Providence (BBCC’s 40th Anniversary)

Deuteronomy 8:2

Derick Parfan

Facebook
Email

Anu-ano ang mga Problema sa Pagtingin Natin sa mga Nangyayari sa Buhay?

Year 1986, five years old pa lang ako niyan. April 1986 nang ang isang reactor sa Chernobyl Nuclear Powerplant sa Soviet Ukraine ay sumabog during a safety test, nag-release ‘yan ng malawakang radioactive material sa Europe, at isa sa worst nuclear disasters sa history. January 1986 nang ang Space Shuttle Challenger ng NASA ay nasira 73 seconds pa lang pagkatapos itong i-launch, ikinasawi ng pitong crew members nito, habang napapanood sa isang live broadcast. February 1986 nang magkaroon ng EDSA People Power Revolution na tumapos sa 20-year rule ni Ferdinand Marcos, na pinalitan naman ni Cory Aquino. During that time din, nagtatrabaho ang mga misyonero at church planters sa Baliwag para i-preach ang gospel na siyang mabuting balita ni Cristo, ang Tagapagligtas natin mula sa mas malalang trahedya na dulot ng kasalanan natin at siyang dapat na mamahala sa buhay nating bilang Panginoon. September 1986 nang magsimula ang maliit na kongregasyon ng Baliwag Bible Christian Fellowship na later on ay naging Baliwag Bible Christian Church. That is what we are celebrating today, forty years of our church. Matagal ka man na miyembro, o bago pa lang, o bisita namin mula sa ibang church, this is indeed worth remembering and celebrating.

Mahalaga ang “forty” sa Bible. Karaniwan itong tumutukoy sa period of testing or trial, o preparation for maturity, o pagkilos ng Diyos in a significant way. Yung tinagal ng ulan na nagdulot ng malawakang baha during the time of Noah ay umabot ng 40 days (Gen 7:4, 12, 17). Forty years yung time of preparation ng Diyos kay Moses bago siya magpakita sa kanya sa burning bush (Ex 3). Forty days na namalagi si Moses sa tuktok ng Mt. Sinai, kasama ang presensya ng Diyos (Ex 24:18; 34:28). Ang Panginoong Jesus din, 40 days ang tagal ng fasting niya sa wilderness, kung saan nakikipaglaban siya sa mga tukso ni Satanas (Mat 4:2; Mark 1:13). Ito ay sumasalamin din sa 40 years of wandering ng Israel sa wilderness bilang parusa ng Diyos sa kanilang unbelief, bawat araw na pag-eespiya noon sa promised land ay katumbas ng isang taong paikot-ikot sa ilang (Num 14:33-34). I’m not saying na ganyan din ang significance nito kasi 40 years na ang church natin. Hindi ako isang propeta na magsasabing pagkatapos nitong 40 years sa BBCC ay magkakaroon ng breakthrough, o spectacular revival, o divine revelation! It is simply to recognize na kung paanong ang Diyos ay at work in a significant way sa mga 40 days or 40 years na mga events sa Bible, ganun din na ang Diyos ay always at work in a significant way sa church natin at sa buhay ng bawat isa sa kanyang mga anak whether it’s 40 or 20 or 10. Let this day be a special day of remembering that God is at work to fulfill his purposes, whether to test us, to mature us, or let us see his glory in what he’s doing.

Ito rin naman ang sinabi ni Moses sa huling mga sermon niya sa Israel bago sila pumasok sa Lupang Pangako. Tulad sa Deuteronomy 8:2, “And you shall remember the whole way that the Lord your God has led you these forty years in the wilderness.” Alalahanin ninyo ang Diyos at ang ginawa niya. “Huwag ninyong kalilimutan si Yahweh na inyong Diyos” (Deut 8:11 MBB). “You shall remember Yahweh your God” (Deut 8:18 LSB). Here is a call to remember, kasi makakalimutin tayo. At kapag nakalimot tayo kung sino ang Diyos at kung ano ang ginawa niya, ano ang mangyayari?

Mag-iistruggle tayo sa pride, envy, impatience, at anxiety. Tungkol sa mga nangyari sa nakaraan, may sinful tendency tayo na maging prideful kapag inaalala natin yung mga accomplishments natin. Lalo na kung mas malaki ang church natin kesa sa iba, mas marami tayong na-evangelize at na-disciple kumpara sa iba, mas magaganda ang programs ng church kesa sa iba. O kung mas marami kang pera, mas maganda ang kotse mo, mas marami kang achievements. Kapag nakalimutan nating anumang meron tayo—kayamanan o lakas—ay galing sa Diyos, prone tayo na magmalaki at sabihing anumang meron tayo ay bunga ng sariling lakas at kakayahan natin (Deut 8:17-18). Pwede ring magmalaki tayo na iniligtas tayo ng Diyos dahil sa sarili nating kabutihan (Deut 9:4-6). On the other hand, pwede rin namang mag-fuel ito ng envy o pagkainggit. Kapag mas nakikita nating para bang mas pinagpala ang ibang church o ibang tao kesa sa atin, sasabihin natin, “Sana all.”

