Paano mo masusuri ang isang prosperity gospel church?
Ang unang siyam na taon ng aking buhay Kristiyano ay ginugol sa gayong kapaligiran, na sinundan ng dalawang taon sa theological rehab, na naghanda sa akin para sa susunod na anim na taon ng pagpapastor. Naging malinaw sa akin na ang siyam na marka ng isang healthy church ay nagbibigay ng isang kapaki-pakinabang na grid para sa pagsusuri ng anumang church, kabilang iyong mga nagtuturo ng prosperity gospel.
At natuklasan namin na ang prosperity gospel church ay talaga namang salungat sa isang nine marks church.
Ang ilan sa mga halimbawa sa mga sumusunod ay specific at maaaring hindi naaangkop sa ‘yo. Ngunit marami sa mga ito ay universal at ipinapalaganap ng mga mangangaral sa internet, radyo, at telebisyon. Dahil ang prosperity gospel movement ay inter-denominational, ang mga katuruan na ipinahayag sa artikulong ito ay hindi dapat iugnay sa isang partikular na denominasyon sa loob ng evangelical Christianity.
1. EXPOSITIONAL PREACHING
Ang pangangaral sa prosperity gospel churches ay malayo sa pagiging expositional. Sa halip, ang layunin ng pangangaral ay upang mahikayat ang mga tagapakinig na magbigay ng pera, na ikaw ay dapat na magbigay para makakuha. Sinasamantala ng mga mangangaral ang mga talatang tumatalakay sa sakripisyong pagbibigay ng ikapu at handog linggu-linggo. Tinuturuan nila ang mga tagapakinig na buhayin ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng paghahasik ng “binhi ng pananampalataya” o “faith seed” at sa gayon ay bumaling sa kautusan ng Diyos patungkol sa pagtugon (reciprocity) at humantong sa kanilang sariling financial breakthrough.
Ang ilang mga talata sa Lumang Tipan ay kadalasang ginagamit bilang mga halimbawa ng masaganang gantimpala ng Diyos sa pagbibigay nang may pananampalataya. Ang isang talata na madalas gamitin upang manipulahin ang mga tagapakinig sa pagbibigay ng higit pa ay ang Malakias 3:10. Ang mga prosperity preachers ay nagtatampok ng dalawang punto mula sa talatang ito. Una, sinasabi nila sa mga tagapakinig na ninanakawan nila ang Diyos sa pamamagitan ng hindi pagbibigay ng ikapu. Pangalawa, tinitiyak nila sa mga tagapakinig na nais ng Diyos na subukin nila ang Diyos sa pamamagitan ng pagbibigay ng higit pa, upang mabigyan niya sila ng higit pa.
Ngunit isaalang-alang mo ang Malakias 3:10 sa tamang konteksto nito. Ninanakawan ng mga Israelita ang Diyos sa pamamagitan ng hindi pagbibigay ng sapat na pagkain sa pambansang bodega na ginagamit sa pagpapakain sa mga saserdote o pari ng Israel. Kaya kailangang iwanan ng mga pari ang kanilang mga tungkulin bilang pari at magsaka para mabuhay (tingnan sa Neh. 13:10–13). Kaya hinihikayat ng Diyos ang Israel na subukin siya sa pamamagitan ng masunuring pagbibigay. Kung gagawin nila ito, gagantimpalaan niya sila tulad ng ginawa niya noon (2 Chr. 31:7–10). Ang punto ng buong talatang ito ay tungkol sa isang partikular na pangyayari sa kasaysayan sa buhay ng Israel. Gayunman, ang pangangaral nito bilang isang Christian sermon ay nangangailangan ng higit pa sa paglilipat ng mga utos at pangako nito sa mga Kristiyano on a one-to-one basis. Oo, may mas malalaking applications para sa Kristiyano patungkol sa pagbibigay, ngunit una ay kailangang tingnan mo ang mga pagkakaiba sa pagitan ng luma at bagong tipan, lalo na ang kalikasan ng mga pangako ng Diyos sa Israel at ang paraan ng pagtupad nito para sa Kristiyanong nakay Cristo.
