Sigurado akong sobra kang natuwa nang malaman mo na naglaan ang 9Marks ng isang buong Journal tungkol sa impiyerno. Sa totoo lang, mas gugustuhin nating tingnan at isipin ang ibang bagay kapag iyan ang paksa.

Para sa iba, ang lagim ng doktrinang Kristiyano tungkol sa impiyerno—na ito ay isang lugar ng walang hanggan at damang-damang pagdurusa, kung saan pinaparusahan ang mga kaaway ng Diyos—ay hindi lang nag-akay sa kanila na tingnan at isipin ang ibang bagay,  kundi lubusan itong hindi paniwalaan. Sinasabi nila, “Siguradong ang impiyerno ay kathang-isip lang na ginagamit para takutin ang mga tao; ang Diyos ng pag-ibig ay hindi kailanman hahayaan na magkaroon ng ganyang lugar.” May emotional power nga ang argumentong ito. Walang sinuman, maging ang Kristiyano, ang may gusto ng idea ng impiyerno.

Ang doktrinang ito ay hindi dekorasyon lang sa Christian worldview, na parang walang kinalaman sa kabuuan ng pananampalataya. Hindi rin naman nakakahiya, sinauna at hindi kailangan ang doktrina tungkol sa impiyerno na pinaniniwalaan natin dahil lang sinabi sa ating paniwalaan ito.

Sa kabaligtaran, ginagawang matingkad ng doktrina at katotohanan ng impiyerno ang kaluwalhatian ng ebanghelyo para sa atin. Tinutulungan tayo nitong maunawaan kung gaano talaga kadakila ang Diyos, kung gaano talaga tayo kamiserable dahil sa ating mga kasalanan,  at kung gaano kamangha-mangha na siya ay magpakita ng biyaya sa atin. Bukod pa rito, ang katotohanan ng impiyerno—kung hindi natin ito iaalis sa ating isipan—ay magtutuon sa atin, higit sa lahat, sa tungkuling ipahayag ang ebanghelyo sa mga taong nanganganib na manatili roon nang walang hanggan.

Narito ang limang biblikal na pahayag tungkol sa impiyerno na, kung titingnan sa kabuuan, ay nagpapakita kung bakit ang impiyerno ay mahalagang bahagi ng ebanghelyo.

BAKIT ANG IMPIYERNO AY MAHALAGANG BAHAGI NG EBANGHELYO

1. Itinuturo ng Bibliya na may tunay na lugar na tinatawag na impiyerno.

Hindi ko na papahabain ang puntong ito. Malinaw na itong pinaliwanag ng iba. Sapat nang sabihin na hindi inimbento ng mga medieval bishops ang doktrina tungkol sa impiyerno para takutin ang mga trabahador; nakuha nila ito sa mga apostol. At hindi ito inimbento ng mga apostol para takutin ang mga pagano; nakuha nila ito kay Jesus. At hindi ito hiniram ni Jesus sa mga Zoroastrians para takutin ang mga Pariseo; siya ay Diyos, kaya alam niyang ito ay totoo, at ganun nga ang sinabi niya. Bukod pa rito, ang katotohanan ng impiyerno ay ipinahayag na sa Old Testament.

Kaya nga, kung sinasabi nating tayo’y mga Kristiyano at naniniwala na ang Bibliya ay ang salita ng Diyos, dapat nating kilalanin na tinuturo ng Bibliya ang katotohanan ng impiyerno. Pero meron pang iba.

2. Ipinapakita sa atin ng impiyerno kung gaano talaga karumal-dumal ang kasalanan.

Narinig mo na ba ang isang tao na nagsabi na walang kasalanan ang posibleng maging karapat-dapat sa pang-walang hanggang pagdurusa sa impiyerno? Iyon ay isang argumentong nagpapakita ng nasa puso ng tao. Bakit kapag inisip ng mga tao ang tungkol sa impiyerno, palagi nilang ipinalalagay na ang Diyos ang may mali at hindi sila? Nakikita mo kung paanong pinapalabas nito ang nasa puso natin? Kapag inisip natin ang sarili nating kasalanan, ang una nating ginagawa ay paliitin ito, magprotesta na hindi naman ito ganun kasama at mali ang Diyos sa pagsasabing karapat-dapat ito sa parusa.   