Kapag naman tungkol sa nangyayari ngayon, kung may mga bad experiences o situations, may sinful tendency tayo na maging impatient. Tulad ng pagrereklamo ng Israel sa hirap ng buhay sa disyerto. They grumbled at pinagdududahan ang kabutihan ng Diyos para sa kanila (Deut 1:27). May plano ang church, tapos hindi nangyari. May programa ang church at ine-expect na maganda ang magiging resulta, pero negatibo pa ang naging feedback. May tine-train ka na leaders, pero lumipat pa ng ibang church. May tinutulungan kang madisiplina at ma-resolve na conflicts, lalo pang lumala ang sitwasyon. We ask, “May ginagawa ba ang Diyos? Sumasagot ba siya sa prayers natin? Bakit ang tagal?”

Kapag tungkol naman sa future at hindi natin alam kung ano ang mangyayari, merong uncertainties, meron din tayong sinful tendencies na mapangunahan ng takot o pagkabalisa. Tulad ng Israel sa paghahanda nila sa pagpasok sa Canaan, “Paano tayo makakapasok? Malalaki ang kalaban? Nakakatakot!” (Deut 1:28). Tayo din naman. Paano na ‘yan? Baka lalo tayong mabaon sa hirap. Baka lalong lumala ang sirang relasyon natin sa pamilya at sa ibang tao. Baka magkagulo-gulo pa lalo sa Senado, ano na ang mangyayari sa bansa natin?

Ang ugat ng lahat ng itong ay ang maling pagkakilala sa Diyos. Naniniwala naman tayong lahat na merong Diyos, pero the way we respond sa mga pangyayari sa buhay natin ay nagre-reveal na para bang tayo ay mga practical atheists. Naniniwala tayo na merong Diyos na lumikha ng lahat, ayon sa creedal confession natin, “I believe in God the Father Almighty, maker of heaven and earth.” Sabi ni Moses, “Tandaan ninyo at huwag kalilimutan na sa langit at sa lupa’y walang ibang Diyos liban kay Yahweh” (Deut 4:39). Pero para tayong nagiging practical deists, na sinasabing ang Diyos ay parang watchmaker na pagkatapos gawin ang relo ay hinayaan na itong tumakbo sa sarili nitong mekanismo. As if hindi actively involved ang Diyos sa buhay natin, sa buhay ng church, sa mga nangyayari sa bansa natin, at sa takbo ng buong kasaysayan. Kaya sabi ng Diyos, “Alamin ninyong ako ang Diyos—Oo, ako lamang. Maliban sa akin ay wala nang iba pa” (Deut 32:39).

Kaya merong pagmamataas, pagkainggit, kawalan ng pasensya, at pag-aalala. Yun ay dahil sa unbelief o maling pagkakilala sa Diyos at maliit na pagkilala sa Diyos. Ang isang essential solution to address this problem ay ang pag-usapan, unawain, at paniwalaan ang importanteng doktrina tungkol sa providence ng Diyos. Kung ngayon n’yo lang narinig ang salitang ‘yan, idagdag n’yo na sa dictionary n’yo. I think this doctrine is one of the most comforting, most life-changing, most worldview-forming na doctrines sa Scripture.

Para makita rin ninyo kung bakit ko ‘yan nasabi, I will attempt to answer three questions tungkol dito. Ang una ay definition muna, “Ano ang providence?” Ang ikalawa, na paglalaanan natin ng mas mahabang oras, ay ito: “Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa providence?” Magbibigay ako ng sampung bagay tungkol diyan. At panghuli, practical benefits, “Ano ang pakinabang ng providence sa buhay natin?”

Ano ang Providence?

Unahin muna natin ang definiton, “Ano ang providence?” Galing ito sa Latin na providere, “to foresee.” Ang root word nito ay provideo, “to see beforehand.” Higit pa ito sa salitang “provide” na karaniwang tumutukoy sa pagbibigay kung ano ang kailangan natin. Yes, the Lord will provide (Gen 22:14), kasama yung idea na yun. At hindi lang din ito basta natatanaw ng Diyos ang mga bagay na mangyayari, but he will “see to it.” Hindi lang, “Titingnan ko,” na karaniwan nating sagot kapag may nag-invite sa atin. Pero kapag sa Diyos, “I will take care of it. Ako ang bahala. Titiyakin ko na mangyayari ang nilayon at plinano ko na mangyari.” Hindi lang ito tungkol sa kapangyarihan ng Diyos, kundi sa kapangyarihan ng Diyos na matupad ang kanyang layunin.