Ang isang healthy church ay gumagamit ng pangangaral upang ipabatid ang mga salita ng Diyos sa kanyang mga anak. Hinaharap o kinukompronta nito ang tagapakinig ng katotohanan ng Diyos at humahantong ito sa pananalig , encouragement, kalinawan, at panawagan na kumilos o tumugon. Sinisentro rin nito ang bawat teksto sa gospel upang ipakita sa tagapakinig kung gaano kaimportante at kinakailangan si Jesu-Cristo sa mananampalatayang namumuhay nang may pagsunod sa salita ng Diyos. Ipapaalam ng isang healthy church sa mga mananampalataya na ang mga resulta ng banal na pamumuhay ay hindi kinakailangang maging pinansiyal na pakinabang kundi kabanalan na nagpaparangal sa ating Panginoon.
2. BIBLICAL THEOLOGY
Ang teolohiya ng prosperity gospel ay nakahilig sa pangunahing pagkakamali na ang tao ay maaaring maging katulad ng Diyos, na ang ating mga salita ay may parehong kapangyarihang lumikha tulad ng mga salita ng Diyos. Ang Awit 82:6, Kawikaan 18:20–21, at Roma 4:17 ay mga popular na tekstong patunay na ginagamit upang suportahan ang kasinungalingang ito. Madalas sabihin na ang tao ay isang “diyos” at nagtataglay ng kapangyarihang magpakita ng pagiging diyos sa pamamagitan ng pagsasalita upang lumikha ng mga bagay, paglikha at pagkontrol sa ating kapalaran sa pamamagitan ng mga salita, at maging ang pag-utos sa isang frustrated at limitadong Diyos na kumilos para sa ating kapakanan.
Ngunit wala sa mga proof texts na ito ang sumusuporta sa mga prosperity teachings na ito. Sa Awit 82:6, ang Psalmist ay umiiyak sa Diyos tungkol sa mga imoral na hukom na namamahala sa bansang Israel. Ang Diyos ay direktang nagsasalita sa mga masasamang hukom sa pamamagitan ng pagtawag sa kanila bilang “mga diyos” upang i-highlight ang katotohanan na hinuhusgahan nila ang bansa para sa kanya. Dapat nilang gamitin ang kanyang salita bilang pamantayan ng kanilang paghatol. Sa kasunod na talata ay ipinaalala sa kanila ng Diyos na hindi sila mga eternal beings. Sa halip sila ay mga tao lamang na nabigong mamuhay at humusga nang matuwid. Ang talatang ito ay hindi nagtataas sa tao sa katayuan ng demigod. Hindi rin ito nagbibigay sa tao ng kakayahang kumilos nang may sovereign authority. Sa halip, tanging ang tunay at buháy na Diyos ang hahatol sa mga imoral na gawain ng mga hukom na ito.
Ang Kawikaan 18:20–21 ay isang alituntunin, hindi isang pangako, at binabalangkas nito ang dalawang katotohanan. Una, ang ating mga salita ay hindi nagdidikta ng ating kapalaran; sa halip, ipinapakita nila ang kalagayan ng ating mga puso. Pangalawa, may mga pagkakataon na ang ating mga salita ay magdudulot sa atin na pagtiisan ang mga kahihinatnan o consequences nito. Ang talatang ito ay hindi nangangako sa atin ng kapangyarihang ipahayag ang haba ng ating buhay. Hindi rin nito ipinapahayag ang kawalang kapangyarihan ng Diyos na iligtas tayo kung isusumpa natin nang walang humpay ang ating sarili, tulad ng itinuro ng ilang prosperity teachers.
Itinuturo ni Pablo sa Roma 4:17 na binigyang katwiran (justified) ng Diyos si Abraham at ipinahayag na siya ang ama ng mga bansa habang si Abraham ay wala pang anak. Walang kinalaman ang talatang ito sa pagsasalita ng mga Kristiyano ng tungkol sa pagkakaroon ng mas maraming pera, mga promotion sa trabaho, o kahit na ang kaligtasan ng mga mahal sa buhay. Sa katunayan, ang talatang ito ay nagtataguyod ng katotohanan na ang Diyos lamang ang maaaring lumikha o makapangyayari ng mga bagay.
