Derick Parfan
Today is Reformation Sunday, ipinagdiriwang ng maraming evangelical churches sa buong mundo ang nangyari noong 16th century sa Europe. Isa sa mga key figures during that time ay si Martin Luther. Kaya marami kayong maririnig ngayon sa sermon tungkol sa kanya. Pero, siyempre, ang pagkatawag sa akin ng Diyos bilang pastor ay ipangaral ang salita ng Diyos (2 Tim 4:2), to preach “Jesus Christ and him crucified” (1 Cor 2:2). Sa paraphrase ng 2 Corinthians 4:5: hindi namin ipinapangaral ang [mga Reformer], kundi si Jesu-Cristo bilang Panginoon, at kami ay mga lingkod ninyo alang-alang kay Jesus. Inaanyahahan ko kayo na matuto sa buhay at mga sinulat ni Luther; hindi siya perpekto, pero ginagaya natin siya habang ginagaya niya si Cristo (1 Cor 11:1). Kabilang siya sa “great cloud of witnesses,” pero kay Jesus dapat nakatutok ang ating mga mata (Heb 12:1-2) kung gusto natin ng tunay na inner transformation, hindi lang outward reformation (2 Cor 3:18).
Devoted na preacher of the Word si Luther, kaya sasang-ayon siya sa sinabi ko. Nang tanungin kung paano nakayanan ng isang priest-monk mula sa maliit na bayan sa Germany na yanigin ang isang imperyo, halos anticlimactic ang sagot niya sa sermon sa Wittenberg: “Itinuro ko, ipinangaral ko, isinulat ko lang ang Salita ng Diyos; maliban doon, wala akong ginawa. At habang natutulog ako, o umiinom ng Wittenberg beer kasama ang mga kaibigan kong sina Philip at Amsdorf, ang Salita ng Diyos ang lubusang nagpahina sa papacy, na walang prinsipe o emperador ang nakagawa ng ganoong pinsala rito. Wala akong ginawa; ang Salita ng Diyos ang gumawa ng lahat” (Second Invocavit Sermon, March 10, 1522, Luther’s Works, vol. 51).
Ganito rin naman ang conviction ni Pablo mahigit fourteen hundred years bago si Luther, sa Romans 1:16–17 “For I am not ashamed of the gospel, for it is the power of God for salvation to everyone who believes, to the Jew first and also to the Greek. For in it the righteousness of God is revealed from faith for faith, as it is written, ‘The righteous shall live by faith.’” Sumusulat si Pablo sa mga Kristiyano sa Roma; si Luther naman ay tumutugon sa mga hindi biblikal na turo ng Roman Catholic Church, na ang sentro ay ang papacy sa Roma.
Kailangan noon ang tapang ni Luther dahil lumihis ang Roman Catholic Church sa biblikal na ebanghelyo. Nagbebenta si Johann Tetzel ng indulgences para pondohan ang St. Peter’s Basilica at nang mabawasan daw ang pananatili ng mga namatay sa purgatoryo. Itinuro ng Roma na ang justification ay grace plus human cooperation, at na ang tradisyon at ang teaching office ng papa ay kapantay (o higit pa) sa awtoridad ng Kasulatan. Isinusulong nila ang extrabiblical na sacramental system at ang mataas roles ng mga pari, ni Maria, at ng mga santo para ilapit tayo kay Cristo. Natakpan at nabaluktot ang ebanghelyo.
Kumusta naman tayo ngayon, five hundred years pagkatapos ni Luther? Mga Roman Catholics pa rin ang karamihan ng mga nagpapakilalang Kristiyano sa ating bansa. Pero kahit sa maraming Protestant-evangelical churches, inaakala lang, binabaluktot, o isinasantabi ang ebanghelyo. Naglipana ang prosperity gospel: “Maniwala ka lang kay Jesus, yayaman ka, hindi ka magkakasakit, at magiging successful ka.” May nangangaral ng easy believism na hindi na raw kailangan ang pagsisisi. May nagsasabing ang ebanghelyo ay katumbas ng social action o national transformation. Nakalulungkot ang paglaganap ng moralistic, legalistic, at Christless preaching sa maraming pulpito. Kailangan natin ng mga ordinaryong Kristiyano na makapagsasabi kasama ni Pablo, “I am not ashamed of the gospel.”