Look again at Deuteronomy 8:2, “And you shall remember the whole way that the Lord your God has led you these forty years in the wilderness…” “The Lord (Yahweh) your God has led you…” Sinamahan sila ng Diyos. Pinatnubayan sila ng Diyos. Hindi lang on special occasions, hindi lang kapag tumatawag sila sa kanya, hindi lang kapag masunurin sila, but “the whole way.” At hindi lang sinasamahan. Sabi sa Deuteronomy 1:31, “dinala kayo,” binuhat kayo ni Yahweh “all the way,” na parang isang tatay na karga-karga ang anak niyang hindi na makalakad sa pagod sa haba ng nilalakad. Ito ang probidensya ng Diyos bilang Ama sa kanyang mga anak. Tulad ng definition ng 1563 Heidelberg Catechism sa providence sa Question 27, “Ano ang nauunawaan mo tungkol sa probidensya ng Diyos?” Sagot:

Ang makapangyarihan at namamalaging lakas ng Diyos; kung papaanong, parang sa pamamagitan ng kanyang kamay mismo, ay patuloy niyang pinangangalagaan ang langit at ang lupa at ang lahat ng nilalang, at kanyang pinamamahalaan ang mga ito nang sa gayon ang dahon at damo, tag-ulan at tagtuyot, mabunga at tigang na panahon, pagkain at inumin, kalusugan at karamdaman, kasaganahan at kawalan, sa katunayan, at ang lahat ng bagay, ay hindi dumarating nang ayon sa sapalaran kundi sa pamamagitan ng kanyang kamay bilang Ama.

Ano ang Sinasabi ng Bibliya tungkol sa Providence?

Siyempre, ang Bible ang primary authority natin. Kaya i-test natin kung tama nga itong Catechism. Kaya yung mas mahabang pag-uusapan natin ay itong ikalawang tanong, “Ano ang sinasabi ng Bible tungkol sa providence?” Wala naman sa Bible ang salitang “providence” tulad ng “Trinity” pero ito ay biblical doctrine, galing sa tamang pagkaunawa sa itinuturo ng salita ng Diyos. Saan sa Bible makikita ang providence? Actually, buong Bible! Genesis to Revelation. Ito ang Story of God, mula sa paglikha, pagbagsak ng tao sa kasalanan (under providence ng Diyos ‘yan), pangako ng pagliligtas ng Diyos, pagsasakatuparan ng pagliligtas ng Diyos through Christ, pagpapalapat ng pagliligtas ng Diyos sa atin by the Spirit, pagkalat ng mensahe ng pagliligtas ng Diyos sa buong mundo through the Church, at hanggang sa pagbabalik ni Cristo, new heavens and new earth, under providence ng Diyos. “Sa pamamagitan ng kanyang kamay mismo,” sabi ng Heidelberg. Itong kamay na ito ang mayhawak hindi lang ng “big events” sa history kundi pati na rin ng mga “small events” sa buhay ng bawat isa sa atin, hindi lang sa big events tulad ng 40th year ng church kundi pati ng bawat araw na nagdaan at susunod pa.

Heto ang sampung katotohanan na itinuturo ng Bibliya tungkol sa probidenya ng Diyos:

1. Sakop ng probidensya ng Diyos ang lahat ng bagay.

Hindi lang ang malalaking bagay, hindi lang ang maraming bagay, kundi lahat. Kaya sabi sa catechism: “…ang dahon at damo, tag-ulan at tagtuyot, mabunga at tigang na panahon, pagkain at inumin, kalusugan at karamdaman, kasaganahan at kawalan, sa katunayan, at ang lahat ng bagay…” Ito rin ang binigyang-diin ni John Piper sa Coronavirus and Christ, na sa probidensya ng Diyos ay ang unang translated book ng Treasuring Christ PH: “Sa madaling salita, sakop ng sovereignty ng Diyos ang lahat ng bagay at lahat ng bagay ay apektado nito. Ang kapangyarihan ng Diyos ang nasusunod sa lahat ng nangyayari sa mundo natin…[tapos binanggit niya ang mga bagay sa nilikha ng Diyos, ang diyablo, ang pagkakasakit, ang kasalanan, ang kamatayan, lahat!]…lahat ito ay sumusunod sa sovereign will ng Diyos.”

Ito rin yung nakita natin kanina na “the whole way” (Deut 8:2) at “all the way” (Deut 1:31) na paggabay ng Diyos sa 40 years nila sa wilderness. Dahil sa probidensya ng Diyos, “Sa loob ng apatnapung taon, hindi nasira ang inyong kasuotan ni hindi namaga ang inyong mga paa sa kalalakad” (Deut 8:4). Hindi lang sila, pati ang lupang pupuntahan nila ay “palaging inaalagaan at binabantayan ng Diyos ninyong si Yahweh”; “The eyes of the LORD your God are always upon it, from the beginning of the year to the end of the year” (Deut 11:12). Walang anumang bagay—mula sa pinakamaliit na molecule at pinaka-trivial na pangyayari sa buhay tulad ng pagkalaglag ng hibla ng buhok natin sa ulo—ang hindi sakop ng probidensya ng Diyos. Sakop ng probidensya ng Diyos ang lahat ng bagay.