Ang isang healthy church ay nagtuturo sa mga miyembro nito ng mabuting doktrina na nakaugat sa Banal na Kasulatan na pinanatili sa konteksto. Ang mabuting doktrina ay mabuting pagtuturo na nagbibigay sa tagapakinig ng mga biblical nutrients na kailangan upang lumago kay Cristo (2 Tim. 3:16–17). Upang maging matatag at maayos ang isang church, kailangan nilang ituro ang buong Bibliya, sa konteksto ng buong Bibliya, at i-ugat ang lahat ng kanilang pinaniniwalaang doktrina sa buong Bibliya, sa halip na basta-basta kumuha ng mga talata kahit wala na sa konteksto (1 Tim. 1:5; Tito 2:1–10; 2 Juan 1–6).
3. ANG GOSPEL
Sa maraming prosperity gospel churches, ang mensahe ng gospel ay nakikilala sa mga materyal na pagpapala ng Abrahamic covenant. Bagama’t ipinapahayag ang perpektong buhay, kamatayan, pagkakalibing, at muling pagkabuhay ni Cristo, at ang kaligtasan sa pamamagitan lamang ni Cristo ang itinataguyod, maraming prosperity gospel preachers ang nagsasabi na ang katibayan ng paniniwala ng isang tao sa gospel ay kung natatanggap nila ang mga pagpapalang ipinangako ng Diyos kay Abraham (Gen. 12–15).
Nalaman ko na ang turong ito ay nagdadala sa mga tao sa isa sa dalawang konklusyon. Kung masagana at malusog ang isang tao, iniisip nila na ligtas sila dahil tinatamasa nila ang mga pangako ni Abraham. Ngunit kung ang mga pagpapalang ito ay hindi nakikita sa buhay ng mananampalataya, wala silang sapat na pananampalataya. Nasa kasalanan sila. Kailangan pa nilang magbigay ng higit na ikapu. O baka hindi pa sila lubos na nagtiwala kay Jesu-Cristo at kailangan nilang ipanganak na muli para matanggap ang mga pagpapala ni Abraham.
Salungat dito, hindi nahihiya ang mga healthy churches na ipahayag ang buong katuruan ng biblical gospel. Kabilang dito ang katotohanan na tayo ay nilikha sa larawan ng Diyos (Gen. 1:26–27), minsan ay nagkaroon tayo ng open fellowship sa Diyos (Gen. 2:7–25), subalit dahil nagkasala ang ating unang ama na si Adan, ang buong sangkatauhan ay nahiwalay sa parehong pisikal (Gen. 3:1—19) at sa espirituwal na aspeto (Rom. 5:12) mula sa banal at matuwid na Diyos na lumikha sa atin. Dahil ang sangkatauhan ay nahiwalay sa Diyos dahil sa kasalanan, ang parusa para tubusin ang kasalanan ay ang pagbubuhos ng dugo at kamatayan (Lev. 1:3–17). Ang kagandahan ng gospel ay ang katotohanan na si Jesu-Cristo, na walang hanggang Diyos (Juan 1:1), ay naging tao (Juan 1:14), namuhay nang perpekto ayon sa kautusan ng Diyos (Heb. 7:26), at ibinuhos ang kanyang dugo para sa mga makasalanan (Mar. 10:45 at 2 Ped. 2:24). Si Jesus ay nasa libingan sa loob ng tatlong araw (Mat. 27:57–66) at sa ikatlong araw ay bumangon mula sa libingan (Mat. 28:1–8). Ngayon ay tinatawag niya ang lahat ng tao na magsisi sa kanilang mga kasalanan at magtiwala sa kanya upang makipagkasundo sa Diyos at makatanggap ng buhay na walang hanggan (Jn. 3:16).
Hindi ipinapangako ng ebanghelyo sa Bibliya na ang mga Kristiyano ay magiging mayaman at maunlad sa buhay na ito bilang katuparan ng mga pangako ng Diyos kay Abraham. Sa halip, ang mga Kristiyano ay “pinagpala” kay Abraham sa pagtanggap natin ng Espiritu (Gal. 3:14), at hindi lamang lupain ang tatanggapin natin, kundi ang buong bagong sangnilikha, sa panahong darating (Roma 4:13, Pah. 21–22).