Pansinin muna na hindi inuutusan ni Pablo ang mga sinulatan niya; nagbibigay siya ng halimbawa. Personal conviction ‘to: “I am not ashamed of the gospel.” Anong gospel? Maraming Kristiyano ang nagsasalita tungkol sa gospel, kaya kailangang linawin. Ang tinutukoy ni Pablo ay “the gospel of God” (Rom 1:1), ang evangelion, ang magandang balita tungkol sa ginawa ng Diyos para planuhin at isakatuparan ang ating kaligtasan sa pamamagitan ng buhay, kamatayan, at muling pagkabuhay ng kanyang Anak, ang ating Panginoong Jesu-Cristo (Rom 1:2-4).
“I am not ashamed.” Idinidiin ito dahil natutukso tayong mahiya. Nagiging mas concern tayo sa reputasyon natin at sa sasabihin ng iba, kaya natutukso tayong manahimik o tanggapin ang diluted na gospel message para hindi makasakit ng kahit sino. Pero para kay Pablo, mas mahalaga ang ebanghelyo kaysa sa sarili niyang reputasyon, kaginhawaan, at maging buhay. Habang nasa bilangguan, sumulat siya sa mga taga-Filipos, “Ang aking pinakananais at inaasahan ay ang hindi ako mapahiya sa anumang bagay; kundi sa lahat ng panahon, at lalo na ngayon, ay buong tapang kong maparangalan si Cristo sa buhay man o sa kamatayan” (Phil 1:20).
Kaya ang hindi mahiya sa ebanghelyo ay ang buong tapang na pagsisikap na dakilain si Cristo sa pangangaral ng ebanghelyo: “So I am eager to preach the gospel to you also who are in Rome” (Rom 1:15). Bakit? “I am under obligation” (Rom 1:14); ito ang calling niya bilang “apostol at hinirang upang mangaral ng Magandang Balita ng Diyos” (Rom 1:1). Ang ebanghelyo ang kanyang buhay. Papunta siya sa Roma, ang sentro ng imperial power, at ang sabi niya: wala akong pakialam sa mangyayari sa akin; ang mahalaga lang ay ang ebanghelyo ni Cristo.
Ganyan din si Martin Luther. Ipinaskil ni Luther ang 95 Theses sa pinto ng Castle Church sa Wittenberg noong October 31, 1517, ang petsa na nagpasiklab ng Reformation, kaya ipinagdiriwang bilang Reformation Day. Nakasaad dito ang protesta niya laban sa paglihis ng Church sa ebanghelyo. Ang nakasulat sa Thesis 62: “Ang tunay na kayamanan ng iglesya ay ang pinakabanal na ebanghelyo ng kaluwalhatian at biyaya ng Diyos.” Itinuturing niyang kayamanan ang ebanghelyo; hindi niya ito ikinahihiya.
Ito ang nagtulak sa kanyang magsalita laban sa mga anti-gospel na turo ng Roma. Thesis 55: “Kung ang mga indulgences, na napakaliit na bagay, ay ipinagdiriwang nang may isang kampana, isang prusisyon, at isang seremonya, ang ebanghelyo, na siyang pinakadakilang bagay, ay dapat ipangaral nang may sandaang kampana, sandaang prusisyon, at sandaang seremonya.”
Dialogue lang tungkol sa indulgence ang layunin niya, pero mabilis itong kumalat nang isalin ito ng ilang estudyante from Latin to German at ipinaimprenta. Kakaimbenta pa lang noon ng printing press! Pinilit siyang bawiin ang posisyon niya (Augsburg, 1518), pero tumanggi siya. Noong 1519 sa Leipzig, nakipag-debate siya kay Johann Eck at kinuwestiyon ang awtoridad ng papa. Noong June 1520, naglabas si Pope Leo X ng papal bull na nagbabantang i-excommunicate siya sa loob ng 60 araw maliban kung mag-recant siya o bawiin ang posisyon niya. Nanatili siyang matatag sa paniniwala niya, at noong January 1521 ay na-excommunicate siya.