2. Ang probidensya ng Diyos ay ang kanyang makapangyarihang lakas.

Sabi ng catechism: “makapangyarihang…lakas ng Diyos.” Nasa kanya ang almighty power. Kaya naman magagawa ng Diyos ang lahat ng ito. Unlimited ang power niya, hindi siya napapagod. “Tumingala kayo sa langit! Sino ba ang lumikha ng mga bituin? Sino ba ang sa kanila’y nagpapakilos, at sino ba ang nagbigay ng kanilang pangalan? Dahil sa kanyang dakilang kapangyarihan, walang nawala sa kanila kahit isa man.… Hindi ba ninyo nalalaman, di ba ninyo naririnig? Na itong si Yahweh, ang walang hanggang Diyos, ang siyang lumikha ng buong daigdig? Hindi siya napapagod; sa isipan niya’y walang makakaunawa” (Isa 40:26, 28). Walang mahirap, walang imposible sa Diyos, walang makakahadlang sa Diyos (Gen. 18:14; Jer. 32:17; Mark 10:27; Job 42:2). Ang probidensya ng Diyos ay ang kanyang makapangyarihang lakas. Kaya bakit matatakot ang Israel sa lakas ng kalaban nila kung ang Diyos naman ang lalaban para sa kanila (Deut 1:29-30)? Nakita na nila ‘yan sa ginawa ng Diyos sa mga Egyptians, nakakalimutan lang nila. Sabi ni Moses sa prayer niya, “What god is there in heaven or on earth who can do such works and mighty acts as yours?” (Deut 3:24). Hindi sila dapat matakot dahil ang kasama nila ay “ang dakila at makapangyarihang Diyos,” “a great and awesome God” (Deut 7:21).

3. Ang probidensya ng Diyos ay ang kanyang namamalaging lakas.

Sabi ng catechism: “…namamalaging lakas ng Diyos.” Ever-present power. Sabi ng Diyos, “Ako ay Diyos na nasa lahat ng dako, at hindi nananatili sa iisang lugar lamang. Walang makakapagtago sa akin; makikita ko siya kahit saan siya pumunta. Sapagkat ako’y nasa lahat ng lugar sa langit at sa lupa” (Jer 23:23-24). Sakop ng probidensya ng Diyos ang lahat ng bagay, ang lahat ng lugar, dahil siya ay nasa lahat ng dako. He is not bound by space. Mula sa Egypt, hanggang sa kabuuan ng paglalakbay nila sa disyerto, hanggang sa Canaan, kasama nila ang Diyos. Hindi sila kailanman hiniwalayan ng Diyos (Deut 2:7), hindi sila iniwan ni pinabayaan man (Deut 31:6, 8). Hindi niya sinasabi, “Dito muna ako gagawa sa Middle East. Pagkatapos ko dito, saka ako gagawa diyan sa kaguluhan sa Senado sa Pilipinas.” O kaya, this year dito muna ako sa isang megachurch, saka ko na lang kayo bibisitahin. No! God is at work, sa lahat ng panahon 24/7, sa lahat ng dako, sa lahat ng kanyang mga anak, sa lahat ng mga churches.

4. Ang probidensya ng Diyos ay ang kanyang patuloy na pangangalaga sa lahat ng kanyang nilikha.

Sabi ng catechism: “patuloy niyang pinangangalagaan ang langit at ang lupa at ang lahat ng nilalang.” Hindi lang sa Israel sa wilderness, kundi sa lahat ng nilalang. Kapag sinabi nating ang providence ay gawa ng Diyos. Hindi lang ng Diyos Ama, kundi pati ng Diyos Anak, “He upholds the universe by the word of his power” (Heb. 1:3); “In him all things hold together” (Col. 1:17). Hawak-hawak ng Diyos Anak ang lahat ng bagay. Kung hihinto siya sa paggawa, hindi lang magkakagulo ang sangnilikha, kundi maglalaho sa kawalan. Gayundin sa Diyos Espiritu. Mamamatay tayong lahat kung tatanggalin ng Diyos ang kanyang hininga o Espiritu sa atin (ayon sa Psalm 104:29-30). Kaya sabi ni John Piper sa isang sermon niya, “Every breath you take now and every chemical transaction in the cells of your body is sustained every moment by work of the Holy Spirit” (“How Believers Experienced the Spirit Before Pentecost,” Feb. 19, 1984).

