Simula nang maging Christian ako noong high school, mahalaga na talaga para sa akin ang role ng local church. Naaalala ko ang first summer na ako’y naging Kristiyano, ilang oras (sige, marami) ako sa aming church library, pinagsasama-sama ang statistics tungkol sa lumalagong membership sa aming church at ikinukumpara iyon sa aming bumababang attendance. Ang ginawa kong graphic base sa aking research noon na hindi pa uso ang computer ay isang poster board na maingat na ginuhitan ng mga linya para sa membership at attendance, na kitang-kitang naging magkalayo noong mga 1940’s o 1950’s.

Kahit naglaan ako ng maraming oras sa poster na iyon—at sa mga numero sa likod nito—hindi iyon gaanong napansin kahit nakadikit sa wall ng church na kitang-kita. Inilagay ko iyon nang walang pahintulot (hindi ko na-consider yun). Pero ang pagtatanggal dito ay mabilis at may pahintulot.

Sa aking paglago bilang Kristiyano at paglawak ng pagkaunawa sa biyaya ng Diyos noong aking undergraduate at seminary years, ang concern ko tungkol sa nominalism sa church ay lumago rin. Maraming mga naitalang “conversions” ang naging obvious na hindi totoo para sa akin. At naging mapaghinala ako sa evangelism na siyang nagdulot nitong mataas na bilang, at lalo na, nitong mga taong siguradong-sigurado pero hindi naman aktibo.

Noong panahon ng aking doctoral studies, mga sampung taon na ang nakalilipas mula nang isulat ko ito, lalo pang na-focus ang aking isipan tungkol sa church, lalo na sa kahalagahan ng local congregation. Natatandaan ko pa na isang araw ay may nakausap akong isang kaibigan na involved sa isang parachurch ministry. Pareho kami ng dinadaluhang church. Naging member ako nung kalilipat pa lang niya roon; siya, makalipas ang ilang taon, ay pinili na maging attendee lamang. At kahit sa kanyang pagdalo, pumupunta lamang siya sa morning service, at sa kalagitnaan pa, kapag malapit na ang sermon. Kaya isang araw, nagpasya akong tanungin siya tungkol dito.

Sumagot siya nang tapat at malinaw. “Wala naman akong nakukuha sa iba pang bahagi ng service.” “Napag-isipan mo na ba na maging bahagi ng church?” tanong ko. Nagulat siya at sumagot, “Maging bahagi ng church? Sa totoo lang, hindi ko alam kung bakit ko gagawin ‘yan. Alam ko kung bakit ako nandito, at pababagalin lang ako ng mga taong ‘yan.”

Tila malamig ang dating ng mga salitang iyon, pero sila ay binitawan nang may tipikal, totoo, at mapagpakumbabang kasiglahan ng isang gifted evangelist na nagnanais na hindi sayangin ang kahit isang oras ng Panginoon. Gusto niyang gugulin ang kanyang oras sa pinakamahusay na posibleng paraan, at lahat ng concerns tungkol sa pagiging miyembro ng church ay parang irrelevant.

“Pababagalin ako”—ang mga salita ay umalingawngaw sa isipan ko. “Pababagalin ako.” Maraming tumatakbo sa isip ko, pero ang nasabi ko lang ay isang simpleng tanong—“Pero naisip mo na ba na kung makikipagkapit-bisig ka sa mga taong iyon, oo, maaaring mapabagal ka nila, pero maaari mo silang mapabilis? Naisip mo ba na maaaring parte iyon ng plano ng Diyos para sa kanila, at para sa ’yo?”

Nagpatuloy ang pag-uusap na iyon, pero ang mahalaga at malinaw na bahagi niyon para sa akin ay tapos na. Nais ng Diyos na gamitin tayo sa buhay ng isa’t isa—kahit na minsan ay magmumukha iyong spiritual cost sa atin.

Kasabay noon, ang pag-aaral ko ng Puritanism ay nagbigay sa akin ng opportunity para basahin ang mga theological debates tungkol sa church polity noong Elizabethan at early Stuart periods. Ang Grand Debate sa Westminster Assembly ay interesting para sa akin. Na-attract ako sa pangangatwiran ng ilan sa mga “Independents” o “Congregationalists” na ang pastoral authority ay dapat na nakakabit sa pastoral relationship. Ang arguments nila na ang local congregation ang huling magpapasya sa mga usapin ng pagdidisiplina at doktrina ay parang biblically persuasive (tingnan ang Mat. 18:17; 1 Cor. 5; 2 Cor. 2; Gal.; 2 Tim. 4). Ang role ng pastor at congregation ay tila nagkakaroon ng bagong kahalagahan sa aking isipan kung paano dapat mamuhay ang isang karaniwang Kristiyano.