Ang katotohanan ng impiyerno ay malinaw na nagpapabulaan sa self-justification o ang pagpapahayag na hindi naman ganoon kasama ang kasalanan. Palaging makikita ng mga hindi Kristiyano ang lagim ng impiyerno bilang kahatulan sa Diyos, pero bilang mga Kristiyano na nakikilalang ang Diyos ay ganap na makatarungan at matuwid, dapat nating maintindihan na ang lagim ng impiyerno ay kahatulan talaga sa atin. Maaaring gusto nating paliitin ang ating kasalanan, o i-excuse ito, o subuking magpaliwanag sa konsensya natin para matahimik ito. Pero ang katotohanan na ipinahayag ng Diyos na karapat-dapat tayong magdusa pang-walang hanggan dahil sa mga kasalanang iyon ay dapat magpaalala sa atin na hindi maliit ang mga iyon. Ang mga iyon ay napakagrabeng kasamaan.

3. Ipinapakita ng impiyerno kung gaano kasigurado at mapagkakatiwalaan ang pagiging makatarungan ng Diyos.

Sa buong kasaysayan, ang mga tao’y natutuksong isipin na ang Diyos ay isang corrupt na hukom, na isinasantabi ang hinihingi ng hustisya dahil lamang gusto niya ang nasasakdal. “Tayong lahat ay mga anak ng Diyos,” ang kanilang argumento. “Paano papatawan ng Diyos ng karumal-dumal na sentensya ang ilan sa mga anak niya?” Simple lang ang sagot sa tanong na ‘yan: Hindi corrupt na hukom ang Diyos. Siya ay ganap na makatarungan at matuwid.

Paulit-ulit na sinasabi ng Bibliya ang puntong ito. Nang ipakilala ng Diyos ang kanyang sarili kay Moises, ipinahayag niyang siya’y mahabagin at mapagmahal, pero sinabi rin niyang, “pinaparusahan [niya] ang mga nagkakasala.” Ipinahayag ng Mga Awit na “Katuwiran at katarungan ang pundasyon ng [kanyang] trono.” What an amazing statement! Kung ang Diyos ay magpapatuloy sa pagiging Diyos, hindi niya basta pwedeng isantabi ang hustisya at itago ang kasalanan sa ilalim ng basahan. Kailangan niya itong hatulan—nang may determinado at makatarungang paghatol. Kapag ang Diyos ay humatol na sa wakas, walang isang kasalanan ang tatanggap ng parusang higit sa nararapat dito. At wala ring isa man ang tatanggap ng mas kaunti sa nararapat dito.   

Sinasabi ng Bibliya na pagdating ng araw na iyon, kapag hinatulan na ng Diyos ang mga kaaway niya sa impiyerno, kikilalanin ng buong mundo na ang ginawa niya ay walang-dudang matuwid at tama. Malinaw itong ipinakita ng Isaias 5: “Ang daigdig ng mga patay ay magugutom; ibubuka nito ng maluwang ang kanyang bibig.” Kakila-kilabot ang larawang ito— ibinubuka ng libingan ang bibig nito para lunukin ang mga naninirahan sa Jerusalem. Pero sa pamamagitan nito, sabi ni Isaias, pupurihin “si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat…sa hatol niyang matapat, at sa pagpapakita ng katuwiran, makikilalang ang Diyos ay Banal.” Gayundin naman, sinasabi sa Roma 9:22 na sa pamamagitan ng pagpapahirap ng impiyerno, “ipapakita ng Diyos ang kanyang poot at ipapakilala ang kanyang kapangyarihan,” “upang ipakilala ang kanyang walang kapantay na kadakilaan sa mga taong kanyang kinahabagan.”

Maaaring hindi natin ito lubusang maunawaan ngayon, pero isang araw ang impiyerno mismo ang magpapahayag ng kaluwalhatian ng Diyos. Kahit sa kalagiman nito, ito ay magpapatotoo, kasama ng mang-aawit, “Katuwiran at katarungan ang pundasyon ng [kanyang] trono.”

4. Ipinapakita ng impiyerno kung gaano talaga karumal-dumal ang krus, at kung gaano talaga kadakila ang biyaya ng Diyos.

Sinasabi ng Roma 3 na inialay ng Diyos si Jesus bilang handog “upang patunayang siya’y matuwid.” Ginawa niya ito “sapagkat noong unang panahon ay nagtimpi siya at pinagtiisan ang mga kasalanang nagawa ng mga tao.”