Sumunod ang Diet of Worms, na ipinatawag ni Emperor Charles V. Ipinakita kay Luther ang mesa ng kanyang mga libro at tinanong kung babawiin niya ang mga itinuro niya rito. Humingi siya ng isang araw. Kinabukasan, sinabi niya: “Maliban kung mahikayat ako ng patotoo ng Kasulatan o ng malinaw na katwiran . . . nakatali ako sa mga Kasulatang aking sinipi, at ang aking konsensya ay bihag ng Salita ng Diyos. Hindi ko kaya at hindi ko babawiin ang anuman, sapagkat ang kumilos laban sa konsensya ay hindi tama ni ligtas. Tulungan nawa ako ng Diyos. Amen.” Sa mga huling versions nito, idinagdag ang: “Narito ako, nakatayo; wala na akong ibang magagawa.” “Here I stand, I can do no other.” Idineklara ng Edict of Worms (May 1521) na outlaw si Luther: puwede siyang patayin ng sinuman nang walang legal consequences, at ipinagbawal ang kanyang mga isinulat.
Ngayon, ano ang dahilan kung bakit nagdadalawang-isip tayo na ipangaral ang ebanghelyo nang walang pagkahiya at walang takot? Ang pagmamahal ba natin sa sarili nating reputasyon? Ang pagmamahal ba natin sa sarili nating kaginhawaan? Masasabi rin ba natin tungkol sa ebanghelyo, “Here I stand, I can do no other. I stand in the gospel of Jesus Christ”?
Bakit hindi ikinahihiya ni Pablo ang gospel? Heto ang dahilan: “for it is the powerf of God for salvation.” Mahina at makasalanan tayo: hindi mabubuksan ng bulag ang sarili niyang mga mata, hindi mapagagaling ng maysakit ang sarili, hindi maibabangon ng patay ang sarili. Ang Diyos lang ang makapagliligtas, at ang kapangyarihan niyang magligtas ay nasa ebanghelyo, ang nagliligtas na mensahe ng ginawa ni Cristo. Wala ang kapangyarihan sa mga sakramento, sa mga pari, sa papa, kay Maria at sa mga santo, o sa mga indulgences. Wala rin ito sa ating mga paraan ng pag-eebanghelyo, church program, worship production, galing magsalita, will power, o maging sa ating pananampalataya, kundi nasa ebanghelyo.
Ang katotohanang ang ebanghelyo ay kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ay naranasan ni Luther hindi dahil sa intellectual curiosity kundi dahil sa malalim na spiritual anguish.
Anak si Luther ng may-ari ng maliit na mining business sa Eisleben. Pumasok siya sa University of Erfurt noong 1501 at nakatapos makalipas ang apat na taon. Plano niyang mag-aral para maging lawyer, pero sa gitna ng matinding bagyo, napabagsak siya ng kidlat at sumigaw sa takot, “Tulungan mo ako, Santa Ana, magiging monghe ako.” Hindi nagtagal, pumasok siya sa Augustinian monastery sa Erfurt (edad 21). Higit pa sa panatang iyon ang dahilan: lubha siyang nababagabag tungkol sa kamatayan at sa pagiging matuwid sa harap ng Diyos. (Mula sa Pocket Dictionary of the Reformed Tradition)
Dalawampung taon pa bago siya nagpakasal kay Katharina von Bora noong June 13, 1525. Pero “sa monasteryo,” sabi niya, “hindi ako nag-iisip tungkol sa mga babae, pera, o ari-arian; ang puso ko ay nanginginig kung pagkakalooban ba ako ng Diyos ng kanyang biyaya… Naisip kong napagalit ko ang Diyos, na kailangan kong payapain sa pamamagitan ng mabubuting gawa.” Sabi pa niya, “Kung maniniwala lang ako na hindi galit sa akin ang Diyos, ta-tumbling ako sa tuwa!” (John Piper, 27 Servants of Sovereign Joy, 76)
Noong Easter, April 3, 1507, naordinahan siya bilang pari; sa unang misa niya, halos tumakas siya sa takot sa kadakilaan ng Diyos. (76-77)
Noong October 19, 1512, sa edad na 28, tinanggap niya ang doctorate sa theology at naging pangunahing tagapagturo ng Biblical Theology sa Wittenberg, hanggang sa dulo ng buhay niya. (77)
Pero natuklasan niyang wala sa law school, kay Santa Ana, sa monasteryo, sa debosyon bilang monghe, sa husay bilang propesor, sa mga indulgences, o sa Roman Church ang kapangyarihang makapagbibigay sa kanya ng katuwiran sa harap ng Diyos at makapagliligtas sa kanya mula sa kamatayan. Ang ebanghelyo lang ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan.