4. CONVERSION
Ang conversion sa isang prosperity gospel church ay kinapapalooban ng pinaghalo-halong mga kabaligtaran: madaling paniniwala (easy-believism) at kaligtasan sa pamamagitan ng mga gawa. Ang mga prosperity preachers ay kilala sa pagtuturo na ang isang makasalanan ay “ligtas na” pagkatapos nilang bigkasin ang “sinners prayer.” Matapos maganap ang kaligtasang ito, ang bagong mananampalataya ay dapat na ipasailalim ang kanyang sarili sa pamumuno at katuruan ng church, regular na magbigay ng ikapu, madalas na magbigay ng mga offerings, at magsikap na patuloy na maglingkod sa ministeryo sa church. Hangga’t ginagawa ng isang tao ang mga bagay na ito, pinapanatili niya ang kanyang kaligtasan. Ngunit kung huminto ka sa paggawa nito sa loob ng mahabang panahon, maaaring mawala ito sa iyo. Upang maisulong ang katuruang ito, nakilala ang mga pastor sa kanilang paggamit ng psychological at scriptural manipulation upang mahikayat ang mga miyembro ng church na gumawa ng iba’t ibang gawain ng paglilingkod sa ngalan ng ministeryo sa Panginoon. Ipinapangako nila na ang kanilang paglilingkod ay makakapigil sa kanila mula sa “falling from grace” at pagkawala ng kanilang kaligtasan.
Ilan sa mga tagasunod ng prosperity gospel ang nabe-burn out at nagagalit sa kanilang mga leader. Nagsisimula silang kuwestyunin ang pamamaraan ng pagmiministeryo at tumatanggi na silang gawin ang hinihingi nito. Napanood ko na tumugon ang mga pastor na nakakaramdan na na nawawalan sila ng kontrol sa ganitong uri ng tao sa pamamagitan ng pagsasabi na ang miyembro ay nagrerebelde, na nagdudulot ng pagkakahati-hati, at nasa daan na ng pagkawala ng kaligtasan maliban kung sila ay magsisisi at magsimulang maglingkod muli. Sa mga kasong ito, ginagamit ang 1 Samuel 15:23 bilang proof text upang ipunto o ipakita ang mga bunga o resulta ng mga ginawa ng tao at upang mahikayat ang iba na huwag itong sundan. Ngunit ang binabanggit sa talatang ito ay ang tuwirang pagsuway ni Haring Saul sa isang utos ng Diyos, hindi ang isang tunay na mananampalataya na kumukuwestiyon sa hindi biblikal na turo o mga gawain ng church.
Buong pagmamahal na itinuturo ng isang healthy church ang biblikal na pagtingin tungkol sa conversion. Mababasa natin sa Bibliya na ang conversion ay nagaganap kapag ang biblical gospel ay naipangaral (Rom. 1:16–17, 10:9–17) at ang makasalanan ay nagsisi sa kanilang mga kasalanan at nagtiwala kay Jesu-Cristo (Gawa 3:19; Roma 3:21-26). Ang conversion ay nangyayari kapag ang Diyos Espiritu ay nagdulot sa makasalanan na patay sa kasalanan na maging buháy kay Cristo (Juan 3:3–8 Efe. 2:1–10). Ang biblical conversion ay naglalagay ng focus sa pagsisisi at paniniwala sa ginawa ni Cristo, hindi sa simpleng pagbigkas ng isang panalangin at sa labis na paglilingkod na humahantong na sa exhaustion dahil sa takot na mawala ang kaligtasan nito.
5. EVANGELISM
Kadalasang itinuturo ng mga prosperity gospel churches na ang evangelism ay dapat na samahan ng pagpapakita ng mga palatandaan at kababalaghan. Sinasabing ang mga makasalanan ay magsisisi at maniniwala kay Jesus kapag pinagsama ang dalawang elementong ito. Narinig ko na sinabi ng mga tao sa pre-evangelistic times of prayer na ang mga makasalanan ay hindi magsisisi maliban kung makakita sila ang pisikal na katibayan ng di-pangkaraniwang gawain ng Diyos Espiritu na katulad ng nakasulat sa Marcos 16:15–16.
