namin ang ating mga Evangelical community, pati na rin ang mga kapwa pastor at mga kamanggagawa, na habang sumusunod tayo sa 1 John 4:1, na nagtuturong maging maingat at mapanuri sa mga espiritu kung ito ba’y mula sa Diyos, magpakita rin sana tayo ng malalim na pagmamahal sa mga kapatid natin sa pananampalataya na nagkakamali. Gaya ng sabi ni Pablo, “Kung ako man ay may kakayahang…umunawa sa lahat ng hiwaga, kung nasa akin man ang lahat ng kaalaman at lahat ng pananampalataya…ngunit wala naman akong pag-ibig, wala akong kabuluhan” (1 Cor. 13:2). Kaya, huwag nating kalimutan kung sino tayo bilang isang church na pinagkatiwalaan niya ng pananampalatayang nagpapahiwatig ng kabanalan at pagmamahal.


[1] Ang orihinal na post sa Facebook ng pangangaral o katuruan ay natanggal na, pero tingnan ang kopyang ito sa Facebook ng turo ni Pastor Ed Lapiz na kumalat at naging concern ng mga member churches ng PCEC. Makikita rin ang mga kopya ng orihinal sa YouTube; Heto ang isang, halimbawa.

[2] Tingnan ang komento ni Ed Lapiz noong May 26, 2024 na nagsasabing ang mga tanong tungkol kay Yahweh, Diyos Ama, at Jesu-Cristo ay para “MULING SURIIN AT KWESTYUNIN ANG MGA MATAGAL NANG PANINIWALA, hindi para AGAD NA IPAHAYAG at igiit ANG MGA ITO.” Makikita online.

[3] Ang talatang ito ay nagsisilbing gabay at paalala ng Commission para sa mga ministeryo sa social media at mga apologetics na website, na isaisip ang mga oportunidad at panganib ng paggamit ng digital technology at social media para sa church.

[4] Makakatulong dito ang paliwanag ni Robert Letham tungkol sa pagkakaiba ng error at heresy. Makikita online.

[5] McGrath, Alister E., Heresy: A History of Defending the Truth (New York, NY: Harper One, 2009).

[6] Mula sa buod ni Christopher Wright tungkol sa pagkaunawa ng Lausanne Movement sa kabuuan ng Gospel, makikita online. Para sa kabuuang gabay mula sa buong Bibliya sa pagpapaliwanag ng Gospel, bukod sa sipi mula sa Willowbank Report sa ibaba, tingnan ang The Lausanne Movement, The Cape Town Commitment: A Confession of Faith and a Call to Action, The Third Lausanne Congress (Peabody, Massachusetts: Hendrikson Publishers, 2011); Pati na rin si Rose Dowsett, The Cape Town Commitment: A Confession of Faith and a Call to Action, (Peabody, Massachusetts: Hendrikson Publishers, 2012), 3. Tungkol sa kabuuang approach ng PCEC sa authority ng Bibliya, tingnan ang sumusunod na pahayag ng PCEC tungkol sa Bibliya bilang God’s Written Word at ang hindi maihihiwalay na pagkakaugnay ni Jesu-Cristo sa patotoo ng Bibliya (Sec 1), na makikita online. Walang pag-aalinlangan na ang anumang evangelical na pag-unawa sa Diyos ay dapat nakabatay primarily sa awtoridad ng Banal na Kasulatan bilang ipinahayag na Salita ng Diyos.

[7] “The Willowbank Report: Consultation on Gospel and Culture” (Lausanne Occasional Paper 2, Lausanne Committee on World Evangelization, 1978), Seksyon 5B, Makikita online. Tingnan din ang gawa nina John Stott at Robert T. Coote, eds., Down to Earth: Studies in Christianity and Culture – The Papers of the Lausanne Consultation on Gospel and Culture (London: Hodder & Stoughton, 1981), 318–319.

[8] Tingnan ang The Lausanne Movement, The Cape Town Commitment, 12.