Pero hindi ito kapangyarihan para sa sinumang nakarinig lang, but: “to everyone who believes, to the Jew first and also to the Greek.” Natatanggap ang kaligtasang ito hindi dahil sa nagawa ng tao, hindi dahil sa lahing kinabibilangan mo, o bilang sahod sa mabubuting gawa, kundi sa pamamagitan ng pananampalataya bilang regalo. Hindi ang pananampalataya ang nagliligtas; si Cristo ang nagliligtas sa pamamagitan ng natapos niyang gawa sa krus. Ang pananampalataya ang instrumentong ginagamit natin para tanggapin ito: “the righteousness of God through faith in Jesus Christ for all who believe…and are justified by his grace as a gift, through the redemption that is in Christ Jesus” (Rom 3:22, 24). Para maging saving faith, kailangan itong faith alone in Christ alone.
Dahil ang lahat ay nagkasala at hindi nakaaabot sa kaluwalhatian ng Diyos (Rom 3:23), kailangang ma-impute o mailapat sa atin o mabihisan tayo ng katuwiran ni Cristo para tayo ay ma-justify: mapatawad at ideklarang matuwid sa harap ng Diyos. Para sa katotohanang ito kaya ibinigay ni Luther ang buhay niya para ma-recover ito ng church. Ipinagpatuloy naman ito ng ibang mga reformers. Tulad sa Heidelberg Catechism (1563):
TANONG ANIMNAPU: Paano ka naging matuwid sa harapan ng Diyos?
SAGOT: Sa pamamagitan lamang ng tunay na pananampalataya kay Jesu-Cristo. Bagama’t ako’y sinusumbatan ng aking konsiyensya na ako’y lubhang nagkasala laban sa lahat ng kautusan ng Diyos, hindi ko kailanman nasunod ang alinman sa mga ito, at ako’y patuloy na nakakiling patungo sa lahat ng kasamaan, gayun pa man — kahit wala akong sariling kabutihan (merit), at mula lamang sa lubos na grasya ng Diyos—binigay at ibinilang (credit) ng Diyos sa akin ang perpektong pagbabayad-utang, katuwiran, at kabanalan ni Cristo, na para bang hindi ako kailanman nagkasala o naging isang makasalanan, at para bang ako ang naging lubos na masunurin gaya ng si Cristo ay naging masunurin alang-alang sa akin. Ito ay kung tatanggapin ko lamang ang kaloob na ito nang may pusong sumasampalataya.
TANONG ANIMNAPUT-ISA: Bakit mo sinasabing ikaw ay matuwid sa pamamagitan lamang ng pananampalataya?
SAGOT: Ito’y hindi dahil naging katanggap-tanggap ako sa Diyos bunga ng pagiging karapat-dapat ng aking pananampalataya mismo. Sapagkat tanging ang pagbabayad-utang, katuwiran, at kabanalan ni Cristo ang aking katuwiran sa harapan ng Diyos. At matatanggap ko ang katuwiran na ito, at ito’y magiging akin, sa walang ibang paraan kundi sa pamamagitan lamang ng pananampalataya.
May pananampalataya ka ba? Nagtitiwala ka ba kay Cristo lamang bilang batayan ng tamang katayuan mo sa Diyos? Kung hindi, pakinggan mo ang sulat ni Luther kay George Spenlein, isa ring Augustinian monk, noong April 8, 1516, mahigit isang taon bago ang 95 Theses:
Gusto kong malaman kung ang kaluluwa mo, na pagod na sa sarili niyang katuwiran, ay matututong magtiwala sa katuwiran ni Cristo. Marami ang nagsisikap maging matuwid at mabuti hanggang maramdaman nilang makatatayo na sila sa harap ng Diyos na nakadamit ng sarili nilang katuwiran, pero hindi ito kailanman magagawa. Ikaw mismo ay may ganitong pagkakamali, at ako rin; nilalabanan ko pa rin ito.