Dahil pinagtatalunan ang pagsama ng talatang ito sa orihinal at pinakanaunang pinagkakatiwalaang manuscripts, hindi makabubuting dito lamang sa talatang ito buuin o itayo ang doktrinal na paninindigan ng isang tao. Bukod pa rito, ang pag-uutos na ipakita ng mga tao ang mga palatandaan sa talatang ito upang maging epektibo sa evangelism ay mapanganib at mapagmanipula.
Ang biblical evangelism ay pagpapahayag ng gospel at pagtawag sa mga makasalanan sa pagsisisi. Hindi kailangan ng gospel ang mga upgrades o kung anu-anong mga pakulo o pasiklab para maging epektibo (I Cor. 15:1-4). Malinaw ang Bibliya na ang ipinangaral na ebanghelyo ay makapangyarihan upang iligtas ang mga makasalanan (Rom. 1:16, 10:17).
6. CHURCH MEMBERSHIP
Kadalasang ine-equate ng mga prosperity churches ang church membership sa regular na pagdalo, ikapu, at paglilingkod—mayroon man o walang formal commitment. Madalas, ang mga tao ay ine-exempt sa church membership kung matagal na nilang ginagawa ang mga bagay na ito. Sa isang pagkakataon, naalala ko ang isang taong nag-aattend sa church sa loob ng mahigit dalawang dekada, na tumanggap ng mga benepisyo ng pagiging miyembro, subalit hindi kailanman pormal na sumapi o naging miyembro ng church. Hindi nila nakita o naramdaman na kailangan pa ito dahil nagbibigay naman sila ng pera at linggu-linggo silang naglilingkod. Nakita at napagmasdan ko ang mga tao sa gayong mga sitwasyon na nabubuhay sa lantarang kasalanan at umiiwas sa disiplina ng church.
Ang isang healthy church ay nagtatanghal ng church membership bilang isang pagpapala at mandato para sa mananampalataya. Isa itong pagpapala dahil pinagtitibay ng church ang pananampalataya ng mananampalataya at pinatitibay ang mananampalataya sa pag-ibig (Efe. 4:11–16). Isa itong mandato dahil nire-require ni Jesus ang mga Kristiyano na magpasakop sa kanyang awtoridad sa pamamagitan ng pagpapasakop sa awtoridad ng iglesya. Hindi ka tunay na bahagi ng katawan kung basta ka lang hihiwalay kapag gusto mo.
7. CHURCH DISCIPLINE
Nasaksihan ko ang church discipline sa mga prosperity gospel churches na mapunta sa isa sa dalawang sukdulan o extremes. Ang una ay isang di-pormal na pag-aalis sa pagkamiyembro o excommunication kung saan hindi sinusunod ang biblical na panuntunan para sa church discipline (i.e., Mat. 18:15-17; 1 Cor. 5:1-13; 2 Cor. 2:6; 2 Tes. 3:6-15). Ang mga indibidwal na sinasabing nabubuhay sa kasalanan ay “itiniwalag” sa church in private para lamang pag-usapan sa publiko bilang mga tao na wala nang ugnayan sa church dahil sa pagrerebelde.
Ang pangalawang extreme ay para sa leadership na ganap na balewalain ang kasalanan ng alinman sa isa pang leader, popular na miyembro, o pareho. Kapag ginamit ang pamamaraang ito, ang mga leaders na nakakaalam ng unrepentant habitual sin ng taong iyon ay sadyang itinatanggi na kilalanin at harapin iyon. Nakalulungkot na nasaksihan ko ang mga leaders na binalewala ang kasalanan ng mga members sa pamamagitan ng pagsasabi ng tulad nito, “Ang Diyos ay nagpapatawad at ang kanyang pag-ibig ay pumapawi ng maraming kasalanan,” at “ang Diyos lamang ang maaaring humusga sa kanila.” Sa kaso naman ng mga nagkakasalang mga leaders na nananatili sa ministeryo, sinabi na “hindi nagbabago ng isip ang Diyos tungkol sa kanyang mga kaloob at pagtawag,” na isang pagbaluktot sa Roma 11:29. Madalas na ginagamit ng mga prosperity preachers ang 1 Chronicles 16:22 (“Touch not my anointed ones, do my prophets no harm!”) bilang pag-iwas sa mga tanong mula sa mga miyembro ng kanilang kongregasyon. Kung minsan ang mga prosperity gospel churches ay nakilala na sa pagtatakip ng kasalanan ng isang leader sa pamamagitan ng pagpapadala sa kanila sa isang sabbatical bilang pagpapatupad ng nakasulat sa I Timoteo 5:17–20.
