Ano ang relationship mo sa mga pastor mo? Paano mo ito ilalarawan? Wala lang? Malayo ang loob mo sa kanila? Masaya at tapat? Magkaibigan? May follow-up question pa: Sino sa tingin mo ang may responsibilidad para lumago at mapabuti ang relationship na ‘yan?

Alam ko kung ano ang sagot ng maraming church members sa tanong na ‘yan: “Aba syempre naman, responsibilidad ‘yan ng mga pastor!”

Karamihan sa mga church members ay umaasa na gagawin ng kanilang mga pastor ang lahat ng pagpupursige at lahat ng follow-up. Natural na dapat nilang alamin kung anu-ano ang mga nangyayari sa buhay ng mga members sa lahat ng oras. Pero nakakapagod ang mga one-sided relationships; nakakapanghina ng loob. Dapat nating hangarin ang mas mainam.

Simple lang naman ang point ng article na ito: dapat ilapit ng mga church members ang kanilang loob sa kanilang mga pastor. So dahil “mga pastor,” plural ‘yan, ibig kong iparating na hindi lang dapat kay senior pastor o kay head pastor inilalapit ng mga church members ang kanilang loob, ang pagbuo ng makabuluhang espiritwal na ugnayan ay dapat sa lahat ng pastor o elder ng church (sa NT, ang salitang pastor at elder ay iisa lamang). Para sa layuning iyan, mas mainam kung ang church ay mayroong plurality ng mga elders, kung saan maraming kalalakihan ang nagtutulungan sa pagpasan ng gawain ng shepherding sa mga members. Ang suggestion ko ay ipanalangin mo na maging open ka sa kahit isa man lang sa kanila, para sa ikabubuti ng espiritwal na buhay mo at buhay nila.

Magbibigay ako ng dalawang dahilan kung bakit dapat anyayahan at ilapit ng mga members ang kanilang mga pastor sa kanilang buhay, at pagkatapos, sa dulo, ay magbibigay ako ng mabilisang listahan ng mga suggestions kung paano ito gagawin nang epektibo.

DALAWANG DAHILAN

1. Kailangan Mo ang Iyong mga Pastor.

Karamihan sa mga Kristiyano ay may dalawang karaniwang maling akala.

Akala ng maraming Kristiyano, “Si Jesus lamang ang kailangan ko.” Sa unang tingin, para bang itinataas ng sentiment na ito ang kasapatan ni Cristo na pangalagaan at palakasin ang kanyang church. Pero kadalasan ginagamit ng mga Kristiyano ang pananalitang ito para tanggihan ang anumang pastoral na tungkulin. Marahil itinataboy nila ang kanilang mga pastor para patuloy na maitago ang isang lihim na kasalanan. Marahil nahihiya sila dahil sobrang gulo ng kanilang mga problema, kaya tinatalikuran nila ang kanilang mga pastol at ibinibahagi ang kanilang mga paghihirap kay Jesus at kay Jesus lamang.

Tuwing ginagawa ito ng mga Kristiyano, sa katunayan, pinapabayaan nila ang isa sa mga pangunahing paraan na itinatag ni Cristo para maalagaan at mapalakas sila—ang kanilang church at kanilang mga elders. Dapat nating tandaan, dinisenyo ni Jesus ang church bilang mga tao na nagpapatotoo at nagtutulungan para maipakita siya nang maayos sa mundo (Mateo 16:16–18; 18:15–18). Pero hindi lang ‘yan. Pinagkalooban din ni Jesus ang church ng mga pastor para tumibay, masanay at sumigla ang church (Efeso 4:11–12) Ang mga pastor ay mga regalo ng Diyos sa mga mananampalataya para tulungan silang lumago sa kabanalan. Bakit mo tatanggihan ang gayong mga regalo?

Sa kabilang banda, may ilang mga Kristiyano naman na sa tingin nila ay pwede na kahit sinong pastor. Sa panahon natin ngayon na uso ang mga podcasts at mga FB live streams, sobrang dali—halos di na nga kailangang mag-effort—na humingi ng advice sa napakaraming mga pastor maliban sa sarili mong pastor.  Sa ganyang paraan, maaari mong tanggapin ang katotohanan na kailangan mo nga ng isang pastor. Ngunit kung ikaw nga ay nasa ganyang sitwasyon, dapat mong malaman: hindi mo lang kailangan ng isang pastor, kailangan mo ang iyong pastor.

Paano ko nalaman? Dahil ang ating makapangyarihang Diyos na nagtatakda ng mga panahon at mga lugar (Gawa 17:26) ay inilagay ka sa inyong local church na pinamumunuan ng mga kalalakihang iyon. Alam ng Diyos na makikipaglaban ka sa iba’t ibang mga theological issues, mga struggles sa buhay mag-asawa, mga mahahalay na tukso, o mga conflicts sa mga relationships mo, at sinigurado niya na dito sa local church na ito ay pangungunahan ka ng mga pastor na ito na tinawag niya para tulungan ka.

Kaya mga kapatid, sulitin n’yo ang mayamang resource na ito. Abutin mo ang iyong mga pastor at ilapit mo sila sa buhay mo. Kailangan mo sila.

2. Kailangan Ka ng mga Pastor Mo.

Ang isang pastor ay dapat na nakatali sa mga taong ibinigay ng Panginoon sa kanya upang pamunuan. Kaya nga sinabi ni Pedro, “Alagaan ninyo ang kawan ng Diyos na ipinagkatiwala sa inyo” (1 Pedro 5:2). Ang mga pastor ay dapat kasama ng kanilang mga taong pinangungunahan, involved sa kanilang buhay, nakikibahagi sa kanilang mga karanasan.