Kaya, mahal kong kapatid, aralin mo si Cristo at siyang ipinako sa krus, at manalangin ka sa kanya, na nawawalan ng pag-asa sa sarili: “Ikaw, Panginoong Jesus, ang aking katuwiran, ngunit ako ang iyong kasalanan; kinuha mo sa iyong sarili ang pagiging makasalanan ko, at ibinigay mo sa akin ang pagiging matuwid mo.” Huwag kang magnasa ng kadalisayang ayaw mo nang magmukhang makasalanan. Sapagkat si Cristo ay nananahan lamang sa mga makasalanan.
Kung sa sarili nating pagsisikap lang makakamit ang tahimik na konsensya, para saan pa siya namatay? Sa kanya ka lamang makakatagpo ng kapayapaan, sa pananampalatayang nawawalan ng pag-asa sa sarili mong mga gawa; at matututunan mong kung paanong ginawa niyang kanya ang iyong mga kasalanan, ginawa rin niyang iyo ang kanyang katuwiran. (Romans 1-8: New Testament, vol. VII, Reformation Commentary on Scripture, 54)
“Ginawa niyang iyo ang kanyang katuwiran.” Ito rin ang paliwanag ni Pablo sa Romans 1:17 “For in it the righteousness of God is revealed from faith for faith.” Para kay Luther, revolutionary ang pag-unawa sa kung ano ang ibig sabihin ng “katuwiran ng Diyos”: hindi lang ito katangian ng Diyos na siya ay matuwid, na nakakatakot dahil sa ating pagkamakasalanan, kundi magandang balita dahil kasama rito kung paano niya ginawang posible na maituring tayong matuwid sa harap niya.
Inalala niya ito sa Preface to the Complete Edition of Luther’s Latin Writings (March 5, 1545), isang taon bago siya namatay, tungkol sa kanyang mga lectures sa Psalms noong 1518:
Talaga ngang nabihag ako ng pambihirang sigla nang maunawaan ko si Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Roma. Pero isang salita sa Chapter 1 [v. 17], “dito ang katuwiran ng Diyos ay nahahayag” (AB) ang humahadlang sa akin. Kinamuhian ko ang salitang “katuwiran ng Diyos,” na itinuro sa aking unawain sa paraang pilosopikal bilang formal o active righteousness na batayan ng pagpaparusa ng Diyos sa makasalanan.
Bagaman namuhay akong monghe nang walang kapintasan, naramdaman kong makasalanan ako sa harap ng Diyos na may lubhang nababagabag na konsensya. Hindi ako makapaniwalang napapayapa siya ng ginagawa ko. Hindi ko minahal, kinamuhian ko ang matuwid na Diyos na nagpaparusa sa mga makasalanan, at nagalit ako sa Diyos: “Hindi pa ba sapat na dinudurog na ng batas ang mga kaawa-awang makasalanang nawala dahil sa original sin, nang hindi pa dinaragdagan ng Diyos ang sakit sa pamamagitan ng ebanghelyo at pinagbabantaan pa tayo ng kanyang matuwid na poot!” Gayunpaman, pinilit kong pukpukin si Pablo sa talatang iyon, na gustong malaman kung ano ang nais niya.
Sa wakas, sa awa ng Diyos, sa pagbubulay-bulay araw at gabi, binigyang-pansin ko ang konteksto: “dito ang katuwiran ng Diyos ay nahahayag…gaya ng nasusulat, ‘Ngunit ang taong matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.’” Doon ko naunawaan na ang katuwiran ng Diyos ay ang ikinabubuhay ng matuwid bilang regalo ng Diyos, sa pamamagitan ng pananampalataya: ang passive righteousness na itinuturing tayong matuwid (justified) ng maawaing Diyos. Dito ko naramdamang lubos na ipinanganak akong muli at pumasok sa paraiso mismo sa pamamagitan ng mga bukas na pintuan.