Niyayakap ng isang healthy church ang pagnanais ng Diyos para sa isang dalisay at banal na iglesya. Habang tinutulungan nila ang mga miyembro na lumago sa pagiging katulad ni Cristo, sila ay magsisiningning na parang mga bituin sa mundo (Efe. 4:11–32; Fil. 2:1–18). Nauunawaan ng mga healthy churches na ang mga leaders ay hindi exempted mula sa tukso, pagkakamali sa pagpapasya, at kasalanan. Kung gayon, itinuturo at sinusunod ng mga healthy churches ang biblikal na tuntunin ng Bibliya para sa church discipline, kabilang ang pagdisiplina sa mga leaders (1 Tim. 5:17–20).
8. DISCIPLESHIP
Ang discipleship sa prosperity gospel churches ay madalas na humihilig sa pagiging co-dependent sa pastor o isa pang kilalang leader ng church. Ang entry level ng discipleship ay kilala bilang “tagapagdala ng baluti” o “armor-bearer” stage. Ang isang tagapagdala ng baluti sa Kasulatan ay isang tao na nagdadala ng mga sandata ng kanilang pinuno at nagpoprotekta sa kanila (1 Sam. 14:6–7 at 2 Sam. 18:15). Ngunit sa prosperity gospel churches, ang tagapagdala ng baluti ay naging isang unofficial office. Ang mga bagong converts na nais lumago sa kanilang paglakad kasama ang Diyos ay inilalagay sa isang grupo. Ang grupong ito ay sinanay upang maglingkod sa emosyonal, pisikal, at espirituwal na pangangailangan ng pastor o leader ng church. Madalas na pagaganapin ng pastor ang mga tagapagdala ng baluti na makibahagi sa mga aktibidad mula sa pagdadala ng kanyang Bibliya hanggang sa pagbabayad ng kanyang mga bayarin, lahat sa ngalan ng “ministeryo.” Sa ilang matitinding kaso ay nag-counsel ako ng mga dating tagapagdala ng baluti na inutusang bigyan ng masahe ang pastor pagkatapos niyang mangaral, at maging mga pabor na sekswal.
Kung ang isang tagapagdala ng baluti ay manatili ng matagal-tagal, maaari silang magkaroon ng promotion na may kaakibat na titulo, lisensya para para makapag-preach, at kahit pa nga ordination. Kadalasan, ginagawa ito ng pastor upang mapataas ang stats ng kanyang ministeryo habang marami sa mga inordinang kalalakihan (at minsan ay kababaihan) na ito ay nagchi-cheer o sumuporta sa pastor habang siya ay nangangaral. May kilala akong ilang pastor na ipinagmamalaki ang pagkakaroon ng mga inordinang kalalakihan na nakapailalim sa kanila sa loob ng ilang dekada. Bihira lamang na itong mga inordinang kalalakihan ay ipadala upang mag-plant ng mga churches, pasiglahin ang mga nanghihinang mga churches, o makibahagi sa vocational ministry sa ibang bansa. Nakakalungkot na sa isang pagkakataon ay nag-counsel ako ng isang tao na nakapailalim sa isang pastor sa loob ng mahigit labinlimang taon bilang ordained minister at ni minsan ay hindi tinuruan tungkol sa mga biblical qualifications ng isang elder.
Ang isang healthy church ay nagdi-disciple ng mga miyembro nito upang higit pang umasa o dumepende kay Jesus, hindi sa isang pastor o leader ng church. Ang mga mananampalataya ay lumalago sa pamamagitan ng pagpapalalim ng kanilang kaalaman tungkol kay Jesus (2 Ped. 3:18), at, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu, ay gayahin si Jesus (1 Cor 4:16, 11:1; Efe 5:1). Ang mga biblical disciples ay nagbubunga ng mas maraming biblical disciples, hind mga dependents. (2 Tim. 2:2; Tito 2:1–8).