Pagkatapos, noong 1994, ay naging senior pastor ako. Kahit na naroon palagi ang respeto ko sa office ng elder at nakapaglingkod na ako bilang elder sa dalawang churches, ang pagkuha ng role bilang nag-iisang kinikilalang elder sa isang kongregasyon ay nagdulot sa akin na pag-isipan pa nang mas mabuti (at mas personal) ang kahalagahan ng tungkuling ito. Ang mga teksto tulad ng Santiago 3:1 (“hahatulan nang mas mahigpit kaysa iba”) at Hebreo 13:17 (“mananagot sa Diyos”) ay nagkaroon ng malaking impluwensiya sa pag-iisip ko.

Nagkatugma-tugma ang mga pangyayari para bigyang-diin sa akin ang pagpapahalaga ng Diyos sa local church. Naalala ko ang nabasa kong quote ni John Brown, na, gaya ng isang ama ay sumulat ng mga payo sa isa sa kanyang mga estudyante na katatalaga pa lamang sa isang maliit na kongregasyon, “Nalalaman ko ang kapalaluan ng iyong puso, at na pakiramdam mo ay nakakahiya dahil maliit lang ang kongregasyon mo, kung ikukumpara sa mga kapatid na nasa paligid mo; pero tiyakin mo sa iyong sarili sa salita ng isang matanda, na kapag dumating ang araw na ikaw ay magsusulit para sa kanila sa Panginoong Cristo, sa kanyang luklukan ng paghatol, iisipin mo na sapat na iyon.“ Habang tinitingnan ko ang kongregasyon na ipinagkatiwala sa akin, naramdaman ko ang kabigatan ng gayong pagsusulit sa Diyos.

Ang aral na ito ay patuloy na itinuturo sa akin sa aking regular na lingguhang gawain. Sa pangangaral mula sa gospels, at sa epistles, nagkaroon ako ng paulit-ulit na pagkakataon para ayusin ang pagkaunawa sa Kristiyanong pag-ibig. Ipinakita ko na habang ang ilang mga teksto ay nagtuturo sa ating mga Kristiyano na dapat nating mahalin ang lahat (hal., 1 Tes. 3:12), marami sa mga tekstong ginamit para ituro ito ay may kinalaman talaga sa ating pagmamahal sa isa’t isa. Naalala ko ang pangangaral ko sa Mateo 10, na binibigyang punto na ang turo tungkol sa pagbibigay ng malamig na tubig ay para sa “pinakahamak sa aking mga kapatid,” at may isang taong lumapit sa akin pagkatapos at nagsabing sinira ko raw ang kanyang “life verse”!

Ngunit para sa akin, ang lahat ng mga talatang may “bawat isa” at “isa’t isa” ay nagsimulang mabuhay at bigyang laman ang mga theological truths na aking natutuhan tungkol sa pagmamalasakit ng Diyos sa kanyang iglesya. Sa pangangaral ko sa Efeso 2–3, naging malinaw sa akin na ang church ang sentro ng plano ng Diyos para ipakita ang kanyang karunungan sa mga makalangit na nilalang. Noong si Pablo ay makipag-usap sa mga Ephesian elders, tinukoy niya ang church na “tinubos sa pamamagitan ng dugo ng kanyang Anak” (Gawa 20:28). At syempre, sa daan patungong Damasco noong si Saul ay mahinto sa kanyang pag-uusig sa mga Kristiyano, hindi tinanong ng nabuhay na Cristo si Saul kung bakit niya inuusig ang mga Kristiyano, o ang church; sa halip, ang tanong niya kay Saul ay “Bakit mo ako inuusig?” (Gawa 9:4), na nagpapakita ng labis na pakikipag-isa ni Cristo sa church. Malinaw na pangunahin ang church sa walang hanggang plano ng Diyos, sa kanyang sakripisyo, at sa kanyang nagpapatuloy na pagmamalasakit.

Marahil ang lahat ng ito ay mas nagiging paliwanag ng centrality ng ecclesiology kaysa ng isang local church, ngunit sa aking pangangaral ng Bibliya sa bawat linggo, hindi maikakaila sa akin na ang desisyon ni Tyndale na i-translate ang ecclesia bilang “congregation” ay talagang maganda! Ang kahalagahan ng mga relationships na siyang bumubuo sa local church ang lugar kung saan naipapamuhay ang ating discipleship.