Bawat paghinga natin ay gawa ng probidensya ng Diyos—Diyos Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu. How can you be ungrateful? Hindi ka mauubusan ng ipagpapasalamat sa Diyos, dahil bawat segundo na humihinga ka ay gawa ng Diyos, galing sa Diyos, regalo ng Diyos. Ang probidensya ng Diyos ay ang kanyang patuloy na pangangalaga sa lahat ng kanyang nilikha.

5. Ang probidensya ng Diyos ay ang kanyang patuloy na pamamahala sa lahat ng kanyang nilikha.

Sabi ng catechism, hindi lang pangangalaga, “at kanyang pinamamahalaan ang mga ito.” Hindi ultimately ang hari o sinumang presidente ang namamahala, dahil maging “ang puso ng hari ay nasa kamay ng Panginoon na parang batis ng tubig; ibinabaling niya ito saanman niya ibig” (Prov 21:1 AB). Kinilala ni Daniel na hindi si Nebuchadnezar ultimately ang namamahala at hindi sa kanya nakasalalay ang kahihinatnan ng bayan ng Diyos: “Purihin magpakailanman ang pangalan ng Diyos, pagkat siya’y marunong at makapangyarihang lubos. Siyang nakakapagbago ng mga kapanahunan, naglalagay at nag-aalis ng mga hari sa luklukan” (Dan. 2:20-21 MBB). Sino ang nagdesisyon kaya naging hari si Nebuchadnezzar, at kaya siya napalitan? Ang Diyos! Maraming plano at istratehiya ang mga bansa, pero ang Diyos ang supreme ruler, “Ang binabalangkas niyong mga bansa, kanyang nababago’t winawalang-bisa” (Ps 33:10). Makapangyarihan si Satanas, pero maging siya ay hindi makakakilos nang walang pahintulot ng Diyos, tulad ng nangyari sa buhay ni Job (Job 1:12; 2:6). Sino ngayon ang namamahala sa nangyayari sa Middle East? Sa Senado? Sa buhay mo? Sa church? Ang Diyos! So, ano ang ikinababahala mo?

6. Dahil sa probidensya ng Diyos, walang nagkataon lang.

Sabi ng catechism: “hindi dumarating nang ayon sa sapalaran.” Walang tsamba, walang aksidente, walang swerte, walang malas, walang karma, walang pamahiin, walang horoscope na nagsasabing nasa alignment ng mga bituin ang kapalaran mo, walang impersonal force na nagdidikta kung ano ang mangyayari. “Isinasagawa ng tao ang palabunutan, ngunit si Yahweh lang ang huling kapasyahan” (Prov. 16:33). “Hindi ba’t ipinagbibili sa halaga ng isang salaping tanso ang dalawang maya? Gayunman, kahit isa sa kanila’y hindi nahuhulog sa lupa kung hindi kalooban ng inyong Ama” (Matt 10:29). Ang Diyos ay personally involved hanggang sa pinakamaliit na detalye ng buhay natin. Sabi sa 1561 Belgic Confession, sa article 13 tungkol sa providence:

Sumasampalataya kami na matapos likhain ng mabuting Diyos ang lahat ng mga bagay, hindi Niya sila pinabayaan sa tyansa o kapalaran. Sa halip, Siya’y gumagabay at namamahala sa kanila ayon sa Kanyang banal na kalooban, sa paraang walang nangyayari sa mundong ito na labas sa Kanyang pagkakasaayos sa lahat. 

Ang lahat ng nangyayari sa buhay natin ay nasa kamay ng Diyos. Kapag may magandang nangyari sa ‘yo, hindi swerte, kundi pinagpala ka ng Diyos. Kapag may masamang nangyari sa ‘yo, hindi malas, o parang nakatulog ang Diyos, “Oops, sorry about that.” No, lahat ay nasa plano pa rin ng Diyos. Hindi dahil sa swerte o malas kaya ganito ang nangyayari sa church natin o sa church ninyo; ito ay dahil sa probidensya ng Diyos.

7. Ang probidensya ng Diyos ay mabuti.

Kaya sa simula ng binasa natin kanina sa Belgic Confession, “Sumasampalataya kami na matapos likhain ng mabuting Diyos na ito ang lahat ng mga bagay…” God is good? All the time. Kaya sinabi rin sa Catechism na lahat ng nangyayari ay “sa pamamagitan ng kanyang kamay bilang Ama.” Ang Ama natin ay mabuting Ama. “O taste and see that Yahweh is good” (Ps. 34:8 LSB). “Ang Panginoon ay mabuti sa lahat; at ang kanyang awa ay nasa lahat niyang ginawa” (Ps. 145:9 AB). Sa kanyang plano, itinakda niya na pumasok ang kasalanan, mahulog tayo sa kasalanan, at lahat ng mga masasamang bagay na dulot nito. Pero hindi sa paraang pwede nating sabihing ang Diyos ang author of sin (Jas 1:13). “Every good and perfect gift is from God” (Jas. 1:17). Walang ipinagkakait na kahit anumang mabuting bagay ang Diyos sa kanyang mga anak (Ps. 34:10; 84:11). Anumang masamang nangyayari sa mundo natin ngayon, sa buhay natin ngayon, hindi natin pwedeng sabihing hindi mabuti ang Diyos, nananatiling mabuti ang Diyos dahil hindi nagbabago ang Diyos. “Si Yahweh ang inyong batong tanggulan, mga gawa niya’y walang kapintasan” (Deut 32:4).