Bakit kailangang mamatay si Jesus sa krus? Ito ay dahil iyon lang ang tanging matuwid na paraan para hindi ipadala ng Diyos ang bawat isa sa atin sa impiyerno. Kailangang akuin ni Jesus ang nararapat sa atin, at ibig sabihin noon ay kailangan niyang pagtiisan ang katumbas ng impiyerno habang siya’y nakapako doon sa krus. Hindi ibig sabihin noon na talaga ngang pumunta si Jesus sa impiyerno. Pero ibig sabihin noon na ang mga pako at mga tinik ay simula lamang ng pagdurusa ni Jesus. Ang tunay na sukdulan ng paghihirap niya ay noong ibuhos ng Diyos ang kanyang poot kay Jesus. Nang magdilim ang kapaligiran, hindi tinakpan lang ng Diyos ang paghihirap ng kanyang Anak, gaya ng sabi ng ilan. Iyon ay ang kadiliman ng sumpa, ng poot ng Diyos. Iyon ang kadiliman ng impiyerno, at sa oras na ‘yon ay tiniis ni Jesus ang sukdulang bagsik—ang bagsik ng poot ng Diyos na makapangyarihan sa lahat.

Kapag naunawaan mo ang krus sa ganitong paraan, magsisimula kang mas maunawaan kung gaano kamangha-mangha ang biyaya ng Diyos sa iyo, kung ikaw ay isang Kristiyano. Ang misyon ng pagliligtas na isinakatuparan ni Jesus ay may kasamang commitment na tiisin ang poot ng Diyos alang-alang sa ‘yo, para danasin ang impiyerno na nararapat sa ‘yo. Napakadakilang pagpapakita ng pagmamahal at awa niyon! Pero makikita at mauunawaan mo lang ang pagpapakita ng pagmamahal na ‘yon kapag naintindihan mo, tinanggap, at natakot ka sa lagim ng impiyerno.

5. Itinutuon ng impiyerno ang mga isipan natin sa gawain ng pagpapahayag ng ebanghelyo.

Kung totoo ang impiyerno, at kung ang mga tao ay talagang nanganganib na magdusa panghabang panahon doon, wala nang mas mahalaga at kailangang gawin agad kundi ang sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad bago siya umakyat sa langit—ang ipangaral sa buong mundo ang mabuting balita ng kapatawaran ng mga kasalanan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo!

Sa tingin ko ay tamang tama ang sinabi ni John Piper sa kanyang interview sa The Gospel Coalition: “Napakahirap na bitawan ang gospel kung naniniwala kang merong impiyerno, na pagkatapos ng buhay na ito, merong walang katapusang pagdurusa para sa mga hindi naniwala sa ebanghelyo.” Maraming mabubuting bagay na magagawa ang mga Kristiyano—at dapat lang iyong gawin! Pero kung totoo ang impiyerno, mahalagang lagi itong isaisip—hindi, dapat itong laging isaisip—na ang isang bagay na magagawa ng mga Kristiyano na hinding hindi gagawin ng ibang tao ay ang sabihin sa mga tao kung paano sila mapapatawad sa kanilang kasalanan, kung paano sila maliligtas mula sa walang hanggang pagdurusa sa impiyerno.

CONCLUSION

Walang duda na ang doktrina tungkol sa impiyerno ay kakila-kilabot. Ang doktrina ay kakila-kilabot dahil ang katotohanan ay kakila-kilabot. Pero hindi ‘yan dahilan para hindi natin tingnan at isipin ‘yon, lalo pa ang hindi ito paniwalaan.  

Merong mga nag-iisip na, kapag tatanggihan nila ito o hindi bibigyang-pansin sa kanilang pangangaral, ay ginagawa nilang mas maluwalhati at mas mapagmahal ang Diyos. Hindi ganun! Hindi nila alam na ang ginagawa nila ay nakawan ng papuri ang Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, na para bang iniligtas niya tayo sa bagay na… hindi naman talaga ganoong kasama. 

Sa katunayan, ang kakila-kilabot na katangian ng impiyerno ay nagpapaigting lang sa kaluwalahatian ng pagliligtas sa atin mula rito. Hindi lang ‘yon, pero habang mas malinaw nating nakikita ang lagim ng impiyerno, titingnan din natin nang may mas malaking pagmamahal, at mas malaking pasasalamat, at mas malaking pagsamba Siya na nagdanas at nagtiis ng impiyerno para sa atin at nagligtas sa atin.


Salin sa Filipino/Taglish ng “Why Hell Is Integral to the Gospel.” Mula sa 9Marks. Isinulat ni Greg Gilbert.

Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)

Sign up to get your free pdf

By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

Leave a Reply