Ang pag-ibig ay higit na pang-lokal. At ang local church, kung gano’n, ang lugar na nagsasabing nagpapakita ng pag-ibig na ito sa buong mundo. Kaya itinuro ni Jesus sa kanyang mga disciples sa Juan 13:34–35: “Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo ngayon: magmahalan kayo! Kung paano ko kayo minahal, gayundin naman, magmahalan kayo. Kung kayo’y may pagmamahal sa isa’t isa, makikilala ng lahat na kayo’y mga alagad ko.“

Nakita ko na ang mga kaibigan at kapamilya na lumayo kay Cristo dahil inisip nila na ang local church na ito o iyon ay isang teribleng lugar. At nakita ko rin ang mga kaibigan at kapamilya na lumapit kay Cristo dahil nakita nila mismo ang pag-ibig na ito na itinuro at ipinamuhay ni Jesus—ang pag-ibig para sa isa’t isa, ang uri ng hindi makasariling pagmamahal na ipinakita niya—at naramdaman nila ang natural na pagkaakit dito. Kaya ang congregation—bilang sounding board ng Salita—ay mas naging pangunahin sa aking pagkaunawa ng evangelism, at kung paano tayo dapat magplano at manalangin para mag-evangelize.

Naging mas mahalaga rin ang kongregasyon sa pagkaunawa ko kung paano natin malalaman ang tunay na conversion sa iba, at kung paano tayo magkakaroon ng assurance nito sa atin mismong sarili. Naalala ko kung paano ako naapektuhan ng 1 Juan 4:20–21 noong naghahanda ako para ipangaral iyon: Ang nagsasabing, “Iniibig ko ang Diyos,” subalit napopoot naman sa kanyang kapatid ay sinungaling. Kung ang kapatid na kanyang nakikita ay hindi niya magawang ibigin, paano niya maiibig ang Diyos na hindi niya nakikita?… Ang umiibig sa Diyos ay dapat ding umibig sa kanyang mga kapatid. Ang Santiago 1 at 2 ay mayroong kaparehong mensahe. Ang pag-ibig na ito ay tila hindi optional.

Nito lamang, ang pagkonsidera sa centrality ng congregation ay nagdulot sa akin ng isang bagong pagtingin sa discipline ng local congregation—parehong formative at corrective. Malinaw na kung tayo ay nakadepende sa isa’t isa sa ating mga kongregasyon, dapat ay mayroong disiplina bilang bahagi ng discipleship. At kung tayo ay magkakaroon ng uri ng disiplina na nakita natin sa Bagong Tipan, dapat na kilalanin natin ang iba, maging committed sa kanila, at hayaan sila na kilalanin tayo.

Dapat na mayroon din tayong tiwala sa awtoridad. Ang lahat ng praktikalidad ng pagtitiwala sa awtoridad sa pag-aasawa, sa tahanan, at sa church ay nagkakaugnay sa lokal na lebel. Ang maling pagkaunawa rito, at pagtanggi sa awtoridad ay tila napakalapit sa kung tungkol saan ang pagbagsak sa kasalanan. Gayon din naman, ang pagkaunawa rito ay tila napakalapit sa puso ng mabiyayang gawa ng Diyos na pagsasaayos ng kanyang relasyon sa atin—isang relasyon ng magkasamang awtoridad at pag-ibig.

Sa pangkalahatan, nakikita ko kung bakit itinuring ng mga Kristiyano noon ang hindi pagdalo bilang isang napakahalagang usapin. At sa tingin ko nakikita ko na kung anong pinsala ang nagagawa sa napakaraming aspeto kapag nagsimula tayong panoorin lamang ang mga linya ng membership at pagdalo na maging magkalayo. Ang paglipat ng pagdedesisyon tungkol sa church attendance mula sa pagiging usapin na kailangang pagtuunan ng buong kongregasyon patungo sa pagiging usapin ng pribadong pagdedesisyon—hindi para makisali pa tayo—ay nagdala ng kaguluhan sa ating mga kongregasyon, at sa buhay ng mga tao na minsan ay dumalo sa mga ito.

Ngayon ay mas maraming katanungan sa aking isipan, mga tanong tungkol sa seminaries at “Christian leaders” na nasa ibang lugar bawat linggo, at mga pastor na hindi nauunawaan ang kahalagahan ng kongregasyon, at mga kawawang tupa na naliligaw katulad ng maraming frustrated consumers na nagpapalipat-lipat ng kongregasyon. Kung loloobin ng Diyos, ang parating na dekada ay magiging kasing interesting ng lumipas na dekada.

By: Mark Dever, senior pastor ng Capitol Hill Baptist Church sa Washington D.C., at ang President ng 9Marks

Editor’s note: Ang article na ito ay orihinal na lumabas sa Jan/Feb ’02 issue ng Modern Reformation, ni-revise at ni-reprint nang may pahintulot. Ang Modern Reformation ay maaaring makita online sa www.modernreformation.org.

Salin sa Filipino/Taglish ng “How My Mind Has Changed: The Centrality of the Congregation” ni Marie Manahan. Mula sa 9Marks.


Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)

Sign up to get your free pdf

By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

Leave a Reply