8. Ang probidensya ng Diyos ang tumitiyak na lahat ng nangyayari—mabuti o masama—ay para sa ikabubuti ng kanyang mga anak.

Alam na natin ‘yan, pero kailangang laging alalahanin. Romans 8:28, “And we know that for those who love God all things work together for good, for those who are called according to his purpose.” Kapag sinabing all things, ibig sabihin lahat. Kasama diyan ang pagkakasakit, pagtatraydor sa ‘yo, na-scam ka, nasunugan ng bahay, nakulong, kaguluhan sa senado, giyera sa Middle East, nahati ang church, may umalis na mga members, lahat, as in. Ginagamit ng Diyos for our good. Tulad ng sa story ni Joseph. Masama ang ginawa ng mga kapatid niya, pero kasama sa plano ng Diyos. Genesis 50:20, “As for you, you meant evil against me, but God meant it for good…” May magandang layunin ang Diyos bakit siya pinadala sa Egipto. Tulad din ng story ni Job kung bakit pinahintulutan ng Diyos si Satanas na pahirapan siya. Pati sa story ni Judah, ni Ruth, ni David, ni Esther, and every single one of God’s people. May mabuting layunin ang Diyos bakit nakaranas ang Israel ng testing sa wilderness for 40 years, “that he might humble you, testing you to know what was in your heart” (Deut 8:2); “that he might humble you and test you, to do you good in the end” (Deut 8:16); “ang lahat ng ito’y sa ikabubuti rin ninyo” (MBB).

For our good! Anong good? Hindi yung para yumaman ka o magkaroon ng good health o maging kilala, no! That’s prosperity gospel, maling gospel yun! Ang ibig sabihin ng “for good” ay nasa Romans 8:29 “…to be conformed to the image of his Son…” Sa plano ng Diyos, itinakda niya ang mga blessings at ang mga sufferings to work together para tayo ay maging katulad ni Cristo.

Pero paano naman ang mga unbelievers? Itong “for good” ay para lang sa mga anak ng Diyos: “for those who love God…for those who are called according to his purpose” (Rom. 8:28). Kaya ang pinakamahalagang dapat mong malaman, if you are not yet in Christ, ay hindi kung paano yumaman, o malampasan ang mga problema sa buhay, kundi kung paano mapabilang kay Cristo. Christ is our highest good. Kung hindi mapapasaiyo si Cristo, lahat ng anumang meron ka sa buhay mo ngayon ay balewala. That is why we need to hear the good news at kung paanong yung good news na ‘to ay konektado rin sa probidensya ng Diyos.

9. Dahil sa probidensya ng Diyos, kaya may mabuting balita.

The doctrine of providence is good news for us. At dahil din sa pagkilos na ito ng Diyos kaya nakarating sa atin ang good news. Kung paanong ang Israel ay bumagsak sa testing sa kanila sa 40 years nila sa wilderness, ang Panginoong Jesus naman ay nagtagumpay laban sa bawat tukso ng diyablo noong siya ay nasa wilderness fasting for 40 days (Mat 4:1-11), kaya nga bawat isang tukso ay sinasagot niya mula sa Deuteronomy (Deut 8:3; 6:16; 6:13).

Hindi ang plano ng diyablo ang magtatagumpay, kundi ang plano ng Diyos. Kahit nagsabwatan ang mga puwersa ng kasamaan para ipapatay si Cristo, hindi nila alintana na yun ang paraan ng Diyos para iligtas tayong mga makasalanan. Sabi ni Pedro sa mga Judio during Pentecost, “Ngunit ang taong ito, na ipinagkanulo sa inyo ayon sa pasya at kaalaman ng Diyos sa mula’t mula pa, ay ipinapako ninyo at ipinapatay sa mga taong masasama” (Acts 2:23). Pinatay si Cristo dahil sa mga di-makatarungang hatol nina Herod at Pontius Pilate, pati sa kalupitan ng mga Romano, at sa pagtatraydor ni Judas at ng mga religious leaders ng Israel. Pero lahat ng iyon ay nangyari, ayon sa prayer ng mga early Christians, “upang isagawa ang lahat ng bagay na inyong itinakda noong una pa man ayon sa inyong kapangyarihan at kalooban” (Acts 4:27-28). Ang Diyos ang may gawa para iligtas tayong mga makasalanan na undeserving of any good thing from God; we deserve hell! Ginawa niya yun sa pamamagitan ng pag-aalay kay Cristo bilang handog sa ating mga kasalanan.