9. CHURCH LEADERSHIP
Madalas na tumatanggap ng walang kamatayang suporta mula sa kanilang mga miyembro ang mga prosperity gospel preachers dahil ang mga tao ay nabubuhay ng nakaayon o nakadepende sa buhay ng kanilang mga pastor. Kapag lumago ang platform at bank account ng pastor, ang mga miyembro ng kawan ay nagdiriwang na para bang sila mismo ang sumagana o nag-prosper. Nais ng ilang kongregasyon na magkaroon ang kanilang pastor ng pinakabagong kotse, magsuot ng mamahalin at branded na damit, at manirahan sa isang malaking bahay upang ang mga pagpapala ng Diyos ay makarating din sa kanila. Minsan ay sinabihan ako, “Kapag sumasagana ang pamumuhay ng pastor ko, siya ang nagbibigay daan para sa akin at sa aking pamilya na mabuhay rin nang masagana.”
Sa maraming pagkakataon, ang pastor ay sinasabing tinig ng Diyos sa kongregasyon, at samakatuwid ay may awtoridad na hindi maaaring kuwestiyunin. Ang istruktura ng pamumuno ay naglalaro sa pagitan ng isang modelo ng C.E.O at isang monarchy (na ang pastor ang itinuturing na parang hari). Madalas kong makita ang iba na hinirang bilang pastor o elder hindi batay sa mga qualifications sa Bibliya kundi dahil sa kanilang trabaho at pagiging malapit sa pastor.
Ang healthy church ay nagtataguyod ng mga biblically qualified elders. Malinaw na nilalatag ng mga talatang tulad ng 1 Timoteo 3:1–7 at Tito 1:5–9 ang mga qualifications para sa mga lalaking mamumuno sa iglesya ng Diyos. Ang mga qualifications ay nagbibigay diin sa pagkatao o karakter ng lalaki, hindi sa kanyang trabaho o pakikipagkaibigan sa pastor. Ang mga elder ay dapat magpastol sa kawan, pakainin sila ng tamang doktrina, mamuno nang may pagpapakumbaba, at ipagtanggol sila mula sa mga bulaang guro.
MGA TUPANG WALANG PASTOL
Walang tigil ang pagdadalamhati sa puso ko para sa mga taong nasa ilalim ng lahat o ilan sa mga turo na naka-highlight dito. Sila ay tulad ng mga pagod at nagkalat na tupa na walang pastol na kinahabagan ni Jesus (Mat. 9:36). Ang mga taong ito noong panahon ni Jesus ay inaabuso, pinahihirapan, at ginugulo ng kanilang mga pinuno. Wala silang alam na ibang paraan ng pamumuhay dahil ang kanilang mga leaders mismo ang tumatrato sa kanila sa ganitong paraan. Tumugon si Jesus sa pamamagitan ng pagsasabi sa kanyang mga tagasunod na manalangin sa Panginoon na siyang Lord of the harvest na magpadala ng mga manggagawa sa kanyang anihan.
Ang pighati na mayroon ako para sa pagod at nagkalat na mga tupa ngayon ay nagtutulak sa akin na gawin ang dalawang bagay: manalangin upang magpadala ang Panginoon ng mga manggagawa na hahanap at maglilingkod sa mga nagkalat na mga tupang ito, at magsikap na pamunuan ang isang healthy church upang maabot ang mga tupa sa lugar namin. Dalangin ko na ang artikulong ito ay nakatulong na magkaroon ng alab sa iyong puso na makakita ng mga healthy churches na naglilingkod sa iba’t ibang lugar sa buong mundo.
*Ito ay salin ng original 9Marks article, Nine Marks of a Prosperity Gospel Church, na sinulat ni D. A. Horton. Ito ay hango sa 9Marks Journal tungkol sa Prosperity Gospel. D. A. Horton currently serves as Pastor of Reach Fellowship in Long Beach, CA & the Chief Evangelist at U.Y.W.I. He and his wife Elicia have been married for 13 years and have three precious children.
Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)
Sign up to get your free pdf
By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