[9] Bukod sa mga kaugnay na bahagi ng isinulat ni Stanley Grenz sa Theology for the Community of God (Grand Rapids: Eerdmans, 1994), makikita ang magandang talakayan tungkol sa historical development ng mga konseptong ito sa The Christian Doctrine of God: One Being Three Persons ni Thomas F. Torrance (London: Bloomsbury T&T Clark, 2016), 168–202. Tingnan din ang isinulat ni Jürgen Moltmann, The Trinity and the Kingdom: The Doctrine of God (London: SCM Press, 1981), 171–178.

[10] Torrance, The Christian Doctrine of God, 161.

[11] Tingnan din ang isinulat ni Clark Pinnock, Tracking the Maze: Finding our Way Through Modern Theology from an Evangelical Perspective (San Francisco: Harper and Row, 1990) 191–192. Ang biblikal na gabay na ito ay nakasaad sa The Lausanne Movement, The Cape Town Commitment: A Confession of Faith and a Call to Action, The Third Lausanne Congress (Peabody, Massachusetts: Hendrikson Publishers, 2011) 9–12.

[12] Grenz, Theology for the Community of God, 70–74.

[13] Ang paggamit ng mga Canaanite terms para sa Diyos, tulad ng el, elohim, elyon, at iba pa, ay hindi nagpapababa sa linguistic originality ng mga may-akda ng Bibliya tungkol sa nakasulat na kapayahagan (written revelation) ng Diyos. Hindi rin ibig sabihin na ang paggamit ng mga salitang ito ay may koneksyon sa mga diyos ng Canaanite mythology.

[14] Para sa mga reaksyon mula sa mga scholar at mga kritikal na review ng mga nabanggit na scholar, tingnan ang isinulat ni William Brown, Richard Hess, at Seth Sanders.

[15] Ang ideyang ito ay mula kay Dr. Abigail R. Teh sa kanyang sulatin, “YHWH Israel’s Covenant Name for God” (2024).

[16] Teh, “YHWH.”

[17] Tingnan ang turo ni Ed Lapiz: “Why Jesusness?” ; at “ALL SCRIPTURE? How To Read, Interpret & Apply the Letters in the Christian Scripture/NT.”

[18] Ang mga turo ni Marcion ay kilala lang sa mga isinulat ng mga Church Fathers tulad nina Polycarp, Tertullian, at iba pa. May mga ibang sources din na tumulong para patunayan na tama ang sinasabi ng mga Church Fathers tungkol kay Marcion. Tingnan ang isinulat ni Eric W. Scherbenske, “Marcion’s Antitheses and the Isagogic Genre, Vigiliae Christianae” 64 (2010): 256–257. Pati na rin ang Against Marcion ni Tertullian.

[19] Kung paano ginamit ng mga manunulat ng Bagong Tipan ang mga talata mula sa Lumang Tipan ay isang paksang madalas pag-usapan sa pag-aaral ng Bibliya. Para sa magandang overview, tingnan si Jonathan Lunde, “An Introduction to Central Questions in the New Testament Use of the Old,” sa Three Views on the New Testament Use of the Old Testament, na inedit nina Kenneth Berding at Jonathan Lunde (Grand Rapids: Zondevan, 2008), 7-41.

[20] John Goldingay, Do We Need the New Testament? Letting the Old Testament Speak for Itself (Downers Grove: InterVarsity Press, 2005), 9–10.

[21] Walter C. Kaiser, Jr., “The Law as God’s Gracious Guidance for the Promotion of Holiness,” in Five Views on Law and Gospel, ed. Stanley N. Gundry (Grand Rapids: Zondervan, 1999), 192, 193.

[22] Kaiser, Jr., “The Law as God’s Gracious Guidance,” 197.

[23] Christopher J. H. Wright, The God I Don’t Understand: Reflections on Tough Questions of Faith (Grand Rapids: Zondervan, 2008), 76–81.

Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)

Sign up to get your free pdf

By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

One thought on “Isang Position Paper tungkol sa Biblical Gospel, sa Diyos Ama, kay Jesu-Cristo, at sa Kautusan (by PCEC Theological Commission)

Leave a Reply