Binaybay ko ang buong Kasulatan mula sa memorya, at itinaas ko ang aking pinakamatamis na salita nang may pag-ibig na kasing-laki ng dating pagkamuhi ko sa “katuwiran ng Diyos.” Ang talatang iyon kay Pablo ay tunay na naging pintuan para sa akin patungong paraiso. (Piper, 27 Servants of Sovereign Joy, 81-82)
Ganito inihahayag ng ebanghelyo kung paano na-justify ng Diyos ang makasalanan: hindi sa sarili nating katuwiran, hindi sa “infused” righteousness ng Roman Church, hindi sa sobrang katuwiran ng mga santo na ipinapasa sa atin (merits), kundi sa merito ng ganap na buhay, pagsunod, at atoning sacrifice ni Cristo, na ini-impute o ibinibilang sa atin bilang sarili nating katuwiran. Ganito nagiging kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ang ebanghelyo.
Ito ang ebanghelyo ng Diyos, hindi ng Roman Church o ng imahinasyon ni Pablo. Kaya sinuportahan ni Pablo ang argumento niya ng “gaya ng nasusulat” (Rom 1:17; Hab 2:4). Apostol siyang isinugo ni Cristo at sumusulat sa ilalim ng patnubay ng Espiritu, pero ang batayan niya ay ang Kasulatan, hindi ang sariling awtoridad o karanasan. Ganoon din tayo: wala tayong karapatang mag-imbento ng sarili nating versions ng gospel ayon sa gusto natin o ng kultura.
Kaya kasinghalaga noon at ngayon ang pagbawi ng Reformation sa sola Scriptura. Ang pinakamataas na awtoridad sa pinaniniwalaan at pamumuhay natin ay hindi ang Church, ang tradisyon, o anumang human teacher, kundi ang Salita ng Diyos lamang. Kaya buong tapang na nagawang labanan ni Luther ang papa at ang emperador sa Worms: “ang aking konsensya ay bihag ng Salita ng Diyos.” Bihag ng Salita ng Diyos ang ating konsensya.
Isa sa mga kalaban ni Luther, si Sylvester Prierias, ang sumulat: “Ang sinumang hindi tumatanggap sa doktrina ng Roman Church at ng papa bilang di-nagkakamaling panuntunan ng pananampalataya, kung saan humuhugot din ng awtoridad ang Banal na Kasulatan, ay isang erehe (heretic).” Ibig sabihin, pangalawa lang ang Biblia. “Ang bago kay Luther,” sabi ni Heiko Oberman, “ay ang paniniwala sa ganap na pagsunod sa Kasulatan laban sa anumang awtoridad, maging mga papa o mga konseho.” (Piper, 71-72)
Sa mahabang quotation kanina, itinala ni Piper ang anim na pangungusap na nagpapakita ng tindi ng pakikipagbuno ni Luther sa teksto, isang praktikal na aplikasyon ng sola Scriptura:
Hindi natin maipapahayag ang ebanghelyo nang walang pagkahiya kung hindi natin ibibihag ang ating konsensya sa Salita ng Diyos, gaya ni Pablo at ni Luther: “Ang lubos na nakakaalam ng teksto ng Kasulatan ay isang natatanging theologian. Ang isang talata ng Biblia ay mas mahalaga kaysa sa mga komento ng apat na may-akda.” Babala ito ngayon: “Ang Biblia ay inililibing sa dami ng mga commentary, at napapabayaan ang teksto.” Kung gusto nating makita ang gospel renewal sa mga churches, kailangan nating pakawalan ang kapangyarihan ng nakasulat na Salita ng Diyos sa pangangaral ng ebanghelyo nang walang pagkahiya. Kapag nangyari iyon, masasabi rin natin kasama ni Luther, “Wala akong ginawa; ang Salita ng Diyos ang gumawa ng lahat.” Hindi sa sarili nating katalinuhan o katapangan ang tiwala natin, kundi sa nakasulat na Salita ng Diyos at sa kapangyarihan ng ebanghelyo.