Paano tayo makatitiyak na all things will work together for our good? Dahil sa probidensya ng Diyos sa pagbibigay kay Cristo para sa atin. “He who did not spare his own Son but gave him up for us all, how will he not also with him graciously give us all things” (Rom. 8:32)? Lahat-lahat!

Gaano man ka-good news ‘yan for us, hindi ‘yan ang pinakadulo ng lahat.

10. Ang probidensya ng Diyos ay tungo sa karangalan at kaluwalhatian ng Diyos.

Sa ika-18 tanong sa Westminster Larger Catechism, “Ano ang mga gawa ng probidensya?” heto ang sagot: “Ang mga gawa ng probidensiya ng Diyos ay ang kanyang lubos na banal, marunong, at makapangyarihang pag-iingat at pamamahala sa lahat ng kanyang nilikha; iniaayos niya sila, at ang lahat ng kanilang mga kilos, para sa kanyang sariling kaluwalhatian.” Gayundin sa Westminster Confession of Faith tungkol sa probidensya ng Diyos, binigyang-diin na ginagawa ng Diyos ang lahat ng ito “para sa kapurihan ng kaluwalhatian ng kanyang karunungan, kapangyarihan, katarungan, kabutihan, at awa” (5:1).

Itinakda ng Diyos na magkaroon ng mga masama, malupit, at mapang-aping mga rulers tulad ni Pharaoh, para sa anong layunin? “…upang sa pamamagitan mo’y maipakita ko ang aking kapangyarihan, at maipahayag ang aking pangalan sa buong daigdig” (Rom. 9:17). Bakit pinagtitiisan ng Diyos ang mga taong nakatakdang parusahan at tumanggap ng kanyang poot? “…upang ipakilala ang kanyang walang kapantay na kadakilaan sa mga taong kanyang kinahabagan, na noong una pa’y inihanda na niya para sa kaluwalhatian” (Rom. 9:22-23). Bakit sa probidensya ng Diyos ay nagkasakit si Lazarus at hinayaan ni Cristo na mamatay? “…upang maparangalan ang Diyos at sa pamamagitan nito’y maparangalan ang Anak ng Diyos” (John 11:4). Bakit may ipinanganak na may kapansanan tulad ng bulag sa John 9? “…upang mahayag ang kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan niya” (John 9:3). Bakit dinala ng Diyos sa wilderness ang Israel for forty years? “That you may know that I am the Lord your God” (Deut 29:6).

‘Yan ang end goal ng probidensya ng Diyos sa church natin: ang makilala natin at maparangalan natin ang Diyos. Pinili tayo ng Diyos na maging anak niya “according to the purpose of his will, to the praise of his glorious grace” (Eph. 1:5-6). Itinakda ng Diyos ang inheritance na tatanggapin natin “according to the purpose of him who works all things according to the counsel of his will.” Para sa anong layunin? “To the praise of his glory” (Eph. 1:11-12). Tinatakan tayo ng Espiritu, para sa anong layunin? “To the praise of his glory” (Eph. 1:14).

Gumagawa ang Diyos sa lahat ng bagay para sa ikabubuti natin, yes, for our good, and ultimately, for his glory. “Sapagkat mula sa kanya, at sa pamamagitan niya, at para sa kanya ang lahat ng mga bagay. Sumakanya nawa ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen” (Rom. 11:36 AB). Ang layunin ng Diyos sa paglikha sa atin, sa pagliligtas sa atin, sa pagtatayo ng church natin, sa pag-aalaga sa buhay natin, at sa buong kasaysayan, ay ang kaluwalhatian ng kanyang pangalan. Para maitaas ang pangalan niya, para kilalanin ang kanyang dakilang karunungan, kapangyarihan, kabutihan, kahabagan, at katarungan sa lahat ng kanyang mga gawa.

Ano ang Pakinabang ng Providence sa Buhay Natin?

Sa sampung katotohanang natutunan natin tungkol sa probidensya ng Diyos, ano na ngayon? Dapat ma-realize natin, kahit hindi natin lubos na maunawaan, na meron tayong Diyos na kumikilos para iligtas, gabayan at alagaan ang kanyang mga anak, para matiyak na matutupad ang lahat ng kanyang mabuting layunin sa atin. That’s good news, incredibly good news. Hindi lang ito for intellectual discussion, napakalaki ang pakinabang nito sa atin, lalo na sa panahong kagaya nito.

