Panimula
Ipinagbawal ng Council of Ephesus noong AD 431 ang paggawa ng anumang bagong kredo. Ang Council of Chalcedon, na nagpulong noong 451 upang harapin ang mga bagong pagkakamali, ay piniling maglabas ng isang kautusan upang pagtibayin ang mga naunang version ng Nicene Creed (parehong ang 325 at ang 381 na versions) at mag-alok din ng isang maikling paglilinaw tungkol sa turo ng iglesiya tungkol sa persona ni Cristo. Pagkatapos ay agad na ipinagbawal ng konseho ang sinumang iba pa na gumawa ng bagong kredo, gaano man kaganda ang kanyang intensyon.
Ang paglilinaw, formula, o paglalarawan na ito ang pinakamalinaw na pahayag hanggang ngayon sa persona ng Panginoong Jesu-Cristo. Ipinapahayag nito kung sino si Cristo ngayon: Diyos at tao, isang persona sa dalawang kalikasan (kaya ang lenggwahe nito ay patungkol sa dalawang kalikasang magkasama sa isang persona). Hindi tulad ng mga naunang kredo, hindi nito binibigyang-diin ang aktwal na kaganapan ng incarnation o ang pagkuha ng persona ng Anak sa kanyang sarili ng pagkatao. Kilala rin ito sa paglalatag ng isang serye ng mga pagtanggi ng mga katuruan tungkol kay Cristo kapag itinuturo nito na ang mga kalikasan ni Cristo ay “walang pagkakahalo, walang pagbabago, walang pagkakahati, walang pagkakahiwalay.” Ang “negatibo,” o apophatic, na teolohiyang ito ay nagpapakita ng paniniwala ng maraming Kristiyanong nagsasalita ng Griyego na karamihan sa sinasabi natin tungkol sa Diyos—marahil ang pinakamainam sa sinasabi natin tungkol sa Diyos—ay kinapapalooban ng pagsasabi ng kung ano ang hindi totoo tungkol sa kanya.
Ang antas ng detalye na inaalok sa kredo, kabilang ang paggamit ng terminong “kalikasan,” kalaunan ay nagpalayo sa mga taong mas gusto ang mga naunang pahayag ng pananampalataya. Kaya, habang ang kredong ito ay hawak ng mga Western Christians at ng Eastern Orthodox Church, ang Oriental Orthodox, kabilang ang iba’t ibang mga Coptic churches, ay hindi nag-subscribe sa Chalcedonian Definition.
by Chad Van Dixhoorn, ed., Creeds, Confessions and Catechisms: A Reader’s Edition (Wheaton, IL: Crossway, 2022)
Ang Chalcedonian Definition
Bilang pagsunod sa mga ninuno sa pananampalataya, kaming lahat ay may iisang tinig na nagtuturo sa mga tao na ipahayag ang isa at siyang Anak, ang ating Panginoong Jesu-Cristo: na siyang ganap sa pagka-Diyos at ganap sa pagkatao, siyang tunay na Diyos at tunay na tao, na may katawan at kaluluwang may pag-iisip; kaisang-kalikasan ng Ama ayon sa kanyang pagka-Diyos, at kaisang-kalikasan natin ayon sa kanyang pagkatao; katulad natin sa lahat ng bagay maliban sa pagkakasala; ipinanganak bago pa ang lahat ng kapanahunan mula sa Ama ayon sa kanyang pagka-Diyos, at sa mga huling araw, para sa atin at para sa ating kaligtasan, isinilang mula sa birheng si Maria, ang ina ng Diyos, ayon sa kanyang pagkatao; iisa at siyang Cristo, Anak, Panginoon, bugtong na anak, na kinikilala sa dalawang kalikasan na walang pagkakahalo, walang pagbabago, walang pagkakahati, walang pagkakahiwalay; na ang pagkakaiba sa pagitan ng mga kalikasan ay hindi inaalis sa anumang paraan ng pagiging isa, kundi ang katangian ng parehong kalikasan ay pinananatili at pinag-iisa sa iisang persona at iisang buhay; hindi pinaghihiwalay o pinaghahati sa dalawang persona, kundi iisa at siyang bugtong na Anak, Diyos, Salita, Panginoong Jesu-Cristo, tulad ng itinuro ng mga propeta mula pa sa simula tungkol sa kanya, at gaya ng pagtuturo mismo sa atin ng Panginoong Jesu-Cristo, at gaya ng ipinagkaloob sa atin ng kredo ng ating mga ninuno sa pananampalataya.

Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)
Sign up to get your free pdf
By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