Kailangan natin ang kapangyarihang ito hindi lang sa unang araw ng conversion kundi araw-araw, hanggang sa huling hininga. Hindi isang beses na pagsampalataya ang buhay Kristiyano kundi nagpapatuloy at nagtitiis na pananampalataya. “From faith for faith.” Pananampalataya mula sa simula hanggang sa katapusan. Ang talatang pinagbasehan ni Pablo (Hab 2:4) ay nagko-contrast sa dalawang paraan ng pamumuhay: ang mapagmataas na pag-asa ng Babilonia sa sarili nilang lakas, at ang mapagpakumbabang pag-asa sa kapangyarihan ng Diyos na magligtas: “Ang hambog ay mabibigo sa kanyang pagmamataas, ngunit ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya.” Sumulat si Habakkuk mahigit six hundred years bago si Pablo, nang laganap sa Judah ang injustices, violence, at idolatry. Sa daing niyang “Hanggang kailan, O Panginoon,” sinabi ng Panginoon na magpapadala siya ng mas masamang Babilonia. Nakalilito ito, pero tinatawag ng Panginoon si Habakkuk at ang Judah na magtiwala sa pamamaraan at kapangyarihan ng Diyos na magligtas.
Inililigtas tayo ng ebanghelyo hindi lang sa parusa ng kasalanan kundi pati sa kapangyarihan nito. Ang ebanghelyong nagpapawalang-sala ay nagpapabanal din, mula sa justification hanggang sa glorification sa pagbabalik ni Cristo. Kaya ang pananampalatayang nagliligtas ay umaasa kay Cristo mula simula hanggang katapusan, sa panahon ng kalituhan at pagsubok.
Ipinaaalala ni Piper ang paraan ng pag-aaral ni Luther: oratio, meditatio, tentatio, ibig sabihin panalangin, pagbubulay-bulay, pagsubok. Tinawag niyang “touchstone” ang mga pagsubok: “[Ang mga pagsubok] ay nagtuturo sa iyo hindi lang na malaman at unawain kundi na maranasan kung gaano katuwid, katotoo, katamis, kaibig-ibig, kalakas, at nagbibigay-kaaliwan ang salita ng Diyos.” Gaya ng sabi ni Carl Trueman, hindi kailanman inangkin ni Luther na posible ang buhay Kristiyano na walang kasalanan o pagdurusa. Nananatili tayong simul justus et peccator: a justified saint and a struggling sinner at the same time. Isinasabuhay ito sa patuloy na pagbalik, in faith, sa katuwirang hindi atin, lalo na sa pagdurusa at espirituwal na kadiliman (tulad ng karanasan ni Luther). Hindi isang transaksiyon ang pananampalataya, gaya ng isang beses at malaking withdrawal sa ATM. Ito ay pananampalatayang ayon sa Galatians 2:20, “I have been crucified with Christ. It is no longer I who live, but Christ who lives in me. And the life I now live in the flesh I live by faith in the Son of God, who loved me and gave himself for me.”
Matapos siyang ipatapon noong 1521, minarkahan ng malalang karamdaman, kontrobersiya, at espirituwal na kadiliman ang buhay ni Luther, pero nagpatuloy siyang mamuhay sa pananampalataya sa Anak ng Diyos, nakasandal sa katuwiran ni Cristo at hindi sa sarili, hanggang sa wakas.
Sinabi ni Emperor Charles V, “Nagpasya akong pakilusin ang lahat laban kay Luther: ang aking mga kaharian, mga kaibigan, ang aking katawan, dugo, at kaluluwa.” Pwedeng legal na patayin si Luther, maliban sa lugar na pinoprotektahan ng kanyang prinsipe, si Frederick ng Saxony.
Nagtiis siya ng malupit na paninirang-puri. Sabi niya, “Kung wala nang magawa ang Diyablo laban sa mga turo, inaatake niya ang tao, nagsisinungaling, naninira, at nagngangalit laban sa kanya. Gaya ng ginawa sa akin ng Beelzebub ng mga papista, isinulat niyang sinasaniban ako ng Diyablo, na isa akong bastardong anak, at ang minamahal kong ina ay isang prostitute?”