Sa Question 28 ng Heidelberg Catechism, “Ano ang kapakinabangan para sa atin na malaman na nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay at patuloy niyang inaalagaan ang mga ito sa pamamagitan ng kanyang probidensya?”, heto ang sagot:

Upang tayo ay magiging mapagtiis sa kahirapan, mapagpasalamat sa kasaganaan, at na sa lahat ng bagay na maaaring mangyari sa atin ay magkaroon tayo ng matatag na pagtitiwala sa ating tapat na Diyos at Ama, na walang anuman ang makapaghihiwalay sa atin sa kanyang pag-ibig; sapagkat ang lahat ng nilikha ay nasa kanyang kamay, na maliban sa kanyang kalooban ay hindi sila makagagalaw.

1. Pasasalamat

Unang pakinabang ng doctrine of providence, pasasalamat sa kasaganaan. Instead of being prideful sa mga bagay na nararanasan mo ngayon as if dahil ‘yan sa galing at husay mo, tandaan mo, “Every good and every perfect gift” ay galing sa Diyos (Jas. 1:17). Yung pagkakatatag ng church natin 40 years ago, good gift na galing sa Diyos. Yung araw na ito, galing sa Diyos. Yung mga bagong members na dinagdag sa atin ng Diyos, good gift na galing sa Diyos. Yung trabaho na meron ka. Yung pamilya na meron ka. Yung pagkain sa araw-araw. Yung hangin at tubig, galing sa kanya. Yung buhay mo ngayon, yung kaligtasan na tinanggap mo, ipagpasalamat mo sa Diyos. Dahil siya ang mabuting ama, hindi niya tayo pagkakaitan ng anumang mabuting bagay na kailangan natin (Psa. 84:11). Kasali yung mga pagsubok? Oo.

2. Pagtitiis

Yun ang ikalawang pakinabang ng doctrine of providence, pagtitiis sa pagsubok. Instead of being impatient. Lahat ng nangyayari sa buhay mo, alam ng Diyos, nasa kamay ng Diyos. Dalawang beses kaming na-scam. Dalawang major problems ang yumanig sa relasyon naming mag-asawa. Maraming masasakit na nangyari sa church natin. Sa inyo rin marami. Oo, masakit, nakakalungkot, magtatampo ka pa sa Diyos na hinayaan niyang mangyari ang mga ganitong bagay. Pero kung inaalala mo, na ang lahat ay nasa kamay ng Diyos, at ang mga kamay na yun ay mabuti, perfectly good, then alam mo rin, at nakatitiyak ka rin na kahit na yung mga tila hindi mabubuting bagay na nararanasan mo ay gagamitin ng Diyos para sa ikabubuti ng kanyang mga anak (Gen. 50:20; Rom. 8:28).

3. Katiyakan

Kung ayos naman ang kalagayan mo ngayon, meron pa ring pag-aalala sa mangyayari sa kinabukasan. Hindi mo alam kung ikaw naman ang tatamaan ng matinding sakit, o baka may mamatay sa pamilya n’yo dahil sa cancer, o baka makaroon ng pag-aaway sa church at baka yung iba ay lumipat na ng ibang church. So, ikatlong pakinabang ng doctrine of providence, katiyakan sa pagharap sa kinabukasan. Ang nakaraan, ang ngayon, ang bukas ay nasa mga kamay ng Diyos. At alam ng Diyos Ama kung ano ang kailangan natin bukas, at ibibigay niya kung ano ang kailangan natin bukas, kasama yung lakas na kailangan natin para ma-sustain tayo sa panahon ng pagsubok. Ano nga naman ang ipag-aalala mo (Matt. 6:25-34)? Makakatulog ka nang mahimbing gabi-gabi kung alam mo na ang buhay mo ay nasa kamay ng Diyos na lumikha ng langit at lupa at patuloy na nangangalaga sa kanyang mga nilikha at lalo na sa kanyang mga iniligtas. Kasama natin ang Diyos ngayon at bukas, kaya wala tayong dapat ikatakot. Hindi niya tayo iiwanan (Deut 31:6-8).

It is really hard to celebrate our church’s anniversary sa ganitong mga panahon. Nakakapagod kasi, nakakapanghina, nakakalito yung mga naririnig natin at nangyayari sa paligid natin at sa buhay natin. Kaya dapat natin laging alalahanin, paniwalaan, panghawakan yung katotohanan tungkol sa probidensya ng Diyos. Makapangyarihan ang Diyos. Mabuti siyang Ama. Siya ang nagbigay ng buhay sa atin, siya ang nagpapanatili sa buhay natin, siya ang nangangalaga at kumakalinga sa atin. You’re in good hands, always in good hands, sa mabuting kamay ng Diyos na mayhawak sa ‘yo. Wag mong kalilimutan ‘yan. Ang kamay na ito ang kumakarga sa ‘yo “na parang pagkarga ng tatay sa anak nya” (Deut 1:31 PV). “Ang walang hanggang Diyos ang tahanan mo, mga bisig nya ang umaalalay sayo” (Deut 33:27 PV).