Ano’ng ibig sabihin niyan para sa ‘yo? Ibig sabihin niyan, tulungan mo ang mga pastor mo na magawa nang tapat ang kanilang mga tungkulin sa pamamagitan ng pag-anyaya sa kanila sa buhay mo—masamahan kang umiyak sa panahon ng karamdaman, masamahan kang magsaya sa panahon ng tagumpay, masamahan kang manalangin sa panahon ng kagipitan, masamahan kang magsumamo sa panahon ng kahinaan.

Ang mga sandaling ito ay nagpapaalala sa mga pastor na inaasahan ng Diyos na pagpastulan nila ang mga tupa sa buong linggo, hindi lamang preaching ng mga sermons tuwing Linggo. Pero hindi lang ‘yan. Higit pa riyan, encouragement din yun sa mga pastor na magpatuloy pa sa ministry, dahil nakikita mismo nila na hindi nasasayang ang kanilang mga paghihirap.

Panghuli, ang mga nababalitang mga scandals ngayon na kinasasangkutan ng iba’t ibang mga ministry leaders ay nagpapakita ng panganib ng isang lihim na buhay. Hindi ko maiwasang isipin kung ano kaya ang maaaring naiwasan o pagkakaiba kung ang mga leaders na ito ay nagbigay talaga ng totoong panahon para makilala ang kanilang mga pinangungunahan. Hindi natin alam, malay natin. Marahil yung transparency mo sa mga pastor mo ay magmodelo para sa kanila kung paano sila dapat mamuhay. Marahil yun ang maging kaparaanan para magkaroon sila ng conviction na kulang sila sa transparency at makatulong yun para mamuhay sila nang may integrity sa piling mo at ng buong church.

Kaya mga kapatid, huwag ninyong hayaan na magkaroon ng sariling mundo sa ministry ang inyong mga pastor. Hayaan ninyo na makilala nila kayo, at maranasan nila ang pag-ibig ng Panginoon sa kanila sa pamamagitan ng buhay n’yo. Kailangan nila kayo.

DALAWAMPU’T ISANG MGA IDEAS

Hayaan mo na tapusin ko ito sa pamamagitan ng dalawampu’t isang (21) maiikling mga ideas para mabuo ang relationship mo sa mga pastor mo. Ang mga ito ay hindi naman talaga kumpleto, at hindi nilalayong maging prescriptive o utos na kailangang sundin, ngunit maaaring makatulong para masimulan mo. Huwag mong gamitin o ituring ang listahang ito bilang isang siguradong paraan para mas makuha ang atensyon o oras ng iyong mga pastor. Ang mga elders ay busy sa pagpapastor sa buong kongregasyon, kasama pa ang pag-aalaga sa kanilang sariling pamilya at kaluluwa. Sa madaling salita, babaan mo lang ang mga expectations mo. Huwag humingi ng sobra-sobra, sa halip ay buksan mo pa ang pinto ng iyong buhay para mas makilala ka pa nila. So, habang inaanyayahan mo si pastor o maraming mga pastor sa iyong buhay, narito ang ilang mga suggestions:

  1. I-share mo sa kanya ang mga prayer requests mo linggu-linggo.
  2. Sa pamamagitan ng text o chat, itanong mo sa kanya yung mga naiisip mo sa passage na gagamitin niya sa preaching.
  3. Magtanong ka ng mga follow-up questions sa kanyang sermon, o isulat mo at sabihin mo sa kanya yung mga bagay na narinig mo sa sermon na naging encouragement o challenge sa ‘yo.
  4. Imbitahan mo siya at ang kanyang asawa na kumain sa labas. Pwedeng agahan, o lunch, o dinner, o kape.
  5. Tawagan mo siya agad kapag may nangyaring trahedya.
  6. Isama mo siya sa mga panalangin mo at sabihin mo sa kanya na ipinanalangin mo siya.
  7. I-share mo sa kanya ang mga natutunan mo sa mga personal devotions mo.
  8. Ipagtapat mo sa kanya ang mga kasalanan mo.
  9. Tawagan mo siya kapag may kinakaharap kang mga tukso.
  10. Ayain mo siyang maglaro ng basketball.
  11. Tanungin mo siya kung pwede bang tumambay at magbasa ng libro sa kanyang office.
  12. Anyayahan mo ang mga kaibigan mo sa church at ipakilala mo sila sa kanya.
  13. Humingi ka sa kanya ng advice sa mabibigat na mga desisyon—kung naiisip mong lumipat ng bahay, maghanap na ng bagong trabaho, bumisita sa ibang church, manligaw, at iba pa.
  14. Ikuwento mo sa kanya yung mga movies at mga series na pinapanuod mo, at mga kantang pinapakinggan mo.
  15. Ikuwento mo sa kanya yung mga librong binabasa mo ngayon.
  16. I-share mo sa kanya ang mga libangan mo.
  17. I-share mo sa kanya kung kailan ang birthday mo.
  18. I-share mo sa kanya ang family background mo.
  19. Huwag kang mahiya sa membership interview, ibahagi mo sa kanya lahat ng detalye ng testimony mo at kinalakihan mo. Hayaan mong dumami yung alam niya sa buhay mo.
  20. I-share mo sa kanya mga naiisip mo o mga pananaw mo sa mga current events sa balita at sa inyong komunidad.
  21. Kapag may nakita kang nakakatawang mga reels at mga memes, i-send mo sa kanya!

Mga kapatid, ganyan lang naman talaga kasimple yun: ilapit mo ang mga pastor mo sa buhay mo.


Salin sa Filipino/Taglish ng Invite Your Pastors into Your Life. Mula sa 9Marks. Isinulat ni Omar Johnson.

Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)

Sign up to get your free pdf

By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

Leave a Reply