Physically, nagdusa siya sa matinding kidney stones, sakit ng ulo, impeksyon sa tainga, constipation, at almoranas. “Halos mamatay na ako, at ngayon, naliligo sa dugo, ay wala akong matagpuang kapayapaan.” Emotionally at spiritually ay dinanas niya ang pinakamatitinding pakikibaka. Sa sulat kay Melanchthon noong August 2, 1527: “Mahigit isang linggo na akong itinatapon pabalik-balik sa kamatayan at Impiyerno; ang buong katawan ko ay parang binugbog, nanginginig pa ang mga bisig at binti ko. Halos mawala sa akin si Cristo nang lubusan, hinahampas-hampas ng mga alon at bagyo ng kawalan ng pag-asa at pamumusong (blasphemy) laban sa Diyos. Pero dahil sa panalangin ng mga tapat (na kapatid kay Cristo), nagsimulang maawa ang Diyos sa akin at hinugot ang kaluluwa ko mula sa kailaliman ng Impiyerno.” (Piper, 91)
Sunud-sunod pa ang kapighatian niya: namatay noong 1528 ang anak niyang si Elisabeth, wala pang isang taong gulang, at noong 1542 si Magdalena sa edad na 13 matapos ang pakikipaglaban sa matinding sakit. Lumuhod si Luther sa tabi ng kama nito at nanalangin, “Mahal kong Diyos, mahal na mahal ko siya, pero mangyari ang kalooban mo.” Tinanong daw niya ito, “Magdalenchen, munting anak ko, gusto mo bang manatili rito kasama ng tatay mo, o magiging masaya ka bang pumunta sa iyong Ama sa langit?” Sumagot siyang oo. Nang mamatay ito habang hawak-hawak niya, sinabi ni Luther, “Mahal kong Magdalene, nakatagpo ka ng Ama sa langit.”
Noong February 18, 1546, sa edad na 62, namatay si Luther sa Eisleben, kung saan siya ipinanganak, matapos maglakbay doon na mahina na ang katawan para pagkasunduin ang mga nag-aaway-away na mga opisyal (Counts of Mansfeld). Tinanong siya bago mamatay kung pinanghahawakan pa rin niya ang mga doktrinang itinuro niya, at ang huli niyang naitalang mga salita ay: “Mga pulubi tayo. Totoo ito.” Walang isang barya ang pulubi na maiaambag sa kanyang kaligtasan; utang niya ang lahat sa biyaya at awa ng Diyos. Namuhay si Luther nang may bukas na mga kamay ng pananampalataya. Isinulat niya:
Ang pananampalataya ay isang buhay at hindi matitinag na tiwala sa biyaya ng Diyos; napakatiyak nito, na may taong mamamatay nang isanlibong beses para rito. Ang tiwalang ito ay nagpapasaya, nagpapatatag, at nagpapagalak sa isang tao sa harap ng Diyos at ng lahat ng nilalang…Sa pamamagitan ng pananampalataya, gagawa ang isang tao ng mabuti sa lahat nang kusang-loob at masaya, magtitiis ng lahat para sa pag-ibig at papuri ng Diyos na nagpakita sa kanya ng ganitong biyaya. …Hilingin mo sa Diyos na pagkalooban ka ng pananampalataya; kung hindi, mananatili kang walang pananampalataya magpakailanman, anuman ang subukan mong gawin. (Preface to the Letter of St. Paul to the Romans [1545]; Romans 1-8, Reformation Commentary on Scripture, vol. VII, 55-56)
Hindi ikinahihiya ni apostol Pablo, ni Martin Luther, at ng iba pang mga Reformers ang ebanghelyo. Hindi rin natin ito dapat ikahiya. Sa halip, dapat nating ipangaral ang ebanghelyo nang hindi concern ang sarili nating reputasyon, masigasig, buong puso, buong tapang, at buong lakas sa church natin, sa ating mga kapamilya, sa ating mga kapitbahay, at sa buong mundo. Anuman ang mangyari. Anuman ang maging kapalit.
Bakit? Dahil ang ebanghelyo ay at mananatiling nag-iisang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan. Walang kaligtasan sa ibang pangalan maliban kay Cristo lamang (solus Christus, Christ alone), at natatanggap ito sa walang ibang paraan kundi sa pananampalataya lamang (sola fide, faith alone). Upang walang ibang pangalan ang maluwalhati, hindi ang kay Luther o ng sinuman, kundi ang pangalan lamang ng Diyos (soli Deo gloria, God’s glory alone).